The Prince's Fiancee

By HopelessPen

112K 4.8K 856

(Watty's2019 Awardee for Historical Fiction) Michelle Santiago was killed by a man in a dark suit. But instea... More

Foreword
1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
13
14
15

12

4.4K 248 27
By HopelessPen

12


Tadhana



Ilang sandali akong tinitigan ng hari. Ang kanyang berdeng mata ay nag aapoy sa galit habang nakatunghay sa akin. Kuyom ng hari ang gilid ng kanyang trono habang unti unti akong pinapatay gamit ang kanyang tingin.

"Kamahalan, hindi natin maitatatwa ang nais ng Dyosa. Maaring hindi talaga isinumpa ang binibini. Ito ang kanyang paraan para ipakilala sa atin ang sunod na reyna ng Setrelle!"

Naging marahas ang aking pagtingin sa ministro na nagsalita. Maging ang matandang Telmarin ay ganoon din ang inasta. Agad akong umiling at binalingan ang hari na nakatitig pa rin sa akin.

"Hindi ko nais na maging reyna, kamahalan! Ni hindi ko ninanais na maging kabiyak ng isang prinsipe!" pagsusumamo ko. Sa gilid ng aking mata ay nakita ko ang paggalaw ni Amreit mula sa aking sinabi.

"Ama, hindi tama na ipakasal kami ng binibini dahil lamang sa kadahilanang isinalin ko ang aking dugo sa kanya. Isa pa---"

"Ang Vaurian ang kaisa isang lahi na ipinanganak mula mismo sa sagradong lawa ng Dyosa. Higit sa lahat ng angkan, ang dugo ng inyong pamilya ang pinakamakapangyarihan. Hindi isang simpleng bagay ang ginawa mong pagsasalin sa binibini, kamahalan. Ibinigay mo rin sa kanya ang pagiging sagrado ng inyong angkan dahil sa iyong ginawa. Dumadaloy na sa kanyang ugat ang Dyosa," sagot ng ministro. Nilingon ko si Amreit na nakatingin lamang sa matandang nagsalita, nagngangalit ang panga mula sa galit.

"Hindi natin dapat hayaang mamuhi sa atin ang Dyosa ng ating bayan, mahal na hari," dugtong pa ng matandang ministro bago yumuko sa hari.

"Ngunit Ministrong Vega---" awat ni Elric ngunit hindi natuloy noong tumayo ang hari. Tumayo rin ang mga natitirang ministro bago sabay sabay na nagbigay pugay sa kamahalan.

"Punong kalihim..."

Lumapit sa hari ang kalihim habang dala dala ang selyo ng kamahalan. Isang malamig na tingin ang ibinigay ng hari sa akin bago niya hinarap ang kalihim na hinihintay ang kanyang ipaguutos.

"Sa mga mamamayan ng Briaria at sa buong Setrelle, ipinapanukala ng palasyo ang pagbabawal sa pakikipag isang dibdib ng kahit na sino sa susunod na anim na buwan. Ito ay para sa Haresa ng bagong prinsesa, ang magiging asawa ng aking unang anak na si Amreit."

Bumagsak ang aking balikat mula sa narinig na proklamasyon.

"Ngunit ama!" angal ni Elric na hindi pinakinggan ng hari. Nilingon ako ng aking prinsipe bago niya binalingan ang kapatid.

"Amreit!" sigaw nito. Hindi sumagot ang kanyang nakatatandang kapatid at nanatiling nakatitig sa ama.

"Kamahalan..." anas ko. Binalingan ako ni Elric bago bumagsak ang kanyang balikat. Akma sana niya akong lalapitan noong humarang si Amreit sa kanya.

"Huwag mo ng palalain pa ang nagaganap, Elric," banta nito. Kumuyom ang kamao ni Elric bago pabalyang itinulak ang kanyang kapatid para makalabas sa bulwagan ng hari.

