The Prince's Fiancee

By HopelessPen

112K 4.8K 856

(Watty's2019 Awardee for Historical Fiction) Michelle Santiago was killed by a man in a dark suit. But instea... More

Foreword
1
2
3
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15

4

5.4K 338 62
By HopelessPen

4
Sa'yo Lamang


Tanging ang hiyaw ng mga napapaslang na hayop ang naririnig sa buong durasyon ng pangangaso ng mga angkan. Ilang beses akong suminghap sa kaba sa bawat pagkakataon na may bumabagsak na puno sa kakahuyan o kaya ay may umaalulong na hayop dahil sa sakit.

Malapit na ang takipsilim, hudyat ng pagtatapos ng pangangaso. Isa isa na ang pagbalik ng mga ginoo at ng kanilang mga kawal. Nakabalik na rin ang hari dala dala ang bangkay ng isang Anubis. Isa itong kulay abong ibon na may malawak na pakpak at kayang magbuga ng asido at lason.

"Hindi talaga matatawaran ang galing mo sa pangangaso, mahal na hari. Napakahirap mahuli ng isang Anubis pero heto't tagumpay ka," bati ng isa sa mga ministro sa hari.

Iniabot ng hari ang kanyang palaso at espada sa katabing kawal bago iniangat ang pakpak ng Anubis.

"Ialay sa reyna ang aking huli," baritono nitong sabi. Tumahimik sa buong hardin habang pinapanood namin ang pag angat ng mga kawal sa patay na hayop bago iniligay sa paanan ng reyna.

Lumapit ang hari sa kanyang asawa at agad na lumuhod. Iniabot niya ang palasong nakatarak sa dibdib ng Anubis at yumuko sa kanyang reyna.

"Mahal ko, iniaalay ko sa iyo ang aking tagumpay. Mula sa iyong basbas ay naging masagana ang aking pangangaso," anas ng hari. Tumayo ang reyna at hinawakan ang baba ng hari bago yumuko pabalik.

"Nagpapasalamat ako sa Dyosa at naging ligtas ka, aking hari."

Nagsimula na rin ang ibang ginoo sa pag aalay sa mga madam ng kanilang huli. Nagsimula na rin ang paghahanda sa pagdiriwang pero hindi pa nagbabalik si Elric at ang kanyang mga kawal. Nahaplos ko ang aking palad at naramdaman ang pagkawala ng pambalot ng aking kamay.

"Wala pa ang kamahalan," pabulong kong sabi. Napalingon si Isabella sa akin habang hawak ang isang hita ng manok.

"Narito na si Vaurian Amreit, binibini."

Umiling ako at nilingon muli ang kakahuyan, ngayon ay nakakatakot na ang katahimikan. Wala ng kahit na anong naririnig mula sa gubat at nagsimula na akong mag alala. Kung hindi pa hinawakan ni Isabella ang aking kamay ay hindi pa ako titigil sa kung ano anong iniisip.

"Isa sa pinakamagaling na mandirigma ng Setrelle ang Prinsipe Elric, mas magaling pa sa angkan ng mga Arransar na biniyayaan ng Dyosa sa pakikidigma. Sigurado ako binibini, kung nasaan man ang iyong prinsipe ay ligtas siya," malambing na sabi ni Isabella. Bigla akong pinamulahan bago ko hinila ang aking kamay.

"H-hindi akin ang Prinsipe."

Tumawa lamang siya bago nangalumbaba at tinitigan ako. Ang kulay ginto niyang buhok ay mas naging makintab habang nasa ilalim ng liwanag ng buwan.

"Hmmmn? Kung ganoon, kanino?" natatawa niyang tanong. Tinitigan ko lamang si Binibining Isabella habang kinukuyumos ng pambihirang sakit ang aking damdamin.

Sa iyo, Isabella. Sa iyo ang prinsipe. Iyon ang nakatakda at kahit na ano pa yata ang gawin ko, sayo at sayo pa rin ang bagsak niya.

