The Night We Met in Intramuros

By Savestron

1K 186 42

What would happen if an introverted teenager unexpectedly had an imagination about a girl he hadn't met befor... More

Prologue
01
02
03
04
06
07
08
09
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
EPILOGUE
WRITER'S NOTE

05

25 6 0
By Savestron

WHAT TO DO?

NAGISING na lang ako habang pinagpapawisan nang sobra. Alam kong gising na si Jiovanni dahil wala na siya sa kama at tanaw ko rin na nakasindi ang ilaw sa banyo. Bago ako bumangon ay kinuha ko muna ang cell phone ko na nalaglag sa sahig. Tiningnan ko ang oras, mukhang hindi pa sumisikat ang araw. Hindi na muna ako bumangon, humilata pa ako sa sofa.

Maganda naman itong hotel room na nakuha ko-hindi masyadong malaki, hindi rin gaanong maliit. Sakto lang sa 'ming dalawa ni Jiovanni. Sa tabi ng sofa na hinihigaan ko ay mayro'ng hourglass na nakalagay sa maliit na lamesa.

Makalipas ang ilang nakababagot na minuto, bumangon na ako at nagtungo sa banyo pagkatapos ni Jiovanni. Napailing na lang ako nang i-flush ko ang ihi niya sa bowl. Dugyot.

Pagkatapos kong magsipilyo ay naghilamos naman ako. May tumubo pimple sa gawing ilong ko. Ang sakit, nasagi ko. Sigurado akong papansinin ito ni Railey mamaya.

Pagkatapos kong mag-toothbrush at maghilamos, umupo ulit ako sa sofa at nag-ayos ng mga gamit ko na nakalagay sa bag. Kailangan kong mag-ayos ng mga damit ko, hindi na magkakasya kapag ganito kagulo. Kailangan ko ring magpa-laundry sa susunod na araw. Bilin ni Mommy na huwag kong isusuot ang mga bagong damit hangga't hindi pa nalalabhan, mangangati raw ang katawan ko. Is that even true?

"Mauubusan ka ba ng damit? 'Dami niyan," bati ni Jiovanni sa mga damit ko na nakalapag sa sahig. Ibinato ko naman sa kaniya ang dalawang sando na binili ko para sa kaniya. "Naks, galante," aniya nang masalo ang mga damit. "Bugok, bakit naman mukha pa ng unggoy ang napili mong design?!"

Bagay lang naman, ah?

Wala siyang nagawa kung hindi tanggapin ang damit. Pabiro siyang umamba ng sipa pero tumama ang mga daliri ng paa niya sa paa ng lamesita. Agad siyang natumba dahil sa sakit. Namimilipit siya habang hawak ang namumulang mga daliri sa paa.

"Wheelchair?" tatawa-tawang alok ko habang pinanonood siyang namimilipit.

Nang maka-recover, humilata siya sa kama at inilaylay ang kaniyang mga paa. Nang maitupi ko ang ikatlong damit ay narinig ko na ang boses ni Railey. Kahit nasa hallway ay nagagawa pa rin niyang mag-ingay. Hindi kaya ireklamo kami ng mga tao rito?

"Wala na, nandiyan na 'yong maingay," dismayadong sabi agad ni Jiovanni.

"What's the meaning of this? Bakit may packing na nagaganap dito? Saan kayo pupunta? Lalayas kayo? Sige, umalis na kayo! Charot, ano'ng ganap? Bakit nag-eempake ka?" sunod-sunod niyang tanong pagkapasok na pagkapasok sa kuwarto.

Pag-upo ni Railey sa tabi ko, agad kong napansin na medyo malaki ang eyebags niya at medyo nangingitim pa, mukhang nakagat ng insekto. Napigilan ko naman ang sarili ko na matawa pero alam kong nahalata niya. Umirap siya saka lumingon kay Jiovanni, dahilan para tumawa nang malakas itong isang mapang-asar din.

"Ba't ganiyan ang mata mo?" tanong ni Jiovanni habang nakaturo sa mata ni Railey, tumatawa. "Parang nakikagat lahat ng insekto," dugtong pa niya at saka humalakhak.

"Talaga ba?" sagot naman nitong isa saka tumalon at dinaganan si Jiovanni.

"Mukha kang napuyat na panda," reklamo ni Jiovanni, patuloy lang sa pagtawa kahit hinahampas siya ni Railey.

Wala akong balak pigilan sila. Kahit mag-wrestling o magsuntukan pa sila, hindi ako makikialam. Trip nila 'yan. Pero nagtaka na lang ako nang bigla silang tumigil. "Oh, ba't tumigil agad kayo?" Tumingin ako sa kanilang dalawa nang seryoso.

