Loved By The Rules sarah ger...

By AshleyDelosreyes7

2.6K 20 1

More

Loved By The Rules sarah geronimo & gerald anderson (ashrald fan ficiton)
Loved By The Rules - Kabanata 1
Loved By The Rules - Kabanata 2
Loved By The Rules - Kabanata 3
Loved By The Rules - Kabanata 4
Loved By The Rules - Kabanata 5
Loved By The Rules - Kabanata 6
Loved By The Rules - Kabanata 7
Loved By The Rules - Kabanata 8
Loved By The Rules - Kabanata 10

Loved By The Rules - Kabanata 9

122 1 0
By AshleyDelosreyes7

“Dominic El Greco? Wow! Ang taray naman ng pangalan ng bisita mo kanina,” wika ni Rita habang nagkukuwentuhan sila sa balkonahe.

“Sus! Para mukha lang bigtime ang pangalang iyon, natarayan ka na,” irap ni Jackie sa kaibigan.

“Aba, baka hindi mo kilala ang mga El Greco? Palibhasa ay hindi ka palabasa ng mga magazine na sosyal. Doon sa pinapasukan kong parlor ay maraming ganoon kaya nababasa ko iyong pangalang El Greco.”

“Talaga? Bakit, ano bang kategorya ng mga El Greco?”

“Oy, mga kilalang businessman talaga ang mga iyon, ano? At naniniwala ako sa sinabi ng tatay mo na balak kang kunin commercial model ng taong iyon. Talagang kilala ang advertising company nila, ano?”

“Oo na. Sige na, uwi ka na. Maaga pa akong gigising bukas dahil susunduin ako ni Congressman.”

“O, saan na naman kayo pupunta?”

“Wala lang, may dadaluhan lang siyang ribbon cutting at isasama lang ako.”

“Naks! Mukhang tuluy-tuloy na ang pagbubukas ng pinto ng magandang swerte sa iyo, ah. May nagnahanap na sa iyong Dominic El Greco, may congressman ka pa na mukhang naakit talaga sa kagandahan mo. Wala akong masabi.”

“Heh! Magtigil ka nga!”

“Uy, kunwari, hindi siya natutuwa. Pero alam ko, pumapalakpak ang tainga mo. Biruin mo, mukhang matutupad na rin ang pangarap mong makakilala ng mayamang lalaki na magpapakasal sa iyo, ha? And take note, hindi siya matandang madaling mamatay, ha? Aba, bata pa si Congressman, ha? Mukhang nasa thirty-five lang. At guwapo rin naman, iyon nga lang, medyo manipis na ang buhok sa tuktok.” Sinundan nito nang bungisngis ang sinabi.

Pero hindi naaaliw si Jackie sa pinagsasabi nito, sa nabuksan kasing usapan tungkol sa malaon na niyang pangarap ay muli niyang naalala ang lalaking uminsulto sa kanya.

Saan kaya siya nagpunta kagabi? Biglang nawala, eh. Hmp! Pero ano bang pakialam ko sa kanya!

Pero hanggang sa kanyang pagtulog ay baon niya sa panaginip ang lalaking iyon…

“BABAE, tinatanggap mo bang maging asawa ang lalaking ito? Sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, hanggang kamatayan?”

Nagniningning ang mga matang sinulyapan niya ang lalaking katabi sa pagkakaluhod sa harap ng altar.

“Opo, Padre, ng buong puso.”

Napangiti ang lalaki sa naging sagot niya, waring nasiyahan.

“At ikaw lalaki, tinatanggap mo ba ang babaeng ito na maging asawa, sa hirap at ginhawa, sa sakit at karamdaman, hanggang kamatayan?”

Muling tumitig sa kanya ang lalaki, kaytamis pa rin nang ngiti sa mga labi nito, ang titig sa kanya ay tila punung-puno ng pagmamahal.

“Opo, Padre, ng buong puso at kaluluwa. Mahal na mahal ko po ang babaeng ito.”

“Kung ganoon, ipinahahayag ko sa lahat na kayo ay mag-asawa na. Maaari mo nang halikan ang iyong maybahay.”

Nagpalakpakan ang mga tao, hinawakan naman ng groom ang kanyang belo at itinaas, pagkuwa’y dahan-dahang inilapit ang mga labi sa mga labi niya.

Napapikit na lang siya, kasabay niyon ay umawang ang kanyang mga labi at hinintay ang halik na ipagkakaloob nito.

Ah, kaytamis ng halik na iyon, para siyang naakyat sa langit…

“JACKIE! Gising na! May bisita ka!”

“Hah!” Pabalikwas na nagbangon si Jackie, habol ang hininga, habol ang pag-asang hindi pa mawawaglit sa mga labi niya ang halik na ipinagkakaloob ng kanyang groom.

Ngunit nag-iisa lang siya sa kanyang maliit na silid, wala naman pala siyang groom, ang kanyang yakap ay ang kanyang unan.

“Jackie, gumising ka na nga muna at may bisita ka!” muling tawag mula sa labas.

