Iniibig Kita

By lincalielora

4.7K 431 83

"Isa lamang akong instrumento at ang Diyos ang dapat mong mas ibigin, higit pa kanino, higit pa sa akin." More

Prologo
Kabanata 01: Pamilya
Kabanata 02: Filip at Elon
Kabanata 03: Liwanag
Kabanata 04: Bisikleta
Kabanata 05: Pananampalataya
Kabanata 06: Pagkikita
Kabanata 07: Ulan sa Liwasan
Kabanata 08: Awitin
Kabanata 09: Bagong Pagkakaibigan
Kabanata 10: Barangay Villoralba
Kabanata 11: Simbahan
Kabanata 12: Pagpapatawad
Kabanata 13: Nakaraan
Kabanata 15: Amil
Kabanata 16: Maling Pag-ibig
Kabanata 17: Hiwalayan
Kabanata 18: Mga Sulat
Kabanata 19: Aksidente
Kabanata 20: Pagtakas
Kabanata 21: Payong at Bibliya
Kabanata 22: Sa Cayo
Kabanata 23: Unang Halik
Kabanata 24: Pagpipigil
Kabanata 25: Sa Ilalim ng Buwan
Kabanata 26: Kaarawan
Kabanata 27: Paraiso
Kabanata 28: Hanggang sa Muli
Kabanata 29: Ang Diyos Bilang Sentro
Kabanata 30: Bangka
Kabanata 31: Nakaraan at Kasalukuyan
Kabanata 32: Tapat na Pag-ibig
Kabanata 33: Sa Loob ng Selda
Kabanata 34: Pagtitiwala, Pag-asa, Pag-ibig
Kabanata 35: Mananatili
Epilogo

Kabanata 14: Adaly

117 12 0
By lincalielora

MAHALIA

"Lipat ka rito sa kabila ko Lia," wika ni Isaiah upang hindi ako masagi ng mga dumaraang sasakyan. Napakamaingat niyang lalaki.

"Salamat." Malapit na rin kami sa bahay ni Lola Cielo.

"Pagpasensiyahan mo na 'yong mga kaibigan ni Felice ah. Parang mas nailang ka tuloy sa 'kin," nahihiya niyang sabi at bahagyang napakamot sa likod ng ulo.

Umiling ako. "Hindi, ayos lang 'yon. Sadyang makuwela lang sila," natutuwang sabi ko. "Bakit pala hindi mo pinapansin 'yong maikli ang buhok kanina? 'Yong Caroline ang pangalan," bigla kong naitanong. Pareho pa man din sila ng buhok ni Lisay, pero mas maikli 'yong kay Caroline. Kung nakatalikod, aakalain kong kambal sila.

Napatingin siya sa akin. Medyo napatingala ako dahil hanggang baba lang ako ni Isaiah. "Iyon ba? Wala lang. Hindi lang ako komportable," maikli niyang tugon.

Tumango lang ako. Hindi nagtagal at nakarating din kami sa tapat ng tarangkahan ni Lola Cielo. Nagpasalamat ako kay Isaiah at nagpaalam bago pumasok sa loob.

"Ingat ka sa trabaho," wika ko.

"Salamat Lia. Ikumusta mo na lang din ako kay Lisay."

Umoo ako at ngumiti. Pinagmasdan ko siyang maglakad palayo habang nakatayo ako ro'n sa ilalim ng lampara, kung saan ko siya unang nakita. May kuryente na ba kaya sa bahay nila ngayon? Nais ko sanang tumulong.

Ilang saglit pa'y muli siyang bumaling sa direksiyon ko, tila siniguro kung nakapasok na ba ako. Nagngitian lamang kami. Maikling segundo lang nagtagpo ang mga mata naming dalawa pero tila ba iba ang naging epekto niyon sa akin.

Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Ang mga tuhod ko, bigla na lamang nanghihina. Nahuli ko na lamang ang sarili kong umaasa na sana'y makita ko ulit siya bukas.

Pumasok na ako at naglakad sa malawak na hardin ni Lola Cielo patungo sa loob ng bahay. Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang tila pag-uusap ng tatlong tao sa loob. Kumunot ang noo ko. Hindi lang si Lisay ang kasama ni lola. Mukhang may bisita kami.

Huminto ako saglit sa harap ng pinto upang pakinggang mabuti kung kanino nanggagaling ang pamilyar na boses na 'yon. Lumakas ang tibok ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit bigla akong nakaramdam ng kaba.

"Nandito na po ako," wika ko nang buksan ang pinto.

