AGAD NA dumating si James sa eskuwelahan na pinapasukan ni Krishna upang sunduin ang may sakit na pamangkin at ang kanyang girlfriend na si Laura. Pagbaba sa kanyang owner-type jeep ay natanaw niyang naghihintay sa kanya ang dalagang pre-school teacher. Malulungkot ang mga mata nito. Nauunawaan ito ni James. Alam niya kung ano ang nararamdaman ng isang taong nawalan ng minamahal sa buhay. Nangyari na ito sa kanya nang mamatay ang kanyang nakatatandang kapatid na si Jake.
Patakbong tinungo ni Laura ang kanyang boyfriend na pulis. Pagkatapos ay umiyak ang dalaga sa balikat ni James. “Bakit pinatay ni Mister Nice Guy ang aking kapatid? Walang kasalanan ang aking kapatid!”
“Laura, I’m so sorry.” Malungkot na wika ni James. Labis ang pakikisimpatya niya sa kasintahan. “Huwag kang mag-alala at mabibigyan rin ng hustisya ang pagkamatay ni Alex.”
“James, si Alex lamang ang natitira kong mahal sa buhay. Siya lamang ang kaisa-isa kong kapatid. Siya lamang ang alaalang naiwan ng aking mahal na ina. Bakit siya pa ang nakaranas ng ganito?” tuloy-tuloy na salita ni Laura. Ngunit ang mainit na yakap naman ni James ang nagpapakalma sa dalaga.
“Ipinapangako ko na mahuhuli rin namin si Mister Nice Guy sa lalong madaling panahon.”
Tumitig si Laura sa mga mata ng binatang pulis. “James, ikaw na lang ang natitira sa akin. Ayaw kong pati ikaw ay mawala pa. Mahal na mahal kita, James. Ikaw na lang ang natitirang nagbibigay sa akin ng lakas upang mabuhay. Huwag mo akong iiwan, James.”
“Pangako, hinding-hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita, Laura. Kaya ako nagsisikap sa buhay dahil sa inyong dalawa ni Krishna. Pangako... ikaw lamang ang babae sa buhay ko. Hindi kita iiwan.” Pagkatapos ay hinalikan ni James si Laura sa noo at muling niyakap ng mahigpit.
“Mag-iingat ka kay Mister Nice Guy.” Paalaala ng dalaga. “Lagi kitang ipagdarasal sa Birheng Maria na sana gabayan ka niya sa lahat ng oras.”
Naalaala ni James ang kanyang pamangkin.
“Nasaan na si Krishna?” tanong ng binatang pulis sa dalaga.
“Nasa clinic, nagpapahinga.” Tugon ni Laura. “Halika, pumasok na tayo sa loob.”
Pumasok ang dalawa sa loob ng eskuwelahan. Agad nilang tinungo ang clinic. Doon ay nakasalubong nila ang nurse. Nakangiti ito. Mukhang may magandang balita.
“Bumaba na po ang lagnat ng bata, Ma’am.” Balita ng nurse.
Nakahinga ng maluwag si James at si Laura.
“Masyado lang pong natakot ang bata kaya siya nilagnat.” Dagdag ng nurse. “Pero ngayon nahimasmasan na po siya at nagkamalay na.”
Dahil sa sobrang tuwa, patakbong pumasok si James sa loob at niyakap ang kanyang pamangkin. “Ayos ka na ba Krishna?”
“Opo.” Tugon ng bata. “Uncle, natatakot po ako.”
“Tama na. Huwag ka nang matakot at nandidito na ako.” Sabi ni James. “Halika, iuuwi na kita at nang makapagpahinga ka.”
Kinarga ni James ang bata. “Salamat sa pag-aalaga sa pamangkin ko.” Baling niya sa nurse. Ngumiti siya pagkatapos.
“Walang ano man po. Ginagawa ko lang po ang trabaho ko.” Mapagkumbabang wika ng nurse. Ngumiti rin ito.
Pagkatapos lumabas sa clinic si James, karga-karga ang kanyang pamangkin. Sumunod sa kanya si Laura. Mabilis nilang tinungo ang owner-type jeep ng binatang pulis na nakaparada sa parking lane ng eskuwelahan.
Ipinasok muna ni James ang kanyang pamangkin sa likod ng kanyang owner-type jeep bago pumasok ito sa harapan ng sasakyan kasama si Laura. Muling nakatulog naman ang bata dahil sa sobrang pagod. Yakap-yakap nito ang kanyang bag.
Habang nagmamaneho ng sasakyan si James, tinanong niya si Laura.
“Ano ang nangyari kay Krishna? Bakit siya nilagnat?”
Nagbuntong-hininga si Laura. “Mahirap ipaliwanag.”
