ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of...

By angelodc035

43.7K 2.2K 550

FILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic... More

ANG NAKARAAN....
PROLOGUE
Chapter 1: FAILURE
Chapter 2: THE AWAKENING
Chapter 3: A WEREWOLVES NIGHT
Chapter 4: THE DUEL
Chapter 5: BLAKE
Chapter 6: A NEW DAWN
Chaptet 7: THE MAN ON A BLACK CLOAK
Chapter 8: THE ISLAND OF SEVEN KINGDOMS
Chapter 9: FIRE, ICE AND PROPHECY
Chapter 10: PILUNLUALAN (MYSTIC TUNNEL)
Chapter 11: CAREN'S FATE
Chapter 12: THE NEW ALPHA
Chapter 13: SAKAYA
Chapter 14: DIYOSANG TALA
Chapter 15: SAKAYA'S TEST
Chapter 16: ANILAOKAN
Chapter 17: STRIGOI
Chapter 18: QUEBALUAN TREE
Chapter 19: CHASING MEMORIES
Chapter 20: AWAKENING
Chapter 21: AWARENESS
Chapter 22: THE FATE
Chapter 23: BLOOD BY BLOOD
Chapter 24: A DECISION MADE
Chapter 25: ANILAOKAN'S LOVE
Chapter 26: BEHEMOT
Chapter 27: REDEMPTION, REVENGE AND REUNION
Chapter 28: DRAGON PHOENIX
Chapter 29: DESPERATION
Chapter 30: INTERROGATION
Chapter 31: BATHALA
Chapter 32: THE RETURN
Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD
Chapter 34: BLAKE, LAUREA, DIYOSANG TALA AND CLAUDIUS
Chapter 35: THE FALLEN GODDESS
Chapter 36: MANGGAGAWAY (SPELL CASTERS)
Chapter 37: CITY OF THE DEAD
Chapter 38: BLOODY GHOULS DAY
Chapter 39: BLOODY BATTLE
Chapter 40: BLOODY DEATHS
Chapter 41: DEATH BY BLOOD
Chapter 42: DEAD EVERYWHERE
Chapter 43: LOSS
Chapter 44: BATHALA'S DEATH
Chapter 45: QUINTA FOREST
Chapter 47: CHAOS
Chapter 48: HUKLUBAN
Chapter 49: DARK POWER
Chapter 50: CAPTURE
Chapter 51: ERISE
Chapter 52: HOTEL MORTE
Chapter 53: DIYOSANG BULAN
Chapter 54: BABAGUA
Chapter 55: REVELATION
Chapter 56: INFESTATIONS
Chapter 57: THE ESCAPE
Chapter 58: LOVE AND BETRAYAL
Chapter 59: A SISTER'S DEMISE
Chapter 60: A NEW HOPE
Chapter 61: LAMUIAN FOREST
Chapter 62: PALACIO LUNAR TOWER
Chapter 63: MOTIVES
Chapter 64: FORCES OF NATURE
Chapter 65: APOCALYPSE
Chapter 66: DEATH IS THE BEGINNING
EPILOGUE
PASASALAMAT

Chapter 46: BALINTATAW

361 21 6
By angelodc035

"Nawa'y ang kanilang mga kaluluwa ay magkaroon ng kapayapaan at katahimikan, at tanggapin sila sa kaharian ng Diyos amang nasa langit,  magpasawalang hanggan..." ang panalangin ni father Mexo sa nakahilerang mga bangkay na nababalutan ng tela sa harapan ng simbahan ng Barasoain.

"Amen." ang sabay-sabay na sagot ng mga taong naroroon at nakikidalamhati sa isa't-isa.

Lumapit ang isang lalaki at iniabot ang isang bote ng holy water kay father Mexo para bigyan ng huling bendisyon ang mga bangkay. Nasa pinaka-unang hanay ang katawan ni Adrian at sa tabi niya ay si Aling Luming at ang umiiyak na si Margaux.

