Kendi

By heyitsaneca

42 1 3

More

Kendi

42 1 3
By heyitsaneca

Kelanman, hindi ako nahilig sa kendi.

Kung may ngunguyain man ako, gusto ko bubblegum. O kaya tsitsirya

Hindi yun kendi kasi kapag kendi, kadalasan matigas.

Tulad ng lollipop. Kendi yun.

Pero may panahong natutunan kong gustuhin ito pagkatungtong ko ng unang taon sa hayskul.

Makaraan ng isang linggo ng pagpapakilala sa harapan ng classroom, tipikal na buhay estudyante ang tumumbad samin sa ikalawang linggo.

Mga takdang-aralin, group work, reports, quiz at exams ang tone-toneladang pinagawa ng mga guro. Masaya mang matuto ng bagong kaalaman, nakakastress lang talaga ang pag-aaral.

Buti nalang, may mga pagkakaibigang nabubuo, mga crush na hinahangain at maya-maya'y istastalk sa Facebook, aabangan ang Twitter feeds at titignan ang instagram accounts, upang pasiyahin at lagyan ng kulay ang buhay hayskul.

At nakakabuo ng araw lalo na kapag nakita mo na si crush, naglalakad sa campus, dadaan sa tapat ng classroom at pagkakataon namang ikaw ay nasa gawing may mga bintanang nakatanaw sa corridor. Lalo na kapag ika'y nakilala ng crush sa hindi mo malamang paraan at siya'y ngingiti sa'yo. Sa bandang huli, buo at solve na ang iyong buong linggo.

Ang hindi ko lang alam, may mas titindi pa pala sa crush.

Magaapat na buwan na ako sa aking bagong paaralan. Hinihintay na ako ng aking mga kabarkada upang kami'y sabay-sabay umuwi. Paniguradong may mga bago silang kwento tungkol sa kanilang mga sariling love life, buhay sa bahay, mga kaaway at minsan mga random na bagay tulad nalang ng mga paborito nilang libro, palabas at ang bagong pelikula sa sine. Nasasabik na rin akong makasabay sila pauwi upang makasagap ng bagong  kwento at mga rekomendasyon sa mga maaaring basahin kapag nagkaroon ng libreng panahon.

Pagbalik ko sa classroom, dumiretso agad ako sa aking desk chair at may napansing berde na kending nakalagay dito. Kinuha ko ito at tinignan ang tatak. Matapos kunin ang aking libro sa ilalim ng silya, itinapon ko ang kendi sa basurahan. Malay ko ba kung saan ito nanggaling, hindi ba?

Sa sumunod na araw, bandang uwian muli, may nakalimutan ako sa aking locker. Pagkapasok, napatingin uli ako sa aking upuan at mayroon uling kendi. Ngayon naman, hindi ito simpleng kendi lang kundi isang lollipop. Green pa rin ang balot, katulad ng nauna: apple flavor. Paglapag ko nito sa aking upuan, napansin ko ang isang papel sa sahig. Pinulot ko ito at may nakalagay na mensahe.

Napansin kong hindi mo gusto yung unang kendi. Sana ito magustuhan mo :)

Nabitawan ko ang papel at ito'y lumutang-lutang bago lumapag. Napatingin ako sa labas ng bintana ngunit matapos magmasid, walang tao sa kabilang dulo, at karamihan sa mga tumatakbong estudyante ay masyadong busy para maglaro ng prank sa ganitong oras. Ipinasok ko ang kendi at ang note sa loob ng aking locker at nagmadaling bumaba. Tumataas ang aking balahibo dahil sa pakiramdam kong ako'y hinahabol ng tingin. Hindi ako lumingon para kumpirmahin ang aking hinala. Binilisan ko ang paglalakad hanggang sa maabot ko ang aking mga kaibigan.

Naging araw-araw ang paglalagay ng taong ito ng kendi sa aking upuan. Kadalasan niyang inilalagay ay ang kulay green ang balot. Minsan nama'y kulay dilaw. Kadalasan, matigas na kendi ito o kaya'y lollipop. Lagi ko itong inilalagay sa locker dahil napansin kong sa kada itinatapon ko ang kendi, mayroon din siyang note na iniiwan. Sa ganito ring sitwasyon nagbabago ang flavor ng kending binibigay niya.

Hindi ko ito masabi sa aking mga kaibigan dahil iisipin lamang nila na ako'y nagooverreact at hinahangaan lamang ako ng taong nagbibigay sakin ng kendi. Hindi ko mapaliwanag sa kanila ang kaba na nararamdaman ko at pagtaas ng aking balahibo sa tuwing kami'y lumalabas ng classroom dahil sa pakiramdam na may nakatingin sakin. Kada lumilingon ako, wala akong napapansing nakatingin sa aming direksyon. Kung kaya't wala akong nagawa kundi manahimik na lamang.

