A/N
Paunawa:
Mangyaring huwag muling ipamahagi sa anumang anyo nang walang pag-aalala ng May-akda.
Sana po ay magustuhan ninyo.
Amber:)
***
Kakaiba ang tanawin sa taas ng gusali ng paaralan namin.
Parang kasing liit na ng mga langgam ang mga kotse na naguunahan sa kalsada. Kitang kita din ang mga estudyanteng kakababa lang ng jeep at papasok na ngayon sa eskwela.
Matapos suriin ang baba, tumingala naman ako sa langit. Bughaw na bughaw ito, ang paborito kong kulay. Sobrang klaro ng langit ngayon na ni isang ulap ay wala kang makikita. Isa ito sa paborito kong makita tuwing umaga.
Napaka perpekto.
Madalas akong tumitingala sa langit tuwing umaga. Pinagmamasdan ang nagliliparang mga ibon habang umiinom ng mainit na kape. Pangkumpleto lang ng umaga ko.
Parang lahat ng problema, kalungkutan, pagod, nawawala.
Masaya akong ginagawa ito...
...pero hindi ngayong araw.
Unang klase. Alas-otso ng umaga.
Kanina pa ako nakatayo sa harapan at nangagatog ang mga tuhod, daig ko pa ang ibibitay. Bakit ba kasi kinakabahan ako eh alam ko naman na wala silang interes at di naman makikinig sa akin? Kanina ko pa gustong magsalita pero parang may pumipigil sa akin sa kaloob looban ko.
Tsak na pagtatawanan nila ako pagnagsalita ako.
"Sige anak, magsalita ka na." Bulong ni Maam Values Education sa gilid ko. Nakatingin sya sa akin na parang nag-aalala. "Sige na. Wag ka nang kabahan." Tinapik nya ako sa likod para bigyan ako ng lakas ng loob, pero ni isang kurot man lang ng determinasyon, ay walang sumanib sa akin.
"Class, listen na. Makinig na kayo. Magkwewento na sya patungkol sa pamilya nya." Sabi ni Maam Values sa mga kaklase ko. Humina na ang ingay at lahat ay nakatingin na sa akin. Di ko maintindihan pero pakiramdam ko, nakataas ang kilay ng karamihan.
Dapat masanay na ako, lagi naman silang tumitingin sakin ng ganun e.
"Ahm.", simula ko.
Nawalan ng ingay ang kwarto. Kataka taka na lahat sila ay makikinig sa sasabihin ko. Natigil ang pagsesenyasan ng mga kaklase ko at tumingin sa akin na parang pinipigil yung mga tawa nila.
"Ang...ahm-"
Hindi na napigilan ng kaklase ko ang tawa nya. Nahinto ako sa pagsasalita at napatingin ako sa kanya na halos labas na ang ngala ngala dahil sa pagtawa. Nagbulungan naman yung mga kaklase kong mga babae at nahuli ko silang sumulyap sa akin. Huminto muna ako ng ilang segundo saka nagsalita ulit.
"Ang aking..."
Magsasalita sana ako pero napansin kong wala nang nakikinig. May nagtatawanan, nagkwewentuhan, gumagamit ng cellphone ng patago. Wala nanaman silang pakialam sa sasabihin ko.
Sa sobrang sama ng loob ko ay umupo nalang ako sa pwesto ko banda sa likuran. Halos nakasimangot na tumitig si Maam Values sa akin.
Bakit ba ganun ang tingin ng iba?
Para nila akong pinapatay sa titig nila.
Nakatitig lang si Maam Values habang nakasimangot lang sya sa akin. Pakiramdam ko ay naaawa sya, at ako ng kinakaawaan ako!
Pero sino ba naman ang hindi maaawa diba?
Mukha naman akong kaawa awa.
Walang nakikinig, walang may pakialam, walang nakikipagkaibigan, walang kausap.
Para lang akong hangin na dadaan.
Para lang akong wala.
Niyuko ko nalang ang ulo ko sa mesa. Ayoko silang makitang tumingin sa akin, pati narin si Maam Values. Naiinis lang ako.
Mukhang hindi na lang pinansin ni Maam Values yung nanyari at nagpatuloy nalang sya sa kakatanong isa isa patungkol sa pamilya.
Hindi ko nalang sila pinakinggan. Natulog nalang ako.
Pahinga. Magkakalahating oras pagkatapos ng alas nuebe.
Ginising ako ni Maam Values.
Kakatapos lang ng klase. Nakita kong nagmamadaling nagsilabasan ang mga kaklase ko, mga nagtatawanan at nag kwewentuhan.
"Ms. Rodriguez, pwede ka bang makausap?"
