131 Years (PUBLISHED)

By nicoleannenuna

196K 8.9K 7.1K

Dalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matuko... More

Prologo
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 33
Kabanata 34
Kabanata 35
Kabanata 36
Kabanata 37
Kabanata 38
Kabanata 39
Kabanata 40
Kabanata 41
Kabanata 42
Kabanata 43
Kabanata 44
Kabanata 45
Kabanata 46
Ang Aking Lihim
Kabanata 47
Kabanata 48
Kabanata 49
Kabanata 50
Kabanata 51
Kabanata 52
Kabanata 53
Kabanata 54
Epilogo
131 Years Book Giveaway
Book Giveaway Winners
131 YEARS is coming to the MIBF!
El Último Capítulo (The Last Chapter)

Kabanata 5

4.2K 178 74
By nicoleannenuna


Nagising ako dahil sa narinig kong tunog na kumakaluskos sa gilid ko. Pagkadilat ko ng mga mata ko ay dilim pa rin ang nakikita ko. Nakakaloka! Nabaril na ako sa modern day tapos nabulag pa yata ako. May galit ba sa akin ang Heaven?

Saka ko lang na-realize na hindi pa pala ako bulag. Nakatakip ng tela ang mata ko. Teka. Ano ba ulit ang nangyari? Nang mag-sink in na sa akin na may kumidnap sa akin ay nagpumiglas ako bigla. Naramdaman kong nakatali rin ang dalawa kong kamay sa likod pati na rin ang mga paa ko.

Nanahimik ako dahil may narinig akong pumasok at may footsteps din.

"Siya po ba ang iyong nais maging bihag?" tanong ng isang lalaki. Hindi muna ako nagsalita dahil baka saktan nila ako.

"Oo. Kaya nga siya ang hinila ko, 'di ba?" sagot ng kausap niya.

"Bakit n'yo raw ako ipinatawag, Pinuno?" tanong niya ulit. Wala akong makita, maliban sa kaunting liwanag mula sa araw na tumatagos sa telang nakapiring sa mata ko.

"Ibig ko lang tanungin sa 'yo kung bakit kinakailangan mong saktan ang babaeng ito."

"H-Ho? Hindi ba't sinabi n'yo na dapat masaktan---"

"Alam ko, ngunit wala sa plano na pagbuhatan mo siya ng kamay. Alamin mo ang lugar mo, Ruiz."

"Pasensiya na po, Pinuno." Narinig kong umalis iyong isang lalaki dahil sa footsteps niya. Napakasungit naman ng kausap no'n. Ngayon, kailangan kong tumakas dito. Magpanggap na lang kaya ako na patay? Huwag na pala dahil baka i-double check nila kung totoo ba at baka, barilin pa ako. Pero, paano? Hindi naman ako puwedeng sumigaw ng 'tulong' dahil sa dinami-rami ng napanood ko na pelikula, hindi naman effective iyon.

"Gising ka na pala." Nagulat naman ako sa boses na narinig ko. Nahalata kaya niya na gising na ako? Nagpanggap pa ako na humihilik para kunwari ay damang-dama ko iyong pagkakasuntok sa akin kaya di na ako nagising. Talagang nilakasan ko iyong hilik ko para lubayan niya ako.

"Napakalakas mo palang humilik," puna niya.

Sino ba ito? For sure, isa siyang matandang ermitananyo na manyakis.

"Panigurado ay hinahanap ka na ng iyong ama," dagdag pa niya. Naiinis na ako sa kaniya. "Ano kaya ang reaksiyon niya sa oras na ito?"

At dahil doon, ayaw ko nang magpanggap na tulog. Hindi naman ako puwedeng magpaka-Maria Clara dahil in danger ang buhay ko.

"Sino ka ba?" sigaw ko sa kaniya. Gusto kong makakita pero sinag lang ng araw nakikita ko sa tela na ito. "Pakawalan mo ako! Hindi ako masamang tao!"

Narinig kong papahakbang na siya papalapit sa akin. Kumabog naman nang malakas ang dibdib ko. Pakiramdam ko ay sasaktan niya ako. Huminto siya noong nasa tapat ko na siya. Gusto ko man siyang sapakin ay wala akong magawa dahil nakagapos ang mga kamay ko.

"Alam ko," sabi niya. Alam pala niya na hindi ako masamang tao, pero dinamay pa rin niya ako sa kasamaan niya. "Pero, ikaw ang aming susi."

Ramdam ko na sobrang lapit niya dahil kanina ay malayo ang boses niya pero ngayon ay kinikilabutan ako dahil nasa harap ko na siya.

"P-Please, pakawalan mo ako," naiiyak kong pakiusap. "Hindi naman ako mayaman. Wala akong pera."

"Nakikita mo ba ang suot mong pulseras, Binibini? Alam mo naman siguro na iyan ang tanda ng iyong kayamanan. Ang tanging nagsusuot ng ganiyan ay anak o kapamilya ng mga opisyales sa bayan ninyo."

"P-Pero, bakit ako?" tanong ko sa kaniya at hindi siya kaagad sumagot.

Narinig kong lumayo ulit siya sa akin at saka, lumapit. Ang bigat naman humakbang ng taong ito. Narinig ko na tumunog ang sahig dahil may inilapag siya.

"O, kumain ka muna."

"Salamat sa alok mo, a. Pero, wala naman kasi akong powers o kakayahan na kumain nang hindi ginagamit ang mga kamay ko," sambit ko.

"Oo nga pala. Paumanhin."