Dalawang buwan na ang nakalipas at ganoon pa rin ang nangyayari. Hindi ko na ito nakayanan at binuksan ko ang locker ko. Punong-puno ito ng kendi at inipon ko ito sa aking mga kamay. Nagpatuloy ako sa pagtapon nito, pinulot ko rin ang mga kending tumakas sa aking pagkakahawak. Hindi ko napigilang mapahikbi. Takot na takot na ako dahil ang tagal na nitong nangyayari at hindi pa rin nagpapakilala ang nagbibigay. Maliban na lamang sa pinakabagong note na iniwan niya nung sumunod na araw matapos kong itapon ang mga kendi.

Sayang naman yung mga yun. Natatakot ba kita? Sorry. Malapit mo na rin akong makilala :)

Hindi ako pumasok nung sumunod na araw.

Hindi ko maipaliwanag ang aking pangamba. Kendi lamang ito ngunit pakiramdam ko, isa na siyang stalker dahil alam niya kung kelan ko tinatapon ang mga kendi at kung kelan inilalagay ko lamang ito sa aking locker.

Nagtaka sina mama at papa ngunit ang dinahilan ko na lamang ay masama ang aking pakiramdam. Nang ikalawang araw, nanginginig ako habang isinusuot ang aking uniporme. Natatakot ako at baka kung ano na naman ang kanyang iniwan sa aking puwesto.

Pero nakapagdesisyon na ako. Kelangan kong malaman kung sino ito. At kelangan malaman ko ito ngayon. Upang makapagpahinga na ang isipan ko.

Pagkatapos na pagkatapos ng huling klase, nag-ayos agad ako ng gamit at nakisabay sa mga lalaki naming kaklase upang matakpan nila ako. Pagkababa sa ikaapat na palapag, dumiretso agad ako sa comfort room ng babae at doon nanatili ng dalawampung minuto.

Matapos magbilang, binilisan kong pumanik at dahan-dahang naglakad papunta sa aking classroom.

Ang nakita kong naglalagay ng kendi ay isa sa mga hindi ko inakala.

Nilalagay ito ni Alex Cortez.

Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Tinawag ko ang kanyang pangalan.

"Alex?"

Napatalon siya. Nalaglag niya yung kending inilalagay niya sa aking upuan at mukhang may kasama pa itong iba.

Nilingon niya ako pautal-utal niyang sinabi ang aking pangalan.

"N-Nina."

Nilapitan ko siya at hindi ko napigilan ang aking nararamdaman. Parang kinikiliti ng mga paru-paro ang aking kalamnan at naramdaman kong uminit ang aking mukha. Si Alex kasi ang isa sa pinakatanyag at popular na lalaki sa aming paaralan. Junior student siya at ang co-captain ng aming varsity basketball. Matangkad siya at katamtaman ang pangangatawan. Matangos ang ilong at mabibilog ang mga mata niya. Ngayong magkalapit kami, nakatingala ako sa kanya dahil sa kanyang tangkad.

Nawala ang aking kaba at napalitan ito ng pagtataka.

"Bakit ka nag-iiwan ng kendi sa aking desk?"

"K-kasi..."

Hinintay ko ang kanyang sagot. Kita sa kanyang pagsasalita ang nerbyos. Natulala lamang ako sa kanyang paliwanag. Hindi ako makapagsalita at hindi siya makatingin sa akin.

Sumunod na araw, kasama namin si Alex maglunch.

Ipinaliwanag namin sa aming mga kaibigan ang buong pangyayari.

Ikalawang linggo nang mapansin ako ni Alex. Naglalakad siya papuntang classroom sa 5th floor nang makita niya akong maglakad papuntang classroom. Napatigil siya sa pagpasok at tinitigan na lamang ako dahil, ayon sa kanya, noon lang siya nakakita ng isang magandang freshman.

Natameme raw siya kung kaya't naisip na lamang niya na iwanan ako ng kendi sa aking upuan. Hindi niya alam kung paano ako kakausapin dahil sa tuwing gugustuhin niyang magpakilala at makipag-usap, nawawalan siya ng mga salitang gagamitin. Iniiwan din siya ng kanyang boses kapag nakahanap siya ng pagkakataon.

