ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of...

By angelodc035

43.7K 2.2K 550

FILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic... More

ANG NAKARAAN....
PROLOGUE
Chapter 1: FAILURE
Chapter 2: THE AWAKENING
Chapter 3: A WEREWOLVES NIGHT
Chapter 4: THE DUEL
Chapter 5: BLAKE
Chapter 6: A NEW DAWN
Chaptet 7: THE MAN ON A BLACK CLOAK
Chapter 8: THE ISLAND OF SEVEN KINGDOMS
Chapter 9: FIRE, ICE AND PROPHECY
Chapter 10: PILUNLUALAN (MYSTIC TUNNEL)
Chapter 11: CAREN'S FATE
Chapter 12: THE NEW ALPHA
Chapter 13: SAKAYA
Chapter 14: DIYOSANG TALA
Chapter 15: SAKAYA'S TEST
Chapter 16: ANILAOKAN
Chapter 17: STRIGOI
Chapter 18: QUEBALUAN TREE
Chapter 19: CHASING MEMORIES
Chapter 20: AWAKENING
Chapter 21: AWARENESS
Chapter 22: THE FATE
Chapter 23: BLOOD BY BLOOD
Chapter 24: A DECISION MADE
Chapter 25: ANILAOKAN'S LOVE
Chapter 26: BEHEMOT
Chapter 27: REDEMPTION, REVENGE AND REUNION
Chapter 28: DRAGON PHOENIX
Chapter 29: DESPERATION
Chapter 30: INTERROGATION
Chapter 31: BATHALA
Chapter 32: THE RETURN
Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD
Chapter 34: BLAKE, LAUREA, DIYOSANG TALA AND CLAUDIUS
Chapter 35: THE FALLEN GODDESS
Chapter 36: MANGGAGAWAY (SPELL CASTERS)
Chapter 37: CITY OF THE DEAD
Chapter 38: BLOODY GHOULS DAY
Chapter 39: BLOODY BATTLE
Chapter 40: BLOODY DEATHS
Chapter 41: DEATH BY BLOOD
Chapter 42: DEAD EVERYWHERE
Chapter 43: LOSS
Chapter 44: BATHALA'S DEATH
Chapter 45: QUINTA FOREST
Chapter 46: BALINTATAW
Chapter 47: CHAOS
Chapter 48: HUKLUBAN
Chapter 49: DARK POWER
Chapter 50: CAPTURE
Chapter 51: ERISE
Chapter 52: HOTEL MORTE
Chapter 53: DIYOSANG BULAN
Chapter 54: BABAGUA
Chapter 55: REVELATION
Chapter 57: THE ESCAPE
Chapter 58: LOVE AND BETRAYAL
Chapter 59: A SISTER'S DEMISE
Chapter 60: A NEW HOPE
Chapter 61: LAMUIAN FOREST
Chapter 62: PALACIO LUNAR TOWER
Chapter 63: MOTIVES
Chapter 64: FORCES OF NATURE
Chapter 65: APOCALYPSE
Chapter 66: DEATH IS THE BEGINNING
EPILOGUE
PASASALAMAT

Chapter 56: INFESTATIONS

384 22 11
By angelodc035


Dinig na dinig nina Blake at Mariang Makiling ang lumalagutok na bahagi ng katawan ng dambuhalang gagamba habang nilulunok ito ng buo ng Lubingan. Pawis na pawis ang dalawa hindi dahil sa sobrang init sa loob ng kuweba kundi dahil na rin sa sobrang takot sa nasasaksihan nila.

"Tara na Blake. Kailangan na natin umalis habang abala sa pagkain ang dambuhalang ahas." Ang halos pabulong na wika ng diwata.

"Kailangan ko pong makaipon muna ng lakas para magamit ko ang aking kapangyarihan. Kailangan kong patayin ang ilaw sa aking kamay." Ang tugon ng batang si Blake.

"Pero kung hindi pa tayo aalis ay baka tayo na ang magiging pagkain ng halimaw na ahas. Hindi ako puwedeng makapagbukas ng Pilunlualan dito sa loob ng kuweba dahil isa akong diwata ng kagubatan at hindi ng lupa. Walang mga puno dito kaya wala akong kakayahang humanap at magbukas ng Pilunlualan." Ang paliwanag ni Mariang Makiling sa bata.

"Pilunlualan? Ano po iyon?" Ang usisa ni Blake sa sinabi ng diwata.

"Pilunlualan, ito yong mga lagusang ginagamit papunta sa ibang lugar o dimensiyon na gustong puntahan ng mabilisan ng mga tulad naming mga elemental. Katulad ng kapangyarihang  taglay mo, kaya mong makapunta sa mga lugar na iniisip mo at sa isang iglap ay naroroon ka na." Ang sagot ni Mariang Makiling.

