Mag-aalas onse na ng gabi pero nakatunganga pa rin ako sa bintana ng kwarto ko. Overlooking kasi dito ang Basketball Court di kalayuan.
Aaminin ko, nagpapalipas lang ako ng oras. Di na naman kasi ako makatulog. Ito lagi ang problema ko sa tuwing kinakabahan ako. Magtatagpo na naman kasi ang landas naming apat. Tiyak isang umaatikabong eksena na naman ang mangyayari. Ina-anticipate ko na ang posibilidad dahil para kaming malalaking batong mag-uumpukan.
Napakamot ako. hindi talaga ako dinadalaw ng antok dahil sa sobrang nerbiyos. Ganito na lang ba lagi?
Naaalala ko noong High School pa kami. Graduation na kinabukasan pero wa pa ring hikab sa bibig ko knowing na magmamadaling-araw na. Paano na lang kaya kung ikakasal na ako? Haay!
Di nagtagal natapos din ang laro sa Court. Unti-unti nang nagsisialisan ang mga miron kaya sinara ko na ang bintana ko.
Humiga ako sa kama. Tumitig ako sa kisame naming may marka ng tulo ng ulan. Tinitigan ko iyon. Sa lawak ng imahinasyon ko’y nakakabuo ako ng iba’t ibang images. Naalala ko tuloy yung pelikulang Sigaw ni Richard Gutierrez. Bigla akong napaigtad ng upo. Nakakatakot. Baka may lumabas na mukha ng babae sa kisame.
Nilibot ng mata ko ang paligid ng kwarto. Ano bang pwede kong pagkaabalahan para makatulog ako? Pampapagod kumbaga.
Naalala ko bigla ang mga lumang Magazine ko na balak ko nang itapon. Hahalungkatin ko na lang iyon para maantok ako.
Sa ilalim ng mesa kong maliit kung nasaan ang Bearry ko ay may maliit ring tokador. Binuksan ko iyon at doon ay umultaw ang mga Magazine kong nayupi na dahil pinilit kong pagkasyahin.
Parang magical ang sumunod na eksena nang lumipad sa hangin ang alikabok. Aaah! Sakit sa ilong!
Hinablot ko ang lahat ng mga Magazine na iyon at tinuwid ang mga natuping parte.
Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang maliit na picture ni Samantha sa cover ng isang Local Entertainment Magazine. Nawala agad ang pagka-shock ko ng maalalang socialite nga pala siya.
Eh ano naman kung sikat siya? Mukha pa rin siyang bakla.
Sa sobrang inis ko sa mukha niya, iniangat ko ang Magazine. Gusto ko sanang itapon pero natigilan ako ng makita ang caption na nakadikit sa photo niya.
Lalong lumaki ang mga mata ko sa nabasa ko. Di ako makapaniwala’t halos di makapagsalita.
Teka, kailangan kong i-confirm ang balitang ito. Kailangan kong mag-research.
Bumaba ako at mabilis na pumunta sa Computer Shop ni Mang Jun.
Tinayp ko ang pangalan ni Samantha at ang petsa kung kailan nagawa ang article na iyon sa Magazine. Nahirapan akong hanapin ang hinahanap ko. May katagalan na kasi ang balitang iyon at mukhang hindi naging malaking balita. 2007 iyon at base sa natatandaan ko, hindi pa siya ganun kasikat na socialite.
Maging ang mukha niya’y iba pa sa picture. Parang may nagbago... nagparetoke kaya siya?
Hindi ako sumuko, binaligtad ko ang pagkaka-phrase ko nang ilang ulit sa hinahanap ko hanggang may umultaw na nag-iisang blog.
Binasa ko ang blog at ang mga comments doon. Biglang may evil laugh na lumabas sa labi ko kaya nagtinginan ang karamihan sa katabi ko. Sa wakas, may bala na ako laban kay Samantha! Yari ka.
Naalala ko ang kaklase ko noong High School na si Alfred. Showbiz reporter iyon ngayon sa isang TV Network. Matutulungan niya ako sa aking plano. Tinawagan ko agad siya.
