"Amy! Magpapakamatay daw si Eco kapag di mo siya sinagot! Maawa ka naman dito sa kaibigan ko oh! Tinigil na niya yung pagyoyosi at lahat ng bisyo niya para sayo! Sayo lang to nagkaganito! Hindi ko na siya maiintindihan! Nagkumukmok na dito! Sagutin mo na please??!" Pagmamakaawa ni Ced habang kausap ko sa telepono.
"Ha??!! Bakit?! Anong nangyari?!" Nag aalala kong sagot kay Ced.
"Sagutin mo na yung kaibigan ko please nagmamakaawa na ako sayo. Sinasaktan na niya yung sarili niya. Hindi ko na siya maintindihan!" Tugon ni Ced.
"Oo na sige na! Pasabi umayos na siya please." Pagmamakaawa at napilitan kong sambit habang nag aalala.
"Uyyy.. mukhang close na kayo ni Eco ah? Kayo na ba?" Pang-aasar ng aking matalik na kaibigan na si Mari.
Kami ay nasa pangalawang taon ng sekondaryang paaralan na isang sakay lamang dikalayuan sa aking tahanan. Karamihan sa aking mga kaeskwela ay nakatira din sa barangay na aking tinutuluyan at ang iilan dito ay dati ko ng kaeskwela noong kami ay nasa elementarya pa lamang at kabilang na dito sina Mari(matalik kong kaibigan) at si Eco na naging malapit na din sa akin.
"Hindi ah. Bff lang kami non." Patanggi kong sagot sa kanya. Magkaklase kaming tatlo kabilang na din ang kasintahan ni Mari na si Ced na siya namang matalik na kaibigan ni Eco. At dahil sa madalas kong kasama ang bff kong si Mari, nakakasama ko na din ang kasintahan nya at ang matalik na kaibigan nito. Matagal-tagal na kaming magkakilala ni Eco ngunit hindi kami malapit sa isa't isa kagaya ngayon.
Tuwing may mga aktibidad sa aming eskwelahan, sila ang grupo na aking laging kinabibilangan. Hanggang sa pag pasok at pag uwi, sila din ang aking nakakasabay dahilan sa magkakalapit ang aming mga bahay. Maging sa pagdedate ng dalawa eh palagi din kaming kasama kaya sa tuwing mag kausap ang magkasintahan, kami naman ni Eco ang nagkakaroon ng pagkakataon upang makapagkwentuhan.
Sa dalas ng pagsasama namin sa aking palagay ay nahulog na ang loob ko sa kanya. "May gusto na kaya ako?" Tanong ko sa sarili. Sa tuwing kami ay nagkakaroon ng pagkakataon na makapag-usap ng kaming dalawa lang eh gumagaan ang pakiramdam ko na tila bang palagi akong ligtas sa tuwing kasama ko siya. Madalas din ay magkatabi kami sa upuan ng aming silid-aralan. Nagkakasundo din kami sa mga awitin na aming pinakikinggan sa kadahilanan na parehas kaming mahilig sa musika. Sa katunayan eh madalas kaming kumakanta sa tuwing wala na kaming guro o klase. Dahil naging malapit na kami sa isa't isa, naging magulo ito para sa akin. Kinikilig ako na para bang... Ah! Ewan! Hindi ko maintindihan ang aking sarili sa aking nararamdaman. Nagsimula na din ang iba pa naming mga kaklase na kami ay tuksuhin.
"Yiiieee! Yung dalawa oh! Ang sweet! Baka langgamin na kayo diyan ah?!"
"Uyyyy ohhh! Kayo na ba???"
"Huwag kayong maingay hayaan niyo sila nagmomoment eh."
Ilan sa mga chismosa naming kaklase na walang magawa kundi pansinin lahat ng kinikilos namin.
Ang pagiging malapit sa isa't isa ay napalitan ng unti-unting paglayo at pagdududa sa aking tunay na nararamdaman. "Hindi maaari!" ani ko, mula sa naglalakbay na pag iisip. Nais ko lamang ay palaging nasa tabi niya at ipagpatuloy ang masaya naming samahan. Ngunit bakit ganito ang aking nararamdaman? At bakit ko siya nilalayuan? Dapat walang magbago upang hindi niya ito matunugan. Hindi niya dapat malaman ang tunay kong nararamdaman. Ayokong malayo sa kanya ngunit hindi ko na kaya. Hindi ko na maitago ang pagkagusto ko sa kaniya.
Natapos ang isang buong araw na iniwasan ko siya. Subalit hindi mapalagay ang aking kalooban hanggat hindi ko pa nasasabi sa kanya ang katotohanan. "Sasabihin ko na ba?" Muling tanong ko sa sarili habang nakatingin sa di kalayuan na walang kamalay-malay na si Eco. "Sasabihin ko na ba?"
Nawalan ako ng lakas ng loob para sabihin ito sa kaniya. Hanggang sa pag uwi ay nilayuan ko siya. Ngunit hindi ko akalain na nag aabang pala siya sa labas ng gate ng school para makipag usap sa akin. Nagulat ako nang makita ko siya. Akma akong umiwas ngunit humarang siya sa harapan ko at sinabing, "may problema ba?"