Tumango-tango si Blake sa paliwanag sa kanya ng Diwata. "Ang ibig sabihin po nito, mahihirapan po tayong makalayo dito? Kung hindi ko naman pahihintuin ang liwanag sa aking kamay hindi manunumbalik ang aking lakas at hindi ko magagamit ang aking kapangyarihan. Kung papatayin ko ang ilaw sa aking kamay hindi po natin makikita ang ating dadaanan at hindi rin tayo magiging ligtas sa Lubingan." Ang paliwanag ni Blake sa diwata. May paraan pa kaya para malusutan nila ang Lubingan at makaalis sa lugar na iyon? O mananatili na silang bilanggo sa loob ng kuweba kung hindi man sila makain ng halimaw ay pagiging bato naman ang kanilang kahihinatnan? Ilan lang yan sa mga katanungang gumugulo ngayon sa isipan ni Mariang Makiling dahil hindi ordinaryong higanteng nilalang ang nasa kanilang harapan. Batid ng diwata na ang tanging paraan para hindi sila makain ng Lubingan ay ang makaalis kaagad sa lugar na iyon.

"Pero kung hindi naman tayo aalis ngayon, magiging hapunan din tayo ng dambuhalang ahas. Ano sa tingin mo ang pinakamainam na gagawin natin?" Ang tanong ni Mariang Makiling kay Blake.

Napaisip si Blake sa sinabi ng diwata. Tama nga naman si Mariang Makiling sa tinuran niya, pero tama rin naman ang sinabi nito sa kanya. Tumingin si Blake kay Mariang Makiling, pagkatapos ay sa kanyang nagliliwanag na kanang kamay na na may hugis matang balat. Napagtanto niya na hindi sila makakaalis sa kuweba kung wala silang ilaw na dala. Kung hindi naman niya papatayin ang ilaw sa kamay niya ay hindi manunumbalik ang lakas niya at hindi magagamit ang kapangyarihang makaalis sa lugar na iyon para maging ligtas sa higanteng ahas.. Napakamot na lamang sa kanyang ulo si Blake dahil siya man ay hindi alam ang gagawin sa kanilang sitwasyon. Pero bakit siya ang dapat mag-iisip na paraan para makaalis sa loob kuweba na pinamumugaran ng Lubingan gayong siya ang bata rito?

Napatingin si Mariang Makiling sa Lubingan na halos patapos na sa paglulon sa dambuhalang gagamba na si Babagua. Ilang lunok pa ay siguradong sila na ang huhulihin nito at gawin ring hapunan.

"Blake patapos na siya tara na, kailangan na nating kumilos. Wala ng oras dali!" Ang pigil na wika ni Mariang Makiling sa bata. Wala na ring magawa si Blake kundi gamitin pa rin ang liwanag sa kanyang kamay para makita nila ang kanilang daraanan sa madilim na lagusan ng kuweba.

Patakbo nilang tinungo ang pinakagitnang lagusan na kung saan doon din nanggaling kanina ang Lubingan. Sa tingin ni Mariang Makiling na maaaring ito rin ang labasan dahil sa pagkatanda niya ay sa kagubatan talaga naninirahan ang mga Lubingan. Pumapasok lamang ang mga ito sa mga kuweba kapag ito ay nangingitlog o kaya naman ay nanghuhuli ng makakain habang nililimliman ang kanilang mga itlog.

Mapanganib ang mga Lubingan dahil makamandag ang pagtitig sa mga mata ng mga ito. Lahat ng napapatingin sa kanilang mga mata ay nagiging bato. Kamatayan naman sa mga nilalang na nagasgasan man lang sa mga kaliskis nito at madantian sa makamandag na laway ng higanteng ahas.

Hindi nakakakita ang Lubingan, pero dahil sa talas ng pandinig at pang-amoy ng mga ito ay kaya nilang hanapin ang kanilang biktima kahit dalawang kilometro pa ang layo nito sa kanya. Ito ang maaaring dahilan kung bakit hindi nagmamadali ang Lubingan sa pagkain niito kay Babagua dahil sigurado itong mahahanap pa rin sina Blake at Mariang Makiling kahit sa kanilang pagtakas..

Patuloy sa mabilis na pagtakbo ang dalawa. Hindi nila alintana ang mga nakausling mga matutulis na bato sa sahig ng kuweba na maya't-maya ay natitisod nila at sumusugat sa kanilang mga paa. Ang amoy ng kanilang dugo ang magpapahamak sa pagtunton ng dambuhalang ahas kanila.

Mas lalong uminit ang pinasukan nilang bahagi ng kuweba at napansin nilang sumisikip na ang daan na kanilang dinaraanan. Tama kaya ang pinasukan nila? O kaya naman ito ang lagusan na magiging lugar ng kanilang kamatayan? Ito ang mga katanungang naglalaro sa kanilang isipan dahil pareho silang hindi sigurado sa lugar na tinatahak.

Natapos din ng Lubingan ang paglulok sa dambuhalang gagamba at itinayo nito ang kanyang napakalaking ulo na tila may hinahanap. Kumikislot ang butas ng ilong nito at nanginig ang magkabilang tenga na parang mga pamaypay. Gumawa ito ng sunod-sunod na mga tunog na nanggagaling sa lalamunan nito.

Luk kluk kluk kluk kluk kluk kluk!!!

