My Life Bilang Koreanobela

By GenAsenjo

463 13 10

Partly memoir, partly fiction. Composed of: SeoulMate The Awesomeness Project (first US trip, NYC) The Roma... More

Seoulmate (2-4)
Seoulmate (5)

Seoulmate

361 11 10
By GenAsenjo

1

MASARAP MALUNGKOT SA SEOUL, at kung may lasa man ang kanyang lungkot, ito iyon: macademia nut sa Häagen-Dazs ice cream.

Mahal. Kailangan pa niyang mapunta sa Seoul para malaman na malungkot siya. Isang hapon iyon ng Sabado ng Oktubre, taong 2009. Umaakyat siya palabas sa istasyon ng tren sa Myeongdong. Naka-trench coat siya ng beige, nasa mga bulsa ang mga kamay. Thought balloon niya: bibili siya mamaya ng gloves. Naroon na ang kanyang Seoulmate sa paborito nilang ice cream house. Nang maupo siya sa harap nito pagkaraan ng halos sampung minuto, doon at napansin niya ang malaking puno ng gingko sa harapan ng ice cream house, sa labas ng salaming bintana. Hubad ito, walang mga dahon. Nanginginig ang mga tangkay. Grey, naisip niya, isa itong kulay. Ito ang kulay ng lungkot sa bansang ito, hindi na ang asul na dagat ng Filipinas na dinadayo ngayon ng mga Koreano, at gustong angkinin ng iba at marami pang banyaga.

Ngunit mahirap maging malungkot sa Filipinas, lalo na sa Manila. Kulang ang tren at nagkaka-aberya. Nagkukumahog ang mga umaga at gabi; kulang ang oras para malungkot. Nasa TV ang kanilang mga tawa at iyak, sa mga teleserye. Napakaraming tao sa loob at labas ng bahay. Bakit napakaraming tao sa mall, kahit office hours? Pagtataka ng kanyang Seoulmate sa una nitong pagbisita sa Manila pagkalipas ng limang taon. Natawa lamang siya. Mahabang kuwento. Mahirap ipaliwanag. Katumbas ito ng isang libo at isa pang tanong, tulad ng bakit napakaraming bata sa Filipinas? Bakit napakaraming pulubi sa Manila?

Bakit hindi tayo magpapakasal?

2

MAY IPIS AT DAGA sa kanyang apartment sa Paco sa Manila ngunit hindi siya nag-metamorphose sa isang ipis tulad ni Gregor Samsa, karakter ng isa sa paborito niyang manunulat na si Franz Kafka. German. Naging si Samsa (lamang) ito sa isang kuwento naman ni Haruki Murakami, isang Japanese at paborito niya ring manunulat. Bumalik sa pagiging tao si (Gregor) Samsa at na-inlove sa isang kuba. Nangyari ito dahil wala na, wala pa siyang prejudice.

Hindi rin siya naging isang koi sa isa sa mga pond sa Greenbelt sa mga hapon ng Sabado ng kanyang pagwi-window shopping pagkatapos ng trabaho. Pagod ang kilala niya noon, hindi pa ang lungkot na nagbabalat ng kanyang mga labi at nagbibiyak ng kanyang sikmura ngayon para isigaw ang sinigang, fried chicken, tuyo’t dilis, manggang hilaw sa bagoong.

Ngunit ito ang importante ngayon, narito (na) siya sa Seoul, isang bida sa pelikula ng kanyang buhay, dahil ano ba naman itong ating aklat na siya ang Dakilang Mangingibig (DM), ang ating Ultimate Pinay Lover (UPL), kundi isang GPS, isang modern-day fairy tale. Matatawa ka, pero huwag. Kailangan pa rin nating maintindihan na nabubuhay sa pag-ibig ang Filipino. At ano ba ang pag-ibig? Hindi ba isang pag-asa, isang paniniwala, isang pangarap, isang pantasya?

Tungkol naman sa katauhan ng kanyang tinatawag na Seoulmate, isikreto muna natin kung look-a-like ba o doppelganger ni Lee Min Ho. Sa ngayon, ito ang alam natin sa kanya: inabutan niya itong ating bida ng isang paper bag noong Sabado ng hapon na iyon sa ice cream house kung saan nakilala ng ating bida ang kanyang lungkot sa hubad na puno ng gingko sa labas ng salaming bintana.