Isinandal ko ang aking ulo sa upuan bago pinanood ang mga tala sa kalangitan. Ngayong nakakasama ko si Isabella ay mas nagiging malinaw sa akin ang dahilan kung bakit siya ang iibigan ni Elric sa hinaharap. Napakabait ng binibini at masayahin. Paniguradong ang madalang na pagngiti ng Prinsipe ay mapapadalas dahil kay Isabella.

Pero bakit mo pa ba pinoproblema iyon Amelia? Hindi ba't ang mahalaga lang ay ang mabuhay ka sa dulo ng kwento? Ito na ang ikalawang pagkakataon ko magmula ng mamatay ang unang ako. Kaya bakit ako masasaktan kung sakali mang nakikita kong sobrang karapat dapat ni Isabella para sa Prinsipe?

Walang sabi akong tumayo mula sa aming mesa at naglakad papunta sa aking ina. Gusto ko ng umuwi at kung papayag sila ay mauuna na ako---

Napahiyaw ako ng makarinig kami ng dagundong mula sa kakahuyan bago ang malakas na sigaw ng isang nilalang. Mabilis kumilos ang mga kawal at agad na hinila ang kanilang mga armas para protektahan ang mga Vaurian.

Limang puno ang sabay sabay na bumagsak at panibagong atungal ang bumasag sa katahimikan ng gabi. Agad na lumapit sa akin si Papa at hinawakan ang aking braso noong makarinig kami ng mga mabibigat na hakbang.

Ilang mahahabang minuto ang lumipas bago tuluyang naging malinaw sa ilalim ng gabi ang nangyayari. Sa bukana ng kagubatan ay naroon si Elric habang hila hila ang higanteng Amikiri, isang sawa na may pangil na kasing talim ng leon at pakpak na dalawang beses ang laki kumpara sa Anubis.

Unti unting nagsigawan ang mga angkan at tumakbo papunta sa prinsipe. Noong makalapit si Elric ay doon ko nakita ang mga sugat sa kanyang braso at ang duguan niyang balikat. Mabilis umikot ang kanyang mata sa hardin hanggang sa huminto iyon sa aking direksyon. Isang maliit at pagod na ngiti ang ibinigay niya bago niya itinaas ang kanyang espada. Doon ay nakabigkis pa rin ang gwantes kong ninakaw niya kanina.

Isang mainit na luha ang walang paalam na pumatak sa aking mata habang nakikita siyang ligtas. Napapikit na lamang ako at umusal ng maliit na dasal sa Dyosa dahil sa gabay nito sa kanya.

"Mga minamahal kong bisita, nais ko sanang ihandog sa inyo, ang punong mangangaso ngayong taon. Ang aking anak, si Vaurian Elric," anunsyo ng hari. Isang masigabong hiyawan at palakpakan ang nakuha ng Prinsipe.

Lumapit si Elric sa Amikiri bago binunot ang espada nito. Humakbang siya palapit sa akin at agad na nagparte ang mga bisita para mabigyan siya ng daan. Nang nasa harapan ko siya ay agad niyang inabot ang luhaan kong pisngi.

"Tumatangis ka yata para sa akin, aking binibini?"

Nahigit ko ang aking hininga bago mabilis na umiling at hindi na nakasagot. Tumaas ang sulok ng kanyang labi at lumuhod sa aking harapan. Itinaas niya gamit ang kanyang dalawang kamay ang espadang pumatay sa Amikiri bago yumuko sa akin.

"Binibini, iniaalay ko sa iyo ang aking tagumpay. Mula sa iyong basbas ay naging masagana ang aking pangangaso," anunsyo niya. Nanginginig kong kinuha ang kanyang espada, ang gwantes ko ay naroon at nakatali pa rin. Tinitigan ko ang prinsipe at napahikbi ako habang nakikita siyang ligtas mula sa panganib kanina. Nang marinig niya iyon ay agad siyang tumayo at hinawakan ang aking palad.