Ang malakas na huni ng lubingan na paulit-ulit na itinataas-baba ang ulo na tulad sa mga ibong pabo.

Muli ay kumislot-kislot ang maliit na ilong ng Lubingan at saka mabilis na tinungo ang lugar na kung saan naroroon kanina sina Blake at Mariang Makiling. Tumigil ang Lubingan pagdating sa dating kinaroroonan nina Blake at Mariang Makiling at muling itinaas baba ang ulo at nagpalinga-linga sa paligid at nakikinig. Dumeretso ang higanteng ahas sa lugar na pinanggalingan nito kanina na siya ring direksiyon na tinungo ng bata at ng diwata. Naririnig niya ang bawat yabag ng dalawang nilalang na siguradong magdadagdag rin sa hapunan niya ngayong gabi. Lalong nagpasidhi sa dambuhalang ahas ng maamoy ang dugo ng bata at ng diwata na nasugatan sa mga matatalim at matatalas na mga batong nakausli sa sahig ng lagusan. Ibinaba ng ahas ang kanyang ulo at saka dinilaan ang mga bahid ng dugo sa sahig.

"Bilisan natin Blake, nararamdaman ko na nakasunod na sa atin ang dambuhalang ahas." Ang wika ng diwata kay Blake na patuloy sa mabilis na pagtakbo papasok sa may kakiputang ng lagusan. Hanggang sa hindi nila namalayan na nakapasok sila sa isang may maluwagang na bahagi ng lagusan na labis na nagbigay ng lalong pangamba sa kanila. Tumambad sa dalawa ang may sampung piraso ng naglalakihang mga itlog na sama-sama sa iisang lugar. Nagkatinginan sina Blake at Mariang Makiling dahil sa kanilang nakita. Nagkamali sila sa pagpili ng pinasukang lagusan. Imbes na papalabas sa kuweba ang kanilang pinasok ay sa loob ng pugad ng lubingan ang kanilang napuntahan.

Sinubukang bumalik ng dalawa sa kanilang pinanggalingan ng marinig nila ang paparating na Lubingan.

Luk kluk kluk kluk kluk kluk kluk!!!

Ang malulutong na tunog na ginagawa ng dambuhalang ahas mula sa lalamunan nito. Papalakas ito ng papalakas na nagbigay ng kakaibang takot at pagkataranta sa dalawa.

Kaagad na tumingin tingin sa paligid sina Blake at Mariang Makiling para makahanap ng matataguan sa lugar. Hindi nila alintana ang napakabahong amoy ng nabubulok na laman ng iba't-ibang klase ng hayop at nilalang sa paligid. Mga nagkalat na kalansay ng iba't-ibang hayop ang kanilang natatapakan na nagbibigay ng malultong na mga tunog na naririnig ng dambuhalang ahas. Nagbigay ng direksiyon ang mga ito sa Lubingan para malaman kung saan naroroon ang bata at ang diwata.

Ramdam nina Blake at Mariang Makiling ang unti-unting pagyanig ng lupa habang papalapit sa loob ang makamandag na Lubingan. Nang mga sandaling iyon ay muling napa-iyak si Blake dahil na rin sa sobrang pagod at takot sa unti-unting pagpasok ng dambuhalang ahas sa kanyang pugad kung saan sila naroroon ng diwatang si Mariang Makiling. Iyak ng kawalan ng pag-asa ang nakikita ng magandang diwata kay Blake na tila gusto ng sumuko sa mga nangyayari.

------------------------
Abala ang lahat ng nasa Cafeteria kung paano nila gigisingin ang mga taong kasalukuyang binibiktima ng mga Batibat na patuloy pa rin sa pagdami. Karamihan sa mga ito ay nag-aagawan na sa mga taong mahimbing na nakahiga sa sahig at hindi pa rin gumigising kahit makailang-ulit ng pinagkakakagat ang dulo ng kanilang mga daliri sa paa. Ang ilan sa mga taong hindi pa nakakakain sa pagkaing nagmula sa hotel ang tumutulong kina Odessa sa pagyugyog sa mga binabangungot para gisingin. May ilan sa mga ito ang makailang-ulit ng sinampal sa mukha at malakas na niyugyog ang hindi pa rin gumigising. Lahat na ng paraan ay tila walang epekto para maitaboy ang mga Batibat at magising na ang taong kanilang mga biktima.

Hindi malaman nina Demetria ang kanilang gagawin. Pati sila ay nangilabot din sa kanilang nakikita kung paano nakadagan ang mga Batibat sa katawan ng mga tao. Nakapasok ang maitim at mahabang dila ng mga Batibat sa bibig ng kanilang mga biktima upang sipsipin ang buhay at kaluluwa ng mga ito. Kapag wala ng buhay ang biktima ay saka lamang nila ito iiwanan para makahanap pa ng panibagong mabibiktima.

Wala ring magawa si Odessa sa kanilang sitwasyon dahil na rin walang pisikal na katawan ang mga Batibat. Hindi rin nito magamit ang kanyang kapangyarihan dahil mas delikado ito sa mga taong naroroon at walang kamalay-malay sa mga nangyayari. Nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga dambuhalang nilalang na kilala rin bilang tagapagdala ng bangungot sa mga biktima.