Inalis niya ang tali sa kamay ko at naramdaman kong sumakit iyon dahil ang higpit ng tali kanina. Kung nakakakita lang talaga ako, kinalmot ko na ang mukha nitong matandang ermitanyo na kumakausap sa akin.

"Kumain ka na. Hindi ka bisita para alukin ulit kita," pagsusungit pa niya.

"Hindi ko nakikita ang kinakain ko. Ayaw ko," saad ko. Akala niya, siya lang ang masungit? Aba!

"Tama nga ang mga naririnig ko. Isa kang natural na sutil."

"Oo talaga! Kaya, hindi ako kakain hangga't hindi mo inaalis ang takip sa mga mata ko. Palibhasa, matandang ermitanyong manyakis ka, kaya ayaw mong magpakita!" pang-aasar ko. Sa tindi ng inis at gutom ko ay nagawa ko na siyang asarin.

"Manyakis?" tanong niya.

"Oo. Manyakis kang matandang ermitanyo ka! Layuan mo ako!" sigaw ko. Inis na inis na ako.

Nagulat ako dahil naramdaman kong lumuluwag iyong pagkakatali sa mga mata ko ng tela. Sa wakas, tinanggal na niya iyong blindfold ko!

Nang tuluyang mawala iyong piring sa mga mata ko ay nahulog na iyon sa sahig at napapikit pa ako dahil nanibago ako. Ang liwanag bigla.

"Matandang ermitanyo ba, kamo?" Napalingon ako sa lalaki sa gilid ko at halos malaglag ang panga ko dahil hindi pala siya matandang ermitanyo. Binata rin siya na tila ka-edad ko.

Moreno siya; maganda ang katawan, mapula ang labi, mamula-mula ang pisngi, at naka-bun ang mahaba niyang buhok na hanggang batok. Hindi kaya siya si...

"Ako nga pala si Immanuel Ballesteros. Paumanhin, at hindi pa pala ako nakapagpakilala sa 'yo."

"I-Ikaw?" Nakakaloka! Siya ang gusto ni Rosenda 'tapos malalaman kong kikidnapin lang niya ako? At ang lakas ng loob niyang sabihin ang full name niya kahit pa isa akong threat.

Kaharap ko ang lalaking inibig ni Rosenda. Kaharap ko ang táong posibleng may dahilan ng kasawian at kamatayan niya.

"Anong ako?"

"Ibig kong sabihin, ikaw ang kumidnap... Este, dumakip sa akin?"

Napaupo siya sa harap ko at ipinatong ang braso sa tuhod niya. Pinagmasdan ko ang paligid. Nasa kubo lang pala kami, at ang sahig niya ay gawa sa palitada or pavement kaya malamig ito at matigas.

"Hindi pa ba iyon halata?" sarkastiko niyang tanong habang naghahasa ng patalim.

Tinignan ko iyong maliit na bowl na nasa ibaba 'tapos iyong isang basong tubig. Hinigop ko iyong sabaw. Ang sarap! Para siyang lugaw. Hindi ko namalayan na naubos ko na pala iyon. Gutom na gutom na kasi ako.

Noong mapansin niya na naubos iyong laman ng bowl, kinuha ito ni Immanuel at bumalik nang may laman na sabaw ang mangkok.

"Binigyan mo ulit ako?" tanong ko.

"Batid kong gutom na gutom ka dahil sa nangyaring pagsugod namin kanina. Kumain ka ulit. Kailangan mo ng lakas."

Naubos ko ulit iyong ibinigay niyang pagkain. In fairness, para sa isang bihag, para akong patay-gutom kung kumain. Nang matapos siya sa paghahasa ng patalim ay inilapag niya ito at saka, tumingin sa akin.

"Ano nga pala---"

Magtatanong sana siya pero napatingin siya sa mukha ko. May kulangot ba ako?

"Ano'ng tinitingin-tingin mo r'yan?"

"May sugat ka pala sa iyong mukha." Napahawak ako sa panga ko. Nako! Doon pala ako sinuntok kanina.

"Bakit mo naman ako kailangang suntukin? Ke-babae kong tao, susuntukin mo lang ako?"

"Ang kasamahan ko na si Ruiz ang gumawa no'n sa 'yo. Paumanhin. Hindi ko nais na masaktan ka."

Napaka-apologetic naman nito. Ano ba ang background ng lalaking ito? Posible ba na kalahi niya ang pumatay sa akin?

Napansin kong nakatali pa rin ang mga paa ko. Ang sakit na ng puwet ko nang dahil sa kauupo rito sa semento.

"Sino ka ba talaga?"

"Ako ang pinuno ng grupo ng mga rebelde dito sa bayan ng San Isidro." Tahasan niyang pagsagot.

"San Isidro? Ibig sabihin, hindi ka taga-bayan. Ano naman ang kasalanan namin sa inyo para ganituhin mo ako?"

"Karatig ng San Isidro ang bayan n'yo. Napag-alam namin na nais bilhin ni Don Lucio ang ilang lupain dito na siyang pinagkakakitaan ng halos lahat ng kasapi dito sa kampo."

"Bakit mo sinasabi sa akin ang lahat ng 'to? Hindi ka ba natatakot na isumbong kita dahil alam ko ang hitsura at pangalan mo?"

"Hindi ba't nagtanong ka? Desisyon mo na 'yon kung balak mo akong isuplong dahil hindi kami magdadalawang-isip na lumaban."

"Paano nagkaron ng karapatan si Don Lucio sa bayan n'yo?"

