ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of...

By angelodc035

43.7K 2.2K 550

FILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic... More

ANG NAKARAAN....
PROLOGUE
Chapter 1: FAILURE
Chapter 2: THE AWAKENING
Chapter 3: A WEREWOLVES NIGHT
Chapter 4: THE DUEL
Chapter 5: BLAKE
Chapter 6: A NEW DAWN
Chaptet 7: THE MAN ON A BLACK CLOAK
Chapter 8: THE ISLAND OF SEVEN KINGDOMS
Chapter 9: FIRE, ICE AND PROPHECY
Chapter 10: PILUNLUALAN (MYSTIC TUNNEL)
Chapter 11: CAREN'S FATE
Chapter 12: THE NEW ALPHA
Chapter 13: SAKAYA
Chapter 14: DIYOSANG TALA
Chapter 15: SAKAYA'S TEST
Chapter 16: ANILAOKAN
Chapter 17: STRIGOI
Chapter 18: QUEBALUAN TREE
Chapter 19: CHASING MEMORIES
Chapter 20: AWAKENING
Chapter 21: AWARENESS
Chapter 22: THE FATE
Chapter 23: BLOOD BY BLOOD
Chapter 24: A DECISION MADE
Chapter 25: ANILAOKAN'S LOVE
Chapter 26: BEHEMOT
Chapter 27: REDEMPTION, REVENGE AND REUNION
Chapter 28: DRAGON PHOENIX
Chapter 29: DESPERATION
Chapter 30: INTERROGATION
Chapter 31: BATHALA
Chapter 32: THE RETURN
Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD
Chapter 34: BLAKE, LAUREA, DIYOSANG TALA AND CLAUDIUS
Chapter 35: THE FALLEN GODDESS
Chapter 36: MANGGAGAWAY (SPELL CASTERS)
Chapter 37: CITY OF THE DEAD
Chapter 38: BLOODY GHOULS DAY
Chapter 39: BLOODY BATTLE
Chapter 40: BLOODY DEATHS
Chapter 41: DEATH BY BLOOD
Chapter 42: DEAD EVERYWHERE
Chapter 43: LOSS
Chapter 44: BATHALA'S DEATH
Chapter 45: QUINTA FOREST
Chapter 46: BALINTATAW
Chapter 47: CHAOS
Chapter 48: HUKLUBAN
Chapter 49: DARK POWER
Chapter 50: CAPTURE
Chapter 51: ERISE
Chapter 52: HOTEL MORTE
Chapter 54: BABAGUA
Chapter 55: REVELATION
Chapter 56: INFESTATIONS
Chapter 57: THE ESCAPE
Chapter 58: LOVE AND BETRAYAL
Chapter 59: A SISTER'S DEMISE
Chapter 60: A NEW HOPE
Chapter 61: LAMUIAN FOREST
Chapter 62: PALACIO LUNAR TOWER
Chapter 63: MOTIVES
Chapter 64: FORCES OF NATURE
Chapter 65: APOCALYPSE
Chapter 66: DEATH IS THE BEGINNING
EPILOGUE
PASASALAMAT

Chapter 53: DIYOSANG BULAN

419 22 7
By angelodc035

Sa tore ng palasyo sa kaharian ng Kalangitan ay nakangiting minamasdan ni Bathala ang kanyang nasasakupan. Ilang daang taon na rin naging payapa ang buong kaharian at naging tahimik ang pamumuhay ng mga diyos at diyosa sa kanilang mga tahanan. Naging malaya ang mga kalakalan sa mga daungan sa himpapawid at mga ilog.

Langhap na langhap niya ang amoy ng ulan na ilang araw na ring bumubuhos sa makakapal na kagubatan. Hawak ang kanyang tungkod ay magiliw niya itong inihagis sa himpapawid at saka mabilis na lumundag mula sa tore. Bumulusok pabagsak si Bathala kasabay ng pagsalo sa kanya ng isang Bakunawa na lumalagutok ang bawat hibla ng kuryente sa katawan nito. Ito ang tinatawag niyang Lintik na kani-kanina lamang ay ang inihagis nitong tungkod mula sa tore ng kanyang palasyo. Siya lamang ang nakakaalam sa pangalan ng kanyang tungkod dahil iniingatan niyang may makaalam na iba sa pangalan nito. Lubhang napakapanganib para sa buong Sanlibutan na malaman ang pangalan ng kanyang tungkod lalo na sa may mga masasamang balak at kakayahang maghasik ng kasamaan. Tanging siya lamang ang may kontrol sa Lintik at sino man ang humawak nito ay kamatayan and dulot nito maliban lamang sa mga anak niya na may dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat. Pero dahil maging ang mga anak niya ay hindi batid ang pangalan ng tungkod ni Bathala kaya limitadong kapangyarihan lamang ang nagagamit nila sa Lintik.