Tahimik ang paligid maliban sa mga maya't-mayang paghagulgol ng mga nawalan ng mahal sa buhay. Tumigil na ang malakas na ulan ng mga sandaling iyon at muling nagpakita ang halos bilog na buwan sa kalangitan. Hindi nito ipinagkait ang mumunti nitong liwanag para sa mahigit isang-daang katawan ng mga inosenteng tao na nagbuwis ng kanilang mga buhay para sa labang hindi naman dapat sa kanila.

Pagkatapos ng pagbabasbas ay binuhusan na sila ng gasolina nina Demetria para sila'y sunugin na. Masakit kina Demetria at ilang kalalakihan ang gawin ito pero ito lamang ang tanging paraan para maiwasan ang pagkabuhay muli ng mga namatay bilang mga nilalang na uhaw sa dugo at laman ng tao. Dahil kapag nangyari iyon ay baka hindi na kakayanin pa ng kanilang mga damdamin at pag-iisip na makitang kasama na ng mga anak ng buwan ang kanilang mahal sa buhay.

"Alalaanin natin silang mga mahal natin sa buhay na nauna na sa kalangitan ng ating panginoong Diyos.  Alalaanin natin sila hindi bilang mga patay kundi isang mortal na buhay at ang kanilang masasaya at mabubuting nagawa sa ating mga naiwang buhay dito sa mundo. Oo masakit ang mawalan ng mahal sa buhay, pero mas masakit ang balewalahin ang kanilang kamatayan. Karamihan sa kanila ay lumaban para sa kanilang pamilya, para sa kanilang mahal sa buhay, para sa kanilang kapwa, sarili at para sa atin. Sila rin ay natakot pero mas pinili nila ang lumaban." ang matigas na wika ni father Mexo sa harapan ng mga taong naroroon. Nasa tabi niya si Demetria na may dalang sulo.

"Maaaring napakasakit para sa atin ang mawalan ng mahal sa buhay, pero napakasuwerte pa rin nila dahil hindi na nila mararanasan kailan man ang takot, hirap at mga pangamba dahil kasama na nila ang ating Diyos. Kaya walang dahilan para hindi muling ngumiti, walang dahilan para mawalan ng pag-asa dahil meron. Meron sapagkat ang bawat isa sa atin ay sapat ng dahilan para huwag mawalan ng pag-asa. Ang bawat isa sa atin ay ang kasagutan kung bakit kailangan nating manatiling buo, at magkaisa para lumaban sa mga nilalang ng kadiliman. Tutulungan at gagabayan tayo ng ating Diyos. Mahal tayo ng ating nag-iisang Diyos."

Lahat ay nakikinig sa bawat salitang binibitiwan ng pari. Lahat ay nananatiling kumakapit sa katiting na pag-asa na darating ang panahon at magkakaroron rin ng katapusan ang malalagim na pangyayaring dulot ng paglusob ng mga anak ng buwan.

Ilang saglit lang ay isa-isang sinindihan nina Demetria ang mga bangkay. Unti-unting nagliwanag ang buong harapan ng simbahan at nagsimulang kumapal ang usok mula sa mga nasusunog na mga bangkay.

Marami ang tumalikod at umalis dahil hindi nila kayang pagmasdan ang mga pangyayari. Mayroon naman na naiwan at nagdasal para sa kaluluwa ng kanilang namayapang mahal sa buhay. Mayroon din na nanatiling umiyak at ibuhos lahat ng kanilang nararamdaman sakit at sama ng loob sa kanilang sinapit. Mahal ba talaga sila ng Diyos? Ganyan ba talaga magmahal ang Diyos sa tulad nilang mga tao?

-----------------------
Sa ilalim ng tulay ay naroroon pa rin at nakaupo sa isang malaking bato si Caren. Nakamasid sa maruming tubig ng ilog at kanina pa siya naghahanap kay Alex. Tulala at hindi na alintana na natuyo na ang mga luha nito sa namumugto nitong mga mata.

Makailang ulit na rin siyang sumisid, hindi pansin ang napakarumi at napakabahong tubig ng ilog. Makailang ulit din siyang umahon at makarating kahit sa pinakadulong parte ng ilog hanggang sa makarating sa bahagi ng Manila Bay.

