Bakanteng Nitso

By ajeomma

411K 1.6K 88

Si Domeng ay isang sepulturero. Siya na rin ang ginawang tagapagbantay sa sementeryong malapit sa kinatitirik... More

Kabanata 1: Palabas
Kabanata 7: Sama ng loob
Kabanata 8: Alister

Kabanata 5: Tsismis

21.4K 448 27
By ajeomma

"MACARIA! Bakit mo 'ko iniwan? Ano pa ang silbi ng aking buhay kung wala?ka? Macaria! Hindi ko 'to kaya, isama mo na lang ako sa iyong pupuntahan. Macaria!"

"Nakupo, itay!"

"Hesusmaryosep, si Mang Delfin!"

"Paano na kami ngayon, inay? Inay!"

"Dalian n'yo, si Gina rin!"

Nakamasid lang sa isang gilid si Domeng. Lahat ng nagaganap t'wing may ililibing sa loob ng sementeryong pinagha-hanapbuhayan ay tahimik lang n'yang pinanonood.

Mga nag-iiyakan, nagsisigawan, hinihimatay at kung anu-anong eksena ang pamilyar na sa kanya t'wing may isusuot na bangkay sa loob ng parihabang batong bagong tirahan ng mga ito. Pangkaraniwan na lang sa kanya ang gan'ong mga tanawin. Hindi na bago ika nga, dahil nakasanayan na n'ya. Lahat naman ng taong isinilang ay sa pagkamatay mauuwi. Ang lahat ay hindi makaliligtas kapag ang kalawit ni Kamatayan ay nakadikit na sa bawat leeg ninuman dahil dumating na ang hangganan ng hiram na buhay

"Kapag patay na ang isang tao ay wala na s'yang mararamdamang sakit. Hindi na masasaktan ang damdamin at mahihirapan. Pero dito sa lupa lang, kasi haharapin n'ya naman ang kabilang buhay. Narinig ko ang sabi ng isang lalaking nangangaral noon, ang pagkakaintindi ko kapag namatay na raw ang isang tao ay nakapahinga pa lang s'ya. At pagdating daw ng araw ng paghuhukom saka pa lang hahatulan ng Panginoon sa kanyang mga nagawa. Ang paniniwala naman ng iba, kapag namatay raw ang isang taong mabuti ay sa langit ang diretso niya, at kung masama naman ay sa impyerno raw ang tuloy. Kung ako ang tatanungin, narito rin sa lupa ang langit at ang impyerno. Kung masaya ang buhay, payapa kasama ng mga mahal sa buhay, at walang sakit ng ulo e 'yon ang langit. Kung tatad ng mga problema at puro paghihirap ang buhay, 'yon naman ang impyerno."

Malalim na buntung-hininga ang pinawalan niya mula sa naninikip na dibdib. Hindi s'ya takot sa mga patay subalit maisip pa lang na s'ya na ang patay ay sinisigilahan ng takot ang buo n'yang sistema. Sanay s'ya sa paghawak ng iba't ibang klase ng ataul na may lamang bangkay, ngunit kapag naiisip na paano kung s'ya na ang nakahiga sa loob niyon ay nangangalisag na ang mga balahibo n'ya sa mga braso. Ordinaryong gawain na lang sa kanya ang maglibing sa mga ito. Matapang na ang kanyang sikmura, subalit kapag naiisip naman niya kung sino kaya ang maglilibing sa kanya ay nanghihina na ang kanyang mga tuhod at nanlalaki ang kanyang ulo.

"Mahirap nga ang buhay pero masarap pa rin ang mabuhay. Ayos lang basta't 'di sumasala sa oras at walang malalang sakit. 'Yong makaraos sa bawat araw e malaking pasalamat na sa Diyos. Sabi nga, habang may buhay, may pag-asa," pagpapalakas loob niya sa sarili.

Matapos ang mga pagsisigawan at paghagulgol ng pamilya at malalapit na mga kamag-anak, kaibigan at ilang naiiyak dahil nadadala na rin sa nakikitang pananangis ng iba ay isinusunod naman ang pagtawid ng mga bata sa ibabaw ng ataul. Pinaniniwalaang sa paggawa ng gan'on ay hindi raw dadalawin o magpapakita ang kaluluwa ng namatay sa mga hahakbang sa bangkay ng namatay.