"Inaasahan ng mga Vaurian ang inyong pakikiisa sa masayang kaganapan na ito. Sumaiyo nawa ang mapagmahal na Dyosa. Nilagdaan, Armeo, ikapitong hari ng Setrelle," pagtatapos ng hari sa panukala. Noong maisulat iyon ng kalihim ay agad niyang iniabot sa kamahalan ang kasulatan na nilagdaan naman nito.

Bumigay ang aking binti at tuluyan akong bumagsak noong naging pinal ang kautusan na iyon. Noong malagdaan iyon ay iniabot ng hari sa mensahero ang proklamasyon para ipakalat sa buong bayan.

"Ipaghanda ng silid ang binibini. Magpadala rin kayo ng manggagamot para sa kanya. Kapag malakas na siya ay magsisimula na ang kanyang Haresa," anas nito, tinutukoy ang aking pag aaral bilang bagong prinsesa.

"Mula sa araw na ito ay ibinibigay ko ang karangalan na tawaging kang Hara Amelia, katipan ng tagapagmana na si Vaurian Amreit. Sa araw ng inyong kasal ay ibibigay sa iyo ang korona bilang prinsesa ng Setrelle at ang susunod na Reyna ng ating bayan," proklama ng hari. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon na magbigay ng kahit na anong reaksyon noong unti unting lumuhod ang mga ministro at ang mga tagapag silbi sa aking paanan para ako ay bigyang pugay.

Inalalayan ako ng mga Destal sa pagtayo para ihatid ako sa aking magiging silid. Habang naglalakad kami sa pasilyo ay hindi ko mapigilang mahilo. Noong dinala ako rito ay isa akong kriminal na ang tanging kasalanan ay ang pagkakaroon ng Rornos. Ngayong paglabas ko sa bulwagan ay isa na akong hara ng Setrelle.

At balang araw...balang araw ay magiging reyna ako?

Nahinto ang aking hakbang ng mapag isa isa ko ang mga pangyayari. Ni isa sa mga kaganapan ngayon ay hindi lumabas sa orihinal na nobela. Hindi nagkaroon ng epidemya na tinatawag na Rornos. Hindi ako sinagip ni Amreit. Ni minsan ay hindi ko rin hinarap ang hari.

At mas lalong hinding hindi ako naging isang hara. Sa puntong ito ay dapat naipadala na si Elric sa bayan ng mga barbaro para sa digmaan kung saan ay magtatagumpay siya. Ipaglalaban ng mga Vidrumi at ng iba pang angkan na siya ang maging sunod na hari.

"Hara? Sumasama ba ulit ang iyong pakiramdam?" anas ng isang Destal noong mapansin ang paghinto ko sa aking paglalakad. Mabilis lamang akong umiling at pumikit ng mariin.

Anong...anong nagpabago sa kwento? Anong nangyayari ngayon?

Pinagbuksan ako ng anim pang Destal upang makapasok ako sa aking silid. Isang matandang alipin ang sumalubong sa akin at agad na yumukod.

"Hara, ito ang iyong magiging pansamantalang silid. Sa pagtatapos ng iyong haresa ay ililipat ka sa iyong sariling palasyo."

Hindi ko sinagot ang matanda at patuloy lamang na inikot ang tingin sa aking silid. Di hamak na mas malaki iyon kumpara sa silid ko sa Apranya, at mas mamahalin ang mga muwebles na naroon. Ngunit hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay isa akong tagalabas sa marangyang silid na ito.

"Kung may kailangan ka pa ay nasa labas lamang kami. May dalawampu't anim kang tagasilbi rito na maari mong mautusan. Ako ang kanilang pinuno, Hara. Tawagin na lamang po ninyo akong Ginang."

Ngumiti ang matanda na ang pangalan ay Ginang bago siya unti unting humakbang palayo. Bago pa man siya makalabas ay agad ko siyang tinawag.