Saglit kaming nagkwentuhan at nagkamustahan. At dahil close naman kami at alam din niya an nangyari sa amin ni Andrei, hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa.
"Al, kilala mo ba si Samantha Sandoval?"
"Oo naman. May event nga iyon bukas. Iko-cover namin." Mabilis niyang tugon na ikinataas ng tenga ko.
"Painting Exhibit ba ang sinasabi mong event?" Muli kong tanong.
"Oo. Yun nga. Nahiwalay ka lang ang galing mo nang manghula." Sabi niya sabay tawa.
"Sira. Pupunta din kasi ako doon bukas. May nag-invite sa’kin."
"Ows talaga? Sosyalan yun ah! Paanong mapupunta ka dun?" Tukso niya na ikinangiwi ng nguso ko.
"Hoy! Ang dyosang katulad ko aprub na aprub sa sosyalan." Tugon ko sabay tawa.
"Teka mabalik ako sa tanong mo kanina, bakit mo naman naitanong ang Socialite na si Samantha? Anong ganap?"
Napatigil ako. Iniisip ko pa lang, nae-excite na ako. "Gusto mo ba ng scoop?"
Agad kong ikinuwento sa kanya ang natuklasan ko at tulad ng inaasahan, nagulat rin siya. Nagkasundo kaming hihintayin niya ako doon bago niya itanong kay Samatha ang nagbabagang issue.
Kinabukasan, titig na titig ako sa isang blue cocktail dress na pinadala sa’kin ni Patrick. May kasama na iyong sapatos. Sosyal talaga ng lalaking iyon. Hindi niya hinahayaang mamroblema ako sa mga susuotin ko. Maganda siya at siguradong mahal ito.
Tinaas ko iyon at ipinatong sa katawan ko. Tumingin ako sa salamin at doon ay sinipat iyon ng patagilid at sa likod.
Teka, anong oras nga ulit iyong event?
Kinuha ko ang cellphone ko at kinontak doon si Patrick.
"Hello? Anong atin? Nagustuhan mo ba ang damit mo?" Bungad niyang tanong.
"Oo. Maganda at infairness ang galing ng Assistant mo ha, kuhang kuha niya ang size ko."
"Na-master na nila ang bagay na iyan." Tugon niya na ikinatahimik ko.
Ibig sabihin lagi na niyang ginagawa sa mga past girls niya ‘to?
Eh.... wala naman akong pakialam dun! Ano naman?
"Anong oras nga pala yung Exhibit? Nakalimutan ko eh." Tanong ko para maiba na agad ang usapan.
"Bata ka pa lang pero makakalimutin ka na. It’s four in the afternoon. Don’t worry susunduin naman kita kaya wag kang mag-panic."
Napangiti ako. Hindi niya alam kung anong nasa isip kong mangyayari mamaya. "Panic? Excitement ang tamang word Mr. Silva."
Hindi siya agad sumagot. Nagtataka siguro sa sinabi ko.
"Ano na naman ang binabalak mong gawin?" Ang may kabang tanong niya. Ramdam ko iyon kahit nasa kabilang linya siya.
"May pasasabugin lang naman ako tungkol kay Samantha na di niya magugustuhan."
"Pasasabugin? Ano iyan, galing ba sa pwet iyan o ano?" Sabi niya sabay hagalpak ng tawa.
"Sira. Ang baboy mo."
Grabe talaga ‘tong mestisong ito. Lakas maka-komedyante.
"May nalaman akong magpapahiwalay sa kanilang dalawa ni Andrei." Patuloy ko sabay tingin sa bintana.
"Andrei?!"
Napaigtad ako sa gulat ng marinig si Tito Berto. Agad ko siyang hinarap at nakita ko siya sa pintuan. Mabilis kong binaba ang hawak kong cellphone at pinatay iyon.
"T-tito? Kanina pa ba kayo diyan?"
