Shocker Files (Disturbing Hor...

By DravenBlack

18.1K 559 91

Ito ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya? More

Hukay-Bitay
Aswang sa Online
Ulong Pugot
Disyertong Walang Diyos
Bahay Katay
Jesus Murder
Man of Your Nightmare
Mapaglarong Demonyo
100,000 Death
Unknown Attack
Sapatos
Malagim na Pag-ibig
Sumpa
Pagsapit ng Dilim
Lalaking Umiiyak ng Dugo

Masamang Pangitain

807 31 3
By DravenBlack

HALOS hindi makausap si Juancio habang naglalaro ng Mobile Legends. Ang sarap ng higa nito sa sofa habang nanggigigil ang mga daliri sa kakapindot sa cellphone.

"Hoy, Juancio! Ano ka ba kanina pa kita inuutusan! Bumili ka muna ng mantika sa palengke at magluluto na ako!" sigaw sa kanya ng inang si Mercedes na abala sa kusina.

Wala pa ring sagot si Juancio. Tila hindi nito naririnig ang lahat ng ingay sa mundo. Tutok na tutok ang isip nito sa paglalaro.

"Juancio, ano ba! Gusto mong basagin ko sa mukha mo 'yang cellphone na 'yan? Bitawan mo nga muna 'yan at bumili ka muna ng mantika!" Lumapit na sa kanya ang ina.

Hindi pa rin pansin ni Juancio ang ina. Ayaw talaga nitong magpa-istorbo.

"Isa! Gumalaw ka na nga d'yan! Wala ka na bang balak gawin sa buhay mo kundi gumanyan araw-araw? Umayos ka!"

Hindi na nakapagpigil si Juancio sa ingay ng kanyang ina. "Teka lang naman, 'Nay! Maghintay ka malapit nang matapos 'to!"

"Ano'ng malapit nang matapos? Kanina ka pa naglalaro d'yan! Palagi na lang ganyan ang inaatupag mo! Iyan na lang palagi ang almusal mo! Bakit umaasenso ka ba d'yan? Nabubusog ka ba d'yan?"

"Inay puwede ba huwag kang maingay! Hintayin mo malapit na lang ito! Hindi naman kasi 'to puwedeng i-post dahil online game ito! Ilapag n'yo na lang d'yan 'yong pera!" Mas mataas pa sa langit ang boses ni Juancio.

Masakit ang ulo ni Mercedes at ayaw na niyang madagdagan pa ang bigat ng dinadala, kung kaya't siya na lamang ang lumabas para bumili ng mantika sa palengke.

Pagbalik niya, isang mainit na sermon agad ang inihain niya sa lalaki. Pero itong si Juancio, tila hindi apektado. Halatang sanay na sanay na ito sa bunganga ng kanyang ina. Abala pa rin ito sa paglalaro sa cellphone habang pinagagalitan ng nanay.

Palaging ganoon ang eksena sa kanilang bahay. Walang araw na hindi nagbunganga ang ina ni Juancio dahil sa labis niyang katamaran. Palibhasa puro higa, kain, at laro ang inaatupag niya araw-araw.

Isang taon ang lumipas mula nang magtapos siya ng kolehiyo ngunit wala pa rin siyang balak maghanap ng trabaho. Tinatamad kasi siya. Mas gumagaan ang pakiramdam niya kapag nasa bahay lamang at kaharap ang cellphone.

Isang hapon, nagpasama sa kanya ang amang si Melchor para buhatin ang TV at dalhin sa repair shop. Ngunit sa mga oras na iyon ay kaharap naman ni Juancio ang laptop at abala sa pagyu-Youtube kaya hindi na naman mautusan.

"Juancio, tumayo ka nga d'yan at tulungan mo magbuhat ng TV ang tatay mo! Ang bigat-bigat n'yan at kagagaling pa lamang ng ama mo sa sakit!" sita ni Mercedes sa lalaki.

