Love On Air 2: Araw Gabi (Com...

By Kandice_Gonzales

73.7K 1.4K 63

"It's easy to fall in love with you. Bulag at tanga lang ang hindi magkakagusto sa'yo." Animo araw at gabi si... More

Prologue
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Six
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Twelve
Chapter Thirteen
Chapter Fourteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen

Chapter Nine

4.2K 89 4
By Kandice_Gonzales

"KUYA Joshua, ikaw pala! Kumusta?"

Nilinga ni Joshua ang kabuuan ng opisina ni Zia. Hindi niya nakita ang babaeng hinahanap. Dumaan na rin siya sa radio booth. Hindi niya kilala ang DJ na naroon. Nakapagtataka, malapit nang magsimula ang radio program ng hinahanap pero wala pa rin ito sa radio station.

"Kasama mo si Kuya Ryan?" tanong ni Zia.

"Hindi ko kasama ang kuya mo. May date yata," sagot niya.

"Thank God! Minsan kinakabahan ako kay Kuya. Feeling ko, tatandang binata siya."

Natawa siya, sabay gulo sa buhok ni Zia. "Ikaw talaga. Bata pa ang kuya mo. At saka nandiyan ka, papayag ka bang tumanda siyang mag-isa?"

"Over my sexy body! Sayang ang genes niya 'pag nagkataon!" Tinapik nito ang kamay niya. "Kuya, masisira ang ayos ng buhok ko! Susunduin na ako ni Gino anytime," saway nito.

"Hayaan mong makita niyang magulo ang buhok mo para magbago ang isip sa pagpapakasal sa 'yo."

"Nakakaasar ka, Kuya Joshua! 'Pag nakilala ko ang nililigawan mo, guguluhin ko rin ang buhok mo sa harap niya."

"'Yon, eh, kung maaabot mo ang buhok ko."

Tumili ito. "Grabe ka sa akin, Kuya!"

Natawa si Joshua. Iyon ang gustong-gusto niyang gawin kay Zia at sa kapatid na si Janicka-ang alaskahin ang mga ito.

"Hey, Zi! Ready?"

Napatingin si Joshua sa pinto. Nakatayo na roon si Gino.

"Nandito ka pala, Josh. Kumusta? May kailangan ka kay Zia?"

"Washroom lang ako, hon. Ito kasing si Kuya Joshua walang magawa kundi guluhin ang buhok ko," ani Zia.

Lumapit sa kanila si Gino at inayos ang nagulong buhok ni Zia. "Kahit magulo ang buhok mo, ang ganda-ganda mo pa rin."

"You're so sweet! Thanks, hon!"

Sa mismong harap ni Joshua ay naghalikan ang magkasintahan. Naiiling na nag-iwas siya ng tingin.

"Uy, si Kuya Joshua, naiinggit!" tukso ni Zia. "Washroom muna ako."

"I'll pack your stuff na, sweetheart. Para makaalis tayo agad."

"Okay!"

Pumasok ng washroom si Zia. Si Gino naman ay nag-ayos ng table na pinag-iwanan ni Zia. Umupo si Joshua sa visitor's chair habang pinagmamasdan ang ginagawa ni Gino. Sino'ng makakapagsabi na itong lalaking matiyagang naglilinis ng table ng iba ay siya ring general manager ng radio station?

"Naligaw ka yata? Late na, hindi ka pa ba uuwi?" tanong ni Gino.

"Naisip ko lang manggulo dito," ani Joshua, nakamasid pa rin kay Gino. "You're weird, pare. Inaayos mo ang table ng fiancée mo."

"Look who's talking? Ikaw rin kaya weird. Palagi kang nandito sa radio station. Umaga ang schedule ng radio program mo pero sa gabi, nandito ka rin. May plano ka bang mag-office dito? Sabihin mo lang, may bakanteng opisina pa kami."

Huminga si Joshua nang malalim. Hindi niya alam na masyado na pala siyang obvious. "Thanks, but no thanks. Mami-miss ako ng kapatid ko kung lilipat ako ng opisina."

"Okay." Natapos na nito ang pag-aayos ng table. Umupo ito at nakangiting tumingin sa kanya. "So, wala kang itatanong sa akin?" tanong nito, may naglalarong ngiti sa mga labi.

