Tagalog Scary Stories

By zeydee

154K 528 178

More

Tagalog Scary Stories
PUTOL na KAMAY !
Tawag
Sa Likod ng Pader
No Rest In Peace
Mga Tiyanak Sa Balon
Third Eye
Ulilang Puntod
Pag uwi
Bantay
Biro
Movie Addict
Ang Ulo
Babala
Mensahe
Banta Part 2
Abandoned Lot
Ang Lalaking Galit Sa Buwan
Call Center
Ghost Talk
Psychic Game
Ang Multo Sa Sementeryo
Choir Member
Dugo Ng Mangkukulam

Ang Karit

2.8K 24 3
By zeydee

Nanlamig ang buong katawan ni Vivian. Nanigas ang mga paa’t kamay niya nang makitang dumiretso sa kama ni Donya Isabel ang dalawang entidad. Inumang pa ng isa sa leeg ng donya ang hawak nitong karit.

KATATAPOS lang ng kursong nursing ni Vivian. Nakakaisang buwan pa lang siya sa ospital nang pakiusapan siya ni Ma’am Jocelyn, ang kanilang head nurse, na maging pribadong nars ni Donya Isabel. Si Donya Isabel ay nakatira sa lumang mansyon nito sa isang bayan sa Batangas.

“Beinte mil kada buwan ang suweldo, Vivian. Mas malaking hindi hamak sa sinusuweldo mo sa ospital. Apat ang kanilang utusan kasama na ang mayordoma. Ang donya lang ang aasikasuhin mo,” kumbinse pa ni Ma’am Jocelyn.

Si Donya Isabel, sitenta anyos, ay isang biyuda. Bigla raw nanghina ang donya nang magkaroon ng sakit na hallucinosis, isang kondisyon kung saan ay nakararanas ng halusinasyon ang isang pasyente. Tulad na lamang nang nakaririnig ng mga boses at nakakakita ng kung anu-ano na di naman naririnig o nakikita ng iba.

“Nagkaroon lang siya ng ganyang sakit nang mag-away ang dalawa niyang anak. Pinalayas ni Reina si Riza. Kaya napilitang magtrabaho ang huli sa Amerika,” pagkukuwento kay Vivian ng mayordomang si Aling Marta.

Napag-alaman din ng dalaga na araw lang ang itinagal ng mga naunang pribadong nars ng donya dahil hindi kaya ng mga ito ang puyat at nerbiyos sa tuwing aatakihin ng paghahalusinasyon ang donya.

Napaubo sa kaba ang dalaga. Kung hindi lang talaga niya kailangan ang malaking suweldo para makapag-ipon sa planong pagpapaopera sa puso ng ina ay aatras na siya ngayon pa lang.

“Pagtiyagaan mo muna siya, Vivian. Dating masama ang ugali ng donya. Kaya nga namatay daw agad sa sama ng loob ang asawa niya. Pero sabi ni Reina ay unti-unti nang bumabait ang mama niya ngayon. Magandang karanasan din'yan sa plano mong pagtatrabaho sa ibang bansa. At pangako, tutulungan kitang ilakad sa ahensiya ng kaibigan ko.”

Iyon ang pangako ni Ma’am Jocelyn sa kanya basta pagbigyan muna ang pakiusap nito na aalagaan ang donya. Si Reina kasi at ang head nurse ay magkaibigan.

KAPAG pinaliliguan at pinabibihisan ay katu-katulong ni Vivian si Aling Marta. Hindi na kasi kayang bumangong mag-isa ng donya. Kailangan ding buhatin ito para maisakay sa wheelchair. Malaki ang mansion, Kaya marami ring utusan.

Sa pagtira sa mansion ay nalaman ni Vivian na si Darius, ang napangasawa ng anak ng donya na si Reina ay dating family driver ng mga ito. Matapos ang kasal ilang taon na ang nakararaan ay ipinagpatuloy ni Darius ang kinukuhang kurso sa kolehiyo. Iyon daw ay para makatulong nang husto kay Reina sa pangangasi wa ng mga negosyo ng donya sa Maynila. Business Administration ang kurso ng lalaki.

Sa malaking kuwarto ng donya ay may isa pang kama kung saan natutulog si Vivian. Maayos naman ang mga nauna niyang gabi sa pagbabantay sa donya.

