Señorito Series 1 : Algernon...

By RoseTanPHR

300K 6.8K 506

Dahil frustrated sa trabaho bilang real estate agent, tinanggap agad ni Tipper ang alok ng TV personality na... More

Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17

Chapter 12

16.1K 393 24
By RoseTanPHR

"THIS is Tipper Panopio. Newsbreak will be back at eight-thirty. Good evening." Pakiramdam ni Tipper, tabingi ang ngiti niya. Pero hindi na niya mababago iyon. Babawi na lang siya sa susunod.

"You did it again, Tipper," sabi sa kanya ni Margot. "You really are a natural."

"Nice smile, Tipper!" sabi naman ng cameraman.

"Sigurado ka?" sabi niya.

"Yup."

"S-salamat." Pangalawang pagkakataon pa lang iyon na nagbasa siya ng hourly news sa TV. Hindi siya makapaniwalang mula sa pagiging obscure researcher, nakikita na siya ngayon sa TV. Ideya iyon ni Margot. Isang beses ay nakita niyang titig na titig ito sa kanya. Nang tanungin niya kung bakit, sinagot siya nitong hindi raw siya nababagay sa trabaho niya. Akala niya, sesesantehin na siya ng babae. Pero iba pala ang nasa isip nito.

"Your face belongs to television," sabi nito at ipinabasa sa kanya ang isang news item. Binasa niya iyon nang walang kabuhay-buhay. Pero hindi nanghina ang loob ng babae; tinuruan siya nito ng tamang pag-deliver ng balita.

Marami ang nainggit but she was Margot's favorite. And Margot's name alone could launch millions in sponsors' fees. Kaya wala ring makareklamo nang makita sa buong Pilipinas ang mukha niya noong isang linggo lang.

"Just keep on practicing," sabi ni Margot at tinapik siya sa balikat. "Master when and how to modulate your voice. Nevertheless, you were great."

"Salamat." Hinagkan niya ito sa pisngi, pagkatapos ay nagpaalam na siya sa mga kasamahan. Nag-taxi siya pauwi dahil feeling niya, hindi na siya bagay mag-jeep. Nakikita na siya sa TV. It was one of those times when she was feeling very proud and happy. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na newscaster ang kalalabasan niya.

At napakabilis ng mga pangyayari. In the span of three years—tatlong taon pa lang simula noong makilala niya si Margot Soriano at nag-umpisang magbago ang buhay niya. Kontento naman siya sa pagiging researcher at hindi na siya naghahangad na mang-agaw pa ng trono ng may trono. Pero ngayong nalasahan na niya kung paano magtagumpay, she wanted more. Gusto na rin niyang marating ang narating ni Margot dahil na-realize niyang kaya pala niya iyon.

Kakayanin niya. Aanihin niya ang lahat ng respeto at paghanga para sa pinakamahalagang nilalang sa buhay niya.

"ANAK, newscaster ka na ba talaga? Tuloy-tuloy na ba 'yon?" Excited na sumalubong sa kanya ang nanay niyang si Aling Yolly.

"Hindi ko pa ho alam kay Margot," sabi niya. "Si Conchita?"

"Hayun, katatahan lang. Nagligalig nang husto dahil ayaw naming payagan ng tatay mong maglaro sa labas. Aba, gustong-gustong hukayin 'yong lupa sa paso."

"Hinayaan n'yo na lang sana," sabi niya. May magagawa ba siya kung manang-mana sa ama ang anak niya? Pati yata topak ni Algernon, nakuha nito.

"At bakit namin hahayaan? Ang gustong mangyari ay iyong totoong pala ang gagamitin niya! Pinalo ng itay mo, hayun, pumalahaw nang pumalahaw."

Napahagikgik si Tipper at tumuloy na sa loob ng bahay. Hinanap niya ang anak, ang sentro ng kanyang daigdig. Gagawa siya ng pangalan sa larangan ng newscasting at iyon ang pangalang ipapamana niya sa anak. Siguro naman, kapag sikat na sikat na siya, wala nang magsasabing putok sa buho lang ang anak niya, walang pangalan dahil walang ama.

"Ano'ng problema ng baby ko?" Sa komedor niya nakita ang paslit, nasa ilalim ng mesa, nagmamaktol pa rin. Pero nang makita siya ay nangislap ang mga mata nito at gumapang palapit sa kanya, nagpabuhat.

"Palo ako Lolo," sumbong nito.

Pinahid ni Tipper ang sipong medyo namumuo na sa ilong at nguso nito; may dumi ito sa mukha, alikabok na humalo sa luha. "Bakit ka pinalo?"

