BINHI (Munting Handog - Book...

By AngHulingBaylan

28.9K 1.4K 188

Matapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magb... More

Dedication
Prologo
1. Sa Fiesta ng Sto. Rosario (Part 1)
2. Sa Fiesta ng Sto. Rosario (Part 2)
3. Bagong Alaga
4. Bilanggo
5. Ang Dalagang Maggugulay
6. Ate at Bunso
7. Mahiwagang Paru-paro
8. Ang Batang Halaman sa Palengke
9. Ang Kuwento ni Mang Goryo
10. Ang Tinig sa Ilalim ng Tubig
11. Pinagtagpong Muli
12. Ang Puno at ang Singsing
13. Ang Manliligaw
14. Kasunduan
15. Maglako ng Gulay
16. Dayo sa Kaharian
18. Weird Guests
19. Pagtakas
20. Ang Oguima at Tahamaling at Talahiang
21. Sleeptalk
22. Ang Tibsukan
23. Pagbabati
24. Ang Doktor
25. Dalawang Dayo
26. Ang Supot ng Ginintuang Pulbos at ang Balahibo
27. Ang Lihim na Lagusan
28. Daruanak
29. Kapalit
30. Sirena, Serena
31. Ang Aghoy at Lewenri
32. Saminsadi

17. Sa Kaingin ng mga Sitaw

602 38 11
By AngHulingBaylan


Muling sinipat ni DJ ang oras sa suot niyang wristwatch. Pasado ala sais na nguni't hindi pa rin dumarating ang dalagang si Serena. May usapan silang magkikita sa resort sa takdang ala sais subali't kalahating oras na itong huli sa usapan. Maaga pa naman siyang ginising ni Marietta.

Bahagya niyang nasipa ang basket na nasa paanan lamang niya habang naghihintay sa balkonahe dahil sa pagkainis. Laman niyon ang pananghaliang inihanda ni Mamang para sa kanya nang ipagpaalam niyang sasamahang muli niya ang dalaga upang tulungan itong mang-ani ng mga gulay sa taniman ng kakilala nito. Naging tampulan pa siya ng tukso habang kumakain sila ng hapunan kahapon nang gabi.

Napabaling si Papang sa kanyang dako nang mapansin nitong nasipa niya ang basket. Kasalukuyan itong nagbabasa nang lumang diyaryo habang nakaupo ito sa rocking chair na yari sa ratan. "Noong kapanahunan ko, kaming mga binata ang sumusundo sa nililigawan namin," kumento nito nang damputin ang tasa nang mainit na kape na nakapatong sa ibabaw nang maliit na lamesitang katabi nito. "Pero ngayon, kabaliktaran na ang nangyayari, kayo na ang nililigawan ng mga dalaga."

Napabusangot siya nang tumingin sa matanda. "Pang, hindi ako nililigawan ni Serena. Sasamahan ko lang siya, katulad kahapon. 'Di ba sinabi ko na iyan kagabi?"

Napatawa ang matanda sa tinuran niya. "Hindi pa ako ulyanin. Hindi ka na mabiro. Masyado ka kasing mainipin riyan."

"Ang tagal kasi nang babaeng iyon," maktol niya. "Kahapon, bigla-bigla na lang darating nang walang pasabi, pagkatapos ngayon pa-late-late na. Akala mo importante."

Muling natawa si Papang. "Maaga pa naman a," anang matanda, na tila aliw na aliw sa pagmamaktol niya. "Baka may ginawa lang sandali sa kanila. Alam mo naman rito, maaga pa lang ay nagsisimula nang magtrabaho ang mga tao para hindi na sila tanghaliin sa ibang gawain."

Hindi siya nakaimik.

"Magandang umaga!" Mula sa gate ng resort ay kumakaway na lumapit si Serena sa kanilang dalawa. Nagmano ito kay Papang, bago nito inabot sa matanda ang dala nitong bayong. "Pinabibigay po ni Nana, mga prutas, pasasalamat raw dahil sa tulong ni DJ kahapon." Matamis itong ngumiti sa kanya.

"Aba, maraming salamat iha," sinilip ng matanda ang laman ng bayong. "Saba pala ang mga ito. Tiyak magugustuhan ito ni Lisa, masarap iyon magluto ng banana que" sabi nito, na ang tinutukoy ay si Mamang. "Sandali lang ha, ipapasok ko na ang mga ito sa loob."

"Pang, aalis na ho kami," habol niya sa matanda, na biglang nahinto sa pintuan.

"Hindi na ba kayo mag-aalmusal? Makahihintay pa naman siguro ang lakad n'yo kahit saglit."

Makahulugan niyang tinitigan ang dalaga, na para bang sinasabihan itong tumanggi. "Ikaw, gusto mo ba?"

Napatigil saglit si Serena sa mga tingin niya, hindi sigurado kung ano ang sasabihin sa matandang naghihintay ng sagot, nang bigla niya itong pinamulagatan. "Um, huwag na po, Pang. Salamat na lang po. Nakapag-almusal na ho ako bago umalis ng bahay kanina," pagsisinungaling ng dalaga.