Pumailanlang sa himpapawid ang Bakunawa na sakay si Bathala. Sumasalubong sa kanila ang mga hanging pinakakawalan ni Habagat na may mga dalang mga ulan na pumawi na ng labis sa uhaw ng mga makakapal na puno sa mga kagubatan. Matagal-tagal na rin ang pinakahuling ulan kaya magsisimula na ring tumubo ang mga halaman sa mga kabundukan at umusbong ang mga iba't-ibang kulay ng mga dahon sa mga naglalakihan at nagtatayugang mga puno. Ngayon ay pahihintuin na ni Bathala ang ilang araw na ring pag-uulan kaya hudyat na para kay Habagat ang paglipad ni Bathala sa kalawakan. Si Habagat ang diyos ng hanging nagmumula sa Timog-Silangan. Kakambal niya si Amihan na tagapagdala naman ng malalamig na hangin sa Sanlibutan. Madalas ay hindi nakikialam ang kambal sa mga away ng mga diyos at diyosa sa Sanlibutan lalo na sa mga digmaan. Wala silang pinapanigan kay Bathala man o sa mga kalaban nitong nagnanais na patalsikin siya sa kanyang trono.

Pangkaraniwan na sa Kalangitan ang tanawing nakikita ng mga mamamayan na rumoronda si Bathala gamit ang Bakunawang nababalutan ng mga kuryente. Ito ang paraan ni Bathala na makita ang kanyang buong nasasakupan at matiyak na ligtas ang kabuuan nito sa mga gustong umagaw sa kanyang nasasakupan. Kampante si Bathala na hangga't nasa kamay niya ang Lintik ay hindi maaagaw sa kanya ang pamumuno sa Kalangitan.

Sakay ng lintik ay pabulusok nitong tinungo ang mahiwagang bukal ng Manuyangen. Halos sumayad ang katawan ng bakunawa sa malinis na tubig ng bukal at pilit na iniabot ni Bathala ang kamay nito sa tubig upang isalok ang kanyang kamay para makakuha ng tubig. Pagkasalok sa tubig ay kaagad na tinikman ang napakasarap at malamig na tubig ng bukal. Pumailanlang sa kalawakan ang bakunawa at ikinumpas ni Bathala ang kanyang mga kamay sa himpapawid. Tila banig na kusang tumiklop ang mga maiitim na ulap sa kalangitan at napalitan iyon ng napakaaliwalas na panahon.

Bumulusok sa paglipad padausdos sa mga makakapal na dahon ng mga puno sa kagubatan ang Bakunawa. Dumaan ito sa mga pagitan ng mga naglalakihang mga katawan ng mga nagtatayugang mga puno na kusang bumabaluktot upang bigyang daan ang paglipad ng Lintik. Tila isang napakalaking ahas na lumilingkis sa mga naglalakihang mga puno na kanyang nadadaanan. Pagdating sa bangin ay tanaw na tanaw ni Bathala ang napakagandang talon na kung saan ibinabagsak nito ang malamig at napakalinaw na tubig sa ilog. Naging maingat at marahan ang paglipad ng Bakunawa habang papalapit sa talon.
Lumundag si Bathala mula sa Bakunawa at tila sinalo siya ng hangin na marahang lumapag ang kanyang mga paa sa napakalaking bato. Tumingala si Bathala sa Bakunawa at itinaas nito ang kanyang kanang kamay. Sa isang iglap ay naging mga hibla ng kuryente ang Bakunawa na tila hinihigop ng nakataas na kamay ni Bathala. Muli ay naging tungkod ang kanina'y nilalang na Bakunawa, ang tungkod na tinatawag niyang Lintik.

Ang kaharian ng Kalangitan ay hindi matatagpuan saan mang lugar sa Sanlibutan. Walang sino man ang nakakaalam kung saan ito matatagpuan maliban lamang sa mga diyos at diyosa ng kalangitan kung saan lahat sila ay dito nagsimula. Ang mga pinatalsik na taga Kalangitan ay nawawalan ng kakayahang makabalik pa roon at magiging bahagi na lamang ng mga nilalang ng Sanlibutan. Ang ilan ay umaanib sa kadiliman upang maghiganti sa Kalangitan lalo na kay Bathala na nagpatapon sa kanila.

Mula sa likod ng mga bumabagsak na mga tubig ay tila kurtinang nahati sa gitna ang tubig na bumabagsak sa talon at mula roon ay iniluwa nito ang isang matangkad na babae na mahaba ang alon-along buhok. Kasama nito ang isang batang babae na sabik na sabik na tumakbo papalapit kay Bathala. Buong pananabik na yumakap ang batang babae kay Bathala at nagpabuhat siya sa kanya.

"Kumusta na ang napakagandang diyosa sa buong Kalangitan?" Ang tuwang-tuwang tanong ni Bathala sa bata.

"Halos ilang araw na hindi ako kinakausap ng batang iyan mahal na Bathala. Pilit niya akong niyayaya na puntahan ka sa iyong palasyo." ang tugon ng babaeng kasama ng bata. Tumingin si Bathala sa kanya at pagkatapos ay muling ibinalik nito ang kanyang mga mata sa bata.