Kami nalang ngayong dalawa ni Maam Values sa kwarto. Umupo sya sa tabihan ko at tumingin sa akin.
"Tungkol naman po saan?"
"Napapansin ko kasing hindi ka nakikihalubilo sa iba. Wala ka bang ibang kaibigan?"
Wala nga ba akong kaibigan?
Lumaki na ako sa loob ng bahay.
Ni hindi ako nakapaglaro ng patintero, o ng tagu-taguan ng buong buhay ko. Sumisilip lang ako sa bintana ng kwarto ko at pinapanood ang mga batang kanina pa masayang naglalaro sa labasan.
Minsan ay iniisip ko kung masaya ba na may kalaro kahit isa.
Pero hindi pwede, magagalit si Tita Krizelda.
Magagalit sya kung lalabas ako ng bahay. Ilang beses nya rin ako binalaan kung anong pwedeng manyari sa akin kung sakali man na lumabas ako.
Pero isang araw, hindi ko na talaga matiis.
Tandang tanda ko pa iyong araw na iyon.
Bata pa ako nun, anim na taong gulang at hindi pa pumapasok sa paaralan.
Kanina pa ako nakadungaw sa bintana at sobrang ingit na ingit habang pinapanood ang mga batang nagtatakbuhan at naghahabulan. Wala nun si Tita Krizelda, namalenngke ng mga oras na iyon at ako lang ang mag-isa sa bahay.
Biglang lumiwanag ang isip ko.
Lalabas ako.
Makikipaglaro ako.
Tuwang tuwa akong lumabas ng kwarto at nagtatatalon pamuntang labasan ng bahay namin. Sobrang nanabik akong makalabas sa bahay na ito. At nung nasa labas na ako, para akong ibong nakawala sa hawla. Agad na lumapit ako sa mga batang naglalaro ng habul habulan.
"Bata, bata, pwede bang sumali. Sali ako." Nakangiti kong sabi sa kanila.
Tinigtigan lang nila ako. Nahinto ang laro nila at pumalibot sa akin.
"Sali nyo ko." sabi ko ulit sa kanila pero tinitigan lang nila ako.
"Diba ikaw yung anak ng baliw?" tanong ng isang batang lalaki sa harap ko.
Anak ng baliw.
Anak ng baliw.
Anak ng baliw.
Buong buhay ko, yun na ang palayaw ko. Hindi nila naiitindihan na ayaw na ayaw kong tinatawag ako nun.
"Hindi baliw ang tatay ko!"
"Weh! Sabi daw ng nanay ko anak ka daw ng baliw e!" sabi naman ng isa sa bandang gilid ko.
"Hindi nga sabi eh!"
Naiinis ako.
Hindi baliw ang tatay ko.
Hindi sya baliw!
"Nasa mental nga tatay mo, tas sasabihin mo di sya baliw?"
"Oo nga! Tsaka, narinig ko yung sabi nila. Pinatay ng tatay mo yung nanay mo diba?"
Sumusobra na sila. Punong puno na ako.
"HINDE!!! HINDI BALIW SI PAPA!!! HINDI NYA PINATAY SI MAMA!!!" tumulo na ang luha ko sa mata.
Hindi baliw si Papa...
Hindi nya pinatay si Mama...
Hindi baliw si Papa...
Hindi nya pinatay si Mama...
Tumatawa na ang mga bata sa paligid ko.
"Haha! Kawawa ka naman! Wala nang Mama, baliw pa ang Papa!"
"May Papa ako!!! Hindi sya baliw!!!"
"Wawa ka naman! Wawa! Wawa! Wawa!" inulit ulit na nila iyon habang tumatawa at pumapalak ng sabay sabay.
"Hindi ako kawawa!!!!" umiiyak na talaga ako. Hindi ko na kaya ang mga pinagsasabi nila.
"Siguro, baliw karin noh?" may isa na tinulak ako ng mahina sa balikat.
"AHHHH! Kawawa na nga Baliw pa!!! Kawawa! Wawa! Wawa!"
Sobra na...
Tama na...
Tinakpan ko nalang ang tenga ko para hindi ko sila marinig, pero dinig parin kahit anong gawin ko.
"Baliw ang Tatay! Baliw ang Tatay! Baliw ang tata-"
At hindi ko na napigilan ang sarili ko. Lumipad nalang sa mukha nya itong kamao ko.
Sumosobra na sila!
Napaupo ang batang lalaki habang hawak ang pisngi nya.
"Ano ba?! Bastos ka ah?! Bakit mo ko sinuntok?! Totoo sigurong baliw ka!" tanong ng bata, nakaupo parin sya sa kalsada.
"Hindi nga ako baliw!!!" halos mapaos na ako sa pag sigaw ko na yon.
