"SAAN ang punta natin, boss?” tanong sa kanya ni Prince nang makasakay siya sa kotse nito. Sa ilang taong pagiging mag-bestfriend nila, “boss” ang naging endearment nito sa kanya.
“Basta doon sa maraming guwapo,” sagot naman niya.
“Nasa harapan mo na ang guwapo.”
“Ayoko sa 'yo! Makapal mukha mo,”
“Alangan namang manipis, di nabutas agad?” pilosopo namang sabi nito.
Umiling-iling na lamang siya. “Basta dalhin mo ako doon sa marami akong makukuhanang inspirasyon.”
“Sumama ka na lang kaya sa photoshoot ko tomorrow? Panigurado, maraming guwapo doon bukas.”
“Marami nga. Guwapong manyak na katulad mo.”
Pinalo nito ang braso niya habang nagda-drive. “Hoy grabe ka namang makapagsalita! Flirt lang ako pero hindi ako manyak 'no!”
Iningusan na lamang niya ito. “Ganoon din 'yon!”
“Ewan ko sa 'yo. Tara na lang sa isawan at nagugutom ako,”
“Ano?! Bakit naman doon pa tayo pupunta? Paano ako makakakita doon ng kasing guwapo ni Guji Lorenzana? Paano ako makakakuha ng inspirasyon doon?!”
“Maraming guwapo doon, 'no. Madungis nga lang saka hindi nabibigyan ng tamang bihis.”
“Pero kahit na! Sa mall tayo magpunta!”
“Ayaw ko, tinatamad ako. Saka 'wag kang mag-alala, treat ko,” he said and winked.
She rolled her eyes. Treat nga, sa mumurahing kainan lang naman. “Grabe talaga ang kakuriputan mo! Sa carinderia mo na lang kaya ako dalhin kung nagtitipid ka? At least doon, may TV kahit papaano.”
“Ayaw ko doon. Mas malaki kaya ang gastos. Sa isawan, sa beinte-otso pesos, may pitong isaw at kanin ka na. Sa carinderia, ang thirty-five pesos mo, kakapirangot na ulam lang.”
“Naku, nagdahilan ka pa! Aminin mo nga, model ka ba talaga? Eh mas galante pa yata sa 'yo ang janitor, eh.”
“Nagtitipid kasi ako, eh.”
Umarko ang kilay niya. “At bakit ka naman nagtitipid?”
Sumeryoso ang anyo nito. “Magpapakasal na ako, Gabbe. Nakabuntis ako.”
Napasinghap siya nang malakas sa narinig. Napabaling siya dito. Seryoso ang anyo ni Prince. Hindi kaya totoo ang sinabi nito?
Sa naisip ay biglang-bigla ang pagpasok ng kakaibang damdamin sa puso niya. Tila pinipiraso ang puso niya dahil sa narinig. At nalulungkot din siya dahil doon. “Oh my God!”
Bumuntong-hininga ito. Saka tatawa-tawang bumaling sa kanya. “Pero siyempre, joke lang 'yon!”
Tila nakahinga naman siya nang maluwag sa sinabi nito. “Diyos ko, Prince! For a second there, tinakot mo ako, ha!”
“At bakit ka naman natakot, ha?”
“Ayaw kong maging ninang 'no! Magastos iyon!” dahilan na lamang niya.
“Loka ka talaga. Para namang gagawin kitang ninang ng magiging anak ko kung sakali? Eh isa ka pang dakilang kuripot, eh! Baka nga kahit tsupon ng bata, hindi ka bumili!”
“Oy, hindi ako kuripot 'no. Hindi lang ako magastos.” Depensa naman niya.
“Sus, ganoon na din iyon!” wika nito saka ipinarada na ang kotse nito sa isang tabi. “Ayan, nandito na tayo.”