"Totoo ba iyon, Kasanaya? Gusto mong makapunta sa aking palasyo?" Ang nakangiting tanong nito sa bata.

"Oo naman po amang Bathala. Kailan po ba ninyo ako dadalhin sa palasyo po ninyo para makalaro ko naman sina Bulan at Tala?" Ang tanong ni Kasanaya sa diyos na tinuturing na niyang ama.

Hinalikan ni Bathala ang ulo ni Kasanaya at saka hinawakan nito ang baba ng bata at tumingin sa mga mata nito. "Ano ba ang sabi ko sa'yo?" Ang tanong niya.

"Maghintay lamang ng tamang pagkakataon at sa tamang panahon."
Ang mabilis na tugon ni Kasanaya kasabay ng pagkamot sa ulo nito.

"O, alam mo naman pala eh." Ibinaba niya si Kasanaya at umupo ito sa kanyang harapan. "Huwag kang mag-alala. Kapag nasa tamang gulang na kayo nina Bulan at Tala, sila mismo ay dadalhin ko rito para makalaro mo." ang dugtong ni Bathala.

"Lagi na lang po, sabi po ninyo bawal magsinungaling pero kayo po mismo nagsisinungaling." Ang tugon ni Kasanaya. Napahakbang ang babaeng kasama ni Kasanaya pagkarinig niya sa bata.

"Kasanaya! Matuto kang gumalang kay amang Bathala! Hindi kita tinuruan ng ganyan!" Ang malakas na boses na sabi ng babae.

"Ano na naman ang maling nasabi ko? Totoo naman kaya ang sinasabi ko eh!" Ang pangangatwiran ni Kasanaya. Namuo ang mga luha sa mga mata ng bata at humihikbing napatingin kay Bathala at saka mabilis na tumakbo papasok sa talon.

"Kasanaya!" Ang tawag ng babae sa kanya.

"Hayaan mo na siya Amihan. Bata pa siya kaya hindi pa niya alam ang nasasabi niya. Lalo na may pagkukulang talaga ako sa kanya." Ang wika ni Bathala.

"Marahil tama po kayo mahal na Bathala. Madalas po kasi naghahanap siya ng pag-aaruga at pagmamahal ng mga magulang. Hindi po siya nawawalan ng mga tanong na madalas ay hindi ko na kayang sagutin pa. Wala siyang kaalam-alam sa kinahinatnan ng kanyang tunay na mga magulang..."

"Si diyosang Cusi..." napapikit si Bathala at pilit na inalala ang mga pangyayari ng ipinakulong niya ang diyosa at mahatulan ng kamatayan. Si diyosang Cusi na umibig sa isang lalakeng manggagaway na ipinagbabawal sa kanilang kaharian. Si diyosang Cusi na nagkaanak ng kambal, ang isa ay naitakas nito at wala na siyang balita sa bata maging sa diyosa. Ang isa naman sa mga kambal ay hinatulan din niya itong patayin, itapon sa lawa ng Luwalhati para doon lunurin at kainin ng mga Dapo.

Pero hindi nito nakayanang patayin ni Bathala ang sanggol kahit alam niyang nananalaytay mula rito ang dugo ng isang manggagaway. Ang dugo ng kadiliman at kasamaan. Hindi niya alam kung anong kapangyarihan ang lulukob sa bata, pero naniniwala siya sa kabutihan ng isang nilalang na nilikha dahil sa kabutihan ng Diyos na may-likha ng lahat. Nagdesisyon siyang huwag patayin ang bata at huhubugin ito sa pagmamahal at kabutihan. Pinakiusapan niya si Amihan na alagaan ang bata at pinangalanan nila itong Kasanaya na ang ibig sabihin sa kanilang salita na 'siyang hinubog sa kabutihan.'

Palihim ang pagpunta ni Bathala sa kagubatan ng Gariun sa mga kabundukan ng kalangitan. Sa likuran ng isang talon ay may lihim na kuweba, doon ay piniling alagaan ni Amihan ang batang si Kasanaya. Pinilit na hinubog ni Amihan sa kabutihan ang batang babae para mailihis ang landas na tatahakin nito mula sa kasamaan patungo sa kabutihan.

"Huwag tayong susuko Amihan. Magiging ama ako kay Kasanaya. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa kanyang ina na si Cusi. Hindi ko siya dapat hinatulan ng ganoong kaparusahan."

"Ginawa po lamang ninyo ang nararapat mahal na Bathala. Sinunod po lamang ninyo kung ano ang nakasulat sa batas."

"Pero, ako ang tumayong ama kay Cusi, ako na dapat pumrotekta sa kanya."

"Pero iyon po ang nakakabuti sa lahat mahal na Bathala. Naging patas lang po kayo sa lahat ng nilalang ng kalangitan. Ipinakita po lamang ninyo na kahit sarili po ninyong anak ay hindi ninyo papanigan kapag nagkasala ang mga ito."

