Enchanted Academy (Book 2)

By JoshuaLeeStories

66.5K 1.6K 177

Completed✓✓✓ Sa pagkabuhay ng alteza na si Prosfera ay siya namang pagbagsak ng lahi ng mga salamangkerong pu... More

Prologue
Chapter 01
Chapter 02
Chapter 03
Chapter 04
Chapter 05
Chapter 06
Chapter 07
Chapter 08
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20 & Epilogue

Chapter 09

1.9K 72 14
By JoshuaLeeStories


JARETH’S POV

AKO ang naatasan na maging tagapagbantay at gabay ng hinirang na si Kanika habang siya ay nag-aaral sa Enchanted Academy. Noong sinabi sa akin ang bagay na iyon at hindi ko pa siya nakikilala, inisip ko na hindi maganda ang kanyang ugali o hindi kaya ay mapagmataas siya. Dahil na rin siguro sa siya ay lira ng hari at reyna ng mga Ligero. Ngunit ako ay nagkamali. Malayong-malayo siya sa ugali na inisip ko sa kanya. Nang makilala ko si Kanika, nakita ko na mabait naman pala siya. Simple lang at walang arte. Naging palagay na nga agad ang loob namin sa isa’t isa. Hiniritan ko kasi siya ng mga biro ko.

Iyon nga lamang, tila ba sa una naming pagkikita ay may naramdaman akong kakatwang damdamin para kay Kanika. Naging mabilis ang pagtibok ng aking puso at hindi ko maintindihan kung bakit iyon ganoon. Nahirapan akong makatulog ng gabing iyon. Kinukulit niya ang aking isipan, ang mukha niya ang palaging nakarehistro doon. Ang maganda at maamo niyang mukha na hindi nakakasawang pagmasdan. Kahit ba sabihin na mukha na siyang lalaki ngayon dahil kailangan niyang magpanggap na lalaki habang nasa loob ng Enchanted Academy, ang Kanika na may mahabang buhok pa rin ang nakikita ko sa kanya.

Umiibig na nga yata ako sa hinirang. Pero ito ay hindi ko dapat ipaalam sa kanya. Kung kaya kong supilin ay aking susupilin ang pagmamahal na unti-unting umuusbong sa aking puso para kay Kanika. Masyado siyang mataas. Apo siya ng hari at reyna habang ako naman ay anak lamang ng punong-kawal ng mga Ligero.

Hindi kami bagay. Langit at lupa ang agwat naming dalawa.

Isa pa, malabong ako ay ibigin din ni Kanika. Hindi ko nararamdaman na ako ay kanyang gusto rin. Dapat nga siguro na makuntento na lang ako sa pagiging magkaibigan naming dalawa. Mas mabuti na iyon kesa wala.

Unang araw namin sa Enchanted Academy. Aliw na aliw ako kay Kanika kanina habang sakay kami ng walis. Halatang natatakot siya na mahulog. Ngunit ako ay hindi… Hindi nga ako natakot nang mahulog ako sa kanya, sa walis pa kaya?

Tapos, pagbaba namin ay bigla naman niya akong sinukahan. Kaya naman pumasok na agad kami sa loob ng paaralan upang ako ay makapaglinis at makapagpalit na ng malinis na kasuotan.

Habang naglalakad kami papuntang palikuran ay palihim ko siyang pinagmamasdan. Babaeng-babae pa rin talaga siya sa aking mga mata sa kabila ng maikli niyang buhok at lalaki niyang kilos. Kaya siguro ganoon ay dahil nakita ko siya sa anyo niyang babae bago siya nag-anyong lalaki.

Namamangha si Kanika sa kanyang mga nakikita sa Enchanted Academy. Halata sa kanyang mata.

Hanggang sa marating na namin ang palikuran para sa mga lalaki.

Papasok na sana ako nang makita kong tumigil siya sa pagpasok sa palikuran.

“Hindi mo ba ako sasamahan sa loob?” tanong ko.