"Amelia..."

"Elric, mabuti pa ay magbihis ka na ng mas malinis na damit. Nais ko ng simulan ang pagdiriwang," sabat ng hari sa amin. Humigpit ang hawak ng Prinsipe sa aking braso bago ako tiningnan.

"Babalikan kita," pangako niya. Dahan dahan lamang akong yumuko at pinanood siyang papasok sa palasyo.

Tunay ngang nagsimula ang kasiyahan ng makabalik na ang Prinsipe. Pagbalik pa lamang niya sa hardin ay dinumog na siya ng mga ginoong nais marinig ang kwento ng pagkitil niya sa Amikiri.

"Pitong dekada na ang nakalilipas noong huli tayong nagkaroon ng Amikiri sa pangangaso. Sadyang nakakagulat ang galing mo sa pakikipaglaban, kamahalan. Maari ka ng mapabilang sa aming angkan dahil sa iyong angking galing."

Tumawa lamang si Elric at nilingon ako. Nagpanggap naman akong kumukuha ng mga prutas pero tahimik na nakikinig sa usapan.

"Maligaya na akong matuto mula sa mga Arransar, Ginoong Vega. Magiging kalabisan na kung nanaisin ko pang mapabilang sa inyong angkan."

Tumikhim ang Ginoong Vega at tumawa. Tinapik niya ang balikat ni Elric at nilingon si Isabella na nakikipag usap sa mga katulong.

"Maganda ang aking anak, kamahalan. Marunong rin sa pakikidigma. Sigurado akong magiging maganda ang relasyon ninyo ni Isabella---"

"Patawad, Ginoo. Pero ngayon pa lamang kami nagkakilala ng inyong anak," sagot ni Elric. Binitiwan ko ang platito ng prutas bago ko inabot ang mga tsokolate.

Ang lalaking kausap ni Elric ay ang ama ni Isabella? Inirereto ba ni Ginoong Vega ang kanyang anak sa Prinsipe?

"Kung ganoon, magandang mas magkakilala pa kayo ng malalim," anunsyo ng matandang ginoo bago tinawag si Isabella. Lumapit naman ang binibini at agad na yumuko kay Elric.

"Mga minamahal na ginoo ng mga angkan, ihahandog ni Vaurian Elric ang unang sayaw..."

Napasinghap ako ng malakas ng sinabi iyon ng hari. Nagtataka man ay yumuko si Elric kay Isabella bago hinuli ang kamay ng binibini. Hindi nakatakas sa aking mata ang pamumula ng pisngi ni Isabella habang hawak ni Elric ang kanyang beywang.

Kinuyom ko ang aking palad at agad na iniwan ang pagkain sa mesa. Hindi nakatakas sa aking mga mata ang elegante at mahinhing pagsasayaw ng dalawa habang nasa ilalim ng buwan.

Humawak ako sa aking dibdib ng maalalang ito pala ang gabi kung saan tuluyan ng mahuhulog ang Prinsipe kay Isabella. Habang pinapanood sila ay mas napapagtibay ang katotohanan na nagaganap na ang mga dapat na maganap.

Ito naman talaga ang dapat. Si Isabella ang babaeng para kay Elric. Si Isabella ang bida sa kwento. At ako...isa lamang akong walang kwentang karakter na kikitilan ng buhay sa huli.

Naglakad lakad ako sa malawak na hardin hanggang sa mapalayo na ako sa pagdiriwang. Tanging ang liwanag ng buwan at ng mga alitaptap ang nagsilbing gabay ko sa pagtahak sa hardin.

Noong mapagod ako ay umupo muna ako sa katawan ng isang patay na puno. Sa tabi nito ay may nakayukong puno ng seresa.

Umihip ang hangin at bahagyang nalaglag ang talulot ng mga bulaklak ng seresa. Itinaas ko ang aking kamay at malungkot na ngumiti habang hinahayaang mahulog sa aking palad ang mga talulot.