"Wala." Nagmamadali kong sagot habang umiiwas sa mga mata niyang nakatingin sa akin.
"Sabihin mo na bes. Bff tayo diba?" Sagot ni Eco.
"Yun na nga eh! Mag BEST FRIENDS LANG tayo!" Biglang lumabas sa bibig ko na hindi ko na alam kung paano magpepreno. "Eco may gusto na ako sayo! Hindi mo ba nahahalata?! Hindi na kita bes lang! Iba na yung nararamdaman ko!" Dagdag ko.
"A—Amy mahal ko pa yung ex ko at nakikipagbalikan ako sa kaniya. Kaibigan lang ang turing ko sayo. Sorry." Batid niya habang gulat sa aking ginawang pag amin.
Hindi na ako nakasagot pa sa narinig na katotohanan. Kaya pala! Kaya pala hindi niya makita at maramdaman na gusto ko siya dahil nasa iba pa din ang atensyon niya! Kaibigan lang pala ang turing niya sakin! Sobrang bigat ng aking nararamdaman. Pakiramdam ko ay wala ng magmamahal sakin! Sana ay pinigilan ko nalang ang aking sarili na mahulog sa kaniya. Sana ay hindi nalang ako umasa na ganun din ang tingin niya sakin! Ilan iyan sa mga naglalaro sa aking isipan habang pulang pula ang mata gawa ng aking matinding pag iyak habang papalayong naglalakad. Madali akong naglalakad upang hindi na maabutan ni Eco. Sa aking pagmamadali ay di ko napansin ang isang truck na papalapit na sa akin. Ang lungkot ko ay biglang napawi ng panginginig at takot na gumimbal sa karamihan. Wala akong marinig na kahit na ano at hindi ko din maihakbang ang aking mga paa ng sandaling makipagtitigan ako sa paparating na truck. Tumigil bigla ang mundo. Sa mga sandaling iyon ay nawala ako sa aking sarili. Sa di kalayuan nakikita kong sumisigaw ang best friend kong si Mari, "Amy!!! Amyyyy!! May truck!!!" Ngunit wala akong naririnig na kahit na ano. Sinusubukan kong igalaw ang aking mga binti ngunit nanatili ito sa gitna ng kalsadang aking kinatatayuan na para bang nag aantay na lamang ako sa aking kamatayan. Biglang huminto ang truck na konti na lamang ay nasa tabi ko na. Saka ko lamang narinig lahat ng sigaw at ng ingay sa paligid. At saka ko nalang din naihakbang ang aking mga binti papalayo sa truck. At muling tumulo ang aking mga luha.
"Magpapakamatay ka ba??!!! Tingin tingin din habang tumatawid ah!!!" Sigaw ng driver ng truck.
"Ayos ka lang ba Amy?" Pag aalalang tanong ni Mari.
"Oo ayos lang ako." Sagot ko na hindi ko alam kung sasabihin ko na ba sa kaniya yung inamin ko kay Eco.
Magulo pa ang aking isipan sa mga sandaling iyon. Ang nais ko na lamang ay makauwi at makapag pahinga.
Nung ako'y nakauwi na, hindi maalis sa aking isipan ang mga nangyari kanina. Hindi ko matanggap na hindi ako gusto ng lalaking gusto ko. Nangako ako sa sarili ko na kahit na anong mangyari ay iiwasan ko na siya at hindi na muling makikipag kaibigan sa kaniya. Masyado akong nasaktan sa mga sinabi niya. Muli kong nilakasan ang aking loob at pinili na maging matapang sa nangyari. "Basta lalayo na ako." Pinangako ko sa sarili ko.
Kinabukasan habang ako'y naglalakad papuntang sakayan, may tumatawag sa aking pangalan sa di kalayuan.
"Amyyyy!!! Amyyy!" Napalingon ako upang tignan kung sino ang tumatawag. Si Ced ang tumatawag ngunit nagulat ako ng makita kong kasama niya si Eco. Nagmadali akong maglakad upang hindi nila ako maabutan. Dali-dali naman akong nakasakay sa jeep at hindi nila ako naabutan. Pag pasok sa eskwelahan ay akin silang iniwasan.
"Bakit hindi mo kami inantay?" Tanong ni Ced.
"Wala." Sagot ko.
"Iniiwasan mo ba si Eco?" Dagdag na tanong ni Ced.
"Oo. Siya nalang tanungin mo." Masamang loob kong sagot.
"Sinabi na niya sakin na may gusto ka sa....."
"Oh alam mo naman na pala eh! Bakit ka pa nagtatanong?!" Umiwas ako pagkatapos non.
Sinabi ko na din kay Mari ang nangyari at agad naman niyang pinagaan ang loob ko.
Pagkalipas ng tatlong araw ay nagbago ang lahat. Kinausap ako ni Eco at sinabing "Amy, nagkamali pala ako. Hindi ko na pala mahal si Abby. Ikaw na pala ang gusto ko. Nung nawala ka doon ko napagtanto lahat na ikaw pala yung gusto ko at ikaw yung hinahanap ko, pwede mo pa ba ako bigyan ng isa pang pagkakataon? Papatunayan ko sayo lahat. Pangako".
