**Drew**
“Dalian mo, Rona!”
Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako sa babaeng dala-dala ko ngayon. Para bang may napakalakas na presensya ang bumabalot sa kanya – isang presensya na ngayon ko lang naramdaman. Siya ang babaeng lumapit sa’min kanina at tinanong niya kung si Rona ba talaga ang kasama ko. Pagkatapos no’n ay hinimatay na lang siya bigla. Hindi siya kilala ni Rona. Kung ibabase sa suot niyang blouse na puti na pinatungan ng itim na coat, pencil cut skirt na aabot hanggang tuhod, at itim na stockings na tumatakip sa kanyang hita at binti, masasabi kong isa siyang tourism student mula sa College of Tourism and Hospitality Management. Pinagtataka ko lang kung paano niya nakilala si Rona. Ay, oo nga pala. Sikat pala si Rona sa buong university. Nagmamadali kaming pumunta sa clinic ng eskwelahan. Medyo malayo iyon sa school ground kaya patakbo kong binibitbit ang babaeng walang malay. Halos ‘di ako maabutan ni Rona dahil sa taas nitong suot na high heels. Kailangan ko pa siyang sabihan na magmadali.
Kaagad kaming nakarating sa clinic para dalhin ang babaeng hinimatay sa harapan namin. Mabuti na lang at nando’n ang nurse at namataan kaming pumasok sa pinto. Tinanong nito kung ano ang nangyari sa babaeng buhat ko. Sinabi naman namin na hinimatay siya. Inilapag ko ang babae sa kama ng clinic. Medyo gusot ang sapin ng kama, halatang may humiga dito bago kami dumating. Maliit lang ang clinic ng university, tama lang ang espasyo nito para makapagpahinga ang iilang mga estudyante na may sakit. Malapit sa pinto ang kama, katapat naman ng kama ay ang nurse’s desk kung saan nakaupo ang nurse sa tuwing wala itong ginagawa. Nasa gawing kanan naman ng nurse’s desk ang istante na naglalaman ng mga gamot at iba pang mga kagamitan. Makikita sa buong kwarto ang iba’t ibang medical chart katulad ng Human Anatomy, Snellen Chart, Parts of the Body at kung ano-ano pa.
Sinusuri ng nurse ang pulso ng babae. Pagkatapos no’n ay kinapa nito ang suot na I.D ng babae.
“Louise Ponce pala.” Sabi ng nurse habang bumalik ito kaagad sa kanyang desk para isulat ang pangalan ng babae sa isang form. Kinausap kami ng nurse. Wala namang diperensya ang babaeng nagngangalang si Louise. Baka hinimatay lang daw siya dahil sa pagod. Umalis muna ang nurse sandali at nagpaalam na babalik din kaagad.
Kung tutuusin p’wede namin siyang iwan sa pangangalaga ng nurse pero hindi ako mapakali sa presensyang bumabalot sa kanya. Napakalakas. Hindi ito normal. Parang galing sa isang elemental ang presensyang nasa katawan niya. Nakapangingilabot. Hindi ko siya p’wedeng iwan basta-basta. Gusto kong malaman kung ano ba talaga ang meron sa babaeng ‘to. Pinakiusapan ko si Rona na tawagan ang lahat ng miyembro ng ULMEI. Interesado ako sa misteryong bumabalot sa babaeng ‘to. Tinawagan ni Rona ang lahat ng kasama niya. Pagkatapos no’n ay naghintay na kami sa loob ng clinic at binantayan si Louise.
“Bakit mo pinatawag ‘yung iba? At saka bakit hindi na lang natin siya iwan dito, tutal hindi naman natin siya kilala at ‘di ko siya kilala.” Tanong ni Rona sa’kin habang nakatingin lamang kay Louise.
“Hindi mo ba nararamdaman? May kakaibang aura ang bumabalot sa kanya, sa tingin ko ay sa isang malakas na presensya ng element nanggagaling ‘yung presensya na ‘yon. Hindi natin siya p’wedeng iwan.” Nanlaki ang mga mata niya dahil sa sinabi ko. Muling ibinaling niya ang kanyang paningin kay Louise na sa hanggang ngayon ay wala pa ring malay.
Ilang minuto ang lumipas ay dumating si Ray sa clinic. Nagulat siya dahil nakita niya si Louise na nakahiga sa kama. Mas napansin niya ito kaysa sa’min.