Malakas ang daluyong ng tubig sa ilalim ng ilog. Ito marahil ang umanod kay Alex kaya hindi nila mahanap sa kinahuluhan niyang bahagi ng ilog. Ang lalong nakakapagpahirap para sa kanya na hanapin si Alex ay ang napakarumi at maitim na tubig nito lalo na ang tanging nagbibigay ilaw sa kanya para makita ang paligid ay ang liwanag na nagmumula lamang sa buwan.

Hindi siya puwedeng mapagod dahil buhay ni Alex ang nakataya rito. Hindi puwedeng mamatay si Alex dahil di niya hahayaang mangyari ito. Hangga't may natitira siyang lakas ay gagamitin niya ito mahanap lamang ang lalakeng napakaimportante sa buhay niya. Alam ni Caren na hindi pa huli ang lahat para sa lalakeng pinakamamahal niya.

Akmang tatalon muli si Caren sa ilog nang isang pamilyar na anino mula sa isang puno ang kanyang napansin. Papalapit ang anino sa kanya pati na rin ang mapulang ningas na nanggagaling sa dala-dala nitong napakalaking tabako.

"Sagaway?" ang malungkot na wika ni Caren.

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo kaibigang Caren. Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng mahal sa buhay...ng kaibigan." ang mahinahong wika ni Sagaway paglapit nito sa dalaga.

"Hindi kaibigang Sagaway. Hindi pa patay si Alex. Nararamdaman ko hindi pa siya patay." ang humihikbing tugon ni Caren sa Kapre.

"Paumanhin, sa nasabi ko kaibigang Caren, pero hindi iyon ang gusto kong tukuyin."

Tumingin si Caren kay Sagaway at kitang-kita nito ang kalungkutan sa mukha ng Kapre.

"...naramdaman ko kanina ang pagkawala ni Alimog. Wala na ang aking kaibigan." ang malungkot na dugtong ni Sagaway.

Halos mapayuko si Caren sa tinurang iyon ni Sagaway. Sa harapan niya mismo namatay ang mabuting Malakat at dahil sa sobrang pag-aalala kay Alex ay nakalimutan niya itong sinabi kay Sagaway. Muli ay dumaloy ang maiinit na mga luha sa mata ni Caren. Hindi siya makatingin kay Sagaway dahil nahihiya siya sa kanyang nagawa.

"Pa...patawarin mo ako kaibigang Sagaway." ang tangi nasabi ni Caren sa Kapre. Mula sa dibdib nito ay lumutang ang isang maliit na ilaw na unti-unting lumalapit kay Sagaway.

"Anuladua?..." ang nasambit ni Sagaway pagkakita sa lumilipad na ilaw papunta sa kanya. Halos mapanganga siya at sumabog ang kanyang puso sa kalungkutan dahil ang Anuladua ay ang kaluluwa ng namayapa niyang kaibigang Malakat. Si Alimog.

"Patawad,  hindi ko sinasadyang makalimutan na ibigay sa'yo 'yan tulad ng habilin niya sa akin bago siya panawan ng hininga. Masyadong naguluan ang isip ko dahil sa mga pangyayari kaya nakalimutan ko siyang ibigay kaagad sa'yo. Nais niyang ibalik mo siya sa kanyang pamilya." ang paghingi ng paumanhin ni Caren sa Kapre.

Tumango si Sagaway kay Caren bilang pagtugon sa paliwanag nito. "Isa siyang matapat at mabuting kaibigan. Hinding-hindi ko siya makakalimutan." ang tugon ni Sagaway at ikinuyom sa mga palad nito ang tila alitaptap na kaluluwa ni Alimog.

Malungkot na walang paalam na nilisan ni Alimog ang kinatatayuan dala-dala ang Anuladua ni Alimog. Noon pa man ay batid niya ang pagwawakas ng kaibigan ngunit ang hindi nito alam ay kung gaano ito kasakit sa kanyang pakiramdam.