Bumaba ito ng kotse nito at pinagbuksan siya ng pinto. Inakbayan pa siya ni Prince paglakad sa lamesa. Medyo maraming tao sa loob ng isawan. Medyo sanay na siya sa loob noon dahil noong college pa sila ay doon sila madalas kumakain kapag hapon. Umupo sila sa lamesang madalas na inuupuan nila kapag nandoon sila. Napansin niyang pag-upo nila’y panay ang tingin ng tao sa kanilang dalawa. Partikular na kay Prince.
“Alam mo, Prince, hindi dapat talaga tayo nagpunta dito. Baka mamaya dumugin ka na naman ng tao. Lalo na ngayong kakalabas lang ng bago mong billboard.” Last time kasi na nagpunta sila sa isang public park ay pinagkaguluhan ito ng tao. Nang mga panahon kasing iyon ay na-feature ito sa isang men’s magazine. Naging kontrobersyal pa ang litrato nito doon kaya naman nakilala ito ng mga tao. Ang balak sanang pagba-bonding nilang dalawa’y nauwi sa fans’day nito. Kung sinu-sinong tao ang nagpa-picture at nagpa-autograph dito. Hinayaan na lang niya ito dahil para din naman iyon sa career nito.
“Okay lang 'yon. Sanay na naman akong dumugin ng mga tao,” ngumiti pa ito.
Iiling-iling naman siya. “Ang yabang mo talaga kahit kailan,”
“Nagsasabi lang ako ng totoo, 'no. Saka ikaw, kung makapagsalita ka, parang hindi ka rin public figure, eh.”
“Writer lang ako. Hindi exposed ang mukha ko hindi katulad ng mukha mo.”
“Parehas na din 'yon. Exposed naman ang mga libro mo sa mga tao kahit hindi nakikita ang mukha mo. Sa ganoong lagay, public figure ka na din.”
“Okay,” tanging nasabi na lang niya sa sinabi nito. “O siya, order ka na. Gutom na rin ako, eh.”
Tinawag nito ang isang babae para kumuha ng order nila. Habang sinusulat nito ang order sa isang papel ay titig na titig dito ang babae. Kumikinang pa ang mata nito habang nakatingin. May hula siyang may crush ito sa best friend niya. At totoo nga ang naging hula niya dahil pagkatapos magsulat ni Prince sa papel na binigay nito ng order nila’y nagsalita ito. “Ang guwapo mo naman. Kamukha mo iyong nasa billboard sa may Makati.”
Tinignan niya si Prince. Nagkamot ito ng ulo. Para itong naging isang teenager sa itsura nito. “Ah, eh, ganoon ba. Siya thank you na lang.”
“Ikaw ba 'yong model sa billboard na iyon?”
Tumingin ito sa kanya. Waring humihiningi ng permiso kung sasabihin ba nito ang totoo. Kung sakali kasing sabihin nito ang totoo ay malamang dudumugin na naman ito ng tao katulad ng nangyari dito ng nasa park sila. Nagkibit-balikat na lang siya.
“Ah, eh. Hindi ako iyon. Actually, kakambal ko siya.”
“Talaga?” namimilog pa rin sa tuwa ang mata nito. “Ang galing naman, may kakambal siya. Pero kahit ganoon, puwedeng pa-picture? Ang guwapo-guwapo mo kasi, eh.”
Ngumiti na lang nang pilit si Prince. Kinuha ng babae ang cellphone nito. Hanga din siya sa babaeng ito dahil kahit nagtatrabaho lang sa isawan ay may camera pa talaga ang cellphone nito.
“Hi, Miss! Puwede mo ba kaming picture-an?” tanong pa nito sa kanya at ibinigay ang cellphone nito. Kukuhanin na sana niya ang cellphone nang magsalita si Prince.
“Ay, 'wag siya. Girlfriend ko 'yan. At alam ko, deep inside, nagseselos 'yan kapag may nagpapa-picture sa akin, eh. Baka kasi mamaya lalo pa 'yang magwala sa selos kapag siya pa ang pinag-picture mo sa ating dalawa.”
