Sirene (Published by ABS-CBN...

By UndeniablyGorgeous

5.6M 182K 197K

May isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas... More

Prologo
Sirene I
Sirene II
Sirene III
Sirene IV
Sirene V
Sirene VI
Sirene VII
Sirene VIII
Sirene IX
Sirene X
Sirene XI
Sirene XII
Sirene XIII
Sirene XIV
Sirene XV
Sirene XVI
Sirene XVII
Sirene XVIII
Author's Note
Sirene Book

Epilogo

207K 8.8K 19.4K
By UndeniablyGorgeous

[Epilogo]

After 5 years (Pilipinas, 1946)

"Mga bata naniniwala ba kayo sa mga sirena?" panimula ng isang matandang lalaki na taga-sagwan ng bangkang bumabyahe patawid sa isla ng Palawan. Nagsitaasan naman ng kamay ang mga batang babae dahil sa tuwa.

"Ako po! Naniniwala po ako!"

"Ako rin po! Isa po akong sirena!"

"Magkakabuntot po ako mamayang gabi hihi" tawa naman ng isa, napalingon naman sa kanila ang mga pasahero ng bangka dahil sa pananabik ng mga bata lalo na kapag tungkol sa sirena ang usapan. sampung katao ang kayang isakay ng bangka na siyang sinasagwan ng dalawang lalaki sa magkabilang dulo.

"Nais niyo bang makarinig ng kwento tungkol sa mga sirena?" ngisi pa ng matandang taga-sagwan na nanabik na sa salapi. Nagsitayuan naman ang mga bata sa tuwa dahilan upang umalog ang bangka kaya dali-dali niyang pinaupo ang mga ito.

Inilahad na ng matandang lalaki na taga-sagwan ang kaniyang palad sa mga magulang ng batang iyon upang humingi ng pambayad sa istoryang sasabihin niya. Nagbigay na lang sila ng bayad dahil interesado rin sila makinig sa kung ano bang sasabihin ng matandang iyon.

Nang matanggap na niya ang ilang barya ay agad na niya itong ibinulsa sabay ngiti muli sa mga bata "Ayon sa alamat, noong unang panahon may apat na sirenang tagapagbantay sa paligid ng Pilipinas. Sila ay mga anak ng dyosa ng karagatan na si Maguayan. Kada buwan tuwing kabilugan ng buwan pagsapit ng hatinggabi ay nag-aalay sila ng buhay ng tao para sa karagatan. Masasama ang ugali ng mga sirenang iyon, mababangis, at kasuklam-suklam ang kanilang mga itsura dahil kumakain sila ng tao" panimula ng matandang taga-sagwan.

Napatulala naman ang lahat sa kaniya lalo na ang mga bata dahil ang inaakala nilang mala-pantasya at prinsesa na buhay ng mga sirena ay nakakatakot pala. "Mahilig sila sa mga sanggol at mga batang iyakin, pinaka-paborito nila sa lahat ang lamang-loob ng mga bata at ang mga sariwang dugo ng mga ito----" hindi na natapos ng matandang taga-sagwan ang ikinukwento niya dahil biglang nagsiiyakan ang mga bata at tinakpan ng kanilang mga magulang ang tenga nila.

Nagising naman si Nikolas sa ingay ng mga batang umiiyak at sa pagtatalak ng mga magulang sa matandang lalaking taga-sagwan. "Ibalik mo ang aming salapi! Tinakot mo pa ang mga anak namin!" reklamo ng isa habang sinasabayan naman siya ng ibang mga nanay ng "Oo nga! Oo nga! ibalik mo ang aming salapi!"

At dahil hindi na makatiis si Nikolas, dahan-dahan siyang sumingit sa mga pasahero hanggang sa makarating siya sa harapan, sa tabi ng matandang taga-sagwan. "Anong kaguluhan ito?" swabeng tanong ni Nikolas na animo'y isa siyang hari.

Nagulintang naman ang matandang lalaking taga-sagwan at agad nagbigay galang sa kaniya, hinubad nito ang kaniyang sumbrero at itinapat sa kaniyang dibdib "M-magandang umaga ho, ser" bati nito. Napahalukipkip naman si Nikolas sabay tingin sa kaniya.

Isa na siyang ganap na sundalo ngayon sa Hukbong Sandatahan ng mga Amerikano at Pilipino. Suot niya ang kaniyang kompletong uniporme na mas lalong nakadagdag sa kaniyang angking kagwapuhan at kakisigan. Kakatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II) at natalo na ng mga Amerikano at Pilipino ang mga Hapones.

Kasalukuyang isinasaayos muli ang mga bayang napinsala lalo na ang Maynila. Pinayagan lang umuwi si Nikolas dahil ngayon ang ika-unang anibersaryo ng pagkamatay ng kanilang Inang Diday na namatay noong nakaraang taon dahil sa katandaan. Bukod doon ay bukas na ang araw ng Pasko.

"Bakit ka naninikil ng salapi mula sa taong-bayan nang hindi nagbibigay ng magandang serbisyo bilang kapalit?" seryosong tanong ni Nikolas sa taga-sagwan na iyon. Nagtatapang-tapangan lang siya upang ibalik na nito ang mga salapi.

"P-pasensiya na po ngunit ikinukwento ko lamang sa kanila ang katotohanan tungkol sa mga sirena na tagapagbantay ng perlas ayon sa alamat" paliwanag nito, nagsimula namang magsiputakan ang mga nanay at pilit na pinapabalik ang kanilang mga salapi.

"Hep! Hep! Tahimik, isa-isa lang, hindi maririnig ng isang gwapong tulad ko ang mga hinaing ninyo" swabeng wika ni Nikolas sabay ayos sa kaniyang sumbrero na pang-militar. Napakunot naman ang noo ng mga reklamadorang nanay dahil kalmadong-kalmado lang si Nikolas na animo'y swabeng artista sa mga pelikula.