"Anong gagawin natin Odessa? Tatlo na ang namamatay sa mga tao." Ang natatarantang tanong ni Ceasar.

Bumuntung-hininga si Odessa dahil siya man ay walang ideya kung ano ang dapat gawin. "Basta subukan natin ang lahat ng paraang magagawa natin, huwag lamang masaktan at mapunta sa alanganin ang buhay ng mga tao." Ang tugon ni Odessa.

"Sige, gagawin namin ang lahat ng posibleng paraan para mapalayas ang mga Batibat sa lalong madaling panahon. Patnubayan sana tayo ng Diyos." Ang wika ni Ceasar at mabilis na bumalik sa mga kasama.

Iginala ni Odessa ang kanyang mga mata at halos madurog ang puso niya sa mga nangyayari. Nakita niya si Caren na lugmok na lugmok dahil wala rin magawa sa kalagayan ni Father Mexo. Si Randy na pilit na ginagamit ang kapangyarihan para mapagising ang dalawang bata na dinadaganan ng naglalakihang mga Batibat. Ang ilan sa mga taong namatayan ay tulala at tila nawawala na sa kanilang mga sarili. Si Demetria ay tulalang nakatayo sa tapat ng isang matandang babae na binibiktima rin ng pagkalaki-laking Batibat.

Kung tutuusin, hindi na ang mga Batibat ang kalaban nila sa sitwasyon ng mga taong pinoprotektahan nila. Oras ang kanilang matinding kalaban sa mga sandaling iyon dahil kapag hindi nila naitaboy kaagad ang mga Batibat ay matutulad ang mga biktima nila sa tatlong naunang namatay na.

Bakit walang magawa si Odessa? Bakit wala siyang magawa sa mga taong dapat kanyang pinoprotektahan? Hindi puwedeng wala siyang magawa dahil isa-isa ng nangamamatay ang mga taong binibiktima ng mga Batibat. Hindi niya kayang pagmasdan ang mga nangyayari sa loob ng Cafeteria, lalo na ng mga paghagulgol ng mga nawawalan ng mahal sa buhay. Kanina pa siya naiiyak, kanina pa niya gustong sumigaw at pakawalan ang emosyong naiipon na sa kanyang dibdib.

Tumingin siya sa pintuan ng hotel at nakita si Sagaway na nasa labas at tila may hinahanap. Huminga ng malalim si Odessa at mabilis na tinungo ang pintuan. Marahil kailangan muna niyang lumabas at lumanghap ng sariwang hangin. Baka sakali ay makakapag-isip siya kaagad ng paraan para masugpo ang napakaraming mga Batibat sa loob ng hotel. Pero bago pa man nakalabas si Odessa ay yumakap sa kanya ang batang si Margaux na umiiyak. Namumugto ang mga mata nito dahil kanina pa walang tigil sa kanyang pagtangis.

"Si...si lola Luming..." ang wika nito kay Odessa.

Umupo sa harapan ni Margaux si Odessa at pinunasan ang mga mata nito gamit ang kanyang daliri. "Napa'no si lola Luming mo?" Ang tanong ni Odessa na halos madurog ang puso nito sa umiiyak na bata. Mahal nito ang kanyang lola kaya muling bumalik sa kanyang alaala sa isang matandang babae na minahal din niya, si lola Naty.

"Ayaw po niyang gumising...katulad po ng mga ibang tao sa loob ayaw ding gumising kanina pa. Kawawa po si lola Luming wala ng mag-aalaga sa akin." Lalong hinigpitan ni Margaux ang pagkakayakap kay Odessa at ramdam na ramdam niya ang pinagdadaanan ng bata.

"Tahan na, tahan na. Gumagawa ng paraan ang lahat para matulungan sila pati na lola mo." Ang tugon ni Odessa habang hinahagod ang likuran ng batang babae.

"Baka kasi hindi na rin po siya gigising. Gisingin na po ninyo siya." Ang pangungulit ng umiiyak pa ring si Margaux.

"Hindi, hindi mangyayari yan. Ipinapangako ko sa'yo na gigising ang lola mo." Ang wika ni Odessa at napayakap din kay Margaux dahil na rin sa pagkaawa sa kanya. Hinagod niya ang buhok ng bata na pawis na pawis at muling pinunasan ang mga luha sa mga mata nito. "Ssshhh...Tahan na. Ano ba ang pangalan mo?"

"Margaux po." Ang humihikbing tugon ng bata.

"Margaux, napakaganda naman ng pangalan mo." Alam mo kung magkakaroon ako ng anak na babae gusto ko rin siyang pangalanan ng katulad sa pangalan mo." Ang wika ni Odessa sa bata na nakatingin ngayon sa kanyang mukha.

"Talaga po?" Panandaliang tumigil sa pag-iyak si Margaux ng marinig iyon kay Odessa. "Bakit naman po?