“Nakakita si Krishna ng multo?” diretso niyang wika.
Tumango ang dalaga. “May nakita si Krishna na isang lalaking duguan sa salamin. Ang sabi niya, nakita raw niya kagabi ang lalaki na kasama si Alex.”
“Nasabi na sa akin iyan ni Krishna.”
“James,” mababakas sa boses ni Laura ang sobrang pighati. “Sana panaginip lang ang lahat. Sana buhay pa si Alex.”
Hindi kumibo si James. Alam niya ang nararamdaman ng kasintahan.
“Alam mo, sa totoo lang hindi pa rin ako makapaniwala.” Dagdag ni Laura. “Sana hindi si Alex ang bangkay na nakita ninyo.”
“Sana lang... sana.”
“Kung saka-sakaling si Alex nga iyon, bakit naman siya papatayin ni Mister Nice Guy?” tumingin si Laura sa binatang pulis. Seryoso ito. “Alam niyo na ba kung bakit pumapatay si Mister Nice Guy?”
“Sa totoo lang,” sumulyap ang binatang pulis sa dalaga bago muling tumuon sa pagmamaneho. “Wala pa kaming gaanong detalye sa tunay na katauhan ni Mister Nice Guy. Mahirap siyang matunton. Hindi pa namin alam sa ngayon kung si Mister Nice Guy ba ay isang serial killer o isang vigilante.”
“Vigilante?” nabigla ang dalaga. “Pinapatay lang ng mga vigilante ang mga masasamang tao tulad ng mga drug pushers, prostitutes at iba pang mga salot ng lipunan. Si Alex ay hindi kasama sa mga salot ng lipunan. Matino ang kapatid ko.”
“Kaya nga wala pa kaming hint kung siya ba ay serial killer o vigilante. Pero sa mga susunod naming imbestigasyon ay baka mabigyan na ng kasagutan ang ating mga tanong tungkol sa Mister Nice Guy na iyan.”
“Nasaan na ang bangkay ni Alex?”
“Nasa morge malapit sa aming crime lab. Kailangan kasing i-autopsy para sa aming imbestigasyon.”
“Paano pinatay ni Mister Nice Guy si Alex?”
Nagbuntong-hininga si James. “Katulad ng mga unang napatay niya. Parang kinatay na baboy.”
Natahimik si Laura. Sobrang awa ang nadarama niya sa sinapit ng kapatid.
“Laura,” mahinang wika ni James, “alam ko ang nadarama mo. Labis akong nakikisimpatya sa iyo. Naranasan ko rin iyan nang mamatay si Kuya Jake. Walang awa rin siyang pinatay ng mga Abu Sayyaf sa Basilan. Natatandaan ko pa noon nang una naming mabalitaan ang nangyari kay Kuya Jake. Halos mawalan ng lakas si Nanay Mameng. Isang taon gulang pa lamang noon si Krishna. Labis kaming nangulila kay Kuya Jake. Akala namin hindi na kami makakaahon sa labis na pighati. Pero nawala rin ito makalipas ng ilang taon simula nang lumaki si Krishna.”
Nanaig ang katahimikan sa dalawa pagkatapos.
***
NAKARATING DIN ang sasakyan ni James sa bahay. Ilang beses nagsirbato si James bago lumabas sa gate si Aling Mameng. Nagulat naman ang matandang ale.
Sabay labas ni James sa sasakyan. “Inay, iuuwi ko lang po si Krishna. Nilagnat po siya kanina e.” Pagkatapos ay tinungo niya ang likod ng sasakyan at kinarga muli ang natutulog na bata.
Lumabas rin ng sasakyan si Laura. Nagmano ito kay Aling Mameng.
“Iha, naparito ka.” Napansin naman ng matanda ang malulungkot na mga mata ng dalaga. “Bakit ka malungkot, ha?”
Sumegunda si James. “Inay, mamaya ko na lang po ikukuwento sa inyo.” Pumasok na ito sa loob ng gate upang dalhin ang karga-karga niyang pamangkin sa loob ng bahay.
“Tita Mameng...” mahinang wika ni Laura. “Patay na po si Alex.”
Nagulat ang matanda sa sinabi ng dalaga. Kilala kasi ni Aling Mameng si Alex. Isang mabait at masunuring bata ang pagkakakilala ng matanda sa kapatid ni Laura.
“Anong nangyari sa kapatid mo?”
Nagsimulang lumuha si Laura. Niyakap naman siya ng mahigpit ni Aling Mameng. “Tahan na, iha. Patawad kung masyado akong matanong.”
“Wala po iyon, Tita.”