Isang medium-size ziplock ang laman ng paper bag na ito. At limang maliliit na tangerine. ‘Orange,’ thought balloon niya, ‘ponkan.’  Sweet.

Mula Jeju Island, sabi pa ng kanyang Seoulmate sa banyagang wika na tanging naiintindihan niya at nasasalita sa isang pambihirang syntax at accent na paglipas ng marami pang araw sa Seoul, inilarawan ng mga nakasalamuha niyang mga Arab, European, American, African bilang lyrical.  Lee-ri-kal. Sa bahaging ito, nakikita natin sila, ang ating bida at ang kanyang Seoulmate, naroon pa rin sa mesa na iyon sa ice cream house, at wala nang puno ng gingko sa labas ng salaming bintana, kundi ang abo at itim ng gabi, at ang mga ilaw ng mga gusali ng Myeongdong.

Nagkukuwento ang Seoulmate tungkol sa isang alamat ng lungkot ng mga Koreano.

3

Isang lola ang bida sa alamat na ito. Si Lola Seolmundae. Siya ang pinapaniwalaang nanay ng Isla ng Jeju. Makikita siya ngayon at ang kanyang 500 na anak na lalaki, mga heneral, sa Jeju Stone Park. Sila mismo ang mga dambuhalang bato. Nakahilera. Kapag bibisita kayo roon, sasabihin ng inyong tour guide na ito ang ‘Passage of the Legend.’ Daanan ng Alamat.

Naging bato sila dahil sa kanilang mga luha. Kung paano ito nangyari, heto ang kuwento. 

Isipin ninyo ang isang napakalakas na matandang Koreana. Ito si Lola Seolmundae.

Napakalakas niya na pitong pala lamang niya ng lupa at nalikha ang Bundok Halla. Bundok ng mga Diyos. Simbolo ng Jeju. Pinakamataas na bundok sa South Korea. Naaabot mula rito ang mga tala. Sobrang laki rin ni Lola Seolmundae. Natatabunan ng kanyang palda (isipin n’yo ang hanbok, ang kanilang tradisyonal na damit) ang bundok na ito. Ito ang kanyang unan kapag natutulog. Umaabot ang isa niyang paa sa silangan, saan naroon ang tinatawag nilang Sunrise Peak. Ang isa pang paa, sa maliit na isla sa norte, ang Gwatal. Kuwento pa na ang dumi na nahulog mula sa kanyang palda ang lumikha ng kakaibang 300 cone na nagmamarka sa isla. Ito ang mga tinatawag na oreum.

Fertile din si Lola Seolmundae kaya nagka-anak siya. 500. Puro lalaki.

Palaging mayroong ‘isang araw…’ sa mga alamat. At sa isang araw sa alamat na ito, umalis ang kanyang 500 na anak para mangaso. Naiwan siya. Naghanda ng sopas para sa kanilang pag-uwi. Isipin ninyo ang isang napakalaking kaldero. Dito nagluto si Lola Seolmundae ng sopas para sa kanyang 500 na anak. At tulad sa maraming kuwento, nangyari ang hindi inaasahan.

Nahulog si Lola Seolmundae sa dambuhalang kaldero ng niluluto niyang sopas!

Patay.

Umuwi ang kanyang 500 na anak sa gutom. Agad nilang kinain ang sopas sa dambuhalang kaldero. Nang maubos, doon at napansin nila na wala siya, ang kanilang ina. Agad din nilang napagtanto ang nangyari, at ang katotohanang naroon siya sa kanilang kinain na sopas.   

Bumaha ng luha mula sa 500 na anak ni Lola Seolmundae. Delubyo. Hanggang sa nasimot ang tubig sa kanilang katawan at nanigas sila’t naging mga bato.  Sila ngayon ang tinatawag na 500 Heneral ng Bundok Halla.

  

4

CURTAINS,naisip niya nang malasahan ang macademia nuts sa Häagen-Dazs na ice cream. There must be curtains. It should be curtains. Hindi na siya nananaginip. Nakatayo na siya ngayon sa sala ng 4-bedroom, 2-bathroom house ng kanyang Seoulmate, saan blinds sa bintana ang nagpi-filter ng liwanag ng araw ng Texas. May maliit na plorera ng bulaklak sa bilog na mesa na pang-kainan - plastic na sunflower. Bigla, hindi na siya nakakasiguro kung pag-ibig nga ba ang pinunta niya dito.

