The Prince's Fiancee

By HopelessPen

112K 4.8K 856

(Watty's2019 Awardee for Historical Fiction) Michelle Santiago was killed by a man in a dark suit. But instea... More

Foreword
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15

1

11.4K 334 37
By HopelessPen

1

Setrelle



Dalawang daang taon na ang nakalilipas, nanalo ang Setrelle laban sa mga barbaro na nagnanais sumakop rito. Naging madugo ang digmaan at maraming buhay ang nawala. Nang dahil dito, bumaba ang Dyosa ng mundo para bigyan ang mga taga Setrelle ng regalo upang maitayo ang nasirang lupain. Hinati ng Dyosa sa limang angkan ang bansa at binigyan ng kanya kanyang mga regalo.

Iginawad ng dyosa ang galing sa pagpapanday at liksi sa digmaan sa lahi ng Arransar. Tumira sila sa hilaga, sa bulubundukin ng Utraria, at doon ay pinagyaman ang regalo ng Dyosa sa kanila.

Sa asul na karagatan ng Skiele ay nanirahan ang mga Telmar. Nasa kanila ang kakayahan na magpatubo ng kahit na anong halaman at magpaamo ng kahit na anong hayop, gaano man ito kabagsik. Namuhay ng tahimik ang mga Telmar rito habang pinapagyaman ang lupain ng Setrelle.

Sa kanluran naman tumungo ang mga Klintar. Naging balwarte nila ang malalalim na kweba ng Apranya. Pinalago ng mga Klintar ang bawat dyamante at ginto na nakukuha sa kailaliman ng mga kweba.

At sa malayong timog na Theola nanatili ang angkan ng Vidrumi. Sila ang biniyayaan ng Dyosa ng angking kaalaman sa panggagamot, at ang malawak na pang unawa sa mga bagay na hindi makakayang maintindihan ng ibang mga angkan. Lumipas ang mga taon at ang mga Vidrumi ang tinuring na pinakamarunong sa buong Setrelle.

Ang apat na angkan na ito ay sumasagot at sumusunod sa dikta ng namumunong pamilya. Ang angkan ng Vaurian ang naninirahan sa palasyo na nasa kapital ng Setrelle, ang Briaria. Pinaniniwalaan ng mga taga Setrelle na ang Briaria ang lugar kung saan pinanganak ang Dyosa. Sinasabi na noong unang humakbang ang Dyosa sa Briaria ay nabuo ang lawa kung saan nakatayo ang palasyo ng mga Vaurian.

Kabilang ang pamilya ni Amelia Kleano sa angkan ng mga Klintar. Katulad ni Amelia, ang reyna na si Karolina ng Setrelle ay isa ring Klintar. Dahil rito, nagkaroon ng malaking impluwensya sa palasyo at sa hari ang mga Klintar at gusto nilang mapanatili iyon sa pamamagitan ng paglalagay ng panibagong Klintar sa trono ng reyna. Sa ganitong paraan, makakasiguro ang mga Klintar na ang impluwensya nila sa parliamento ng hari ay hindi madaling mabubuwag dahil sa suporta ng reyna.

Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang nabubuhay na ako sa kwento sa loob ng nobela na nabasa ko lang noon. At ang problema pa, ang Amelia sa kwento na ito ay ang kontrabidang hahadlang sa pag iibigan ng ikalawang Prinsipe na si Elric at ni Isabella De Vega. Si Amelia, o mas madaling sabihin na ako, ang mapipili bilang asawa ni Elric. Dahil sa sobrang kagustuhan ng karakter kong makuha ang puso ng prinsipe ay pinatapon ko si Isabella sa bayan ng mga barbaro para patayin. Ito ang magiging dahilan kung bakit lilisan si Elric sa Setrelle. Ililigtas niya si Isabella sa mga barbaro at tuluyang matatalo ang pinuno nito. Ituturing na bayani si Elric ng buong bansa at mas gugustuhing maging tagapagmana ng trono.

Ang kwento ay magpopokus sa politika ng Setrelle at kung sino sa dalawang prinsipe ang magmamana sa trono. Kung si Elric ba na anak ng isang mahirap na Vidrumi o si Amreit na anak ni Reyna Karolina. Matalino ang aking angkan dahil sino man ang magmana sa kanilang dalawa, may Klintar pa ring uupo para pamahalaan ang Setrelle. Mas magiging makapangyarihan ang aming angkan kung si Amreit ang magiging hari pero kapag si Elric ang napili, at ako ang kanyang reyna, hawak pa rin ng Klintar ang pamahalaan.