Tinignan naman siya nito mula ulo hanggang paa. At nang ma-satisfy sa pagtingin sa itsura niya’y parang gusto nitong mapangiwi. Hindi na sana siya maiinis kanina sa paghingi nito ng pabor sa kanya pero nang suyudin siya nito ng tingin ay tila out-of-this-world creature siya. Ang akala naman nito, saksakan ito ng ganda kung makapanuyod ng tingin samantalang kulot-kulot naman ang buhok nito at maitim ang balat.
“Ah, ganoon ba? Sige, sa iba na lang.” sabi nito at tumawag ng isang lalaki para picture-an ito at si Prince. Nang matapos ang picture-an na nakaabot ng take-six ay umalis na ito.
“Ito na nga ba ang sinasabi ko, eh. Sana talaga sa iba ka na lang pumunta. Kung makatitig naman sa 'yo ang mga tao dito’y wagas.”
“At nagseselos ka naman? Feel na feel mo yata ang pagpapakilala ko sa 'yo bilang girlfriend ko kanina,” ngingiti-ngiting wika nito.
“'Oy, Prince Yuan Castrences, kahit sikat na modelo ka pa sa mundo, hindi kita gusto 'no! Sa kuya mo lang ang puso ko!”
“Wow, ang drama! Pero kailangang ipaglandakan pa?”
“At bakit nasasaktan ka?”
Biglang sumeryoso ang mukha nito. “Paano kung sabihin kong, oo, maniniwala ka ba?”
“'Wag mo akong dramahan ng pagseryoso ng mukha mo. Alam na alam ko na 'yan technique mo na 'yan. Kaya hindi ako maniniwala sa 'yo.”
Nagkibit-balikat ito. “Okay, if that’s what you want. Lagi naman, eh. Si kuya ang mahal mo tapos ako lang itong best friend mo, nag-aantay na mahalin mo. Na alam kong hindi na mangyayari dahil hindi naman ako ang prince charming na bagay sa 'yo.”
Tumaas ang isang kilay niya sa sinabi nito. “At saan mo namang drama nakuha ang mga sinasabi mo, aber?”
“Sa love story nila Prince at Gabbe!” he said and make a peace sign. “Joke lang, boss, ha? Baka seryosohin mo!”
“Hah! Ako seseryosohin ka? Alam ko namang loko-loko ka, eh.”
Ngumiti ito. Pero may kakaiba sa ngiti nito. Parang malungkot iyon. “I know, I know. Pero bakit ba tayo napupunta sa usapan na ito? Ibahin na nga natin, naasiwa lang ako, eh.”
“Okay. Kung 'yan ang gusto mo, eh. Ano ba ang gusto mong pag-usapan natin?”
“Ahmm. Tungkol sa love life ko?” sabi nito saka ngumisi at tila may iniisip. “There was this hot girl, she was so sexy and—“
Nag-stop sign siya para tigilin ito sa pagsasalita. “My God, Prince! Puwede ba, 'wag mong ikuwento sa akin 'yang mga katalandiang alam mo sa katawan?”
“Eh kasi naman ang sarap—“
“Ew! Kilabutan ka nga sa mga sinasabi mo! 'Wag mong dumihin ang utak ko!”
“'Oy, Gabriela Lucinda Aragon, 25 years old ka na. Puwede ka ng makinig ng mga ganitong kuwento kaya makinig ka na lang, okay?”
“But your stories are so gross!” nandidiring wika niya. Minsan kasi ay nagkuwento ito sa kanya ng karanasan nito tungkol sa babae at wala pa siya sa gitna ng kuwento nito’y pinaghahampas na niya ito. Puro kalokohan kasi sa paglalaro ng babae sa kama ang kinukuwento nito sa kanya.
Tumawa ito. “Eh kaysa naman sa wala tayong mapag-usapan!”