"Bad si Jason, eh," sagot nito, ang tinutukoy ay ang pinsang-buo nitong bunsong anak ng ate niya. Kung hindi ba naman talaga ito nagmana kay Algernon, napakahusay ring gumawa ng kuwento.

"Ano'ng ginawa ni Jason?" She indulged her.

"Patay niya 'yong bulate, Mommy. Galit si Lolo. Palo ako." Parang totoong-totoo ang sinasabi nito. Dinala niya ang anak sa silid nila at ibinaba sa kama habang nagpapalit siya ng damit.

"Sabi ni Lola, gusto mo raw hukayin 'yong halaman niya, kaya ka napalo," sabi niya.

"Kasi madaming bulate roon, Mommy." Nag-tumbling ito sa kama. She watched her in fascination. Habang lumalaki, lalong nakakahawig ito ni Algernon. At nangangamba siyang kapag naging dalaga na ito ay mukha nang binata. Nangako siya sa sariling hahayaan niyang humaba ang buhok nito kahit kulot kaysa magmukhang little boy ang little girl niya. Mayamaya ay bumaba ito nang mag-isa ng kama, lumapit sa kinaroroonan ng TV, at pilit na inaabot ang remote control.

"Dexter, Mommy!" sabi nito, pasigaw pa.

"Mamaya na si Dexter. Mag-wash ka muna." Isinuot ni Tipper ang T-shirt at binuhat ang anak mula sa sahig, dinala sa banyo, at pinaliguan.

"I love you, Mommy," sabi nito habang tinutuyo niya ito ng tuwalya. Natural na iyon dito—ang maglambing. Yumakap pa ito sa kanya. Namana rin nito iyon kay Algernon.

Minsan, nangangamba siyang baka hindi rin totoo ang lambing ng anak niya. Gusto lang siya nitong paamuin. At sinong ina ang hindi mapapaamo nang ganoon?

She hugged her daughter. "I love you, too." Bumalik sila sa silid at binihisan niya ito ng pantulog.

"Dexter na, Mommy. Bilisss!"

Binuksan niya ang TV, inilagay sa cartoon network. Kahit naman anong cartoon ang palabas, "Dexter" ang tawag ng anak niya roon. Pumuwesto ito sa may paanan ng kama, mukhang nahipnotismo na ng TV. Sarili naman niya ang inasikaso. Kailangang ma-prevent na agad niya ang mga pimples na gustong tumubo. Dapat kasi laging makinis ang mukha niya ngayong nagsisimula na ang bago niyang career.

Hindi namalayan ni Tipper na nakuha pala ng anak ang remote control. Nalaman na lang niya iyon nang makita sa salamin na iba na ang palabas sa TV.

"Ano 'yan, anak?" tanong niya habang kinukuskos ng astringent ang mukha niya. Hindi niya maintindihan ang lengguwahe sa TV, mga Bumbay ang nagsasalita.

"Hanap kita, Mommy. Dito ka kanina, eh," anang bata.

"Kanina pa 'yon, anak. Bukas uli lalabas si Mommy." Itinapon niya sa basurahan ang bulak at naglagay naman siya ng moisturizer. Sige lang ang anak niya sa pag-eeksperimento sa remote control.

Sumilip sa pinto ang inay niya. "Kumain ka na ba, anak? Iiinit ko 'yong nilaga."

"Mamaya na ho, 'Nay. Hindi pa ako nagugutom." Ang totoo ay gusto niyang magpapayat pa nang kaunti dahil ang tingin niya sa sarili kapag nasa TV siya ay mataba siya.

"Bahala ka." Iniwan uli sila ng ina.

"Daddy! Daddy!" Biglang nagtititili ang anak, may kasama pang yugyog sa kama.

Napahagalpak siya ng tawa. Si FPJ ang nakita ng anak niya sa isang local channel. Hindi na bago iyon na "daddy" ang tawag ng anak sa actor dahil iyon ang ipinamulat dito ng kapatid niyang lalaki. Kapag nakikita sa TV si FPJ, itinuturo ng kapatid niya sa anak niya na daddy nito iyon. Hanggang sa tumanim na sa isip ng anak niya ang hitsura ng actor.

"Daddyyy! Eeeee!" tili pa ng anak niya dahil naupakan ni Paquito Diaz si FPJ sa palabas. "Bad!" Binato ng anak niya ng remote control ang screen.

Sinaway niya ito at dinampot ang remote control. She joined her on the bed. "Pelikula lang 'yan, anak. Hindi totoo. Huwag kang paapekto."