Hindi n'ya alam kung kanino nagmula ang paniniwalang 'yon o kung totoo nga ang ritwal na 'yon dahil bata pa lang s'ya ay nakikita na n'yang ginagawa ang gan'on. Pero dahil nakasanayan na gawin ay nagpatuloy na lang. Marahil ay may pamahiing sinusunod ang mga matatanda. Kunsabagay ay wala namang masama kung gawin at wala rin namang mawawala. Kanya-kanyang paniniwala lang naman at dapat irespeto ng iba.

Pagkatapos maisuot ang ataul sa loob ng nitso kasunod ng mga bulaklak na karamihan ay lanta na, ginawa na n'ya ang kanyang trabaho. Itinuloy na n'ya ang pagsasara sa butas niyon. Nagawa na n'ya ang mga dapat gawin kung kaya lumayo na s'ya at nagtuloy sa isang bahagi ng sementeryong tambayan n'ya at doon sandaling nagpahinga. Nang mag-alisan na ang mga taong nakipaglibing ay nag-umpisa na s'yang linisan ang paligid. Pinulot n'ya ang pwedeng pakinabangan para sa kaibigang napangakuan at inilagay ang mga iyon sa isang malaking plastik. Madilim na nang matapos n'ya ang mga dapat gawin.

Napangiti s'ya matapos maalala ang mainit na tagpong namagitan sa kanila ng asawa. Ang pananabik ay muli n'yang naramdaman. Hindi n'ya ito pagsasawaang sambahin at angkinin. Agad s'yang tumayo upang umuwi, gusto n'yang umulit. Gusto n'yang muling madama ang masarap na kandungan ng asawa.

Naisipan n'yang dumaan sa bilihan ng mga lutong ulam para sinaing na lang ang lulutuin at pwede na silang maghapunan. Maaga n'yang patutulugin si Tintin para muling magawa ang pakikipagsanib ng katawan sa asawang pinananabikan. Magaan na magaan ang kanyang pakiramdam sa kabila ng pagod.

Marami pa ang bumibiling nauna sa kanya kaya matyaga s'yang naghintay. Napansin n'ya ang mga pasimpleng tinginan ng ilang naroron. Nauulinigan rin n'ya ang bulungan ng mga ito na sinusundan ng mahinang pagtawa. Binalewala n'ya na lang. Sanay na s'ya sa mga kapitbahay na ginagawang katatawanan ang buhay ng may buhay. Natanaw rin n'ya ang pagsiko ng isang babaeng tila nananaway sa dalawang matandang nakaupo sa bandang gilid. Tingin n'ya ay may mahalagang bagay na pinag-uusapan ang mga ito. Nakita n'yang lumingon ang dalawa sa kanya. Mula sa kinatatayuan ay narinig n'ya ang lumakas na tinig ng mga ito.

"Ano ka ba? Eh ito ngang si lalake, tulog sa pansitan. Walang kaalam-alam sa kababalaghang ginagawa ng asawa n'yang haliparot. Nakuu, ang sarap kutusan para matauhan!'' sabi ni Aling Cely, ang matandang wala yatang kinatandaan. Napakahusay pumula sa kapintasan ng iba gan'ong ang pamilya'y may sariling bahong itinatago.

"Ano pa nga ba? Kayang-kaya kasing utuin si lalake. Kaunting himas lang ni babae ay parang asong kumakawag agad ang buntot. Kung 'di ba naman eh, si lalake ang nasa bahay at nag-aalaga ng anak, habang si babae naman ay maghapon sa tong-itan o kaya'y inuumaga sa inuman. Daig pa ang dalaga! Ano pa nga ba ang inaasahan mong mangyayari 'di ba?'' sagot naman ni Aling Conchita, ang matandang mahusay magtagni-tagni ng mga pangyayari. Daig pa ang mahuhusay na manunulat sa pag-gawa ng mga istorya at kwento.