Isang hapon ng Sabado sa buwan ng Septyembre taong 2009 sa Seoul, Republic of South Korea, nakasakay sila sa tren mula sa Bomun Station patungon Itaewon. Espesyal itong tren: napapalamutian ng puting orkidyas ang bubungan, nakakapit maging sa mga barandilya. Totoo ba? Tanong niya. Hindi, sagot nito sa kanya, dahil ang totoong bulaklak nangangailangan ng araw. Mamamatay ito sa loob ng tren.

Doon, at noon din agad siya nanaginip. Sa sagot na iyon sa kanyang tanong, nasabi niya sa sarili, ito (na) ang pag-ibig na hindi niya natagpuan sa Maynila. At naging katumbas ito ng kanyang mga panaginip. Nagka-pakpak siya. Tumubo ito nang tumubo hanggang lumakas at nalipad niya ang Karagatan ng Pasipiko. Ngayon, narito na nga siya, at gusto niya ng kurtina para sa mga bintana ng bahay na ito, na para bang isa itong pangangailangan para patuloy niyang paniwalaan ang kanyang mga panaginip – ang pag-ibig. 

5

 

 

Intro, by way of insight: Sa simula, ang bagsak ng sikat ng araw sa kanilang mga balat at ang musika ng hangin sa kanilang mga hakbang.

Sa huli, pinili nilang maging malungkot, kaya hinaplos nila ang balat ng isa’t isa, para lalong kumislap, at marinig ang pagkanta ng kanilang anak. Rap.

Sa mga pagitan, ang dandruff sa unan. ‘Love it,’ ani ng lalaki, at hinaplos nito ang buhok ng babae. Malalagpasan nila ang maraming banta ng bagyo, baha, lindol, tsunami, hurricane, tornado, at giyera. Isang madaling araw, makikitang hinahalikan ng babae ang mahabang pilat sa likod ng lalaki. Bago nito, ang macademia nut sa Häagen-Dazs ice cream,  ang bulgogi, ang adobo at sinigang, ang chocolate na may almonds at walnut.

         Teaser: ‘Saan kayo nagkakilala?’ Ito ang una at madalas na tanong sa kanya ng mga kaibigan. ‘Totoo ba na kapag lumingon ang isa sa inyo sa pamamaalam, hindi na talaga kayo magkikita uli?’ Ito naman ang madalas niyang pinagtatakhan.

         Ganito sila unang nagkita: 

           Sa Bulguksa, ang Buddhist temple complex sa probinsya ng Gyeongju, ang kapital ng Silla Dynasty noong 57 BC hanggang 935 AD. Kasama ito sa UNESCO World Heritage.    

         Kaya narito sila, magkahiwalay, bilang mga turista sa araw ng Hunyo taong 2009. Malalago ang mga dahon ng mga puno at matitingkad ang mga bulaklak na nagpapalamuti sa mga pagoda ng bato at templo.

         Sumunod siya sa isang grupo ng kabataan sa pag-akyat sa pinakatuktok na burol. Narito ang kilalang Seokguram Grotto. Bawal ang camera, welcome ang donasyon.

         May nakaluhod na sa loob pagdating niya, isang dalagang Vietnamese. Naghintay siya sa pintuan at humanda sa pagbaklas ng strap ng kanyang sandal para sumunod. Nakita niyang tumayo na ang dalagang Vietnamese at humugot ng pera sa pitaka sa shoulder bag para donasyon. Narinig niya ang sabi ng matandang babae na caretaker, kasabay ang pag-iling at pagsenyas, na paghingi ng dagdag na won. Bigla, may apoy na lumagablab sa kanyang dibdib. Isinuot niya pabalik ang sandal at nanatili sa labas ng templo habang hinahabol ang hininga. Napabuntonghininga siya at napatingin sa kalawakan, sa wind chime na nakasabit sa kisame ng templo, pagkatapos sa mga sanga ng mga pungongkahoy na hindi niya kilala, hanggang sa mga bubong ng templo sa ibaba.