"Heto na pala si Lia. Mabuti naman at nandito ka na apo. Binisita ka ng kaibigan mo," nakangiting wika ni Lola Cielo. Nasa sala silang lahat.

Pinagmasdan ko si Lisay na abala sa paglalagay ng inumin sa mga baso. Katabi niya ang isang babaeng nakaupo sa silyang sinusuportahan ng dalawang gulong. Katulad ng buhok ko, hanggang baywang din ang kaniya. Ilang beses akong lumunok ng laway. Adaly. Kilalang-kilala ko siya.

Mahaba ang suot niyang palda na umaabot hanggang sa paa. Hindi upang takpan ang balat niya, kun'di dahil sa wala na siyang mga binti.

"Adaly." Halos mapatid ang boses ko kahit na bulong lamang ang kumawala sa bibig ko. Ano'ng ginagawa niya rito? Hindi ko inaasahan ang pagdating niya.

Tila unti-unting pinipiga ang puso ko ngayong nakita kong muli ang pinakamatalik kong kaibigan.. sa ganitong klase ng permanenteng sitwasyon.

"Paano ka nakapunta rito sa Villoralba?" mahinang tanong ko kay Adaly habang nagpupunas ng mga gamit-gamit sa kuwarto. Ramdam kong pinagmamasdan niya 'ko mula sa likuran. Hindi ako totoong naglilinis, sadyang nahihiya lang akong harapin siya.

"Paano ko ikukuwento kung nakatalikod ka sa 'kin? H'wag ka nang mahiya Mahalia, ako lang 'to oh. Kilalang-kilala kita, at kilalang-kilala mo rin ako." Tinapik-tapik niya nang bahagya ang katabing kama at sumenyas na umupo ako ro'n.

Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kaniya. Hindi ko magawang tingnan siya nang diretso sa mga mata.

"No'ng malaman kong dadaan malapit dito sa Barangay Villoralba ang mga kuya ko, hindi ako nagdalawang-isip na sumama," wika niya. Napatango-tango ako.

"Sa totoo nga lang ay hindi ako pinayagan nina inay at itay no'ng una. Wala lang silang nagawa dahil nagpumilit ako nang nagpumilit," kuwento niya at natawa. "Gusto kitang makita. Ikaw lang kasi ang pinakamalapit kong kaibigan do'n sa Salomé, kaya naman nag-alala at nalungkot talaga ako nang sobra no'ng sinabi nilang umalis ka na pala."

Napayuko ako. Ganito ba talaga niya 'ko kamahal bilang kaibigan, kahit pa maraming kasalanan na ang nagawa ko sa kaniya? "Pasensiya na Adaly at hindi man lang ako nagpaalam sa 'yo. Pasensiya na talaga. Paano mo nga pala natunton ang bahay ng lola ko?"

"Nagtanong-tanong ako sa mama't papa mo. Oo nga pala, ikumusta ko na lang daw sila sa 'yo sa oras na makita kita. Alam mo bang nag-alala sila nang sobra no'ng umalis ka?" Napatingin ako sa kaniya. May kung anong tuwa ang ipinintig ng puso ko. Tama ba ang narinig ko? Nag-aalala sila sa 'kin? "Ang hirap pa namang makasagap ng signal dahil palaging napuputulan ng kuryente sa nayon nitong mga nakaraan araw."

Napayuko akong muli. Buong akala ko, malayo ang loob nila sa 'kin dahil hindi man lamang ako nakatanggap ng tawag sa loob ng mga nagdaang araw na nandito ako at malayo sa kanila.

"Mamaya, pagsapit ng dapithapon ay dadaang muli rito ang mga kuya ko. Sasabay na ako sa kanila at uuwi na ulit sa nayon. Gusto mo bang sumama Lia?"

Mabilis akong umiling. "Hindi. Ayaw ko pang bumalik doon."

Bumakas ang lungkot sa mukha niya. "Dahil ba sa 'kin kaya't ayaw mo? Dahil ba sa nangyari sa akin Lia?"

Huminga ako nang malalim at umiling-iling kahit na ang isinisigaw ng puso ko ay matalim na oo.

Kasisimula ko pa lamang dito at hindi ko gustong iwan ang bagong pagkakaibigang nabuo rito sa Villoralba. Si Lisay at ang tumatanda kong lola, hindi ko pa sila kayang iwanan. Ayaw kong magpaalam maging kay Isaiah at sa pamilya niya. Hindi ngayon. Hindi pa sa ngayon.

Bukod do'n, ano na naman ang sasabihin ng mga tao tungkol sa akin? Pagod na akong magpanggap sa harap nila na ayos lang ang lahat. Pagod na 'kong maging mabait at mabuti habang sila, patuloy lamang akong binabato ng mga masasakit na salita. Hindi ko gustong bumalik doon. Pagod na 'kong magkunwari.