“O-oho.” Saka lang niya na-realize na ang lahat ay isa lang panaginip… isang matamis na panaginip na hindi niya malaman kung bakit sa ganoon na humantong, gayung dati ay puro pang-iinsulto ang iniuukol sa kanya ng lalaking pinakakasalan sa kanyang panaginip.

Inut-inot na nagbangon ang dalaga, niligpit ang higaan at nagsuklay, pagkuwa’y lumabas na para maghilamos.

Pero hindi pa man siya nakakatungo sa maliit nilang kusina ay nagulat na siya nang magtama ang mga mata nila ng sinasabi ng kanyang ina na bisita raw niya na nakaupo sa sofang kawayan sa maliit nilang sala.

Ikaw! Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito.

“O, mabuti at gising ka na. Maghilamos ka na nga muna bago mo harapin itong bisita mo. Siya nga pala si Dominic El Greco, iyong sinasabi namin sa iyo na may-ari ng advertising company na gustong kumuha sa iyo bilang modelo,” nakangiting wika ni Mang Joseph.

At himala nang mga himala, mukhang hindi nakainom ang tatay niya, maayos din ang bihis nito at mukhang bagong paligo.

“H-ho? Ah, sandali lang ho, maghihilamos lang ako.” Sa katarantahan ay napapasok siya sa kusina at naghilamos para tuluyang gisingin ang kanyang sarili dahil baka bahagi pa rin iyon ng kanyang matamis na panaginip.

Pagkahilamos ay bahagya siyang sumilip sa siwang ng pinto, pero naroon pa rin sa sala ang binata, habang tila tarantang-taranta ang mag-asawa sa pag-estima sa mga ito.

Hindi nga ako nananaginip, talagang narito siya. Anong ginagawa niya rito? Anong gagawin ko? Paano ko ba siya haharapin? Teka, aawayin ko basiya? Galit ba ako sa kanya? O, dapat ba ay galit ako sa kanya?

“Jackie, ano ba? Ang tagal mo naman!” tawag ni Mang Joseph.

“O-oho, nariyan na!”

Humugot muna siya ng buntong-hininga bago lumabas.

“O, heto na pala siya, maiiwan ko nga muna kayo, ha? May sasabihin daw siya sa iyo.” Naunang tumayo si Mang Joseph.

“Ako naman ay maghahanda ng almusal. Maiwan na muna kita, ha?” paalam naman dito ni Aling Inez.

“Oho,” nakangiting wika ng binata.

Napakurap si Jackie nang makita ang ngiting iyon, noon ay sabik na sabik siyang makita ang ngiting iyon mula sa mga labi nito, hindi ba?

“ANONG ginagawa mo rito? Anong kailangan mo sa akin?” halos ay pabulong na tanong ni Jackie.

“Hinanap kita, hindi ka na raw kasi nagdadala ng isda sa resthouse. At nagulat ako dahil nakita kitang kinokoronahan na noong isang gabi. Pero sabagay, bakit naman ako magugulat o magtataka na ikaw ang nanalo, talaga namang maganda ka.”

Hinagkis niya nang matalim na tingin ang binata.

“Huwag mo na nga akong bolahin? Ano talagang kailangan mo sa akin, ha? Bakit sinabi mo pa sa mga magulang ko na kukunin mo akong modelo gayung –”

“Talaga namang manager ako ng isang advertising company, ah. Talagang kaya kitang kunin na modelo.”

“Puwede ba?”

“Sumama ka sa akin, sa labas tayo mag-uusap. Hindi iyang ganyan na pigil na pigil ka. Hindi ka makasigaw kung gusto mong sumigaw. Hindi mo ako maaway gayung mukhang gusto mo na akong murahin.”

“Ayoko! May lakad ako mamaya!”

“Sandali lang naman tayo!”

“Ayoko! Umalis ka na!”

“Kapag hindi mo ako pinagbigyan, sasabihin ko sa kanilang lahat na minsan ay ipinilit mo ang sarili mo sa akin, na minsan ay hiniling mo na maging kaibigan ko, o kahit katulong, basta magkaroon ka lang ng pagkakataong makasama ako dahil baka ma-develop sa pag-ibig ang pagtingin ko sa iyo.”

“Ano? Bakit mo gagawin iyon?”

“Dahil ayaw mong sumama sa akin.”

“Tigilan mo nga ako! Umalis ka na!”

“Hindi! Mag-usap muna tayo sa labas!”

“Ang kulit mo!”

“Kasingkulit mo ba noon?”

Natigilan siya, pagkuwa’y gigil na tinitigan ito.

Nakipagtitigan naman sa kanya ang binata, pero may kalakip na paghahamon ang titig nito at tila nanunudyo.

“Okay, sasama ako sa iyo, ha? Pero pagkatapos nating mag-usap, tigilan mo na ako, ha? Huwag mo nang lokohin ang mga magulang ko na kukunin mo akong modelo.”

“Sure!”

“At ihahatid mo agad ako dahil may lakad kami ni Congressman.”

“Oo ba!”

Itutuloy….

Continue Reading