"OY! Sugurin nyo na yang baliw na yan!" sabi ulit ng batang lalaki sa mga kasama nya.
"YAAHHHHHHHH!!!!!!!"
Sabay sabay silang sumugod sa akin at pinagtulungan ako. Pinagsusuntok nila ako at hindi man lang inisip ang maliit ko noon na katawan. Hindi pa nakontento ang isa, kumuha ito ng malaking bato saka bato sa akin.
At doon na tumigil ang laban. Napahawak nalang ako sa ulo ko saka tiningnan ko ang palad ko.
Dugo.
Halatang natakot sila sa nanyari. Dumudugo ang ulo ko at halos di ko na kaya ang sakit. Walang iba na nasa lugar na iyon kundi kami kami lang at hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala akong ibang ginawa kundi umiyak ng umiyak.
Sa sobrang takot ng nambugbog sa akin ay nagsitakbuhan na silang lahat. Naiwan lang ako sa kalsada nang nag-iisa at umiiyak.
Dumating si Tita Krizelda at gulat na gulat syang lumapit sa akin. Napabitaw sya sa hawak nyang bayong at hinawakan yung ulo ko kung saan ay dumudugo.
"ANO BANG NANYARI SAYONG BATA KA! SINABI KO KASING WAG KANG LALABAS!" pinalo nya ako sa braso ko. "ANG KULIT KULIT MO TALAGANG BATA KA! PASAKIT KA TALAGA SA BUHAY KO! MAGPASALAMAT KA AT KAPATID KO YANG NANAY MO, KUNG HINDI AY BINENTA NALANG KITA!" pinalo nya ulit ako sa braso saka hinila papasok ng bahay.
Matapos ang ilang taon, napilitan ang Tita Krizelda na ipasok ako sa paaralan. Pinayagan na nya akong lumabas ng bahay. Pero nandun parin yung takot ko sa lahat. Wala akong pinagkakatiwalaan. Wala akong kinakausap. Natatakot akong may sabihin sila sa akin o kaya tungkol sa magulang ko. Natatakot akong saktan nila ako ulit. Natatakot ako sa lahat.
Wala akong naging kaibigan kundi ang sarili ko.
Ako lang at wala nang iba.
"Becca?"
Bumalik ulit ako sa realidad. Nakatingin si Ms. Values sa akin na para bang nag-aalala. Hindi ko napansin na kanina pa ako nag iisip isip.
"Alam mo Becca, wag mong intindihin ang iba. Hindi naman lahat ng tao masama ang iniisip sayo. Meron paring iba na naniniwala sayo." Sabi nya saka ngiti.
Tinapik nya ako sa balikat saka tumayo.
"O sya sya Becca, aalis na muna ako. Kumain kana. Basta next time, promise mo sa akin na makikisama ka na sa iba." Sabi nya saka lumabas ng kwarto.
Ako nalang ang mag-isa sa kwarto at malalim ang iniisip.
Bakit pa kasi ako ganito? Sabi ko sa sarili ko saka pukpok ang ulo ko sa mesa.
Uwian. Alas kwatro ng hapon.
Katulad ng kinagawian ko, pumunta ako sa kinalulugaran ng tatay ko.
Lagi ko syang dinadalaw. Dapat araw araw. Nagbabakasakali lang naman na makilala naman nya ako kahit papaano.
Dinalhan ko si Papa ng ulam na galing sa baon ko. Hindi ko talaga kinakain ang tanghalian ko para ibigay kay Papa.
"Hi Pa!" sabi ko, pagkatapos na pagkatapos kong buksan ang pinto sa parang selda nya. Nakatingin lang sya sa akin, hindi umiimik.
"Nga pala Pa, may dala akong ulam sa inyo. Luto ko po to!" inilabas ko sa bag ko ang lunchbox. Binuksan ko ito saka ibinigay sa kanya.
Tiningnan nya lang yung lunchbox saka tingin sa akin. Sa lunchbox ulit saka sa akin. Mamaya maya pa, bigla nya na lang hingis ang lunchbox sa akin. Natapon ang lahat ng kanin at ulam na niluto ko.
"Umalis ka dito! Sino ka ba?!" sigaw nya sa akin.
Kahit na ganito kami araw araw, kahit na sanay na dapat ako, meron paring kirot sa puso ko tuwing pinagtatabuyan nya ako at hindi makilala.
"Si Rebecca po to Pa. Anak nyo po ako." Mahinahon ko lang na sagot.
"Wala akong anak! Umalis ka na!" sabi nya saka dampot ng plato sa gilid ng upuan nya at handa nang ibato sa akin.
Wala na akong magawa.
