Once Upon A Time In High Scho...

By miko__akihiro

65.1K 1.1K 16

"I know my heart won't learn to love anymore because it will only beat for one person. And that person is sta... More

1
3
4
5
6
7
8
9
10
Author's Note

2

5.5K 97 1
By miko__akihiro

NAPATIGIL si Celine sa paglalakad nang makapasok siya sa auditorium ng eskuwelahan. Kasabay niyon ang pamimilog ng mga mata niya sa nakita. Ang binatilyong tumutugtog ng piano na nakausap niya sa music room noong isang linggo ay muli niyang nakita ngayon. And he was performing on the stage. Ito ang tumutugtog ng instrumental para sa contestant ng school nila sa vocal solo.

Hindi siya makapaniwala. Malinaw na malinaw ang mga mata niya kaya kahit sa hindi-kalayuan ay kitang-kita niya ang itsura ng binatilyo. Siguradung-sigurado siya na ito ang nakita at nakausap niya sa music room.

Sabi nito ay ayaw nitong sumikat. Hindi ba nito alam na sa ginawa nitong iyon ay posibleng sisikat ito sa buong school? Napangiti na lang siya.

Kanina pa nag-umpisa ang literary-musical contest, alam niya. Nasa musical part na kasi ng contest. Tinanghali kasi siya ng gising. Hinayaan lang siya ni Gwen dahil daw wala namang klase at kahapon pa natapos ang cheering contest. Mabuti na lang at naabutan pa nila ang pagkanta ng kanilang contestant. At masaya siya na makita na tumutugtog ang binatilyong iyon.

"Ano'ng nginingiti-ngiti mo riyan? Kilala mo ba 'yan?" bulong ni Gwen na nasa tabi niya.

"Ha? Sino? Si Lizzy? Oo naman. Singer natin 'yan," turan niya na alam namang ang binatilyo ang tinutukoy ng kaibigan niya.

"Ano ka ba? Hindi siya. 'Yong tumutugtog. Hindi ba sa kanya ka nakatingin?"

"H-hindi, 'no," tanggi niya. "I don't know him. Alam mo namang si Third ang crush ko." Crush na crush niya ang basketball player na si Third kaya masayang-masaya siya sa tuwing nakikita at nakakausap ito. Noong isang linggo ay kaka-interview lang niya rito para sa schoolpaper tungkol sa mga gagawing preparation ng team nito para sa championship round na nangyari na kahapon. Sports columnist siya sa kanilang monthly-published schoolpaper.

Napangiti si Gwen sa sinabi niya. "Hindi ko naman sinabi na crush mo 'yong tumutugtog ng piano."

Napatingin siya kay Gwen. Makahulugan ang tinging ipinukol nito sa kanya.

"Tara na nga!" Hinila siya nito at naghanap sila ng bakanteng mga upuan.

Nakangiti pa rin siya habang nakatingin sa tumutugtog na binatilyo nang makaupo sila ni Gwen. Bahala na ang kaibigan niya sa iisipin nito. Humahanga naman talaga siya sa binatilyo. Hangang-hanga siya sa galing nitong tumugtog ng piano.

Pagkatapos ng performance ay sinundan pa rin niya ng tingin ang binatilyo hanggang sa nawala ito sa paningin niya nang tumungo ito sa backstage. Nag-uumpisa nang kumanta ang sunod na contestant nang makita niya ang binatilyo na naglalakad sa gilid ng auditorium. Hindi niya alam kung naghahanap ito ng bakanteng upuan para umupo at manood o lalabas ito ng auditorium. Nang makita niyang malapit na ito sa exit door ay hindi niya maintindihan kung bakit naisip niyang sundan ito.

"Gwen, maiwan muna kita rito, ha?" aniya sa abala sa panonood niyang kaibigan.

"Bakit? Saan ka pupunta?"

Hindi niya ito sinagot. Sa halip ay tumayo siya at mabilis na naglakad patungo sa exit door.

Hinawakan niya sa braso ang binatilyo nang mahabol niya ito. "Teka," aniya.

Tumigil ito sa paglalakad at nilingon siya. Namilog ang mga mata nito pagkakita sa kanya. "B-bakit?"

"Ako ito, 'yong kausap mo sa music room no'ng isang linggo. Remember?"

"O-oo naman," sagot nito. Pagkatapos ay tahimik itong nagpatuloy sa paglalakad.

Sinabayan niya ito. "Napanood kita kanina. Ang galing mo talaga!"

Ngumiti ito. "Tsamba lang 'yon."

"Anong tsamba? Magaling ka talaga."

Hindi na ito sumagot. Nginitian lang siya nito.

"Saan ka pupunta?"

"K-kakain," sagot nitong hindi nakatingin sa kanya.

"Puwedeng sumama? Nagugutom na rin kasi ako," aniya kahit busog pa siya.

"Huwag na. Baka makita tayo ng boyfriend mo, pagselosan pa ako."