Hindi maintindihan ni Juancio ang pinanonood dahil sa ingay ng kanyang ina. Kaya naman hindi na naman niya napigilang pagtaasan ito ng boses. "Puwede ba huwag muna ngayon, 'Nay! Sa susunod na lang ipagawa ang TV na 'yan at may importante akong ginagawa rito!"

Pati ang tatay niya ay nasaktan sa sinabi niya. Subalit pinili nitong huwag na lamang sitahin ang anak. "Sige na. Hayaan mo na siya. Ako na lang ang magdadala nito sa bayan. Isasakay ko na lang ng tricycle."

Mahinhin na tao si Melchor at hindi ito palasigaw gaya ni Mercedes. Kahit napipikon na ito sa ugali ng anak ay hindi niya ito magawang sabihan at pagalitan.

Awang-awa si Mercedes habang nakikitang hirap na hirap si Melchor sa pagbuhat sa TV. Kahit hindi niya ito kayang buhatin ay tinulungan na lang din niya ang matanda na ilabas ito at isakay sa tricycle.

Pagbalik ni Mercedes sa loob, pinaulanan na naman niya ng sermon si Juancio.

Subalit gaya ng dati, hindi pa rin tinatablan ang binata. Lumalabas lang sa kabilang tainga nito ang mga sinasabi ng ina. Para bang immune na siya sa lahat ng masasakit na salita at balewala na ito sa kanya.

Isang gabi, galit na galit si Juancio at kulang na lang ay basagin na niya ang cellphone. Limang beses siyang natalo sa ranked game nang sunod-sunod. Minura pa niya ang ilan sa mga kakampi dahil sa hindi magandang takbo ng kanilang laro.

Kung kailan badtrip na badtrip siya, saka naman pumasok sa kuwarto ang kanyang ina at muling nag-utos. "Juancio, wala tayong ulam. Magluto ka na lang ng pritong itlog doon. Hindi ko na kayang magluto masakit na ang ulo ko. Masama na naman ang pakiramdam ngayon ng tatay mo."

Lalong nagdilim ang utak ni Juancio nang marinig muli ang nakakairitang utos ng kanyang ina. "Sandali lang naman may tinatapos pa kasi ako sa cellphone ko! Istorbo kayo! Lumabas ka muna!"

Nalukot ang noo ni Mercedes. "Juancio naman! Uunahin mo pa ba 'yang cellphone mo kaysa sa hapunan natin? Ihahagis ko na talaga 'yan! Ano ka ba! Ano pa bang silbi mo sa mundo kung palagi na lang ganyan! Kumilos ka naman!"

"Wala pa 'kong gana kumain kayo na lang muna!" Halos suntukin na ni Juancio ang sariling ulo para ipakita kung gaano katindi ang galit na nararamdaman.

"Bakit ba hindi ka mautusan? Ano'ng klaseng anak ka? Bakit ka pa isinilang sa mundo kung ganyan lang ang gagawin mo sa buhay mo! Ang dami na naming isinakripisyo ng ama mo para lang makatapos ka pero ano? Inuubos mo lang sa walang kuwenta ang buhay mo! Tumatakbo ang oras, Juancio! Tumatakbo ang panahon! Hindi mo alam kung kailan kami mawawala pero hanggang ngayon wala ka pa ring alam na trabaho! Paano mo pa bubuhayin ang sarili mo?"

Sa inis ni Franco, padabog niyang inimpake ang ilang mga gamit at ipinasok sa isang bag. "Doon muna ako matutulog sa isang bahay! Ayoko na rito ang daming istorbo!"

Labis na nanggigil si Mercedes at pinalo sa braso ang lalaki. "Hoy! Kung makasagot ka parang hindi mo kami magulang! Buwisit kang bata ka!"

Dinig na sa labas ang sigawan nilang mag-ina. Kahit masama ang pakiramdam, napilitang tumayo si Melchor para awatin ang dalawa. "Ano ba kayong dalawa! Huwag na nga kayong magsigawan at nakakahiya sa mga kapitbahay. Ikaw naman, Juancio, makinig ka naman sa amin kahit konti lang!"