Nag-umpisa ang kalbaryo niya sa mansion makaraan ang isang linggo.

Akala ni Vivian ay nananaginip lang siya na tinatawag siya ng donya Pero nagisnan niyang pasigaw na tinatawag siya nito.

Napabalikwas ng bangon ang dalaga at tinungo ang kama ng matanda. Marahan niya itong niyugyog sabalikat. “Ma’am, nananaginip ho kayo!”

“Gising ako, iha… dinig na dinig ko at kitang-kita ko sila! Nakadamit pa sila ng itim! Ang isa ay may hawak pang malaking karit! Parang karit ni kamatayan!” Hapung-hapo si Donya Isabel. Nangangatal sa takot.

Nanayuan ang balahibo ng dalaga. Nakaramdam siya ng takot kahit napakaliwanag ng ilaw sa silid nila.

“S-sinong sila? At ano’ng sinasabi nila?”

“Tulad ng dati… malapit na raw akong mamatay! Sila raw ang susundo ng kaluluwa ko! Malakas ang boses nila! Nakakalakot ang mga halakhak! Tinatawag kita. Pero ang tagal mong magising!”

Sinikap na balewalain ng dalaga ang panunumbat ng donya. Nabanggit na kasi ni Reina at Aling Marta na iyon at iyon lagi ang sinasabi ng donya sa tuwing maghahalusinasyon.

Nang sumunod pang dalawang gabi ay paulit-ulit na nangyari ang ganoong eksena sa matanda.

“Ba’t ang tagal mo ring magising, Vivian? Ang lakas-lakas na ng tawag ko sa ‘yo! Pareho ka rin nang mga nauna sa ‘yo!” muling sumbat ng natatarantang donya.

Muling humingi ng paumanhin ang dalaga. Pero sa likod ng kanyang isip ay naroon na ang pagtataka. Simula pa kasi nang bata ay mababaw lang siya kung matulog. Agad nagigising sa mumunting ingay lamang. Hindi naman siya umiinom ng bitamina para maging ganito na siya kahimbing matulog.

Tumanggi na ang donya nang painumin niya ito ng gamot na pampakalma ng sakit nito.

“Lalo lang lumalala ang sakit ko sa tuwing umiinom ako niyan! Ito na siguro ang parusa sa akin sa mga kasamaan ko noon! Masama ako! Ang gusto ko na lang sana ay ang bumalik rito si Riza bago man lang ako sunduin ni… ni kamatayan!” humagulgol na ang donya.

Muling kinilabutan ang dalaga. Matutulad din yata siya sa mga naunang araw lang ang itinagal sapag-aalaga sa donya.

“K-kung buong puso n’yo naman hong pinagsisihan ang kasalanan n’yo ay napatawad na ‘yon ng Diyos, ma’am. Kaya patawarin n’yo na rin ho ang sarili n’yo nang makapamuhay na kayo nang maligaya.” Hindi na niya alam kung saan niya nabasa ang magandang payong iyon. Basta kailangan niyang mapakalma ang donya dahil kung hindi, baka mauuna pa siyang mamatay sa nerbiyos.

TUW1NG Linggo lang kung umuwi ang mag-asawang Reina at Darius. Sa dalawang araw na pamamalagi ni Reina sa mansyon ay oras lang ang iginugugol nito sa pakikipag-usap sa ina. Maliban sa ayaw siyang kausapin ng donya, marami pa siyang inuuwing trabaho mula sa kanilang opisina.

“Ma’am Reina, makabubuti hong pauwiin n’yo narito ang kapatid n’yo. Malaki ang maitutulong ng presensya niya sa muling paglakas ng mama n’yo,” minsan ay banggit niya sa amo.

“Wala na akong tiwala sa kanya, Ms. Vivian,” seryosong sagot ng babae. “Isa siyang psychiatric nurse pero wala siyang naiambag para mapigilan ang paglala ng sakit ng mama. May palagay nga akong gusto na niyang mamatay ang mama nang maaga niyang makuha ang kanyang mana! At isa siyang traidor! Ayoko nang tumuntong pa siya sa pamamahay ko!”

“Kumusta na ho’ng lagay ng mama, dok?” baling ng babae sa bagong doktor ng ina na inirekomenda ng asawa.