"Napakaganda kasi ng iyong pangalan. Tapos napakaganda mo pang bata." Ang tugon ni Odessa at nginitian ang kausap na si Margaux.

"Salamat po."

Ngumiti si Margaux sa sinabing iyon ni Odessa sa kanya.

"O kita mo na, mas lalo kang maganda kapag hindi ka umiiyak. Kaya huwag ka ng iiyak sigurado ayaw ng lola Luming mo ang umiiyak ka. Huwag kang mag-aalala ako mismo ang gigising sa lola mo, hayaan mo ang ate Odessa mo ang gagawa niyan para sa'yo."

Hindi na sumagot pa si Margaux sa sinabi sa kanya ni Odessa at muling yumakap ng mahigpit sa kanya. Lalong nalungkot si Odessa dahil hindi niya lubos maisip na sa sobrang lakas ng kanyang kapangyarihan ay tila hindi man lang niya kayang tuparin ang kahilingan ng batang nasa kanyang harapan. Parang dinudurog ang kanyang puso na hindi niya maintindihan kung bakit. Muli ay tumingin siya kay Margaux na panay pa rin sa paghikbi habang nakayakap sa kanya. Gagawin niya ang lahat para gisingin ang lola ng bata, hindi niya ito paaasahin sa wala at tutuparin niya ang pangako nito ano man ang mangyari.

"Tara, samahan mo ako puntahan natin ang lola mo." Ang biglang naisip ni Odessa para mapatahan sa pag-iyak si Margaux.

Nangislap ang mga mata ng batang si Margaux at tila gumuhit ang mga ngiti sa manipis nitong mga labi. Hinawakan niya ang kamay ni Odessa at mabilis nilang tinungo ang lugar kung saan naroroon at nakahiga si aling Luming. Tulad ng karamihan ay mahimbing sa pagtulog ang matandang babae na nasa edad singkwenta'y-otso at nakadagan sa kanyang payat na pangangatawan ang isang napakalaking Batibat. Nakapasok na sa bibig ni aling Luming ang maitim na dila ng dambuhalang nilalang at hinihigop na nito ang kaluluwa ng matanda.

Sa paligid ng lugar ay naroroon din ang ilan sa mga Batibat na tila naghihintay ng susunod na mabibiktima. Madalas ay nakikipag-away ang mga ito at nag-uunahan sa kanilang mabibiktima. Ang ilan ay pilit na pinapaalis ang kapwa Batibat kahit na nakadagan na sa kanilang mga biktima. Katulad ng ginagawa nila sa Batibat na nakadagan kay Aling Luming na halos hindi na kayang titigan pa ni Odessa.

Hindi sila nakikita ng mga ordinaryong tao. Kaya karamihan sa mga taong tumutulong sa kanilang mga pamilya at kasama ay inakala nilang nalason ang mga ito sa pagkaing kinain nila sa loob ng hotel.

Nagkalat sa sahig ang mga nahulog na pagkain, mga nabasag na plato at mga baso. Mga kubyertos na karamihan ay nasa mga mesa pa at ang iilan sa mga biktima ay nakasukob pa rin sa iilang mga mesa. Kahit na walang pisikal na pangangatawan ang mga Batibat ay kaya nilang pagalawin ang mga biktima para maihiga ang mga ito sa sahig.

Malungkot na pinagmasdan ni Odessa ang kalagayan ni aling Luming. Gusto niyang maiyak pero pinipigilan niya ito dahil ayaw niyang makita siya ng bata na lumuluha ng dugo. Naging mahigpit ang pagkakahawak ng bata sa kamay ni Odessa. Ramdam niya ang takot at pag-aalala nito para sa mahal niyang lola.

"Inutusan lamang po niya akong kumuha ng asin sa kusina. Tapos pagbalik ko natutulog na si lola Luming. Ayaw na po niyang gumising." Ang umiiyak na kuwento ni Margaux.

" Asin?"

"Opo, sabi po niya kukuha ako ng asin sa kusina dahil matabang daw po ang pagkain." Ang tugon ni Margaux kay Odessa na nagkaroon ng interest sa kanyang sinasabi.

Biglang namilog ang mga mata ni Odessa pagkarinig sa sinabi ng bata sa kanya.

Tama...Asin, iyon ang solusyon... ang sabi ng kanyang isip.

"Puwede mo bang ituro sa akin kung saan ka kumuha ng asin?" Ang tanong ni Odessa na tila nabunutan ng tinik dahil sa nabanggit na asin ng batang babae sa kanya. Gusto niyang yakapin at halikan ang bata na nagpaalala sa kanya na takot sa asin ang mga Batibat.

Kinarga ni Odessa si Margaux at halos patakbo niyang tinungo ang kusinang itinuturo sa kanya ng bata. Pagdating nila sa kusina ay unang nakita ni Odessa ang isang nakabukas na cabinet na kung saan kumuha ng asin si Margaux. Kaagad na tiningnan iyon ni Odessa at tumambad sa kanya ang halos kalahating sako ng asin na nakaimbak sa loob ng kahoy na cabinet.