"Maari ba akong humingi ng papel at panulat. A-at kung sakali man pong dumating ang manggagamot na ipinadala ng hari, bigyan ninyo muna siya ng lugar upang hintayin ako," kimi kong sabi. Isang magiliw na ngiti ang iginawad ng matanda sa akin sabay yuko.

"Masusunod, Hara."

Hindi ko mapigilan ang mangilabot ng marinig ang titulong iyon. Pakiramdam ko ay hindi akin iyon at may inaagawan akong ibang binibini sa karangalan na iyon.

Ilang sandali lamang ay dumating ang hiningi kong panulat. Agad akong lumapit sa mesa na naroon at sinulatan ang aking magulang sa Apranya upang ipaalam ang mga nangyayari sa akin. Alam kong ilang araw na lamang ay darating na ang ulat ukol sa akin at sa prinsipe ngunit nais kong mula sa akin ay malaman nila ang mga nangyari.

Noong matapos ang aking sulat ay agad kong inilista lahat ng mga pagbabago sa kwento. Ikinumpara ko iyon sa mga naalala ko mula sa orihinal hanggang sa puntong ito.

Nanlulumo kong binitiwan ang panulat ng matapos ang aking listahan. Isa isa kong binasa ang mga iyon bago ko napagtanto na tunay ngang nag iba na ang takbo ng nobela mula sa aking mundo.

Ang hindi ko lang alam ay kung ano ang nagpabago rito. Ano ang dahilan at bakit ibang iba na ang kwento mula sa orihinal?

Narinig ko ang pagbubukas ng aking silid ngunit hindi ko iyon hinarap. Abala ako sa pagbabasa ng aking listahan at hindi ko pinansin ang pumasok. Malamang ay isa sa mga aliping Destal iyon na magsisilbi sa akin.

"Nariyan na ba ang mangagamot? Saglit na lamang po at patapos na ako, Ginang," anas ko ng marinig ang yapak ng alipin sa aking silid. Isang tikhim ang pumaibabaw at doon ako napaharap.

"K-kamahalan?"

Arogante ang titig sa akin ng panganay na prinsipe bago niya pinasadahan ng tingin ang aking silid. Noong bumagsak ang berde niyang mata sa akin ay bigla akong hindi mapakali.

"Kamusta ang bagong hara?" mapang uyam niyang sabi. Mabilis kong inilapag ang papel at itinago iyon sa kumpol ng iba pang panulat sa aking mesa.

Pinili kong hindi pansinin ang pang uuyam niya sa akin. Bagkus ay inilagay ko ang aking kanang kamay sa tapat ng aking dibdib bago nagbigay pugay sa prinsipe.

"Nais ko sanang magpasalamat sa ginawa ninyong pagsagip sa aking buhay, kamahalan."

Tumaas ang gilid ng labi niya para sa isang mapanuksong ngiti. Mayabang akong tinitigan ni Prinsipe Amreit bago siya nagkibit balikat.

"Hindi ko rin alam kung bakit nagawa ko iyon, binibini. Ngunit nangyari na ang nangyari at hindi na natin mababago ang katotohanang ikaw na ang aking hara," sagot niya sa akin. Nanlaki lamang ang aking mata at mapait na ngumiti.

"Patawarin mo ako. Alam kong nais mong maikasal sa babaeng iyong iniibig. Ngunit dahil sa pagliligtas mo sa akin ay----"

"Wala akong kakayahang umibig, Amelia. Wala akong ibang itinatangi sa bayan na ito kung hindi ang aking ama, ang aking kapatid, at ang Setrelle. Sila lamang ang pinag aalalayan ko ng aking damdamin."

Natahimik ako sa narinig na panganib sa boses ng prinsipe. Tumalim ang kanyang tingin sa akin habang nagyeyelo ang berdeng mata niyang nakatitig sa akin.

"M-May problema ka ba sa pagkakahirang sa akin bilang iyong Hara?" matapang kong tanong. Tumuwid ng tayo ang prinsipe at mabilis na nakalapit sa akin. Hinaklit niya ang aking siko at hinila ako palapit sa kanya.