“Unti-unti nang nakokontrol ang sakit niya basta tuluy-tuloy lang ang pagpapainom ng ibinigay kong gamot, di ba, Vivian?” anang doktor na bumaling naman sa kanya.

Alanganing napatango ang dalaga. Kabaligtaran yata ang sinasabi ng doktor. Katunayan, mahimbing ang naging tulog ng donya nang nagdaang gabi nang hindi na niya ito pinilit na painumin ng gamot.

“Sige na ho, mama.. .pumayag na kayong doon na rin sa Maynila tumira kasama namin ni Darius. Doon ay maaalagaan ka nang husto ng mga espesyalistang doktor at lagi pa tayong magkikita.”

May kung ilang ulit na yatang narinig ni Vivian na pakiusap ni Reina sa ina ngunit nanatiling matigas ang puso ng donya.

“Ang gusto ko lang ay ang pauwiin mo na rito si Riza dahil siya na lang ang kakampi ko sa bahay na ito!”

Nalaman ng dalaga sa donya na malaki ang sama ng loob nito dahil sinuway ni Reina ang payo nitong huwag magpakasal kay Darius.

“Pera lang ang habol ni Darius sa anak ko, Vivian! Lolokohin lang siya ng lalaking iyon!” sabi sa kanya ng matanda.

“Ba’t ho nag-away sina Reina at Riza, ma’am?” lakas-loob na niyang tanong. Gusto niyang mabawasan ang maraming katanungan sa kanyang isipan.

“Nagsumbong si Darius kay Reina na inaakit daw siya ni Riza. Nahusto ang galit ng anak ko Pinalayas niya si Riza. Pero alam kong pakana lahat iyon ni Darius nang mawala rito si Riza dahil alam niyang kahit ampon ko lang si Riza ay may mamanahin din mula sa akin!”

Samakatwid, parehong sampid lang sa pamilya sina Darius at Riza. Puwedeng nagkakainggitan sila dahil sa milyung-milyong mamanahin, saloob-loob ng dalaga.

MULI ay nakiusap ang donya kay Vivian na huwag na itong painumin ng gamot. Dahil iyon daw ang nagpapalala ng sakit niya. Pinagbigyan na lang niya uli ang donya.

Saloob-loob niya, bukas na bukas din ay aalis na siya sa mansyon. Hindi na niya kaya ang puyat at nerbiyos, idagdag pa ang bigat ng problema ng pamilyang ito.

Tinapunan niya ng tingin ang mahimbing nang natutulog na donya. . Diyata’t nakabubuti nga ang hindi nito pag-inom ng gamot? Nahagip ng tingin niya ang baso ng gatas na ipinatong kanina ni Aling Marta sa mesita malapit sa kanyang kama. Nakaligtaan pala niyang inumin iyon. Nagmamagandang-loob kasi ang mayordoma na ipagtimpla siya ng gatas tuwing gabi bago matulog nang magkaroon daw siya ng resistensiya sa klase ng trabaho niya.

Babangon sana siya para inumin iyon nang maramdamang bumubukas unti-unti ang pintuan ng kanilang silid.

Napako siya sa pagkakahiga nang makitang pumasok ang dalawang entidad na nakasuot ng itim na kapa na may pantalukbong sa ulo kung kaya’t hindi nakikita ang mukha ng mga ito.

Ang isa ay may hawak pang malaking karit!

Nanlamig ang buong katawan ng dalaga. Nanigas ang panga niya sa matinding takot. Nanigas din ang mga paa’t kamay niya nang makitang dumiretso sa kama ng donya ang dalawang entidad. Iniumang pa ng isa sa leeg ng donya ang hawak na karit.

Nagising agad ang donya nang tawagin ng boses babaing entidad.

“Malapit ka nang mamatay! Ako ang susundo sa 'yo!”

Pagkatapos ay humalakhak ito. Matinis.

Sumabay ang isa pang may hawak na karit. Mala-demonyong halakhak din ang nagmumula rito. Nang matiyak ng mga ito na takot na takot na ang donya ay tinungo na ng mga ito ang pintuan.

“Vivian!.. .Vivian!” paungol na tawag ng donya.

Napapiksi ang dalaga at ubod-lakas na bumangon. Napaluhod pa siya nang bumaba sa kanyang kama. Nawalan pala ng lakas ang mga tuhod niya sa sobrang nerbiyos.