Umiling siya. “Bakit ako sasama? Panlalaki ang palikuran na iyan. Hindi ka talaga nag-iisip kahit kailan, Jareth,” bulong niya.

“Hindi naman nila alam na babae ka. Sige, dito ka na lamang sa labas. Hintayin mo ako. Huwag kang aalis dito. Nagkakaintindihan ba tayo?”

“Oo na. At saan naman sa tingin mo ako pupunta, ha?”

“Sa puso ko!” Tumawa ako nang malakas pagkatapos para isipin niya na biro lamang ang aking sinabi. Kahit totoo naman iyon sa akin.

Hinampas niya ako sa braso. “Hinayupak ka talaga, Jareth! Bilisan mo na lang at para makapunta na tayo ng bulwagan. Baka nakakalimutan mo na kailangan ay naroon tayo bago ang ika-walo ng umaga.” Paalala niya sa akin.

“Oo na! 'Wag na 'wag kang aalis diyan!” sabi ko na lang.

“Oo na. Ang kulit naman, e!”

Pumasok na ako sa palikuran. May mangilan-ngilang lalaki na naroon. May naghihilamos at meron naman na nagbabawas. Dahil puro naman kami lalaki doon ay naghubad na ako agad. Mabilis akong kumuha ng malinis na damit sa lalagyan ng aking mga gamit. Tiningnan ko rin muna sa salamin kung maayos pa rin ba ang aking hitsura. Kinuha ko ang suklay at sinuklay ang aking buhok. Malay niyo naman, mabighani bigla sa aking angking gandang lalaki si Kanika. Nang makuntento na ako sa aking buhok ay lumabas na ako ng palikuran.

“Tara na, Kanika--” Natigilan ako nang hindi ko makita doon si Kanika.

Luminga-linga ako pero wala talaga siya.

“Kanika-- Kiko pala. Kiko?! Nasaan ka?!” sigaw ko.

Napatakbo na tuloy ako para hanapin siya. Ilang pasilyo ang aking pinuntahan pero hindi ko nakita si Kanika. Napatingin ako sa malaking orasan na nasa gitna ng Enchanted Academy. Ilang minuto na lang at malapit na ang ika-walo ng umaga. Hindi naman kaya nagtungo na siya sa bulwagan.

Napakamot ako sa aking ulo. Hindi ba siya marunong makinig sa akin? Ang sabi ko ay hintayin niya ako pero tila hindi niya iyon sinunod.

Mag-isa kong tinahak ang daan papuntang bulwagan. Sana lang ay naroon na siya para naman mawala na itong pag-aalala ko sa kanya. Hindi dapat siya naglalakad nang hindi ako kasama lalo na at bago pa lang siya dito sa Erkalla.

Marami nang kapwa ko estudyante ang nasa bulwagan. Sa unahan namin ay may maliit na entablado.

“Kiko!” Hindi na ako nahiyang isigaw ang pangalan ni Kanika.

Umaasa pa rin ako na narito lamang siya sa kumpol ng mga estudyante. Wala akong nakuhang sagot. Nasaan na ba ang Kanika na iyon? Masyado siyang pasaway!

Nagpaikot-ikot ako sa bulwagan. Isiniksik ko ang aking sarili sa mga naroon. Hanggang sa makita ko na ang aking hinahanap. Naroon siya, nakaupo sa isang sulok at may katabi siyang isang lalaki. Nag-uusap silang dalawa at tumatawa si Kanika. Tiningnan ko nang masama iyong lalaki. Aaminin ko na mas magandang lalaki siya kesa sa akin. Maganda rin ang kanyang pananamit. Agad akong nakaramdam ng selos. Ngayon ay nakumpirma ko nang mahal ko na nga talaga si Kanika kahit na hindi ko pa siya ganoon katagal na kilala. Hindi naman siguro ako magseselos kung wala lang itong nararamdaman ko para sa kanya.

Naikuyom ko ang aking dalawang kamao. Malalaki ang mga hakbang na nilapitan ko silang dalawa.