“Mas gugustuhin ko pang bumula ang bibig sa panis na laway kaysa naman pakinggan iyang mga pang-two thousand and alien mong kuwento!”
“Sige. Iba na lang. Kuwento nila Snow White and the Seven Dwarfs. Once upon a time there was a—“
“Nakakasawa na 'yan. Iyong iba naman,” putol niya sa kuwento nito.
“Okay, Cinderella. There was this girl—“
“Ay naku, wala namang pupuntahan 'yang sinasabi mo, eh.”
“Eh wala naman kasi akong ikukuwento sa 'yo, eh. Ayaw mo ng mga babae ko.”
“Ay talaga! Ang mabuti pa, kuwentuhan mo na lang ako ng tungkol sa kuya mo.”
Sumimangot ito. “Ayaw ko niyan, di maganda.”
“Eh naman! Dali na. Nami-miss ko na siya, eh.” Pagpipilit niya dito. Normal na sa kanya na kapag ang kuya nitong nobyo niya ang pinag-uusapan ay nakasimangot ito. Alam niya kasi ang history sa pagitan ng mga ito. Palagi na lang daw kasi itong second best pagdating sa kapatid nito.
“Pasensya ka, hindi ko siya nami-miss.” Wika nito saka tumingin sa likod niya. “O, ayan na pala ang pagkain natin. Kumain na lang muna tayo at saka mag-iisip ng bagong kuwento.”
Inihain naman sa kanila ng babaeng kaninang kumuha din ng order nila ang mga isaw at kanin na in-order nito. Nagpa-cute pa muli ang babae kay Prince bago ito umalis. Iiling-iling na lang silang dalawa ni Prince.
Habang nakain ay nakaisip naman ito ng kuwento. Iyon nga lang, kaparehas ng kanina ay walang sense at puro kalokohan lang ang sinasabi nito. Nakinig na lang siya sa mga kuwento nito. After all, mas nakaka-relax namang makinig minsan ng mga walang kuwenta kaysa sa mga seryosong kuwento.
Nang makatapos naman sila nang pagkain ay nagkuwentuhan pa rin sila sandali bago umalis ng isawan. Pagkalabas ng isawan ay dinala siya nito sa isang mall sa malapit.
“O, hanap na ng guwapo, ha.” Sabi nito sa kanya nang makarating sila sa mall. Umupo ito sa isa sa mga libreng upuan doon malapit sa isang malaking fountain. “At may time limit 'yang paghahanap mo. 5 minutes lang.”
“Ano? 5 minutes ka diyan! Eh kahit yata isang oras ay walang dadaan na guwapo dito.” Sa isang hindi naman kasi sikat na mall siya nito dinala. At kada-5 minutes yata ang interval ng mga dumadaang tao sa harapan nila.
“Eh kasi naman, hanap ka pa nang hanap eh kasama mo na ang guwapo.”
“Ayaw ko nga sa 'yo. 'Di ko trip ang mga babaerong katulad mo,”
“Sus! Mas prefer mo pa iyong mga stiff and cold na kagaya ni kuya? Nakaka-boring kayang kasama 'yon. Baka kapag nagha-honeymoon na kayo eh puro business pa rin ang ikuwento niya sa 'yo.”
Iningusan niya ito. Noong nanliligaw pa sa kanya ang kuya nito ay hindi nito iyon suportado para sa kanya. Palagi pa nga nitong parang sinisiraan ang kuya nito sa kanya, eh. Hindi niya lang iyon gaanong pinapansin dahil hindi naman niya kailangan ang opinyon ng tao at ang mga nakikita ng mga ito pagdating sa pag-ibig. Para sa kanya, ang opinyon at ang mga nakikita niya ang mahalaga sa pag-ibig. At nakikita naman niyang tapat pagdating sa kanya si Kris kaya sinagot na niya ito kahit na ba alam niyang deep-inside kay Prince ay tutol ito sa kapatid nito para sa kanya. Ipinagtataka niya iyon noong una ngunit hindi na lang din niya nagawang itanong sa huli. “Lagi ka namang ganyan. Inggit ka lang sa akin kasi kami ng kuya mo nakatagal na ng isang taon samantalang ikaw, wala pang isang linggo tapos na ang relasyon.”