Hindi natapos ang nobela sa mundo ko pero sumikat pa rin ito dahil sa cliff hanging na huling kabanata nito. Naging hari si Elric, at pinugutan si Amelia ng ulo bilang kaparusahan sa pagpapatapon kay Isabella. Naputol ang kwento sa koronasyon ni Elric bilang hari dahil namatay ang manunulat at hindi na nagawang tapusin ang kwento.

Ngayon, nasa sa akin na ang magiging kalalabasan ng kwentong ito. Kung hindi ko susundin ang mga desisyon na ginawa ni Amelia sa libro, maaaring mabago ko ang aking kinabukasan. Baka sakaling magsurvive ako sa kwento na ito. Baka ito na ang pangalawang pagkakataon ko sa buhay. Kailangan ko lang maging matalino sa pagdedesisyon. Ipaglalaban ko ang buhay na ito. Hindi lahat nabibigyan ng pangalawang pagkakataon ng Diyos kaya gagawin ko ang lahat para mabuhay sa dulo.

Labing pitong taon pa lang si Elric, kaya may apat na taon pa ako bago mapugutan. Sa apat na taon na iyon ay maari ko ng mabago ang katapusan ko. Hindi ko pa alam kung paano pero alam kong makakahanap ako ng paraan.

Pwede kong tulungan si Isabella para maging reyna ni Elric. O kaya naman, susuportahan ko ang ibang mga angkan at lalabanan ko ang akin. Pwede rin akong maglayas pero saan naman ako pupunta kung sakali?

Nasabunutan ko ang pulang pula kong buhok bago ako napalingon sa salamin. Hanggang ngayon ay naninibago pa rin ako sa aking itsura. Maganda si Amelia base sa nobela, pero hindi ko naisip na ganito siya kaganda. Maamo ang mukha niya at malayong malayo sa sama ng ugali na mayroon siya.

Tatlong katok ang narinig ko bago bumukas ang aking kwarto. Naroon ulit ang matandang babae na nakilala ko kahapon kasama ang dalawang mas batangt katulong.

"Pinapatawag ka na sa hapag, Amelia," imporma noong matanda sa akin. Mabilis kumilos ang mga katulong at agad akong pinagkuha ng mabibihisan.

Lumipas ang isa't kalahating oras ay natapos rin sila. Nakatanga lang ako sa salamin habang tinitignan ang ayos ko. Hinigpitan ng matanda ang tirintas sa aking buhok bago siya bumuntong hininga.

Kinuyom ko ang aking palad para itago ang panginginig. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin naiintindihan ang nangyayari. Ako ito pero sa katawan ng ibang tao. Ang masaklap pa, mamatay rin ako dito sa hinaharap. Hindi ko na alam ang dapat na gawin.

Tanging ang laylayan ng mahaba kong damit at ang takong ng aking sapatos ang naririnig habang bumababa ako sa hagdan. Una kong nakita ang itim at tuwid na buhok ng isang babae bago may tumawag sa aking pangalan.

Tinig iyon ng isang lalaki na katulad ko ay may pula ring buhok. Inalis nito ang salamin bago mabilis na lumapit sa akin, nag aalala ang mukha.

"Amelia, nagkasakit ka raw kagabi? Hindi kita nabisita, patawad. Ipinatawag ako ng reyna sa palasyo," mabilis nitong sabi. Hinawakan niya ang aking balikat at tiningnan ang aking buong mukha.

"Daniel, paupuin mo muna ang iyong anak para makakain. Amelia, nakatulog ka ba ng maayos, anak?" sabat noong babaeng itim ang buhok. Napanganga ako habang tinitingnan ang pares.

Naging masuyo ang ngiti sa akin noong babae bago kinuha ang aking kamay at marahang hinila para makaupo sa hapag. Nakatitig lamang ako sa kanilang dalawa, sa magulang ni Amelia Kleano, na inaasikaso ako ngayon.

"Masama pa rin ba ang pakiramdam mo? Maari kong ipagpaliban ang pagbisita natin sa palasyo," basag ni Daniel Kleano sa katahimikan. Natigilan ako sa pag iisip bago tumikhim.