Wala nanaman akong magawa. Umalis nalang ako sa parang kulungan nya saka naglakad pauwi.
Ganun parin, di parin nya ako kakilala.
Di parin nya ako maalala...
...at masakit yun sa akin.
...sobra.
Sa bahay. Alas singko ng hapon.
"Oh Becca! Anong tinutunganga mo dyan ah?" binato nanaman ni Tita Krizelda sa akin yung plastic na baso. "Kahit kaylan talaga, ang tamad tamad mo! Magsaing ka na't nagugutom 'tong anak ko!"
Tumayo ako sa study table ko at iniwan ko muna ang mga assignments ko. "Magsasaing na po, pasensya po." Sabi ko.
"Pa senyorita ka pa. Kung alam ko lang na lalaki ka na ganyan ka tamad, baka pinamigay na kita nung bata ka pa." Sabi nya sa akin.
Si Tita Krizelda.
Kapatid ng nanay ko.
Sya na ang kumupkop sa akin simula nung mamatay ang nanay ko at nung umalis si tatay sa tabihan ko. Sya na ang nagsilbi kong magulang. Pinatira nya ako sa bahay nya kasama ang tatlo nyang mga anak na hindi man lang ako kinakausap. Kakahiwalay lang ni Tito Ignacio nung nakaraang taon dahil sa pambababae, kaya laging mainit ang ulo nito.
"Initin mo na yang sabaw na nandyan at ihain mo na sa mesa! Pinag-aantay mo ang anak ko!"
Agad naman akong tumungo sa lutuan at nagsimulang initin ang tinolang niluto ko kanina. Pagkatapos nun ay inisilid ko ito sa isang mababasaging mangkok. Dahan dahan ko itong binuhat papuntang mesa nang...
PLAKKK!
"Anak ng Tokwa! Nang aasar ka ba Becca?" Agad akong napaupo at isa isa kong pinulot ang mga bubog galing sa nabasag na mangkok. "Ginagalit mo ba ako ha?!!! Sinayang mo ang pagkain para sa anak ko!" sigaw parin ni Tita sa akin.
"Pasensya na po. Pasenya na po Tita. Ipagluluto ko nalang si Junior ng bago." Halos kinakabahang sabi ko, pinupulot parin ang mga malalaking mga bubog.
"Aba'y dapat lang! Ha! Palibhasa kasi ang lampa lampa! Senyorita masyado! Bobo! Wala kang ipinagkaiba sa Tatay mong baliw!"
Napatigil ako sa pagpupulot ng bubog at napatingala sa kanya.
Tinawag nanaman nyang baliw ang tatay ko.
Binuhay nya ako na sinasalitaan ng masama ang tatay ko. Kesyo baliw at bobo si Papa, pero hindi ako naniniwala sa kanya. Hindi sya baliw!
"Oh ano?! Angal ka ah?!" nakapameywang nasabi nito. "Bakit? Hindi ba totoo? Bulag ka ba? Ha?! Baliw ang tatay mo! Baliw yang tarantadong tatay mo kaya wag kang tumingin sa akin ng ganyan, at kumilos ka na!"
Yumuko nalang ako at pinulot ulit ang mga bubog sahig. "Hindi baliw tatay ko." bulong ko pero alam kong narinig din nya yon.
"ABA'Y! Ilang beses ko na bang sinabi sayo, baliw yang tatay mo! Aangal ka pa e! Halata naman!" sabi nya saka sipa sa bantang braso ko. "Yang baliw mong tatay, kung natatandaan mo lang ah? Sya yung pumatay sa nanay mo! Sa kapatid ko! Yung hayop mong tatay ang pumatay sa kapatid ko!!! Kaya tigilan mo na ang pagtatanggol sa hayup na yun at wala kang mapapala!"
At dito na ako napuno, hindi na napigilan ng mata ko na lumuha.
Bakit ba ganito sila?
Bakit nila tinitignan ng masama si Papa?
Bakit lahat ng tao masama ang tingin sa tatay ko?
Hindi baliw ang tatay ko!
Hindi nya pinatay si Mama!
Hindi baliw ang tatay ko!
Hindi nya pinatay si Mama!
"Hindi! Hindi! Hindi!"
Agad akong napatayo, hawak hawak parin ang mga bubog sa kamay ko. Wala akong pakialam kahit na pakiramdam ko ay bumabaon na ito sa balat ko. Wala akong pakialam kahit na nakikita ko ang sarili kong dugo na tumatagaktak sa sahig.
"HINDI BALIW ANG TATAY KO! HINDI NYA PINATAY ANG NANAY KO! HINDI! HINDI! HINDI!!!"