         ‘Are you okay?’ Narinig niya mula sa isang matangkad at balingkinitan na binata. Skinhead. Black.

         ‘Yes, I’m fine. Thanks.’ Sagot niya at muling ibinaling ang tingin sa kalawakan.

         Inabutan siya ng binata ng kendi, menthol – eucalyptus. Naunawaan niya iyon bilang ‘chill, girl.’ Kaya napangiti siya at kumuha ng isa at isinubo. Napansin niya ang maliit na backpack nito sa likod, ang mapuputing ngipin, ang puti na rubber shoes – Nike, at ang plantsadong polo shirt na light green at may panloob na puting kamiseta. Mukhang ang linis-linis nito na kumikintab ang itim nitong balat sa sinag ng araw. Lalo siyang napangiti at noon siya napatutok sa mga mata nito. ‘Love me, I know tenderness,’ nahanap niya ang salitang ito, na ito ang sinasabi ng mga mata ng binata sa hapong iyon, dalawang taon pagkatapos habang magkaharap silang nakaupo sa isang restaurant sa East Village sa New York.

         Nanatili lang ang binata sa kanyang tabi. Hindi pumasok, hindi rin lumakad paalis. Parang hinihintay siya at naramdaman niyang parang kailangan niyang ipaliwanag kung bakit di na siya tumuloy manalangin sa grotto. Kaya ikinuwento niya ang alaala ng imahen ni Jesus Christ sa Bibliya na isang picture book noong bata siya at binabasa sa kanya ng kanilang Tatay bago matulog: ang Linggo ng pagdalaw ng anak ng Diyos sa templo at naabutan nito ang pagsusugal ng mga disipulo kung kaya nagalit ito. Parang iyon ang pakiramdam niya kanina, sabi niya, habang naririnig niya ang bagsak ng mga barya sa lupa sa iling at senyas ng matandang caretaker.

         Tumango-tango ang binata. Iyon lang, walang sinabi. Pero naunawaan niya iyon bilang pag-unawa sa kanya ng binatang estranghero, at nagustuhan niya iyon.

         Sa paglipas ng panahon, napatunayan niyang ganito nga ang binata: matipid sa pananalita. Wala rin siyang pangangailangang humukay, magtanong. Nauunawaan niyang hindi lisensya ang pagiging In A Relationship para buksan ang lahat ng pinto sa kaluluwa ng kapwa. Gusto niya ring paniwalaan na nauunawaan niya ang sarili mismong damdamin para sa lalaki. Na-save niya ito sa Notes ng kanyang smart phone. Narinig niya ito, dala ng bagyo, isang gabing pakiramdam niya isang paghihintay ng kamatayan ang paninirahan sa Manila: To share with you the burden of being alive.

         Sabay silang bumaba ng burol at kumuha ng larawan ng mga batang Koreano sa kanilang field trip. Sa gilid ng isang templo, may isang bilog na sementong tub na puno ng tubig. Dumadaloy ang tubig mula sa tubo ng kawayan mula sa katabing burol. Ilang babae at lalaki ang tumigil para maghugas ng kanilang kamay. May isang babae na naghilamos at ang kasama nito, uminom ng tubig mula sa mga palad. Parang naunawaan niya na may banal sa pagkasariwa ng tubig dito na humihilom ng sugat.  Tumigil din siya at uminom.

         Nakatingin lamang sa kanya ang binata, at naghintay.

         Iyon ang una nilang paglalakad.

        

Ganito sila naging close:

         Lumalakad sila patungo sa Cheonmachong, ang ‘Heavenly Horse Tomb,’ dahil hango sa painting ng heavenly horse, ang Korean Pegasus na natagpuan sa pag-excavate ng lugar. Nakahilera sa daanan ang mga puntod na ito at may mga matatandang Koreano na abala sa pagti-trim ng mga damo rito habang nakalutang ang mga ulap sa kanilang ibabaw. Ikinuwento niya sa binata ang Chocolate Hills ng Bohol. Tahimik lang itong nakikinig, patango-tango. Pagkatapos sabi nito, mahalaga raw ang kabayo bilang transportasyon sa maraming dumaang sibilisasyon, kaya isa itong mamahaling kaibigan. Dapat daw pag-aralan ng mga tulad nila ang kasaysayan ng Asya, Latin America, at Africa para hindi lamang maging dependent sa karunungan galing sa North America at Europa. Kaya nga rin daw kinikilala nito ang Korea bilang isang sundalo.  