Kinakabahan ako. Narinig niya kaya lahat nang napag-usapan namin ni Patrick?
Hindi pwede! Alam kong madidiskaril ang lahat kapag nalaman ito ni Tito.
"Hindi naman." Tugon niya. Halatang nahihiwagaan siya sa kinikilos ko. "Bakit mo naman nabanggit ang pangalan ni Andrei? Sino ba iyang kausap mo?"
"Ah ano.... Si.... Si Millette. Yung dating regular patient ni Andrei. Nagtatanong kung kailan kami makakadalaw sa kanila. Binyag daw kasi ng anak niya. In-explain ko na wala na kami." Sagot ko. Parang kakawala sa dibdib ko ang puso ko.
Tumango si Tito. Di ko alam kung satisfied na ba siya sa sagot ko oh ayaw na lang niyang magkalkal pa.
Dahan-dahan siyang umalis ng pinto habang nakatitig sa’kin. Ginantihan ko naman siya ng matamis na ngiti showing na walang problema’t ayos lang ang lahat.
Pagkaalis niya’y tinakbo ko ang pintuan at ni-lock iyon.
Shocks! Muntik na ako dun ah.
Tumingin ako sa orasan. Mag-aalas dos na.
Agad akong naligo. Kailangan kong magpaganda para maglaway sa’kin si Andrei.
Three thirty nang matapos ako sa pagpapaganda. Ayaw kong bumaba. Tiyak na nanduon si Tito. Naiilang ako baka kasi magtanong na naman siya tungkol sa nangyari kanina. Matanong pa naman iyon kapag naiintriga siya sa isang bagay.
Agad kong tinext si Patrick. Sinabi ko doon na i-text niya ako kapag nakadating na siya. Bababa na lang ako kapag nandiyan na siya para diretso alis na.
Tulad ng inaasahan, dumating siyang solo sa bahay. Tumakbo akong parang hangin pababa ng Resto at sinalubong siya sa pintuan.
"Tara na." Yaya ko sa kanya sabay ikot sa kanya pabalik sa kotse niya.
"Bakit ka nagmamadali?"
"Wala lang. Miss ko na ang dyowa kong Doktor. Gusto ko na siyang makita." Explain ko habang tinutulak siya palapit sa kotse.
Nakita kong kumunot ang noo niya sa sinabi ko.
Pagkatapat ko sa kanya sa driver’s seat area ng kotse niya’y hinarap niya ako.
"Teka, hindi ba dapat magpaalam muna ako sa Tito mo na isasama na kita? Nakakahiya naman sa kanya."
"Okay lang iyon. Ano ka ba? Wala na tayo sa panahon ng Kastila para magpakapormal ka nang ganyan. Love ka nilang lahat doon kaya wala kang dapat ikabahala." Sabi ko habang naglalakad papunta sa kabilang side.
Pagkasakay namin sa kotse niya, natameme akong nakatingin sa Resto namin.
"Is there anything wrong?" Tanong niya.
Agad akong napatingin sa kanya.
"Si Tito Berto kasi kanina, nahuli niya akong kausap ka sa phone at narinig niya ang pangalan ni Andrei."
"Kaya pala pinutol mo agad ang usapan natin kanina. Anong sinabi mo?" Tugon niya habang pinapaandar paalis ng Parking Lot ang kotse.
Bumuntong hininga ako "Ayun. Umandar na naman ang mga palusot moves ko. Pero kinakabahan ako eh. Pakiramdam ko alam niyang nagsisinungaling ako. Masyado niya akong kilala kaya di ako makapaglilihim sa kanya."
"Wag mo na masyadong isipin iyon. Mas malaking bagay na kinakabahala ko ay ang sinabi mo kaninang pasabog mo."
Muli akong ngumiti. "Wala. Kaya nga pasabog eh. Dapat mong intayin. Kung sinabi ko na ngayon edi hindi na pasabog yion. Singaw na lang iyon."
"Siguraduhin mong explosive iyan ha. Baka naman wala-wala lang iyan at magulo lang ang plano natin."