Naiwan na mag-isa si Caren habang nakatingin sa papalayong si Sagaway. Bumuntung hininga siya at saka yumuko kasabay ng pagpikit niya sa kanyang mga mata. Apat na sunod-sunod na luha ang nag-unahang pumatak mula sa kanyang mga mata sa nilulumot na pader ng concrete barrier sa tubig ng ilog. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang nawalan siya ng mga paa at lakas para humayo ng mga sandaling iyon. Dahil umaasa siya na buhay pa rin si Alex. Maghihintay at maghihintay pa rin siya para sa kanya at sa pagbabalik niya ay ibubuhos na niya kay Alex ang pag-ibig nito sa kanya.
------------------
Nakakasilaw na liwanag ang sumalubong kay diyosang Tala at sa matandang pantas ng Philontra na si Arathanias. May kaba sa dibdib ni diyosang Tala dahil sa unang pagkakataon ay nakapasok siya sa Balintataw upang alamin ang hinaharap ng sanlibutan sa pagpanaw ni Bathala.

Nakakabingi ang katahimikan at nakakapangilabot ang pakiramdam sa buong paligid. Walang mga istruktura o kahit na ano mang nakatayo dito maliban sa walang hanggang liwanag na nakapalibot sa kanila. Iginagala nila ang kanilang mga mata pero walang ano mang mayroon na puwedeng pumukaw sa kanilang pansin sa pinasukan nilang mundo, ang Balintataw.

"Arathanias." ang tawag ni diyosang Tala sa kasama.

Arathanias...
Arathanias...
thanias...
anias...

Umalingawngaw ng paulit-ulit ang pagbigkas ng pangalan ni diyosang Tala sa matandang pantas kahit na halos pabulong nitong tinawag ang matanda. Minasdan ng dalawa ang paligid dahil sa mga sunod-sunod na alingawngaw sa pangalan ni Arathanias.

"Makapangyarihang Balintataw, kami'y naparito sa inyong kaharian upang sa inyo'y humingi ng kasagutan sa mga katanungang gumugulo sa aming isipan. Kami'y sa tulong ninyo ay humihingi at magabayan sa kahihinatnan ng hinaharap at walang ibang makakagawa niyan kundi kayo, kayo mahal na Balintataw. " ang malakas na wika ni Arathanias.

...Balintataw...
lintataw...
tataw...
taw...

Matiyagang nakinig at nagmasid sa paligid ang dalawa at tiniis ang mga nakakasakit sa tengang alingawngaw. Tumingin si diyosang Tala sa matanda na di mapagsidlan ang pananabik sa magiging tugon ng Balintataw sa kanila. Pero ang pananabik na iyon ay tila napalitan ng pagkadismaya dahil makalipas ang ilang minuto ay walang senyales na pinakinggan sila ng salamin.

"Nakikiusap po kami makapangyarihang Balintataw dahil nakasalalay sa inyong kasagutan ang kapalaran ng Sanlibutan. Hiling po nami'y inyong pakinggan at ipakita sa amin ang kasagutan." ang muling pakiusap ni Arathanias sa Balintataw.

...kasagutan...
sagutan...
gutan...
tan...

Muli ay nakiramdam sina diyosang Tala at Arathanias sa magiging tugon ng Balintataw. Ngunit bigo pa rin sila sa nais nilang pagtugon ng salamin.

Tama ba ang paghingi nila ng kasagutan sa Balintataw? O baka naman naapektuhan din ito sa pagpanaw ni Bathala. Ito ang mga katanungang naglalaro sa isipan ni diyosang Tala kung bakit hindi tumutugon sa kanila ang Balintataw.

Nakita ni diyosang Tala na tumingin sa kanya si Arathanias. Pero iniyugyug ang ulo nito at mabilis na tumingin sa sahig ang matandang pantas. Tanda ito ng pagkabigo nilang makausap ang Balintataw.

Naghintay pa sila ng ilang minuto dahil umaasa pa rin sila na bibigyang kasagutan ng mahiwagang salamin ang kahihinatnan ng sanlibutan sa pagpanaw ni Bathala. Pero kahit pagpaparamdam ay walang ipinakitang senyales ang Balintataw.

