May Amnesia Si Girl (Soon Und...

By PatriceValmer

2.4K 34 7

Nagkaroon ng ilang kasintahan si Kinbra, pero feeling nya lang yun. Mayroon kasi itong kakaibang pakiramdam n... More

May Amnesia Si Girl (Chapter One)

2.4K 34 7
By PatriceValmer

 

 Kibou no Sora e (To the Sky of Hope) – Takahashi Youko

Chapter One

            Ang pangalan ko ay Kinbra. Arriane Kinbra Saybin. King at Brandy ang pangalan ng aking mga magulang kaya nabuo ang kakaiba kong pangalan. Ngayon, alam kong nakangiti ang mga magulang ko sa akin mula sa langit at patuloy akong binabantayan. Hindi ako madramang tipo ng babae. Pag meron okay, pag wala eh ayos lang rin. In short, tipikal. Simple. Vanilla. Nagkaka-crush pa rin naman ako at nagkakaroon ng gusto pero hanggang doon na lamang yun. Medyo takot na rin kasi ako sa pagmamahal sa tao, siguro dahil wala na yung mamahalin ko. Isa akong nurse sa isang pribadong ospital dito sa Maynila. May dalawang taon na rin akong nagtatrabaho dito at wala akong balak na mag-abroad kung itatanong nyo.

Mayroon akong shoulder length hair na kulay light brown. Hindi ko ito pinakulayan at namana  ko lang sa aking Papa na mayroong Spanish decent. Marami akong nunal sa katawan at fair ang aking skin tone. Kahawig ko raw si Snow White sabi ng mga kaibigan ko, pero siguro dahil sa style lang ng buhok. Kakaiba lang ako siguro sa ibang babae dahil may pakiramdam akong lahat ng magtatangkang manligaw sa akin ay iisa ang patutunguhan. Kamatayan. Adik pero ganun talaga eh. Sorry ah.

Adik ako sa milk tea, minsan lang ako magsuklay kaya madalas na magulo ang aking buhok, mahilig  akong tumakbo, kumuha ng picture at matulog.

            Madalas akong mag-isa kahit na marami akong kaibigan. Pero kahit na nasa isipan ko ang mag-iisa na lamang ako habang buhay dahil sa aking kakaibang pakiramdam ay mayroon pa ring mga bagay na kumu-question sa akin kung tama ba o posible ang aking desisyon. Ito ay nang makatanggap ako ng isang sulat mula sa isang hindi kilalang tao. Sulat? Oo, sulat sa panahon ng internet at advance technology. Wala itong return address kaya naman mas naging kakaiba pa ang pangyayaring ito sa akin.

            “Kung sasabihin ko sa iyo na kaya mo akong iligtas, maniniwala ka ba? Kung sasabihin ko sayong gusto kitang ligawan, papayagan mo ba ako? Mabigyan mo kaya ako ng reason para huwag ng ituloy ang aking gagawin? Sulatan mo naman ako.”

            Ang laman ng isang pirasong bond paper na aking misteryesong natanggap.

            “Ha ha! Nakakatawa naman ‘to!”

            Ito na lamang ang nasambit ko matapos ko itong mabasa.

Nakakatawa naman kasi talaga. Mga adik talaga sa panahon ngayon. Kung ano-anong kawirduhan ang naiisipan. Malay ko ba kung ano ang gagawin nya? Saka paano ko sya susulatan, wala namang return address. Idinikit ko sa aking refrigerator ang kanyang sulat at dahil sa medyo nakakatakot ang kanyang sinabi ay tinadtad ko ito ng sticker magnets upang tuluyan na itong matakpan. Matapos ay kumuha ako ng tubig sa ref, uminom ng vitamin c at isinuot ang aking ID na nakasabit sa hawakan ng refrigirator. Binuksan ko ang bintana ng aking apartment upang patuluyin ang paparating pa lamang na liwanag. Bihis na ako at handa na upang pumasok sa trabaho. Morning duty kasi ako at mayroon lamang 20 minutes para sa byahe.