Hinawakan ni Adaly ang kamay ko at ngumiti upang ipaalala sa 'king ayos lang at naiintindihan niya ang bigat na nararamdaman ng puso ko ngayon.

Dahan-dahan niya 'kong niyakap at doon na unti-unting namuo ang mga luhang nagpainit na naman sa mga mata ko.

"Hindi ko sinasadya Adaly. Patawarin mo 'ko. Hindi ko sinasadya," wika ko at tuluyang nang umiyak sa balikat niya. "Kasalanan ko ang nangyari sa 'yo at hindi ko na maibabalik pa ang nawala."

Dahan-dahan niyang hinagod ang likod ko. "Hindi kita sinisisi Lia. Kahit kailan, hindi mo narinig sa bibig ko ang mga salitang 'yon. Pinatawad na kita, pinatawad ka na ng pamilya ko, at lalong-lalo na ang Diyos."

Pero bakit napakabigat pa rin ng konsensiya sa puso ko? Bakit napakabigat pa rin ng kasalanang 'yon?

Dahan-dahan akong lumayo sa balikat niya at nakayukong pinunasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko.

"Pakinggan mo ako Lia, ikaw ang hindi kayang magpatawad sa sarili mo. Kung hindi ka naniniwalang pinatawad ka na ng Panginoon, paano mo pa magagawang patawarin ang sarili mo?"

Patuloy akong humikbi. "Pero nahihirapan ako Adaly, lalo na't sa tuwing nakikita ko ang kalagayan mo. Paano pa 'ko mabubuhay nang masaya gayong pinahamak kita? Hindi ko na mababalik pa ang nawala sa 'yo." Nanginginig ang boses ko. "Kaya kong pumunta kahit saan. Puwedeng-puwede akong maglakad at tumakbo kahit saan ko gusto. Pero 'yong mga simpleng bagay tulad n'on, hindi mo na magagawa pa dahil sa 'ki--"

"Mali ka Lia." Napabuntong-hininga siya. "Iniisip mo lang ang mga bagay na malabo ko nang magawa sa ngayon, pero hindi lang naman doon nakatuon ang atensiyon ko. Hindi lang doon iikot ang buhay ko. Maraming bagay ang kayang-kaya ko pang gawin dahil kasama ko ang Panginoon."

Mariin akong napapikit. Gusto kong sabunutan ang sarili ko. "Hayan ka na naman Adaly. Puro ka na lang Panginoon. Puwede bang tingnan mo rin kung ano ang totoo?"

Nabigla siya sa sinabi ko, hindi makapaniwala. Maging ako'y nabigla sa sinabi ko. Maluha-luha niya 'kong tinitigan. "Ano ba ang totoo sa 'yo Lia? Gusto mo bang manatili sa pagsisisi, akalaing kasalanan mo ang lahat, at hindi ka na mapapatawad pa? 'Yon ba ang klase ng katotohanang alam mo? Parang hindi na ikaw ang Mahalia na nakilala ko. Kung alam mo lang, sobrang hirap para sa akin ang tanggaping kailangan nang putulin ang mga binting 'to. Hindi mo alam ang sakit na naramdaman ko sa mga oras na 'yon. Pero sinisi ba kita? Nagalit ba 'ko sa 'yo Lia? Inilayo ko ba ang sarili ko sa 'yo?"

Dahan-dahan akong umiling. Hindi ako nakapagsalita. Tama siya, at maling-mali ako.

"Hindi ko piniling manatili sa gano'ng sitwasyon. Hindi ko hinayaang lamunin ng lungkot ang pagmamahal ko sa Panginoon. Sana, gano'n ka rin Lia. H'wag mo sanang maliitin ang kakayahan Niyang magpatawad. H'wag mo sanang maliitin ang pagmamahal Niya sa 'yo, sino ka man, o kahit ano pa man ang mga nagawa mo."

Sa gitna ng mga pag-iyak ay biglang pumasok si Lisay sa kuwarto. Hindi ko na nagawang itago pa ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa pisngi ko.

Halatang hindi niya inaasahan ang hitsura naming dalawa ni Adaly. "Teka, ano'ng nangyari? Ayos lang ba kayo? Pasensiya na kung bigla akong pumasok. Gusto ko lang sana kayong ayain lumabas, tutal, hindi naman din masyadong mainit."