Pumasok sila sa loob ng talon at doon ay ang bukana ng kuweba na kinakapitan ng mga naglalakihan at matatabang mga tahong at talaba. Madilim ang papasok sa loob ng kuweba, madulas ang maputik na daanan nito. Ilang metro ang layo sa bukana ay kakaibang liwanag ang makikita mula rito. Nagkalat ang mga iba't-ibang mga halaman na punong-puno ng mga naggagandahang mga bulaklak. May sariling klima ang kuweba. May mga puting ulap na mabagal na lumilipad sa napakataas na kisame nito na punong-puno ng mga naghahabaang stalactite at stalagmite. Mga makukulay na paru-paro ang abala sa paglipat-lipat sa mga makukulay na bulaklak. Mga iba't-ibang uri ng mga ibon ang lumilipad sa kisame ng kuweba na kung saan may malaking butas para malayang makapasok ang sikat ng araw. Kasabay ng mga paru-paro ay ang mga lambanang magigiliw na nag-aawitan habang nangongolekta ng mga pulot sa mga pukyutan. Isang napakagandang paraiso para sa isang batang napamahal na kay Bathala.

"Marahil ay panahon na para ipakilala siya kina Bulan at Tala. Hindi siya dapat nakakulong dito sa lugar na ito dahil kung tutuusin ay wala siyang kasalanan sa mga pangyayari sa nakaraan." Ang wika ni Bathala.

"Pero mahal na Bathala, hindi po ba na dapat po muna ninyong pag-isipan ang sinasabi po ninyong iyan? Baka po kasi hindi pa handa sina Bulan at Tala lalo na sa asawa po ninyong si Aurora." Ang nababahalang wika ni Amihan.

"Marahil ito na ang tamang panahon para itama ko ang pagkakamaling nagawa ko at makabawi man lang sa nagawa kong kasalanan kay Cusi." Ang tugon ni Bathala.

"Pero, mahal na Bathala, wala po kayong nagawang pagkakamali." Ang pagtutol ni Amihan kay Bathala na natigil sa kanyang pagsasalita ng inilagay ng diyos ang kanyang dalawang daliri sa mga labi nito.

"Alam ko ang ibig mong sabihin Amihan. Kaya nga nandito ka di ba? Para tulungan ako kay Kasanaya na hubugin siya sa kabutihan at ilayo siya sa kasamaan."

Gusto pa sanang magsalita ni Amihan pero minabuti na lamang niyang huwag na itong ituloy. Natutuwa siya na pinagkakatiwalaan siya ni Bathala. Tumango siya kay Bathala at pilit na ngumiti bilang pagsang-ayon sa kanya. Marahil ay masyado lamang siyang nag-aalala kay Bathala na itinuring na rin niyang isang tunay na ama.

Nakita nila si Kasanaya na nakahiga sa kanyang napakalambot na higaan. Doon ay nilapitan ni Bathala ang bata at saka niya ito kinausap at inaro. Pinangakuan na ipapakilala na ito sa dalawang anak niya sa susunod na dadalaw ang diyos ng Kalangitan sa kanya. Namilog ang mga mata ni Kasanaya sa kanyang narinig at muling yumakap kay Bathala. Hindi maibsan ang tuwa kay Kasinaya na sa wakas ay makikilala na rin niya ang dalawang diyosa.

Lumipas ang ilang araw ay muling bumalik si Bathala sakay ng kanyang Bakunawa. Sa pagkakataong iyon ay hindi na ito nag-iisa dahil kasama na niya sina diyosang Bulan at Tala na pawang mga bata na tulad ni Kasanaya. Mabait ang dalawang diyosa kaya madali niyang nakapalagayang loob ang dalawa. Wala silang ginawa maghapon kundi ang maghabulan at maglaro sa loob ng napakagandang kuweba.

Itinuring na bunsong kapatid nina diyosang Tala at Bulan si Kasanaya kaya puro kabutihan ang ipinapakita nila sa kanya. Pero may-isang kahilingan pa ang batang si Kasanaya, ito ay ang makapunta sa palasyo ni Bathala.

"Hindi pa panahon para maisama kita sa palasyo mahal kong Kasanaya. Humiling ka muna ng iba at ibibigay ko sayo." Ang wika ni Bathala.

"Ha basta! Hindi po ninyo ako mahal, hindi naman po totoo ang sinasabi niyo. Hindi po kayo tumutupad sa pangako, manloloko po kayo!" Ang matigas na wika ni Kasanaya.

"Di ba tinupad ko naman ang sinabi ko sa'yo? Kaya nga madalas kang dinadalaw nina diyosang Tala at Bulan dito sa tahanan mo?" ang katwiran ni Bathala sa kanya.

"Tinupad nga po ninyo iyon pero hindi ang pagsama sa akin para makita at makapaglaro sa inyong palasyo. Sawang-sawa na po ako sa maputik na lugar na ito. Gusto kong maglaro sa makinis na marmol na sahig ng iyong palasyo, makita ang napakalawak na hardin at maligo sa bukal ng mga imortal." Ang wika pa rin ng hindi makumbinsing si Kasanaya na nakatalikod kay Bathala.