"Oo alam ko na iyan. Wag kang mag-alala. Akong bahala." Ang confident kong sagot.
Biglang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko iyon sa bag na bigay din ni Patrick.
Si Alfred pala. "Hello Al. Musta? Nasa Exhibit ka na ba? Kasama mo na ba ang crew mo?" Tanong ko sabay tingin kay Patrick at kinindatan siya.
"Ano! Nagri-ribbon cutting na?" Pag-uulit ko sa sinabi ni Alfred. "Oo sige papunta na kami diyan."
Binaba ko agad ang phone ko at hinawakan sa balikat si Patrick.
"Sino yun. May kaibigan kang Reporter?" Tanong niya habang panay ang tingin sa’kin at sa kalsada.
"Ganun talaga ang magaganda, maraming kakilala. Bilisan mo na’t baka mahuli na tayo sa pasabog. Baka di ko maabutan ang reaksyon ng babaeng bakla." Ang nagmamadali at natataranta kong utos sa kanya.
Humarurot ang kotse at nag-over-take sa lahat ng makakasabay.
"Good afternoon Sir. Mr. De Rama is waiting for you inside." Bungad sa’min ng isang babae sa labasan ng Exhibit.
"Thank you." Tugon ni Patrick sabay hawak sa aking likuran at sabay na namin pinasok ang loob ng hall na walang pader kundi glass walls.
Ang bango at ang lamig sa loob. Ang karamihan sa mga bisita ay abala sa pagtingin sa mga paintings sa paligid. Kanya-kanyang kuro-kuro at discussions.
Di ako mahilig sa Painting kaya hindi ko maintindihan ang fascination ng iba sa mga ito. Kung hindi lang dahil kay Andrei, di ako pupunta dito.
"Close ba kayo ni Mr. De Rama?" Usisa ko sa kanya.
Saglit siyang nag-isip. "Medyo. Bakit mo natanong?"
"Wala lang. Cute ba yun?" Bulong ko sa kanya na kanya lang ikinatawa.
Napatingin kami ni Patrick sa isang Painting na di ko maunawaan. Para lang namang halo-halong kulay tapos paikot na kala mo ipu-ipo tapos parang may mata sa dulo na ewan. Bakit ba ganun ang mga Painting? Panakit minsan sa ulo sa pag-iisip.
"Kala ko ba hinihintay ka na daw ni Mr. De Rama. Bakit di pa natin siya hinahanap?" Usisa ko nang makadama ako ng boredom sa Painting na tinitignan namin.
"Marami pang kinakausap iyon sa may looban ng Gallery. Iikot naman iyon, mamaya na lang." Tugon niya habang di inaalis sa Painting ang kanyang tingin.
Hindi ako sumagot. Nakuntento na lang ako sa sinabi niya. Nagpalibot-libot ang tingin ko sa paligid. Ang daming sosyal. Nakakailang. Feeling ko di ako belong dito.
Di kalayuan ay nakita ko si Alfred. Maingat akong naglakad patungo sa pwesto niya at tinapik siya sa balikat.
"Oh! Bakit ka late?" Bungad niya sa’kin nang ma-recognize niya ang itsura ko.
"Ganun naman talaga ang mga magaganda diba? Dapat sa finale ka para makita ka ng lahat." Tugon ko sabay hawi sa buhok ko patalikod.
"Makita ng lahat? Di ko nga napansin na dumating ka eh." Ang tumatawa niyang biro.
Tinapik ko ulit siya pero this time sa sikmura na.
"Yung napag-usapan natin, okay na ba?" Bulong ko sa kanya habang sinisipat ang paligid kung may nakakarinig ba sa sinasabi ko.
"Ako nang bahala dun. Sure akong malaking balita ito bukas panigurado. Matutuwa ang Boss ko nito. Salamat nga pala ah. Galing mong mag-research."
"Sabi ko naman sa’yo eh. Maharot lang ako pero...-"
"Sinong kausap mo?"