"Mayaman si Don Lucio. Kahit anong lupa na kaniyang naisin ay makakaya niyang bilhin. At isa pa, hindi lang naman lupa ang ipinaglalaban namin dito."

"Hindi kita maintindihan. Kung galit ka kay Don Lucio, bakit ako ang kinuha mo? Hindi naman niya ako anak. Bakit hindi na lang si Vicente ang kinidnap... Este, dinukot mo?"

Natawa si Manuel at saka napailing. Ang astig ng bun niya sa likod. Siya yata ang nagpauso ng 'man bun'. Hindi maitatanggi na ang guwapo rin niya. Pinoy na pinoy ang tindig.

"Kung si Vicente ang dudukutin namin, alam kong sanay na ito sa labanan. Ayaw kong maubos ang mga tauhan ko."

"E, bakit nga ako?"

"Dahil ikaw ang prinsesa ng bayan ng De la Vega. Anak ka ng kapitan doon at tanyag ka pati rito. Sa totoo niyan, hindi mo na kailangang magpakilala, Bb. Rosenda."

"Ano ang balak n'yong gawin sa akin? Papatayin n'yo ba ako?"

"Bukas din ng umaga ay pauuwiin kita sa inyo. Sapat na ang mensahe namin sa kanila na hindi nila kami dapat kalabanin. Dinukot kita, sapagkat nais naming maghatid ng mensahe na hindi kami basta-bastang uurong at kaya naming makipagsabayan sa larong nais nilang laruin. Marami nang atraso sa amin ang pamahalaan ng Espanya. Hindi makatarungan ang kanilang pamamalakad, lalo na sa aming walang lahing Español."

"Nasaan ang pamilya mo?"

Sa tanong ko ay bigla na lang siyang napayuko na parang itinatago niya iyong pain sa mata niya. "May mga bagay na hindi na dapat sinasagot pa."

May kumatok sa pinto at may babaeng pumasok. Siguro ay teenager palang ito at ka-edad siya ni Delilah na 18 years old pa lang. Nag-bow siya pagkakita kay Manuel.

"Pinuno, pinapatawag po kayo ni tiyong Ameng."

At doon ay umalis na si Manuel. Naiwan naman akong mag-isa. In fairness, hindi niya na ulit itinali ang mga kamay ko. Kung gugustuhin ko, tatakas na lang ako pero sabi naman niya ay ibabalik na niya ako sa amin kinaumagahan.

Sa gawing kanan ko ay may malaking bintana. Naaamoy ko rin na may nagsisiga, kung kaya't kaya-usok na ako.

"Ano po iyon, Tiyong?" Narinig kong tanong ni Manuel. Rinig na rinig ko pala sila dahil nasa tapat lang ako ng bintana. Umusog ako para marinig ko ang pinag-uusapan nila.

"Ano'ng plano mo sa babaeng 'yan? Panigurado ay sinusuyod na ni Don Fabio ang bayan nila at ng San Isidro. Kung ako ang iyong tatanungin, dapat na malagutan ng hininga ang babae na iyan. Igaya natin kay Heneral Dominador na naging bitag din natin."

Nang dahil sa sinabi niya ay nanlaki ang mga mata ko sa takot. Heneral Dominador? Siya ba iyong sinabi ni Vicente na namatay na heneral kaya siya ang pumalit? Idinikit ko lalo ang tainga ko malapit sa may dingding kung nasaan ang itaas ng bintana.

"Nasabi ko na sa Binibini na bukas din ay ibabalik ko na siya sa kaniyang tahanan."

"At ano ang nais mong maging kongklusyon ng iyong mga desisyon, Manuel? Hindi pa ba sapat ang kamatayan ng iyong mga magulang upang gumanti sa babaeng iyan? Mabuti na lang at nailigtas mo ang batang kapatid mo na si Ingrid."

"Pero sa aking pagkakaalam, pamilya ni Vicente ang pumaslang kina Ama."

"Kahit sino pa sa kanila iyan, Manuel, alam mong iisang pamahalaan lang ang pinapatakbo nila. Iisang isip. Iisang layunin. At tayo rito, iisang suliranin. Pare-pareho lang silang ganid sa kapangyarihan at nabubulag sa kasakiman."

Sa sinabi ni tiyong Ameng ay napaisip ako sa pamilya ni Rosenda. Posible kaya na may alam sila sa pagkamatay ng magulang ni Manuel?

"A-Alam ko," sagot ni Manuel.

"Kaya, kung gaganti ka, umpisahan mo kay Vicente at isunod mo ang kaniyang Ama. Tapat kami sa iyo, Manuel, lalo na sa ating adhikain."

"Isa pa 'yang hambog na Vicente na 'yan," tugon ni Manuel. "Heneral na sunud-sunuran lamang sa kaniyang Ama. Panigurado ako na kapag siya na ang magiging gobernador-heneral ng bayan nila ay mas magiging ganid ito kaysa kay Don Lucio."

Si Vicente? Ganid? Hambog pwede pa.

Natawa iyong kausap ni Immanuel na si Ameng. "Kaya nga tinapatan mo siya, hindi ba?"

Kahit galit ako sa mga ginawa nila, hindi ko naman maiwasang intindihin ang side nila. Naaalala ko noong itinuro sa amin noong 1st year college pa lang ako na mayroong tatlong social classes dito sa Pilipinas noong 19th century. Una ay ang first class o ang mga purong may lahing Español. Pangalawa ay ang middle class na kung saan, may lahing Pinoy at Kastila o mestizo. At ang huli naman ay ang low class na kung saan nabibilang sina Manuel na purong Pinoy ang dugo.