"Iyon nga ser, itong lalaking ito, naningil sa amin kapalit ng pagiistorya sa aming mga anak ngunit tinakot niya ang aming mga anak!" reklamo ng isa, tumalsik pa ang laway nito sa mukha ng matandang lalaki na agad nitong pinunasan.

"Nagsasabi lang naman ako ng totoo! kinuwento ko lang naman kung anong nalalaman ko tungkol sa mga sirena! Ano bang hinihimutok ng inyong bunbunan diyan?!" buwelta naman ng matandang lalaki, nagulintang naman ang mga nanay at sabay-sabay na naman silang nagtatalak. Hindi naman nagpatalo ang matandang lalaki na taga-sagwan at pinaulanan niya rin ng laway ang mga reklamadorang nanay.

Napapikit na lang sa ingay si Nikolas at agad niyang tinaas ang kaniyang kamay at pumagitna sa kanila. "Kapag hindi kayo tumigil, itataob ko ang bangkang ito!" banta ni Nikolas sa kanila na ikinagulat at ikinatahimik nila. Maging si Batchoy na ngumunguya lang ng kamote sa likuran ng bangka ay nagulat din dahil sa sinabi ng pinsan.

"Mabuti naman at tumahimik na rin kayo" wika ni Nikolas sabay senyas sa matandang lalaki na ibalik na niya ang salapi. Wala namang nagawa ang matandang lalaki kundi ibalik ang salapi na binayad sa kaniya. Tuwang-tuwa naman ang mga nanay ngunit pumuputak pa rin sila ng mahina dahil sa inis sa taga-sagwan.

Napakamot na lang sa ulo ang taga-sagwan kahit pa walan na siyang buhok. "Haay, noong kinuwento ko ang kabutihan ng mga sirena inaway ako at ngayon namang kinuwento ko ang totoong anyo nila, inaway pa rin ako" dismayadong wika ng matandang lalaki at nagpatuloy na lang siya sa pagsasagwan.

"Maraming salamat, Ser" wika ng mga nanay, napangiti naman sa kanila si Nikolas at isa-sang tumango sa kanila. Bumalik na siya sa likuran kung saan sila nakaupo ni Batchoy na ngayon ay kumakain ng kamote. Isa na ring sundalo si Batchoy at pareho silang pinayagang umuwi para sa anibersaryo ng kanilang inang Diday at sa darating na Pasko.

"Saan naman kaya niya nakuha ang kwento na halimaw at mamamatay tao ang mga sirena?" nagtatakang tanong ni Batchoy, maging siya ay ngayon lamang niya narinig ang kwentong iyon. Napakibit balikat naman si Nikolas sabay sandal sa upuan at ipinikit niya ulit ang kaniyang mga mata upang ipagpatuloy ang naudlot niyang tulog kanina.

***
Pagdating nila sa daungan, malayo pa lang ay napangiti at kumaway-kaway na agad si Batchoy sa kaniyang asawa na si Graciela na siyang nag-aabang sa daungan at lumulundag-lundag din doon sa tuwa. Kasalukuyang buntis ngayon si Graciela sa kanilang pang-limang anak ni Batchoy habang ang apat naman ay kasama rin ni Graciela sa daungan. Si Bernardo, Beatrice, Bogart, at Brandon na mga anak nila ay naroon din at naglalaro sa daungan.

Nang makababa sila sa bangka ay dali-daling tumakbo si Batchoy sa kaniyang pinakamamahal na asawa at hinalikan ito sa labi. Agad namang nagpakarga sa kaniya ang kaniyang apat na anak na ngayon ay tuwang-tuwa rin. Tumakbo at yumakap din ang mga bata sa kanilang tito Nikolas na agad silang binigyan ng mga tsokolate.

Nang makarating sila sa kanilang tahanan ay agad inasikaso ni Graciela ang tanghalian. Gawa na sa bato ang bahay ni Inang Diday, ginamit ni Nikolas ang naipon niyang salapi para sa pagpapagawa ng bahay. Naabutan pa ni Inang Diday ang maganda nilang bahay na lubos nagpasaya sa matanda noong nabubuhay pa ito.

Samantala, ang nakababatang kapatid naman ni Nikolas na si Carolina ay pinag-aaral niya ngayon sa Maynila. Hindi ito nakasama pauwi dahil nag-boluntaryo ito sa hospital para sa mga batang may sakit na walang kasama sa darating na Pasko.

"Ngayon ang huling araw ng padasal para kay Inang, mamayang hapon tayo bibisita sa kaniyang puntod" wika ni Graciela habang abala sa pag-aayos ng hapag. Paulit-ulit naman niyang sinasaway ang mga anak nila dahil nagtatakbuhan ito sa loob ng bahay.

"Siya nga pala, fiesta sa kabilang barrio, nais mo bang dalawin doon si Dolores?" nakangiting tanong ni Graciela kay Nikolas. Napangiti naman si Batchoy sabay sagi sa pinsan na nakaupo ngayon sa salas at nilalaro ang kambal na si Beatrice at Brandon na tatlong taong gulang pa lamang. Malulusog ang mga anak nila Graciela at Batchoy na animo'y sumasabak sa kainang-bayan araw-araw.

Hindi naman nakaimik si Nikolas at ngumiti na lang siya, halos taon-taon siyang kinakantyawan ng kaniyang mga kamag-anak at kaibigan na mag-asawa na. "Dalaga pa si Dolores, mabait, responsible, maalalahanin at maganda. Ano pa bang hinahanap mo, Kolas? baka mapag-iwanan ka na ng kalendaryo niyan" kantyaw pa ni Batchoy na ngayon ay pinapamukha pa kay Nikolas na naka-lima na siyang anak.

Natawa na lang si Nikolas sa pinagsasabi ni Batchoy sabay sandal sa sala "Hindi ko alam kung bakit wala akong gana mag-asawa" wika ni Nikolas, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Graciela at Batchoy. "Sigurado ka ba riyan? Mahirap tumanda mag-isa!" saad ni Batchoy, napatango-tango lang si Nikolas.

