Gwen
"Di ba Coke ang inorder ko? Bakit sprite ang binigay mo?!" sigaw sa akin ng customer.
Napabuntong hininga na lang ako habang nakayuko. Malamang hindi ko na napansin na mali ang nailagay ko dahil sa dami ng iniisip ko. Hindi ko pa rin kasi makalimutan ang ginawa ni Diane kanina. Wala rin si Aiden dahil hindi siya pumasok. Nag-aalala rin ako dahil sa kaniya.
"Ano?! Bakit sprite ang binigay mo?!" Nanggagalaiting sigaw sa akin ng customer.
"P-pasensya na po. P-papalitan—"
Nakita ko ang anino ng customer na itinataas ang bote ng sprite na hawak niya. Pumikit na lang ako kasabay ng pag-agos ng softdrinks mula sa aking ulo. Hindi pa nakuntento ang customer at binasag ang bote sa aking harapan.
Tumama ang ilang mga bubog mula sa bote sa aking binti kung kayat napaupo ako sa sahig at ininda ito.
"Maayos kaming nagbabayad dito tapos ganitong serbisyo ang ibibigay ninyo sa akin?!" pag-angal pa ng customer.
"Pasensya na po talaga. Hindi na po mauulit."
"Anong pasensya ka diyan?! Simple lang naman ang order ko pero hindi mo maibigay sa akin ng tama?!"
Kasalanan ko talaga to. Dapat naka-focus ako sa trabaho at hindi sa kung ano-anong bagay. Nanganganib na tuloy ang trabaho ko dahil sa kagagawan ko.
"What's happening here?!" sigaw naman ng manager namin na kakarating lang. "Gwendolyn! Ano na naman bang katangahan ang ginawa mo?!"
"Ikaw ba ang manager ng bistro na 'to?!"
Tiningnan ako ng manager namin nang masama bago nakangiting humarap sa nagrereklamo na customer.
"Opo, Madame. Ako po ang manager at may-ari ng Rogue's Bistro."
"Ok. Now..." lumapit siya sa manager namin at dinuro duro ito sa dibdib. "Siguro naman kilala mo ako? Ako lang naman ang 3rd cousin ni Governor Peralta! Ang governor ng probinsya na ito! At isa ako sa mga valued customers niyo!"
Palihim na tumingin sa akin ang manager namin. Isang tingin na puno ng pagbabanta.
"A-ah yes, How could I forget you... M-Madame... M-madame—"
"It's Karen!" bulyaw sa kaniya ng customer.
"Oh yes, Madame Karen. I truly apologize for the inconvenience that my server have done to you..."
Lumapit ang manager sa cashier at kumuha doon ng isang voucher. Inayos niya ito bago ibigay sa customer namin na nagngangalang Karen.
"H-here, Madame Karen. This voucher is good for 1 month. You can eat here for free whenever you like for a month. Again, sorry for the incovenience that my server have done."
Tiningnan ko ang voucher na hawak na ngayon ni Madame Karen na malawak ang ngiti. Ang voucher na 'yon ay ibinibigay ng bistro namin sa mga loyal customers nila at employees.
Nakakalungkot na isipin na dahil sa katangahan ko ay hindi ko na ito makukuha pa. Makukuha kasi ito ng mga itinatanghal na employee of the month. Plano ko sanang ibigay ito kay Mama para libre silang makakain dito ngunit malabo na 'yong mangyari. Malabo na rin na maitanghal ako bilang employee of the month.
"Good. This bistro isn't as bad as I think." Nakangiting wika ni Madame Karen at inilagay sa kaniyang purse ang voucher. "A little piece of advice, you should get rid of this kind of servers or else, my Governor cousin will do anything just to close your business."
Matapos niya iyon na sabihin ay umalis na siya kasama ang kaniyang asawa na hindi man lang nagsalita. Dumaan ito sa aking harapan at intensyunal na tinapakan ang aking kamay. Agad ko itong inilayo at winagayway sa ere.
"C'mmere."
Walang pasabi na hinila ako ng aming manager sa aking kwelyo papunta sa changing room namin. Nang makarating kami sa changing room at itinulak niya ako papunta sa locker.
"Change to your normal clothes at huwag nang bumalik dito." sabi sa akin ng aking manager na siyang kinagulat ko.
Tinatanggal niya ako sa trabaho?
"B-but sir..."
"Alam mo ba kung gaano kahamal ang voucher na 'yon?! Nasayang lang yon dahil sa katangahan mo!"
Matatanggap ko pa na maari niya akong suspendihin o kaya ay mag overtime na walang bayad pero ang tanggalin ako sa trabaho?
Lumuhod ako sa kaniyang harapan at umiyak.