“'Oy, FYI, kahit isang linggo lang madalas ang tinatagal sa akin ng babae ay ako ang nakikipagkalas at hindi sila. Nakakasakal naman kasi, eh. Saka hindi ako naiinggit 'no. Ang liit-liit mo kaya!”
“Eh ano? At least may utak naman ako. Hindi kagaya ng mga girlfriend mong puro utak lang sa kama ang alam.”
“I don’t care. At least sila marunong, ikaw hindi!” sabi pa nito at bumelat.
“Okay lang. Pine-preserve ko kasi iyon para maging special para sa wedding night ko, 'no.”
Parang natigilan ito sa sinabi niya. “So you mean—“
“Na virgin pa ako? Of course! Hindi naman ako papayag na isuko ang bataan ko habang wala pa kaming small handcuff sa daliri 'no.”
Para namang na-relieved ito sa sinabi niya. Nagsalita ito nang mahina. Hindi niya maintindihan ang sinabi nito. “Ano iyon?” usisa niya.
Umiling naman ito saka ngumiti. “Wala. Sabi ko, ang guwapo ko.”
Hindi na lang niya pinansin ang sinabi nito at bagkus ay tumingin na lang sa paligid upang makahanap ng inspirasyon.
Limang minuto na ang nakararaan ay nagsalita muli ito. “Ano mayroon na bang pumasok diyan sa utak mo?”
“Wala pa nga, eh. 'Lipat tayong mall.”
“Ayaw ko. May nakita akong magandang chicks dito, oh.” Sabi nito saka nginuso ang isang magandang babae na nakaupo sa isang sikat na fast food chain.
“Hanggang dito, chicks pa rin ang hanap mo.” Iiling-iling na wika nito.
“Eh ikaw din naman. Hahanap ka pa ng guwapo eh may boyfriend ka na. 'Sumbong kita kay kuya, eh.”
“Subukan mo lang, gigilitan ko 'yang leeg mo.” Favorite expression niya iyon dito.
“Sadista ka talaga,” komento nito sa kanya.
“Aba, ikaw eh! Hayaan mo na lang ako. Wala naman kasi siya dito. Pabayaan mo na ako.”
Nagkibit-balikat ito. “Okay, kung iyan ang gusto mo. Pero basta dito na lang tayo kasi may chicks dito,” sabi nito at ngumisi.
Pinaikot na lang niya ang mata saka ibinaling sa iba ang paningin. Sana lang ay makahanap siya dito ng magandang ideya.
ITINIGIL ni Prince ang sasakyan sa tapat ng bahay nina Gabbe. Pasado alas-siyete na nang sila ay makaalis sa mall. At kahit tumagal sila nang ganoon ay wala pa rin itong nakitang guwapo. Kaya naman sa tagal nilang pamamalagi sa mall ay nagkuwentuhan na lang sila habang panaka-naka itong sumisilip sa mga dumadaan at siya naman ay pinipilit na humanap ng isang babaeng mapapagbalingan ng tingin. Lihim kasi siyang nagseselos kapag naghahanap ito ng guwapo. Kaya naman para maalis sa dibdib ang nararamdaman ay binaling na lang niya sa iba ang tingin.
Pero talaga yatang kapag si Gabbe ang kasama niya ay ito lang ang nakikita niyang maganda. Sinasabi niya dito na nagagandahan siya sa mga babaeng nakikita nilang dumadaan o di kaya’y nasa 'di kalayuan pero deep-inside ay hindi naman talaga siya nagagandahan sa mga ito. Paano kasi ay kasama niya ito. Para sa kanya, ito lang ang maganda habang nasa tabi niya ito.
