Golden Scenery of Tomorrow (U...

By 4reuminct

73.8M 2.9M 10.5M

UNIVERSITY SERIES #5. Ever since they were kids, Avianna Diaz from UST Architecture and Larkin Sanchez from... More

PROLOGUE
02
03
04
05
06
07
08
09
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
33
34
35
36
37
38
39
40
41
42
43
44
45
46
47
48
49
50
EPILOGUE
Author's Note

01

2.2M 77.7K 279K
By 4reuminct


"Via! Anak, gising na! May pasok ka ngayon!" 


Rinig na rinig ko ang sigaw ni Papa sa baba pero sa totoo lang, hindi naman na niya 'ko kailangan gisingin dahil kanina pa 'ko bumangon para magluto ng breakfast ng mga kapatid ko, pati ang baon nila. Umakyat lang ulit ako para maligo at mag-suot ng uniform. Isang kulay gray na palda na hindi lumalagpas sa tuhod, white na knee socks, at white blouse na naka-tuck in sa palda. May kasama pa iyong grey na necktie at I.D lace. Sa necktie ay may nakalagay na 1st year H.S. 


Iyon ang uniform ng Valeria High School. Hindi ko naman talaga gustong doon pumasok pero nakatanggap ng discount si Papa roon sa kaibigan niya tungkol sa tuition fee. Ang sabi nila, naiiba raw ang school na 'yon sa ibang high school dito sa Manila. Para sa 'kin, pare-pareho lang naman 'yon. Basta makapag-aral ay okay na. 


Kinuha ko ang puti kong bag at sinabit sa balikat ko bago ako bumaba. Pagkapasok ko sa kusina ay nag-aaway na naman ang dalawa kong nakababatang kapatid na babae sa pink na lunchbox na hinanda ko kanina. 


"Ate, oh! Si Alysha, inaagawan ako! 'Di ba akin 'to?!" Inagaw ni Almira 'yung pink na lunch box. 


"Pareho lang ang laman niyan. Huwag n'yong pag-awayan," seryosong sabi ko habang kumukuha ng tubig para lagyan ang water jug nilang dalawa. "Ang tanda mo na, Mira, nakikipag-agawan ka pa sa kapatid mo." 


8 years old na si Mira at 5 years old naman si Ysha. Pareho na silang nag-aaral sa malapit na school dito sa bahay pero elementary si Mira at kinder pa lang si Ysha. Kakamatay lang ng nanay ko sa sakit last year kaya ako na ang tumatayong ina sa mga kapatid ko bilang panganay o pinakamatanda sa kanilang lahat. 


"Anak, late na 'ko! Ipapabantay ko na sa kapitbahay 'tong si Aidan, ah!" Bumaba ulit si Papa, buhat-buhat ang bunso kong kapatid na lalaki. 2 years old pa lang siya. 


Walang maiiwan sa bahay kaya kapag wala kami, pinapabantayan na lang si Aidan sa kaibigan ni Papa. May pasok kasi siya sa construction kaya lahat kami ay wala tuwing may pasok. Hindi ko naman pwedeng dalhin si Aidan sa school dahil hindi ako makakapag-aral nang maayos. 


"Pa, 'yung baon mo!" Sigaw ko bago siya lumabas ng bahay. Tumakbo pa 'ko para i-abot 'yon sa kaniya bago siya umalis. Isasara ko na sana 'yung pinto nang biglang may lumitaw na lalaki sa tapat ng bahay, tumatakbo pa. Huminto lang para mag-mano kay Papa bago kumaway sa 'kin. 


"Hoy, Via! Aga-aga, nakabusangot mukha mo! Dalian mo! Late na tayo!" Sigaw ni Arkin. Nambubulabog pa ng kapitbahay. Nakakahiya. 


Si Arkin o Kino, best friend ko. Magkaibigan na kami simula pa lang noong pinanganak kaming dalawa dahil magkaibigan ang nanay namin, pati ang tatay. Sobrang dikit ng pamilya naming dalawa kaya naging close na rin kami. Hindi ako pala-kaibigan dahil iniisip kong hindi ko naman kailangan. Masyado na 'kong maraming pinagkakaabalahan at sa tingin ko kasi ay dagdag lang sa drama sa buhay ang magkaroon ng kaibigan. Ang sabi nila, marami raw plastikan at gulo sa highschool kaya mas gusto ko na lang mag-isa... Pero dumating 'tong kumag na 'to, e. 