"P-po?"

"Kaarawan ngayon ni Prinsipe Amreit, Amelia. Imbitado lahat ng Klintar sa pagdiriwang," paliwanag ng aking ina. Inabot ng aking ama ang pagkain bago nilagyan ang aking plato.

"Mismong ang pinuno ang nag abot ng imbitasyon sa pamilya natin," anas ni Papa, tinutukoy ang pinuno ng angkan ng Klintar at ang ama ng reyna.

"Kung hindi mo pa kaya dahil masama ang iyong pakiramdam, maaring kami na lang ng Papa mo ang pumunta. Maiiwan na lang sa iyo ang Nana Helga para may makasama ka."

Napangiti ako ng marinig iyon. Para akong binunutan ng tinik sa dibdib ng malaman na hindi nila ako pipiliting magpunta sa palasyo. Malayong malayo ang mga magulang ko ngayon sa magulang ni Amelia sa orihinal na nobela. Mabait ang nakuha ko!

"Salamat po!" tuwang tuwa kong sabi. Mabilis kong niyakap ang aking mga magulang bago nagpatuloy sa pagkain. Magana akong kumain para mabawi ang lakas. Nang matapos kami ay nagsimula ng maghanda ang mga magulang ko para sa kaarawan ni Prinsipe Amreit.

Habang abala ang mga magulang ko ay nagbihis ako ng mas magaang damit. Tanging isang mahabang pantaas lamang at manipis na pantalon ang isinuot ko. Kumuha ako ng balabal bago ako lumabas ng walang paalam.

Malapit na ang takip silim at nagpasya akong maglakad sa buong hacienda. Ang buong lupain ay pagmamay ari ng aking ama, hanggang sa may lawa. Mukhang malaki pero kung ikukumpara sa pagmamay ari ng mga matataas na pamilya ng Klintar, isa ang lupain namin sa pinakamaliit.

Hindi orihinal na Klintar ang aking pamilya. Kung tama ang pagkakaalala ko sa nobela, mga barbaro kami na tumalikod sa totoo naming angkan at nanirahan sa mga kweba kung saan nagmimina ang mga Klintar. Doon ay kinupkop nila kami at tinuring bilang parte nila.

Nakaabot ako sa gubat at doon ko napansin na napalayo na ako sa aming mansyon. Naglakad ako hanggang sa makaabot ako sa lawa, sa ilalim ng kambal na puno. Malalim na ang gubat rito at sigurado akong wala ng mapapadpad pa rito.

Inalis ko ang aking sapatos at inilagay iyon sa gilid. Kinalas ko rin ang pagkakatirintas ng aking buhok at hinayaan iyong malaglag. Nang matapos ay agad akong dumiretsyo sa lawa. Balak ko lamang sana noong una ay basain ang aking paa ngunit napakasarap ng lamig na dala ng tubig ng lawa. Tutal ay ako lang rin naman ang narito ay nagpasya na akong lumusong.

Tuwang tuwa ako sa paglangoy ng makarinig ako ng lagaslag sa tubig. Sumabog ang tubig at para bang may galit na galit na lumalangoy. Agad akong nagtago sa isang batuhan roon at hinanap kung saan nanggagaling ang tunog.

Ilang sandali lang ay walang lumitaw. Guni guni ko lang ba iyon? Lumingon muli ako sa paligid pero wala ng kahit na sinong naroon kung hindi ako. Nagsimula akong lumangoy muli pabalik noong biglang gumalaw ang tubig sa aking harapan. Nabasag ang katahimikan ng gabi sa aking sigaw noong biglang sumulpot sa aking harapan ang isang lalaking basang basa at galing rin sa paglangoy. Tanging ang asul lamang niyang mata ang nakikita ko dahil sa pagkakatakip ng isang itim na maskara sa kanyang mukha.

Mabilis na kumilos ang lalaki at hinuli ang aking mga braso. Ang isang kamay niya ay itinutok sa aking leeg ang pilak na punyal na kanyang hawak. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng hangin habang iyong asul niyang mata ay malamig ang pagkakatitig sa akin.

"Anong ginagawa mo rito? Sinusundan mo ba ako?" malamig niyang tanong. Dumiin sa aking leeg ang dulo ng punyal habang ako ay nanginginig.

