ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of...

By angelodc035

43.7K 2.2K 550

FILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic... More

ANG NAKARAAN....
PROLOGUE
Chapter 1: FAILURE
Chapter 2: THE AWAKENING
Chapter 3: A WEREWOLVES NIGHT
Chapter 4: THE DUEL
Chapter 5: BLAKE
Chapter 6: A NEW DAWN
Chaptet 7: THE MAN ON A BLACK CLOAK
Chapter 8: THE ISLAND OF SEVEN KINGDOMS
Chapter 9: FIRE, ICE AND PROPHECY
Chapter 10: PILUNLUALAN (MYSTIC TUNNEL)
Chapter 11: CAREN'S FATE
Chapter 12: THE NEW ALPHA
Chapter 13: SAKAYA
Chapter 14: DIYOSANG TALA
Chapter 15: SAKAYA'S TEST
Chapter 16: ANILAOKAN
Chapter 17: STRIGOI
Chapter 18: QUEBALUAN TREE
Chapter 19: CHASING MEMORIES
Chapter 20: AWAKENING
Chapter 21: AWARENESS
Chapter 22: THE FATE
Chapter 23: BLOOD BY BLOOD
Chapter 24: A DECISION MADE
Chapter 25: ANILAOKAN'S LOVE
Chapter 26: BEHEMOT
Chapter 27: REDEMPTION, REVENGE AND REUNION
Chapter 28: DRAGON PHOENIX
Chapter 29: DESPERATION
Chapter 30: INTERROGATION
Chapter 31: BATHALA
Chapter 32: THE RETURN
Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD
Chapter 34: BLAKE, LAUREA, DIYOSANG TALA AND CLAUDIUS
Chapter 35: THE FALLEN GODDESS
Chapter 36: MANGGAGAWAY (SPELL CASTERS)
Chapter 37: CITY OF THE DEAD
Chapter 38: BLOODY GHOULS DAY
Chapter 39: BLOODY BATTLE
Chapter 40: BLOODY DEATHS
Chapter 41: DEATH BY BLOOD
Chapter 42: DEAD EVERYWHERE
Chapter 43: LOSS
Chapter 44: BATHALA'S DEATH
Chapter 45: QUINTA FOREST
Chapter 46: BALINTATAW
Chapter 47: CHAOS
Chapter 48: HUKLUBAN
Chapter 49: DARK POWER
Chapter 51: ERISE
Chapter 52: HOTEL MORTE
Chapter 53: DIYOSANG BULAN
Chapter 54: BABAGUA
Chapter 55: REVELATION
Chapter 56: INFESTATIONS
Chapter 57: THE ESCAPE
Chapter 58: LOVE AND BETRAYAL
Chapter 59: A SISTER'S DEMISE
Chapter 60: A NEW HOPE
Chapter 61: LAMUIAN FOREST
Chapter 62: PALACIO LUNAR TOWER
Chapter 63: MOTIVES
Chapter 64: FORCES OF NATURE
Chapter 65: APOCALYPSE
Chapter 66: DEATH IS THE BEGINNING
EPILOGUE
PASASALAMAT

Chapter 50: CAPTURE

403 25 3
By angelodc035

Mabibigat ang bawat mga hakbang ni diyosang Tala sa napakakinis na sahig ng bulwagan ng mga diyos sa templo ni Bathala na kung saan naroroon ang trono ng kanyang ama. Damang-dama niya ang bigat ng kanyang kalooban at ang pagsisisi sa kanyang mga nagawang pagkakamali. Kung maibabalik lang sana niya ang mga nangyari ay hindi sana siya nakinig sa kanyang kapatid na si diyosang Bulan.

Walang nakakaalam na nasa loob siya ng bulwagan. Walang sino man ang puwedeng pumasok sa lugar na iyon ng walang pahintulot ni Bathala. Mula ng mangyari ang kanilang plano ay sinimulan na ng kanyang kapatid na si diyosang Bulan na palitan ang kanilang ama na pamunuan ang Kalangitan. Ngunit tumutol ang konseho ng mga diyos sa naging hakbang ni diyosang Bulan kaya hindi nangyari ang gusto nitong  palitan na ang kanilang ama sa pamumuno ng Sanlibutan.