"Ganoon ba? O siya sige, mag-iingat kayo ha. Huwag magpapagutom," habilin pa nito.

Nakangiting tumango ang dalaga sa matanda. "Ako na ho ang bahala dito sa apo n'yo. Hindi ko po ito gugutumin."

--------

"Panginoon!"

Napalingon si Laom sa tinig ni Tibal-og. Sa hitsura pa lamang nito ay batid na niyang hindi maganda ang balitang dala nito sa kanya. Nasa Puting Hardin siya, kung saan tumutubo ang engkantadong mga punong may maputlang katawan at mga sanga, nababalot nang mapuputing mga dahon at hitik sa itim na mga bunga, upang nagmuni-muni nang mag-isa.

"Paumanhin sa pangangambala subali't may hatid akong masamang balita," sabi nito, matapos yumukod sa kanyang likuran.

"Sabihin mo." Hindi siya natinag mula sa talikod na pagkakaupo sa batong-sahig na nasasapinan nang naglaglagang mga puting dahon.

"Ang bilanggo, nakatakas ito."

Hindi na siya nagulat sa balitang narinig. Isang beses na itong nakatakas mula sa kanyang mga kawal at inaasahan na niya mauulit iyon. "Hinapin siya. Hindi ba't sinabi ko nang hindi siya pangkaraniwang engkanto?"

"Nguni't panginoon, imposibleng makatakas ito sa ating piitang-bato," katuwiran ni Tibal-og. Wala pang sinuman ang matagumpay na nakalabas sa kanilang mga piitan, nangamatay sa pagkabulok ang kanilang mga bilanggo. "Anong kapangyarihan nito sa ating mga lupain?"

"Huwag mong kalimutang may sariling kakayahan rin sila, Tibal-og," paalaala niya sa alagad. "May nakuha ba kayong kaalaman sa bilanggo bago ito nakatakas?"

Umiling si Tibal-og, naniningkit ang malalaki nitong mga mata sa bahagyang kadiliman. "Wala kaming napala sa kanya, panginoon. Kahit anong pagpapahirap pa ang aming gawin."

"Hanapin n'yo siya," mariing ulit ni Laom sa kanyang inutos. "Ako na mismo ang kukuha sa sagot na sadya nitong ipinagdadamot sa atin."

"Bakit hindi na lang natin siya putulan ng dila at paslangin pagkatapos? Mangyari't ayaw naman nito magsalita," mungkahi ng alagad niya.

"Maaring n'yong gawin iyan pagkatapos ko makuha ang kaalaman dapat kunin," tugon niya.

"Paano po ang paghahanap sa dayang? Ipagpapatuloy pa po ba natin?"

May kalakip na kawalang pag-asa ang mga katagang iyon ng kanyang alagad. Wari bang sumusuko na itong matatagpuan pang muli ang kanilang pinaglilingkuran. Marahil ay nakikita na nitong walang saysay ang kanilang paghahanap sa nawawalang dayang. Ayaw man niyang aminin sa sarili nguni't maging siya ay nagdadalawang-isip na rin sa kanilang mga hakbang. "Palawakin pa ninyo ang inyong paghahanap. Bumuo ka ng pangkat ng mga mangangaso at tumawid kayo sa mundo ng mga mortal. Anuman ang mangyari, kailangang matagpuan natin ang dayang bago pa ito maging mitsa ng kaguluhan sa buong kaharian."

"Nguni't panginoon..." tutol ni Tibal-og. "Hindi ganap ang ating mga kapangyarihan sa labas ng..."

"Batid ko, aking alagad," putol niya kay Tibal-og. "Subali't mas makapangyarihan pa rin tayo kumpara sa kanila."

"Masusunod, panginoon." Muling yumukod si Tibal-og at agad na umalis.

--------

Mabuti na lamang at pinabaunan siya ni Mamang ng bimpong pamunas. Nangingilid ang pawis niya habang nagpupunas at sinusubukang manatiling nakatayo sa padalisdis na lupang tinamnan ng malulusog na mga sitaw. Hindi niya akalaing ganito pala ang hirap na dinaranas ng mga maggugulay sa pagtatanim.

Ang papunta pa lamang ay umuubos na ng isa't kalahating oras nang paglalakad sa matarik at paliko-likong landas, na sumasanga mula sa high way. Matapos iyon ay tinahak nila ang makitid na daan sa gitna nang kasukalan at nagtataasang punong-kahoy patungo sa kaingin, ang bahagi ng lupain sa paanan ng bundok, na sadyang sinunog upang mabilis na malinis ang mga ligaw na halaman at punong kahoy. Ayon kay Serena, maliit lamang na bahagi ang maaring gawin kaingin upang hindi makalbo ang kagubatan, kung kaya't kalat-kalat rin ang mga ito. Mga sitaw ang kasalukuyang tanim sa kaingin ng kakilala ng dalaga, at iyon nga kanilang inaani.