"Pakiramdam ko parang may mahalagang bagay na nangyari sa buhay ko na hindi ko maalala. Basta, hindi ko mapaliwanag ngunit parang may minahal na ako noon ng sobra kung kaya't hindi ko na kayang magmahal pa ng iba" tugon ni Nikolas, lumapit naman sa kaniya si Batchoy sabay abot ng isang tasa ng kape.

"Siya nga pala, may kakilala ba kayo na babaeng kulay pilak ang buhok? Madalas kong nakikita ang babaeng iyon sa aking panaginip ngunit hindi ko maaninag ang mukha niya" patuloy pa ni Nikolas, napailing-iling naman si Batchoy.

Kinuha naman na ni Nikolas ang kape at ininom iyon "Magpatingin ka na nga sa doktor, baka dulot lang iyan ng pakikisagupa natin sa gyera" saad ni Batchoy, hindi naman nakapagsalita si Nikolas. Marami sa kanilang mga kasamahang sundalo ay namatay noong gyera at karamihan din ay nasiraan ng bait lalo na dahil sa nakaka-trauma na dulot ng digmaan.

Sa pagkakataong iyon ay nagkatinginan na lang si Batchoy at Graciela sa pangambang nagkakaroon na ng mga 'Hallucinations' at 'Delusions' si Nikolas.

***

Matapos ang tanghalian, nagpaalam muna si Nikolas na mamasyal sa kabilang barrio para maki-pista. Malayo pa lang ay natanaw na niya ang mga makukulay na bandera na nakasabit sa buong barrio.

Abala rin ang lahat ng tao sa paghahanda sa kani-kanilang mga bahay para sa mga kaibigan, kakilala at kahit hindi kakilala na makikipista sa kanila. Nagkalat din ang mga nagtitinda ng mga makukulay na laruan para sa mga bata na ngayon ay bihis na bihis din suot ang kanilang magagandang damit. Ang mga babae ay tuwang-tuwa sa kanilang bestida.

Marami ring mga nagtitinda ng sorbetes, puto't kutsinta, taho at mga cotton candy sa daan. Napangiti si Nikolas ng makita ang isang batang babae at isang batang lalaki na humihingi ng sorbetes sa tindero ng libre.

Lumapit sa kanila si Nikolas "Dalawang sorbetes nga po" wika niya sa tindero, napatingin naman sa kaniya ang dalawang bata nang iabot na ng tindero ang dalawang sorbetes sa kaniya na agad naman niyang binayaran.

"Paano ba iyan, bawal sa akin ang sorbetes dahil sinisipon ako. Sino kayang maaaring tumulong sa akin na kainin ito?" nakangiting wika ni Nikolas at nagkunwaring lumingon-lingon sa paligid.

Agad namang napataas ang kamay ng batang lalaki na nasa edad limang taong gulang pa lamang "Ako po ginoo, nais ko po kayong tulungan"

"Ako rin po, tutulungan ko po kayong ubusin iyan" ngiti naman ng batang babae. Napaupo naman si Nikolas sa tapat nila para maging kapantay niya ang nga ito. Inabot na niya sa kanila ang dalawang sorbetes sabay ngiti.

"Mabuti na lamang dahil nariyan kayo upang tulungan ako" ngiti pa ni Nikolas, nanlaki naman sa tuwa ang mga mata ng dalawang bata dahil makakakain na sila ng sorbetes.

"Maraming Salamat po ginoo" halos sabay nilang wika at tumakbo na sila papalayo sa tuwa. Nag-unahan pa sila makarating sa plaza.

Tumayo na si Nikolas at napatigil siya nang biglang may nagsalita sa likuran niya "Tiyak na may kung ano na namang nakaing mabuting pagkain ang manggagantso na ito" wika ng isang pamilyar na boses ng babae na nakatayo ngayon sa kaniyang likuran.

Agad siyang lumingon sa likod at napangiri siya nang makita si Dolores. "Maligayang pagbabalik, Sergeant Nikolas Barrida" bati ni Dolores at nagbigay galang siya kay Nikolas. Natawa na lang si Nikolas dahil sa pormal na pagbati sa kaniya ng dalaga.

"Ano naman ang nakain mo at naging mahinhin at magalang ka binibining Dolores?" pang-asar sa kaniya ni Nikolas. Halos limang taon na rin silang magkaibigan at palagi silang nag-aasaran dahil hindi rin nagpapatalo sa kaniya si Dolores.

Magsasalita na sana si Dolores ngunit napatingin si Nikolas sa bagahe na dala ng dalaga. Nakasuot din ito ng kulay asul na bestida at asul na sumbrero. "Aalis ka? Saan ka pupunta?"

Napahinga naman ng malalim si Dolores, "Sa malayo, nais kong magpakalayo-layo" tugon ni Dolores sabay yuko. Nakatirintas ang mahaba nitong buhok sa likod, bagay na mas lalong nakadagdag sa ganda ng dalaga.

"Nais mong magpakalayo? O nais mong hanapin siya?" hirit pa ni Nikolas, napangiti naman si Dolores dahil kahit kailan ay hilid talagang mangialam ng buhay ng may buhay ang kaibigan niyang si Nikolas.

"Narito pa rin naman sa puso ko ang pag-asa na mahanap ko siya, na magkita kami muli, na sana ay buhay pa siya" saad ni Dolores, naglakad naman papalapit sa kaniya si Nikolas at tinapik-tapik ang kaniyang balikat.

"Naniniwala ako na magkikita kayo muli, wala naman sigurong nagmamahal sa mundong ito na hindi pinagbibigyan na maging maligaya sa huli, hindi ba?" saad ni Nikolas, napatango naman si Dolores at napangiti sa kaniya.

"Oh siya, aalis na ako, baka mahuli pa ako sa pag-dating ng tren sa batangas" wika ni Dolores at muli siyang nagbigay galang sa harap ni Nikolas.