Isa-isang nawawala ang mga miyembro ng konseho ng mga diyos. Mula ng makagat ng Antique ang kanilang ama ay nagsimula na ang sunod-sunod na pagkawala ng mga ito at isinisisi sa mga Mandalaruan, mga rebeldeng grupo na gustong umagaw sa kapangyarihan ng Kalangitan na pinamunuan ng isa sa dating miyembro ng konseho ng mga diyos na si Kaptan.

Hindi iginagalang ng konseho ang pagdeklara ni diyosang Bulan bilang tagapagmana ng kaharian ni Bathala. Bigo itong makuha ang boto ng labing-dalawang diyos at diyosa kaya nilisan nito ang Kalangitan at tinangay ang noo'y walang-malay na si Bathala.

Hindi sumama si diyosang Tala sa kanyang kapatid na si Bulan dahil ang buong akala niya ay nasa loob pa ng silid at nakaratay ang kanilang ama. Nakukunsensya siya sa kaniyang nagawa kaya tinungo niya ang konseho at ipinagtapat ang lahat ng kanilang mga plano at ginawa ng kanyang kapatid na si diyosang Bulan. Nais rin niyang mailigtas ang buhay ni Sumakwel, ang kapatid ng kanyang ama na pinagbintangan na siyang may gawa sa kinahinatnan ng kanilang ama.

Laking panlulumo ng buong konseho dahil naigawad na ang parusa kay Sumakwel ng marinig mula kay diyosang Tala ang katotohanan kaya hinuli rin siya at ginawaran ng parusang naaayon sa bigat ng kaniyang nagawa. Pero nang malaman na nawawala ang kanyang ama at nakatakas na rin si diyosang Bulan ay ninais niyang tumakas para mailigtas man lang si Bathala.

Tinulungan siyang tumakas ni Hanan, ang diyosa ng umaga. Ipinangako nito na ibabalik niya ang kanyang amang si Bathala ng ligtas sa kalangitan. Ililigtas niya ang kanyang ama upang ipagpatuloy nito ang pamumuno sa Sanlibutan. Pero bigo siya. Bigo siyang gawin ang ipinangako nito kay Hanan. Wala na ang kanyang ama kaya lalong magkakagulo ang Sanlibutan at Kalangitan dahil maraming mag-aagawan sa trono ni Bathala. Tuluyan na rin nawala ang balanse sa Sanlibutan sa pagpanaw ni Bathala. Unti-unti ng nangingibabaw ang paglaganap ng kadiliman at nararamdaman na iyon ng lahat ng nilalang ng Sanlibutan.

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si diyosang Bulan. Hangga't nasa kamay pa rin niya ang tungkod ni Bathala ay nananatili pa rin sa kanya ang pag-asang manunumbalik ang lahat sa kaayusan.

Lumapit si diyosang Tala sa upuan ng kanyang ama. Hinaplos iyon ng dahan-dahan kasabay ng pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Nangungulila siya sa pagkawala ng kanyang amang si Bathala. Damang-dama niya ito sa kanyang puso lalo na sa kanyang isipan. Napakalaking pagkakamali ang nagawa niya at ngayon hindi lamang nawala ang kanyang ama nalagay pa sa alanganin ang buong Sanlibutan.

Halos mawalan na ng lakas si diyosang Tala ng makapa niya ang lamat sa upuan ng ama. Mayroon itong sukat na isang pulgada ang siwang nito na dumadaan sa pinakgitna ng upuan. Hindi basta-basta nagkakaroon ng lamat ang purong batong itim na upuan ng hari ng Kalangitan na kung saan gawa ang trono ni Bathala. Isang masamang senyales na kapag tuluyang nahati sa dalawa ang upuan ay hudyat ito na kailanman ay hindi na makakabalik pa sa Kalangitan ang kanyang ama.

"Tala?"

Halos mapalundag si diyosang Tala sa boses na narinig. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon at hindi siya puwedeng magkamali. Hinanap ng kanyang mga mata ang pinanggalingan ng boses. Inihanda niya ang kanyang sarili kasama ang tungkod ng kanyang ama. Mula sa madilim na bahagi ay naaninag niya ang pigura ng isang babae na nasa bukana ng pinaka pintuan ng bulwagan.

"Hanan?" ang halos pabulong na wika ni diyosang Tala habang nakamasid sa babaeng nasa bukana ng pintuan. Hindi niya ito maaninag ng mabuti dahil may kadiliman ang paligid.