Kung alam sana niyang ganito ang mangyayari, hindi na sana siya pumayag na sumama sa dalaga. Subali't huli na upang umatras pa siya. Bakit ba kasi mabilis siyang napapayag nito?

Mula sa madalisdis na kaingin, namangha si DJ nang unang mapagmasdan ang mga tanim na sitaw. Palibhasa hindi siya palakain ng gulay kaya't ganoon na lamang ang kanyang pag-aakalang nakukuha ito sa punong-kahoy kagaya ng mansanas o peras, nguni't mali siya. Gumagapang ang mga ito, katulad na lamang ng kalabasa at ampalaya, na noon lamang rin niya napagtanto. Dahil roon ay pinagtawanan siya ng dalagang aliw na aliw sa kaignorantehan niya, na siyang dumagdag sa kanyang pagkayamot.

Matapos mapunasan ang nanlalagkit na leeg dahil sa pawis, saglit siyang nagpahinga. Ang kumpol ng mga sitaw na kanyang pinitas gamit ang maigsing kutsilyong goma lamang ang hawakan ay maingat niyang inilagay sa basket na nakatali sa kanyang baywang upang hindi maputol.

Kakaiba ang katahimikang taglay ng paligid. Payapa, na manaka-naka'y babasagin nang paghuni ng ibong kung saan man dumapo o kaya ng tunog na hindi niya matukoy. Kanina, habang sila ay nasa daan, muntik na siyang makaapak ng alupihan. Noon lang rin siya nakita nang ganoon kalaking alupihan sa malapitan. Itim ang likod nito, mapula ang ulo at buntot na bahagi, samanatalang manila-nilaw naman ang mga paa. Kung hindi pa siya pinigilan ng dalaga, malamang ay nakagat na siya nito.

"Tingnan mo ang tinatapakan mo, wala tayo sa kapatagan. Hindi natin pag-aari ang lupaing ito," paalala ni Serena sa kanya.

May kung ano sa kanyang mga salita na nagpatigil at nagpaisip sa kanya sandali. Malalim ang pagkatao ng dalaga, na hindi naman niya isinatinig rito, ay gusto niya.

"Hoy," isang siko sa tagiliran ang pumukaw sa kanya. "Lalim nang iniisip natin a. Ayos ka lang?" nakangisi ang dalaga, na hindi niya namalayang lumapit.

"Nagpapahinga lang," tugon niya. "Nakakapagod kayang namitas nitong mga sitaw."

"Asus, iniisip mo siguro 'yong nobya mong naiwan sa Maynila, ano?" pangungutya nito sa kanya.

"Wala akong girlfriend, okay? Saka, paki mo ba kung meron?" pakli niya rito.

"Sungit nito," napabusangot ang dalaga. "Napakainit ng ulo mo lagi."

Hindi niya pinansin ang sinabi nito, dahil may naamoy siyang matapang. "Ano 'yon? Ambaho!"

Nangunot ang noo ni Serena. "Anong mabaho? Baka ikaw ang mabaho," pabirong kantiyaw nito. "Ito o," mula sa likod ay naglabas ito ng tatlong malalaki at manila-nilaw na prutas. "Mga bayabas. Napitas ko mula roon," nguso nito sa kung saan.

Napatakip siya ng ilong nang maamoy ang mga bayabas na inaalok ng dalaga. "Iyan pala ang mabaho e."

Umangat ang mga kilay nito. "Ayos ka lang? O hindi ka pa nakakain ng bayabas sa tanang buhay mo? Ganito talaga ang halimuyak nang hinog na bayabas."

"Oo na. Inaamin ko. Hindi pa nga ako nakakain niyan. Kasalanan ko bang lumaki ako sa siyudad at hindi gaya mong lumaki rito?"

Natigilan ang dalaga. Saglit na gumuhit ang kalituhan sa hitsura nito, pagkatapos ay napalitan ito ng lungkot. Tila ba dahan-dahang lumubog sa isipan nito ang kanyang mga sinabi. Tumalikod ito nang tahimik sa kanya.

"Hoy! Napano ka?" takang tanong niya rito.

Huminto ito panandalian subali't hindi lumingon sa kanya. "Mag-ayos ka na. Uuwi na tayo at magdidilim na."

Continue Reading

You'll Also Like

12.5K 1.2K 136
Ang kanyang kalooban ay matigas at hindi normal katulad ng sa iba. Gayunpaman, dahil ipinanganak siya sa isang maliit na sangay ng pamilya, ang kany...
37.2K 2.5K 23
Struggling with depression and a stalled career, Molly, a once-promising writer stumbles upon a mysterious file titled 'Where Dead Dreams Go'. On a w...
1.6M 76.3K 21
Ang Ikalawang Serye. A girl dying from Leukemia was given a chance to make a wish, and there she met a mysterious guy who would lead her as she enter...
2.4M 85.4K 84
Highest Rank #1 in Adventure Alam ni Charm kung gaano kadelikado ang mahika. Kaya naman nang mapilitan syang magtransfer sa isang magic school sa isa...