Natigilan ako sa pagsasalita nang biglang sumingit si Patrick sa gilid ko.
"Hi. Mr. Silva. I’m Alfred Cunanan. Senior Entertainment Correspondent for NEXT Television." Mabilis na pakilala ni Alfred.
Grabe na ang pinagbago ng lalaking ito. Sino nga ba ang makapagsasabi na ang mahiyaing naglalako ng balot noon, isa nang ma-PR na Reporter ngayon. Ang ikot nga naman ng buhay.
"Oh. Nice to see you here. Magkakilala kayo ng Girlfriend ko?" Tugon ni Patrick sabay akbay sa akin.
Naikwento ko na kay Alfred kagabi si Patrick. Di ko nasabi sa kanya ang tungkol sa pekeng relationship namin. Ang buong akala niya ay dyowa ko talaga ang mestisong ito.
"Magkababata kami." Sabi ko sabay lapag ng aking kamay sa tiyan ni Patrick.
"You look good together. I guess kayo ang bagong Celebrity Couple na susundan ng Media." Puri ni Alfred.
Biglang dinikit ni Patrick ang kanyang katawan sa’kin. Nabigla ako pero di ako pumalag. Talagang nag-eenjoy na yata ‘to sa usapan namin ah.
"Si Samantha!" Sabi ng isang babae di kalayuan.
Pare-pareho kaming napalingon at doon ay nakita namin sina Andrei at Samantha na pumapasok sa venue. With matching removing the shades pa ang entrada ng babaeng bakla.
"Natalo tayo sa entrance niya ah." Bulong sa’kin ni Patrick na di pa kumakalas sa pgkakadikit sa’kin.
"Wag kang mag-alala. Matatakluban ng pasabog ko ang grand entrance niya." Paniniguro ko sabay titig kay Samantha.
Di nagtagal, nakita na rin kami ng bruha. Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa at dire-diretsong lumakad palapit sa’min. Syempre, ang mokong na dyowa niya ay nakabuntot sa likod niya.
"Pati pala Painting Exhibit ay pinapasok na rin ngayon ng mga tindera." Sabi niya sa malumanay na paraan.
Kahit nang-iinsulto siya, sinubukan pa rin niyang magpaka-classy.
Hindi ako nakasagot. Maraming tao at nakakahiya para sa part ni Patrick kung eeksena ako.
"Come on Sam. Stop this." Ani Andrei sabay hawak sa kamay ng dyowa.
"Oh well, maganda na rin nakakarating ka sa malayong lugar. Hindi iyong sa karinderya ka lang pumupwesto." Muli niyang banat.
"You look thin and tired Samantha." Nabigla ako ng magsalita si Patrick. Siya ba ang gaganti para sa’kin?
"Are you okay?" Muling tanong ni Patrick dahilan para maging self concious ang loka.
Natameme ito’t mukhang alam niyang tama ang obserbasyon ni Patrick.
Napatingin tuloy ako sa katawan niya. Medyo pumayat nga siya’t parang kulang sa tulog.
"Samantha?" Singit ng isang lalaking foreigner di kalayuan.
Nilingon iyon ng loka.
"Anthony!" Sigaw niya sabay lakad na parang bata palapit sa lalaki.
Grabe rin ang shift ng emosyon nung loka-lokang iyon.
Tumingin lang sa’kin si Andrei pagkatapos ay sumunod na rin sa nobya niya.
"Matapobreng bakla." Bulong ko habang pinagmamasdan si Samantha.
"Hayaan mo na. Bumawi ka na lang mamaya sa sinasabi mong pasabog." Pagpapakalma sa’kin ni Patrick sabay himas sa braso ko.
"Patrick Silva? I’m glad you make it today!" Salubong sa’min ng isang lalaki. Ito na siguro ang may pa-exhibit.
"Siyempre naman basta ikaw. Alam mo namang hindi kita mahihindian." Tugon ni Patrick habang ka-shake hands si Mr. De Rama.