"Nabigo ka sa iyong pangako. Wala na si Bathala ng dahil sa'yo." ang tila nanunumbat na wika nito.

"Ikinalulungkot ko Hanan, pero umaasa pa rin akong maibabalik kong muli ang aking ama dahil nasa akin pa ang tungkod niya." ang tugon ni diyosang Tala.

Tila nabigla si diyosang Hanan pagkakita sa hawak na tungkod ni diyosang Tala. Inihakbang nito ang kanyang mga paa para lapitan si diyosang Tala.

Napansin ni diyosang Tala ang pagpasok ni diyosang Hanan sa Bulwagan ng mga diyos. Nagkaroon ng pagdududa sa mga mata ni diyosang Tala kay Hanan. Iniumang ni diyosang Tala ang tungkod ni Bathala kay Hanan.

"Hanggang diyan ka na lang!" ang matigas na wika ni diyosang Tala. Hindi pa rin nito makita ang mukha ni diyosang Hanan dahil may kadiliman pa rin sa loob ng bulwagan.

Natigilan naman si diyosang Hanan ng makitang nakaumang sa kanya ang makapangyarihang tungkod. "Tala, aanong? Iyan ba ang igaganti mo sa pagtulong ko sa'yo para makatakas ka sa mga kamay ng konseho?"

"Huwag ka ng magpanggap, sino ka?!" ang nagdududang tanong ni diyosang Tala sa babaeng nasa kanyang harapan. Nagliwanag ang loob ng bulwagan sa mga boltahe ng kuryente na nagmumula sa tungkod ni Bathala.

"Tala, ano bang sinasabi mo? Ako ito si Hanan!" ang tugon ng babae na sa pagkakataong iyon ay naaninag ni diyosang Tala ang mukha nito.

"Sinungaling! Isa pang kasinungalingang manggagaling sa iyong bibig ay hindi ako mangingiming gamitin sa'yo ang kapangyarihan ni amang Bathala! Kaya sino ka?!" ang ngayo'y galit na galit na si diyosang Tala. "Dahil walang sino mang diyos at diyosa ang basta na lamang pumapasok sa bulwagang ito na walang pahintulot ni Bathala."

"Ngunit patay na si Bathala kaya hindi na kailangan ng kanyang pahintulot!" ang tugon ni diyosang Hanan.

"Diyan ka nagkakamali, hanggat nasa akin ang tungkod ni ama, hanggat hindi tuluyang nahahati sa gitna ang kanyang trono ay hindi pa puwedeng sabihing tuluyan ng namatay ang aking ama." inihampas ni diyosang Tala ang tungkod ng kanyang ama at kumawala mula rito ang bolta-boltaheng kuryente na mapwersang tumama kay diyosang Hanan na nasa kanyang harapan. Tumilapon ang diyosa habang pumupulupot sa kanya ang mga boltahe ng kuryente. Humampas ito sa isa sa mga biga ng bulwagan bago bumagsak ang diyosa sa makinis na sahig nito.

"Hindi ikaw si Hanan! Dahil si Hanan ay marunong rumespeto kay amang Bathala at kailan man hindi pumapasok sa bulwagang ito ng walang pahintulot ni Bathala!" ang malakas na boses ni diyosang Tala at muling iniumang ang tungkod ni Bathala sa kanya. "Anilaokan, alam kong ikaw yan!" ang dugtong nito.

Mula sa sahig ay unti-unting bumabangon si Hanan at nakangising humarap sa kanya na tila hindi man lang nasaktan sa kapangyarihan ng tungkod ni Bathala. Unti-unting nagbabago ang anyo ni diyosang Hanan.

"Hindi mo ako malilinlang Anilaokan! Hindi ang isang tulad mo lang na engkanto ang makakagawa ng  mababang-uri ng salamangka."

Muli ay iniumang ni diyosang Tala ang tungkod ni Bathala para atakihing muli si Anilaokan na nag-anyong si diyosang Hanan. Pinakawalan nito ang mas malalakas pang mga boltahe ng kuryente pero mabilis na lumundag si Anilaokan at naiwasan ang kapangyarihan ng tungkod. Kasabay din nito ang pagbabago ng kanyang anyo bilang ang lalakeng diwata na si Anilaokan.