Nakalulungkot isipin na alipin sila ng sarili nilang bayan. Para silang may-ari ng isang bahay, ngunit inaangkin ito sa kanila.



HINDI KO NAMALAYANG nakatulog ako sa napakatigas na sahig. Isang kandila na lang sa loob ng kubo ang nagpapaliwanag. Anong oras na ba? Gabi na yata.

Mamaya pa ay may pumasok. May dala itong lampara. Isang babae. Siya yata iyong tumawag kay Manuel kanina.

"Hi," sabi ko. "Ay, sino ka pala?"

"Magandang hapon. Isa po ako sa kaanib ng mga rebelde. Criselda ang aking ngalan." Lumapit siya sa akin at naglapag siya ng plato at isang baso ng tubig. Dalawang piraso ng tuyo at kanin lang ang uulamin ko. Mabuti na lang at favorite ko ang tuyo. Pero, siyempre dapat ay chika-in ko rin itong babaeng ito.

"Ilang taon ka na pala?"

"Labingwalong taong gulang, Binibini."

"Ka-edad mo pala iyong kapatid kong babae."

"Babae? Hindi ba't dalawa lang kayo ng kuya Antonio mo?"

"A... E... Sabi ko, sana ay may kapatid akong babae," pagpapalusot ko.

"Magkaano-ano pala kayo ni Manuel? Kapatid ka ba niya?" tanong ko.

Kahit medyo madalim ay nakikia ko ang ngiti niya. So, it means...

"Hindi ko po kamag-anak si G. Manuel. Anak po ako ni tiyong Ameng, ang kanang kamay ni Pinunong Manuel. Nag-iisa na lang ang pamilyang mayroon si Manuel, Binibini, at iyon ay ang kapatid niyang babae."

So, may kapatid pa pala siya na babae. Teka! Bakit ba curious ako sa mga buhay ng rebelde dito? Nakagapos nga ako ngayon at pagod na katutulog sa semento.

"Ganoon ba? Maraming salamat."

"Walang ano man, Binibini." Tumayo na siya at umalis. Naiwan naman akong mag-isa rito sa kubo. Tumayo ako para sumilip sa bintana dahil paa ko na lang ang nakatali. Pagkasilip ko sa labas ay nakakita ako ng maraming kubo. Siguro, nasa sampu mahigit, at ang bawat kubo ay may bonfire. Buhangin lang din ang lupa, at maraming puno, kaya sobrang lamig. Medyo nakakatakot na rin dahil pakagat na ang dilim.

"Ibig mo na bang tumakas?" Napatalon ako sa boses na narinig ko. "Dapat ko na rin sigurong itali muli ang iyong mga kamay, Binibini." Lumapit siya sa akin at saka, itinapat ang lamparang hawak niya sa mukha ko. Kitang-kita ko tuloy kung gaano ka-fresh si Manuel. Walang pimples at matangos pa ang ilong. Sana, all.

"A, hindi naman, Manuel. Nagsa-sight seeing lang ako. Gusto ko lang makita ang labas. Ang totoo niyan, takot ako sa dilim. Tingnan mo, o. Isang kandila lang ang ilaw ko," sambit ko sabay turo doon sa kandila na nasa ibabaw ng lamesa.

Totoo naman talaga. Nasanay ako sa amin na one click lang at may ilaw na kaagad. E, dito, nakakatakot. Probinsiyang-probinsiya, at ramdam mo pa iyong hangin. Hindi ako sanay.

"At saka, naiihi na ako. Nasaan ba ang c.r ninyo rito?" tanong ko.

Shit! Natatae na rin yata ako. Huwag naman sana!

"C.R.?"

"Ay, ano... Banyo. Palikuran. Wiwi. Ihi." Sinabi ko na lahat ng terms para maintindihan niya.

Nagdalawang-isip pa siya dahil baka naisip niyang tatakas ako. Pero tinanggal na rin niya ang tali sa paa ko.

"Huwag ka na magtangkang tumakas dahil ako mismo ang tutugis sa 'yo," pagbabanta pa niya. "Sasamahan na kita papunta sa palikuran."

Wala naman talaga akong balak na tumakas. As if! Ang dilim na kaya at hindi ko kabisado ang daan pauwi. Kung tatakas man ako bukas na lang ng umaga. Kailangan ko pang matapos ang misyon ko bago mag-December 24 dahil iyon ang araw ng kamatayan ni Rosenda. Ni hindi ko nga alam kung sino ang suspect ko sa dami ng taong nakikilala ko. My god!

Lumabas na kami sa kubo kung saan ako nakakulong at pagkalabas ko, ang sama ng tingin ng mga tao na naroon. May bata at matanda, lalaki man o babae. Lahat sila ay napatingin sa akin. Napalunok na lang ako.

"Huwag kang mabahala sa kanilang mga titig. Alam kasi nila ang pinanggalingan mo," sambit ni Manuel.

"Narito na ang palikuran." Binuksan niya ang isang pinto. Naloka ako! Wala palang inodoro dito. Buhangin lang. May balde na gawa sa kahoy at baso na pambuhos siguro ng ihi. Ganito pala talaga ang buhay noon.

After kong umihi ay the struggle is real pa sa pag-aayos ng suot kong saya. Hay, nako! Paano ba inaayos itong mga ito?

Pagkalabas ko ng palikuran nila ay nakita ko na may iniihaw silang baboy, at napaikot sila roon. Mukhang may gathering sila. Baka naman, nagse-celebrate sila dahil isusunod nila akong ihawin?