“Wow, may chiks!” Umiral na naman ang kalokohan niya. Kabaliwan na kaagad ang sinabi niya pagkapasok pa lang niya sa clinic. ‘Di man lang nagtaka kung bakit namin siya pinapunta dito.Sabagay, ‘di ko rin naman masisisi si Ray. Maganda naman talaga si Louise. Mahaba ang buhok niya na lagpas hanggang balikat. Maputi ang makinis na kutis na parang porselana. Masasabi kong singkit ang mga mata niya kahit nakapikit siya. Nawala ang ngiti sa mukha ni Ray dahil may napapansin siyang kakaiba kay Louise. Napakunot-noo ito. Lalapit ito sa babae. Dahan-dahan inilalapit ni Ray ang kamay sa babae. Aakmang hahawakan nito si Louise. Ngunit agad naman itong lumayo. Mistulang nahilo ito at napahawak sa ulo. Nag-alala naman si Rona at inalalayan si Ray para makaupo sa tabi niya. Alam ko na naramdaman din nito ang presensya. Biglang namuo ang mga butil ng pawis sa noo nito.
“A-anong meron sa kanya? Ba-bakit gan’yan?” Nauutal siya na parang pagod na pagod. Tinatapik naman ni Rona ang likod niya.
“Hindi ko rin alam. Kaya nga pinapunta ko kayo dito kasi gusto kong malaman natin kung ano bang meron sa babaeng ‘yan, nasa’n na ba ‘yung iba?” Tanong ko sa kanya.
Sinabi ni Ray na hindi makapapasok sila Joy at Leon dahil sumama daw ang pakiramdam nila dahil naulanan sila kagabi. Tinawagan naman ni Rona si Rocky, papunta na ito ngayon sa clinic. Tamang-tama naman dahil kararating lang ni Rocky sa loob ng clinic. Kaagad niyang napansinang babaeng nasa kama. Sinabi na namin sa kanya kung sino si Louise. Halata ko rin naman sa kanya na nagtataka siya. Kagaya naming tatlo, alam ko na nararamdaman din niya ang presensya na bumabalot sa babae.
“Pasensya na sa inyo at na-late ako dumaan pa kasi ako kina Natalie, hindi siya makakapunta kasi masama pakiramdam niya, pero ok na rin naman siya,” sabi ni Rocky.
Ano? Masama ang pakiramdam niya? Inusisa ko siya kung bakit sumama ang pakiramdam ni Natalie. Hindi naman niya masyadong ipinaliwanag sa’kin. Ang tanging naintindihan ko lang ay dahil umiyak daw ito. Umiyak si Natalie?
Hindi nagtagal, unti-unting minumulat ng babaeng nakahiga sa kama ang mga mata niya. Mabiis kaming lumapit sa kanya, pinalibutan namin siya. Kinukusot pa niya ang mata niya bago siya tumitig sa’min. Kita ko sa mga mata niya ang pagkagulat nang magising siya. Saglit siyang tumitig sa’min marahil nagtataka siya kung bakit siya nando’n. Nang mahimasmasan siya’y piniipit niyang magsalita. Meron siyang gustong sabihin sa’min pero ‘di namin siya marinig. Inilapit ko tenga ko sa bibig niya.
“Tu-tulungan niyo ‘ko.” Sabi ni Louise na halos bumubulong na. Siguro dahil hindi pa masyado maayos ang pakiramdam niya kaya siya nanghihina. Pilit siyang tumatayo mula sa pagkakahiga. Inalalayan naman siya ni Rocky para tulungan na bumangon. Umupo siya sa kama at nakaharap siya ngayon sa’min.
“Kayo ba ang ULMEI? Matutulungan niyo ba ako?”
Nagtinginan kaming apat, bakas sa mga mukha namin ang pagtataka. Biglang sumagi sa isip ko na baka sa Pluma niya nalaman ang pangalan ng grupo nila Natalie.
“ Oo, kami nga. Ano bang maitutulong namin sa’yo?” Binasag ni Ray ang katahimikan. Siya na ang unang nagtanong sa babae.
Kitang-kita ko kung paano bumagsak ang ekspresyon ng mukha ni Louise. Inilahad niya ang kanyang kwento. May isang Sarangay ang gumagambala sa kanya. Ayaw daw siyang patahimikin. Kung hindi daw ito titigil, malamang ay kukunin daw siya nito at maaaring mamatay siya. Natulala lang sila Ray, Rona at Rocky. Parang hindi ata sila makapaniwala sa sinasabi ng kausap namin.
“Teka lang, Miss, ano ‘tong Sarangay na sinasabi mo?” Tanong ni Rocky.
Inako ko ang tanong ni Rocky. Ako na mismo ang sumagot. Sa pagkakaalam ko, ang Sarangay ay may pagkakahawig sa isang Minotaur. Kalahating tao ito at kalahating toro. Pinaniniwalaan din ng iba na may nakakabit na hiyas sa tenga ng nasabing nilalang. Pero wala pa akong nababalitaan na mga Sarangay na lumalapit at gumagambala sa mga tao. Kadalasan kasi mga tikbalang o kapre ang naririnig kong nakaka-engkwentro ng iba.