"Mira! Ysha, halika na! Ihahatid na namin kayo!" Sigaw ko sa labas. Nagsitakbuhan naman ang mga kapatid ko palabas ng bahay bago ko sinara ang pinto. 


"Kuya Arkin!" Bati ni Mira. Tumakbo naman si Alysha para magpabuhat kay Arkin. Ganito kami palagi araw-araw tuwing may pasok. Susunduin ako ni Arkin sa bahay dahil hindi naman ganoon kalayo ang bahay nila sa amin, tapos sabay naming ihahatid ang dalawa kong kapatid sa school bago kami magje-jeep papunta sa Valeria High. 


Hindi ko alam kung bakit ako sinusundan nitong si Arkin palagi! Pati ba naman school! Ang alam ko roon dapat siya mag-aaral sa all-boys school! Ano nga ulit pangalan ng school na 'yon? Lopez High School ata. May isa pang malapit, e. Heinrich International School kaso puro mayayaman ang naroon kaya ayaw niya. 


"Susunduin kayo ni Papa mamaya, ha. Kapag late siya, text mo 'ko, Mira," bilin ko sa kapatid ko pagkahatid sa tapat ng gate ng school. Binigyan ko siya ng lumang phone para naman kapag may kailangan siya ay matatawagan niya 'ko. 


"Opo, Ate," sagot niya bago pumasok, hawak-hawak ang kamay ni Ysha. 


Napatingin ako kay Arkin na kumakaway sa mga kapatid ko hanggang sa mawala na sila sa paningin namin. Naglakad na 'ko sa gilid ng daan para maghintay ng jeep, kinakabahan na dahil baka ma-late ako sa school kahit malapit lang naman. 


"Relax lang, Via. Hindi ka naman mado-drop kapag na-late ka nang isang beses," prenteng sabi ni Kino, nakahawak pa sa likod ng ulo at parang walang iniisip sa buhay. 


Pinagmasdan ko ang itsura niya. Bagong ligo pa. Naka-suot ng grey na slacks at white na polo, tapos grey na necktie din. Pareho lang kami ng year, pero magkaiba kami ng section dahil randomized sa amin. Amoy presko pa siya at parang naligo sa pabango. In fairness sa kaniya, kahit ganito siya, malinis siya sa katawan niya, ha. 


"Ano na namang iniisip mo sa 'kin? Mapanghusga ka." Sinamaan niya 'ko ng tingin nang mapansing nakatitig ako sa kaniya. 


Hindi ko siya pinansin dahil huminto na ang jeep sa harapan namin. Siksikan kaya nahirapan akong humanap ng upuan. Si Kino, talagang siniksik pa ang sarili niya sa tabi ko! Parang mamamatay siya kapag nahiwalay sa 'kin! Para siyang tutang nakahanap ng amo! Sunod talaga nang sunod! 


"Ako na," mayabang na sabi niya sabay labas ng wallet para mag-abot ng bente sa driver ng jeep. "Dalawa ho, estudyante! Diyan lang po sa Valeria High!" Sigaw niya pagkaabot dahil medyo maingay ang tambutso ng ibang sasakyan sa labas. 


Tahimik lang ako habang pinapanood ang pag-andar ng mga sasakyan sa labas habang si Arkin ay nag-suot ng earphones para makinig ng music habang nag-iintay. 


"Para ho!" Sigaw niya nang makarating kami sa tapat ng school. 


Bumaba kaming dalawa. Hinawakan pa niya ang kamay ko para alalayan ako pababa ng jeep kahit hindi naman kailangan. Kinuha ko ang bag ko bago kami pumasok sa gate para ibigay sa kaniya ang lunch box niya. Ang papansin kasi nito! Gusto siya rin may lunchbox! Hindi ko naman siya kapatid! 


"Mamaya ko na kukuhanin sa room n'yo!" Pagpupumilit niya. 


"Huwag ka na nga punta nang punta sa room! Dala mo pa mga tropa mo!" Inis na sabi ko sa kaniya. Pinagtitinginan kami ng ibang estudyanteng pumapasok dahil nag-aaway kami sa tapat ng gate. "Tsaka natatakot sa 'yo ang mga kaklase ko!" 


"Bakit naman?! Nakakatakot ba 'ko?!" Hinawakan pa niya ang mukha niya. 


"Malamang! Basagulero ka raw kasi, bwisit ka!" Pilit kong inabot sa kaniya ang lunch box. "Palagi ka kasing nakikipag-away!" 