Hindi puwedeng lilisanin nila ang lugar na wala silang napala kaya hindi na nakatiis pa si diyosang Tala at buong lakas niyang kinausap ang Balintataw.

"Ipagpaumanhin mo ang aming paggambala dahil lamang sa nais naming magkaroon ng kasagutan ang mga katanungan sa aming isipan. Ako si Tala, isa sa mga anak ni Bathala. Ang kasama ko ay si Arathanias ng Philontra ang dakilang pantas. Alam kong wala akong karapatang tumuntong at humarap sa inyong harapan dahil sa nagawa ko sa aking Ama na naging dahilan ng kanyang pagpanaw. Pero naririto ako para itama ang lahat ng aking pagkakamali at nakahanda akong isugal ang aking buhay kung ito man ang magiging kapalit para maitama iyon. Pero kailangan namin ang inyong gabay para malaman ang aming gagawin kaya nakikiusap po ako sa inyo dakilang Balintataw!" ang matigas na wika ni diyosang Tala kasabay ng kanyang pagluhod sa gitna ng napakaputing paligid.

Mariing nakinig si diyosang Tala kasabay ng mga nakakasakit sa tengang paulit-ulit na salita na nagmula sa kanya. Halos maiyak na siya sa di pagtugon sa kanila ng Balintataw. Marahil ay ayaw makipag-usap sa kanila ng mahiwagang salamin dahil na rin siguro sa nagawa niya kay Bathala.

Lumapit si Arathanias sa diyosa at hinawakan ang balikat nito. Tumingin si diyosang Tala sa matanda na iniyuko ang ulo nito sa kanya. Hudyat na niyayaya na siya nitong lisanin na ang lugar. Malungkot na tumayo si diyosang Tala at muling minasdan ang paligid bago sinimulang ihakbang ang kanyang mga paa.  Bigo sila na makausap ang Balintataw.

Nakakailang hakbang na sila para lumabas sa salamin ng makaramdam sila ng panginginig ng buong paligid. Napatigil sa paglalakbay ang dalawa ng mapansin na gumagapang ang napakakapal na puting usok sa kanilang kinatatayuan. Maya't-maya ay may mga kaluskos na tila gumagapang sa paligid. Animo'y daan-daang mga paa ang gumagawa ng mga kaluskos sa kanilang kinaroroonan.

Nakaramdam ng panganib si diyosang Tala at inihanda ang sarili para lumaban. Nakalimutan nilang dalhin ang tungkod ng kanyang amang si Bathala para sana magamit nilang sandata sa oras ng panganib tulad ng nararanasan nila ngayon.

Sa kanilang harapan, tatlong maiitim na usok ang nagkakasalubong at unti-unting nabubuo ang kakaibang uri ng nilalang...

...ang Balintataw.

Bumungad sa kanila ang isang nilalang na tulad sa isang maitim na alakdan na may walong metro ang laki na tila nababalutan ng napakatibay na metal. Mayroon itong tatlong ulo na may magkakaibang mukha. Ang unang mukha ay matandang babae na may mahaba at puting buhok. Ang gitnang ulo ay may mukha ng isang lalakeng nasa hustong gulang at ang pangatlong ulo ay mukha ng isang batang babae. Ang buntot nito sa kanyang likuran ay may salamin na magpapakita sa pagkatao at budhi ng kaluluwang nasa harapan nito.

Kahit si Arathanias na makailang ulit na nitong nakaharap ang Balintataw ay nabalutan ng takot pagkakita sa nakakatakot na anyo nito ngayon.

Anong karapatan ninyong gumambala sa aking pamamahinga, Tala anak ni Bathala at Arathanias ang dakilang guro ng Philontra?" ang dumadagundong nitong boses.

Halos natulala ang dalawa sa nilalang na nasa kanilang harapan. Takang-taka si Arathanias dahil kakaibang anyo ng Balintataw ang nasa kanilang harapan. Ang Balintataw na alam niya ay isang maamong puting leon na may tatlong mukha, ang nakaraan, kasalukuyan at ang hinaharap. Pero bakit ganito ang Balintataw na nasa kanilang harapan?