"Heto po ang kumot at lumang unan, Binibini." Iniabot sa akin ni Criselda ang isang lumang kumot at unan.

"Salamat, Criselda."

"Nahulog," yumuko si Manuel at pinulot ang panuelo ko na 'di ko namalayang nasa lupa na pala. Ibinalabal niya iyon sa balikat ko, saglitang nagtama ang tingin namin ngunit mabilis siyang umiwas.

Nilingon niya si Criselda, "Ako na ang bahala sa kaniya," at binigyan ako ni Criselda at si Manuel ng mailap na tingin.

I smell something...or ako lang iyong nangangamoy?

Ipinasok na ulit ako ni Manuel sa kubo at naglagay siya ng lampara sa tabi ko sa sahig. "Siguro naman, hindi ka na masisindak sa liwanag na taglay ng iisang lampara, ano?" tanong niya habang itinatali ang dalawang paa ko.

"Hindi naman na sana," mahina kong sagot. I feel so tired. Wala na rin akong gana na kainin ang tuyo na inihanda ni Criselda.

"Wala ka bang balak kumain? Nilamig na ang mga isda at pinaghintay mo sila nang matagal," nagtatakang tanong ni Manuel. Inayos niya ang tali sa buhok niya.

"Wala na. Pagod na ako." Napailing na lang siya bigla.

"Hindi na rin ako magtataka. Babaeng nabuhay sa malambot na higaan at sagana sa masasarap na putahe araw-araw. Batid ko na hindi mo gusto ang tuyo."

"Hindi naman. Favorite... Este, kumakain naman ako niyan. Pagod lang talaga ako."

Nagulat naman ako nang idampi niya ang palad niya sa noo ko. What?!

"Hindi ka naman ba sinisinat?" tanongi niya.

"Doktor ka ba?"

"Tinatapos ko noon ang kursong Medisina, pero..."

Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil napa-ubo na lang siya, kunwari. May masalimuot sigurong nakaraan ito.

"Ako na lang ang kakain sa tira mong pagkain. Hindi dapat inaaksaya ang biyaya lalo na sa mga kagaya namin. Maaari ba?"

Tumango na lang ako. Na-guilty naman ako bigla sa sinabi niya. May point naman kasi siya. Na-take for granted ko ang mga bagay dahil alam kong hindi ako mauubusan.

Lumabas na si Manuel at inayos ko na ang maliit na unan at ibinalot ang kumot sa katawan ko kahit na bitin na bitin ito sa akin. Pumikit na ako at inalala sina Daddy, Carlo, Delilah, at Lola.



NAALIMPUNGATAN AKO NANG dahil sa tilaok ng manok. Pagkagising ko ay ang sakit kaagad ng ulo ko. Napahawak ako roon at saka, umupo.

"Ouch! This stupid headache!" sigaw ko habang hinihilot ang sentido ko.

"Marunong ka palang magsalita gamit ang Wikang Ingles?" Napatingin ako sa direksiyon kung nasaan si Manuel. May bitbit siyang isang banyera ng isda.

"Ha? biro lang 'yon. Masakit kasi ang ulo ko."

"Ganoon ba? Ipagkukuha na kita ng ulam at baka, gutom ka lang. Hayaan mo, mamaya ay ibabalik na kita sa inyong bayan."

Hay! Mabuti naman. Nami-miss ko na rin ang malambot kong kama sa mansiyon.

Maya-maya pa ay dumating na si Manuel. Nakasuot siya ng puting long sleeve at itim na pants. Maaliwalas pala ang mukha niya sa umaga. Hawak niya ang isang mangkok at papalapit siya sa akin.

"Binibini---"

Pero, natigil siya sa pagsasalita nang may kumalabog at pumasok sa kubo.

"Pinuno! Natagpuan na ng isa nating kasamahan ang ilang mga kawal galing karatig bayan sa pangunguna ni Heneral Vicente," sigaw nito. At halata sa mga mata niya na takot na takot siya.

"Hindi nila maaaring madiskubre ang ating pinagtataguan! Tiyak ako na hinahanap ni Vicente si Rosenda."

"¡Ese maldito general! Yo debería haber sabido." Bulalas ni Manuel. Bakit marunong siya mag-Espanyol?

"Ihanda ang inyong sarili," utos niya. Tumango naman ang lalaki.

Hinila ako ni Manuel sa braso at tinanggal niya ang tali sa paa ko. "Kailangan mo nang bumalik."

Tinakpan niya ng tela ang ulo niya na kung saan ay sakop ang buong mukha niya at mayroon lang na dalawang maliit na butas para sa mata at ilong niya. Nakita kong binunot din niya ang balisong na nakaipit sa pang-ibaba niya.

Tinakpan niya ulit ang mga mata ko at itinali ang kamay ko. Akala ko ba, friends na kami? E, bakit ganito?

Hinawakan niya ulit ako sa braso at inilabas.

"Lintek na Vicente 'yan! Hindi ko akalaing matatagpuan niya tayo rito." galit na sambit ni Manuel.

Mahirap ang maglakad dahil sa mga ugat ng puno. Ilang beses din akong natapilok nang dahil doon. Teka! Nasaan na ba kami?

"Pinuno, sigurado ka ba na hindi magsusumbong ang Rosenda na 'yan?" tanong ng nasa likod namin. May kasama pa pala kami.

"Hindi naman nakikita ni Rosenda kung saang direksiyon ang ating tinatahak," sagot ni Manuel.