"Kasanaya, huwag matigas ang ulo. Magbigay respeto ka kay Bathala." Ang pagsaway ni Amihan sa kanyang alaga.

Marahil ay napaisip si Bathala sa mga sinabi ni Kasanaya. Paano niya nalaman ang tungkol sa bukal ng mga imortal? Marahil nabanggit ito ng kanyang dalawang anak na babae sa bata. Alam ng mga taga Kalangitan na patay na ang naiwang anak ni Cusi kaya kapag nalaman nila na buhay pa ito ay marami ang magagalit at susubok na patayin ang bata. Magkakaroon na naman ng dahilan para gumawa ng gulo ang mga makakaliwang grupo sa hanay ng mga diyos at ayaw na niyang mangyari pa ito gayong matagal-tagal na rin ang natatamasa nilang kapayapaan sa Kalangitan.

"Kasanaya, darating ang araw ay isasama rin kita sa aking kaharian, sa palasyo. Makakapaglaro ka rin kahit saang parte ng aking tahanan kahit kailan mo mo gusto kasama sina Bulan at Tala. Pero hindi pa ito ang tamang panahon anak." Ang muling paliwanag ni Bathala kay Kasanaya.

Nangilid ang mga luha sa mata ni Kasanaya. Mabibilis ang kanyang mga paghinga at galit na galit sa kanyang narinig mula kay Bathala.

"Konting tiis na lang mahal ko at maisasama rin kita sa aking palasyo."
Pilit na pinatatahan ni Bathala si Kasanaya pero umiwas ang bata at mabilis na tumakbo papalabas ng kuweba papunta sa kagubatan.

Pumiling-piling ang ulo ni Amihan na tila nahiya pa sa inasal ni Kasanaya. Siya ang nag-alaga sa bata kaya malaki ang responsibilidad niya sa nagiging asal nito.

Humarap si Amihan kay Bathala at yumuko ito sa harapan niya. "Ipagpaumahin po ninyo ang naging asal ni Kasanaya mahal na Bathala. Hayaan niyo po at kakausapin ko para maituwid ang baluktot niyang ugali."

"Hindi Amihan, wala kang kasalanan sa nagiging asal ng bata. Kagagawan ko kung bakit nagkakaganyan si Kasanaya. Hayaan mong ako na lamang ang magtutuwid sa kanya.

"Mahal kong ama. Kasalanan ko po kung bakit nagiging mapilit ngayon si Kasanaya sa pagpunta sa inyong palasyo." Ang wika ni diyosang Bulan mula sa kanilang likuran. Ibinaling nina Bathala at Amihan ang kanilang paningin kay Bulan.

"Anong ibig mong sabihin mahal kong anak?" Ang tanong ni Bathala.

"Eh kasi po ama, ikwinento po namin ni Tala sa kanya ang mgagandang tanawin sa ating kaharian lalo na ang bukal ng mga imortal." Ang tugon ni Bulan sa ama.

Lumapit si Bathala kay Bulan at saka hinagod ang likuran ng anak. "Wala kang kasalanan anak kaya huwag mo ng alalaanin pa iyon." Ibinaluktot ni Bathala ang kanyang harapan at tiinitigan niya sa mata si diyosang Bulan. "Mas mabuti pa ay sundan mo na lang doon sa labas ng kuweba si Kasanaya. Baka gusto niyang maglaro."

"Sisige po mahal na ama." Ang tugon ni diyosang Bulan at mabilis na tinungo ang kinaroroonan ni Kasanaya.

Paglabas ni diyosang Bulan sa kuweba ay una niyang hinanap si Kasanaya. Iginala nito ang kanyang mga mata sa kagubatan.

"Kasanaya?! Si Bulan ito, tara maglaro tayo kasama si Tala!" Ang malakas na sigaw ni Bulan habang binabagtas ang daan patungo sa masukal na kagubatan. Pinakinggan ni Bulan ang kapaligiran ngunit walang naging tugon si Kasanaya. Tanging mga huni ng iba't-ibang uri ng mga ibon at mga hayop ang kanyang naririnig.

"Kasanaya, nasaan ka? Tara maglaro na tayo ni Tala sa kuweba!" Ang muling tawag ni Bulan. Iyon ang unang pagkakataon na tumapak sa makapal na kagubatan ang batang diyosa kaya kaba at takot ang namamayani sa kanya ng mga oras na iyon.

Lalong nagbigay takot kay diyosang Bulan ang mga kaluskos sa paligid at malalakas na mga huni ng mga ibon at mga hayop na noon pa lamang narinig sa buong buhay niya. Hindi rin siya sanay sa loob ng kagubatan kaya inaalala rin niya na baka maligaw siya rito at hindi na makabalik pa sa kanyang ama. Hindi pa niya gaanong natututunan ang kanyang kapangyarihan at hindi pa sapat para maipagtanggol ang kanyang sarili.