Nag-commercial break. "Wala na Daddy," anang anak niya at inagaw sa kanya ang remote control. Hinayaan lang niya ito. She figured it would help her daughter to learn numbers at para mahasa rin ang memorya nito. Nahiga siya at hinila ito sa tabi niya.

"Dito ka para hindi lumabo ang mata mo."

Sa kakapindot nito sa remote control ay napunta sa CNN ang channel.

"Huwag mo munang ilipat, anak, manonood si Mommy." Gusto lang niyang maobserbahan ang newscaster doon.

"Hanap ko Daddy!" giit ng anak. Pinisil nito ang remote control.

"Conchita!" saway niya at inagaw mula rito ang aparato. Ibinalik niya sa CNN ang pinanonood nila. "'Tigas ng ulo mo. Sinabi nang manonood si Mommy, eh!"

"Bad ka!" Hinampas siya nito bigla sa mukha.

"Aww!" Bumalikwas siya at hinagip ang palad ng anak. Pinalo niya iyon nang medyo malakas. Iyong masasaktan ito. "Masyado kang pilya! O, iiyak ka? Subukan mo, ihahagis kita sa bintana! Huwag mong painitin ang ulo ko!" Tatlong beses niyang pinalo ang kamay nito. "Uulit ka pa?"

"Sorry po, Mommy." Mukhang walang kasing-amo ito, mukhang sising-sisi. And she was sure, umaarte lang ito.

"Sorry ka diyan. Matulog ka na!" singhal niya. Sumunod naman ito, nahiga sa tabi niya.

"'Love you, Mommy," ungot pa nito.

"Heh!" Nahiga rin si Tipper. Hinayaan niyang yumakap ang anak sa kanya. Pero wala pa siyang balak imikin ito. Let her sweat a little at nang mabawasan ang tigas ng ulo. Itinuon niya ang pansin sa palabas.

Balita iyon tungkol sa isang environmentalist group na nagsampa ng kaso laban sa isang Japanese conglomerate. Hindi niya gaanong pinapansin ang kabuuan ng balita. Mas interesado siya sa negrang nagbabasa niyon.

Pero nagbago ang lahat nang marinig niya ang pangalang "Algernon Fierro." Para siyang patay na biglang nabuhay. Sa isang iglap, napaupo siya nang tuwid na tuwid sa kama. Hindi niya magawang kumurap hanggang mawala sa screen ang negrang newscaster. Napunta sa harap ng isang courtroom ang eksena at nakunan ng camera ang isa sa mga testigo para sa Japanese corporation na walang iba kundi ang ama ng batang nakahiga sa tabi niya.

Naka-shirt and tie si Algernon, nakasampay sa braso nito ang suit jacket. Mukhang mainit ang ulo nito at walang balak na makipag-usap kahit kanino. Magulo na rin ang buhok nito at halatang nagmamadali. Kasunod ni Algernon ang ilang Japanese nationals at kasunod ng mga iyon ang mga reporters.

Ang mga pangyayari ay naganap sa Buenos Aires. Ibig sabihin, nandoon si Algernon. Kailan pa ito bumalik sa pagtatrabaho?

Bumalik sa newsroom ang eksena.

"Itim niya, Mommy," komento ng anak niya sa newscaster. "'Yoko niyan."

Tiningnan lang niya ang anak. Kung alam mo lang, Conchita.

Then her cell phone rang. Tumayo siya at kinapa sa handbag ang cell phone. Si Margot ang tumatawag. "Hello?"

"Tipper, turn your TV on. CNN, bilis!" Puno ng urgency ang tinig nito.

"I'm watching it right now."

"Good. This could be the break we're waiting for you. I want you to interview Mr. Fierro, Tipper! This is your chance!"

"M-Margot, i-ikaw na lang, mas sanay ka sa ganyan," sabi niya.

"But you've met the guy before, hindi ka niya matatanggihan, Tipper," giit nito.

Binanggit lang niya noon kay Margot na nakilala rin niya sa isla ang kapatid ni Alberto Fierro, pero hindi niya sinabi rito na ang kapatid ng actor ang ama ni Conchita. Nag-imbento na lang siya ng imaginary boyfriend na pinagtaksilan siya at wala siyang balak na maghabol kahit buntis siya. Maski ang mga magulang niya at mga kapatid, hindi alam ang totoo. Kahit anong pilit ng mga iyon na sabihin niya ang pangalan ng nakadisgrasya sa kanya ay hindi niya sinabi. Ayaw niyang malaman ni Algernon na nagbunga ang pinagsaluhan nila.