Mahaba-haba rin ang nilakad namin bago kami huminto. Panay na yata ako sugat sa paa dahil ilang beses akong natapilok. Narinig ko na may ilang kalesa na dumaraan. Nasa bayan na yata ako dahil may mga tao na akong naririnig.

Hindi nagtagal ay nakarinig ako ng maraming kabayong tumatakbo papalapit sa amin. Ano na ba ang nangyayari? Ang higpit ng pagkakatali ni Manuel ng tela sa mata ko.

May narinig akong footsteps na papalapit sa amin. My god! I feel so helpless.

"Taksil kayo sa pamahalaang ito!" sigaw ng isang pamilyar na boses. "Dapat kayong mamatay!"

Si Vicente.

"Huwag ka nang magtangka pa na lumapit kun'di ay itatarak ko ang balisong na ito sa leeg ng babaeng ito." Naramdaman ko ang malamig na metal sa leeg ko. Napakagat naman ako sa labi sa takot.

"Napapaligiran ka naming traydor ka. Isang galaw lang ng kamay ko ay babaon sa iyong katawan ang bala ng baril. Hindi mo ako masisindak," tugon ni Vicente. Ang bilis ng tibok ng puso ko.

"Hindi ako takot sa kamatayan, Heneral. Ang pagkamatay ko sa kamay mo ay magiging hudyat ng higit na pag-usbong na rebolusiyon laban sa inyo."

Hindi kaagad nakasagot si Vicente. Siguro ay iniisip niya na kapag pinatay niya si Manuel ay higit na lalala ang gulo.

"H-Huwag mong idamay si Rosenda." Mahinahon na ang tono ng pananalita ni Vicente sa pagkakataong ito.

"Sa inyo na ang prinsesa n'yo." Bigla na lang akong itinulak ni Manuel at dahil doon ay napasubsob ako sa sahig. Sobrang sakit nito dahil nakagapos ang kamay ko.

"Aray naman! Puwede bang i-abot mo naman ako nang maayos. Kailangan mo ba talaga ako ihagis? Ang hard mo sa akin, a!?" reklamo ko.

At dahil sa sinabi ko ay may narinig ako na mga lalakeng tumatawa. Mga kawal siguro ni Vicente iyon.

"Silencio!"

At bigla silang nanahimik nang dahil sa command ni Vicente. "Huwag n'yong isipin na ang pagkakataong ibibigay ko sa inyo ay isang lisensiya upang kayo ay paboran ko. Nagkasala kayo sa batas. Magkikita tayong muli," pagbabanta ni Vicente.

"Kahit anong oras pa 'yan, Heneral. Malugod naming tatanggapin ang inyong presensiya," buwelta naman ni Immanuel.

Bakit ba hindi na lang sila magsabunutan nang matapos na ang hidwaan nila?

Nakarinig na ako ng tumatakbo sa likuran ko palayo. Siguro ay umalis na sila Manuel. Samantala, nandito pa rin ako sa sahig at hindi pa rin nakakabangon.

Tumayo ako nang mag-isa at saka, tinanggal ni Vicente ang tali sa mata ko at kamay ko. Pagkatingin ko sa kamay ko ay namumula iyong sa may bandang wrist ko.

"Sinaktan ka ba nila, Binibini?" tanong ni Vicente. Napa-wow naman ako sa isip ko dahil sa hitsura niya. Naka-attire siya nang pang-heneral at kulay Maroon naman ang kulay nito. Wow! Mala-Paulo Avelino talaga! Crush ko pa naman iyon.

Nagtaka naman ako kung bakit hindi siya kinakausap ng tunay na Rosenda at kung bakit kay Manuel siya na-fall.

"Okay lang ako," saad ko sabay pagpag doon sa bandang puwetan ko. Inayos ko rin ang suot kong saya.

"Okey?"

"A, ang ibig kong sabihin ay ayos lang ako."

Tumango siya at saka, humarap doon sa mga kawal niya. "Volver a su base y estar alerta si hay amenazas!"

"Si, Señor," sambit nila sabay saludo. Pagkatapos ay umalis na rin sila. Ang iba na may posisyon sa hukbo ay may kabayo at ang mabababa ang ranggo ay naglakad lang.

Naiwan naman kami ni Vicente rito. Nasa may palengke na pala kami ngayon. May mga babae na rin sa amin na nag-aalok ng benta nilang mga kakanin at ang iba naman ay nagbebenta ng buhay na manok o baboy. Kahit panahong 1889 ay sobrang busy pa rin ng mga tao at walang pinagbago sa modern day.

"Señor, Señorita, baka nais po ninyong bumili ng kuwintas na ito," sabi ng isang ale na may buhat na batsa sa ulunan niya. Tinignan ko ang bagay na nasa palad niya. Necklace siya na silver at may hugis puso ito at may design na ibon sa loob.

"Kalapati ba ito, ale?" tanong ni Vicente. Kinuha na niya sa ale iyong kuwintas. Nag-shine bright like a diamond naman yung mata ng ale dahil pakiramdam niya ay may bibili nito.

"Opo, Heneral. Kalapati ang simbolo ng---"

"Pagmamahal at kapayapaan," pagpapatuloy ni Vicente.

Si Vicente na ang tumapos ng sinasabi ng ale at napansin kong nakatitig si Vicente roon sa design ng kuwintas.

"Tama po kayo, Heneral," sagot ng ale. Pinunasan niya ang pawis na tumulo sa mukha niya dahil sa bigat ng timba na dala niya. Kung may pera lang ako, tutulungan ko siya.