"Kasanaya, magpakita ka na, natatakot na ako kaya pakiusap magpakita ka na. Huwag kang mag-alala kakausapin ko si ama para isama ka na niya sa palasyo." ang wika ng takot na takot na si diyosang Bulan.

Nananatiling walang tugon mula kay Kasanaya at hindi na rin alam ni Bulan kung saan ang pabalik sa kuweba. Ang tanging palatandaan niya ay ang pagbagsak ng tubig sa talon na yumuyungyong sa bukana ng kuweba kung saan naroroon sina Bathala, Amihan at ang kapatid niyang si Tala.

Kahit saan man siya lumingon sa kanyang paligid ay puro mga mayayabong na mga halaman at masukal na kagubatan ang kanyang nakikita. Gusto na niyang maiyak at sumigaw para humingi na ng saklolo pero gusto niyang patunayan na malakas siya at kaya niya ang sarili lalo na sa ganitong sitwasyon. Maaaring nakikipaglaro lamang si Kasanaya sa mga lambana at mga hayop sa kagubatan.

Biglang napalingon sa kanyang likuran si Bulan ng may tila may mabilis na kung anong nilalang ang dumaan mula roon. Napalunok ang batang diyosa at lalong sumidhi ang kanyang nararamdamang takot.

"Kasanaya! Hindi na ito nakakatuwa. Magpakita ka na at babalik na tayo sa loob ng kuweba. Hinihintay na tayo nina Amang Bathala, diyosang Amihan at Tala." Ang muling sigaw ni diyosang Bulan.

Muli ay napalingon si diyosang Bulan sa kanyang likuran ng muling maramdaman ang nilalang na mabilis na dumaan sa kasukalan. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan ng umiyak si Bulan.

Naisip niyang tawagin na ang kanyang Ama. Pakiramdam niya ay hindi na siya ligtas sa kagubatang iyon. Akmang tatawagin na sana ang kanyang ama ng matigilan siya sa nakakakilabot na pag-atungal ng kung anong nakakatakot na nilalang na maaaring nasa paligid lamang niya. Sa takot ay iginala ni diyosang Bulan ang kanyang mga mata at mula sa kanyang harapan ay kitang-kita nito ang isang nilalang na nakatayo sa kasukalan. Hindi malinaw sa kanyang paningin ang nilalang dahil natatakpan ito sa mga mayayabong na sanga ng mga puno.

Sinubukang gamitin ni diyosang Bulan ang kanyang kapangyarihan. Pero ng dahil sa takot ay hindi niya ito magawa. Paulit-ulit na sinubukan ni diyosang Bulan ang paggamit sa kanyang kapangyarihang pero bigo siya na magamit ito lalo na ng makitang unti-unti ng lumalapit sa kanya ang maitim na nilalang.

"Hindi, hindi..." ang nanginginig sa takot na si Bulan habang patuloy pa ring sinusubukan ang kapangyarihan. Nang mapansing nagsisimula ng tumakbo papunta sa kanya ang nilalang ay nagdesisyon na rin siyang tumakbo para matakasan ang nakakatakot na nilalang.

"Amang Bathala, Tulong! Tulungan niyo ako!" Ang malakas na sigaw ni Bulan habang pinipilit na makatakbo papalayo sa itim na nilalang.

Sa loob ng kuweba ay napansin ni Tala na wala ang kanyang kapatid. Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at saka nagpaalam sa mga lambanang naghahandog sa kanya ng matatamis na pulot-pukyutan. Masyado siyang naaliw kaya hindi niya namamalayan na wala na sa kanyang tabi ang nakatatandang kapatid na si Bulan. Hinanap ng kanyang mga mata ang amang si Bathala na kasalukuyang nakikipag-usap kay Amihan.

Kaagad na pinuntahan ni Tala ang ama at hinanap si diyosang Bulan. "Mahal kong ama, nasaan po si Bulan?" Ang usisa niya sa ama

Sabay na tumingin sa kanya sina Bathala at Amihan. Lumapit sa kanya si Bathala. "Tala, mahal kong anak. Si Bulan nasa labas ng kuweba at marahil ay naglalaro sila ni Kasanaya." Ang tugon ni Bathala sa pinakamamahal na anak.

"Ano po? Bakit hindi man lang po nila ako niyaya?" Ang malungkot na wika ni Tala.

"Mahal kong Tala, masyado ka kasing naging abala kasama ng mga lambana kaya hindi ka na siguro nayaya ng iyong kapatid." Ang nakangiting wika ni Bathala.

"Nasa labas lang sila diyosang Tala. Puwede mo silang puntahan doon." Ang sabi naman ni Amihan.

"Sige po ama, diyosang Amihan. Pasensya po sa pag-abala ko sa inyong pag-uusap. Pupuntahan ko na lang po sila sa labas."