“Gusto mo bang pumasok?” tanong nito sa kanya.
“Sige. Gusto kong magkape, eh.” Pagpayag at dahilan niya. Sa totoo lamang ay wala naman siya sa mood magkape pero dahil gusto niya pa itong makasama ay nagdahilan na lamang siya. Pinapasok na siya nito sa loob ng bahay ng mga ito. Sa sala ay naabutan agad niya ang mama at nakababatang kapatid nitong si Gino. Agad niyang binati ang mga ito.
“Hi Tita Grace. Hi Gino,” sabi niya saka nag-bless sa nanay nito at ginulo naman ang buhok ng nakababatang kapatid nito.
“Ay, Prince, ikaw pala!” tuwang sabi naman ng nanay nito. “Upo ka. Teka’t ikukuha kita nang makakain. Hindi ko alam na ikaw pala ang kasama ng anak kong ito kanina. Namalengke kasi kami nang umalis kayo.”
“Okay lang, tita.” Sabi niya saka bumaling kay Gino. “Kumusta, Gino? May girlfriend na?” close siya sa pamilya ni Gabbe. Parang pamilya na din ang turing ng mga ito sa kanya.
“Wala pa nga, Kuya Prince, eh. Basted ako,” malungkot na sabi nito.
“Ha? Bakit naman? Bulag ba 'yang babaeng 'yan para hindi makita ang kaguwapuhan mo?”
Bumuntong-hininga ito. “Hindi ko nga alam, eh. Nahihirapan ako. Last month humingi ako ng payo kay Kuya Kris. Pero lahat naman ng payo niya sa akin, palpak.”
Pumalatak siya. “Naku, at bakit ka pa doon sa kapatid ko nagtanong ng mga rules sa panliligaw? Dapat ako. Expert ako diyan!”
“Eh sabi kasi ni ate, hindi ka naman daw marunong manligaw kaya hindi na lang ako nagtanong sa 'yo.”
Bumaling siya kay Gabbe. “Mali-mali ka naman ng nirereto sa kapatid mo, eh. Ayan tuloy, basted. Dapat sa akin siya nagsasabi. Mas malakas kaya ang karisma ko sa chicks.”
“Sus! Puro ka kaya kalandian! Saka hayaan mo na 'yan. Part ng pagiging isang teenager ang ma-basted.”
“Sabagay,” nakomento na lang niya saka muling bumaling kay Gino. “Pero sa susunod na may matipuhan kang babae, sa akin ka na lumapit. Tutulungan kita at sisiguraduhin kitang at the end of the day, magiging kayo na agad ng babaeng iyon.”
Namilog naman ang mata nito sa tuwa. “Talaga, kuya Prince? Thank you! Sa susunod, sa 'yo na talaga ako magpapatulong!”
Ngumiti siya saka muling ginulo ang buhok nito. Gusto niya ang pamilya ni Gabbe. Mabait ang mga ito sa kanya at palagi siyang asikaso. Sa mga ito niya nararamdaman kung paano magkaroon ng isang masayang pamilya. Sa bahay kasi nila, puro business at kaseryosohan lamang sa buhay ang laman ng utak ng mga tao sa bahay. Ni hindi nga niya naranasan kung paano mag-out-of-town na kasama ang pamilya. Palagi kasing busy ang mga ito sa mga trabaho ng mga ito.
Maya-maya pa ay dumating muli sa sala ang nanay ni Gabbe. May dala na itong kape at biscuit para sa kanila. “Kumusta ka na Prince? Balita ko pinagkakaguluhan na naman iyong billboard mo sa Makati, ah.”
“Ay, tita, hindi naman masyado. Sadya lang talagang madaming fans,” sagot niya saka nilangkapan iyon ng tawa.
“Ikaw talagang bata ka. Teka, saan ba kayo nagpunta nitong anak ko? Hindi naman kasi nagpaalam sa akin ito, eh.”