Ibang iba si Arkin kapag nasa school at tsaka kapag kasama ako kaya minsan, mas gusto ko na lang na huwag ma-link sa kaniya sa school! Paano, natatakot sa kaniya ang ibang estudyante dahil ang dami niyang tropang lalaki tapos parang siya ang 'leader' ng kalokohan! Minsan, nakikipag-away pa ang mga tropa niya. Hindi naman siya ganoon pero nadadamay siya palagi at pangalan niya ang kumakalat dahil mga kaibigan niya 'yon. 


"Hindi ako nakikipag-away, ah! 'Yung mga tropa ko ang nakikipag-away! Nanonood lang ako!" Depensa niya sa sarili niya.


"Ah, ganoon din 'yon! Basta, kuhanin mo na 'to! Huwag ka na pumunta sa room!" Inabot ko ulit sa kaniya ang lunch box. Dahil ayaw niyang kuhanin, inagaw ko ang bag niya at sapilitang nilagay 'yon doon bago ako tumakbo papasok ng malaking school. 


"Via! Hintayin mo 'ko!" Rinig kong sigaw niya pa. 


Napairap ako at dali-daling pumasok sa room. Dire-diretso lang akong umupo sa may pinakagilid ng 2nd row at nilapag ang bag ko sa tabi ng upuan. Nilabas ko na rin ang jacket ko dahil malamig ang aircon ng room. Ang aga-aga, nagkakagulo ang mga kaklase ko. May nagkekwentuhan, may nag-cacram ng assignment, may sumasayaw, ewan ko ba. Sinuot ko na lang ang salamin ko at nagpahalumbaba habang hinihintay ang bell. 


"Good morning, class!" Bati ng adviser naming si Ma'am Espina. "First things first, attendance!" 


Nagsi-balikan kaagad sa upuan ang mga kaklase ko. Sa totoo lang, hindi ko pa rin masyadong kabisado ang pangalan ng iba dahil hindi naman ako ganoon nakikipag-usap sa kanila. Tuwing break time, mag-isa lang ako o kaya kasama ko si Arkin sa likod ng school. 


"Diaz, Avianna Rye?" 


Tinaas ko ang kamay ko. "Present." At bumalik na ako sa pagbabasa ng libro. 


Pagkatapos ng attendance, may singilan pa ng class funds, at nagkaroon ng mga announcement sa school bago pa sinimulan ni Ma'am ang lesson. Dahil patapos na ang school year ay uso na naman ang mga groupwork. Ito ang pinakaayaw ko, e. Kung kani-kaninong group na lang ako madalas napupunta. Kung saan may kulang, doon na lang ako. Ako ang pinakahuling nagkakaroon ng group. Actually, mas gusto ko nga ang individual projects pero hindi naman ako pwedeng mag-speech choir mag-isa o kaya mag-dance performance. 


"Group yourselves into three para sa art project," pag-announce ni Ma'am. "Kayo na bahala mag-group. Pass the names of your members in a 1/4 sheet of paper." 


Nagsitayuan na ang iba para mag-hanap ng sari-sariling groupmates habang ako, naghihintay na lang kung sino ang maghahanap ng isa pang member dahil kulang ang iba. Binalik ko na lang ang tingin ko sa librong binabasa ko. 


"Sige na, ikaw na kumausap!" Rinig kong bulong ng babae sa likod ko. 


"Jack en poy tayo. Kung sino matalo, siya ang-" 


Napatigil sila sa pag-uusap nang lumingon ako. Saka ko lang narealize kung sino ang dalawang babaeng nag-aaway sa likod ng upuan ko. Hindi ko alam kung ako ba ang tinutukoy nilang dalawa.


"Hello! Gusto mo sumali sa group namin? Dalawa lang kami!" Ngumiti si Luna. Paanong hindi ko matatandaan ang pangalan niya, e active na active siya sa klase? 


"Sali ka na, ha! Susulat ko na name mo!" Sabi naman ng pinsan niyang si Kierra. Anak siya ng may-ari ng school. Mommy niya ata. "Avianna, 'di ba? Tama ba spelling?" Pinakita niya sa 'kin 'yung paper. 


Hindi pa nga ako sumasagot, sinulat na nila pangalan ko. Oh well, wala naman akong pakialam kung sino ang magiging kagrupo ko. Okay na rin silang dalawa. 'Yung isa, active sa klase. 'Yung isa, mukhang marunong mag-drawing. 


"Double n," sabi ko kay Kierra dahil mali ang spelling ng pangalan ko. 


Hinatak ni Luna ang isang upuan palapit sa akin at umupo siya roon nang pabaliktad. Nanlaki ang mata ko dahil nakapalda siya. Natakpan naman ang binti niya ng jacket pero nagulat pa rin ako. 