"Maaaring para sa'yo ay bagito pa lamang ang kapangyarihan ko diyosang Tala pero sa karanasan sa pakikidigma ay doon ako mas mananaig at higit na lamang sa'yo." ang nang-iinsultong tugon ni Anilaokan sa kanya.

Inihampas ni diyosang Tala ang kanyang kamay at nagsimulang umangat ang batong sahig ng bulwagan. Nagkapira-piraso ang mga ito sa maliliit na bahagi at sunod-sunod na pinakawalan ang mga ito sa direksiyon ni Anilaokan. Animo'y mga bala ng baril sa bilis ng pagtama nito kay Anilaokan. Kaagad namang binalutan ng pananggalang na gawa sa malakas na puwersa ang katawan ni Anilaokan para protektahan ang sarili sa mga batong pinakakawalan ni Tala.

Hindi inaasahan ni diyosang Tala na naging mas lalong magaling sa paggamit ng kapangyarihan si Anilaokan. Hindi niya dapat minaliit ang kapangyarihan nito kanina at mas lalo niya dapat na paghandaan ang bawat galaw at paggamit nito ng kanyang kapangyarihan. Oo't isa siyang makapangyarihang diyosa, pero wala siyang sapat na kasanayan sa pakikidigma di tulad ng kanyang kapatid na sinanay ng husto para sa pakikipaglaban.

Nang makabawi sa pag-atake ni diyosang Tala ay walang sinayang na sandali si Anilaokan. Mabilis siyang tumakbo para kaagad na makalapit sa diyosa kasabay nito ng pagpapakawala ng kanyang mga kapangyarihan mula sa iba't-ibang elemento. Pinaulanan din niya ng mga pitak ng bato ang diyosa, pero tila walang kuwenta lamang nitong tinunaw ang mga ito bago pa man ito umabot kay diyosang Tala.

Lumalagutok ang mga boltahe ng kuryente na tila musika sa pandinig ni diyosang Tala. Tulad pa rin ng dati noong bata pa lamang siya at tuwang-tuwang siyang pinanonood na sinasanay ni Bathala ang kanyang kapatid na si diyosang Bulan. Kitang-kita niya ang bagsik ng kapangyarihan ng kanyang ama lalu na ang tungkod na siyang pinagmumulan ng kapanyarihan nito.

Sumasabay naman sa galing sa pakikidigma si diyosang Bulan lalo na ang paggamit sa kapangyarihan nito. Tila nagsasayaw lamang na sinasabayan ng musika sa paglagutok ng mga boltahe ng kuryente ang bawat mga galaw at pakilos ni diyosang Bulan na labis na hinangaan ni diyosang Tala. Mula noon ay ninais na niyang maging katulad ng kanyang kapatid, isang napakagaling na mandirigma at tagapagtanggol ng Kalangitan.

Pero hindi siya pinagbigyan ng kanyang ama kaya hindi siya natuto sa pakikipaglaban. Tanging sa kanyang kapangyarihan at sa kapangyarihan ng tungkod na lamang siya umaasa ngayon para mananatili siyang ligtas sa mga tumutugis sa kanya.

Nagsimula ng dumating ang mga mandirigmang sundalo ng Kalangitan bitbit ang kani-kaniyang mga armas at sandata na gagamitin sa pakikidigma. Napukaw ng kanilang atensiyon ang mga pagsabog at paglagutok  ng mga boltahe ng kuryente mula sa mahigit na tatlong-daang metrong tore na kung saan naroroon ang Bulwagan ng mga diyos. Kitang-kita nila ang mga nangyayaring labanan sa dating pinaglalagian ni Bathala.

Ang mga walang kakayahang lumipad ay pinili nilang akyatin ang tila walang katapusang hagdan paakyat sa pinaka tore ng palasyo ng Kalangitan. Ang iilan sa mga mandirigma na may kakayahang lumipad ay kaagad na tinungo ang tore at inihanda ang kanilang mga patalim at mga tungkod. Ngunit, hindi nag-iisa si Anilaokan, sumalubong ang mga tauhan niya sa mga mandirigmang sundalo ng kalangitan.