         May ganito silang pag-uusap:

         You’re an American, right?

         I happened to be born there.

         Where?

         San Francisco.

         One of the most beautiful cities in America.

         Have you been there?

         No. Just read about it.

         Yes, it’s a good place to visit. We have the Museum of Modern Art, City Lights Book Store, the Golden Gate Park, and the Martin King Luther Monument is there. Do you know him?

         Martin Luther King? Not personally.

         Of course. What about Malcolm X?

         The African American who advocated Black supremacy and was assassinated?

         You’re a very intelligent girl.

         Of course. We Filipinos are.

         I have not met any Filipino who is not nice.

         That’s nice to know. And now you can add smart!

         Yeah.

         Narating nila ang stall na nagbebenta ng mga Japanese-inspired na payong. Bumili siya. Nag-offer ang binata na bumayad. Nagpasalamat siya, at umayaw. Pagkatapos hinila niya ito malapit sa hardin sa harap ng puntod at nagpakuha sila ng larawan sa gwardiya.

May isang puntod na museo. Pumasok sila. Naka-display sa salamin ang mga personal na gamit ng mga hari, mga ginto: korona, singsing, pulseras.

Lumabas silang magkahawak-kamay. Kasingliwanag ng araw ang kanilang ngiti.

Narinig niya ang sipol sa mga dahon ng kawayan. Naamoy niya ang bango ng royal red azalea mula noong unang panahon ng Kaharian ng Silla at naunawaan niya iyon bilang pagbabasbas sa nagtagpo nila ngayong matatandang kaluluwa.

Naglakad uli sila nang naglakad. At doon nangyari ang marami at iba pang pagtatagpo: ang kanilang pagnanasa sa isa’t isa na dumating sa amoy ng Old Spice at baby powder; ang kanilang pagkasuya sa mga salita tulad ng globalization at multiculturalism, gayundin ang kanilang gutom sa mga posibilidad ng interracial dating. 

Nagtagpo sila uli sa Seoul sa ganitong mga dahilan, sa Namsangol Hanok Village saan sumali sila sa mga tradisyonal na laro, hanggang naglakad uli nang naglakad sa pamimili ng papel na hanji sa Insadong at pagtikim ng green tea ice cream sa Myeongdong.

Ganito sila naghiwalay: 

         Sa subway station sa Myeongdong matapos maghapunan ng galbi at samgetang. Katapusan ng Nobyembre, pagkalipas ng apat na buwan nilang magkakilala at natapos na ang kontrata niya bilang visiting professor sa isang women’s university.

         Naka-gloves siya, na binili para sa kanya ng binata sa nadaanan nilang shop dahil nanginginig siya nang magkita sila sa exit #6 ng subway, at lumakad sila patungo sa dating restaurant. Gabi ngayon ng pamamaalam at determinado siyang walang iyakan (she can be emo at 29). Sawa na siya sa panonood ng Koreanobela. Nailibing na si Cory Aquino, tapos na ang Ondoy, nangyari na ang Ampatuan Massacre. Pagod na siya maging Miss Philippines sa bawat social function na isponsor ng unibersidad. Bukas ng gabi ang kanyang flight pabalik sa Manila at alam na niya ang unang gagawin pagdating: home delivery ng pork sinigang at classic fried chicken.

         ‘We can meet again,’ sabi ng binata nang marating na nila ang entrance # 2. Line 6 ang sasakyan niya, Line 9 ang sa binata. Naalala niyang hindi siya sumagot, dahil natuwa siya, at kahit sa mga sandali na naisip niya na sinabi lang iyon ng binata for the sake of it, ayaw niyang makipag-argumento sa sarili dahil ika nga, bilog naman ang mundo at walang imposible. At tandang-tanda niya na hindi na sila nagyakapan, na parang bawal dahil may kung anong mabasag sa kanilang pagitan. Dire-diretso siyang lumakad pababa ng hagdan at naghintay ng tren sa kanyang linya. Bawal lumingon dahil baka maging asin katulad ng asawa ni Lot sa Bibliya.