"Bakit Via ang nickname mo? Bakit hindi Anna?" Walang kwentang tanong ni Luna. 


"Bakit hindi Avi?" Tanong din ng pinsan niyang si Kierra. 


"Ewan ko," maikling sagot ko. Wala na ba silang masabi o ganito lang talaga ugali ng dalawang 'to? Mukhang mahilig mang-trip, e. Sana lang mabait silang dalawa at hindi nila ako aawayin habang ginagawa ang project. 


"Ma'am! Group 1 kami!" Tumayo kaagad si Luna para ipasa ang paper pagkatapos na pagkatapos ni Kierra magsulat. Nakangisi siyang bumalik sa upuan niya kanina para makipag-meeting. 


"Sinong leader?" Nagtatakang tanong ko dahil parang hindi namin napag-usapan. 


"Huh? Akala ko ikaw?" Kumunot ang noo ni Luna. 


"Huh?" Tanong ko pabalik dahil wala naman akong sinabing ganoon. 


"'Di ba, Ke? Sabi niya kanina?" Patay-malisyang sabi ni Luna sabay tingin pa sa pinsan niya. Nang makita niya ang itsura ko ay tumawa siya nang malakas. "Joke lang, eto naman!" 


"Ako ang leader," sabi ni Kierra. "Anong Facebook mo, Via? Add kita mamaya tapos gawa tayo ng group chat. By the way, may naisip na si Luna na gagawin natin para sa project. Ito 'yung sketch. Okay lang ba sa 'yo?" Naglapag siya ng notebook sa desk ko. 


Napaawang ang labi ko nang makita ang 'sketch' ni Luna. Sketch pa ba 'yon? Mukhang pwede na nga 'to i-display sa labas, e. Ngayon ko lang na-realize na may natural talent pala si Luna sa pagda-drawing pero mukhang wala lang sa kaniya 'yon. Kinakalikot lang niya ang labi niya habang hinihintay ang sasabihin ko. Nang magtama ang tingin namin ay nginitian niya 'ko. She even scrunched her nose like a happy kid. 


"Avianna Diaz ang facebook ko. 'Yung walang profile picture, ako 'yon," sagot ko sa tanong ni Kierra kanina. "Ah, okay na pala ako rito. Sa illustration board natin gagawin 'di ba?" 


"Yes! Gusto mo ba mag-color? Tulungan ka namin. Or gusto mo rin mag-draw?" Tanong ni Kierra. 


Ang project kasi ay mag-drawing sa illustration board ng isang historical place sa Philippines. Ang pinili ni Luna ay 'yung sa Vigan, Ilocos. Hindi naman daw kailangan sobrang ganda pero napa-group pala ako sa artistic students. 


"Gusto mo sumama sa amin mag-lunch? Palagi ka kasing mag-isa, e. Pag-usapan na rin natin 'yung project!" Pag-aaya sa 'kin ni Luna. 


Nakakausap ko naman sila rati pa pero puro casual conversations lang. Ngayon lang humaba nang ganito ang usapan namin. Inaya pa niya 'ko mag-lunch. Hindi ko alam kung dahil ba gusto nila mag-meeting o dahil gusto nila 'kong maging kaibigan. 


"Kung pag-uusapan 'yung project, sige." Wala naman akong ibang dahilan para makipag-lunch sa kanila. Hindi ko naman hilig makipag-kaibigan, e. 


Ganoon na nga ang nangyari. Sinama nila akong dalawa sa canteen para kumain. May baon ako kaya nilabas ko na lang 'yon sa table at kumain. Pagkabalik ni Kierra at Luna, may kasama na silang isa pang lalaki na mukhang kasing-edad lang namin. Ah, kilala ko pala 'to. Nakaaway ni Arkin dati, e. Lance, ata. 


"Via, si Lance. Boyfriend ko!" Pagpapakilala ni Luna. 


Boyfriend. May boyfriend na pala siya? Mukhang nakakatakot 'yung lalaki. Balita ko palagi rin 'tong nakikipag-away. Hindi sila bagay ni Luna. Kahit maingay si Luna, mukha naman siyang mabait. 


"Sinong kausap mo kanina?" Tanong ni Lance kay Luna. Hindi man lang ako binati pagkatapos ipakilala. "'Yung lalaki?" 


"Huh? Classmate ko!" Umupo si Luna sa tapat ko at nilapag ang plato. 


"'Di ba sabi ko layuan mo 'yon? Tsaka saan ka galing kagabi? Pinayagan ba kita?" Inis na sabi ni Lance.