Tumingin ang may pa-exhibit sa’kin. "Who’s this gorgeous woman beside you?"
Wow! Compliment.
"This woman is my girlfriend." Tugon ni Patrick na may pagmamalaki sa boses niya. Agad niya ulit akong niyakap.
Tumawa si Mr. De Rama. "You really know where to find the most beautiful women on Earth. Lapitin ka talaga ng mga babaeng maganda."
Eeeeh! Ano ba? Nakaka-flatter naman.
"Your Paintings are impressive. Congratulations for putting up a successful exhibit. Proud of you bro." Litanya ni Patrick habang tinitignan ang mga Paintings sa paligid.
"Alam mo naman na buhay ko na ito. Salamat sa suporta mo."
Teka lang, mag-bo-bromance ba ang dalawang ‘to sa harapan ko?
Habang na-o-OP ako sa usapan ng dalawa, nilipat ko ang atensyon ko kina Samantha.
Sumigla ang mood ko nang makita kong nagsisilapitan na ang press sa kanya.
"Hope you enjoy the Exhibit. Excuse me lang kakausapin ko lang si Ambassador Roxas saglit." Paalam ni Mr. De Rama na hindi ko na nakuha ang first name.
Wala na ang isip ko sa aking kaharap dahil na-e-exite ako sa pwedeng mangyari kay Samantha. Otomatikong lumakad ang mga paa ko palapit sa kinaroroonan ng bruha. Hindi naman masyadong malapit. Tama lang para marinig ko ang magiging interview sa kanya.
Hindi ko na hinintay pa si Patrick. Ni hindi ko na nga nalaman kung nasaan ba siya, nasa likod o gilid ko. Ang tanging nakikita ko lang ay ang mga Reporters at si Samantha.
"Ms. Samantha, ang ganda ng career niyo ngayon. Ang dami niyong Endorsements at ang mga commercials niyo ang lamang ng TV." Opening Salvo ng isang Reporter.
Napangiti si Samantha. Halata sa mukha niya ang pagka-proud sa achievements niya. "Masaya ako sa mga natatanggap kong blessings. Wala na akong mahihiling pa. Utang ko lahat ng iyan sa mga nagtitiwala sa akin."
"Pero Ms. Samantha, may nakarating na balita sa amin na dati ka raw naging kabit ng isang Tycoon. Totoo ba ito?" Singit ni Alfred.
Boom! Ito ang pasabog ko.
Base sa research ko, naging kabit siya ng isang matandang owner ng isang Casino. Ang sabi pa sa blog, siya ang dahilan kung bakit nahiwalay ang Tycoon sa asawa nitong dating beauty Queen. Malandi na, home wrecker pa.
Nakita ko ang shock sa mukha ni Samantha. Di rin maipinta ang mukha ni Andrei. Malamang cluless siya sa kalandian ng dyowa niya.
"Anong sinasabi niyo? Saan niyo nakuha ang balitang iyan?" Ang nangingiting tanong ng bruha.
Alam kong pilit niyang kinakalma ang sarili at pinapakitang wala lang ang pinag-uusapan.
"May reliable source kami Samantha at ang sabi pa, ang naging affair niyo ng Tycoon na iyon ang dahil kung bakit siya na stroke at kalaunan ay namatay." Dagdag ni Alfred.
Lalong lumapit sa mukha ni Samantha ang mga mikropono at recorders. Mas lumakas at dumami rin ang flashes ng camera sa paligid niya.
Napatingin ang bruha kay Andrei. Panay rin ang lunok niya at pagtingin sa lupa.
"I don’t know what you’re talking about. That issue is nonsense and a lie. Excuse me." Aniya sabay walk out.
"Ay! Nag-walk out. Guilty siguro." Hinala ng isang Reporter.
Pinanood ko lang na maglakad si Samantha habang ninanamnam ang tagumpay ng plano ko.
"Wow! Ito pala ang pasabog mo? Hindi ako makapaniwala na may ganoong issue pala sa kanya." Sabi ni Patrick na hindi maka-get-over sa narinig.
