"LESSANDRA!"
Nagulat ako sa sigaw ni nanay. At anak ng timang may dala itong walis tambo!
"Putcha, si NANAY!" Agad akong humiwalay sa inaaway kong kalaro.
Hinamon ako bigla eh. Patulan ko nga.
"Sinasabi ko na nga ba't nandito ka na naman. Nakikipangbuno sa mga batang lalaki. Halika rito, ako ang bubugbog sayo." Sigaw pa rin ni nanay habang humahangos papunta sa kanila ng mga kalaro niya.
"Uyy Less, putek. Nanay mo mambabambo. TAKBO!" Pulasan bigla ang mga kalaro kong lalaki. Napasabay pa nga ako sa pagtakbo dahil makapal-kapal na ang ipapalo sakin ni Nanay. Ayokong mapalo huhuhu.
"Sige tumakbo ka pa. Pahabulin mo pa ako at siguradong lalatay lalo sayo to." Nanakot pa lalo si Nanay.
Hindi ko pinakinggan Nanay ko at tumakbo pa lalo ako. Nakakainis, siguradong may nagsumbong na naman sakin.
Habang tumatakbo ako nakita ko yung isang pinsan kong lalaki, si Loloy. Tinatawanan ako at sakin nakatingin. Tinignan ko siya ng masama dahil alam ko ng siya ang sumbungerong bingot.
"Ahhhh, yali na naman tsi Letandla." Nang-aasar na tawa pa ng bingot.
"Sinasabi ko na nga ba ikaw ang nagsumbong. Humanda ka sakin Loloy, papahabain ko tumbong mo." Imbis na tumakbo pa lalo ay dinamba ko si Loloy.
Sinapak-sapak ko ito habang dinadaganan ko. Nagkagulo tuloy yung ibang tambay na pilit pinaglalayo kami. Yung iba natawa pa. Pinagpupustahan pa kami.
Mga gago to ah.
Hindi ko talaga tinitigalan ng sapak si Loloy dahil nanggigigil ako sa mukha nito. Pingot na nga sumbungero pa.
"Uyy Less tama na yan, masisira lalo bibig niyan." Yung isang gagong tambay dun. Natawatawa pa habang inaawat kami.
"Aba't LESSANDRA! Hindi ka pa nasiyahan sa pambubugbug mo dun sa isa eto rin pinsan mo inaaway mo." Hinila ako sa damit ni nanay pero nagpapapasag pa rin ako.
"Bitiwan niyo ko, sumbungero yan. Aalisan ko na ng isang ngipin yan ng hindi na makapagsumbong." Akala ko yung isang tambay pa ang umaawat sakin. Tsaka lang ako natigil ng makita ko ang balat sa braso. Na hugis aso.
"Nakuu Berna, napakatapang niyang anak mo. Ke babaeng tao nakikipag basagan ng ulo sa mga lalaki." Sabi nung tsismosang kaibigan ni Nanay.
Hindi nag-comment si Nanay dahil beast mood na ito. Lahat ng nadadaanan namin ay tumatabi sa gilid dahil takot din yung iba sa Nanay ko.
Nang makarating kami sa bahay ay binitawan ako nito. Saktong lumabas si Tatay ay sa kanya ako nagtago. Kailangan kong umiwas sa palo. Ang sakit pa naman mamalo ni Mama.
"Umalis ka dyan sa likod ng tatay mo, Lessandra at dumapa ka rito." Nanggigil at namumula sa pagka beast mood si Nanay. Nagsumiksik lalo ako sa likod ng tatay ko. Nakikipag patintero sa kanilang dalawa.
"Oh bakit? Ano na naman kasalanan ng unica iha ko, Berna? At bakit madumi yang damit mo Lessandra." Tanong ni tatay habang prinoprotektahan ako kay Goku. Hindi ako sumagot dahil binabantayan ko yung mga kilos ni Nanay, baka makalusot eh.
"Ayan, nakikipagbuno sa mga kalarong lalaki. Gawain ba ng babae yan? Halika rito Lessandra at dumapa ka. Umalis ka dyan sa harap Ermeng at tuturuan ko ng leksyon yan." Mas lalo akong sumiksik sa tatay ko. Hindi ako aalis sa likod ng tatay ko, peksman!
"Aba'y baka iniinis naman. Alam mo namang mana sa iyo yang bunso natin. Ayaw paaapi. Tsaka hayaan mo na, bata naman yan." Hahaha, kakampi ko talaga tatay ko.
"Dyan, dyan ka magaling Ermeng. Kunsintidor ka. Imbis na pangaralan mo e hinahayaan mo kaya lumalaking matigas ang ulo ng batang yan." At marami pang sinasabi si Nanay. Hawak pa rin nito ang walis tambo habang dinuduro si tatay. Kaya napapakamot na lang si tatay.
"Oh ako na naman ang may kasalanan." Sinenyasan naman ako ni tatay sa likod na umakyat na sa kwarto ko. Napangiti ako at tumakbo na paakyat. Ayoko pa mapalo, masakit pa pwet ko.
Nagtatalo pa rin sina Nanay at Tatay at nawala na ang atensyon sakin. Pagkaakyat ko ay nakita kong naglalaro ng video games ang mga kuya ko.
"Oy Less, may binasag ka na naman daw ng mukha ah? Si Bin ba ulit?" Natatawang sabi ni Kuya Hans. Panganay saming lima. 15 anyos na.
"Hahaha, pati daw si Loloy hindi mo pinatos. Bingot na nga eh di ka pa naawa. Paano kung ikaw mabingot?" Si Kuya Ian. 13 anyos.
"E bat ako maaawa, sinumbong ba naman ako kay Nanay. Kung di sya nagsumbong hindi ko siya masasapak. Ngayon hindi na siya maiintindihan ni Nanay kung magsusumbong siya." Nakaingos kong sabi. Natawa yung dalawa pang kuya ko. Sina Kuya Jin, 12 anyos at si Kuya Kiko, 11 anyos. At siyempre ako bunso, 6 anyos.
Ginulo ni kuya Hans ang buhok ko habang natatawa pa rin.
"Uyy Ian, dead ka na. Ako naman." Agaw ni Kuya Kiko sa joystick.
"Hanep ka talaga bunso. Pero yari ka pa rin kay Nanay hahaha. Palo ka na naman. Maligo ka na, ang baho mo." Kuya Ian na inasar pa ako.
Bumelat pa ako sa kanila at tumakbo na sa kwarto. Hindi muna ako lalabas. Siguradong hindi pa humuhupa power ni Nanay.
Bahala muna sina Tatay at Nanay magpaluan. Nyahahahaha.