Tinirintas ko ang aking buhok at gumawa ng bun, matapos ay itinali ko na ito. Sinuot ko ang aking relo at naglagay ng contacts. Hindi yung colored contacts para magmukha akong anime. Nakasalamin kasi ako dati pero madalas na mabali ang mga frames ko. Nakakatulugan at nagugulungan ko sila sa higaan. Mahilig akong magbasa na nito ko lamang na-develop at minsan sa sobrang antok ay hindi ko na ito natatanggal pa. Maiinis na lamang ako kinabukasan dahil bali na ang frame at dog-eared na ang binabasa kong libro. Minsan rin ay mahuhubad ko nga ang aking salamin pero maipapatong ko naman ito sa hagdan. At pagbaba ko sa umaga…krak!…presto! Hinalikan ko ang litrato ni Mama at Papa,  matapos nito ay mabilis ng lumabas paalis ng aking apartment.

            Kahapon matapos ang aking duty ay napatingin ako sa isang corridor sa 2nd floor. Napansin ko ang isang lalaki na nasa harapan ng isang bintana. Nasisinagan ng araw ang kanyang mukha at dahil dito ay para syang nagliliwanag. Parang isang anghel. Makintab na buhok, maamong mukha, mapulang mga labi at nagniningning ang kanyang mga mata. Hinawakan nya ang bintana at tuluyan itong binuksan. Nakita ko na mabuti nyang inangat ang kanyang mga hita hanggang sa tuluyan syang makasampa sa window frame. Lakas maka-tarsier ni Kuya. Sa ginawa nyang iyon ay tila ba alam ko na ang kanyang iniisip. Pinatunayan ng kanyang buong kaanyuan na isa nga syang anghel. Pero wala naman syang pakpak. Kaya sa oras na tumalon sya sa bintana ay tuloy-tuloy syang mahuhulog at hindi sya makakalipad dahil hindi naman talaga nakakalipad ang tao, kahit yung mga mukhang anghel. Sa takot ko ay malakas akong napasigaw.

“Anak ng patatas!”

Matapos ay tinakpan ko ang aking bibig.

Nakakapit pa rin sya sa bintana at napansin nya ako sa ginawa kong pagsigaw. Ilang segundo nya akong pinagmasdan at walang kumikibo sa amin. Nakahinga ako ng maluwag nang mapansin kong hindi natuloy ang kanyang pagtalon at bumaba na lang muli. Umatras ako. At tumalikod na lamang at mabilis na nanakbo paakyat sa aming station. Gusto ko syang balikan at siguraduhing hindi na nya uulitin pa ang kanyang ginawa. Pero hindi ko na ito binalak hindi lang dahil sa late na ako, kung hindi dahil sa papaano kung tumalon syang muli?

Matapos ang aking duty ay binalikan ko ang lugar kung saan ko sya nakita, hinawakan ang frame ng bintana kung saan sya nagtangkang tumalon. Wala namang nabalita kanina na mayroong  nagpakamatay ‘di ba? Sana kung nasaan man sya ay hindi na nya ituloy pa ang kanyang binabalak. Hinila ko ang tali ng aking buhok at kumawala ito sa tulong na rin ng malakas na hangin sa paligid. Naglakad na akong muli palayo at nagsimula nang bumaba ng building. Nakauwi na ako sa bahay ng mapansin kong may nawawala sa akin. At kung ano man ito ay hindi ko na alam.

Lumipas ang isang linggo pero hindi ako iniwan ng misteryoso nyang imahe.

                                                            ***

“Good morning, Ms. Saybin.”

Bati sa akin ng aking head nurse. Medyo late na rin ako kahit pa dumating ako bago pa ang alas-sais ng umaga. Maaga kasi ang endorsement ng mga pasyente. Sa Pay Ward nga pala ako. Habit ko ang hindi makinig sa endorsement, paulit-ulit lang naman at pare-pareho. Binabasa ko na lamang ang charts. Hehe.

“Ms. Saybin…ayos ka lang ba? Mukhang hindi ka nakikinig sa endorsement ah.”

Biglang puna sa akin ng aking head nurse.

“Pa-pasensya na po Mam.”

Ilang sandali pa ng matapos ang aming morning rounds ay nilapitan ako ng kaibigan kong Nurse na si Miral.

“’Te, parang tulala ka kanina pa,” puna nito sa akin.

“Hmm, ‘di naman.”

“Hindi ka dyan,” sagot nya sa akin sabay kuha sa chart na aking sinusulatan.

“Received patient on bed, awake and not in distress. Okay.”

“O’ anong masama dyan?”

“’Te, may tubo yung pasyente mo tapos not in distress? Haha!”     

            “Ay, sorry.”

