Agad na nilapitan ni Marie ang bangkay. Nagsimula siyang manangis.
Nandoon din si Ashley ng mga oras na iyon at nilapitan niya sina Kristina at Edward.
"Engkanto ang may gawa nito." wika niya.
Parehong napatitig ang dalawa kay Ashley.
"Ano? Engkanto? Bakit paano mo nalaman?" kunot noong tanong ni Kristina.
"Selos marahil ang dahilan kung bakit pinatay yan ng engkanto. Baka may isang bagay na kinainggitan ang engkanto sa kasama nyo kaya niya ito pinatay ng ganyan. Kaya naging puti ang kanyang balat na parang pinulbusan. Nangangahulugang binugahan siya ng lason ng engkanto." paliwanag muli ni Ashley. Naawa si Kristina sa kaibigan niyang si Marie kaya nilapitan niya ito at hinagod-hagod ang likod. Umiiyak si Marie habang yakap niya ang bangkay ng lalaking dapat sana ay nais na niyang sagutin kaya niyaya niya ito kanina lumabas para makapag-usap sila ng sarilinan lang. Ngunit ngayon ay wala na ang binata. Isang pangyayaring hindi makakalimutan ni Marie magpakailanman.
GABI. Nagpasya sina Kristina na manatili muna sa apartment na iyon habang hindi pa natatapos ang tatlong araw na lamay ni Jordan. Dapat sana ay apat na araw lang sila doon magbabakasyon pagkatapos ay pupunta sila ng Palawan para ipagpatuloy ang kanilang Travel Adventure ni Edward ngunit may nangyaring insidente sa kaibigan nila kaya kailangan nilang manatili pa doon ng ilan pang mga araw.
Sa loob ng building na iyon ay may isang malaking espasyo kung saan ipinuwesto ang kabaong ni Jordan at nilagyan ng kaunting mga upuan. Nagbigay din ng abuloy si Ashley at kasama siya sa mga gumastos at nag-arkila sa mga bulaklak na pangpatay. May mga kaunti ring nagpunta sa lamay. Ang ilan dito ay mga kadikit bahay lang din nina Edward sa 4th floor. Walang tigil sa kakaiyak si Marie habang pinagmamasdan niya ang nakahimlay na katawan ni Jordan sa kabaong. Muli siyang nilapitan ni Kristina at dinamayan. Ipinatong niya ang ulo ni Marie sa kanyang balikat.
"Matagal nang nanliligaw sakin si Jordan. Dapat kaninang paglabas namin sasagutin kona sana siya at susurpresahin lang pero wala na siya. Sayang..." emosyonal na sabi ni Marie kay Kristina.
"Hayaan mo. Makakahanap ka pa rin naman ng kapalit niya. At sigurado ako na babantayan ka pa rin niya kahit nasa heaven na siya. Pagdating ng araw malay mo muli kayong magkita sa heaven. Lahat tayo magkikita ulit diba? Kaya huwag ka nang malungkot..." payo ni Kristina sa dalaga. Sa sinabi niyang iyon ay lalo lamang napapaiyak si Marie. Takot kasi siya mamatay at ayaw niyang pinag-uusapan ang tungkol sa mga ganoong bagay. Nakapagdudulot ng lungkot.
GABI. Pagsamantala munang nagpunta sa 4th Floor sina Kristina at Edward at nagsi-uwian din muna ang ilan. Naiwan mag-isa si Marie sa lamay. Nakahiga siya sa isang mahabang upuan doon at nakaidlip. Ayaw niyang iwan ang kabaong ni Jordan kahit isang saglit.
Naalimpungatan siya sa kakaibang liwanag na bigla na lamang sumilaw sa kanya. Pagmulat ng kanyang mga mata ay bumungad sa kanyang harapan ang isang nakatayong babaeng nakaputi. Mahaba ang buhok nito na halos sumayad na sa lupa. Ang mukha nito ay maputing maputi at lumuluha ng dugo ang kanyang mga matang tila nagmamakaawa. Napalunok ng laway si Marie at bigla na lamang namanhid ang kanyang katawan. Kumabog ang kanyang dibdib.
Lalo na ng gumalaw ang babaeng nakaputi at humiga sa katawan niya. Bumaon ang katawan ng babae sa katawan ni Marie pagkatapos ay bigla na lamang nag-iba ang timpla ng mukha ng dalaga. Bumangon ito at nagsimulang maglakad. Iniwan niyang mag-isa ang lamay at umakyat ito. Nakasalubong pa ni Kristina si Marie habang siya'y naglalakad at babalikan sana ang kaibigan pero nang tawagin niya ito at kinausap ay hindi man lang ito namansin. Nagpatuloy lamang ito sa paglakad. Parang walang naririnig.
"Marie! Anong gagawin mo dyan bakit ka aakyat? Bat mo iniwan ang lamay doon? Halika bumalik na tayo!" parang tanga lang na nagsasalita si Kristina. Kanina pa niya kinakausap si Marie pero hindi naman siya sinasagot nito. Para lang siyang nagsasalita mag-isa.
"Marie anu ba!" nagtaas na ng boses si Kristina. Pero nanatiling pipi pa rin si Marie. Hanggang sa makarating sila sa tuktok ng building. Sa ika-pitong palapag. Pagkatapos ay lumapit si Marie sa terrace at pinagmasdan ang lugar na matatanaw mula sa tuktok.
"Marie anu bang ginagawa mo dyan? Halika na bumalik na tayo!" muli pang tawag ni Kristina. Lalapitan na sana niya ang dalaga ngunit biglang...
"Pssssst!!"
Lumingon si Kristina sa kanyang likuran. Walang tao. Paglingon muli niya sa harapan ay wala na doon si Marie!
"Naku diyos kopo!" Nagulantang si Kristina at kumabog ang dibdib niya. Paglapit niya sa terrace at dumungaw ay naabutan pa niyang bumagsak ang katawan ni Marie sa lupa! Basag ang ulo at mukha nito. Nagkalat ang dugo sa lupa. Bali-bali ang mga buto. Pati mga ngipin ay nagkatanggalan! Kasunod pa niyon ay muling nagkagulo sa labas at nilapitan ng mga tao ang bangkay.
"Marieeeeeee!!!" Isang ubod ng lakas na sigaw ang pinakawalan ni Kristina. Bumigay ang kanyang tuhod at napasandal. Tumulo ang kanyang luha at humagulgol sa iyak.
PAGSAPIT ng umaga ay dalawa nang pinaglalamayan nila sina Marie at Jordan. Magkatapat ang kanilang mga kabaong pero hindi magkadikit.
Nang umagang iyon ay wala pa ring patid ang pagluha ni Kristina. Katabi niya si Edward at si Ashley.
"Kristina. Alam ko ang nangyari kay Marie. Sigurado ako. White lady ang may gawa nito. Isa sa mga misteryong bumabalot dito sa building ay ang gumagalang white lady na sumasapi sa mga taong namamatayan ng mahal sa buhay o kasintahan. Dahil nung nagpakamatay yung babaeng iyon ay tumalon siya sa tuktok ng building. Hindi kasi niya matanggap ang pagkawala ng asawa niya. Kaya magmula nun ay nagmumulto siya dito at sumasapi sa mga broken hearted tulad niya. Tatlong taon na ang nakalipas nang siya'y magpakamatay. Nakatira din siya noon sa mismong kwarto na pinag-iisteyan nyo." mahabang paliwanag ni Ashley habang hinahagod ang likod ni Kristina na walang tigil sa pag-iyak.