Laking tuwang hinalikan ng babaeng Sangre si Margaux na nagbigay kasagutan para mapuksa ang mga Batibat. "Dito ka muna ha? Hintayin mo ako dito gigisingin na natin ang lola Luming mo." Ang nagagalak na habilin nito sa bata at kaagad na binuhat ang kalahating sako ng asin. Mabilis na tinungo ni Odessa ang Cafeteria at naiwan si Margaux na nagtataka. Napakamot sa kanyang ulo si Margaux na iniisip kung nasisiraan ng bait ang babaeng si Odessa. Ano ba ang kinalaman ng asin para gisingin ang kanyang lola Luming.

Hindi na nagsayang pa ng oras si Odessa at dumukot ng asin sa sako. Mabilis isinaboy iyon sa Batibat na nakaupo sa dibdib ni aling Luming pati na rin sa mga nasa paligid. Tulad ng kanyang inaasahan ay tila sinabuyan ng apoy ang Batibat na bumibiktima sa matanda. Pagtama ng butil na asin sa katawan ng mga nilalang ay nagliliyab ang mga ito at namimilipit sa sobrang sakit na  dulot sa kanila ng mga butil ng asin.

Halos mapatalon sa sobrang kagalakan si Odessa pagkakita sa naging resulta ng kanyang pagsaboy ng asin sa mga nilalang ng dilim.

"Demetria! Randy! Caren, dali kumuha kayo ng asin at isaboy sa mga Batibat dali!" Ang malakas na sigaw ni Odessa.

Napatingin kay Odessa ang mga tinawag na mga kasama at nakita nila kung paano iniiwasan ng mga Batibat ang mga butil na asin. Napapahiyaw ang mga ito sa sobrang sakit at nasusunog kapag napuruhan. Naging balisa ang napakaraming mga Batibat at isa-isang iniiwan ng mga ito ang kanilang mga biktima. Marami sa kanila ang biglang nagsipasukan sa nabuong lagusan mula sa isa sa mga storage room.

Kaagad na tinungo nina Demetria si Odessa upang kumuha ng asin mula sa sakong karga-karga ni Odessa. Hindi na nag-aksaya ng oras ang lahat para puksain ang mga Batibat sa loob ng hotel. Maging ang mga taong-lobo ay sumali na rin sa pagpuksa sa mga nilalang ng kadiliman gamit ang asin.

Isa-isa na ring gumigising ang mga taong mahimbing sa kanilang pagtulog at walang kaalam-alam sa mga nangyari sa kanila. Kasabay sa pagpuksa sa mga Batibat, ay gayon din ang unti-unting pagbabago ng hotel. Ang kanina'y maayos at malinis na hotel na kanilang pinasukan, ngayon ay isa ng mabaho at nabubulok na gusali na walang pinagkaiba sa mga katabi nitong mga building na kung hindi nasira ay nasunog sa kasagsagan ng unang paglusob ng mga anak ng buwan.

Mula sa pintuan ng kusina ay sumilip si Margaux para tingnan kung ano na ang nangyayari sa loob. Laking tuwa niya ng makita si aling Luming na gising na gising na at nakaupo sa sahig ng cafeteria. Mabilis na tumakbo si Margaux at mahigpit na niyakap ang matanda. Kahit na nanghihina ay mahigpit ding yumakap sa kanya ang matanda at hinalikansiya nito sa kanyang ulo.
_________________
Nanginginig ang sahig sa loob ng pugad ng Lubingan. Doon ay natataranta sina Mariang Makiling at Blake. Alam ni Mariang Makiling na sinusundan sila ng dambuhalang ahas hindi lang sa mga mahihinang kaluskos na nagagawa nila, kundi pati na rin sa amoy ng kanilang dugo mula sa mga sugat sa kanilang mga paa. Kaya ng may makitang isang nabubulok na katawan ng isang hayop ay kaagad na dunampot ang diwata ng karne nito at saka ipinahid sa katawan ni Blake. Noong una ay napaatras ang batang si Blake dahil sa ginawang iyon ng diwata. Muntikan pang maduwal si Blake dahil sa amoy ng nabubulok na lamang ipinapahod sa kanya ni Mariang Makiling. Hindi na rin siya nagreklamo dahil nauunawaan na niya kung bakit ginagawa iyon ng diwata sa kanya. Itatago ng nabubulok na laman ng hayop ang amoy nilang dalawa para hindi  sila matutunton ng dambuhalang ahas.

Kluk kluk kluk kluk kluk kluk kluk!!!!

Nagkatinginan ang dalawa at saka mabilis na sumiksik sa ilalim ng mga naglalakihang mga itlog ng Lubingan. Doon ay tahimik na naghintay sa ang dalawa sa pagpasok ng Lubingan sa lagusan na siya ring pugad nito.

Habang hinihintay ang pagdating ng dambuhalang ahas ay pinagmasdan at pinag-aralang mabuti ng dalawa ang paligid ng lugar. Napansin ni Blake na may malaking butas sa kisame ng kuweba at mula roon ay pumapasok ang liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Doon marahil dumadaan ang Lubingan papasok ng kuweba na maaari rin nilang magamit para makalabas sa lugar na iyon.