"Hoy!" Ito na nga ba ang sinasabi ko kanina, nakita na niya. Kumaripas agad ng takbo si Railey palapit sa akin. Halos hindi na nga siya tumingin sa sahig habang pababa ng kama. "Sa'n mo nakuha 'yan?" Hindi ko alam kung nagtatanong ba siya o nang-iinsulto na.

Napailing na lang ako dahil tama ang hula ko, papansinin niya ang pimple na nasa ilong ko. "Aray," inis kong sabi bago ko tapikin ang kamay niya dahil sinalat niya ang ilong ko at talagang dinamay pati ang taghiyawat.

"Big time, ah. Sa'n mo nabili 'yan?" pang-iinis niya sa akin habang nakatakip pa sa kaniyang bibig ang kamay.

"Hindi 'yan binili, tanim pa niya last week 'yan, ngayon lang tumubo. Anihan na raw kasi." Sumingit naman si Jiovanni at muntik pang maibuga ang tubig nang uminom siya. Hindi ko pinalampas 'yon at agad akong umamba na akmang ibabato sa kaniya ang tumbler ko. "Oh! Masakit 'yan, bakal 'yan!" Mabilis niyang pinigilan ang balak kong pagpapalipad ng tumbler habang nakaharang ang mga kamay sa mukha.

"Anong 'wag? Sige na, Kiel, ibato mo na." Nakangiti pa sa akin si Railey habang ginagatungan ako.

Pagkatapos kong magtupi ng mga damit, tumayo na ako at kinuha ang towel ko.

"Ang aga namang ligo niyan," gulat na sabi ni Jiovanni nang makitang hawak ko na ang tuwalya ko. Tiningnan pa niya ako mula ulo hanggang paa.

Hindi talaga matatapos ang araw nang hindi nila ako napagtutulungang asarin. "Hayaan mo na, baka may date," kunwari pang bulong si Railey habang patingin-tingin sa akin.

Pagkabihis ko matapos maligo, umupo ako sa gilid ng kama at doon nag-cell phone. Baka may unread messages galing kay Mommy, pero mabuti na lang at wala. Nagsuklay na lang ako ng buhok nang matapos kong tingnan ang mga mahahalagang bagay sa cell phone ko. Muli akong tumayo at lumapit sa mini cabinet para mag-spray ng pabango.

Habang nakikita ko ang sarili ko sa salamin, hindi ko maiwasang mag-alala nang dahil sa kakaibang imahinasyong nakita ko. Nakita kong... mamamatay ang kapatid ni Railey na si Jullian. Ni hindi ko nga kilala ang kapatid niya, pero sa saglit na scenario na nakita ko, maging ang pangalan niya ay nalaman ko.

Agad akong napalingon at muntik ko pang mabitawan ang pabango ko dahil biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. Sinalubong ko ang hinihingal na si Railey na parang nakipaghabulan sa kung ano at halos mapaupo na sa sahig habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Lumabas nga pala siya kanina habang nasa banyo ako.

"Ano'ng nangyari sa 'yo?" Sana ay hindi totoo ang nakita ko.

Hindi agad siya nakasagot at tumingin lang sa akin nang seryoso. "Hindi ko nga rin alam. Bigla na lang akong kinabahan kaya tumakbo ako pabalik dito," habol-hininga niyang sabi. Naniniwala naman ako dahil bakas sa mukha niya ang magkahalong takot at kaba.

May mga pagkakataon na hindi ako ang kumokontrol sa imahinasyon ko. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay ako ang gumagawa nito. Minsan ay bigla ko na lang mai-imagine ang isang scenario pero hindi ko kayang kontrolin. Parang nanonood lang ako ng isang scene sa isang teleserye-nakikita ko, pero hindi ko nababago. At 'yon ang nangyari sa akin kanina.

"Kailangan mong..." Napahinto ako. Kailangang kong sabihin ito sa kaniya.

Tumingin naman siya sa akin at hinawakan pa ang mga kamay ko. Ang kaninang masayang biruan at mood naming tatlo ay bigla na lang nawala. Hindi ko namalayan kung gaano kabilis nagbago ang aura sa kuwartong ito. Napakabilis ng pagbabago. Bigla na lang nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Halos hindi na siya makakibo kahit hindi ko pa nasasabi ang sasabihin ko. Nakatingin lang siya sa akin.

"Kailangan mong umuwi ng Pampanga." Napasapo na lang ako sa aking ulo nang mapayuko ako matapos magsalita.

"Bakit?" Lumapit siyang lalo sa akin at mukhang hihilahin na ang dila ko dahil hindi ko maituloy ang sinasabi ko.

"May..."