Naabutan pa ng paningin niya ang likod ng isa sa dalawang entidad na palabas na ng pintuan. Dali-daling dinaluhan niya ang parang di na makahingang donya.

“N-narinig mo rin sila! Nakita mo rin sila! Di ba? Ha?”

Iling lang nang iling ang dalaga.

Nang makatulog uli ang donya ay agad niyang dinala ang baso ng gatas sa kusina. Pinainom niya iyon sa isang alagang pusa sa bahay na iyon. Segundo lang ay mahimbing nang nakatulog ang pusa.

Kumpirmado ni Vivian na may pampatulog na inilalagay sa kanyang gatas. Kaya pala hindi agad siya nagigising sa tuwing hihingi ng tulong ang donya. Marahil ito rin ang ginagawa ni Aling Marta sa mga nauna sa kanya at maging kay Riza!

MAAGA pa kinabukasan ay tinawagan na ni Vivian si Reina. Ipinagtapat niya rito ang naganap nang nakaraang gabi. Noong una ay ayaw maniwala ng babae pero dahil na rin marahil sa sinsero niyang pagsasabi ng katotohanan ay naniwala rin ito bandang huli.

Nagulat pa sina Aling Marta at ang iba pang utusan nang biglang dumating si Reina na may kasamang mga pulis.

Hinuli ng mga pulis si Aling Marta. Nang una ay tumatanggi pa ang matanda pero nang komprontahin niya ito at kumpirmahing boses nito ang narinig nang takutin ang donya ay hindi na ito nakapagkaila. Paano ay sinabi ni Vivian na handa siyang magpa-lie detector test basta kasama ang katulong. Noon bumigay si Aling Marta.

Tiniyak naman ni Vivian sa nagugulumihanang donya na wala siyang sakit na hallucinosis. Lahat ng naririnig at nakikita nito ay totoo.

Napaamin din si Aling Marta na ang utak ng lahat ay si Darius. Nadiskubre ring malayong magkamag-anak sina Aling Marta at Darius. At ang bagong doktor ay kakutsaba rin ng lalaki. Na pinapalitan nito ang laman ng kapsula ng isang uri ng hallucinogen drug na tumutulong para lalong maghalusinasyon ang pasyente.

“Hindi aksidente na ikaw ang napisil kong ipadala rito, Vivian. Ginamit ka ng Diyos nang matapos na ang kasamaan sa mansyon,” sabi ni Ma’am Jocelyn nang isama ito ni Reina sa pagdalaw sa ina.

Hindi lubos ang kasiyahan ng dalaga. Hindi pa kasi napaamin si Aling Marta kung sino ang kasama nitong may dala-dalang karit.

Ayon sa mayordoma, siya lang talagang mag-isa ang nananakot sa donya.

HINIWAL AYAN ni Reina si Darius at ipinakulong din kasama ng doktor at ni Aling Marta. Pinauwi rin nito ng Pilipinas si Riza at muli silang nagkasundo ng kapatid. Inako rin ng donya ang gastos sa pagpapaopera sa puso ng ina ni Vivian. Ito raw ay pabuya sa katapatan at kabayanihang nagawa ng dalaga.

Ang dalaga pa rin ang pribadong nars ni Donya Isabel.

Pumayag na rin sa wakas ang donya na ibenta na lang ang mansyon at sa Maynila na tumira kasama ng mga anak. Nabunutan naman ng tinik ang dalaga. Kahit natuklasan na ang ‘misteryo’ sa mansyon ay hindi pa rin palagay ang loob niya.

Papalabas na ng gate ang kotseng sinasakyan nila nang maisipang lingunin ni Vivian sa huling pagkakataon ang mansyon.

Nahagip ng paningin niya ang isang malaking anino ng karit sa bintana ng kuwarto ni Donya Isabel. Napakurap lang siya ay bigla naman itong nawala.

“Diyos ko!” pausal na sabi ni Vivian.

“Ano ‘kamo, iha?” usisa ni Donya Isabel na lumingon sa kanya. ”

‘K-kako… tama ang desisyon n’yong lisanin natin ang mansyon, ma’am!” sambit ni Vivian na tumatahip pa rin ang dibdib sa takot.

Wakas..

-HAVE FUN READING- 

Continue Reading