Walang tugon si Juancio na lumabas ng bahay dala ang kanyang bag. Hindi na niya nilingon ang nanay niyang halos magasgas na ang boses sa kakasigaw.

Nagpunta siya sa isa nilang bahay na balak ibenta ng kanyang ama. Pagmamay-ari iyon ng yumao niyang lola na ipinamana sa kanila. Sa tuwing gusto niyang mapag-isa, doon siya palaging pumupunta.


Hindi na niya winalisan ang maalikabok na kuwarto dahil sa katamaran. Pinagpag na lamang niya ang kama at agad hinigaan. Doon niya balak magpalipas ng gabi upang makaiwas sa maingay na bunganga ng kanyang ina.

Doon niya muling ipinagpatuloy ang paglalaro ng Mobile Legends. Sa pagkakataon namang iyon, nagsunod-sunod ang pagkapanalo niya sa ranked game. Muli niyang nabawi ang mga stars na nawala sa kanya. Isang star na lang at Mythic na siya.

"Yes! Yeeeees!" nagsisigaw siya sa tuwa. Mas mabuti pala kung mag-isa lamang siya dahil lalo siyang sinusuwerte sa laro. Mas gumaganda ang in-game performance niya kapag mag-isa sa bahay at walang maingay na nag-uutos ng kung anu-ano sa paligid.

Hatinggabi na siya natapos sa paglalaro. Isinaksak muna niya sa charger ang cellphone at nagpahinga. Sobrang ganda ng mood niya dulot ng sunod-sunod na panalo. Dahil din sa pagod ay agad siyang dinalaw ng antok. Hanggang sa unti-unting lukuban ng kadiliman ang kanyang diwa.

Nagising na lamang siya na pinagpapawisan ang buong katawan. Napabangon siya at naghubad ng t-shirt. Pagtingin niya sa oras ng cellphone, pasadong alas-tres na ng madaling araw.

Humiga siyang muli sa kama ngunit hindi na siya dinalaw ng antok. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang siyang hindi makatulog. Parang sumisikip ang kanyang dibdib at halos hindi siya makahinga.

Bumangon siyang muli para uminom ng tubig sa kusina. Subalit sa pagbukas niya ng pinto, nakakita siya ng kagimbal-gimbal sa kusina.

Nakaupo sa harap ng lamesa ang ama at ina niya. Napamulagat siya nang mapansing wala ang ulo ng mga ito! Magkaharap lang ang dalawa sa lamesa at hindi gumagalaw. Duguan din ang suot na damit ng mga ito. Kahit madilim pa sa labas ng kuwarto, kitang-kita niya na wala talagang ulo ang dalawa!

Agad isinara ni Juancio ang pinto at sumiksik sa higaan. Nilukuban ng matinding kilabot ang buo niyang katawan. Napapikit siya at napaisip kung ano ang nakita niya. Bigla tuloy niyang naalala ang madalas ikuwento noon ng lola niya. Isang masamang pangitain daw ang nais iparating kapag nakakita ng taong walang ulo.

Biglang may kumatok sa pinto ng kuwarto. Lalo iyong nagbigay ng hilakbot kay Juancio. Dalawang kamay ang narinig niyang kumakatok. Ibig na niyang maiyak sa takot. Napayakap siya nang mahigpit sa unan. Halos patiran siya ng hininga sa lakas ng kabog ng dibdib niya.

Nagtagal ng ilang minuto bago nawala ang nakapangingilabot na mga katok. Kahit tahimik na muli ang paligid, hindi pa rin nawawala ang takot sa buong pagkatao ni Juancio. Nanatili siya sa ganoong kalagayan hanggang sa lumatag ang umaga.

Pagsikat na pagsikat ng araw ay agad siyang nag-ayos para umuwi. Bahagya pang nanginginig ang mga tuhod niya habang naglalakad. Kinabahan siya nang makita ang mga taong nagkakagulo sa harap ng kanilang bahay.