"May ano? Kielvinson, sabihin mo na!" Niyugyog niya ang balikat ko, pilit inaalam ang nais kong sabihin. Tumayo siya at napasapo sa kaniyang noo habang palakad-lakad lang sa harapan ko. "Kielvinson, sabihi-"

"Kailangan mo nang umuwi sa Pampanga. Hindi ka na dapat sumama sa akin-sa amin. Mas kailangan ka nila ro'n." Sinabi ko na ang gusto kong sabihin bago pa siya matapos. Tumingin lang ako sa kaniya at walang ibang sinabi kun'di iyon.

Napatitig naman siya sa akin at pinunasan ang kaniyang pawis at luha. "Bakit? Ano pa'ng hindi ko nalalaman?" tanong niya.

"Kailangan ka ng kapatid mo, Railey. Kailangan niya ng yakap mo, kailangan ka niyang makita, kailangan mo siyang makita." Napahinto ako sandali. "Railey, kailangan ka ng kapatid mo." Hinawakan ko ang kamay niya kaya muli siyang lumapit sa akin.

Bakas na sa mukha niya ang pangamba at pag-aalala dahil hindi na siya mapakali. Kung saan-saan na siya tumitingin. Paniguradong marami na siyang tanong ngayon na maging ako ay hindi kayang sagutin. Humarap na lang siya sa 'kin at niyakap ako habang bahagyang hinahampas ang dibdib ko. Halos hindi na nga siya makatayo nang tuwid dahil sa sinabi ko. Hindi ko masabi sa kaniya na ipinakita sa akin ng imahinasyon ko na mawawala ang kaniyang kapatid dahil ayaw kong magkatotoo 'yon. Ayaw kong malaman na hanggang doon na lang ang buhay ng kapatid niya dahil wala akong magagawa para pigilan 'yon.

Sa kabilang banda, nag-aalala ako dahil alam kong alam na nilang dalawa ni Jiovanni ang kakaibang nangyayari sa akin-ang tungkol sa imahinasyon ko.

"Sige, ihatid ninyo ako. Uuwi na ako," walang pag-aalinlangang sabi niya habang tumatango.

Nabanggit niya sa akin noon na sakitin ang kapatid niya. Iyon lang ang tangi niyang nabanggit tungkol sa kaniyang kapatid. Hindi natatapos ang isang taon nang hindi raw ito naco-confine sa hospital. Dumating pa nga raw sa punto na muntik nang maging kritikal ang lagay ng kapatid niya at halos bawian ng buhay. I know how hard it is for them. I lost my father when I was young, kaya naiintindihan ko si Railey.

Tumalikod na siya at naglakad palabas ng kuwarto. Nang isara niya ang pinto ay sinundan ko siya sa labas dahil tingin ko'y sasagi sa isipan niya na binuo ko ang imahinasyon kong iyon. Mas malala pa dahil alam niya na halos lahat ng nai-imagine ko ay nagkakatotoo. Pero alam ko sa sarili ko na hindi ko 'yon ginusto. Hindi ko 'yon ginawa. Bigla na lang sumulpot sa isip ko at bigla kong nakita ang maaaring mangyari.

"Railey," pahabol kong sabi nang makalabas ng kuwarto. Huminto naman siya sa paglakad at nanatili lang sa kinatatayuan niya. "Alam mo namang hindi galing sa akin ang imahinasyong 'yon, 'di ba?" mahina kong sabi habang lumalapit sa kaniya. Hindi niya ako nilingon kaya hinawakan ko ang balikat niya pero bigla niya itong hinawakan at marahang inalis sa balikat niya.

"Bakit hindi ka gumawa ng imahinasyon para sa ganoon ay hindi mangyari ang nakita mo? Para hindi mapahamak ang kapatid ko-si Jullian," aniya. "Hindi ba puwede 'yon?"

Napabuntong-hininga ako sa kaniyang sinabi at napayuko na lang. "Railey, hindi ko kayang baguhin ang kahit anong mangyayari kung gagawin ko 'yon sa pamamagitan lang ng imahinasyon ko. Hindi ko kayang baligtarin ang hinaharap." Alam kong bakas na sa aking mukha ang kalungkutan habang binibigkas ko ang mga salitang lumabas sa aking bibig. Hindi ko alam kung maniniwala ba siya sa sinasabi ko, pero ang importante, nasabi ko ang totoo.

"Ano'ng mangyayari kay Jullian?" Bigla na siyang umiyak.

Inilihis ko ang tingin ko dahil ayaw kong makita na umiiyak siya nang dahil sa nalaman mula sa akin, nang dahil sa kakayahan kong ito. Kung kaya ko lang gawin ang hiling niya, ginawa ko na, pero hindi ko talaga kaya.