            “May problema ka eh.”

            Dito ay tinanggal nya sa chart ang aking isinulat at mabilis akong inabutan ng bagong nurse’s notes.     

“Kahit generic ang sagot ko, eh wala naman talaga akong problema.”

            “Ay, wait lang.”

            Naawat ang aking kaibigan ng mapansin nitong dumaan ang crush nyang doctor kaya naman naiwan akong mag-solo sa nurse’s station.

            “Miral talaga.”

            Umiling ako at ngumiti. Matapos ay nagsimula ng mag-charting. Kaibigan ko ang halos lahat ng mga junior nurses na kagaya ko at ang isa sa amin eh gumawa pa ng group name na kami lamang mga junior ang nakakaalam ng ibig sabihin. JSC meaning, Junior’s Singles Club. Medyo corny. Pero appropriate naman dahil sa lahat kaming junior ay single. Well, as in lahat no boyfriend/girlfriend since birth. Pero hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko na nagkaroon na ako kahit talaga namang wala.

            “Ano nga ba ang aking problema?”

            Tanong ko sa aking sarili. Pinunit kong muli ang aking sinusulatan dahil pati ang laman ng aking isipan ay nagawa kong isulat sa chart.

            Mabagal ang oras pero nairaos ko rin ang aking duty. Matapos naming mag-endorse sa PM shift ay nauna na ako sa aking mga kasama at agad na nagpaalam sa area. Pagod na ako pero inakyat ko pa rin ang rooftop ng aming ospital. Siguro, naisip ko lang magpahangin. Okay, inaasahan ko lang sigurong makitang muli yung lalaki noong isang linggo. Pero mukhang hindi ko na ito makikita dahil sa araw-araw na akong nagiikot sa buong ospital simula nang magkita kami pero wala naman sya.

            Marahan kong binuksan ang pintuan ng rooftop at isinuot ko na rin ng maayos ang aking sapatos na kanina ay tila ba ginagawa kong tsinelas. Hinigpitan ko pa ang aking stockings sa pamamagitan nang pagrorolyo dito at nilagyan pa ito ng bentesingko.  Hindi ko agad napansin –siguro ay dahil na rin sa abala ako sa paglulugay ng aking buhok—ang nilalang na tumutulay sa banister na nagsisilbing harang sa rooftop upang maiwasan ang anumang aksidente.

            Nanginig ang aking tuhod at nangilabot ako nang makita ko ito. Gusto kong sumigaw upang makahingi ng tulong o kaya naman ay pigilan sya sa kanyang gagawin. Wala akong nagawa at wala ring nangyari dahil sa patuloy lamang sya sa pagtulay na para bang isang sirkero. Marahil ay napansin nya ang aking presensya dahilan upang mapatigil ito sa kanyang ginagawa at mapatingin sa aking direksyon.

Ilang sandali kaming nagtitigan. Sa tagal nito ay sumuko na rin ako at umiwas ng tingin sa kanya. Matagal rin bago pa sya magsimulang magsalita. Tila ba mayroong hinihintay. Hindi ko inaasahan ng magsimula na syang magsalita. Kakaiba ang tono ng kanyang boses. Yung tipong hindi ko pa naririnig.

            “Anong tinitingin-tingin mo dyan babaeng nakuryente?”

            Mayabang nitong sambit sa akin. Napailing lamang ako dahil sa hindi ko alam ang isasagot sa kanya. Basta nagsalita na lamang ako.

            “Anong babaeng nakuryente?! Magpapakamatay ka ano?!,” galit kong sagot dito ng hindi tumitingin sa kanya.

            “Wala kang alam ‘no. Kung magpapakamatay ako, nagawa ko na yun bago ka pa dumating.”

            “Eh anong ginagawa mo dyan? Tumatambay? Mahipan ka lang ng hangin, hulog ka!”

            Hindi ako makatingin ng diretso sa kanya dahil sa pakiramdam kong ako ang mahuhulog sa kanyang ginagawa. Nalulula ako sa pagmasid pa lamang sa kanya. Hindi sya sumagot sa aking sinabi. Bagkos ay bumaba na lamang sya mula sa delikadong parte ng rooftop na kanina nyang kinatatayuan. Nakapikit ako nang gawin nya ito kaya naman ng imulat ko ang aking mga mata ay papalapit na sya sa akin. Naka-suot sya ng kulay puting long-sleeves, jeans, naka-medyas at may tsinelas. Parang mangkok ang style ng kanyang buhok na patuloy na hinahangin, kaya naman alam mong malambot ito. Makapal ang kanyang kilay at parang walang kulay puti ang kanyang mga mata.