Halos mapatalon sa pagakabigla ang dalawa ng biglang nagsigalawan ang mga naglalakihang mga itlog na kung saan sila nagtatago. Nararamdaman kaya sila ng mga ito kaya nagsigalawan ang mga maliliit na ahas sa loob ng mga itlog? Halos kumabog ang puso ni Blake sa kanyang dibdib dahil sa pagkabigla. Lalong pinagpawisan ang dalawa ng biglang nagliwanag ang lahat ng mga itlog na naroroon at maririnig mula sa rito ang malilikot na paggalaw ng mga ahas sa loob.

"Ssshhh!" Ang tila pagbibigay babala ng diwata kay Blake.

Mula sa pinaka bukana ng lagusan ay ang mabilis na pagpasok ng mahigit sa walong metrong habang Lubingan. Malikot ang ulo nito at kumikislot ang ilong at tila may hinahanap na amoy na naroroon dati sa loob. Halos pigil naman ang paghinga nina Blake at Mariang Makiling upang hindi sila marinig ng dambuhalang ahas. Pero naririnig ng Lubingan ang mabibilis na mga pagtibok ng puso ni Blake.

Ibinuka ng ahas ang kanyang bibig at ipinapakita nito ang mga matutulis  na pares ng mga pangil sa itaas at ilalim ng bibig. Labas-pasok naman ang dila nito na tila sumasagap sa lasa ng hangin mula sa dalawang pagkain na naroroon lamang sa kanyang paligid. Paraan ito ng mga ahas upang malaman ang direksiyon ng kanilang pagkain.

Takot na takot si Blake at halos hindi na ito makahinga sa sobrang bilis ng pagkabog ng kanyang puso. Gayon din ang nararamdaman ng diwata na hindi magamit ang kapangyarihan dahil wala siya sa kagubatan. Sa buong buhay ni Mariang Makiling ay ngayon lamang siya nakaramdam ng matinding takot na hindi niya naramdaman kahit pa noong mga panahon ng digmaan. Alam niyang wala siyang laban sa lubingan lalo na't wala siya sa kagubatan na sakop ng kanyang kapangyarihan. Hindi niya balwarte ang lugar kaya wala siyang lakas at kapangyarihan dito.

Kailangang mailigtas ni Mariang Makiling si Blake dahil nararamdaman niya na may kakaiba sa bata na nais niyang malaman lalo na ang taglay na kapangyarihan nito. Hindi pangkaraniwan ang kakayahang makapagteleport ng bata dahil wala pa siyang nakikilalang nagtataglay ng ganoong kapangyarihan. Pero may nagpapaalala sa kanya sa batang si Blake, hindi lang siya sigurado kung sino at paano niya ito nakasalamuha o nakilala. Ang kapangyarihan ni Blake ay galing sa matandang kapangyarihan na tila nagkaroon ng pagbabago at nahubog sa paglipas ng panahon kaya hindi na ito nangangailangan ng mga dasal o orasyon sa paggamit nito. Sa sitwasyon ng bata ay tanging ang kapangyarihan ng isip ang ginagamit nito.

Saan nga ba nanggaling si Blake? Kung hindi siya nabibilang sa mundong ito, paano siya nakarating dito sa ikatlong dimensiyon ng mundo? Sino nga ba talaga si Blake? Ito ang iilan sa mga katanungang nais malaman ni Mariang Makiling sa katauhan ni Blake. Wala siyang makitang sagot sa mga katanungang iyon na ilang araw din niyang hinanapan ng kasagutan na nagdulot ng muntikang pagkapahamak ng bata. May mabuting kalooban si Blake, pinatunayan niya iyon ng hindi siya pinabayaan nito ng makarating sila sa disyerto na hindi siya iniwan kahit nasa panganib ang buhay nito. Pero bakit wala siyang mahanap na impormasyon sa katauhan ng bata at kanino niya namana ang kanyang kapangyarihan? Kahit sa mga diyos at diyosa sa kalangitan ay walang tutugma sa kapangyarihang taglay si Blake.

Ipinapangako ni Mariang Makiling sa kanyang sarili na mula sa gabing iyon ay hinding-hindi niya hahayaang mapahamak ang bata. Ilalaban niya ito dahil may kailangan siyang malaman tungkol sa pagkatao at sa kapangyarihang taglay nito na hindi pa nahihinang.

"Natatakot na po ako. Hindi ko na kaya." Ang wika ng umiiyak na si Blake na nagpahinto sa mga iniisip ni Mariang Makiling tungkol sa kapangyarihan at pagkatao ng bata.

"Ssshhh...huwag kang gagawa ng ano mang ingay dahil mararamdaman niya kung nasaan tayo. Kalmahin mo ang iyong sarili para makapag-isip tayo ng paraan para makaligtas sa Lubingan at makaalis dito sa lugar na'to." Ang mahinang wika ng diwata. Pero hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Blake.

"Gusto ko lang pong makauwi na at makasama  ang mga kapatid at ang lola ko. Tulungan na po kasi ninyo ako." Ang pakiusap ni Blake.