Nagpatuloy ang pagbuhos ng mga talulot hanggang sa napatayo na ako. Nagpaikot ikot ako, nagtatangkang aliwin ang sarili para maialis sa aking isipan ang imahe ni Isabella at ng Prinsipe.

"Palaging sinasabi sa akin ng aking mga guro na hindi na muling nagpakita ang Dyosa sa Setrelle matapos ang digmaan," anas ng isang boses mula sa dilim. Napatalon ako at agad na sumiksik sa puno para sinuhin ang nagsalita.

"Mukhang mali sila. Dahil nasa aking harapan ngayon ang Dyosa..."

Lumabas mula sa dilim ang binata. Nasinagan ng buwan ang kanyang mukha at tumulong ang mga alitaptap para mas lumiwanag.

"Kamahalan..."

"Hindi pa tapos ang pagdiriwang, binibini. Bakit narito ka at mag isa pa?" mahinahon niyang sabi. Humakbang siya palapit sa akin habang ako ay mas sumisiksik sa seresa.

"Nainip ako, kamahalan."

Tumaas ang kanyang kilay. Dahan dahang lumipad ang mga aliptaptap sa paligid naming dalawa habang sinasabayan ng pagbagsak ng mga lilang bulaklak ng seresa.

Hinuli niya ang aking kamay, iyong walang gwantes, bago iyon dinala sa kanyang labi. Ipinagpasasalamat ko ang kadiliman ng gabi dahil hindi niya mapapansin ang pagpula ng aking pisngi.

"Patawad, aking binibini. Hindi ko ninais na maisayaw si Isabella ngunit ayaw ko siyang mapahiya. Sinabi ng aking Amang hari na---"

"Huwag kang mag alala, kamahalan. Hindi ka dapat humingi ng tawad," malamig kong sabi. Mas lalong lumapit si Elric sa akin hanggang sa napasiksik na ako sa puno. Itinukod niya ang kanyang kamay sa itaas ng aking noo bago hinuli ang aking baba at pinilit na tumingala.

"Hindi n-naman ako nagagalit..." bulong ko. Yumuko ng bahagya si Elric, ang kanyang labi ay gahibla na lamang ang layo sa akin.

Dumadagundong na ang aking dibdib sa kaba habang ang prinsipe ay kalmadong pinapanood ako.

"Hindi ka marunong magsinungaling, Amelia," natatawa niyang sabi.

"H-hindi ako nagsisinungaling. Totoo ang aking sinasabi, mahal na Prinsipe! Tunay namang nababagay kayo ng Binibining Vega! Isa pa, hindi ba't siya ang pinakamagandang babae sa buong Setrelle? Ayaw mo ba iyon?" histerikal ko ng sabi. Natawa lamang siya at inalis mula sa aking buhok ang talulot na bumagsak roon.

"Hindi naman ako naniniwalang siya ang pinakamaganda, binibini..." sabi nito. Bumaba ang kanyang tingin sa aking nakaawang na labi bago bumuntong hininga. Umigting ang kanyang panga na para bang may pinipigilan.

"Kamahalan..."

"At kung tunay man ngang siya ang pinakamaganda, hindi pa rin mabubura ang katotohanang ikaw ang aking Dyosa. Hindi nito maiialis, Amelia na sa iyo,..." bitin niyang sabi. Hinaplos ng kanyang hinlalaki ang aking labi bago siya mas yumuko.

"Sa iyo at sa iyo pa rin ako, Amelia. Sayo lamang."

Continue Reading

You'll Also Like

1.7M 89.7K 71
Wattys 2019 Winner in Historical Fiction Category Dahil sa isang pagkakamali, out of nowhere ay bumalik sa taong 1855 si Choleng. Nalayo man nang tul...
124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...
9.9K 671 54
"If loving you is a sin, sinner I'm ready to be."
428K 19.3K 60
Died and reincarnated in the book she last read, Arisia hopes to live an interesting life unlike her previous boring one. What will be in it for her...