"Ano naman ang itatanong ko sa 'yo?"

Natawa si Gino. "Wala rito ang hinahanap mo. May pinuntahan na outreach program. Sa Monday pa ang balik niya."

Napaupo siya nang tuwid. "Outreach program? Saan? Ilang araw siyang mawawala? Bakit mo pinayagan? Bawal sa kanya ang mainitan, hindi ba?"

Sa gulat niya ay natawa ito. "I knew it!"

"I'm serious, Gino. Bakit mo pinayagang umalis si Maica... I mean si Jammy. Alam mo namang sensitive siya sa araw."

"What do you want me to do? Ikulong siya dito? Kasama ko si Zia noong nagpaalam siya. Ako ang aawayin ng fiancée ko kung hindi ko papayagang mag-leave ang kaibigan niya."

"Hindi pa kayo kasal, under da saya ka na."

"Bakit may problema ka doon, Kuya Joshua?" mataray na tanong ni Zia. Nakalabas na pala ito ng washroom. "Let's go, hon. Baka ma-late na tayo sa reservation natin."

"Okay. By the way, sweetheart, umamin na sa akin si Joshua. We were right all along."

"I knew it!" Lumapit si Zia kay Gino. "Paano ba 'yan, hon? Nanalo ako sa pustahan natin. Where's my prize?"

"Bakit ba ako nakipagpustahan sa 'yo?" Naiiling na dumukot si Gino ng wallet naglabas ng limang libo at ibinigay sa kasintahan. "Wala na tayong pang-dinner. Magturo-turo na lang tayo, sweetheart."

"Hey, guys, I'm still here," paalala ni Joshua.

"Mag-Jollibee na lang tayo, sweetheart. Nami-miss ko nang kumain doon."

"McDo ang gusto ko, hon. Favorite ko ang Tiramisu Coke Float nila."

Huminga si Joshua nang malalim. Tine-test talaga ng dalawa ang pasensya niya. "Mamaya na ninyo pag-usapan ang dinner. May itatanong lang ako sandali." Hindi pa rin siya pinansin ng magkasintahan. Tumayo siya at kinuha ang atensyon ng dalawa. "Excuse me, itatanong ko lang kung saan ang outreach program ni Jammy. After that, aalis na ako."

Mabilis pa sa isang segundo na bumaling sa kanya sina Gino at Zia.

"Nasa Baguio siya, Joshua," ngingiti-ngiting sagot ni Gino.

Kumuha si Zia ng papel at ball pen at nagsimulang magsulat. "Ito ang complete address ng pupuntahan ni Jammy sa Baguio. Isusulat ko na rin kung sino ang contact person nila. Kung susundan mo si Jammy, I suggest magdala ka ng mga gamot para naman may excuse ka. Para ano pa at may-ari ka ng drugstore kung hindi ka magdadala ng gamot?" Iniabot nito ang papel na pinagsulatan.

Agad niya iyong binulsa. "Thanks, Zi, Gino." Akmang lalabas siya ng pinto nang biglang may maalala. "Paano n'yo nalaman?"

Napakamot si Zia. "B-in-lackmail namin si Kuya Ryan para magsalita."

Napailing na lang si Joshua, saka lumabas ng opisina. Wala nang silbi pang magalit. Alam na ng mga ito ang sekreto niya.


--------------------------------------------------------------------------------


"SAAN ka galing, Jammy? Kanina ka pa hinahanap ni Doc Iann."

Natigil si Jammy sa pagpasok sa tinutuluyang kuwarto nang makasalubong si Emie, ang kasama niyang volunteer. Katabi ng kuwarto niya ang kuwarto nito. Ka-share niya sa kuwarto si Jasmine na abala sa pag-aayos ng ipapamigay nilang goods. "Galing ako sa kusina. Bakit daw ako hinahanap ni Doc Iann?"

"Hindi ko rin alam. Ang sabi niya, pumunta ka sa function hall. May sasabihin siguro sa 'yo."

"Ah, okay. Puntahan ko na siya. Thanks!"