"Blake, makinig ka. Sa ginagawa mong 'yan lalo tayong hindi makakaalis dito dahil lalapain tayo ng Lubingan o kaya naman ay magiging bato tayo at mananatili na dito ng tuluyan. Iyan ba ang gusto mong mangyari?" Ang mahinang wika ni Mariang Makiling ngunit may diin ang kanyang bawat salita.

"Hin...hindi po." Ang malungkot na tugon ni Blake.

"Kung gayon, kung ako sa'yo ay susundin mo muna ang mga sinasabi ko. Tulungan mo akong mag-isip ng paraan para makaalis tayo dito. Para makabalik ka na sa pamilya mo ay kailangan muna tayong makaalis ng buhay dito, naiintindihan mo Blake? Ipinapangako ko sa'yo, kapag nakaalis tayo rito ako mismo ang tutulong sa'yo para makabalik sa mga kapatid mo at sa lola mo."

Pagkarinig sa sinabi ng diwata ay pinigilan ni Blake ang huwag ng umiyak. "Pangako?" Ang paniniguro nito sa sinabi sa kanya ng diwata.

Tumango lamang si Mariang Makiling pero natigilan ito dahil ilang metro ang layo mula sa kinaroroonan nila ay nakita niya na papalapit sa kanila ang mabangis na Lubingan. Agad na hinawakan ni Mariang Makiling ang balikat ni Blake at mapuwersa niyang hinila ito pababa para dumapa sa sahig ng kuweba sa ilalim ng mga naglalakihang mga itlog. Hindi na nakapalag si Blake dahil nakita rin niyang dumaan sa tabi nila ang dambuhalang ahas. Pigil ang paghinga ng dalawa at pinipigilan din na huwag masuka sa mabahong amoy ng mamasa-masang sahig ng kuweba.

Kitang-kita nila ang palinga-lingang ulo ng Lubingan na tila may hinahanap. Sigurado sila na sila ang pakay ng dambuhalang ahas. Hindi sila naamoy ng Lubingan ng dumaan ito sa tabi nila. Epektibo ang ginawang pagpahid ni Mariang Makiling ng nabubulok na laman ng hayop sa kanilang katawan at natakpan nito ang kanilang amoy. Kapwa maingat ang dalawa na hindi matitigan ang mata ng dambuhalang ahas na paroo't-parito sa kanyang lagusan para hanapin sila. Paikot-ikot ito sa kabuuan ng pugad at umaasang mahahanap pa rin sila nito.

Lalong pinagpawisan si Blake dahil sa sobrang takot. Samantalang nakapikit ang mga mata ni Mariang Makiling at tila nagdarasal, katulad ng ginawa nito sa disyerto. Lalong nakakadagdag takot kay Blake ang paggalaw ng mga itlog ng Lubingan habang nakadapa sila  ni Mariang Makiling sa ilalim ng mga ito.

Ipinikit ni Blake ang kanyang mga mata at hinawakan ang kamay  ng diwata. Pansamantalang nakaramdam si Blake ng pagkawala ng kanyang takot ng maramdaman ang init ng kamay ng diwata. Gumapang ang lamig sa katawan nito at saka nakaramdam ng kapayapaan sa kanyang isipan. Ang kanina'y mabilis na pagpintig ng kanyang puso ng dahil sa sobrang takot ay kusa itong kumalma at bumalik sa normal na pagtibok.

Pakiramdam ni Blake ay kusang nanumbalik ang lakas nito. Huminga siya ng malalim at saka iminulat ang kanyang mga mata. Pinakiramdaman ang paligid para malaman kung naroroon pa rin ang Lubingan. Nang masigurong wala na roon ang dambuhalang ahas ay iniangat nito ang kanyang ulo at saka pinagmasdan ang paligid. Nakita niya na nagsimula na ring iniangat ni Mariang Makiling ang kanyang ulo pero biglang tumilapon ang diwata ng inihampas ng lubingan ang kanyang buntot kay Mariang Makiling. Hindi nila napansin na naroroon pa rin ang Lubingan na tulad nila ay nakikiramdam din pala.

Napasigaw si Blake at kaagad na tumayo mula sa sahig ng lagusan. Pagkatayo niya ay tumambad sa kanya ang Lubingan na nakahandang sagpangin ang halos hindi makatayong si Mariang Makiling mahigit sampung metro ang layo sa kanya.

Poofff!!!

Biglang naglaho si Blake sa kanyang kinatatyuan.

Continue Reading

You'll Also Like

405K 11K 66
In a world full of Aimas and Thas, Karis thought she's a simple girl. With no family and no memory of her childhood, she works as a maid for a rich f...
16.2K 698 38
Highest rank: #997 IN FANFICTION _________________________________________ This story is pure taglish. _________________________________________ One...
179K 5.3K 45
Si Airy, ang huling Fairy Warrior ay lalaban para sa kalayaan ng kanyang lupain mula sa masamang si Queen Fright. Ngunit hindi madali ang tatahakin n...
20.6M 758K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...