Kaagad namang inilikas ang mga natitira pang mga diyos at diyosa na miyembro ng konseho para sa kaligtasan ng mga ito. Mabilis silang isinakay sa Balanday upang mabilis na makaalis at makapaglakbay sa kalawakan. Mula sa labing-dalawa ay walo na lamang silang natitira dahil mula ng mamatay si Bathala ay misteryosong bigla na lamang nawawala ang mga miyembro ng konseho na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nila ito nahahanap.

Ang Balanday ay maihahalintulad sa isang sasakyang pandagat na may makukulay na mga layag. Lumilipad ito at nakalutang sa hangin at kumukuha ng enerhiya mula sa mga batong nagmula pa sa isla ng Sabang at Eloria sa ikatlong mundo. Maglalayag ito sa kalawakan ng Kalangitan upang tunguhin ang isla ng Darangan na kung saan sila magiging ligtas.

Kahit ang payapang kaharian ng Kalangitan ay unti-unti na rin nababalutan ng takot dahil sa mga pangambang pag-agaw sa trono ni Bathala. Gagawin lahat ng mga malalakas na diyos at maging mga diyosa ang makakaya nila maagaw lamang ang trono ni Bathala. Ngayon ay tila hudyat na ito ng simula ng kanilang takot at pangamba dahil sa nasasaksihan nilang labanan sa Bulwagan ng mga diyos.

Isang dumadagundong na pagsabog ang narinig ng mga mamamayan ng kalangitan ang nagbigay sa kanila ng matinding takot kaya minabuti nilang lisanin muna ang lugar para makaiwas sa labanan.

Mula sa kanyang dampa, ay kaagad tinungo ni Lakanbakod ang tore ng bulwagan para ipihit ang sibat ni Lakampati. Ito ay upang balutin ang buong kaharian ng puwersang pipigil sa pagpasok ng mga kalaban sa kalangitan. Matagal na rin itong hindi nagagamit simula ng pamunuan ni Bathala ang kaharian. Sa pagpanaw ni Bathala tanging ang puwersa na lamang na iyon ang pipigil sa mga kalaban at iilang mga diyos at diyosang miyembro ng konseho na lamang ang natitirang pag-asa para hindi ito masakop ng mga kalaban. Ngunit paano pa lalaban ang mga natitirang walong miyembro ng konseho kung sa una pa lang ay sumakay na sa isang Balanday at nilisan na ang kalangitan para mailigtas ang kanilang mga sarili?

Hindi ang sakupin at pamunuan ang Kalangitan ang pakay ni Anilaokan. Ito ay ang mahuli si diyosang Tala at makuha ang rin ang tungkod ni Bathala. Ito ang utos sa kanya ni diyosang Bulan na kanyang pinaglilingkuran. Kailangan niyang masukol kaagad si diyosang Tala bago pa sila abutan ng mga mandirigmang sundalo ng kalangitan. Ayaw na rin niyang marinig ang mga pagkutya mula kay diyosang Bulan at ang pagbabanta nito sa buhay pinakamamahal niyang si Mariang Sinukuan.

Makapangyarihan ang tungkod ni Bathala. Kanina lang ay tinamaan siya nito at muntikan ng mapuruan. Kailangan niyang maging maingat lalo na't ito na ang huling pagkakataong ibinigay sa kanya ng diyosa para mahuli si diyosang Tala. Kilala niya kung gaano kabagsik si diyosang Bulan, wla siyang sinasabi na hindi ginagawa kaya nangangamba rin siya sa buhay ng kanyang minamahal na si Mariang Sinukuan.

Alam ni diyosang Tala na makakatakas pa  rin siya sa pagkakataong ito at mapangalagaan pa rin ang tungkod ng kanyang ama. Hindi niya inaasahang nag-aabang pala sa kanya si Anilaokan sa loob ng Bulwagan at hindi iyon napansin ng mga tagapagbantay ng lugar. Ano na kaya ang nangyari kay diyosang Hanan at sa iba pang mga tagapagtanggol ng kaharian? Nasaan na ang mga natitira pang mga miyembro ng konseho na sumumpang ipagtatanggol ang kalangitan?

Mas matinding kapangyarihan ng tungkod ang ginamit ni diyosang Tala para patamaan si Anilaokan. Kasabay nito ang paggamit din ng sariling kapangyarihan para mapigilan si Anilaokan na masukol siya. Mamamatay muna siya bago siya mahuli at makuha ang tungkod sa kanya.