         Naunawaan niya ang eksenang iyon pagkatapos mag-Pasko hanggang sa tag-araw at tag-ulan sa Pilipinas na magkakaroon sila ng happy ending. Abangan ang susunod na kabanata, sabi niya sa mga kaibigan. Dahil heto na nga, nangyayari na sa email at chat. Ganuon sila ka-conservative, sabi pa niya, walang kasamang video cam kahit libre. Ganuon din ang tiwala at respeto nila sa isa’t isa: hindi kailangang ora mismo ang pagsagot sa text message. Dahil di nga ba, magkaibang time zone at pareho silang busy sa kani-kanilang career. 

         By this time, nakabalik na ang binata sa Amerika, sa Pennyslvania, sa isang military base saan isa siyang Army Captain. 

         Alaala ng init. Sino ang nagsabing ‘The desire for happiness is the desire for repetition?’ Kung gayun, walang alaala kung walang pagnanasa?

         Ayaw niyang bumisita ang binata. Saka na, kapag marami na silang alaala at bagong nasa at pangarap. Takot pa siya ngayon, kahit pa bumalik si Douglas MacArthur (may naging Pinay gf kaya?), maging ang mangingibig na sundalo ni Madame Butterfly (sa kaso ng Haponesa). Iyon lang nga, may asawa na.

         Pero kunsabagay, naisip niya, Black American ang binata. At nauunawaan niya ito bilang pag-asa, hindi trahedya ala Miss Saigon.

Ganito sila muling nagkita uli. Pagkatapos ng 2 years at 6 months. Late Spring. Umuulan. Sa White Horse Tavern sa 5th Avenue, New York City.  6 ng gabi. Significance: Ito ang pub na naging tambayan ng makatang si Dylan Thomas at ng kanyang mga kontemporaryo, hanggang mamatay sa kalasingan.

         Una niyang NYC trip, at para dumalo sa isang UN sponsored conference tungkol sa women and/in climate change.

         Nag-order sila ng isang bote ng Pinot Chardonnay. Kababalik lang daw ng binata mula sa biyahe nito sa El Paso, Texas. Work, aniya.  Hindi siya nagtanong ng iba pang detalye. Sapat na alam niya na nasa chemical warfare ang specialization nito. At walang looming nuclear war daw kahit pa nag-launch na ng test ang North Korea.

         Skinhead pa rin ito. Gusto niyang haplusin. Gusto niyang itanong ‘how’s your Mama?’ Minsan naantala ang kanilang pag-video chat dahil nakikipag-usap ito sa ina sa San Francisco na nagdidiriwang ng ika-65th birthday. Divorced sa kanyang ama.

         Napunta sa Obamacare ang kanilang usapan. Absurd, aniya, na walang universal health care ang America. Naiintindihan niya raw si Obama, kung bakit kailangan nito maging pro-gay, pero hanggang wala pa raw itong nagagawang kongkreto para mabago ang kondisyon ng maraming Black American, hindi niya masasabing nagtagumpay ito bilang kauna-unahang Black President. He found himself daw being a student of Civil Rights Movement during weekend. Si Malcolm X ang bukambibig nito.

         Naramdaman niya ang bigat sa tinig nito, parang backpack nito na dala-dala sa una nilang pagkikita sa Gyeongju at sa lahat ng pagkikita nila sa Seoul. Kaya inimbita niya itong maglakad sila sa Central Park.

         ‘I want to have a child with you,’ sabi ng binata nang tumigil sila sa harap ng Bethesda Fountain.

         Natawa siya.

         ‘So we will be forever connected,’ dugtong nito nang hindi pa rin siya sumasagot.

         Gusto niyang itanong, ‘what does it mean?’ Pero nakita niya ang mga baryang naihagis sa fountain na ito ng estatwa ng Angel of Waters, at sa unahan, ang lawa bilang karagatan ng Pasipiko sa kanilang pagitan. Wala pa ring kongkretong hugis sa kanya ang miles, ang degrees. Alam niya lang na kapag zero, magkaka-snow na, at kapag lampas 37, magkaka-lagnat. May sinasabi ang binata, na lilipat ito sa Forthood sa Texas, doon ang pinakamalaking military base. Mainit daw doon, kung ayaw niya ng winter ng East Coast. Malapit ito sa Austin, sa Dallas. Marami ring museo doon at bookstore at concert – culture; hindi siya mabo-bored.