Agad siyang nakipagsiksikan nang may tumawag sa pangalan niya. Paglingon niya sa likuran, nakita niya si Aling Cena, isa sa mga kaibigan ng kanyang ina. Lumabas siya sa nagkukumpulang mga tao at nilapitan ang matanda.

"Manang Cena, ano po ang nangyari bakit ang daming tao rito?" alalang tanong niya.

"Saan ka ba nagpunta kagabi? Hinahanap ka kaya namin! Alam mo bang may nakapasok na magnanakaw d'yan sa bahay n'yo? Bigla na lang kami nakarinig ng mga putok ng baril sa loob. Tapos pagtingin namin...ang mga magulang mo..." gumuhit ang takot sa mukha ng matanda.

"B-Bakit po, Manang Cena? Bakit?" lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Juancio.

"Patay na sila nang maabutan namin sa loob. Tadtad sila ng bala sa katawan. Ilalabas na sana ng mga pulis ang bangkay nila kaso pinigilan namin. Sinabi ko kasi hintayin muna nilang dumating ka. Pasensiya na, hijo. Ikinalulungkot ko ang pangyayaring ito. Wala kaming nagawa dahil natakot kami. Kaya hinintay na lang naming matapos ang putukan bago kami sumilip sa loob. Pasensiya na talaga."

Biglang nanlambot ang mga tuhod ni Juancio. Kung hindi pa siya napahawak sa mga balikat ng matanda ay baka tuluyan siyang natumba.

Parang sumabog sa lakas ng pagtibok ang kanyang puso. Nanlambot ang buong katawan niya habang pinagmamasdan ang mga taong nagkakagulo sa harap.

Maluha-luha siyang lumakad at nagtungo sa loob. Mula roon, bumungad sa kanya ang nakabulagtang katawan ng mga magulang. Nilapitan siya ng isang pulis at tinanong kung siya na ba ang anak.

Isang matamlay na tango lamang ang pinakawalan niya habang nakatitig pa rin sa bangkay ng mga magulang. Tuluyang pumatak ang mga luha niya at bumigay ang mga tuhod sa sahig.

SA pagkawala ng mga magulang ni Juancio, doon pa lang siya napilitang gamitin ang sariling mga paa. Inayos niya ang lahat ng mga requirements para maghanap ng mapapasukang trabaho. Sa kasamaang palad ay palagi siyang nare-reject dahil sa kawalan ng job experience.

Doon pa lang niya naranasan ang pakiramdam nang nag-iisa. Dahil hindi pa siya nakakahanap ng trabaho, kung saan-saan siya nangungutang para makabili ng kakainin sa pang araw-araw. Kapag nagkakasakit siya, napipilitan siyang bumangon kahit mabigat ang pakiramdam para lang bumili ng gamot o magpatingin sa duktor.

Sa labis na pag-iisa ay parang mababaliw na siya. Hindi na nga siya natutulog sa gabi nang nakapatay ang ilaw. Palagi na niya iyong binubuksan sa takot na makakita muli ng taong walang ulo.

Araw-araw siyang umiiyak at humihiling na sana'y puwede pang ibalik ang nakaraan para maituwid niya ang lahat ng pagkakamali. Subalit huli na. Habang buhay na niyang pagdudusahan ang mapait na epekto ng labis na katamaran.

Wakas.

Continue Reading

You'll Also Like

9.3M 392K 86
"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila ta...
186K 5.6K 19
Huwag na 'wag kayong didikit sa kanya... Dahil baka bukas ay ikaw na ang susunod na igagarapon nya.. Handa na ba kayo sa susunod na makakalaban ni An...
2.7M 53.6K 36
A PUBLISHED BOOK UNDER LIB (Life Is Beautiful) Biktima ng bullying at nag-suicide. Iyan ang nangyari kay Olivia. Ang pangyayaring iyon ay nakalimutan...
1.8M 102K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...