Mabilis at maliksi si Anilaokan kaya napakahirap para kay diyosang Tala na pigilan ito sa pagsukol sa kanya. Kailangan niyang makaisip ng plano para mapigilan ang lalakeng diwata sa paghuli sa kanya, hanggang sa makahanap siya ng tiyempo nang lumundag ang lalakeng diwata para iwasan ang boltahe ng kuryente na nagmumula sa tungkod. Isang konkretong bato mula sa likuran ni Anilaokan ang inihampas ni diyosang Tala sa likurang bahagi ng ulo ng lalaking diwata. Hindi iyon namalayan ni Anilaokan kaya hindi siya nakaiwas dito. Tumilapon si Anilaokan at halos hindi makatayo sa sobrang pagkahilo dahil sa pagtama ng bato sa kanya.

Hindi na nagdalawang isip pa si  diyosang tala na gamitin ang pagkakataong iyon para tumakas. Ngunit pagtalikod niya ay halos mapalundag siya dahil tumambad sa kanyang harapan ang babaeng Mangcucusi na si Daleria.

Hindi na magawang makakilos pa ni diyosang Tala ng ikinumpas ni Daleria ang kanyang kamay sa kanyang mukha at kasabay nito ay ang pagdilim ng kanyang paningin at tuluyan ng nawalan ng malay.

---------------
Bago magtanghalian ay sinimulan na nina Odessa, Demetria, Randy, Caren at Father Mexo ang paglikas sa mga tao. Lahat ay may bitbit na takot sa kanilang mga puso dahil puwede pa ring sumalakay ang mga anak ng Buwan kahit na anong oras. Pero mas mabuti na rin silang umiwas sa paparating na kampon ng kadiliman na higit na mas marami kaysa sa mga umatake sa kanila halos mahigit isang linggo pa lamang ang nakakaraan.

May mga iilang gamit na bitbit ang mga tao samantalang ang iilan sa mga kalalakihan ay karga-karga ang mga bata at matatanda.

Karga-karga naman ni Caren ang natutulog na si Margaux na nakasunod naman sa kanya si Aling Luming na nag-aalaga sa bata. Bakas pa rin sa mukha ni Caren ang sobrang kalungkutan at pangingulila kay Alex. Sa kanyang likuran ay ang nag-aalalang si Father Mexo na makailang-ulit na tinangkang palitan muna niya sa pagkarga kay Margaux pero bigo siyang gawin ito.

Tinahak nila ang lugar patungo sa Maynila para makasiguro silang may mas matibay na gusali na puwedeng pumrotekta sa kanila. Kailangan nilang makahanap ng gusali na kung saan kaya nilang bantayan ang lahat ng mga pintuan na hindi kaagad mapapasok ng mga anak ng buwan. Kung maaari ay kakaunti lamang ang mga bintana at may matitibay na harang para hindi basta-basta makakapasok ang mga anak ng buwan.

" Anong lugar na ba ito?" ang tanong ni Demetria kay Ceasar. Tumingin si Ceasar kay Demetria habang nakakarga sa kanyang balikat ang isang apat na taong gulang na batang lalake.

"Hindi rin ako pamilyar sa lugar na'to Demetria, pero maaaring nasa bahagi na tayo ng Valenzuela." ang tugon ni Ceasar. Butil-butil na pawis ang namumuo sa noo nito dahil sa matinding sikat ng araw.

"Kung gayon, bago dumating ang hapon ay nasa bahagi na tayo ng Maynila. Doon na rin natin papakainin ang mga tao at gawing ligtas ang lugar na mapipili nating titirhan. Nakahanap na ba ng makakain ang mga inutusan mo kanina?" ang muling tanong ni Demetria na tila wala man sa kanya ang matinding sikat ng araw at di man lang pinagpapawisan.

"Hindi pa sila nakakabalik pero ayon sa isa sa kanila ay may mga nakuha silang mga de latang pagkain sa isang grocery at dalawang sako ng bigas mula sa isang bodega. Sana ay ano man ang makuha nila ay sasapat na sa mga tao mamaya." ang tila nag-aalalang tugon ni Ceasar.