            “Alam ko. Pero anong pakialam mo?”

            Natigilan ako sa kanyang sinabi. Ano nga bang pakialam ko? Dito ay marahan akong tumalikod at agad ng naglakad paalis. Napakayabang nya.

            “Uy, saan ka pupunta Ms. Kuryente?”

            Muli akong humarap sa kanya.

            “Wala kang pakialam! Saka tigilan mo nga ang pagtawag sa akin ng Ms. Kuryente dahil mayroon akong pangalan.”

            “Huwag kang mag-alala dahil hindi ko kukunin ang pangalan mo…”

            Tiningnan ko sya ng matalim. Umiling ako at matapos ay naglakad ng muli.  Lalo pa akong nairita dahil patuloy nyang ginagawa ang bagay na una kong napansin ng magsimula syang magsalita. Ang pagsasalita nya nang pakanta at tila ba tumutula.

“Dahil  alam ko na. Kinbra pala. Hahaha! Kakatuwa naman ang name mo. Parang yung sinusuot nyo lang ‘di ba? Hahaha!”

            Sambit nya sa aking likuran. Hindi ko napigilan ang pagpula ng aking mukha at sa totoo lang napangiti nya ako. Kinagat ko ang aking labi upang hindi nya ito mapansin bago pa man ako humarap sa kanya.

            “Paano mo nala-…”

            Pagharap ko ay winawagayway nito ang aking ID.

            “Uy, natatawa sya. Haha! Cute ka ngayong nakita kitang nakangiti Ms. Kuryente…”

            Yumuko ako at sumugod patungo sa kanyang direksyon. Para akong bata nang gawin ko iyon pero yun lang ang tangi kong naisipan.

            “Ibalik mo nga yan sa akin!”

            “Habulin mo muna ako.”

            Dito ay nagsimula syang lumayo sa akin.

            “Isa! Ibalik mo yan!”

            “Habol muna...”

            “Tatawag ako ng pulis!”

            “Ano naman ang ginawa kong masama Ms. Kuryente? Saka, pulis agad?”

            “Tatawag ako ng guard!”

            Alam ko naman ang gagawin. Pinaglalaruan nya ako pero bakit ako nagpapatangay sa kanya? Makapagseryoso na nga talaga.

            “Ibalik mo yan sa akin! Pangalawa na yan!”

            “Guard naman ngayon. Haha. Pahiram muna nito ah. Hahaha!”

            Hindi masyadong nag-register sa akin ang kanyang sinabi at huli na nang mapansin kong papalayo na sya sa akin. Kumakaway sya habang papatakbo. Nakangiti rin sya sa akin hanggang sa tuluyan na syang makaalis ng rooftop. Nanahimik ako at natulala ng saglit. Binasag nyang muli ang katahimikan nang bigla syang sumilip sa pintuan upang muli akong asarin.

            “Sa susunod magsuklay ka para naman hindi kita tawaging Ms. Kuryente. He he. Maganda ka pa naman…saka, hindi mo ba ako kukuryentehin?”

Nawalan ako ng sasabihin. Matapos nito ay naglaho na syang muli at ang planong paghabol sa kanya ay hindi ko na nagawa. Kinuha nya ang ID ko pero para bang ayos lang ito sa akin. Paanong hindi ako nagalit sa isang pangyayari gayong ang kanyang kinuha ay kagagawa pa lamang dahil sa nawalan rin ako ng ID noong isang linggo.

            Mabilis ko syang sinundan pababa hindi ko na sya nakita. Nakasalubong ko ang co-nurse kong si Bianneca–kaibigan at kapwa junior— at agad nya akong tinanong kung saan ako nanggaling. Bakit daw ako nagmamadali.

            “Nagpahangin lang sa rooftop. Ikaw, bakit hindi ka pa umuuwi Bianneca?”

            “E’ kasi naman may nagsabi sa akin na nandito raw ang apo ng Direktor. Baka sakaling nakita mo. Cute daw eh. Hihi.”

            “Hindi ko napansin eh.”