“Ipagdarasal ko sa Niño Hesus ang kaluluwa ng iyong kapatid.” Patuloy ni Aling Mameng. “Talagang nagulat lang ako sa masamang balitang iyan.”
“Pupunta nga po kami ni James sa morge para makita ang bangkay ni Alex.”
Bumalik si James sa labas ng gate. “Inay aalis po ulit kami. Alagaan po ninyong mabuti si Krishna. Natutulog na po siya sa sofa. Baka bukas pa po ako makauwi.” Humalik ito sa kanyang ina pagkatapos.
“Ingat ka, anak. Ingatan mo si Laura.”
“Opo.”
Umalis ang sasakyan. Tinanaw naman ni Aling Mameng ang sasakyan hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin. Pumasok ang matanda pagkatapos upang alagaan ang kanyang apo.
***
“DIYOS KO PO!”
Ito ang naibulalas ni Tess sa sobrang pagkagulat matapos makita nito ang bangkay ng pinsan na nakahiga sa isang bakal na mesa. Halos masuka naman si Laura at mangiyak-ngiyak habang pinagmamasdan ang kalunos-lunos na sinapit ng kapatid. Totoo ang sinabi ni James—parang kinatay na baboy ang ginawa ni Mister Nice Guy sa kanyang huling biktima. Napagtanto nilang si Alex nga ang bangkay dahil bukod sa tattoo na nakita nila sa braso ng bangkay ay nakita rin ni Laura ang isa pang palatandaan sa katawan ng kapatid—isang buhay na nunal sa kanang balikat ng bangkay.
Humagulgol si Laura sa tapat ng bangkay ng kanyang kapatid. Hindi niya lubos na matanggap ang kalunos-lunos na sinapit ng kapatid. Wala na si Alex. “Bakit si Alex pa?” Sobrang pighati ang nadarama ni Laura. Para siyang mawawalan ng lakas dahil isa na naman sa mga minamahal niya sa buhay ang nawala. Naalala niya ang kanyang ipinangako bago mamatay ang kanyang ina. Ipinangako niya sa kanyang ina na aalagaan niya si Alex hanggang sa pagtanda nito.
Ngunit pagkatapos ng kanyang mga sakripisyo ay isang Mister Nice Guy lang pala ang sisira sa buhay ng kanyang kapatid.
Pilit na pinatatahan ni Tess si Laura habang umiiyak pa ang huli. Niyakap nito ang pinsan. “Laura, tahan na. Tanggapin na natin na wala na si Alex.”
“Alex... Alex...”
“Patay na si Alex. Wala na tayong magagawa.”
Sumingit si James. “Lumabas na muna kayo at nang mahimasmasan si Laura.” Payo nito kay Tess.
Sinunod ni Tess ang binatang pulis at inaya ang pinsan sa labas ng morge. Umupo sila sa kalapit na upuan.
Dumating naman sina Natalie, Mar at Eli sa morge at agad nilang tinawag si James. Nilingon naman sila ng binatang pulis. “O!”
Sumulyap naman si Natalie sa babaeng umiiyak. “Sino siya?” tanong niya kay James. “Siya ba ang isa sa kaanak ng biktima?”
“Oo.” Tugon ni James at lumingon kay Laura.” Siya si Laura, girlfriend ko at kapatid ni Alex Echegaray.”
Natahimik si Natalie. Nawalan ng kibo.
“Siya nga pala, kilala niyo na ba yung isa pang biktima?” tanong ni James sa iba pang kasamahan.
“Oo.” Si Mar ang sumagot. “Jordan Morales ang pangalan. Natunton siya ng mga kaanak niya nang mabalitaan nilang may natagpuang patay sa sementeryo. Hindi kasi umuwi ang lalaki sa kanilang bahay kagabi kaya nagsuspetsiya na ang mga kaanak na may nangyaring masama rito.”
“Ang sabi naman ng ina ng biktima, ang anak niya ay nakagawiang umuwi ng alas-tres ng madaling araw pagkatapos magtrabaho sa isang gay bar.” Dagdag ni Eli. “Nang hindi umuwi ang kanyang anak ay kinabahan na ang ina kaya kinaumagahan ay dumulog na ito sa presinto upang ipagtanong ang kanyang anak.”
“Macho dancer si Jordan Morales?”
“Oo. Kaya nga iimbestigahin namin ang gay bar na pinapasukan ng biktima. Magtatanong lang kami.”
Natahimik si James. Nagtataka ang binatang pulis kung bakit kasama ni Alex ang isang macho dancer nang dis-oras ng gabi. Macho dancer si Alex?
“Kailan ninyo balak pumunta ng gay bar na iyon para mag-imbestiga?”
Sumagot si Natalie. “Baka mamayang gabi.”