"A-ano? Ikaw dapat ang tanungin ko niyan, hindi ba? Nasa lupain ka namin, ginoo!" nanginginig kong sabi. Pinilit kong patatagin ang aking boses pero nakakapanlamig ang talim sa kanyang mga titig.

Nanliit ang mata niya habang pinapanood ako. Ilang sandal lamang ay nakarinig kami ng yapak ng kabayo bago ang sigaw ng isa pang binata.

"Elric!"

Napasinghap ako sa narinig na pangalan. Hindi pa man ako nakakahuma mula sa pagkagulat ay lumitaw na ang isang binata sa likod ng mga halaman. Sinubukan kong kilalanin siya pero katulad ng bayolenteng binata ay nakamaskara rin ito.

"Elric, anong ginagawa mo?!" sigaw nito. Binitiwan ako ng tinawag niyang Elric at muntikan pa akong lumubog. Nang makuha ko ang balanse ko ay agad akong naglakad papunta sa pampang.

"Binibini," bati sa akin ng pangalawang binata na dumating. Hinila pababa ng binata ang maskara niya at tumambad sa akin ang kanyang mukha. Napanganga ako ng makilala siya.

"Kamahalan!" pagbati ko. Agad akong bumagsak sa lupa at nagbigay pugay rito.

"Binibini, kung maari lamang ay tumayo ka na," anas ni Prinsipe Amreit. Inilahad niya ang kanyang palad sa akin bago ako inalalayan.

Hinubad ni Amreit ang kanyang kapa at ipinulupot iyon sa aking katawan. Nag init naman ang aking pisngi sa ginawa niyang iyon. Binigyan ako ng maliit na ngiti ng prinsipe bago niya tinawag si Elric na papalapit na sa amin.

Tinitigan ko si Elric habang matipunong naglalakad na palapit sa amin. Dahan dahan niyang hinubad ang kanyang maskara bago kinuha ang damit na nakasabit sa mga halaman roon. Matalim pa rin ang kanyang tingin habang naglalakad papunta sa amin.

Hindi ko napigilan ang pagsabog ng kaba sa aking dibdib habang tinitingnan ang aking asawa, ang lalaking kikitil sa buhay ko sa hinaharap. Kasing itim ng langit tuwing gabi ang kanyang buhok at kasing lamig ng yelo ang kulay asul niyang mata. Malapad ang kanyang braso at sadyang matipuno talaga.

"Patawad sa nagawa sa iyo ng aking kapatid, binibinibing...." Bitin na sabi ni Amreit. Bumaling ako sa kanya at binigyan siya ng maliit na ngiti.

"Amelia Kleona, kamahalan."

Suminghap siya at nilingon si Elric na natigilan sa paglalakad papunta sa amin. Mas nanigas ang kanyang panga habang nakatingin sa akin bago siya bumaling sa kanyang kapatid.

"Ikaw ang anak ni Daniel Kleona? Tama ba ako?"

Tumango ako. Muli niyang tiningnan si Elric bago lihim na napangiti. Lumapit naman sa amin si Elric at pumagitna sa aming dalawa.

"Malapit ng magsimula ang pagdiriwang para sa iyong kaarawan, Amreit. Mabuting bumalik ka na sa palasyo bago ka pa hanapin ng Reyna."

Sinilip ako ni Amreit na nasa likuran ni Elric bago gumalaw ang huli at mas itinago ako sa kanyang kapatid.

"Nais ko pa sanang ihatid si Amelia sa kanilang tahanan---"

"Ako na," putol ni Elric. Napasinghap ako at wala sa isip na pinalo ang kanyang likuran. Napatalon naman ang Prinsipe at nakanganga akong tiningnan.

"Anong?..."

"P-Patawad kamahalan...may insekto...may insekto sa likuran mo. Pinatay ko lang," parang tanga kong sagot. Bahagyang ginalaw ni Elric ang likod habang nakatitig sa akin.

"Mukhang ayaw magpahatid ng binibini, Elric."

Marahas ang naging pagtingin ni Elric sa kapatid bago ako binalingan. Sumipol siya ng tatlong beses at narinig ko ang yapak ng kabayo sa aking likuran. Tumigil ang puting kabayo sa tapat ko. Hindi pa man ako nakakahuma ay mabilis na pumulupot ang braso ni Elric sa aking beywang. Tumili akong muli para lamang ilagay niya sa ibabaw ng kabayo.