Ngumiti lamang si Bathala at nginitian ang anak. Sinundan niya ng tingin si Tala habang papalabas ng kuweba.
-----------

Lalong binilisan ni diyosang Bulan ang pagtakbo papalayo sa itim na nilalang. Halos humagulgol na siya sa kanyang pag-iyak dahil sa sobrang takot. Pero sa hindi inaasahan ay nawalan siya ng balanse dahilan para bumagsak siya sa sahig ng kagubatan. Naramdaman ni diyosang Bulan ang matinding sakit sa kanyang tuhod. Halos mabalatan ang makinis niyang tuhod at palad pero pinilit pa rin niyang tumayo. Pero ramdam niya ang papalapit na mga yabag mula sa itim na nilalang.

Nilakasan ni diyosang Bulan ang kanyang loob at nagdesisyong harapin ang itim na nilalang. Kailangan niyang harapin ang kanyang takot lalo na't baka isa ito sa mga pagsubok ng kanyang ama. Kahit na nararamdaman niya ang sobrang sakit ay hinarap niya ang nilalang na humahabol sa kanya at sa di inaasahan isang metro na lamang ang layo ng nilalang sa kanya. Imposible na para lay diyosang Bulan na umiwas pa sa itim na nilalang sa kanyang pag-atake kaya tanging pagpikit na lamang sa mga mata ng batang diyosa ang kanyang nagawa.

"Aaaahhhh!!!" Ang sigaw ni Bulan.

Pero tumagos lamang sa kanya ang itim na nilalang na naging itim na usok at pumaimbabaw sa makakapal na sanga ng mga puno sa kagubatan. Malamig na hangin ang naramdamang dumaan sa katawan ni diyosang Bulan at amoy asupre ang nangibabaw sa paligid. Dinig na dinig ng batang diyosa ang ang mabibilis na pintig ng kanyang puso ng dahil sa sobrang takot. Ilang minuto rin siyang nanatili sa ganoong posisyon at nakapikit ang mga mata. Ayaw na niyang buksan pa ang kanyang mga mata dahil baka sa kanyang pagmulat ay naroroon pa rin ang itim na nilalang. Humahagulgol siya sa kanyang pag-iyak, sinasambit ang pangalan ng kanyang amang si Bathala at inang si Aurora.

"Bulan! Ate! Tulungan mo ako...tulong!"

Ang sigaw ng isang pamilyar na boses sa kanya.

"Kasanaya?" Ang halos pabulong na wika ni diyosang Bulan pagkarinig sa boses ng humihingi ng saklolo.

"Ate, tulong dali...tulungan mo ako hindi ko na kaya!" Ang muling panaghoy ni Kasanaya.

"Kasanaya!" Ang malakas na sambit ni diyosang Bulan. Sa pagkakataong iyon ay binuksan ni Bulan ang kanyang mga mata at pilit na hinanap ang pinanggagalingan ng boses.

Pinilit na tumayo ni Bulan kahit na nananakit ang natamo nitong sugat sa kanyang tuhod. Ang takot na naramdaman niya kanina ay napalitan ng pangamba para kay Kasanaya. Paano kung si Kasanaya ang inatake ng itim na nilalang kanina? Kailangan niyang mahanap ang itinuturing na niyang kapatid, kailangan niya itong mailigtas kung ito man ay nasa panganib.

"Kasanaya, nasaan ka?!" Ang sigaw niya at hindi na naisip na baka nanganganib din ang kanyang buhay.

"Ate? Bulan?" ang tugon ni Kasanaya na tila narinig siya nito.

"Kasanaya, saan ka? Anong nangyari sa'yo?" Ang halos maiyak muling tanong ni diyosang Bulan.

"Dito...bilis ate, hirap na hirap na ako...hindi ko na kakayanin pa."

Wala ng inaksayang pagkakataon pa si diyosang Bulan. Muli ay patakbo niyang sinundan ang pinanggagalingan ng boses ni Kasanaya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at ano ang madaratnan niya pagkakita kay Kasanaya. Ang importante sa kanya ay mailigtas niya ang itinuturing na niyang kapatid sa panganib.

"Ate, asan ka na? Hindi ko na kaya ate, hirap na hirap na ako..."

"Huwag kang susuko! Malapit na ako andiyan na ako." Ang halos namamaos ng tugon ni diyosang Bulan. Nang di inaasahan ay natisod siya sa isang mabigat pero may kalambutang bagay. Bumagsak na nakadapa sa malambot na damuhan si diyosang Bulan at namilipit sa sakit sa muling pagtama ng natamong sugat sa kanyang tuhod.

Nakangisngis na pilit na tumayo ni diyosang Bulan mula sa kanyang pagkadapa. Pero halos lumuwa ang kanyang mga mata sa nakita niya sa lugar kung saan siya naroroon. Isang lugar na kung saan mahigit isang daang mga nilalang na elemental ang naroroon at wala ng buhay. Karamihan ay unti-unti ng nabubulok at nagiging bato at abo. Lahat ay may iisang sugat sa kanilang mga leeg.