"Ayoko. Ayoko na Eco. Nagmomove on na ako. Wala na akong nararamdaman." Sagot ko.
Pinanindigan ko ang mga binitawan kong pangako sa sarili ngunit kahit na iniiwasan ko si Eco ay pilit pa din nitong pinapatunayan ang sarili sa akin na ako daw ang kaniyang mahal. Palagi niya akong sinusundo at hinahatid, binigyan niya din ako ng mga regalo. At madalas siyang tumatabi sa akin. Wala na akong nagawa kundi hayaan nalang siya. Pagkalipas ng isang linggo ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Ced.
"Amy! Magpapakamatay daw si Eco kapag di mo siya sinagot! Maawa ka naman dito sa kaibigan ko oh! Tinigil na niya yung pagyoyosi at lahat ng bisyo niya para sayo! Sayo lang to nagkaganito! Hindi ko na siya maiintindihan! Nagkumukmok na dito! Sagutin mo na please??!" Pagmamakaawa ni Ced habang kausap ko sa telepono.
"Ha??!! Bakit?! Anong nangyari?!" Nag aalala kong sagot kay Ced.
"Sagutin mo na yung kaibigan ko please nagmamakaawa na ako sayo. Sinasaktan na niya yung sarili niya. Hindi ko na siya maintindihan!" Tugon ni Ced.
"Oo na sige na! Pasabi umayos na siya please." Pagmamakaawa at napilitan kong sambit habang nag aalala.
Sa tawag na iyon ay napilitan akong sagutin si Eco kahit na ayaw ko. At mula noon ay nanumbalik ang sigla sa kaniyang mga mata. Wala siyang kaalam alam na may gusto na akong iba. Hindi ko din masabi sa kaniya na napilitan lang akong sagutin siya. Isang linggo ang sembreak non at yun ang mga panahon na naging kami ni Eco. Pumupunta siya sa bahay kahit hindi ko alam. Dalawa sila ni Ced na dumadalaw sa bahay para lang makita ako. Patago ko naman silang nilalabas para hindi malaman ng aking mga magulang na may kasintahan na ako.
"Anong ginagawa niyo dito? Umalis na kayo. Baka makita pa kayo nila mama." Pabulong kong sinasabi sa may bintana. Dali dali ko silang pinaalis at hindi na nilabas para hindi na ako mapansin na may kausap sa labas ng bahay. Hindi ko na alam kung paano ko hihiwalayan si Eco. Ayoko na siyang umasa. Pagkatapos ng isang linggo ay bumalik na kami sa pagpasok sa paaralan. Noong araw na iyon ay tumabi sa akin si Eco. Hinayaan ko lang siya habang hawak niya ang mga kamay ko. Nang dahil dito ay nalaman ng aming mga kaklase na kami na. Patuloy naman ang pag iwas ko kay Eco at tinanggal ko din ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Dito, naramdaman niya ang panlalamig ko. Hindi ko na talaga alam kung paano ko sasabihin sa kaniya dahil hindi ko naman alam kung paano makipag hiwalay dahil unang beses ko palang nakipagrelasyon. Nang matapos na aming klase ay bigla nalang akong tinanong ni Ced habang ako ay pasakay na sa jeep pauwi "Amy! Ayaw mo na daw ba?" Sigaw ni Ced na agad ko namang sinagot ng tungo. Pagkauwi ko ay nakatanggap ako ng mensahe sa aking telepono mula kay Eco. Nagagalit siya at bakit ko daw siya pinag mukhang tanga. May iba na daw ba. "Sino?!" Tanong niya. Wala na akong nasagot sa kaniya kundi "Sorry." At pinaliwanag ko na napilitan lang naman talaga akong gawin yon dahil sa ayaw ko siyang mapahamak. Kinabukasan ay nagulat ang lahat sa nalaman na wala na agad kami ni Eco.
"Uy! Kayo na pala ni Eco ah!"
"Ha?! Wala na agad kayo?!"
"Anong nangyari?!"
"Ang bilis naman!"
"Ang sweet niyo pa non tapos wala na agad?!"
Ang dami nilang tanong at syempre ako nanaman ang lalabas na masama. Hindi ko nalang sila pinansin basta sinabi kong wala na at tapos na.
Dahil sa guilt na nararamdaman ko at gusto ko na din makaiwas kay Eco, dali dali kong sinagot yung isa kong manliligaw pagkalipas ng tatlong araw. Siya na talaga yung gusto ko mula pa noong naging kami na ni Eco. Sa kadahilanang gusto ko ng ipakita kay Eco na okay na ako at para na din tigilan na niya ako kaya ako nagdesisyon na sagutin ang lalaking iyon na siya namang nagka-klase sa katabi naming silid-aralan. Mas mainam na din ito dahil mahirap iwasan si Eco gawa ng kami ay magkaklase. At simula noon ay iniwasan na din ako ni Eco at nagsimula na kaming tuksuhin ng "Isang linggong Pag-Ibig".