“Kani-- Kiko!” tawag ko sa kanya. Dapat talaga ay masanay na ako sa pagtawag sa kanya ng Kiko.

Lumiwanag ang mukha ni Kanina pagkakita niya sa akin. “Jareth!” Kumaway siya sa akin. Panlalaki talaga ang boses niya, ha.

Tuluyan na akong lumapit sa kanya. “Bakit ka umalis sa labas ng palikuran? Hindi ba’t ang sabi ko sa iyo ay hintayin mo ako doon?” Malamig na tanong ko sa kanya. Hindi ko talaga tinitingnan iyong katabi niyang lalaki.

“Ah, iyon ba. Pasensiya ka na. Hindi ko naman gusto na umalis doon. Kaya lang ay may isang estudyanteng lalaki ang biglang umagaw sa aking bag. Hinabol ko siya. Mabuti na lamang at tinulungan ako nitong si Cyrus!” Kulang na lang ay bumula ang aking bibig sa selos nang hawakan ni Kanika ang balikat ng lalaking iyon. “Ay, oo nga pala, Jareth, ito si Cyrus. Cyrus, siya naman si Jareth-- kaibigan ko.”

Kaibigan? Kaibigan lang pala…

Sabagay, ano nga ba ang dapat kong asahan, 'di ba?

Inilahad ni Cyrus ang kamay niya. “Ikinagagalak kitang makilala, Jareth!” Ngumiti pa talaga siya kahit asar na asar na ako sa pagmumukha niya. Iyong klase ng ngiti niya ay halatang marami na siyang babaeng sinaktan. At hindi ako makakapayag na saktan niya si Kanika!

Oo nga pala, parang imposible iyon dahil lalaki ang pagkakakilala niya kay Kanika.

Inabot ko ang kamay niya. Baka naman isipin ni Kanika na masama ang ugali ko sa bago niyang kaibigan.

“Mabuti na lang at dumating ka na, Jareth. Magsisimula na kasi ang programa. Sabi, sasabihin ng puno ng paaralan kung saan ang ating silid. Pagkatapos daw niyon ay may magsasalita daw,” sabi sa akin ni Kanika.

Hindi na lang ako umimik. Umupo na lang ako sa tabi niya. Nasa gitna naming dalawa ni Cyrus si Kanika.

“Salamat nga pala ulit sa pagtulong sa akin sa paghabol doon sa magnanakaw, ha. Kung hindi dahil sa iyo, Cyrus, baka wala na akong gamit ngayon.” Narinig kong sabi ni Kanika.

Eksaktong dumating na iyong puno ng paaralan. Nagpakilala itong si Ginoong Amarus. Matanda na siya at mahaba ang kulay puti niyang balbas. Hanggang sa may leeg niya. May tungkod siya at nakasuot ng salamin sa mata.

“Wala iyon, Kiko. Mabuti na rin na nangyari iyon dahil naging magkaibigan tayo. Ang totoo kasi niyan ay wala pa akong kaibigan dito,” sagot naman ni Cyrus.

“Maaari bang tumahimik na kayong dalawa dahil magsasalita na ang puno ng paaralan!” saway ko sa kanila. Pero ang totoo ay naiirita lang ako dahil tila ba malapit na agad sila sa isa’t isa.

Tumahimik naman silang dalawa nang mag-umpisa nang magsalita si Ginoong Amarus.

“Magandang araw sa inyong lahat, magigiting na estudyante ng Enchanted Academy! Nandito ako sa inyong harapan upang sabihin sa inyo ang patakaran ng ating paaralan at lahat ng dapat ninyong malaman…” Panimula niya.

Mataman kaming nakinig sa lahat ng sinabi ni Ginoong Amarus. Aniya, hindi kami pwedeng lumabas o umalis ng Enchanted Academy sa loob ng anim na buwan. Makakalabas lamang daw kami kapag natapos na namin ang pag-aaral dito. Sa pagkumpas niya ng kanyang tungkod kanina ay may lumitaw na numero sa aming mga kamay. Iyon daw ang numero kung saan ang aming kwarto. Ang dormitoryo ay nasa loob lang din ng Enchanted Academy kaya hindi na talaga namin kailangan pang lumabas.