"Kamahalan!"

"Ito ang tatandaan mo, hara. Hindi ko kailanman ninanais na maging hari ng bayan na ito. At kahit kailan, hinding hindi ikaw ang magiging reyna ng Setrelle."

Dumiin ang kanyang hawak sa aking braso. Ang mga preskong sugat mula sa Rornos ay natamaan. Napangiwi ako sa sakit habang si Amreit ay nakatitig lamang sa akin.

"Nasasaktan ako, kamahalan."

Nagngalit ang kanyang panga bago ako pabalyang binitiwan. Mabilis akong kumapit sa mesa para makuha ang aking balanse.

"Kahit anong mangyari ay hindi ko paniniwalaan ang salita ng isang Klintar. Lalo na kung ang Klintar na iyon ay ninanais ang trono ng Setrelle---"

"Nagkakamali ka, kamahalan! Kailanman ay hindi ko nanaisin na maging reyna!"

Marahas ang ginawang pagbaling sa akin ng prinsipe bago umiling. Sa kanyang mata ay mababanaag ang galit at poot para sa akin.

"Hindi ako naniniwala sa kahit na anong salitang mamumutawi sa iyong labi, Amelia. Wala akong pakialam kung ikaw ang hara na itinakda para maging kabiyak ko. Hindi pa rin ako maniniwala sa iyo," marahas niyang sabi. Lumapit sa akin ang prinsipe at hinawakan ang aking baba. Pinilit niya akong tumingala para salubungin ang kanyang mata.

"Si Elric ang magiging hari at hindi ako. Sisiguraduhin kong iyon ang mangyayari sa hinaharap," mapanganib niyang sabi. Mabilis akong tumango ngunit hindi siya nagpatinag.

"Iyon din ang nais ko..."

"Sinungaling. Lahat ba ng Klintar ay magaling sa paghahabi ng kabulaanan?" pag uyam niya. Bumagsak ang aking balikat sa narinig. Binitiwan ako ng prinsipe at agad na nagtungo sa pintuan.

"Kung sakali man na dumating ang panahon na kailangan kong mamili sa iyo at sa aking kapatid, hindi ako mangingiming piliin siya. Maari kang mamatay sa aking harapan at hindi ako matitinag kung ang kapalit noon ay ang buhay ni Elric," aniya. Napaupo lamang ako sa aking kama mula sa narinig.

Nag iba ang tingin ni Amreit sa akin ng ilang saglit ng makita ang aking panghihina. Hindi ko alam kung imahinasyon ko lamang ngunit pakiramdam ko ay may dumaang awa sa kanyang berdeng titig.

"Huwag mo sanang kalilimutan iyan, aking Hara," aniya at tuluyan ng lumabas ng aking silid.

Naiwan lamang akong nakatitig sa nakapinid na pinto...at sa tadhanang hindi ko na matatakasan.

Continue Reading

You'll Also Like

772K 26.9K 8
She has to die to travel from the past to the future. This is all for the handsome guy with attitude problems whose arrogance is incomparable, yet he...
Babaylan By Ann Lee

Historical Fiction

1.3M 79.6K 48
Standalone novel || Mula sa pamilya ng historians at archaeologists, lumaki si Cyrene na may malawak na kaalaman sa kasaysayan. Ngunit sa hindi inaas...
1.7M 89.7K 71
Wattys 2019 Winner in Historical Fiction Category Dahil sa isang pagkakamali, out of nowhere ay bumalik sa taong 1855 si Choleng. Nalayo man nang tul...
Sa Taong 1890 By xxienc

Historical Fiction

81.4K 3.5K 71
Siya si Chestinell Del Veriel Cavillian. Mula sa taong 2020. Isang babaeng laging nasa mali-tingin ng kanyang pamilya. Ninais niyang mawala ang paghi...