Dumaan lang siya sandali sa kuwarto, saka tumuloy sa function hall. Si Doc Iann ang dermatologist niya. Ang tatay nitong si Doc Ismael ang dating doktor niya. Semi-retired na ang huli at ipinasa siya sa anak na sumunod sa yapak nito. Isang taon na niyang doktor si Doc Iann at masasabi niyang close na siya rito. Sa katunayan ay mayroon silang project ni Doc Iann kasama ang ilan sa mga kaibigan nitong doktor at ilan sa pili niyang kaibigan. Every two months ay may pinupuntahan silang lugar kung saan nagsasagawa sila ng outreach program.

Through Facebook ay may mga nakilala siyang mga kaibigan na katulad niyang may polymorphic light eruption o PMLE. Naging madali ang makipag-usap sa mga ito dahil may common denominator sila-sensitive ang mga balat nila sa araw. Through Facebook, nakabuo sila ng maliit na community na binubuo ng labindalawang miyembro. Lahat sila ay nasa pangangalaga na ngayon ni Doc Iann.

Nang minsang magkita sila sa isang restaurant, ideya ni Jammy ang magkaroon sila ng outreach program. Iyon ang nagsilbing bonding nila. Nag-enjoy na sila, nakatulong pa sila. Lahat ay sumang-ayon sa suggestion niya. Responsibilidad ng bawat isa ang maghanap ng donation at ibahagi ang mga iyon sa nangangailangan. Minsang nabanggit niya kay Doc Iann ang tungkol sa outreach program nila, nag-volunteer ito na sumali sa grupo nila. Malaki ang maitutulong ng doktor na tulad nito sa outreach program nila. May mga kaibigan itong doktor na napapakiusapan nitong sumama sa kanila sa bawat alis nila.

Ngayon buwan, sa Baguio ang schedule ng outreach program nila. Nasa pinakadulong bayan iyon ng Baguio. May mga nalapitan na silang kompanya na naging ka-partner nila at nag-donate ng toiletries, school supplies, crackers, noodles, at canned goods. Kung wala silang makuhang sponsor, sila-sila mismong mga member ang nag-iipon ng ipinamimigay nila. Ganoon sila kaseryoso sa ginagawa nila.

"Doc Iann? Hinahanap n'yo raw ako?" tanong niya sa doktor pagdating ng function hall.

Pumayag ang may-ari ng tinutuluyan nilang resort na ipagamit sa kanila ang function hall para sa outreach program nila. Mamayang alas-kuwatro magsisimula ang outreach nila. Tamang-tama iyon dahil hindi na gaanong masakit ang sikat ng araw. Inayos na nila ang function hall. Hinati-hati nila ang hall sa ilang station. May isang area na naka-reserve para sa mga doktor. May lugar na naka-reserve para sa mamimigay ng mga goods. Isa siya sa punong-abala sa kusina para sa pagkaing ipamimigay.

"Hi, Jammy! Mabuti at nakita kita. I have something to tell you."

Dumaan si Richard, isa sa volunteer nila.

"Richard, you're still here? Kumusta 'yong ipinapasundo ko sa 'yo?"

"Tumawag sa akin 'yong Mr. Castillo, Doc. Hindi niya na raw kailangan ng magsusundo sa kanya. Detailed naman daw iyong ipinadala nating map sa kanya. Ibinigay ko rin sa kanya ang number ko, in case na maligaw siya."

"Okay. Pero i-check mo rin siya from time to time. Nakakahiya, siya na nga ang magdo-donate sa atin, siya pa ang magdadala ng mga ido-donate niya."

"Mukhang okay lang sa kanya, Doc. Mukhang mabait itong bago nating sponsor."

"I hope this won't be the last time na magdo-donate siya. Malaking tulong ang ido-donate niyang mga gamot sa atin."

Tahimik na nakinig si Jammy sa usapan ng dalawang lalaki. Natutuwa siyang may bago na namang sponsor ang grupo nila.

"Lalabas lang ako, Doc," paalam ni Richard. "Jammy," paalam nito.

Nginitian niya ito.

"Sorry, Jammy," baling sa kanya ng doktor. "Muntik na kitang makalimutan."

"Okay lang, Doc. Walang problema."

"May darating tayong sponsor, Jammy. If possible, puwede mo bang gawing special ang pagkain mamaya? Para na rin sa darating nating bisita."