“Parang awa n’yo na, tu-tulungan niyo ako. A-ayoko pang mamatay,” sabi ni Louise. “Sa tuwing nagkakaroon ako ng mga manliligaw, lagi na lang may masamang nangyayari sa kanila.”
Nagulat ako sa sinabi niya. Kahit sila Rona ay nagulat. Nadarama ko sa mga mata niya na nahihirapan siya sa mga nangyayari sa kanya. Tila magulo at ‘di ordinaryo ang pinagdaraanan niya. Do’n pa lang sa huli niyang pahayag, alam ko mahihirapan kami sa sitwasyon namin na ‘to. Isa-isang nagpakilala sila Ray kay Louise. Bago niya sabihin ang pangalan niya ay inunahan ko na siya. Nagtaka siya at itinanong sa’min kung paano namin nalaman ang pangalan niya. Sinabi naman ni Rona na dahil sa I.D niya kaya namin nalaman.
Hindi mapakali si Ray, para bang may bumabagabag sa kanya. Pinalapit niya kami sa kanya saka pabulong siyang humingi ng private talk tungkol sa kahaharapin namin ngayon. Nagpaalam kami kay Louise na lalabas muna kami sa clinic para mag-usap. Tumango lang ito na tila naguguluhan sa mga inaasal namin. Sabay-sabay kaming lumabas. Lumayo ng kaunti sa clinic para hindi marinig ni Louise ang pag-uusap namin.
“Sigurado ba kayo na kaya nating tulungan ‘yung babaeng ‘yon?” Bumungad kaagad ng tanong si Ray. Bakas sa tono ng boses niya na kinakabahan siya.
“Ano ka ba, Ray, s’yempre kaya natin siyang tulungan kasi nandito si Drew. ‘Di ba, Drew?” Masayang lumingon sa’kin si Rona. Ayokong salubungin ang mga titig niya. Sa totoo lang, kahit ako’y ‘di ko alam kung ano ang gagawin. Naguguluhan na ‘ko. Napansin ata ni Rocky na wala ako sa sarili.
“Ayos ka lang ba, Drew?” Tanong ni Rocky sa’kin. Napatingin sila Ray at Rona sa’kin. Kailangan ko na sigurong sabihin ang totoo sa kanila.
“Ang totoo n’yan ‘di ko talaga alam kung paano natin matutulungan si Louise.” Napanganga sila dahil sa nasabi ko. Alam ko naman na magugulantang sila dahil sa sasabihin ko pero ayoko naman na umasa sila ng sobra.
“Kung hindi mo alam, paano natin matutulungan si Louise?” Pilit humahanap ng sagot si Ray gamit ang mga binabato niyang tanong sa’kin. Hindi ako kumikibo, ‘di ako umiimik. Tanging katahimikan lang ang isinagot ko sa kanya. Nagbigay ng suhestyon si Rocky na ilayo muna namin si Louise. Dalhin daw muna namin ito sa condo unit niya. Kaagad kaming pumayag sa suhestyon niya. Nagmadali kaming umalis sa clinic, baka kasi dumating pa ang nurse at hindi pa payagan si Louise na umalis. Nakalabas kami ng eskwelahan at ginamit nila ang van ni Ray para makapunta sa bahay ni Rocky. Gamit ko naman ang sasakyan ko, nag-convoy na lang kami para makasunod ako sa kanila. Kahit malayo ako do’n sa babae ay nararamdaman ko pa rin ang masamang presensya ng Sarangay. Wala naman kasi akong karanasan tungkol sa mga elemental kaya ‘di ko talaga alam ang gagawin ko. Ilang sandali ay tumigil sa isang condominium building ang van na sinasakyan nila. Nasa Pasig pala ang condo unit ni Rocky. Lalabas na ako ng pinto ng sasakyan nang bigla kong naisip ang notebook na ibinigay sa’kin ni Aling Maria. Ngayon ko lang naalala na nando’n pala sa notebook na ‘yon ang lahat ng mga pangontra sa mga elemental at sa mga kung ano-anong lamang-lupa.
Namataan ko sila Rocky na pababa sa van ni Ray. Kinuha ko ang bag ko at kaagad na lumapit sa kanila. Una kong kinausap si Rocky.
“Aalis muna ako, Rocky. Alam ko na kung paano natin matutulungan si Louise pero sa ngayon ikaw na munang bahala na protektahan si Louise ‘pag may nangyaring ‘di maganda.” Inilabas ko mula sa bag ang dala kong mga kandila. “Heto, gamitin mo ‘to ‘pag nagkanda leche-leche na.”
Naglakad akong papalayo para bumaik sa sasakyan ko.
“Drew! Sa’n ka pupunta?!” Sumigaw pa si Rona na akmang susunod pa sa’kin.
“Babalik din ako kaagad, alam ko na kung paano natin matutulungan si Louise!” Tumungo na ‘ko sasakyan ko at umalis.
ITUTULOY…