Mas diniinan ko ang pagkakakapit ko sa bubog. Masakit. Pero walang mas sasakit sa nararamdaman ko. Ang makita kong ganito ang sitwasyon. Na walang naniniwala sa akin ni isa.
"PINATAY NYA ANG NANAY MO! YANG NANAY MO, PINAGSASAKSAK NG BALIW MONG TATAY!!! ALAM MO ANG DAPAT SA TATAY MO? MAMATAY!!!"
At hindi ko na natiis. Daladala parin ang bubog sa kamay ko ay sinugod ko sya at isinaksak sa braso nya ang matulis na bubog.
Halos mamatay na sa kakasigaw si Tita Krizelda. Hawak hawak parin nya ang dumudugo nyang braso ay napatingin ito ng masama sa akin.
"ABA'Y HAYOP KA!!! PINATIRA KITA DITO AT IPINAG ARAL!!! WALA KANG UTANG NA LOOB! MABUTI PA'T LUMAYAS KA NA DITO SA PAMAMAHAY KO!"
"TALAGA! LALAYAS NA AKO DITO! HINDI NA AKO BABALIK SA IMPYERNONG BAHAY NA TO!!!" sigaw ko. Hindi ko na mapigilan ang sarili kong ilabas lahat ng galit ko sa mundo.
Umakyat ako sa kwarto ko at kinuha ko ang mga gamit ko. Wala nang makakahadlang sa pag-alis ko. Gusto ko nang makawala sa kadena na matagal nang nakagapos sa akin simula nung pagkabata ko. Kahit Dyos man ay di na ako mapipigil.
Lumabas ako sa bahay dala ang kaunti kong mga gamit. Wala akong bahay na maaari kong matulugan ngayong gabi kaya nagpasya akong pumunta doon sa kinaroroonan ni Papa.
"Sorry Miss. Gabi na kasi eh. Bawal pa po ang dalaw. Bumalik na lang po kayo bukas." Sabi nito ni Manong guard pagkarating ko sa pintuan ng ospital.
"Pero, nandyan yung tatay ko. Wala po akong matutuluyan."
"Sorry talaga Miss. Bawal po talaga."
Agad akong napaupo sa sobrang inis. Hindi ko na alam kung saan ako matutulog ngayong gabi. Nagsimula nanaman akong maglakad lakad paikot sa lugar namin.
Marami pa akong hindi nalilibot dito at napupuntahan. Ayokong lumabas ng maraming tao. Baka saktan nila ako.
Mamaya maya, napadpad ako sa isang palaruan, ang isang lugar na pinapangarap kong mapuntahan nung bata pa ako. Napaupo nalang ako sa duyan at binitawan muna ang mga gamit ko. Malakas kong idinuyan ang sarili ko habang nag-iisip isip.
Hindi baliw ang tatay ko.
Hindi nya pinatay si mama.
Kanina ko pa pinaulit ulit ang mga salitang yun sa utak ko. Hindi ako naniniwala sa kanilang lahat. Masyadong mababa ang tingin nila kay Papa. Hindi kayang gawin iyon ng tatay ko sa nanay ko. Hindi sya baliw. Hindi... Hindi...
Hindi nila nauunawaan, hindi nila binubuksan ang mga isip nila. Patuloy lang silang naniniwala sa mga bagay na hindi naman totoo. Nakasirado lang ang isipan at wala nang makakapagbukas pa nito.
Mapanghusga ang mga tao kahit na wala silang alam.
Wala silang pakialam kahit na may nasasaktan.
Kung alam lang nila ang tunay na nanyari...
Kung sana alam nila...
Kung sana nakikinig sila...
Sampung taon noong nakaraan...
"Mama! Mama! Bili nyo po ako nyan!" masayang sabi ko habang tinuturo ang isang pulang lobo na hawak nung lalaki. Kakatapos lang naming magsimba noon kasama si Mama at Papa kaya namasyal muna kami sa bagong parke sa tapat ng simbahan.
"Oh eto na anak oh. Wag mong bibitawan ah? Baka lumipad." Nakangiting sabi ni Mama habang iniabot sa akin ang pulang lobo. Buhat buhat ako ni Papa. Nakapatong ang dalawang binti ko sa balikat nya.
Laging masaya kami tuwing Linggo. Ito yung panahon kung kaylan buo kami at magkakasama nila Mama't Papa. Kapitan kasi tong si Papa e, minsan ko lang syang makita sa isang linggo. Madalas gabi na sya umuuwi. Pero hindi ako nagagalit sa kanya. Madalas kasi ay bumabawi sya sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng mga laruan tuwing uwi nya. Masaya na ako sa isang manika.
"Honey? Parang may sumusunod sa atin."bulong ni Mama kay Papa.