"Salamat, Ceasar. Salamat..." tumingin si Demetria kay Odessa na kasamang naglalakad nina Randy at ang Kapreng si Sagaway na mapapansin pa rin sa kanya ang namumulang bahagi ng kanyang likod dahil sa epekto ng apoy na pikawalan ni Odessa ng di nito makontrol ang kapangyarihan. Nangiti siya dahil alam niyang magiging maayos na ang lagay ni Sagaway dahil sa ipinainom na dugo ni Odessa.

"Demetria."

Muli ay ibinalik ni Demetria ang atensiyon kay Ceasar.

"Paano kung pagdating natin doon ay mas higit na marami ang naghihintay na panganib sa atin?" ang nangangambang tanong ni Ceasar.

Napaisip si Demetria sa naging tanong ni Ceasar. Hindi niya kaagad naisip iyon. Paano kung tama nga si Ceasar? Tila lalo lamang nilang inilapit sa kapahamakan ang mga tao. Pero kung mananatili naman sila sa Bulacan ay mas lalong walang ligtas na lugar para sa kanila. Hindi nila masisiguro ang kaligtasan ng mga tao dahil kakaunti lamang sila na puwedeng lumaban sa mga anak ng buwan. Iilang malalakas na lalake na lamang ang natitira ang puwedeng makatulong sa kanila para lumaban. Paano rin kung mayroon din mga taong nakaligtas ang magkakasamang sumisilong sa mga gusali roon? Maari silang umanib sa kanila at mararagdagan ang puwedeng lumaban para makatulong sa kanila.

Bumuntong-hininga si Demetria bago ito tumugon kay Ceasar. "Magtiwala na lang tayo kay Odessa. Hindi niya tayo pababayaan." ang tugon niya na siguradong-sigurado.

Tumango-tango lamang si Ceasar sa naging tugon ni Demetria. Alam niyang dapat rin siyang magtiwala kay Odessa dahil makailang-ulit na rin niyang nasaksihan ang kapangyarihan nito lalo na sa pakikipaglaban.

Nagpatuloy sa paglalakad sa kahabaang iyon ng kalsadang patungo sa Maynila. Lahat ay tahimik sa paglalakad at ni isa ay walang nagrereklamo kahit na sa matinding sikat ng araw.

'Hindi dapat ako sumama, hindi dapat ako umalis doon...paano kung bumalik siya? Paano kung wala siyang madatnan doon?' ang naglalaro sa isipan ni Caren. Nararamdaman niya sa kanyang puso na hindi pa patay si Alex. Marami pa dapat silang pag-usapan. Gusto niyang ibigay ang lahat ng kanyang oras para sa kanya at hihintayin niya ang pagbabalik nito para pag-usapan ang kanilang nararamdaman. Hinding-hindi na niya kailan man pigilan ang kanyang nararamdaman para sa kanya. Babalik siya, alam niya sa sarili niya na babalikan siya ni Alex. Kaya hindi siya titigil sa paghahanap nito sa kanya.

Isang mainit na kamay ang naramdaman niyang tumapik sa kanyang balikat. Lumingon siya at nakita niya ang guwapong mukha ni Father Mexo.

"Okay ka lang ba?" ang seryosong tanong ng pari. Sumabay ito sa paglalakad kay Caren at tumabi sa kanyang gawing kaliwa.

Tumango si Caren. "Oopo, okay lang po ako among." ang mahinang tugon nito sa pari.

"Alam kong hindi ka okay. Nakikita ko at nararamdaman ko hindi ka okay."

"Ano bang alam mo sa nararamdaman ko among? Hindi ako okay dahil nakikita mo ako sa ganitong sitwasyon? Hindi ako okay kasi nakita mo akong umiiyak dahil sa masamang nangyari kay Alex? Kaibigan ko si Alex, kaya kung sa tingin mo na hindi ako okay maaaring tama nga kayo na hindi ako okay." ang emosyonal na tugon ni Caren sa pari.

Minabuti munang kuhanin ni Aling Luming si Margaux sa pagkakakarga ni Caren, na malugod namang ibinigay ng babaeng pulis sa kanya ang natutulog na bata.

"Mahal mo siya?" ang tanong ni Father Mexo sa kanya na tila nagpatigil pansamantala sa pagtibok ng kanyang puso.

Sinubukan niyang ibuka ang kanyang bibig para sagutin ang tanong ng pari sa kanya. Pero agad din niyang isinara ang kanyang bibig at pinili na lamang na huwag sagutin ito.