Tumango naman sa kaniya ang binata at ngumiti ito. Tinulungan siya ni Nikolas na isakay sa kalesang nag-aabang sa gilid ang kaniyang dalawang bagahe. Nang makasakay na si Dolores sa kalesa ay kumaway siya kay Nikolas bilang pamamaalam. "Nakapag-paalam na ako kina Graciela kahapon, pakisabi na lang kay Batchoy huwag na silang mag-anak ng marami dahil mahirap ang buhay" tawa ni Dolores, natawa na lang din si Nikolas at nagsimula nang umandar ang kalesa papalayo.

Nagpatuloy sa paglalakad si Nikolas hanggang sa narating niya ang plaza. Napangiti siya nang makita ang isang maliit na carnibal doon kung saan may ferris wheel sa gitna at may iba't-iba pang laro at peryahan sa ibaba.

Halos mga bata, dalaga at binata ang naroroon. Nagtatawanan, nagsasaya at naghahabulan. Ang mga matatanda naman ay naroon sa bingguhan, maya't maya ang sigawan ng mga matatandang nanalo sa binggo.

Napatigil si Nikolas sa tapat ng carnibal at napatingala siya sa ferris wheel. Hindi niya malaman kung bakit parang may saya at lungkot siyang nararamdaman habang tinititigan ang ferris wheel na iyon na ngayon ay natatamaan ng sinag ng araw.

Ilang sandali pa ay biglang napatigil si Nikolas nang mapukaw ang kaniyang atensyon ng mga taong nakaupo sa gilid at nanonood ng isang pagtatanghal gamit ang mga puppet (Puppet show).

May malaking kahon sa gitna na may malaking butas. Nakapatong ito sa isang malaking mesa kung saan nagtatago ang taong nagpapagalaw sa mga puppet. Naglakad si Nikolas papalapit doon habang ang mga bata naman at ilang mga nanay ay nakaupo sa lupa at tuwang-tuwang nanonood.

"Isa kang isda!" wika ng lalaking puppet sa babaeng puppet na sirena. Gawa sa medyas ang puppet na ginuhitan ng mata, ilong at labi. Habang ang sirenang puppet naman ay nilgyan ng buntot sa dulo.

"Ibalik mo sa akin ang mahiwagang perlas!" giit naman ng sirenang puppet at pinagsasapak niya ang lalaking puppet dahilan upang matawa ang mga manonood.

"Hindi ka makakatakas sa akin! Isa kang walang kwentang nilalang" banat ng sirenang puppet, hindi naman nagpatalo ang lalaking puppet. "Isa ka namang bruhang mangkukulam!" buwelta nito dahilan upang mapahalakhak sa tuwa ang lahat.

Ilang sandali pa ay naging madrama na ang kwento, nanghina na ang sirenang puppet at nagpaalam ito sa lalaking kaniyang sinisinta. "Maraming salamat sa lahat, ikaw ang dahilan kung bakit ko naranasan ang pag-ibig na siya palang pinakamagandang bagay sa mundong ito" paalam ng sirena, agad naman itong niyakap ng lalaking puppet.

"H-huwag mo ako iwan, mahal na mahal kita... Sirene!" pagsusumamo ng lalaking puppet ngunit lumundag na sa tubig ang sirena at tuluyan na itong naglaho.

Kasunod niyon ay bumaba na ang kurtina sa kahon bilang senyales na tapos na ang palabas. Nagsitayuan at nagpalakpakan ang mga manonood dahil sa napakagandang palabas na iyon. Samantala, napatulala lang si Nikolas at hindi niya malaman kung bakit parang kumikirot ang kaniyang puso nang masaksihan ang palabas at lalong-lalo na nang marinig niya ang pangalang Sirene.

Naghagis ng barya ang mga manonood bilang donasyon at pasasalamat sa magandang palabas. Lumabas na sa ilalim ng mesa ang nagpapagalaw sa puppet at yumuko siya sa harap bilang pasasalamat sa lahat.

Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makilala kung sino ang batang babae na nasa likod ng palabas, si Sophie na anak ni madam Sandra na iniligtas niya noon sa dagat nang malunod ito ngunit sa alaala nilang lahat lalo na kay Nikolay ay walang sirenang konektado noong gabing iyon.

Sampung na taon na si Sophie at napangiti ito nang makita niya si Nikolas na kaniyang tagapagligtas. Agad siyang tumakbo papalapit kay Nikolas at yumakap sa binata. Napangiti naman si Nikolas at ginulo-gulo niya ang buhok ni Sophie.

"Noong nakaraang Pasko hindi ko kayo naabutan dito, mabuti na lang pala napadaan ako ngayon dito" ngiti ni Nikolas. Lumapit naman sa kanila si madam Sandra na nakaupo pala sa isang gilid at nanonood kanina sa palabas na ginawa ng anak niyang si Sophie.

"Sabi nga niya sa akin, para sayo raw ang palabas na ito" ngiti ni madam Sandra, kulay pula ang bestida nito na tinernuhan ng kaniyang pulang sapatos. "Ako ang bida sa palabas?" nakangiting tanong ni Nikolas kay Sophie, tumango-tango naman ang bata sa kaniya sabay abot sa kaniya ng sirenang puppet.

"Ikaw po at si Sirene" tugon ni Sophie, napatitig naman si Nikolas sa sirenang puppet na ginawa ni Sophie.

"Sirene?" nagtatakang tanong ni Nikolas at naupo siya upang maging kapantay si Sophie. "Si Sirene po ang tagapag-bantay ng mahiwagang perlas sa Kanluran, nakita ko na po siya dati kasama niyo noong pumunta kayo sa bahay namin sa Maynila" ngiti ni Sophie.

"Madalas ko rin po siyang nakikita at nakakusap sa aking panaginip, palagi niya po kayong kinukumusta sa akin" patuloy pa ni Sophie dahilan upang pumagitna na si Madam Sandra at hinawakan ang magkabilang balikat ni Sophie.