Pauwi na kami sa bahay nun at halos madilim na ang daan. Wala narin ang dumadaan at naglalakad lakad maliban sa aming tatlo.
"Sumusunod?" tanong ni Papa kay Mama. Lumingon naman sya sa likuran saka balik ng tingin kay Mama. "Wala naman ah?"
"Hindi Honey. May nakita talaga akong parang sumusunod sa atin." Natatakot na bulong ni Mama. Ngayon ko lang nakitang ganun si Mama, para syang balisa.
"Hindi Honey, gumiguni mo lang yan." Hinalikan ni Papa si Mama sa pisngi at nagsimulang maglakad ulit.
Nang makarating kami ng bahay, sabay sabay kaming naghapunan. Palagi kaming masaya sa harap ng hapagkainan. Pagkatapos, mga alas nuebe ng gabi, sabay sabay kaming natulog. Nakapwesto ako sa isang maliit na kama na bahagyang pinaghihiwalay ng isang dambuhalang kabinet sa kama nila Mama at Papa.
Kahit apat na taon palang ako, hindi na ako natatakot sa dilim, o kaya sa mga multo. Parating sinanasabi ni Mama na para na daw akong matanda kung umasta, at tama naman sila. Ayoko nang maging bata.
Mga kalagitnaan ng gabi, nagising nalang ako sa mga sigawan sa bandang gilid ko. napabangon ako habang ginugusot ang dalawang mata ko. Sumilip ako sa likod ng kabinet at bigla akong nagulat sa aking nasaksihan...
May mga tatlong malalaking lalaki ang hawak hawak ang Tatay ko. Hawak nila ang mga kamay nya na parang pinipigilan syang tumakas. Umiiyak si Papa habang sumisigaw.
"TIGILAN NYO NA SYA!!!! PARANG AWA MO NA!!! TUMIGIL NA KAYO!!!! MAAWA KAYO KAY MONICA!!! MGA HAYOP KAYO!!!! MGA WALANG KALULUWA!!!!", halos mapaluhod na si Papa sa sahig sa pagwawala.
Agad naman akong napatingin sa lugar kung saan ay nakatingin sya. At halos manlumo ako sa nakita ko...
May isang lalaking nakapatong sa nanay ko. Sinasakal nya ito gamit ng isang kamay, habang ang isa naman ay may hawak na isang kutsilyo at patuloy na pinagsasaksak ang wala nang buhay na Mama ko.
"MAMA!!!!! MAMA!!! BAKIT MO PINATAY SI MAMA!!! BAKIT SI MAMA!!!!!!"
Lumabas ako sa pinagtataguan ko habang tuloy tuloy na luha sa pag agos sa mata ko. tumakbo ako malapit kay Papa at yumakap sa kanya.
"Rebecca! Lumayo ka dito! Tumakbo ka na! Lumayas ka! Umalis ka na!" nagmamakaawang sabi ni Papa sa akin pero hindi parin ako bumitaw sa kakayakap sa kanya.
"Ayoko Papa!!! Dito lang ako!!! Baka patayin ka pa nila!!! PAPA!!!"
"UMALIS KA NA SABI EH!!!! AYOKO SAYONG BATA KA!!!! AYOKO SAYO!!!!" sigaw ni Papa sa akin pero hindi parin ako bumitaw sa kanya.
Narinig ko namang nagsalita ang nasa likod ko, yung lalaking pinatay si Mama.
"Aba Kap! Swerte ka naman talaga! Nandito pala anak mo?!"
"Wag na wag! SUBUKAN NYONG HAWAKAN TONG ANAK KO!!! MAGKAMATAYAN NA TAYO!!!" maiyak iyak na sabi ni Papa.
Pero sa kabila nun ay hinila ako ng lalaki papalayo kay Papa. Halos naguumapaw na ang galit ni Papa na parang hindi na nya kakayanin.
Hinawakan lang ako ng mahigpit ng malaking lalaki habang itinutok sa leeg ko ang sobrang talas na kutsilyo.
"Matapos ang asawa mo... Anak mo naman ang isusunod ko."
"WAAAAAGGGGG!!!!!"
Nang aakma nang gigilitan ang leeg ko ay nakarinig sila ng sirena ng pulis napunta na sa harap ng bahay namin. Nataranta silang lahat at hindi na nila alam ang gagawin. Bigla akong binitiwan ng lalaki at isa isa na silang nagsitalunan sa likod na bintana ng bahay.
Hindi parin kami natigil ni Papa sa pag-iyak. Gumapang lang kami papunta sa duguan kong nanay na walang buhay at tadtad na ng mga saksak.