"Mahabaging amang Bathala..." ang tanging nasambit ni Bulan na napatakip sa kanyang bibig.

"Aaate..." ang sabi ng boses na nagmumula sa itaas ng isang puno sa harapan ni diyosang Bulan.

Halos manginig ang buong katawan ni diyosang Bulan na tumingala sa itaas ng puno sa kanyang harapan. Napanganga sa takot si diyosang Bulan pagkakita sa isang batang babae na nasa itaas ng puno. Hindi siya puwedeng magkamali dahil sigurado siya na si Kasanaya ang batang babae sa itaas ng puno. Pero may kakaiba sa kanya. Higit na mabibilog at malalaki ang kanyang mga mata, mahahaba ang mga kamay at paa maging ang mga daliri nito. Mapuputi at matutulis na mga pangil na nilalaro ng napakahabang dila. Takam na takam sa kanya si Kasanaya na tila sinapian ng nilalang ng kadiliman.

Huli na para kay diyosang Bulan na takasan ang nilalang na si Kasanaya. Nilundagan siya nito kasabay ng pagtusok ng mga matatalim na ngipin sa kanyang leeg upang sipsipin ang dugo at mapasakanya ang kapangyarihan ni diyosang Bulan. Hindi na nakuhang sumigaw pa ng batang diyosa.

Sa labas ng kuweba ay dumaan sa talon si diyosang Tala at mabilis na tinungo ang daan patungong gubat. Minasdan niya ang buong paligid dahil baka naroroon lamang sina Bulan at Kasanaya.

Naglakad siya papunta sa bukana ng kagubatan at laking pagtataka niya ng biglang sinalubong siya ng isang napakalakas at malamig na hangin na tila may gustong ipahiwatig sa kanya. Isang nakakabinging katahimikan ang namayani sa buong paligid at gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Tala. Bigla niyang naisip ang kanyang kapatid at nagsimulang kumabog sa dibdib ang kanyang puso.

"Bulan..." ang halos pabulong niyang sambit sa pangalan ng kapatid.

Nang mula sa kasukalan ay nakaramdam ng mga yabag si diyosang Tala. Napahakbang paurong si Tala at hindi inalis ang kanyang mga mata sa pinanggalingan ng mga yabag.

Pilit na nilakasan ni Tala ang kanyang loob at sinubukang lumapit sa kung saan niya narinig ang mga yabag at kaluskos sa kasukalan. Pero isang sugatang batang babae ang bigla na lamang lumitaw sa kasukalan sa kanyang harapan at biglang yumakap sa kanya. Dahilan para pareho silang bumagsak sa madahong sahig ng gubat.

"Bulan? Anong nangyari sa'yo?" Ang tanong ng nag-aalalang si Tala.

"Si...si Kasanaya, si Kasanaya..." hindi na nakuha pang maituloy ni diyosang Bulan ang kanyang sinasabi ng mawalan na ito ng malay.

"Amang Bathala, si Bulan!!!" Ang malakas na sigaw ni Tala na umalingawngaw sa paligid ng talon.

-------------

Sa silid ng palasyo ni diyosang Bulan ay taimtim na tinapos nito ang kanyang pag-inom ng dugo ng isang Tikbalang. Bakas ang kasiyahan sa kanyang matandang mukha habang titig na titig sa dalawang pinakamakapangyarihang armas sa Sanlibutan. Ang kalahati ng Eskrihala at ang Lintik na tungkod ni Bathala na ngayon ay nasa kanyang harapan na. Malapit na niyang maisakatuparan ang tuluyang pagwasak sa mundo ng mga tao at ang kamatayan ni Tala. Sisimsimin muna niya ang kapangyarihan ng diyosa bago niya ito papatayin. Sa pagkakataong iyon ay ang dugo at kapangyarihan na lamang ng babae sa propesiya ang kanyang kailangan at siya na ang pinakamakapngyarihang diyos ng Sanlibutan.

Sa kabilang kuwarto ay wala pa ring malay si diyosang Tala. Sa kanyang tabi ay nakabantay si Mariang Sinukuan o si Laurea sa mundo ng mga tao.

Continue Reading

You'll Also Like

369K 24.8K 144
Katropa Series Book 13 - Matapos ang matinding trahedyang nangyari sa pamilya sa kamay ng mga tao sa simbahan, tuluyan nang tumalikod ang Nephilim na...
179K 5.3K 45
Si Airy, ang huling Fairy Warrior ay lalaban para sa kalayaan ng kanyang lupain mula sa masamang si Queen Fright. Ngunit hindi madali ang tatahakin n...
249K 5.9K 69
(COMPLETED) Isang binibini na ang nais lamang ay mamuhay ng mapayapa ngunit ng inilipat siya ng kanyang mga magulang sa isang paaralan doon na nagsim...
3.5K 71 53
Girlie Justine Samalca is a secret agent who disguised as an assistant detective. As a request from his twin brother, Ignacio Santiago, she enters th...