"Alam kong mahal mo siya kahit hindi mo man sagutin ang tanong ko. Pero..."

"Pero ano, among? Na wala na, patay na talaga siya? Hindi pa siya patay among nararamdaman ko na buhay pa si Alex."

"Caren..."

"Babalikan ko siya among at patutunayan ko na buhay pa siya."

"Caren naiintindihan ko ang nararamdaman mo, masakit tanggapin pero iyon ang dapat gawin. Para sa ikakatahimik ng kaluluwa niya kailangan mo na siyang pakawalan at ipagdasal."

"Pasensya na among, pero iyon ang pinakahuli kong gagawin. Hangga't hindi ko nakikita ng dalawang mata ko ang malamig niyang bangkay ay patuloy pa rin akong maniniwala na buhay pa siya." ang wika ni Caren kasabay ng mabilis na pagdaloy ng kanyang mga luha sa makinis nitong pisngi.

"Caren, ano pa bang hahanapin mong katawan hindi ba ikaw mismo nakita ng dalawang mata mo ang nabubulok na katawan ni Alex ng matagpuan ang  katawan niya sa pampang ng ilog kung saan din siya nahulog? Katabi niya mismo ang babaeng taong-lobo na si Dorothy na umatake sa kanya at sa batang si Adrian." ang paliwanag ni Father Mexo.

"Hindi siya 'yon!" ang di pagsang-ayon ni Caren sa paliwanag ng pari.

"Eh kung hindi siya 'yon, bakit ang suot na damit ng bangkay na 'yon ay parehong damit rin ni Alex ng araw na makipagbuno at mahulog sa ilog na kasama ni Dorothy? At kung hindi siya 'yon bakit hanggang ngayon ay hindi pa siya bumabalik? Nasaan siya? Nasaan na si Alex, bakit hindi na siya bumalik?" ang mga tanong ni Father Mexo na nagsimula na ring lumakas ang boses.

" Baka..." ang naputol na tugon ni Caren dahil siya man ay hindi rin alam ang kasagutan sa mga tanong ng pari sa kanya. Pero iisa lang ang kasagutan na sigurado para sa kanya, ito ay ang buhay pa si Alex at nararamdaman niya iyon at babalikan niya ito. Hinding-hindi siya mag-aalinlangan na babalikan niya ito at hahanapin hanggang sa kanyang kamatayan.

Hindi na niya sinagot pa ang mga katanungan ni Father Mexo. Bagkus ay binilisan niya ang kanyang paglalakad at muling kinuha si Margaux kay Aling Luming at nagpatuloy na sa paglalakad sa kahabaan ng aspaltong kalsada.

Naiwan naman sa kinatatyuan ng pari at nanatiling nakapako ang mga mata nito sa papalayong si Caren kasama ang iba pang mga taong mabilis na naglalakad patungo sa Maynila. Sa pagkakatong iyon ay hindi niya maipaliwanag kung bakit nakaramdam siya ng kakaibang sakit sa kanyang dibdib para sa babaeng nagpakita ng pag-aaruga sa kanya simula ng makilala niya ito sa may Porac sa Pampanga. Hindi rin niya alam kung bakit nasasaktan siya sa sobrang pagpapakita ng pag-aalala at emosyon ni Caren kay Alex. Sa pagkakatong iyon ay pakiramdam niya na parang paulit-ulit siyang pinagsasaksak sa kanyang dibdib.

Huminga ng malalim si Father Mexo at ramdam niyang parang napakabigat ng kanyang dibdib. Sa puntong iyon ay inihakbang niya ang kanyang mga paa at nagpatuloy na sa paglalakad habang ang kanyang mga mata ay nakapako pa rin kay Caren.

Continue Reading

You'll Also Like

103K 2.4K 34
[EDITING] Do you believe in magic? Do you believe in charms? Do you believe that these magical things can create a family you won't forget? If yes...
115K 3.4K 29
Enter Enchanted Academia with full of courage for maybe you will be the next successor of the most powerful stone, the Sorcerer's Stone. Will you acc...
26.3K 1.4K 55
Maligayang pagdating sa mundo ng mga espirito, ang lugar na kung saan ay pumapagitna sa dalawang magkaibang mundo, ang lupaing kaloob ng Maykapal par...
20.6M 758K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...