Napakunot ang noo ko nang marinig ko ang usapan nilang dalawa. Ano raw? Tama ba ang pagkakarinig ko? Ano siya, tatay ni Luna? Kahit hindi ako ang nasa lugar, naiinis ako! Hindi na lang ako nagsalita at tahimik na kumain. 


"Gotcha!" Muntik na 'kong mabulunan nang biglang may sumakal sa leeg ko gamit ang braso. Naamoy ko kaagad ang pabango ni Arkin. 


Nagulat si Kierra at Luna nang biglang lumitaw si Arkin sa tabi ko. Napaangat din ang tingin ni Lance at nanlaki ang mata nang magtama ang tingin nilang dalawa ni Arkin. Kumunot naman ang noo ni Kino at tinaasan ng kilay ang boyfriend ni Luna, nagtataka kung bakit ko kasama. 


"'Di ba suspended ka?" Walang pakialam na tanong ni Kino sa kaniya, maangas pa ang tono. Kaya nasasabihan ng mahilig makipag-away, e! 


"Usap tayo mamaya," sabi ni Lance kay Luna bago nagmamadaling umalis, mukhang natakot. Hindi ko alam kung bakit. 


"Ba't mo naman kasama 'yon? Tropa mo na 'yun?" Nagtatakang tanong ni Arkin sa 'kin habang nakasabit pa rin ang braso sa balikat ko. Nakatayo kasi siya at nakaupo ako. 


"Kasama ko group mates ko. Doon ka nga," bulong ko sabay siko sa kaniya paalis. Pinapanood kasi kami nila Luna! Nakakahiya. 


"Hello, group mates!" Ngumiti pa si Arkin sa dalawa at kumaway. "Sige na nga, alis na 'ko. Hoy, hihintayin kita sa gate, ha. Sabay tayo uuwi. May training ka ba?" 


"Mamaya, mayroon. Huwag mo na 'ko hintayin." Tinulak ko ulit siya paalis. Ngumisi lang siya at ginulo ang buhok ko bago tumakbo paalis, papunta roon sa mga tropa niyang lalaki. Inakbayan niya ang isa at hinatak paalis. 


"Boyfriend mo?" Tanong ni Kierra.


"Huh?! Hindi, ah!" Tanggi ko kaagad. 


Ilang beses na kaming napapagkamalang mag-jowa at walang sawa kong tinatanggi palagi 'yon! Si Kino tsaka ako? Labo! Hindi mangyayari 'yon. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa kaniya. 


Mas lalong hindi ko nakikita ang sarili kong may jowa. Marami na 'kong iniisip! Dagdag lang 'yun! Tsaka... Bata pa ako! Hindi ko pa iniisip ang mga ganoon. Mas iniisip ko ang mga kapatid ko at pag-aaral ko. 


Wala naman kaming masyadong pinag-usapan nila Luna. 'Yung materials lang at kung kailan namin gagawin. Weekend ang usapan at sa bahay daw nila Kierra gagawin. Malapit lang daw sa school 'yon kaya pumayag ako. Wala naman akong choice dahil hindi ko pwedeng gawin ang project mag-isa.


Pagkatapos ng class, may training ako sa volleyball. Napilit lang ako dahil player ako noong elementary at may bawas sa tuition kapag athlete. Hindi naman ako ganoon kagaling kaya hindi pa 'ko naglalaro sa mga sports event pero okay na rin. May natututunan naman ako. 1st year pa lang naman ako, e. 


Nag-training kami sa covered court ng school dahil basa ang court sa labas. Umulan pala saglit kanina. Nakihati tuloy kami sa basketball players. Okay na rin para hindi mainit. 


"Pst, naka-black! Pwede paabot ng bola... po. Sorry!" Sigaw ng isang basketball player habang inaayos ko ang gamit ko. Nagpalit na ako ng damit kanina bago mag-training at hinihintay ko na lang ang ibang teammates ko sa covered court. 


"Kuhanin mo na, Sevi!" 


Kinuha ko ang bola na tumama sa pader sa gilid ko at inabot sa matangkad na player nang huminto siya sa tapat ko. Ah, eto pala 'yung lalaking pinagkakaguluhan nila palagi kapag may laro, pati sa ibang school. Siya 'yon, panigurado. Gwapo, e. 


"Salamat, lodi!" Ngumisi siya at sumaludo pa bago tumakbo pabalik sa court. Nang ibato niya ang bola, nagulat pa 'ko nang ma-shoot 'yon. Mukhang confident din siya na masho-shoot nga 'yon dahil tinaas na kaagad ang dalawang peace sign. 