Kahit elementarya lang ang natapos ay naintindihan n'yang para sa kanya ang usapan na 'yon. Na siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Hindi nangiming marinig n'ya ang sinasabi. Inilihis n'ya ang tingin at nag-tengang kawali na lang. Kung papatulan n'ya ang dalawang matanda ay s'ya lang din ang malalagay sa kahihiyan. Isa pa ay marunong s'yang gumalang sa nakatatanda sa kanya. Ngunit sa kabila ng ginawa niya ay hindi tumigil ang mga ito sa ginagawang pagpaparinig.

"Kung gusto mo ay magpustahan pa tayo, eh. Malamang pag-uwi ni lalake ay wala na naman sa bahay si babae. At si anak ay iniwanan na naman sa kapitbahay o kaya'y sa kumare. Hay, naku!'' sabi parin ni Aling Conchita.

"Hindi na kailangang pagpustahan pa, tiyak na 'yon! Siguro kinakati si babae. Hindi makuntento sa kamot ni lalake kung kaya nagpapakamot pa sa iba," sabi uli ni Aling Cely.

Sabay na nagtawanan ang dalawang matanda habang pinipigil naman ng iba ang pagtawa. Ang ilan naman ay malungkot na tumingin sa kanya. At kung 'di s'ya nagkakamali ay bahagya pang umiiling ang mga ito. Hindi s'ya direktang nakatingin ngunit kita sa sulok ng kanyang mata ang mga nagyayari.

Hindi n'ya pa rin pinansin ang dalawang babae. Naisip niyang ikatutuwa lang ng mga ito kung magbibigay s'ya ng 'di magandang reaksyon. Natitiyak n'yang panibagong usapin na naman ang magagawa ng mga itong palakihin. Kaya ng mga ito gawing manok ang nakaumang pa lamang na itlog sa puwet ng isang inahin. Mas lalaki lang ang gulo. Baka pati ang anak n'yang si Tintin ay magawan pa ng isyu. Kung magkakagan'on ay baka hindi na n'ya magawang pigilan ang sarili at mabastos ang dalawang matandang ang gusto ay tumanggap ng respeto ngunit hindi naman alam ang tunay na kahulugan n'on. Hindi bale nang s'ya ang nililibak ng mga tao. Ang katwiran n'ya, hindi naman binabanggit ng mga ito ang kanyang pangalan o ang pangalan ng kanyang asawa. Si babae at si lalake ang tanging sinasabi ng mga ito. Kung maninita siya ay baka mabaligtad pa at siya lang 'din ang lalabas na kahiya-hiya. Madaling itanggi na hindi naman s'ya ang tinutukoy sa pinag-uusapang ng mga ito. Para na n'yang naririnig ang kasunod na pang-uuyam na ipupukol ng mga ito sa kanya, "kung sino ang unang pumutak, siya ang unang nangitlog".

Ipinagpatuloy n'ya ang pagkunwaring hindi naririnig at hindi naiintindihan ang usapang 'yon . Matapos makapili ng putaheng magugustuhan ng asawa't anak ay agad na s'yang nagbayad at saka nagmamadaling naglakad palayo.

Masaya s'ya, maganda ang mga nagyari sa knilang mag-asawa kanina. Kung anuman ang hindi nila pagkakaunawaan ay napawi na. Ayaw n'yang masira ang magandang pakiramdam kaya sinikap n'yang alisin sa isipan ang mga pangit na narinig.

"Wala na namang magawa ang mga kapitbahay ko kaya kung anu-anong istorya na naman ang binubuo para mapaglibangan," aniya habang binabagtas ang daan pabalik sa kanilang bahay.

Continue Reading

You'll Also Like

359K 1.8K 5
Dalawang sanggol na may pakpak ang magkasunod na isinilang sa kalaliman ng gabi! Ang isa sa sanggol ay may buhok na kulay mais at animo ginto. Mala-s...
313K 1.5K 4
Si Baste at ang tubig sa Bukal Book 2 Halika na at muli mo akong samahang tunghayan ang kasaysayan ng isang kakaibang paslit na nagngangalang Anghel...
23K 159 7
Lahat ng tao sa paligid niya ay trinaydor siya ngunit sa kabila nito, may naghihintay rin ba kayang kapayapaan sa puso niya?. --- Written by: glossys...
3.1K 290 12
One prison area with three different levels. Twenty four participating players. A Ten million cash prize at stake when they successfully escape the p...