"Pagpasensiyahan mo na hijo, mahilig lang talaga sa mga sirena si Sophie, alam mo naman ang mga bata" wika ni madam Sandra habang nilalayo si Sophie kay Nikolas dahil maging siya ay hindi na rin mapanatag sa kakaibang kinikilos ng anak lalo na sa tuwing natutulog ito.

Sa pagkakataong iyon ay napatitig na lang si Nikolas sa sirenang puppet na binigay ni Sophie sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit maging siya ay nakakaramdam ng magkahalong saya at lungkot habang tinititigan ang bagay na iyon.

***
Madaling araw na, karamihan ay tulog na matapos ang noche bueana at pagdalo sa huling misa ng simbang gabi. Naglalakad mag-isa si Nikolas pauwi sa tahanan nila Batchoy, ginabi siya nang uwi matapos makisaya sa handaan at inuman sa tahanan nila madam Sandra, bukod doon ay hindi siya nakatanggi sa paanyaya ni Col. Thomas David na asawa nito lalo na't hanggang ngayon ay malaki ang utan na loob ng mag-asawa sa kaniya nang iligtas niya si Sophie.

Paika-ika siyang naglalakad sa madilim na daan papunta sa kanilang barrio. Ilang metro na lang ang layo niya sa kanilang barrio nang mapahawak siya sa puno dahil sa matinding pagkahilo. Malalim na ang gabi at tanging ingay ng mga kuliglig ang umaalingawngaw sa buong paligid.

Nagtataasan ang mga puno ang nakapalibot ngayon kay Nikolas habang tinatahak niya ang kalsadang lupa. Napakurap ang kaniyang mata nang maaninag niya ang liwanag mula sa isang bahay na nakasindi pa. Ilang metro na lang ang layo niya mula roon at kaunting lakad pa ay naroon na rin ang bahay nila Batchoy.

Ilang sandali pa ay nagulat siya nang biglang may humawak sa balikat niya at may matalim na kutsilyo na nakatutok ngayon sa kaniyang leeg. "Huwag ka nang pumalag, ibigay mo sa akin ang salapi at gamit mo" banta ng lalaking nakatakip ang mukha.

Nakasuot ito ng itim at may takip ang mukha nito kung kaya't hindi maaninag ni Nikolas ang mukha ng lalaking iyon. Bukod doon ay madilim din ang gabi at nahihilo pa siya sa tama ng alak.

Walang anu-ano'y hinila ng magnanakaw ang backpack ni Nikolas dahilan upang magpumiglas ang binata. Nilabanan niya ang magnanakaw na matapang na nakipag-hilahan ng bag sa kaniya.

Dali-daling siniko at sinipa ni Nikolas ang magnanakaw dahilan upang mapabitaw ito sa bag at tumilapon sa lupa. Napahiyaw sa sakit ang magnanakaw dahil sa lakas ng pagkakasipa sa kaniya ni Nikolas na siyang bumali sa kaniyang binti at tadyang. Hindi rin makapaniwala si Nikolas dahil sa layo ng narating ng pagkakasipa niya sa magnanakaw. Tumilapon ito ng halos limampung metro ang layo mula sa kaniya.

Gulat na gulat at hindi makapaniwala si Nikolas sa nangyari. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa magnanakaw na ngayon ay namimilipit na sa sakit at hindi na makabangon pa.

"T-tulong" pakiusap ng magnanakaw, iniabot naman ni Nikolas ang kaniyang kamay upang tulungang makabangon ang magnanakw ngunit nagulat siya nang bigla siyang hatakin nito papalapit at ibinaon sa kaniyang sikmura ang matalim na kustilyo.

Sunod namang dumating ang kasamahan ng magnanakaw na naka-itim na kasuotan at may takip din sa mukha na dali-daling inagaw kay Nikolas ang bag nito at inakay niya pasakay sa sasakyan ang kasamahan niya at tuluyan na silang umalis.

Naiwan naman si Nikolas sa gitna ng kalsadang lupa habang pilit na inaalis ang matalim na kutsilyong iyon na nakabaon sa kaniyang sikmura. Napahiyaw siya sa sakit nang dahan-dahan niyang hugutin ito, ilang sandali pa ay nakaramdam siya ng kakaibang lamig at enerhiya sa katawan na siyang nagpapahilom sa kaniyang sugat.

Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita niyang walang dugong lumabas sa natamo niyang saksak. Unti-unti ring naghihilom ang sugat nito at walang bakas ng peklat na naiwang marka.

Sa pagkakataong iyon ay tila nanlamig ang kaniyang buong katawan dahil sa takot at sa pambihirang karanasan. Dali-dali siyang nagtatakbo patungo sa barrio at nang marating niya ang tahanan nila Batchoy ay halos gibain na niya ito sa lakas ng pagkakahampas sa pinto.

"Kolas! Ano bang----" hindi na natapos ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil pumasok si Nikolas sa kanilang bahay at siya mismo ang nagsara ng pintoam at kinandado ito.

"Bakit ganiyang itsura mo? Para kang nakakita ng multo" giit pa ni Batchoy sabay hikab. Nakapangtulog na siya ngayon at mahimbing na ring natutulog ang kaniyang asawa at mga anak.

"M-makinig ka, may kakaibang nangyari sa akin, nasaksak ako kanina ngunit biglang naghilom ang aking sugat" panimula ni Nikolas na ngayon ay nanginginig pa rin sa takot habang hawak-hawak ang magkabilang balikat ni Batchoy upang makinig itong mabuti sa kaniya.

Agad niyang pinakita ang tiyan niyang walang bakas ng dugo o peklat. Ngunit ang damit niya ay nabutas ng kutsilyo. "B-bukod doon ay tumilapon ang magnanakaw kanina nang sipain ko siya" patuloy pa ni Nikolas, napahinga naman ng malalim si Batchoy.

"Kolas, lasing ka lang, matulog ka na nga" wika nito at akmang babalik na sa kwarto ngunit hinawakan muli ni Nikolas ang balikat niya.