"Kumapit ka, binibini."

"H-hindi ako magpapahatid sa iyo!"

Nanghahamon ang tingin na ibinigay niya sa akin. Napalunok naman ako at nilingon si Amreit na tuwang tuwang nanunuod sa amin.

"Pagkatapos mo akong muntikang patayin sa lawa, kamahalan! Sa tingin mo ba ay ipagkakatiwala ko pa ang magpahatid sayo?! Hindi pa ako---"

Biglang hinila ni Elric ang tali ng kabayo at muntikan na akong mahulog. Kumapit ako sa leeg ng kabayo at nagsimula na itong maglakad.

Nanahimik na lamang ako sa itaas ng kabayo habang si Elric ay diretsyo ang tingin sa liwanag ng aming tirahan. Tanging ang mga hakbang lamang niya at ng kabayo ang naririnig ko dito sa gubat.

Sa malayo pa lang ay naririnig ko na ang sigaw ng mga tauhan sa aming mansyon. May mga kanya kanya na silang dalang lampara habang sinisigaw ang aking pangalan. Nakita ko ang aking ama na nakabihis na para sa kaarawan ni Amreit pero sinisigaw ang aking pangalan.

"Amelia!"

"Papa!" tawag ko rito. Lumingon ang lahat sa amin bago tumakbo sa aming direksyon. Inilahad naman ni Elric ang kanyang palad sa akin bago ako inalalayang bumaba. Nagdikit ang aming katawan pero suplado lamang niya akong binaba.

"Amelia?! Saan ka ba nanggaling? Nag alala kami ng iyong Mama sa iyo!" sigaw ni Papa habang tumatakbo sa aming direksyon. Nang makalapit na siya ay natigilan siya. Nakilala niya ang aking kasama kaya mabilis siyang lumuhod.

"Prinsipe Elric!"

"Magandang gabi, sa ngalan ng Dyosa ng Setrelle, Klintar Daniel," bati ni Elric. Mas lalong yumuko ang aking ama at tumango.

"Magandang gabi, sa ngalan ng Dyosa ng Setrelle, Vaurian Elric."

Tumikhim si Elric at bahagya akong tinulak papunta sa aking ama. Dahan dahang tumayo si Papa at hinila ako papunta sa kanya.

"Patawad, kamahalan, kung inabala ka ng aking anak. Mahilig lang talaga siyang magliwaliw sa kagubatan. Hindi ko inaasahan na magkikita kayo roong dalawa."

Marahas na ngumiti si Elric habang nakatingin sa aking ama.

"Hindi ba dapat kaming magkita ng binibini, Klintar Daniel?"

Nagulat ang aking Papa bago nagtatakang nilingon si Prinsipe Elric. Ilang beses napalunok ang aking ama bago hinawakan ang aking kamay.

"Hindi ko kayo maintindihan, kamahalan."

Matagal siyang tinitigan ni Elric habang ako ay halos hindi na humihinga sa tabi ng aking ama. Ilang sandali lamang ay tumikhim si Elric at naglakad papunta sa kanyang kabayo. Bago siya sumakay ay nilingon niya ako.

"Ikinagagalak kong makilala ka, binibini," aniya at sumakay na. Sinipa niya ang kanyang kabayo at mabilis na siyang nakalayo sa amin. Noong makaalis siya ay agad akong hinarap ni Papa. Bumuka ang bibig niya para sana magsalita pero hinila na lamang niya ako at niyakap ng mahigpit.

"Salamat sa Dyosa at walang nangyaring masama sa iyo, anak," mahina niyang sabi. Napangiti ako at agad na sinagot ang kanyang yakap.

Continue Reading

You'll Also Like

379K 16.5K 40
Aksidenteng napunta sa panahon ng 1941 si Euphie Encarnacion matapos niyang sundan ang isang babae sa gitna ng ulan. At dahil nag-iisa lang siya sa...
772K 26.9K 8
She has to die to travel from the past to the future. This is all for the handsome guy with attitude problems whose arrogance is incomparable, yet he...
38.1K 1.5K 21
She's Aubrielle Milicent Catherine Alliana Abere. Aubrey, an assassin from her previous world. With a never ending life and death situation, but she...
430K 19.3K 60
Died and reincarnated in the book she last read, Arisia hopes to live an interesting life unlike her previous boring one. What will be in it for her...