Ngumiti lang ako sa kanya.
Lumingon ako kay Alfred at buong ngiti ko siyang tinignan.
Good job my friend! Good job!
Hinanap ko si Andrei sa paligid ngunit nowhere to be found ang loko.
Di naglaon, dahil si Patrick ang naiiwang malaking Celebrity sa venue, dinumog na kami ng Media.
Tulad ng inaasahan, tinanong kami tungkol sa relasyon namin. Nakakailang at nakakahiya.
Game namang sumagot si Patrick. Minsan talaga nagdududa na ako sa palagiang pagsakay ni Patrick sa plano namin. Siya talaga ‘tong nag-eenjoy eh. Sa ganitong parte talaga ng plano namin siya energetic eh.
Hindi ako makasagot sa mga tanong nila. Nakakapangliit at feeling ko, lalamunin ako ng mga ito. Nakakasakal rin at para akong nauubusan ng hangin dahil nakapalibot sila sa’min.
Habang tumatagal ang interview-han, napadako na kay Patrick ang tanong ng Reporters. Eh siya naman talaga ang may pangalan sa’ming dalawa. Ano bang exciting na pwedeng itanong sa’kin na magiging interisado ang lahat?
Nagsimula akong matulala. Pumasok tuloy sa isip ko si Samantha. Alam kong hindi pa siya lumalabas ng venue. Iisa lang naman ang entrance at exit dito.
Sa pagkakaalala ko, sa gawing kanan siya pumunta noong nag-walk-out siya. Malamang na nagtatago iyon at hinihintay na umalis ang Reporters para makaalis na rin siya. Kung puntahan ko kaya siya?
"Excuse me lang po. Magbabanyo lang ako." Sabi ko sa lahat na kanila namang pinagbigyan.
Sinundan ko ang dinaanan ni Samantha. Nauwi ako sa CR. Maaaring dito siya nagtago.
Pagpasok ko sa loob ay nakita ko ang bruha na nakaharap sa salamin. Bagong hilamos ang mukha niya at halatang tensyonado siya.
Nakita niya ako sa repleksyon sa salamin. Tumitig siya sa’kin.
"Kamusta? Okay ka lang ba?" Kaswal kong tanong sabay lapag ng bag ko sa lababo at kinuha doon ang lipstick.
Pinahiran ko ang labi ko noon habang palihim na tinitignan ang repleksyon ni Samantha.
Hindi niya inaalis ang tingin niya sa’kin.
"Ikaw. Ikaw ang reliable source na sinasabi ng Reporter na iyon kanina diba?" Mahina niyang tanong. Puro hinga. Halatang umuusok na siya sa galit.
"Ano? Ako mag-iinform sa Media ng ganung bagay? Hindi naman tayo magkakilala para malaman ko ang ganung mabahong issue tungkol sa’yo." Pagsisinungaling ko habang binabalik ang lipstick sa bag.
"Magaling kang magsinungaling pero hindi iyon maitatago ng mga kilos mo. Nakita ko sa glass wall ng Exhibit bago kami pumasok na kausap mo ang Reporter na iyon."
Tumitig ako sa kanya. Pilit kong tinago ang pagkabuko sa aking mukha.
"Kinausap niya kami dahil kino-congratulate niya si Patrick sa Anniversary ng Mall nila. I don’t find any connection with that."
Tumaas ang isang sulok ng labi ni Samantha at nagpameywang akong tinignan. "Kilala na kita. Ang tipo mo. Kilalang-kilala ko. Nagtatapangtapangan ka lang pero sa loob mo mahina ka."
Natameme ako. Nagulat sa sinabi niya. "A-nong sabi mo?"
"Kunwaring matapang ka pero ang totoo duwag ka. Hindi mo kayang mag-isa kaya habol ka ng habol sa boyfriend ko. Nagpapakababa ka para lang balikan ka niya. At iyang ginagawa niyong dalawa ni Patrick, akala niyo ba hindi obvious ang agenda niyo? You can’t destroy us Suzy."