 “Ganoon ba, una na ako Kin. Ingat ha!” sambit sa akin ni Bianneca. Matapos nyang umalis ay nakita kong sinusundan ito ni Dexter pero hindi nya ako napansin. Kapwa nurse at friend rin namin.

Naglakad pa ako sa pasilyo ng buong floor bago tuluyang bumaba nang mapansin ko ang isang lalaki. Papalapit ako ng bigla syang humarap sa akin.

“Uhm, excuse me…I’m Larky Pantillepo.”

Ang apelyido ng aming director!

Sambit ko sa aking isipan. Malamang na siya ang hinahanap at gustong makita ni Bianneca.

“Yes, sir?”

Mukha syang magalang at mabait. Hindi maikakaila ang kanyang pagiging presentable.

“Mayroon kasi akong hinahanap. Uhm, naka-white long sleeves sya…”

Nagpatuloy pa sya sa paglalarawan ng kanyang hinahanap pero alam ko na kung sino ito. Matapos nyang magsalita ay sinabi kong huli ko itong napansin kanina sa rooftop.

“Ganoon ba. Maraming salamat ah.”

“Welcome Sir. Uhm, may problema po ba?”

“Kapatid ko ang aking hinahanap…ah…nevermind. Pasensya na.”

Tumango na lamang ako at sumenyas ito na mauuna na. Nilingon ko sya bago ako makalagpas at nasaksihan ang pagiging balisa at pagaalala nito. Napansin ko ang suot nyang maroon band sa kanyang kanang kamay. At dito ko napagtanto na doktor sya base sa kanyang kasuotan. Ano kayang problema nya?

Nagpunta na akong agad sa elevator. Nakaramdam ako ng kaunting pagod kaya naman iniwasan ko na ang hagdan. Nang sapitin namin ang second floor, laking gulat ko nang biglang sumakay ang lalaki sa rooftop. Ngayon ay tatlo na kaming sakay ng elevator kasama na ng babaeng operator.

Tumabi sya sa akin.

“Hinahanap mo ako ano?”

Nadagdagan pa ang aking inis nang mapansin kong suot pa nito ang aking ID.

“Dahil sa ID ko. Nakakahiya naman.”

“Sus. Kunwari ka pa. Kapag ito ibinalik ko sa’yo…hindi mo na ako papansinin?”

Pabulong nyang banggit sa akin. Tiningnan kami ng operator.

“Oo naman. Anong tingin mo sa akin stalker mo?”

Dito ay bigla nyang hinubad ang suot na ID at mabilis na isinabit sa akin.

“Admirer,” sambit nya.

            “Ground floor na po…bawal mag-away,” sambit ng operator ng elevator.

Nagtinginan kami.

            Bago pa bumukas ang elevator ay naglakad na sya papalapit sa pintuan. Ngumiti sya sa akin matapos ay hindi ko na ito nakita nang ako ay makalabas.

Alas-singko na ng hapon nang makarating ako sa aking apartment. Pumunta ako ng banyo pero hindi ako makapagbuhos ng tubig sa aking katawan at nakamasid lamang sa balde ng tubig. Patuloy ko syang iniisip. Nakikinig lamang ako sa patak ng tubig at nabibingi sa katahimikan.

Ano kayang pangalan nya? Magkita pa kaya kami?

Matapos nito ay ginawa ko na ang aking unang buhos. Parang hindi tama ang aking ginagawa. Ayokong mayroong mangyari. At ayokong magsisi.

Lumipas ang isang linggo pero para akong naghihintay sa bagay na hindi ko naman siguradong darating. Hindi ko alam kung nasaan sya pero hinahanap-hanap sya ng aking isipan. Ang bilis naman kung sasabihin kong nami-miss ko na sya gayong isang beses pa lamang kaming nagkikita at hindi ko naman sya lubos na kilala. Alam ko na kapag mayroong magandang bagay na nangyari sa iyong buhay at hindi na ito naulit, habang buhay itong maganda para sa’yo. Sana ay ganoon lamang ito.

Hanggang sa makatanggap akong muli ng sulat.

https://www.facebook.com/KarlMarxSolTorrejos?fref=photo

https://www.goodreads.com/book/show/23297117-may-amnesia-si-girl

@patricemarco_

Continue Reading

You'll Also Like

107K 4.6K 53
The Madrid-Esquival siblings Nora, Fort, and Ansel, find love through their phones...and go from there. *** Nora's crush on her older brother's teamm...