"Hindi ako lasing, totoo ang sinasabi ko!" giit nito, sandali naman siyang tinitigan ni Batchoy, hindi na bago sa kanila ang magkaroon ng kakaibang pangitain at masiraan ang ulo ng mga sundalong katulad nila na nagkakaroon ng matinding trauma sa mga digmaan.

Sa pagkakataong iyon ay napayuko na lang si Batchoy sa pangambang unti-unti nang nasisiraan ng bait ang kaniyang pinsan.

***

After 42 years (Pilipinas, 1988)

"Kaano-ano ka ng pasyente?" walang emosyong tanong ng gwardiya na nakabantay at rumuronda sa loob ng Mental Hospital.

"Apo po ako ng kapatid niya" wika ni Diane sabay pakita ng kaniyang I.D sa guwardiya. Pinagmasdan naman iyon ng guwardiya mabuti bago pinapasok si Diane sa loob ng ward.

Si Diane ay apo ni Carolina. Dalawapu't limang taong gulang na si Diane at isa siyanng news reporter. Sa Amerika na siya lumaki at doon nakapagtapos ng pag-aaral ngunit pinili niyang magtrabaho dito sa Pilipinas.

Isang taong patay na ang kaniyang lola Carolina na nagtrabaho sa Amerika noon at doon nakapag-asawa, ang nanay ni Diane ay doon na rin lumaki.

Sinimulan niyang hanapin ngayon ang sinasabi ng kanigang lola Carolina na nakatatanda nitong kapatid na nasiraan daw ng bait matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Karamihan sa mga naka-survive na sundalo ay napilayan habang ang iba naman ay nagkaroon ng matinding trauma nang hindi maagapan ay nauwi sa pagkasira ng ulo.

Isa na nga roon si Nikolas na siyang pinaniniwalaan ng lahat na nasiraan ng bait matapos ang gyera. Bukambibig ni Nikolas na may kakaibang nangyayari sa kaniya, na hindi siya mamamatay at hindi nagtataglay siya ng kakaibang kapangyarihan. Ang mas lalo pang nagpagulo sa isipan ng mga tao ay ang sinasabi nitong nasa kaniya ang mahiwagang perlas ng Kanluran at kailangan na niya itong ibalik sa karagatan upang iligtas si Sirene.

Si Sirene na siyang pinakamamahal niya at pinakasalan niya noon. Hindi naman niya iyon mapatunayan dahil walang Sirene na kakilala ang mga tao sa kanilang lugar, maging ang pinsan niyang si Batchoy, ang asawa nitong si Graciela, ang kapatid niyang si Carolina at ang kabigan nilang si Dolores ay walang maalala tungkol sa babaeng tinutukoy ni Nikolas na nagngangalang Sirene.

Kung kaya't inilagay na sa Mental Hospital si Nikolas dahil ilang beses nitong pinagtangkaan ang sarili niyang buhay upang patunayan sa lahat na isa siyang imortal. Ilang beses din itong nagtangkang magpakalunod sa dagat dahil paulit-ulit niyang sinasabi sa lahat na kailangan niyang hanapin si Sirene at ibalik ang perlas.

Halos apatnapung taon nang nanatili si Nikolas sa loob ng hospital at hindi na siya nakalabas pa roon dahil hindi siya kinakikitaan ng pagbabago sa kaniyang kaisipan kahit pa madalas siyang pinapainom ng gamot.

Ang huling dalaw ni Nikolas ay noon pang nakaraang dalawang taon nang bisitahin siya ni Beatrice na anak nila Batchoy at Graciela. Ibinalita nito na patay na si Batchoy, namatay ito dahil sa atake sa puso at sa katandaan. Maging ang asawa nitong si Graciela ay nauna nang namatay noong nakaraang limang taon dahil sa katandaan.

Dahan-dahang naglakad si Diane sa gitna ng pasilyo. May apat na selda sa loob ng ward na iyon kung saan may isang pasyente lang kada kwarto. Nakasunod kay Diane ang gwardiya at binuksan niya ang selda kung nasaan si Nikolas.

Umalis na ang gwardiya, napahinga naman ng malalim si Diane bago niya buksan ang pinto. May bakal na rehas ang nakaharang sa pinto kung kaya't kahit mabuksan niya ang pinto ay may rehas pa ring pumapagitna sa kaniya at sa loob ng kwartong tinutuluyan ni Nikolas.

Naabutan ni Diane na nakaupo sa kama at nakatalikod sa kaniya ang isang lalaki. Puti na ang buhok nito at nakasuot ng damit na tulad ng sa ibang mga paseyente na naroon. Kulay asul ang kanilang mga damit.

Nakaharap sa dingding at nakatalikod sa kaniya si Nikolas. May platong nasa tapat ng pinto kung saan inaabot ang kanilang pagkain. Sa kabilang gilid naman ay naroon ang isang maliit na lababo at inidoro. Sa lababo nakalagay ang tootbrush, toothpaste at sabon. Habang nakasampay naman sa itaas ang tuwalya at ang iba pang damit ni Nikolas na iisa lang din naman ang disenyo at kulay.

"M-magandang Umaga po" bati ni Diane, ang mahina niyang boses ay nakabibingi sa katahimikan sa loob ng ward. Dahan-dahan namang napalingon sa kaniya si Nikolas na ngayon ay puti na ang buhok at may puting balbas.

"Batid ko na kung bakit ka naririto, may dala kang malungkot na balita, hindi ba?" panimula ni Nikolas, ang mga mata nito ay puno ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

Napayuko naman si Diane sabay abot ng pasalubong nitong mga prutas. "W-wala na po si lola Carolina, apo po niya ako, ang pangalan ko po ay Diane" wika ni Diane, hindi naman nakapagsalita si Nikolas at napayuko na lang din siya, kasabay niyon ay ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata.

"L-lahat ng dumadalaw sa akin rito ay may dalang malungkot na balita tungkol sa mga kamag-anak at kapamilya kong namayapa na" saad ni Nikolas at tumayo siya sa kaniyang kama na kulay puti at may manipis na kutson, isang unan at isang manipis na kumot. Gawa sa bakal ang kamang iyon na ngayon ay kinakalawang na sa tagal ng panahon.