"Wala akong nagawa.... wala akong nagawa... Monica... wala akong nagawa... Sorry..." umiiyak nyang niyakap si Mama. "Monica... gumising ka.... mahal kita Monica.... Wag mo kaming iwan... mahal kita..."
Pagkatapos nyang mayakap si Mama ay inilapag nya muna ito sa sahig saka pinulot ang duguang kutsiyo na ginamit sa pagsaksak kay Mama.
"Ipapaghiganti kita Monica... Ipaghihiganti kita..." hinawakan nya ang kutsilyo ng sobrang higpit na parang hindi na nya ito bibitawan.
Mamaya maya, biglang maysumipa ng pinto ng kwarto. Mga pulis, madaming pulis kasama si Tita Krizelda na halatang nanlumo sa nakita nyang kalagayan ni Mama. Napabitaw naman ng kutsilyo si Papa at tumingin sa bangkay ni Mama. Ano't ano pa ay agad syang dinampot ng mga pulis.
"PAPA!!! SAAN NYO DADALHIN PAPA KO?!!! ASAN NYO SYA DADALHIN!!!" umiiyak na sigaw ko sa mga pulis pero hindi lang nila ako pinansin. Kinuha parin nila si Papa papalayo sa akin.
"Rebecca! Rebecca!" tawag ni Papa sa akin. Tinangka ko syang habulin pero pinigilan ako ng isa pang pulis.
Nakita kong hinahampas hampas ng Tita Krizelda ko si Papa. "HAYUP KA!!! ANONG GINAWA MO SA KAPATID KO! HAYOP KA! NAMAMATAY TAO!!!" sigaw nya habang hinahampas hampas nya sa braso si Papa. Sa sobrang daming nanyari, biglang dumilim ang lahat sa paligid ko saka wala na akong maalala.
Nagising nalang ako sa isang ospital at saka ko nalang nalaman na nakakulong na ang tatay ko. Hindi ako makapaniwala nung mga panahon na iyon.
Hindi kasalanan ni Papa ang pagkamatay ni Mama...
Bakit sya?
Ilang beses kong ipinaliwanag sa kanila ang nanyari pero... hindi sila naniniwala... walang nakikinig sa akin...
Iniisip nilang nagsisinungaling ako...
Iniisip nilang di ako nagsasabi ng totoo...
Bata pa daw ako at hindi ko alam ang nakita ko...
Sa sobrang pag iisip siguro ni Papa, napansin kong nag-iiba na sya tuwing binibisita ko sya. Hindi na sya umiimik at hindi na nya ako pinapansin. Matapos ang isang buwan na hindi ako pinapayagang lumabas para dalawin si Papa, nalaman ko nalang na sa Mental hospital na dinala ang tatay ko.
At simula nung nanyari yun, naging miserable na ang buhay ko. Lahat, tawag sa akin 'anak ng baliw' o kaya 'anak ng namamatay tao'. Hindi nila ako binigyan ng pagkakataong pakapagsalita at pakinggan. Sarado lang ang kanilang mga isipan...
Alas otso ng umaga.
Nagising nalang ako nang may luha sa mga mata ko. Napanaginipan ko nanaman ang lahat ng iyon. Ilang taon na ang nakakalipas pero hindi parin mawala sa isipan ko.
Yung dugo...
Yung mga saksak...
Yung lahat ng masasamang nanyari...
Napatayo nalang ako at naglakad ulit. Ayoko munang pumasok sa paaralan. Ayoko muna. Tumungo nalang ulit ako sa ospital kung saan nakaroon si Papa dala dala lahat ng gamit ko.
Nang makarating na ako doon ay tumungo agad ako sa seldang pinagkulungan ni Papa. Katulad din ng dati ay hindi parin syang umiimik na nakatingin sa akin.
"Papa..." bulong ko saka yakap sa kanya. Umiiyak ako at hindi ko alam kung bakit. Hindi lang sya gumalaw habang yakap ko sya. "Papa... Sorry... hindi ko nasabi sa kanila yung totoo... Sorry... sorry..."
Bigla kong naramdaman ang kamay nya sa buhok ko at lumingon ako sa kanya. Nakangiti sya sa akin katulad ng ngiti nya na matagal ko nang hindi nasisilayan.
"Becca.... Anak..."
Agad ko naman syang niyakap. Naalala na nya ako. Ito ang pinakahihintay ko sa buong buhay ko. Maalala nya ako... Tawagin nya ulit akong anak.
"Papa... Papa... Sorry Papa..."
"Anak... anak... mahal ko kayo ng nanay mo anak... mahal ko kayong dalawa..." sabi nya, hinahaplos parin ang buhok ko.
"Ako din tay.... Mahal ko po kayo..."