"Ipagpaumanhin po ninyo ang aming nagawa, hindi po namin sinasadya na magambala namin ang inyong pamamahinga. Nais lang namin mabigyan ng kasagutan ang mga katanungang sumisigaw sa aming isipan kaya kami ay pumarito upang hinggin ang sagot mula sa inyo." ang paliwanag ni diyosang Tala na nagbigay pugay.

Bakit lagi kayong nangangailangan ng kasagutan? Lagi kayong naghahanap ng kasagutan sa mga bagay na idinulot ng inyong mga kaisipan, kaisipan na nagtulak sa inyong mga gawain na nagdulot sa inyo ng mga pagkakamali. Ako ang nakaraan na bunga ng kasaysayan, ako ang kasalukuyan na dinulot ng inyong nakaraan, ako ang hinaharap na magiging bunga ng inyong nakaraan at kasalukuyan.

Ang matalinhagang tugon ng Balintataw na tila nanunumbat sa kanila.

Ang hinaharap ay di kailan man sigurado sapagkat hawak ng bawat isa ang kanilang kapalaran. Kapalarang magbubunga mula sa nakaraan at kasalukuyan. Dahil kung nais na baguhin ang hinaharap ay kailangang baguhin ang kasalukuyan at matuto sa nakaraan...

Lumapit sa kanila ang Balintataw na nanlilisik ang mapupulang mga mata. Nakaumang ang mga naglalakihang mga sipit nito sa magkabilang kamay. Tila pinipigilan ng Balintataw ang sarili na huwag masaktan ang dalawa sa kanyang harapan. Nagtataka ang dalawa sa kanilang nasasaksihan lalo na nang akmang aatake ang Balintataw sa kanila.

"Balintataw?!" ang nagtatakang sigaw ni Arathanias.

Mapuwersang inihampas ng dambuhalang alakdan ang magkabilang sipit nito kina diyosang Tala at Arathanias na kaagad namang nakaiwas. Takang-taka si Arathanias sa hindi pangkaraniwang inaasal nito sa kanila.

Pakiusap lisanin na ninyo ang lugar na ito bago pa mahuli ang lahat sa inyo... pakiusap...narito na siya sa aking isipan para ako'y kontrolin.

Ang dumadagundong na boses ng Balintataw na tila may sumasanib sa kanya. Mabilis namang inihanda ng dalawa ang kanilang pagtakas sa napakaliwanag na lugar.

"Diyosang Tala,  lumayo na tayo rito!" ang malakas na boses na tawag ni Arathanias sa diyosa na kaagad namang sumabay sa pagtakbo sa kanya.

Mabilis na humabol sa kanila ang dambuhalang alakdan at tuluyan ng linukuban ng kadiliman ang isip nito.

Sige Tala tumakbo ka kasama ng matandang iyan dahil hindi ka na makakalabas ng buhay dito!

Napansin ng dalawa ang pag-iba ng boses ng Balintataw. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon at hindi siya puwedeng magkamali.

"Diyosang Bulan?" ang bulong ni diyosang Tala sa sarili ng mabatid nitong pagmamay-ari ni diyosang Bulan ang boses ni Balintataw.

Takbo! humalakhak ito ng malakas. Dahil hindi ko hahayaang makalabas kayo ng buhay sa balintataw mahal kong kapatid at pakyalamerong matanda! Magsama kayong mabaon sa limot sa loob ng Balintataw!!!

Mabilis ang ginagawa nilang pagtakbo ngunit hindi nila alam kung ang tinatahak nilang daan ay ang daang pinanggalingan nila kanina. Walang pagbabago sa napakaliwanag na lugar at wala ring palatandaan kung saan ang labasan.

Ginamit ni diyosang Tala ang kanyang kapangyarihan para hawiin ang makapal na puting ulap sa paligid. Pero nanatiling napakaputi pa rin ng lugar kung saan sila naroroon. Hindi niya puwedeng atakihin ang Balintataw dahil sa napakahalagang katungkulang ginagampanan nito sa ikatlong mundo. Sinapian lamang siya ni diyosang Bulan kaya naging masama ang mahiwagang nilalang.