"Walang problema, Doc. Maraming napamili si Maila kanina. Kaya ko pang magdagdag ng isang putahe."

"That's good! Thanks, Jammy! Ang galing mo talaga..." Sandali itong natigilan nang may maalala. "Ah, Jammy, 'yong tungkol sa proposal ko about phototherapy. I assure you that it's completely safe and effective-"

"Pag-iisipan ko, Doc," putol niya sa sinasabi nito. "'Punta na ako sa kusina."

He sighed. "Okay."

Tumuloy si Jammy sa kusina at nagsimulang maghanda ng lulutuin. Hindi siya komportableng pag-usapan ang tungkol sa proposal ng doktor niya na may kinalaman sa PMLE niya. Saka na kapag handa na siya.


--------------------------------------------------------------------------


"ANG GUWAPO niya, no? At ang bait pa. Single pa kaya siya?"

"Wala akong nakitang wedding ring sa kamay. That means single pa siya."

"Baka naman nakalimutan lang isuot. May mga lalaking gano'n. Sinasadyang iwan sa bahay para nga naman lapitan pa rin sila ng mga babae."

"Sobra ka. Wala sa hitsura niya ang gano'n. Mukha siyang mabait."

Naintriga si Jammy sa narinig na pag-uusap ng mga kasama niyang volunteer. Ilang oras din siyang naglagi sa kusina para magluto. Tinulungan siya ni Jasmine at ng ilang volunteer. Pagkatapos magluto, saka lang siya pumunta sa kuwarto niya para maligo at magbihis. Kababalik lang niya sa function hall. Halos lahat ay handa na. May mga tao ng nakapila sa labas ng function hall. Mag-uumpisa na ang outreach program nila.

"Uy, Jammy, nandito ka na pala. Hindi mo pa siguro nakikilala 'yong bago nating sponsor. You have to see him! Muy guwapito, eh!" ani Karen, ang unang nakapansin sa kanya.

"Dumating na pala si Mr. Castillo. Magkasama ba sila ni Doc Iann?" aniya.

"Kilala mo 'yong sponsor?" tanong ni Ivy, ang kausap ni Karen bago pa siya dumating.

Umiling siya. "Narinig ko lang ang surname niya kay Doc kanina."

"Ang akala ko kilala mo. 'Ayun sila," anito sabay turo sa table hindi kalayuan sa kanila.

Unang nakita ni Jammy si Doc Iann. Lumipad ang tingin niya sa katabi nito. Parang may malakas at malaking kamay ang sumuntok sa kanyang dibdib. Sa tabi ni Doc Iann ay nakaupo si Joshua, nakangiti na tila may sinabi ang una na nakapagpangiti rito.

Nahigit niya ang hininga habang pinagmamasdan si Joshua. Maaliwalas ang mukha nito habang nakangiti. She really loved his smile. His whole face would always light up every time he smiled. And the world seemed so much brighter when he laughed. How she missed those days.

In an instant, their eyes met. He froze, his face turned pale and for one silly second, she thought she saw panic in his eyes. Muntik na siyang mapailing. Bakit ito magpa-panic na makita siya?

"Jammy, tinatawag ka ni Doc Iann," narinig niyang sabi ni Karen.

Sandali lang siyang napatingin sa kaibigang doktor. Ang traydor niyang mga mata ay muling bumalik kay Joshua. Nakangiti ang binata sa kanya. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso.

"Puntahan mo na si Doc. Baka ipapakilala ka niya sa bago nating sponsor."

Napilitan siyang lumapit sa table kung saan naroon din si Joshua. Ilang beses niyang iniwasan ang binata sa radio station. Tuwing dumarating ito, either magtatago siya sa booth o agad siyang aalis pagkatapos ng radio program niya. Nang minsang sumilip si Joshua sa booth, pinahaba niya ang pakikipag-usap sa kanyang caller huwag lang itong makausap. Ngayon na-corner siya nito, wala siyang excuse na iwasan ito.

"Jammy, I'd like you to meet our new sponsor, Joshua Castillo," pakilala ni Doc Iann sa kanila paglapit niya. "Joshua, si Jammy. Isa siya sa active member ng group namin. Isa rin siya sa nagluto ng pagkain natin kaya sigurado akong masarap iyon. Higit sa lahat, siya ang pinakamaganda at pinakamabait kong pasyente."