Napaatras ako. Naubusan ako ng salitang sasabihin.
"Tama nga si Andrei sa mga sinabi niya sa’kin tungkol sa’yo. Mahina ka’t tatanga-tanga. Wala ka ring maipagmamalaki sa sarili mo."
"Ano?!" Sigaw ko. Masakit na ang mga sinasabi niya ah! Hindi ako nakasisiguro kung si Andrei ba talaga ang may sabi nun pero sa tono kung paano sabihin ni Samantha ang mga iyon, alam kong kayang-kayang sabihin iyon ni Andrei.
"Ang sabi pa niya boring ka daw. Manang ka pala. Ni hindi ka nga raw niya mahiritan na makatabi sa kama. Hindi ako magtataka kung bakit nagsawa siya sa’yo." Dugtong ng bruha habang nailing at binibigyan ako ng nakakaasar na ngiti.
Parang kidlat na umangat ang kamay ko’t humambalos iyon sa mukha niya. Napausod siya sa sobrang lakas.
Pati ba naman ang pagkababae ko ay yuyurakan nilang dalawa?
"Mga hayop kayo! Paano lumalabas sa mga bibig mo iyan? Babae ka pa naman!” Himutok ko.
Hinawakan ni Samantha ang pisngi niya at ginalaw ng bahagya ang panga niya. Alam kong nasaktan ko siya pero nginitian lang niya ako.
“Bakit, masakit ba ang mga narinig mo? Mukhang mas masakit pa ang mga sinabi ko kesa sa sampal mo.”
“Sabihin mo nga sa’kin Samantha, naranasan mo na bang mapag-iwanan at lokohin ng lalaki?”
Sumirit ang tawa sa labi niya na parang katawatawa ang tinanong ko. “Kahit kailan hindi ako inaayawan ng mga lalaki. Ako ang umiiwan sa kanila. Hindi ako iiyak nang dahil lang sa isang taong kaya kong palitan. Ang mga babaeng ganun ay mga mahihinang klase ng tao. Gaya mo.”
Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko kay Samantha. Talaga bang may ganitong klaseng tao? Hindi ko maiwasang mapangiti na may halong pagkadismaya sa kaharap ko.
“Balang araw maiisip mo rin na mali ang lahat ng ginagawa mo. Makakahanap ka rin ng katapat mo Samantha. Lahat ng sakit na ginawa mo sa iba, babalik rin sa’yo. Mas masakit, mas matindi. Hindi ako magtataka kung mapupunta ka sa Impyerno dahil sa pangangabit mo at paninira ng isang Pamilya. Imoral ka."
Mabilis kong kinuha ang aking bag at nilisan na ang banyo. Bahala siya kung hindi niya pakikinggan ang mga sinabi ko sa kanya. Ayoko nang mapalibutan ng mga taong katulad nila ni Andrei.
Pagkalabas ko’y agad kong nakita si Patrick na kausap pa rin ng Media. Napatingin rin siya sa akin at alam kong sa tingin niyang iyon ay tinatanong niya ako kung anong problema.
Umiling ako sabay lakad sa bukana ng Exhibit.
Hinahanap ko si Andrei. Hindi ko palalagpasin ang mga bagay na sinabi niya kay Samantha.
Ang buong Exhibit room ay nababalot ng glass wall kaya tanaw ko rin ang labasan kung saan nakadikit ang isang malaking Parking lot.
Nakita ko malapit sa isang sasakyan si Andrei. Naglalakad siya papunta sa kotse niyang kulay Green Apple na favorite color niya. Ewan ko, matagal na siyang tinatawanan ng mga kakilala ko sa kulay ng kotse niya pero never niyang pinapalitan.
Walang kaabog-abog ay lumabas ako’t tumakbo palapit sa kanya.
"Andrei!" Sigaw ko na agad niyang ikinalingon.
Nang makalapit ako sa kanya ay agad ko siyang sinampal.
"Hayop ka!"