Nag-simula na ang training nang dumating na ang coach namin. Maikli lang 'yon dahil malayo pa naman ang laro sa ibang school. Setter ako pero may mas magaling pang setter sa akin. Dahil fourth year na siya, ako ang tinuturuan niyang papalit sa kaniya next year. Siya ang partner ko palagi pag nagte-training. 


Pagkatapos ng training, nagpalit na ulit ako ng shirt at nauna nang lumabas ng court para umuwi. Nagulat ako nang makitang naghihintay pala si Arkin sa bench. Ang sabi ko kanina huwag na niya 'ko hintayin, ah! 


"Tapos ka na?" Tanong niya sabay tayo at suot ng backpack niya. 


"Sabi ko sa 'yo, umuwi ka na, e." Umiling ako at naglakad na paalis habang nakasunod naman siya sa 'kin. 


Napatigil ako sa paglalakad nang huminto siya sa tapat ko at kinuha ang bag ko para siya na ang mag-buhat pauwi. Dala ko naman sa kabila ang paper bag na may sapatos ko. Hindi na nagkasya sa bag ko kanina. Nakalimutan ko ang susi ng locker ko kaya hindi ko malagay doon. 


"Sabi ko rin sa 'yo, sabay tayo uuwi," pakikipagtalo niya pa. 


Dapat ata masanay na 'ko kay Arkin dahil wala atang araw na hindi niya 'ko sinabayan umuwi at pumasok sa school. Kahit sabihin kong umuwi na siya dahil may training, hindi pa rin siya pumapayag. Madilim na kasi kami pinapalabas at sabi niya hindi raw siya mapapakali kapag ako lang ang uuwi mag-isa. Kaya ko naman! 


Sumakay na ulit kami ng jeep pauwi. Ako na ngayon ang nag-bayad para sa pamasahe niya para quits kami kanina. Nang mahatid niya 'ko sa bahay, akala ko aalis na siya pero pumasok pa siya kaya inaya na siya ni Papa na roon na mag-dinner! 


Napailing na lang ako at umakyat para mag-shower. Nag-bihis na lang ako ng shirt at shorts bago pumasok sa kwarto ko. Hindi na 'ko nagulat na naroon siya, hawak-hawak ang gitara ko. Actually, gitara 'yun ni Mama. Iniwan niya sa 'kin. 


Nakaupo si Arkin sa sahig at nakasandal ang likod sa pader habang tumutugtog ng kung ano sa gitara. Member siya ng music club. Magaling kasi siyang tumugtog ng mga instruments. Iyon ang talent niya. 


"Tugtugin mo nga 'yung More Than Words. Titignan ko lang." Inabot niya sa 'kin ang gitara kaya kinuha ko 'yon at pinatong sa binti ko. "Kantahin mo na rin." 


Tinignan ko muna kung nasa tono ang gitara bago ko sinimulan tugtugin ang More Than Words by Extreme. Tinuruan ako mag-gitara ni Mama noon kaya ginawa ko na lang din siyang hobby. 


"Saying I love you... is not the words I want to hear from you," I sang. "It's not that I want you.. Not to say, but if you only knew..." 


He started singing the second voice while I was strumming the guitar. Hindi lang siya magaling tumugtog, magaling din siyang kumanta. Lahat na ata kinuha niya kaya ang dami ring nagkakagusto sa kaniya sa school kahit pala-away daw siya. Ganito lang ang ginagawa namin tuwing pumupunta siya rito. Ang sabi niya, gusto niya raw mag-sulat ng kanta pero hindi niya raw alam paano sisimulan. 


"Kumusta na 'yung kantang gusto mo isulat?" Tanong ko pagkababa ng gitara. 


"Wala pa. Hindi ko nga alam kung tungkol saan, e." Napakamot siya sa ulo niya. "Ikaw ba? May balak ka?" 


Umiling ako. Hindi ko naman kina-career ang pag-kanta at pag-gitara ko. Pakiramdam ko nga nahawa lang si Arkin sa pagtugtog ko pero siya ang mas gumaling sa aming dalawa. Baka gawin niyang career 'yan, ah. Ang sabi niya ngayon, wala pa raw siyang plano sa college. Sabagay, matagal pa naman 'yon. 


"Dito ako tulog sa weekend!" Sabi niya habang nag-aaral ako. Hawak niya na naman ang gitara ko. 