"Baka kunin na ako ni Lord sa ganda ng introduction mo sa akin, Doc," biro niya.

Natawa si Doc Iann. "Hindi ko pa rin babawiin ang sinabi ko."

Napangiti siya sabay tingin kay Joshua. Seryoso na itong nakatingin sa kanya. "Actually, Doc, matagal na kaming magkakilala. Since high school. Right, Jammy?"

"Wow! Small world!" May tumawag kay Doc Iann na isa sa kaibigan nitong doktor. "Jammy, ikaw na muna ang bahala kay Joshua. Sigurado akong ang dami ninyong pag-uusapan."

"Ako na ang bahala kay Jammy, Iann. I will make sure na mag-e-enjoy siya sa company ko," si Joshua.

Tumango ang doktor at tinapik si Joshua sa balikat. Kinakabahang sinundan ni Jammy ng tingin ang kaibigang doktor habang palayo sa table nila.

"Hindi ko alam na bata pa ang doktor mo."

Napatingin siya kay Joshua. Nakakunot-noo ito na tila may ikinaiirita. "'Yong dad niya ang dati kong doktor. Semi-retired na siya. Si Doc Iann na ang tumitingin sa akin ngayon." Tumingin siya sa entrance. Nagsisimula nang dumami ang mga tao. "Maiwan na kita. Tutulungan ko lang sila."

Mabilis na nahawakan ni Joshua ang kamay niya. Para siyang napaso sa kamay nito na dumikit sa kanya. Naguguluhang tumingin siya sa binata. "Sa 'yo ako ibinilin ni Doc Iann. Aside from you, wala akong kilala dito. Can you stay with me? Please, Jammy..."

Napatingin siya sa mga mata ng binata, para iyong maamong aso na nakikiusap sa kanya. Para siyang yelong tumapat sa init ng sikat nito. Wala siyang ibang nagawa kundi ang marupok sa init nito. "Okay."

"Thank you! I thought you were leaving me again."

Tumayo siya. Tumayo rin si Joshua. She was about to walk when she remembered something. Nilingon niya ito. "Paano mo nalaman na nandito ako? Are you stalking me?"

Namutla ito. "Of course not! Nagkataon lang talaga ang pagpunta ko rito para mag-donate."

"That's weird. Imagine ang laki-laki ng Pilipinas, ang laki-laki ng Baguio, 'tapos magkikita tayo rito para sa isang outreach program? Hindi ba parang ang weird na coincidence niyon?"

"Siguro may ipinapahiwatig sa atin ang tadhana kaya pinagtatagpo tayong dalawa."

Napailing siya. "I doubt it."

Nalungkot ang mukha ni Joshua. He looked really pained, na parang sinampal niya ito nang paulit-ulit. For a moment, gustong bawiin ni Jammy ang sinabi. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng guilt dahil sa kanyang sinabi. Kung tutuusin nga, mas masakit pa ang narinig niyang sinabi ni Joshua noon.

She took a deep breath. "Halika, tulungan na natin sila."

"Okay." Tahimik na sumunod ang binata. Naglalakad sila nang bigla itong nagsalita. "Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa atin noon. Kung anuman 'yon, nandito ako para mag-apologize. I'm sorry, Jammy. Can we at least be friends again?"

Umiling siya. They could never be friends because friends would not hurt each other.


- to be continued

Continue Reading

You'll Also Like

33K 624 13
"Ang akala ko nabaliw na ako, pero nagkamali ako. Puso ko pala ang nabaliw sa 'yo." Nang mamatay ang ama ni Glecerie ay mayroon itong napakalaking ip...
140K 2.1K 12
Unang manuscript ko po published under PHR in 2011! :) Dahil sa mga kaibigan niya kaya muntikan nang mapahamak si Colette. 'Buti na lang at to the re...
54.1K 865 20
Published! Please grab a copy for only Php50.00 thank you. Available in PPC stores, NBS and other booktores nationwide. "Mahal kita kaya hindi ko kay...
105K 1.6K 14
"Ang sabi dito sa ending ng nobela mo, MJ kissed the love of her life while whispering how much she loved him. Ano pa ang hinihintay mo? Handa na ang...