"Puwede ba tayong huminto saglit kapag malapit na tayo sa bahay nina Isaiah? Sige na Lia! Gusto ko siyang masilayan kahit saglit lang," sabik na sabik na wika ni Lisay.

"Nagtrabaho siya ngayon," banggit ko habang marahang itinutulak ang silyang de-gulong ni Adaly.

Napanguso na lamang si Lisay at mahinang binunggo ang braso ko. "Naiinggit na ko sa 'yo ah. Nakasama mo pa siyang magsimba kanina. Ano pa'ng ginawa ni'yo n'on pagkatapos?"

"Kumain kami ng sorbetes sa parke, pagkatapos n'on, sabay kaming umuwi. Hindi naman kami masyadong nagtagal doon dahil may trabaho pa siya," walang emosyon kong kuwento.

Peke namang umiyak si Lisay. "Mga tatlong buwan ko na siyang katrabaho, pero mas maraming beses mo pa siyang nakasama kaysa sa 'kin. Inggit na talaga ako sa 'yo Lia," biro niya at at binunggo na naman ang braso ko.

"H'wag kang mag-alala. Kinumusta ka naman niya sa 'kin kanina eh," banggit ko upang pagaanin ang loob niya.

Bigla niyang hinawakan ang dalawa kong balikat upang magkaharap kami. Tinitigan niya ako, punong-puno ng kilig ang mga mata niya. "Ano nga ulit 'yon Lia? Si Isaiah, kinumusta niya 'ko? Ibig sabihin.. ibig sabihin iniisip niya 'ko! Sinasabi ko na nga ba."

Pilit na lamang akong tumawa at napailing-iling. Ni hindi ko nga iniisip si Isaiah sa mga oras na 'to. Iniisip ko ang mga sinabi ni Adaly kanina. Gano'n ba talaga kaliit ang tingin ko sa pag-ibig ng Panginoon? Humigpit ang pagkakahawak ko sa silya habang naglalakad-lakad kami.

"May alam akong lugar dito, Cayo ang pangalan. Kaso, masyadong mataas 'yong lugar at baka hindi natin kayanin ang pag-akyat. Dito na lang tayo sa ilalim ng puno ng mangga," wika ni Lisay.

Gusto kong mahawa sa pagiging magiliw niya. Pero hindi ko magawa dahil pinabibigat ng konsensiya ang nararamdaman ng puso ko habang nakikita ko si Adaly ngayon. Hanggang sa pagtanda'y hindi na niya muling mararamdaman ang mga paa niya. At dahil 'yon sa kasalanan ko. Habambuhay kong pagsisisihan ang nagawa ko sa kaniya.

"Ilang oras na lang pala at susunduin na ako ng mga kuya ko. Salamat sa inyo ah, lalo na kay Lola Cielo. Gusto lang talaga kitang bisitahin at kumustahin Lia para ipaalam sa 'yong hinihintay ka ng lahat doon sa nayon."

Hinawakan niya ang kamay ko. Umihip din ang malakas at sariwang hangin.

"Teka, aalis ka na agad maya-maya? Bago 'yon, ikuwento ni'yo muna kung bakit kayo nag-iiyakan kanina. Ayaw ko sanang manghimasok pero, puwede mo rin bang ikuwento ang nangyari sa 'yo? Naaksidente ka ba Adaly?"

Napaiwas ako ng tingin. Parang ito ang unang beses na nainis ako kay Lisay. Isinandal ko ang upuan ni Adaly sa katawan ng puno, habang ako nama'y umupo sa damuhan. Malayo ito sa daan at malapit lamang sa bukid.

Pero habang pinagmamasdan ko silang dalawa, hindi ko alam kung bakit biniyaan ako ng Panginoon ng mga kaibigang tulad nila. Napakabuti nila sa 'kin, lalong-lalo na si Adaly.

Naaalala ko sa kanila ang nakasulat sa Kawikaan 18:24 na sinasabing,"May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan."

°°

Continue Reading

You'll Also Like

803 170 52
[BTS FF | Oneshots] Mga guwapo nga, puro hugotero naman. Walang ibang alam kun'di ang humugot, eh mga wala namang lovelife. In short, mga nganga pagd...
233K 7.7K 27
(Battle of Manila 1945 / Liberation of Manila) Kakayanin mo kayang mabuhay sa panahong walang kalayaan, puno ng hinagpis at kawalan ng pag-asa? Tung...
530K 21.7K 19
Delos Santos Family Series - Auxiliary: Sa huling taon ng buhay niya, may pag-asa pa bang magpatawad at mapatawad ang isang Santino Pierre Delos Sant...
11K 330 23
a random book which will be updated randomly with random contents abt my course