Sumunod na araw. Hating gabi.
"Miss... Miss... Gising po kayo."
Agad akong nagising sa boses ng isang babae. Pinakiusapan ko ang mga Nars na makikitulog lang ako dito sa ospital ng isang gabi at pumayag naman sila.
Sobrang saya kahapon dahil nagusap kami ng buong araw ni Papa. Parang hindi na kami mapaghiwalay. Naalala na nya ako at kahapon ang pinakamasayang araw ng buhay ko.
Pakiramdam ko may kakampi na sa akin, may makikinig at may magpapahalaga sa akin. Meron nang taong di ako tratratuhing hangin.
"Miss... Miss... Bangon po."
Inimulat ko ang mga mata ko saka bumangon. "Bakit? Ano bang meron?"
Parang hindi makapagsalita ang babae. Napatingin muna sya sa baba saka ibinuka ang bibig nya.
"Ang tatay nyo..." sabi ng Nars na may pag aalalang titig.
Natayo agad ako ng kama saka tumakbo papunta sa selda ni Papa. Pagkabukas ko, nakita kong inihiga sya sa parang kama at pinalilibutan sya ng mga Nars.
"Anong gagawin nyo? Saan nyo dadalhin si Papa? Asan nyo dadalhin tatay ko?" sabi ko habang hinihilahila ang kwelyo ng nars.
"Miss...... Patay na po ang Tatay nyo."
Parang nawasak ang loob ko...
Para akong pinagsaklubang ng langit at lupa.
Si Papa... Si Papa.... Patay na si Papa?
Sinong iintindi sa akin?
Sino nang makikinig?
Sino?!
Hindi pa patay ang tatay ko! Hindi Pwede!!!
Napaupo ako habang tinatakpan ang mukha ko. Naramdaman kong umaagos nanaman ang luha sa mga mata ko.
Anong gagawin ko Papa?
Anong gagawin ko?
Alas otso ng umaga.
Kakaiba ang tanawin sa taas ng gusali ng paaralan namin.
Parang kasing liit na ng mga langgam ang mga kotse na naguunahan sa kalsada. Kitang kita din ang mga estudyanteng kakababa lang ng jeep at papasok na ngayon sa eskwela.
Matapos suriin ang baba, tumingala naman ako sa langit. Bughaw na bughaw ito, ang paborito kong kulay. Sobrang klaro ng langit ngayon na ni isang ulap ay wala kang makikita. Isa ito sa paborito kong makita tuwing umaga.
Napaka perpekto.
Madalas akong tumitingala sa langit tuwing umaga. Pinagmamasdan ang nagliliparang mga ibon habang umiinom ng mainit na kape. Pangkumpleto lang ng umaga ko.
Parang lahat ng problema, kalungkutan, pagod, nawawala.
Masaya akong ginagawa ito...pero hindi ngayong araw.
Kung dati'y parang ang lapit ng langit, ngayo'y parang napakalayo na. Napakalayo para liparin ng mga ibon. Napakalayo para maabot ko.
Lagi ko noong tinatanong kay Papa... Pa, bakit parang ang layo ng langit? At ang tanging sinasagot nya ay "Anak, malapit talaga ang langit sa atin... tayo lang ang lumalayo." Paulit ulit ko yung tinatanong at ganun at ganun parin ang kanyang sinasagot.
Lumipad nanaman ang mga ibon sa himpapawid. Para silang naglalaro sa hangin.
Minsan, iniisip ko kung masaya bang lumipad.
Masaya kayang lumipad?
Tumingin ulit ako sa baba ng gusali.
Naalala ko angs inabi ng tatay ko . Nakatingin kaming tatlo ni Mama sa mga nagsisiliparang ibon nang may natanong nanaman ako sa kanya.
"Pa, masaya kayang lumipad?"
"Aba'y malay ko. Hindi pa ako lumiliipad." Tumawa naman kaming tatlo.
"Eeeh! Sa tingin mo lang!" pangungulit ko.
Tumingin sya sa akin ng nakangiti at hinaplos ang buhok ko.
"Siguro anak... sobrang sayang lumipad...."
Nakatingin parin ako sa baba ng gusali. Magulo parin ang trapiko katulad parin ng dati.
Ano ba ang buhay kung walang makikinig?
Ano ba ang buhay kung walang mag uunawa?
Ano ba ang buhay kung wala nang magpapahalaga sayo?
Walang kwenta....
Walang kwenta...
Napasilip ako sa langit at tingin ulit sa baba saka ipinikit ko ang mga mata ko.
Papa.... samahan nyo kong lumipad ni Mama...
Samahan nyo ako...
Lilipad tayo...
Lilipad tayo....