Halos isumpa na siya noon ng buong pamilya niya at ginusto rin niyang maglayas. Pero mas nanaig ang pagmamahal niya sa anak na nasa sinapupunan pa lang niya noon. Kung lalayo pa siya sa pamilya niya, lalong magiging kawawa ang anak niya. Wala na nga itong ama, wala pa ring mga tiyuhin at tiyahin, lolo at lola.

Nagpakumbaba si Tipper. Madali lang pala iyon kapag isa nang ina ang babae dahil walang hindi kayang gawin ng isang ina para sa anak. Tinanggap niya lahat ng masasakit na salita mula sa pamilya. Hindi siya tumigil sa paghingi ng tawad.

Bago niya isinilang si Conchita, napatawad na siya ng pamilya.

"P-pero matagal na 'yon, Margot. Baka hindi na niya ako kilala. B-bago pa lang ako. 'Yong iba na lang," pakiusap niya.

"No, I want you to do it, Tipper. I have so much faith in you, don't disappoint me."

"Pero nasa Argentina siya—"

"Akala ko ba, nanonood ka? Uuwi siya sa Pilipinas. The case is over. They won because of his testimony."

Hindi na nga umabot iyon sa pandinig ni Tipper dahil kalat-kalat na ang isip niya.

"Pero may magkakainteres ba naman sa problema ng Argentina sa environment dito sa Pilipinas?" katwiran niya.

"Bakit mawawalan? He is Alberto Fierro's brother, for jeez' sake!"

Nai-imagine niyang litaw na ang litid ng babae sa kabilang linya.

"H-hindi ko kaya, Margot. Sorry." Hindi bale nang bumalik siya sa pagiging researcher, huwag lang uli niya makaharap si Algernon.

"No, Tipper, hindi ko matatanggap 'yan."

"Bakit mo ba ginagawa ito sa akin, Margot? M-masyado nang malaki ang utang-na-loob ko sa 'yo—"

"I'm doing this because you got it. The it, Tipper. I believe you can make it. I want to give you a chance the way I was given a chance fifteen years ago. Naiintindihan mo ba ako?"

"Pero—"

"Walang pero-pero. I'll call you up first thing in the morning." Nawala na ito sa kabilang linya.

"Shit!" mura niya. Napatingin siya sa anak na tulog na tulog na. Hindi niya kayang harapin si Algernon, siguradong malalaman nitong nagkaanak sila. Baka kunin nito sa kanya si Conchita. At baka kapag hindi siya pumayag ay akitin na naman siya nito.

"Shit! Shit! Shit!" Dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa puso niya ang lalaki. Maraming beses pa rin niyang natatagpuan ang sarili na pinapangarap ito. And she would curse herself and end up crying.

Ipagpapalit niya ang lahat, isusuko ang lahat, mawala lang ang pagmamahal niya kay Algernon Fierro. Wala siyang dasal para sa sarili kundi ang matutong magmahal ng iba at tuluyan itong ibaon sa limot.

Napatingin ulit siya kay Conchita. Muling nagsumigaw ang katotohanang kailanman ay hindi niya kayang kalimutan si Algernon. Nagpadala siya ng text message kay Margot, saying she was sorry but she really could not do what she wanted her to do.

Hindi nag-reply ang babae pero tumawag ito kinaumagahan.

"Sorry, Tipper, but you're going to do it whether you like it or not," sabi nito.

"B-but—"

"Nakausap ko siya sa telepono just this morning. Pumayag siyang magpa-interview sa isang kondisyon. You're going to do it. His words, not mine, so you really don't have a choice, Tipper." 

Continue Reading

You'll Also Like

1.8K 16 15
Ayaw na ayaw ni Lyka, na main-love kahit sinong lalaki o magkaroon man lang ng boyfriend. She vowed her self to won't allowed any man to hurt her fee...
842K 7K 77
"Apple Gale Fernandez-Tuazon," he teased as he played with my shirt. His breath gives me shiver as I want to run away from him but I can't. I just ca...
135K 2.4K 9
Kaaway ni Eliza si Alec Buenaventura, isang negosyanteng wala nang inisip kundi ang sariling interes. Kaya naman nang malaman niya ang diperensiya ni...
4K 83 15
Marjarie is a sexy and sophisticated lady. Pero, hanggang sa makilala niya ang isang delivery boy na magpapabago sa kanyang pamantayan sa lalaki. Isa...
Wattpad App - Unlock exclusive features