"Huwag ka ring umiyak diyan. Alam ko namang hindi mo ginusto 'yon." Biglang sumigla ang boses niya at tinapik ang balikat ko. "Gumayak na kayo, ihahatid niyo pa 'ko." Ngumiti siya sa akin nang pilit.

Naiwan ako sa hallway dahil dumeretso na siya sa kaniyang kuwarto para gumayak. 'Di na baleng magmukha akong tanga at desperado. Gusto kong pigilan ang maaaring mangyari kaya pumikit ako at pilit bumuo ng imahinasyon kung saan babaligtarin ko ang nakita kong pangyayari kanina.

Nakahawak ako sa magkabilang sentido ko at ginagawa ang lahat ng aking makakaya para magawa ang gusto kong imahinasyon. Nanginginig ang mga kamay ko habang buong lakas na sumusubok pigilan ang masamang pangyayari sa hinaharap.

Pero hindi ko nagawa. Sa pagkakataong ito, kahit saglit na imahinasyon lang ay hindi ko nabuo. Napasabunot na lang ako sa sarili ko nang hindi ako magtagumpay. Hindi lang isang bagay ang maaaring nakasasalay rito. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag mayroong nangyaring masama sa mga kaibigan ko, maging sa mga mahal nila. Sabihin man nilang hindi ko kasalanan, pero hindi pa rin 'yon magiging sapat para hindi ko sisihin ang aking sarili.

I was close to breaking down when somebody touched my shoulder. Dahil sa sobrang gulat, bigla ko siyang nasuntok. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Nang matauhan ako ay tumambad sa harapan ko si Jiovanni. Nakahawak siya sa kaniyang dumudugong labi. Nagulat na lang ako nang mapagtanto ko kung ano ang aking ginawa. Nasisiraan na yata ako ng ulo. Nababaliw na yata ako.

"Aray," mahinang daing niya habang pinupunasan ang kaniyang dumudugong labi.

Dinig ko ang mabigat kong paghinga na para bang mauubusan ako ng hangin. Pinunasan ko ang luha na tumulo sa aking mukha, pati ang pawis ko.

"Ano'ng nangyayari sa 'yo?" nag-aalala niyang tanong habang nakalapat sa labi niya ang kaniyang damit. Hindi siya nagalit sa ginawa ko. "Ano'ng nangyari sa 'yo?" pag-ulit niya sa kaniyang tanong na sa puntong iyon ay di ko masagot. Napasandal na lang ako sa pader ng hallway at tumingala habang hinahayaang gumaan ang pakiramdam ko.

"Tara nga sa loob." Bigla niyang hinila ang braso ko kaya sumunod na lang ako sa kaniya. "Ba't sinapak mo ako? Ano'ng nangyayari sa 'yo, ha?" nagtataka niyang tanong sa 'kin at saka siya humalukipkip.

"Sobrang gulo lang talaga ng isip ko," sagot ko habang sinasabunutan ang sarili dahil sa frustration. "Pasensiya na." Tiningnan ko ang dugo sa damit niya. "Masakit ba?"

Tatawa-tawa siya nang marinig ang sagot ko. "Bakit? Ano'ng nangyayari?"

Tumawa ako nang patago at marahan kong inihiga ang katawan ko sa kama. "Alam mo naman... nabanggit ko naman na sa 'yo ang tungkol sa mga bagay na nakikita ko sa imahinasyon ko, 'di ba? Alam mo ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon, kung ano'ng pakay ko."

"Oo, alam ko. Ano ngayon? Ano'ng nangyayari sa 'yo?" Tumango siya sa akin habang nakahalukipkip pa rin.

"Hindi kaya..." Iniangat ko ang kamay ko para tingnan ang oras sa 'king relo. Naguguluhan na ako nang sobra. Hindi ko na alam kung tama pa ba na magpatuloy ako. Hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin. "Hindi kaya oras na para tumigil ako?"

Continue Reading

You'll Also Like

13.2K 1.1K 53
Mortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.
1.1K 724 25
[OLD] Dahil sa utang at pangangailangan ng pera ng Pamilyang Criste ay natigil mag-aral si Faye, lalo pa't iniwanan sila ng kanilang ama nang lumulub...
26K 2.3K 33
~•~•~ Mistake Duology: Book 1 Cutiee Series X ~•~•~ A normal freshman, Kristine Abella, wanted nothing but to keep her peaceful life and have Chad's...
1.9M 79.6K 45
Alluring Series #1 Eris Julian Monterico Started: March 30, 2020 Finished: June 30, 2020 All rights reserved 2020 Credits to Voltage Inc for the back...