"A, tulungan ko na po kayo r'yan," pag-aalok ko. Pero, umiwas ito.

"Nako, Señora, hindi po dapat mabahiran ang kagaya n'yo ng malalansang isda na hawak ko." Naawa naman ako sa kaniya nang dahil sa sinabi niya.

"Magkano ho ito?" tanong ni Vicente.

"Sampung piso, Señor. May kamahalan ang bagay na 'yan dahil hindi 'yan kumukupas."

"Bueno." Kumuha si Vicente ng ilang barya sa bulsa niya. "Sa inyo na po ito," sambit ni Vicente. At nagbayad na siya sa ale. Nakikita ko naman sa mata niya ang saya.

"Nako! Maraming salamat, Heneral! Napakasuwerte mo, Binibini sa iyong sinisinta."

"P-Po?" saad ko.

"Akala niya, nobya kita," bulong ni Vicente sa akin habang natatawa.

"Mauuna na po ako, Heneral, Señorita." At nag-bow siya kahit mabigat na ang dala niya.

Nagulat naman ako sa presyo ng kuwintas. Sampung piso? Mahal na pala iyon? Ganoon na pala kalaki ang halaga ng sampung piso noon. E, ngayon ang sampung piso pamasahe ko lang sa jeep tapos spinal cord ko na lang ang nakaupo nang dahil sa sikip. Hay!

"Patingin nga n'yan." Inagaw ko kay Vicente ang kwintas at na-realize ko na ang barubal ng ginawa ko. Ang 'squammy' ko rin minsan.

"Napakaganda, 'di ba, Binibini? Napabili ako niyan sapagkat nais kong maging isang kalapati kapag ako ay naglaho at lumipas sa mundong ito," sabi niya habang nakatingin sa kuwintas.

"Bakit naman kalapati? Ayaw mo ng leon? O, 'di kaya ay tigre?"

Napangisi siya at kinuha ang kuwintas sa akin. "Araw-araw na akong namumuhay na tila isang tigre o leon. Sa susunod na buhay, nais ko naman ang maging isang malayang ibon na kung saan ako ay payapa at malayo sa estado ng buhay ko ngayon."

"Sabagay, masiyado ka pang bata at may malaki ka nang responsibility. I mean... Este, responsibilidad."

"Tama ka. Sa edad na bente-tres ay nakaatang na sa aking balikat ang responsibilidad na kailanman ay hindi ko matatakasan."

2 years pala ang tanda niya sa akin. Sa edad niyang ito mulat na siya sa karahasan.

"Ibig mo bang mapasaiyo ang kuwintas na ito?" tanong niya.

"Hindi na kailangan. Mas bagay 'yan sa 'yo. 'Yan ang simbolo ng pagkatao mo, Vicente. Heneral pala," sambit ko.

"Kung ganoon, halina't iuuwi na kita." Kinuha niya ang kabayo gamit ang tali na nakasabit dito. Tinapik-tapik ko namam ang itim niyang kabayo sa ulo.

"Ang cute! Ano'ng pangalan niya?" tanong ko.

"Cute?"

"Ang ano... Pano ba ito? Ang gara ng kabayo mo. Ano ang pangalan niya?"

"Kabayo," sagot niya. Napa-what the fuck look naman ako kay Vicente.

"Pinangalanan mo ang kabayo mo ng 'kabayo'?" Halos mapahiga na ako sa sahig sa katatawa. Tawa ako nang tawa sabay hawak pa sa tiyan ko.

Then, I realized na nakatitig lang sa akin si Vicente na parang nauulol na ako. "Ano ba namang sobrang nakakatawa sa sinabi ko?"

"Sandali, hayaan mo akong huminga." sagot ko na sumenyas pa gamit ang kamay. Ang sakit tuloy ng tiyan ko katatawa.

"Ngayon lang ako nakakita ng isang babae na maihahambing ko sa isang lasing kung tumawa," panglalait niya. Sabagay, iyong inasta ko naman talaga ay hindi pang-Maria Clara, kun'di pang-Annie Batungbakal. "Hindi ko batid na ganiyan pala ang isang Rosenda na anak ng isang kapitan."

"Aywan ko sa 'yo! Mabuti pa, iuwi mo na ako dahil nagugutom na ako. Kanina pa ako nakatayo. Nakikita mo ba 'tong paanan at kamay ko? Namumula na, o!"

"Paumanhin." Iniayos niya ang sakayan doon sa kabayo niya. "Sakay," utos niya. Feel ko tuloy, ito ang sinaunang 'Get in the car'. Ayun nga lang, kabayo version.

"Talaga?" Tuwang-tuwa naman ako dahil makakasakay na ulit ako sa kabayo.

"Oo. Hindi ba't sinabi mo sa akin kahapon na nais mong hiramin ang kabayo ko kapalit ng pagturo mo sa akin ng kantang inawit mo sa entablado?"

Oo nga pala. May usapan kami na hihiramin ko kabayo niya at tuturuan ko siya. Pero, bago siya nakasagot ay hinatak ako ng rebelde.

"Game! Este, tara na!" sambit ko. Excited akong sumakay at humakbang agad ako sa pedal ng kabayo at dahan-dahang sumakay. Pinalo ko sa puwet ang kabayo pero hindi naman umandar.

"A-Ano ang ginagawa mo?" tanong ni Vicente.

"'Di ba, pinapalo sa puwet at saka, aandar?"