“Magkasama kaya sina Jordan Morales na iyon at si Alex Echegaray bago sila mapatay ni Mister Nice Guy?” bulong ni James sa sarili. Narinig siya ni Natalie.
“Palagay ko magkasama sila bago patayin ni Mister Nice Guy.” Anang dalagang inspektor. “Iyan ang iimbestigahin natin ngayon.”
Tumalikod si James sa mga katrabaho at tumungo sa upuan kung saan nahimasmasan na si Laura sa pamamagitan ng pagpapakalma ni Tess.
“Laura, may itatanong ako.” Panimula ni James. “Alam mo ba ang trabaho ni Alex? Anong oras siya pumapasok sa trabaho?”
Nagpunas ng luha si Laura bago sagutin nito ang tanong. “Waiter siya sa isang night restaurant. Tuwing alas-siyete siya ng gabi umaalis upang magtrabaho.”
“Waiter ba ka’mo?”
“Oo. Bakit?”
“Anong sinusuot niya pag umaalis siya ng bahay ninyo?”
Nag-isip sandali si Laura. “Iba-iba. Basta hindi uniporme.”
“Nagtataka nga ako sa batang iyon.” Dagdag ni Tess. “Sabi ko kung waiter siya ng isang restaurant e dapat sanang may nilalabhan akong mga uniporme niya. Pero wala siyang maipakita. Lagi niyang katwiran na doon na siya nagbibihis ng kanyang uniporme pagpasok sa restaurant na iyon.”
“Anong klaseng restaurant ang pinaglilingkuran ni Alex?” muling tanong ng binatang pulis. Nakahahanap na siya ng puwedeng dahilan sa pagkakapaslang kay Alex.
“Night restaurant.” Nag-aalinlangang sagot ni Tess. “Restaurant na sa gabi lang bukas.”
“Night restaurant? Hindi ba’t ang mga restaurant e sa araw lang bukas at kung bukas man ng gabi e hanggang eight in the evening lang?”
“Kaso si Alex, umuuwi ng alas-tres pagkagaling sa trabaho.” Tugon ni Laura. “Ang sabi niya sa akin ang restaurant na iyon ay nagbubukas lamang tuwing gabi.”
Nagbuntong-hininga si James. “Wala bang sinasabi sa inyo si Alex kung KTV ba ang restaurant na pinaglilingkuran niya? O comedy bar?”
“Alam mo, tinanong ko na rin iyan kay Alex.” Ani Tess. “Tinanong ko siya noon kung sa Funline Comedy Bar ba siya nagtatrabaho. Doon kasi ako galing, di ba? Pero sabi naman ni Alex e ibang-iba raw iyon sa pinaglilingkuran niya. Hindi raw KTV o Comedy bar.”
Doon lamang pinagdugtong-dugtong ni James ang lahat. Umuuwi si Alex ng alas-tres ng madaling araw—katulad ng macho dancer na si Jordan Morales. Umaalis si Alex na walang baong uniporme ng restaurant na pinaglilingkuran nito—dahil bikini brief lamang ang uniporme sa isang gay bar. Ang restaurant na pinaglilingkuran ng kapatid ni Laura ay bukas lamang tuwing gabi—tulad ng mga bahay-aliwan at mga gay bar. At higit sa lahat, sa bibig na ni Alex nanggaling na ang restaurant na pinaglilingkuran nito ay malayo sa konsepto ng KTV o Comedy bar.
“Wala kayong napapansing kakaiba kay Alex nitong mga nagdaang araw?” muling tanong ni James sa magpinsan.
Nag-isip muli sina Laura at Tess. Maya-maya’y may naalaala si Laura. “Nakita ko nung isang linggo ang isang condom sa loob ng kanyang bag. Tinanong ko siya tungkol doon pero hindi niya ako sinagot. Tapos noong isang araw ay nakitaan ko naman siya ng bikini brief na kulay pula. Nagtataka naman ako dahil hindi naman nagsusuot si Alex ng ganoong klaseng brief na parang—alam mo na.”
Dito muling nagbuntong-hininga ang binatang pulis. “Hindi kaya macho dancer o kolboy si Alex?”
Nagtinginan naman ang dalawang magpinsan sa isa’t isa bago sabay na tumitig kay James. “Macho dancer? Kolboy?”
“Sa mga sinagot niyo sa akin tungkol kay Alex e mukhang tama ang hinala ko.” Ani James. “Yung kasama niyang isang lalaki na pinatay rin ni Mister Nice Guy ay isang macho dancer sa isang gay bar. Kutob ko magkasama silang dalawa bago sila mapatay ni Mister Nice Guy.”
Nagulantang si Laura sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa natuklasan niyang lihim sa pagkatao ng kanyang kapatid na si Alex Echegaray.