Hindi ko mapigilan ang pagpula ng aking mukha sa kanyang mga sinabi. Crush ko na rin si Alex nang una ko siyang makita habang naghihintay ako ng aking sundo at siya'y nagmamadaling lumabas ng paaralan.

Simula noon, lagi kaming magkasama. Magkasamang kumain, mag-aral sa library at sa mall kasama ang aking mga kaibigan. Kadalasan din ako sa kanyang mga laro upang icheer ang team, pero kadalasan, siya ang chinecheer ko. Tuwing makakashoot siya, ramdam kong ako ang may pinakamalakas na hiyaw.

Naging mas malapit kami at mas nakilala ang isa't isa. Marami akong natutunan tungkol sa kanya. Tanging ang tatay na lamang niya ang nagpapalaki sa kanilang tatlong magkakapatid dahil sa namatay na ang kanyang ina. Siya ang ikalawa sa kanila at tumutulong siya sa pamamagitan ng basketball scholarship, kung kaya't wala silang binabayarang tuition. Mas madalas kaming magkwentuhan na kesa sa aking mga kaibigan. Iba kasi ang saya ko sa tuwing siya ang kausap ko. Parang isang malaking hawla ng mga paru-paro ang nakawala sa aking tiyan kapag kaming dalawa ang nag-uusap. 

Isang beses, natanong ko sa kanya bakit palaging apple flavor ang binibigay niya sakin. Ganun ang flavor na ibinibigay niya sakin dahil sa naaalala niya ang mansanas sa tuwing makikita niya ako. Nagkunwari akong galit sa kanya pero tumawa lang siya at ipinaliwanag na kasimbango ko ang mga ito.

Naging masaya kaming dalawa kahit na walang label ang aming relasyon. Ang alam ko lang, masaya ako't ako ang napili ni Alex. Sa tingin ko rin, masaya siya sakin dahil madalas siyang ngumiti kapag kami'y magkasama. Lagi siyang nagbibiro at iba ang tuwang nararamdaman ko talaga sa tuwing siya ang kasama ko.

Hindi ko akalain na magbabago ito ng isang iglap.

Araw na ng mga Puso at mayroon akong sorpresa para kay Alex. Gumawa ako ng malilit na milk chocolate at ibinalot ito sa magandang wrapper. Sobrang excited na akong ibigay ito sa kanya.

Pagkapasok ng school, hinanap ko agad siya at inabot ang chocolate. Nagpasalamat siya ngunit parang may ibang kumukuha ng atensyon niya. Patingin-tingin siya sa paligid at mabilis na hinablot sakin ang mga chocolate. Dumampi ang kanyang labi sa aking noo at naglakad palayo. Ni hindi ko man lang naenjoy ang kiss niya.

Tinext ko siya kung gusto niyang kumain kami sa labas ngunit hindi siya sumagot. Nalungkot ako nang husto dahil buong akala ko, araw naming dalawa ito. Araw na kung saan malalaman ko kung ang aking pangalan na ba ang magiging kasunod ng pangalan niya. Ryan + Nina ika nga.

Pagkakaliwa ko sa kalye makalagpas sa school, nakita ko si Alex. Tatawagin ko na sana ito ngunit mukhang abala ito.

Abala sa paghalik sa ibang babae.

Nagulat ako sa aking nakita. Galit ang pangunahing dahilan na nagtulak sakin upang lapitan sila at sampalin si Alex. Naramdaman kong tumutulo na ang aking luha pero hindi ko ito pinunasan. Tumalikod ako sa kanilang dalawa at naglakad palayo. Wala siyang ginawa. Ni hindi man lang niya ako hinabol o kaya'y tinawag.

Malaman-laman ko nalang, nung araw na iyon, nakikipagbalikan na pala sa kanya ang ex niyang si Tonya. Siya ang babaeng nakadampi ang labi sa labi ni Alex at mukhang alam ko ng nagkabalikan sila.

Nang mga sumunod na araw, ni hindi man lang ako pinapansin ni Alex. Lagi na niyang kasama si Tonya, kadalasang nakaakbay siya rito at minsa'y nahuhuli ng Student Discipline Officer na nagpPDA. Nakalimutan na niya ang pagsasama naming dalawa, ang pagkakaibigang walang katuturan pala. Walang kwenta.

Anumang nakakapagpaalala sakin sa kanya'y isang bagay na nagpapasakit ng aking puso. Para itong tinutusok at hinahayaang magdugo. Ayoko na makakita pa ng kung anumang bagay na magpapaalaala sakin tungkol sa kanya.

Kaya, hangga't maaari, huwag niyo akong bibigyan ng kendi; lalo na yung apple flavor.

Continue Reading