Papalapit ng papalapit sa kanila ang Balintataw at nakahanda na rin ang naglalakihang mga sipit nito para sila'y patayin. Inihulos ng Balintataw ang kanyang kanang sipit para atakihin si Arathanias pero nabigo itong tamaan ang matandang pantas.

Lalong binilisan ni diyosang Tala ang pagtakbo kahit tila walang katapusan ang kanyang tinatahak. Nag-aalala siya kay Arathanias na masyado ng matanda para sa ginagawa nilang pagtakbo. Kailangan niyang gumawa ng paraan para mawala ang atensiyon ng Balintataw kay Arathanias ngunit, biglang tumigil sa pagtakbo si Arathanias.

"Arathanias anong ginagawa mo?" ang sigaw ni diyosang Tala.

Ngumiti lamang si Arathanias sa kanya. Kaagad nahinuha ni diyosang Tala ang nais gawin ni Arathanias.

"Hinde,  hindi. Huwag mong gawin yan! " ang sigaw ni diyosang Tala. Tumigil ito at akmang babalikan si Arathanias. Pero pinigilan siya ng matanda.

"Huwag,  mahal kong diyosa, iligtas mo na ang sarili mo! Matanda na ako at hindi na rin kakayanin ang pagtakbo. Mas kailangan ka ng Sanlibutan!" ang sigaw ni Arathanias.

"Hindi mo kailangan gawin iyan!"

Pero tumalikod na ang matanda kasabay ng pag-atake sa kanya ng Balintataw.

Umiiyak na  tumakbo papalayo si diyosang Tala. Umiiyak siya dahil sa ginawang pagsasakrapisyo ni Arathanias mailigtas lamang siya sa Balintataw. Hindi na niya sinubukan pang lumingon dahil ayaw niyang makita kung paano lapain ng Balintataw ang kanyang kaibigan.

Patuloy sa pagtakbo ang diyosa. Hindi siya tumigil hanggang sa maramdaman niya ang puwersa papalabas sa salamin ng Balintataw. Nadapa siya at hindi kaagad tumayo.  Umiiyak siya ng umiyak dahil sa sinapit ng kanyang kaibigang itinuring na rin niyang tunay na ama.

Matagal siya sa ganoong posisyon hanggang magsawa siya sa kakaiyak. Bumangon siya at naupo sa makinis na sahig ng bahay ni Arathanias na minsan na ring siyang tumira dito.

Muling tinitigan ni diyosang Tala ang salamin ng Balintataw.

"Arathanias..." ang pabulong na wika nito at muling tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata.

Tumayo si diyosang Tala at saka inayos ang sarili nang makaramdam siya ng mga kaluskos sa paligid. Iginala niya ang kanyang mga mata at lalong pinatalas ang kanyang mga tenga. Mabilis siyang napalingon sa kanyang kaliwa dahil sa amoy na dala-dala ng hangin mula sa nakabukas na bintana. Pamilyar siya sa amoy na 'yon at sigurado siya kung kanino nanggagaling ang amoy na 'yon.

"Mangcucusi..." ang bulong nito.

Hindi na nagdalawang isip pa si diyosang Tala at mabilis na binagtas ang kuwarto ni Arathanias para kunin ang tungkod ni Bathala.

Continue Reading

You'll Also Like

79K 2.4K 39
Stone Academy. Ito ay nakatampok sa Stone World; ang mundo na binuo ng labing-dalawang gemstones. Ang Stone Academy ay ang paaralan kung saan itinutu...
20.6M 758K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...
13.5K 782 65
In a world ruled by powerful gods, do you have the guts to play their games? Staying alive is the only rule to survive. Kailangang harapin na ni Odes...
369K 24.8K 144
Katropa Series Book 13 - Matapos ang matinding trahedyang nangyari sa pamilya sa kamay ng mga tao sa simbahan, tuluyan nang tumalikod ang Nephilim na...