"Wala ako sa weekend. Pupunta ako kila Kierra para gumawa ng project," sabi ko. "At bawal kang sumama." Inunahan ko na rin siya dahil alam ko na ang sasabihin niya. 


"Bakit?!" Reklamo niya. "Tahimik lang ako! Tutulong na rin ako!" Umiling ulit ako para tumanggi. "Yiee, gusto ng alone time with her new friends." Ngumisi siya para asarin ako. 


"We're not friends," sagot ko kaagad sa kaniya. "Group mates lang kami." 


"Bakit naman hindi? Makipag-kaibigan ka naman! Minsan, ako nag-aalala sa 'yo, e. Subukan mo kaya? Mukha naman silang mabait, ah," pagpupumilit niya. 


Ganiyan naman palagi si Arkin. Pinipilit niya 'kong makipag-kaibigan sa mga tao. Minsan, siya na ang humahanap ng mga kaibigan para sa 'kin pero hindi ko talaga kaya, e. Hindi ako mahilig makipag-halubilo sa ibang tao. I mean, may mga nakakausap ako, oo, pero hindi ko naman sila tinuturing na kaibigan dahil baka hindi naman ganoon ang tingin nila sa 'kin. 


"Sige na, tanungin mo sila sa weekend kung gusto nila makipag-friends sa 'yo!" Hindi pa rin talaga siya tapos doon. 


"Ayoko," maikling sabi ko. "Hindi naman makikipag-kaibigan 'yun sa 'kin." 


Si Luna at Kierra? Pareho silang malayo sa 'kin. Imposibleng maging magkaibigan kami. Hindi nila ako trip. Parang pareho silang 'out of my league.' 


"Sinong ayaw makipag-kaibigan sa 'yo?!" Reklamo niya. "Una, may libre kang baon sa lunch. Pangalawa, may libre kang baon sa lunch... At pangatlo, may libre kang baon-" 


"'Yan lang talaga 'yung perks na naiisip mo, 'no?" Hindi ko alam kung maiinsulto ako o ano! Parang sinasabi niyang iyon lang ang benefit kapag kaibigan ako! Malakas pa siyang tumawa para mang-asar lalo. 


"Hindi, seryoso. Via... Kung hindi tayo magkakilala ngayon, gugustuhin ko pa ring makipag-kaibigan sa 'yo," seryosong sabi niya. "You're great as a person." 


"Hindi bagay sa 'yo magseryoso. Tigilan mo 'yan." Napairap ako. 


"Sige, deal na lang tayo. Hindi na 'ko manghihingi ng baon sa 'yo kapag naging kaibigan mo sila! Deal?! Subukan mo lang!" 


Napatingin ako sa kaniya. Hindi naman against sa will kong ipagluto siya ng lunch parang sa mga kapatid ko pero... Tama, makakatipid ako kapag hindi siya dumadagdag! At hindi na rin niya 'ko pupuntahan sa lunch! 


"Deal," sabi ko. 


Bahala na. Sigurado naman akong ayaw nila akong maging kaibigan pero susubukan ko na lang din. Hindi ko naman sila kailangan araw-araw samahan kapag naging magkaibigan kami 'di ba? Kailangan ko ba silang kausapin araw-araw? Kailangan ko bang i-kwento ang buhay ko sa kanila? Hindi ko alam! Napapaisip tuloy ako lalo. 


Hanggang sa dumating na ang weekend, iyon lang ang iniisip ko. Ganito ba talaga kahirap humanap ng kaibigan?! Kailangan ko ba noon?! Si Kino pa nga lang, hindi ko na kaya i-handle! 


"Pasok ka, Via!" Nakangiting sabi ni Kierra pagkabukas ng pinto ng bahay nila. Ang laki ng bahay nila, ah. "Luna, eto na siya!" 


"Via! Hi!" Tuwang tuwang bumaba si Luna sa hagdan, may hawak pang lapis. "Halika! Doon tayo sa kwarto ni Ke! Tignan mo 'yung drinawing ko! Malapit na siya magkaroon ng itsura!" Mukhang excited siya. 


Inakbayan ako ni Kierra paakyat sa kwarto niya. Wala raw ang parents niya kaya hindi na 'ko nakabati man lang. Pagkapasok sa kwarto ay umupo na 'ko sa sahig, katabi ng illustration board. Proud na pinakita sa 'kin ni Luna ang drawing niya, nakangisi pa. 


"See?! Wait, halata bang kabayo 'to o hindi?" Tinuro niya ang drawing niya. 


"Ah, mukhang..." Mukhang dragon... Pero hindi ko na sinabi 'yon. "Mukhang kailangang ulitin." 