         I don’t want divorce, nasabi niya.

         Well, it’s not really a bad thing.

         Nabigla siya, at mamaya-maya napatangu-tango, maybe...

         At nagpatuloy sila sa paglalakad, magkahawak-kamay palabas tungo sa direksyon ng Metropolitan Museum. ‘Squirrel,’ aniya, pasigaw na parang paslit sa tuwa, dahil sa picture book niya lang ito nakita, at di pa niya na-google kung harmless ba ito o may tendency na umariba sa tao.

         Hindi nila kailangang magdesisyon ngayon. Weekend lang mayroon sila. Matagal na nila nauunawaan ang isa’t isa sa kulay ng kanilang balat, sa lambot ng lungkot na kumikislap sa kanilang mga mata. Nang gabing iyon, hinarap nila ang kanilang damdamin para sa isa’t isa sa isang hotel sa Tribeca. Kasingtingkad ng royal azalea sa tag-araw ng South Korea ang namulaklak na ‘I love you,’ ‘I love you, too.’ 

 

Ganito ang nangyari sa kanila. Fast Forward, in Technicolor:

         Isang happy ending. Walang trahedya. Dahil malaya silang indibidwal. Hindi na ito ang panahon ng arranged marriage at ang matchmaking ay ginagawa na online, sa sarili nilang pamimili. Panahon ito ng informed decision sa panahon ng pagsulong ng RH Bill sa Pilipinas at pagpatupad ng Obamacare sa America. Nauunawaan niya ito bilang true love. Kaya sa tulong ng smart phone at social networking site, naitawid nila ang milya ng Manila at Pennsylvania hanggang sa Texas.

         Tatawirin nila ito hanggang makaipon sila ng sapat: tatapusin niya ang kanyang commission sa Army at mag-courtesy resignation naman siya sa kanyang trabaho sa Manila. Lalakbay sila sa Africa at ila-launch ang kanilang career bilang international social innovator at development worker. Building community based economies ang kanilang tagline. Magkaka-anak sila at paniniwalaan nilang ito ang The Future sa New World Order, ang tinatawag na global citizen, ang bagong henerasyon na culturally literate. Ito ang nasa billboard sa Pilipinas, sa Times Square, sa iba’t ibang syudad sa mundo.  Hindi na kailangan ng Anti-Bullying Law. Ma-share, ma-link, ma-tweet ang kanilang lovestory at aani ng iba’t ibang versyon mula 70 hanggang 7000  na salita. Magiging bestseller.  

         At bigla na lang, mawawala sila. Assassination, murder, kidnaping, o migration sa Mars – walang makakasiguro. Ngunit maaalala ang kanyang salita na ‘to share with you the burden of being alive’ at sinasabi na sa Ending, ito ang maiiwan sa kanilang anak, mga kapamilya, kaibigan at kakilala: isang matinding lungkot na pakakaingatan nilang masilayan ng sinag ng araw, baka kumislap at makita ng iba’t mabulag, sapat upang matawid ang bago, iba, at marami pang milya at oras. Sa bahaging ito, papasok ang kuskos ng gitara, ang salida ng mga daliri sa teklado ng piyano, ang patik at pukpok sa agong at tambor, ang bagsak at galaw ng mga paa, ang hiphop at rap, isang sipol na susundan ng halakhak at tawa, hanggang sa marinig mo ang iyong sariling puso, at ang  Wakas.

 

Continue Reading

You'll Also Like

316K 14.4K 49
Porcia Era Hart x Chrisen
3.6M 156K 145
Collection of short stories dedicated to my angels. Cover is not mine. Credits to the rightful owner.
1.5M 33.2K 29
Luke and Aviona - A romance that blosssomed in a society where a governor cannot love the daughter of a prostitute. R18 Adult content
1.4M 35.1K 31
Paano kung isang araw makita mo ang perfect match mo, akala mo siya na. Akala mo siya na icing sa ibabaw ng cupcake mo. Akala mo lang pala. Dahil hin...