“Namasyal lang po. Naghahanap pa po kasi ng guwapo 'yang anak niyo eh nandito naman ako.”
“Ay naku, oo nga! Dapat 'yang si Gabbe ay hindi na naghahanap ng guwapo. At kung ako nga diyan, ikaw na lang sana ang pinikot ko kaysa sa kapatid mo. Alam mo namang ikaw ang mas gusto ko sa anak mo.”
Lumawak ang ngiti sa labi niya. Iyon ang isang bagay pang kinatutuwa niya sa pamilya nito. Botong-boto kasi ang mga ito sa kanya. Mas gusto siya ng mga ito kaysa sa Kuya Kris niya. Iyon nga lang, sa malas ay mas gusto naman ni Gabbe ang kapatid niya kaysa sa kanya. Pero kahit naman hindi ng mga ito masyadong gusto ang kapatid niya ay ay civil makitungo ang mga ito dito.
“Mama talaga! Susumbong kita kay Kris, eh.” Wika naman ni Gabbe sa ina.
“Talaga naman, anak. Kahit ang Daddy mong nasa Qatar ay si Prince din ang gusto para sa 'yo!”
“Ayaw ko diyan, malandi 'yan!”
“Hayaan niyo na siya, Tita. Kung ang gusto naman talaga ni Gabbe ay si Kuya, wala na tayong magagawa. After all, ang mas mahalaga naman ay kaligayahan niya, di ba?” sabi na lamang niya. Kahit deep inside, nasasaktan siya talaga. Wala na rin kasi siyang magawa dahil may ibang lalaki ng nagmamay-ari sa puso nito. Worse, kapatid pa niya.
“Pero kahit ganoon, ikaw pa din ang gusto ko sa anak ko, Prince. Nakakatuwa ka kasi!” wika ng mommy nito.
“Ako din! Mas gusto ko si Kuya Prince kaysa kay Kuya Kris!” sabat naman ng kapatid nito. Niyakap pa siya nito.
Tumingin siya kay Gabbe. Halatang hindi sang-ayon ito sa mga sinabi ng pamilya nito. “Eh kung kayo na lang kaya ang mag-boyfriend? Akala niyo masarap maging boyfriend 'yang si Prince? Eh baka kung sakaling iyan ang maging boyfriend ko, siguro bahang-baha na dito sa bahay natin ng luha. Pang guiness world of records kaya ang pagiging babaero niyan!”
Gustong mapalis ng ngiti sa labi niya dahil sa sinabi ni Gabbe. Nasasaktan siya. Iyon ba talaga ang tingin nito sa kanya? Kapag naging boyfriend siya nito ay sasaktan niya ito? Wala bang tiwala ito sa kanya? Kung alam lang nito ang tunay na nararamdaman niya para dito. Kung alam lang nitong kaya lang naman siya naging ganoon kaadik sa babae ay para kalimutan na hindi siya ang mahal nito at ang kalimutan ang kamanhidan nito.
“Saka puwede ba, 'wag niyo na akong ireto kay Prince. May boyfriend na ako at iyon ay si Kris. Tanggapin niyo na lang na magiging bayaw ko na lang si Prince. Mahal na mahal ko kaya si Kris.” Dagdag pa nito na lalong nagpasakit ng damdamin niya. Gabbe never failed to hurt him. Pero kahit gaano man kasakit ang mga sinabi nito, tatanggapin na lamang niya. After all, sa pag-ibig, talagang kalakip ang sakit.
“Oo nga po. Pabayaan niyo na lang si Gabbe. Mahal niya si Kuya Kris at kaibigan niya lang po ako. After all, hindi ko rin naman siya type,” sinabayan niya na lang iyon nang mahinang tawa. Kailangan niyang magsinungaling para hindi nito maramdaman na apektado siya. At para maitago na rin niya ang sakit na nararamdaman niya.