"Ngunit ang mas nakalulungkot sa lahat ay naririto pa rin ako, buhay na buhay habang ang mga mahal ko sa buhay ay isa-isa nang nawawala sa mundong ito" patuloy ni Nikolas, pinagmasdan naman siyang mabuti ni Diane, hindi nga niya maitatanggi na kamukhang-kamuha ni Nikolas ang kaniyang lola Carolina at maging siya ay nahahawig din sa matanda.

"Wala na silang lahat, ako na lang ang naiwan dito, at ngayon batid kong walang hanggan akong mabubuhay sa mundong ito" dagdag pa ni Nikolas, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Diane.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" nagtatakang tanong ni Diane habang sinusundan ng tingin si Nikolas na ngayon ay naglalakad patungo sa lababo. Napatakip siya sa bibig sa gulat nang tanggalin ni Nikolas ang suot nitong wig na kulay puti at ang peke nitong balbas na kulay puti rin.

"Gaya ng sabi ko sayo hija, isa na akong imortal at hindi ako namamatay dahil nasa puso ko ang mahiwagang perlas ng Kanluran" paliwanag ni Nikolas, na kung titingnan ay nasa edad dalawampu pataas lang ito.

"Wala na akong inaasam sa mundong ito kundi ang magkaroon ng kapahingahan. Nais ko nang magpahinga" patuloy pa niya, halos walang kurap naman siyang tiningan ni Diane mula ulo hanggang paa. "May nais sana akong hilingin sa iyo, hija"

***

Magtatakipsilim na at dahan-dahang tintulak ni Diane si Nikolas na nakasakay ngayon sa wheelchair. Pinapayagan naman ang mga bisita na makasama nila maglakad-lakad sa dalampasigan ang mga kamag-anak nito.

Ang dalampasigang iyon ay sakop pa rin sa loob ng hospital at may mga bantay sa bawat dulo. "Bilang isang mamamahayag, hinihiling ko sana na hindi makalimutan ng ibang tao ang tungkol sa alamat ng apat na sirena. Ang pinakamasakit na pangyayari sa lahat ay ang makalimutan ka ng taong mahal mo, hindi ba?" saad ni Nikolas, napatango naman ng dalawang beses si Diane kahit pa nasa likod naman siya nito.

Suot ngayon ni Nikolas ang kaniyang wig at puting balbas upang magmukha siyang matanda. "Ang pag-ibig ay kailanman hindi nabubura. Maaaring mabawasan ngunit hindi ito maglalaho ng tuluyan. Para itong marka na inukit sa isang bato na kahit anong mangyari ay hindi na mabubura pa" dagdag pa ni Nikolas.

Ilang sandali pa ay napatigil na sila sa tapat ng dagat. Napatulala si Nikolas nang madama niya ang pagtama ng alon sa kaniyang talampakan habang nakaupo pa rin siya sa wheelchair.

Dahan-dahan siyang napatingala sa napakagandang kalangitan habang papalubog na ang araw. Magkahalong kulay kahel at asul ngayon ang langit at maraming mga ibon ang nagliliparan sa itaas.

Kinuha ni Nikolas ang sirenang puppet na binigay sa kaniya noon ni Sophie at iniabot niya ngayon kay Diane. "Ang pangalan ng sirenang iniibig ko ay Sirene" wika nito, napatitig naman si Diane sa puppet na iyon na ngayon ay madumi at luma na.

"Sirene ang kaniyang pangalan at hinihiling ko na huwag sanang mabaon sa limot ang katapangan, pag-ibig at pagsasakripisyo na ginawa niya. Mayroon akong talaarawan na iniwan sa ilalim ng aking kama, nais kong basahin mo sana iyon hija" wika pa ni Nikolas, magsasalita pa sana si Diane ngunit biglang tumunog ang beeper niya.

"Sandali lang po" paalam ni Diane at agad niyang sinagot ang mensahe ng kaniyang boss. May pinapagawa itong article sa kaniya na nais nilang ifeature sa susunod na buwan.

Habang abala si Diane sa pagsagot sa tawag ay hindi niya napansin na tumayo na si Nikolas sa wheelchair at dahan-dahang naglakad papasalubong sa dagat.

Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang papalubog na araw habang dinadama ang paghampas ng alon at ang sariwa nitong hangin.

Ipinikit na niya ang kaniyang mga mata habang may luhang dumaloy mula rito. Hindi ko hahangarin mabuhay ng ilang libong taon kung wala ka naman sa aking piling, Sirene.

"Kolas!"

Dahan-dahang iminulat ni Nikolas ang kaniyang mga mata nang marinig niya ang pamilyar na boses na paulit-ulit tumatawag ngayon sa pangalan niya.

Napayuko siya at kasalukuyang humahampas sa kaniya ang alon na ngayon ay hanggang tiyan na niya. "Kolas!" ulit pa nito, dahan-dahang napalingon si Nikolas at halos tumigil ang pag-ikot ng kaniyang mundo nang makita niya kung sino ang babaeng tumatawag ngayon sa pangalan niya na nakatayo sa dalampasigan at nakangiti sa kaniya.

Si Sirene.

Nakangiti habang sinasayaw ng hangin ang mahaba nitong buhok na kulay pilak. Nakasuot din ito ng puting bestida na siyang suot niya noong araw ng kasal nila.

Kulay puti ang buhangin ng dagat na mas lalong nagpatingkad sa ganda ng paligid. Hindi makapaniwala si Nikolas dahil nasa harapan na niya ngayon ang babaeng ilang dekada niyang hinintay na makapiling.

Ilang sandali pa ay napalingon si Nikolas sa di-kalayuan at nakita niya ang walang buhay niyang katawan na lumulutang sa dagat. Kasunod niyon ay ang paghingi ng saklolo ni Diane at ang paparating na mga gwardiya at mga nurse.