"Sir... M-maawa na po kayo, Sir. Kailangan ko po ang trabahong 'to. Gusto ko pong makatulong sa nanay ko at may bayarin kami sa school." pagmamakaawa ko.
"Dapat inisip mo yan bago mo ibigay ang maling order na customer na 'yon!" angal niya. "Pati isa pa! Diba iskolar ka?! Paanong may bayarin kayo sa school?!"
Hindi mo lang alam, Sir. Marami pa rin kaming binavayaran sa school kahit pa skolar.
"Parang awa niyo na Sir. Kahit mag-overtime po ako nang walang bayad. Kaltasin niyo na lang po sa sweldo ko. Huwag lanh po akong matanggal sa trabaho."
Sa kabila ng mga pagmamakaawa ko ay hindi ako pinansin ng manager namin. Sinipa niya ako dahilan para mapaurong ako.
"Buo na ang desisyon ko, Gwendolyn. Kung tutuusin matagal na dapat kitang tinanggal. Palagi na lang kaunti ang tip na nakukuha mo sa customers. Tapos eto naman ngayon."
"Magpalit ka na at lumayas sa bistro ko. Huwag ka nang babalik dito." malamig na wika nito sa akin. "At wala ka na ring aasahan na sweldo bago kita tanggalin dahil naibigay ko na yon sa customer na binigyan mo ng maling order."
"Ano pa ang hinihintay mo?! Alis!"
Maluha-luha akong tumayo at pumunta sa aking locker. Lumabas na ang aming manager kasabay ng pagpasok ng mga katrabaho ko at ang kanilang pagbubulung bulungan. Kahit kailan naman ay hindi ko sila naging kaibigan o nakasundo man lang.
"Buti nga."
"Mawawala na rin sa wakas ang amoy basura dito sa bistro."
"Sa wakas."
"Good riddance."
Tahimik akong nagpalit ng damit habang umiiyak. Hindi ko alintana ang mga matang nakatingin sa akin na pawang masaya habang nakikita akong ganito.
Lumabas na ako ng bistro at tiningnan ito sa huling pagkakataon. Nagpahid ako nang luha at tumalikod. Paano na ako ngayon? Paano na ang mga bayarin ko sa school? Paano ko ito sasabihin kay Mama?
Lahat ng yon ay nawala dahil sa simpleng pagkakamali ko sa pagbigay ng order ng isang customer. Napakasakit.
Cheer up, Gwendolyn. Kaya mo ito. Makakagawa ka ng paraan.
Nagpunas ako ng luha nang marinig kong tumunog ang aking cellphone na dipindot. Nakita ko ito sa basurahan ng bistro noon at napagdesisyunan na ipagawa.
Kinuha ko ang aking cellphone at tiningnan kung sino ang tumatawag.
Unknown Number? Sino naman kaya ito at paano nito nakuha ang aking number? Hindi kaya nagkamali lang?
Sa kabila ng pagtataka ay sinagot ko pa rin ang tawag.
"Hello?"
[Hello po, ito po ba si Gwendolyn Velasquez? Anak ni Rheya Velasquez?]
Kumunot naman ang noo ko. Hindi naman Velasquez ang aking apelyido kundi Villareal. Siguro ay inexpect na ng tumatawag na isa akong Velasquez dahil tinatanong niya kung anak ako ni Mama. Ngunit bakit nga ba ako nito tinatawagan at tinanong?
"O-Opo. Ako nga po. Bakit po?"
Mas lalo kong inilapit sa aking tainga ang aking cellphone dahil mahina na ang volume nito at hindi na masyadong marinig.
Ngunit sa isang iglap ay naibagsak ko pa rin ito dahil sa balitang inihatid ng nasa kabilang linya. Pinagpawisan ako ng malamig dahil dito.
[Huwag po kayong mabibigla ngunit nasa ospital po ang inyong nanay. Kritikal po at kailangang maoperahan kaagad]
Naibagsak ko ang aking cellphone dahil sa panginginig ng aking kamay. Panaginip lang naman 'to, hindi ba? Gusto ko nang magising.
---
Sari-saring mga saloobin ang pumasok sa aking isipan habang nagmamadaling makapunta sa kung saang ospital isinugod si Mama.
Maayos na kaya siya? Paano kung hindi? Paano kung hindi na siya magising? Paano kung hindi siya kaagad maoperahan? Paano si Mama?
Umiling ako at pinilit na hindi isipin ang bumabagabag sa aking isipan. Hindi ko 'yon hahayaan na mangyari kay Mama. Kahit pa hindi maganda ang trato niya sa akin ay hindi ibig sabihin no' na pababayaan ko siya. Mahal ko ang nanay ko.