“Ngayon ay magbigay pugay tayo sa nag-iisang alteza… Alteza Prosfera!” Tumayo kaming lahat sa pagdating ni Prosfera.

Nakita ko ang galit sa mga mata ni Kanika habang nakatingin siya kay Prosfera. Alam ko kung saan nanggagaling ang galit niyang iyon. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang ginawa ng mga Osoru sa kanyang ina at ama para lamang mabuhay ang alteza ng mga ito.

Ngayon ko lang din nakita si Prosfera. Tunay ngang nakakatakot ang kanyang hitsura. Isa siyang sopistikadang babae na may sungay!

“Hindi na ako magpapakilala sa inyo dahil alam ko naman na walang taga-Erkalla ang hindi nakakakilala sa inyong diyos! Nais ko lamang ipaalala sa inyo na wala kayo dito sa Enchanted Academy para maglaro, magsaya o maglibang. Nandito kayong lahat para sa akin… Nandito kayo upang linangin at paghusayan ang inyong mga kapangyarihan dahil kayong lahat ay gagamitin ko kung sakali man na magkaroon ng hindi inaasahang digmaan!” Nanlalaki talaga ang mga mata niya habang nagsasalita. Tila ba naninindak siya parati. “Hindi ako isang tanga para hindi ko malaman na nasa paligid lang natin ang mga Ligero. Nararamdaman ko na isang araw ay bigla na lang silang susugod dito sa Erkalla sa oras na hindi tayo handa. Kaya kayong lahat na estudyante dito ay pag-igihin ang pagsasnay dahil ang mga susuway at gagawa ng hakbang na hindi ko magugustuhan ay aking paparusahan. Depende naman iyan sa klase ng kasalanan na inyong gagawin. Kung mababaw lamang, mababaw din ang kaparusahan. Ngunit kung ito ay hindi talaga kanais-nais para sa akin? Kamatayan ang aking ipapataw! Tandaan niyo na ako ay palaging nandito upang kayo ay panoorin sa bawat kinikilos niyo!” Matapos nitong magsalita ay binalot ito ng itim na usok. Nawala na lang ito sa harapan naming lahat nang hindi man lang ito nagpapaalam nang maayos.

“Ano nga pala ang numero niyo?” untag sa amin ni Cyrus.

Kapwa kami napapitlag sa pagsasalita ni Cyrus. Kami lang yata ni Kanika ang hindi nagustuhan ang mga sinabi ni Prosfera.

“Ah, ano… Walo ang aking numero,” sagot ni Kanika.

Halatang wala pa rin siya sa kanyang sarili. Alam ko na mabigat ang pakiramdam niya ngayon dahil sa nakita na niya ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang mga magulang.

“Kung ganoon ay sa iisang silid lang pala tayo!” Masayang sambit ni Cyrus. “Ikaw ba, Jareth?”

Tiningnan ko ang numero sa aking palad na unti-unti nang naglalaho. “Walo rin sa akin.” Mabuti naman at magkasama kami ni Kanika sa iisang kwarto dahil hindi ako makakapayag na hindi kami magkasama. Sa dahilan na ako ang kayang tagapagbantay.

Nangako ako sa hari at reyna na hindi ko siya papabayaan at poprotektahan ko siya sa lahat ng oras. Paano ko naman siya mapoprotektahan kung hindi kami magkasama sa iisang kwarto, 'di ba?

Continue Reading

You'll Also Like

11.2M 504K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #02 ◢ Elysian Oracle - the oracle of Elysium, the highest oracle of the realms. The Alphas know it isn't over. The Gods are cons...
61.8M 1.7M 40
She is Ariela Davis, an ordinary girl with an ordinary life. Pero dahil sa isang insidente kinailangan niyang lumipat sa bagong school sa gitna ng ka...
20.8M 763K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...