Malakas na tumawa si Kierra sa sinabi ko kaya sinamaan siya ng tingin ni Luna. Binaba niya ulit ang illustration board at binura ang drinawing niyang kabayo. Na-guilty tuloy ako! Galit ba siya? Nagalit ba siya sa sinabi ko or nasaktan? 


Magsosorry na lang ako. "Luna-" 


"Sinundan ko lang kaya 'yung drinawing mo, Ke! Kapal ng mukha mo tumawa, e sa 'yo galing 'yon! Tignan mo, kapag ako ang nag-outline talaga, mas maganda!" Binato ni Luna ng unan ang pinsan niya bago dumapa sa sahig at nag-drawing ulit. "Yes, Via? May sasabihin ka ata kanina?" 


"Ah, wala..." Mukha namang wala siyang pakialam sa sinabi ko kanina. Bakit ba ako natakot kung galit siya? May... pakialam na ba 'ko sa iisipin nila sa 'kin? 


"Kierra?" Napaayos kaagad ako ng upo nang may kumatok sa labas ng kwarto. Nang bumukas ang pinto, nakita ko ang Mommy niya ata. Kamukha niya, e. Sumilip siya sa loob at mukhang kakarating lang dahil may bag pang dala. "Did you eat already?" Tanong niya sa amin at ngumiti. 


"Nagpakuha na 'ko ng snacks, Mommy!" Sagot ni Ke. "Ah, by the way! Si Via pala!" Pagpapakilala niya. 


"Si Via, Tita! Friend ko!" Pagpapakilala din ni Luna sabay akbay sa 'kin. 


Napaawang ang labi ko sa gulat nang lumingon ako kay Luna. Anong sabi niya? Ang lapad pa ng ngiti niya at parang proud pa. 


"Oh, hello," bati ng Mommy niya. Ngumiti na lang din ako kahit gulat pa rin sa sinabi ni Luna. "Call me when you need anything, girls." At sinara na niya ang pinto. 


Napalingon ulit ako kay Luna. Hindi man lang ba itatanggi 'yon ni Kierra? Hindi ba dapat ang pagpapakilala ay... 'Si Via, groupmate namin'? Or classmate? 


"Friend?" Nagtatakang bulong ko. 


Akala ko mahina 'yon pero nanlaki ang mata ko nang lumingon silang dalawa sa 'kin. Ngumuso si Luna at umupo sa tapat ko, sabay hinawakan ang dalawa kong kamay na parang bata. 


"Ayaw mo ba sa 'kin?!" Reklamo niya na parang bata. 


"Kung ako rin si Via, ayaw ko rin maging friend mo." Tumawa si Kierra. 


"Pero bakit?! Mabait naman ako, ah?! Kaya kong ibigay sa 'yo balat ng fried chicken ko! Tapos... Sasamahan din kita kapag gusto mong magpunta sa mall o kaya sa library, o kaya sa park! Tapos... Tapos... Tutulungan din kita sa mga assignment! Magaling ako mag-drawing! Ayaw mo pa rin ba sa 'kin?" Sunod-sunod na sabi niya. 


Hindi ko alam kung paano ko mapo-proseso sa utak ko lahat ng sinabi niya. Bakit... Bakit niya 'ko gustong maging kaibigan? 


"Bakit ako?" Nagtatakang tanong ko. 


"Huh?! Bakit hindi?! Palagi kang mag-isa sa room! Ayaw kong mag-isa ka!" Ngumuso ulit siya. "Kaya simula ngayon, sasamahan na kita!" Ngumiti ulit siya. 


At... Hindi na nga nila 'ko nilubayan pagkatapos noon. Mukhang hindi lang si Arkin ang tutang nahanap ko. 

_______________________________________________________________________________

:)

Continue Reading

You'll Also Like

126M 4.1M 48
UNIVERSITY SERIES #4. Samantha Vera from Ateneo De Manila University, the epitome of kindness, empathy, grace, and solicitude got her life ruined whe...
1.3M 28.6K 61
Malapit nang mawala sa kalendaryo ang edad ni Janice ngunit hindi pa rin niya nagagawang mahanap ang lalaking makakapagkaloob sa kanya ng mga pangara...
1.7M 23.1K 55
How does it feel to be the second option? How does it feel to be a mistress? Is it fun being just The Second Woman?
7.1M 228K 11
Special chapters/AUs that are written during my Write with Me session in KUMU! Join me for spoilers, polls, and prizes! Kumu: @gwy.saludes