Nang sa wakas ay nakarating ako sa ospital ay dumiretso kaagad ako sa emergency room. Puno ng mga tao at doktor ang emergency room. Sari-saring tunog ang aking naririnig. May tunog ng paghihingalo, tunog ng pagtangis, mga sigaw ng doktor at iba pa.
Bumabaliktad ang aking sikmura sa aking nasasaksihan. Kahit kailan ay ayokong pumunta sa ospital dahil sa ganitong dahilan. Ayokong makakita ng mga taong naghihingalo at ng mga duguan.
Nanginginig akong naglakad sa gitna ng emergency room para hanapin si Mama. Natatakot man ay pilit kong hinawi ang mga kurtina na nagsisilbing harang ng mga pasyente mula sa isat-isa.
Narating ko ang dulo ng mga pasyente sa emergency room nang walang nakikitang ni isang bakas ni Mama. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako na wala siya rito o hindi. Maaari kasing nailipat na siya sa ibang kwarto o di kaya naman... Huwag naman sana.
"Grrrrr.... RAHHHH!"
Napatalon ako sa aking kinatatayuan nang sumigaw ang pasyente na nasa aking gilid. Ang pasyente na napakalayo mula sa iba pa. Nakagapos ito at pilit na nagpupumiglas. Nakatingin ang mga mata nito sa akin na para bang gusto akong lapain.
"Grahhh!"
Natatakot man ay nilapitan ko ang nagpupumiglas na pasyente. Kita na ang mga ugat nitong nangingitim sa buo nitong katawan. Kapansin-pansin din na naglalaway ito at ang tila bite-mark nito sa kanang kamay.
Ngayon lang ako nakakita ng ganitong pangyayari sa tanang buhay ko. Isa ba itong kaso ng rabies na pinabayaan at lumala hanggang sa umabot ng ganito? Ano naman kayang hayop ang kumagat sa kaniya para maging ganito siya?
"GRAHHHHH!"
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong sobrang lapit na sa akin ng mukha ng pasyente. Hindi ako nakakilos at hindi alam ang gagawin. Naramdaman ko na lang na may humila sa akin kasabay ng pagkagat sa hangin ng pasyente roon sa kinatatayuan ko kanina.
"A-ah... A-ayos k-ka lang ba?"
Itinaas ko ang aking tingin at doon ko nakita ang taong humila sa akin. Isang morenong lalaki na siguro ay kasing-edad ko ang may hawak sa aking braso. Nag-aalalang nakatingin ang kaniyang mga mata sa akin.
Ilang segundo rin kaming nagkatitigan bago napunta ang tingin niya sa kamay niyang nakahawak sa aking braso. Binitawan niya ako at yumuko.
"S-sorry... B-bigla kitang hinila," sabi pa niya habang nakayuko. "I-ilang araw na kasi siyang nakagapos diyan. N-nangangagat kasi siya ng kung sino."
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa lalaki at sa pasyente na muntik na akong makagat kanina. Nandidilat at masama ang tingin sa akin ng pasyente na nanggigitil pa rin ang mga ngipin.
"H-hindi... Okay lang. Maraming salamat." sabi ko naman sa lalaki.
"HOY! ANONG GINAGAWA NIYO DIYAN?!"
Sabay kaming napalingon ng lalaki sa babaeng nurse na kadadating lang. May dalawa pa itong kasama na lalaking nurse na nasa likuran niya na nakasuot ng makapal na plastic gloves.
"Hindi niyo ba nakita ang sign na 'yan?!" sabi pa ng nurse na lalaki sabay turo sa bondpaper na nakalagay sa kurtina na may naka-imprentang 'DO NOT APPROACH' sign.
Marahil sa sobrang pagka-curious sa kalagayan ng pasyente ay hindi ko na napansin ang karatula nila.
"S-sorry po. Hindi ko po kasi napansin," sabi ko sa kanila. Naisip ko na rin na ito na ang magandang pagkakataon para itanong kung nasaan si Mama. "U-uhm, hinahanap ko po kasi ang nanay ko. Si Rheya Velasquez po."
Nagkatinginan ang tatlong nurse bago ako tingnan. "Ahh 'yong babaeng binato ng vase dahil sa isang bestida?"
Si Mama? Binato ng vase? Dahil sa bestida? Bestida ko ba ang tinutukoy nila?
"Nasa Intensive Care Unit siya. Sabihin mo sa tatay mo, kailangan kaagad maoperahan."
Umiling ang nurse at hinawi ang kurtina ng pasyenteng nakagapos.
"Hayst! Mga kabataan nga naman talaga ngayon! Puro landian na lang ang alam! Jowa agad ang iniisip! Ayaw munang mag-aral!"
Teka. Anong sinabi nila?!
"N-nagkakamali po kayo! Hindi po...Hayst."
Hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko dahil sa busy na sila sa pagtuturok sa pasyenteng nakagapos. Umiling na lang ako at pagkatapos ay humarap sa lalaking humila sa akin kanina.
"Salamat ulit sa ginawa mo kanina pero kailangan ko nang umalis."
Nahihiya kong nginitian ang lalaki bago ako umalis sa emergency room. Nagtanong-tanong ako sa mga tao sa hallway kung nasaan ang ICU at wala pang kalahating minuto ay narating ko na ang pinto nito.
Hindi ko mahawakan ang pinto ng ICU. Nag-aalinlangan ako. Natatakot ako sa aking makikita sa loob ngunit nais ko ring makita ang lagay ni Mama.
Umiiyak ako na napabuntong hininga. Dapat kayanin ko 'to. Kailangan kong maging malakas. Hindi dapat ako naiyak dahil kailangan kong magpakatatag.
Binuksan ko ang pinto ng ICU at pumasok sa loob nito. Bumungad sa akin si Mama nanakalugmok sa higaan. Nakabenda ang ulo nito habang may nakakabit na life support sa kaniyang bibig.
Otomatikong nanghina ang aking mga binti nang makita siya. Kakasabi ko pa lang sa aking sarili na kailangan kong maging malakas ngunit heto ako ngayon. Kahit sobrang sama ng trato niya sa akin ay hindi ko pa rin siya kayang tingnan na nasa ganitong kalagayan.
Lumapit ako kay Mama at hinalikan ang kamay nito. Natanggal na nga ako sa trabaho tapos ganito pa ang mangyayari pagkatapos. Bakit ganito ka-unfair ang buhay para sa akin?
"Kayo po ba ang immediate family ng pasyente?"
Napalingon ako sa pintuan ng ICU nang marinig ko ang boses ng kakadating pa lamang na doctor. Lumapit ito sa amin at tiningnan ang hawak nitong clipboard.
"A-ako nga po. A-anak po ako ng pasyente." Wika ko at tumango naman ito.
"Okay, Miss Velasquez," sabi ng doctor sa akin. Sasabihin ko pa sana na hindi Velasquez kundi Villareal ang apelyido ko ngunit ayaw ko siyang maistorbo sa kaniyang sinasabi.
"Tatapatin na po kita. Kailangan pong maoperahan ng nanay ninyo as soon as possible. Dahil sa lakas ng pagkakahampas ng vase sa kaniyang ulo ay nabasag ang bungo niya. Naiwan pa ang ilang bubog sa kaniyang ulo na kailangan kaagad matanggal."
Nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Mama at sa doktor. "P-pero d-doc... Bakit hindi niyo pa po inooperahan ang nanay ko?"
"May policy po kasi ang ospital na payment first. Hindi po natin maooperahan ang pasyente hanggat hindi po tayo nakakabayad. ₱200,000 ang kailangan po muna ninyong mabayaran bago sa maoperahan.
Napanganga ako dahil sa sinabi ng doctor. ₱200,000 para sa pag-oopera ni Mama?! Paano ako makakakuha ng ganoong halaga sa lalong madaling panahon?!
"P-pero d-doc... Wala po kaming ganoong kalaking pera..."
Nasaan ba si Spencer? Alam ba niya ang nangyayari sa nanay namin?! Eh ang umatake kaya kay Mama? Dapat tinutulungan nila kami sa pagpapagamot kay Mama.
"Sorry pero ganoon po ang policy. It's either makakapagbayad kayo or bawian sng buhay ang nanay ninyo." sabi pa ng doctor. "I suggest lumapit kayo sa charity or sa government agencies para matulungan kayo."
Matapos 'yon ay umalis na ang doctor. Napaupo ako sa sahig dahil sa balitang inihatid nito. Kailangan kong makapagbayad ng ₱200,000 dahil kung hindi ay buhay ni Mama ang malalagay sa alanganin.
Paano ako makakakuha ng ganoong kalaking halaga?
"Nasa Intensive Care Unit siya. Sabihin mo sa tatay mo, kailangan kaagad maoperahan."
Namatay ang tatay ni Spencer o ang asawa ni Mama noong bata pa ako kaya wala kaming aasahan kung hindi ako lang. Anak ako sa pagkadalaga ni Mama mula sa lalaking may pinakamataas na katungkulan pagdating sa seguridad ng bansa.
Tumayo ako at tumingin kay Mama.
Itinakwil ako at hindi kinikilala ng aking tatay bilang anak niya. Malaki rin ang galit ko sa kaniya ngunit para kay Mama ay lalapit ako sa kaniya at susubukang humingi ng tulong.
Panahon na para muli kaming magkita ng tatay ko na matagal ko nang kinalimutan. Ang head security of the Aviole Monarchy of the Philippines and also the head of its army, si Marshal Rafael Villareal.