Napangiti na lang siya sa kaniyang sarili nang mapagtanto niya na patay na siya. Na hindi na siya isang imortal na kung saan habambuhay niyang dadalhin ang lahat ng mapapait na alaala ng nakaraan.

Nang marating ni Nikolas ang dagat kanina ay kusa niyang hiniling mula sa kaniyang puso na lumaya na ang mahiwagang perlas na siyang bumubuhay sa kaniya.

Kusang lumabas ang mahiwagang perlas na nananahan sa kaniyang puso at naglakbay ito pabalik sa dagat ng Kanluran kung nasaan ngayon ang mahiwagang perlas na siyang nabuo nang mamatay si Sirene.

Ngayon ay dalawa na ang mahiwagang perlas na nananahan sa karagatan ng Kanluran. Magkasama na ang mahiwagang perlas ni Sirene at Nikolas.

Mulinh ibinaling ni Nikolas ang paningin niya kay Sirene na ngayon ay naglalakad na papalapit sa kaniya. Nagsimula na rin siyang humakbang papalapit sa dalaga at nang marating nila ang dulo ng dalampasigan kung saan tumitigil ang pag-agos ng alon at tuluyang bumabalik sa dagat.

Ilang segundo lang silang nakatayo roon sa tapat ng isa't-isa habang nakangiti at may luhang namumuo sa kanilang mga mata dahil sa saya, at sa kaligayahang nag-uumapaw na ngayon ay magkapiling na muli silang dalawa.

"Nais mo bang malaman kung nasaan tayo?" nakangiting wika ni Sirene, hindi naman mapigilan ni Nikolas ang pagbagsak ng kaniyang mga luha dahil natapos na ang matagal niyang paghihintay. At hindi siya makapaniwala na nasa harapan na niya muli ang dalagang inibig niya at iibigin niya habambuhay.

"Nasa langit na ba tayo?" sagot ni Nikolas at sabay silang natawa ni Sirene. Napailing-iling naman ang dalaga na ngayon ay hindi na mawala ang ngiti sa labi.

"Sa bituin? Ito na ba ang itsura ng bituin?" saad ni Nikolas, napatango-tango naman si Sirene.

"Naalala mo ba noong sinabi ko sayo na sa muling pagkikita natin ay nais kong sa bituin tayo magtatagpo" ngiti ng dalaga, napatango naman si Nikolas sabay hawak sa kamay niya. Ganoon pa rin ang kakaibang kuryente at kilig na naramdaman ni Sirene nang hawakan siya ni Nikolas.

"Ito ang lugar kung saan hindi ako isang tao at ikaw ay hindi isang mahiwagang sirena. Wala na tayong dapat ipangamba dahil mula sa araw na ito ay hindi na tayo magkakahiwalay pa" saad ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene.

"Kahit ilang libong taon?"

"Oo, kahit ilang libo o milyong taon pa ang dumating" tugon ni Nikolas sabay yakap kay Sirene ng mahigpit. Sa pagkakataong iyon ay pareho nilang dinama ang ilang dekadang kalungkutan nang magkawalay silang dalawa.

Muli ay magkahawak kamay silang naglakad sa dalampasigan at nagsimulang magkwento si Nikolas tungkol sa lahat ng nangyari noong digmaan at noong nabubuhay pa siya. Sinasabayan naman iyon ng tawa ni Sirene dahil sa mga kalokohan na kwento ni Nikolas habang winawasiwas nito sa ere ang kaniyang kamay para mas magkaroon ng buhay ang kaniyang pagkwekwento.

***

"Handa na ba ang pinapapasa ko sayong kwento para sa susunod na film natin?" masungit na tanong ng isang matabang lalaki na balbas sarado habang nakaupo ito sa kaniyang malaking upuan sa loob ng kaniyang opisina habang may isang malaking mesa na puno ng mga papeles, documents at dyaryo ang nakakalat doon.

Nakaupo naman sa kaniyang tapat si Diane at maingat niyang inilagay sa mesa ang script na pinahirapan niyang kompletuhin sa tulong ng talaarawan na iniwan ng kaniyang lolo Kolas at ang puyatang pagreresearch gabi-gabi.

"Ano 'to?" masungit na wika ng matabang lalaki at pinagmasdan mabuti ang script ng kaniyang empleyado.

"Ang kwento pong iyan ay tungkol sa pagmamahalan ng isang tao at isang mahiwagang sirena na tagapag-bantay ng mahiwagang perlas ng Kanluran" tugon ni Diane, napataas naman ang kilay ng kaniyang boss ngunit napatango-tango rin ito dahil nagustuhan niya ang daloy ng kwento.

"Ano palang pamagat nito?" giit pa ng kaniyang boss habang ngumunguya ng bubble gum. Blanko pa ang unang pahina ng script na pinasa ni Diane dahil wala pa siyang maisip na pamagat nito noong isnusulat niya ito.

Sandali siyang napatahimik at napaisip hanggang sa mapangiti na lang siya nang may maisip na siyang magandang pamagat para sa film na kanilang gagawin, napahinga muna siya ng malalim pagkatapos ay sinabi na niya ang pamagat nito,

"Sirene"

(Wakas)

****************************

Note: Nakikiusap ako mga anak na huwag niyong iispoil ang kwentong ito, mas maganda kung kusa nilang malalaman ang mga revelations habang nagbabasa sila kaya kalma lang tayo hahaha! Maraming Salamat!

Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang tagpuan at panahon sa istoryang ito ay panahon pa ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang ilan sa mga kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan, hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!

Plagiarism is a crime punishable by law.

© All Rights Reserved 2018

Continue Reading

You'll Also Like

24.6M 1.1M 123
The third and final volume of Project LOKI. Join Lorelei, Loki, Jamie, and Alistair as they bring down Moriarty's organization. Looking for VOLUME1...
31.8M 812K 48
Prequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing...
1.5M 61.3K 79
Her family was killed. The kings and queens were their murderers. Having the unique ability like no other, she decided to avenge them. This makes the...