"Hindi ka naghehele ng sanggol, Binibini. At sino ang may sabi na ikaw ang magpapatakbo kay Kabayo?"

Ha? So, it means, siya ang magpapatakbo kay Kabayo? Akala ko ba, bawal ito dahil hindi naman niya ako nobya?

"Ano? Sasakay ka sa likuran ko?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi maaari ang ganiyang kapusukan, Binibini. Maglalakad lamang ako at aalalayan ka," sambit ni Vicente. Ay, shit! Akala ko naman ay marupok si Vicente. Okay. Fine.

"Sige na. Dalian mo na."

"Kabayo, ingatan mo ang Binibini, a?" Tinapik pa niya si Kabayo at maya-maya lang ay naglakad na ito at hawak siya ni Vicente sa tali.

"Humawak ka nang mabuti, Bb. Lafuente. Mapepeligro ang buhay ko kapag nahulog ka r'yan at malaman ng iyong ama."

"Yes, Captain! Si, señor!" maligalig kong sagot. Tuwang-tuwa naman ako dahil nakasakay ulit ako sa horse. 'Ayun nga lang, may guide ako sa ibaba. Take note, Heneral pa.



PAGKARATING NAMIN SA mansiyon ay sinalubong ako kaagad nina Don Fabio, Doña Macaria, at kuya Antonio ng isa.

"Anak! Diyos ko! Ang buong akala ko ay hindi ka na makababalik sa amin," naiiyak na sambit ni Doña. Nakayakap silang tatlo sa akin at napadila na lang ako habang nakatalikod sa kanila dahil hindi nila alam na jino-joke ko lang sila.

"Masaya ako na nandito na po ulit ako," sagot ko.

"Maraming salamat, Heneral Vicente sa pagligtas mo sa aming unica hija."

"Walang ano man, Don Fabio!" sagot ni Vicente. Inakbayan naman ako ni Doña Macaria.

"Nakikilala mo ba ang mga salarin?" tanong ni Don Fabio.

"Ikinalulungkot ko na hindi ko nagawang makilala ang pagkakakilanlan nila, sapagkat mas pinili ko ang kaligtasan ni Rosenda."

"Anak, may nabanggit ba sa 'yo na pangalan ang mga rebeldeng 'yon?"

At bigla akong napaisip sa tanong ni Don Fabio. Hindi ko alam kung tama ba na i-reveal ko sila Manuel sa kanila pero pakiramdam ko na hindi naman sila masamang tao. Naalala ko ang sitwasyon nila roon, pati ang batang ka-edad ni Delilah na si Criselda.

"W-Wala po," pagsisinungaling ko. "Nakatakip ang kanilang mga mukha. Hindi naman po nila ako sinaktan," dagdag ko pa.

"Heneral, inaasahan ko na mahuhuli mo ang mga iyon at mabigat na parusa ang kanilang kalalagyan."

"Makakaasa kayo, Señor," sagot ni Vicente.

"Rosenda, bakit hindi mo imbitahin mamayang gabi ang Heneral na sa atin na maghapunan? Mukhang wala naman siyang sasanayin na mga kawal," biglang hirit ni kuya Antonio.

"Ano?"

"Bilang pasasalamat sa Heneral. Imbitahin mo siyang maghapunan sa atin mamaya kasama ang kaniyang ama," sambit ni kuya Antonio sabay kindat.

Hay, nako! Ipinagtutulakan pa niya yata ako kay Vicente.

"Tamang-tama! Heneral, kung wala kayong ibang dapat alalahanin ni Don Lucio, iniimbitahan ko kayo sa aking pamamahay mamayang alas siete ng gabi upang dito na tayo mag-salu-salo," malugod na saad ni Don Fabio.

Tumango naman si Vicente. "Aking susubuking kumbinsihin si Ama, Don Fabio. Magandang hapon po," sagot ni Vicente.

"Pilitin n'yong makapunta dahil mayroon akong magandang balita na labis na ikatutuwa ng iyong ama, lalo ka na Rosenda."

"Ha? Ako?" tanong ko sabay turo sa sarili.

"O, siya! Mauuna na po ako, G. Antonio, Doña Macaria, at Don Fabio." At tinignan ako ni Vicente nang dahan-dahan. "Bb. Rosenda, palagi kang mag-iingat."

"Palagi ka raw mag-iingat, Rosenda," pang-aasar ni kuya Antonio na siniko-siko pa ang tagiliran ko.

"Ano ba, Kuya?! Hindi ka ba titigil?" naiinis kong tanong sa kaniya.

Hindi nagtagal ay umalis na si Vicente kasama si Kabayo, at pumasok na rin kaming apat nang sabay-sabay sa mansiyon. Kaagad namang inutusan ni Doña Macaria ang mga tagapagsilbi namin na magluto ng iba't ibang putahe.

Hindi ko naman maiwasang isipin kung ano iyong 'ikatutuwa' ko na sinabi ni Don Fabio kanina. Well, malalaman natin.



Continue Reading

You'll Also Like

The Final Exam By _wordsmith_

Mystery / Thriller

92.2K 4.3K 54
Section Gold; a classroom that was meant to be a sanctuary for high school teenagers quickly turns into a nightmarish battleground! As the beginning...
Way Back To You By Eros

Historical Fiction

473K 35.5K 99
Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa p...
E.N:D By simphliie

Teen Fiction

653K 7.8K 45
Entitled Now: Dead Princess No More| BOOK 1:SCDP| Comment your Thoughts| New book will be untold. New Chapters will be written by the old casts and t...
4.8M 191K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...