"Mabuti ka pa alam mong may boyfriend ako."

"T-that basketball player."

"You mean, Third? Wish ko lang. What you've heard were just rumors." Kumalat kasi sa campus na boyfriend na niya si Third. Habulin ng babae si Third at inaamin niya na isa siya sa mga babaeng iyon pero naghihintay lang siya na ligawan nito. Tuwang-tuwa siya nang ito pa ang naghanap sa kanya para interview-hin niya noong isang araw. Akala niya ay iyon na ang umpisa nang katuparan ng pangarap niyang maging nobyo ito pero nabigo siya. Pagkatapos ng interview ay hindi na siya nito pinansin. Tumupad lang ito sa usapan nila. Siguro ay dahil para na naman iyon sa publicity nito.

Tumigil siya sa paglalakad nang tumigil ang binatilyong sinasabayan niya. Humarap ito sa kanya. Pero sandali lang iyon at ipinagpatuloy uli nito ang paglalakad.

Sumabay uli siya rito sa paglalakad. "Hindi ko akalaing naniniwala ka pala sa tsismis," sabi niya.

"Ano ba ang gusto mong pag-usapan natin?" tanong nito.

"Wala. Gusto lang kitang makausap."

Nakita niyang sumilay ang ngiti sa gilid ng mga labi nito. "Bilisan natin. Baka maubusan tayo ng pagkain sa canteen."

Natawa siya sa biro nito. Tuluy-tuloy silang naglakad patungo sa canteen ng school. Pagdating sa canteen ay kaagad silang pumila sa counter bago pa humaba iyon. Pinauna siya nito dito. Nagkanya-kanya sila ng order. Nang turno na niyang magbayad ay saka pa lang siya kumuha ng pera sa wallet niya. Napatigil siya sa pagkuha dahil sa narinig niyang sinabi nito.

"Heto po ang bayad naming dalawa."

Nakita pa niya ang pag-abot nito ng pera sa cashier nang umangat siya ng tingin.

Binuhat nito ang tray na may laman ng mga order nito pagkatapos nitong kunin ang sukli. "Tara na." Nauna itong naglakad.

Binuhat naman niya ang tray na may laman ng mga order niya at sumunod dito. "Bakit mo ako nililibre?"

Tumingin ito sa kanya. "Birthday ko."

Namangha siya. "Talaga?"

"Joke. Tapos na. Sa isang taon uli."

Napanguso siya. "Ano ito? Super advance celebration?" nangingiting biro niya.

"Tini-treat lang kita."

"Thanks. Pero nakakahiya naman." Itinuloy niya ang pagkuha ng pera sa wallet niya nang makaupo na sila sa bakanteng puwesto sa isang sulok. Iniabot niya ang pera dito.

Tinulak nito ang kamay niya. "Huwag na. At huwag ka nang makulit."

"Bahala ka. Ako pa ang hindi? Libre 'to, eh. Masarap yatang kumain ng libre."

Hindi na ito nagsalita. Sinimulan na nito ang pagkain. Kay sayang tingnan ito habang kumakain. Magana kasi ito. Ginaganahan din tuloy siyang kumain kahit puno pa ang tiyan niya. Ito ba ang nagpagana sa kanya sa pagkain? Ito lang pala ang kailangan niyang appetizer kapag nawawalan siya ng ganang kumain.

Nag-init ang mga pisngi niya sa naisip. Pakiramdam niya ay namumula siya.

"You're blushing," puna nito.

Tama nga siya. Hindi ba nakakahiya iyon? "H-ha? Hindi naman. Sa makeup lang 'yan. Napadami yata ang napahid ng kaibigan ko." Ang totoo ay siya naman ang nag-a-apply ng makeup sa sarili niya. At light lang naman ang nilalagay niya.

"Gano'n ba? Pero parang wala ka namang makeup kanina. O, kain lang nang kain para tumaba ka."

Hindi na niya pinansin ang sinabi nito. Para rin siguro hindi na niya mapansin iyon ay dinugtungan naman kaagad nito iyon ng pangungusap na sinunod naman niya. Kumain na lang daw siya nang kumain para tumaba siya. Bakit, masyado na ba siyang payat? Hindi siya payat, ano? Slim siya. Sexy. And she was maintaining her body that way.

Pero kumain pa rin siya nang kumain. Mayamaya ay napamata siya sa paraan ng pagnguya nito. Ang cute yata nitong ngumuya. Bakit ba pati ang pagnguya nito ay gusto na rin niyang panoorin?

"Hindi yata kita nakita nitong mga nakaraang araw? Hinanap kita sa room n'yo. Pinagtanong kita sa mga kaklase mo pero hindi ka raw pumasok."

"Hinanap mo ako?" tila hindi makapaniwalang tanong nito. "Nagkatrangkaso kasi ako."

Nalungkot siya bigla pero kaagad din siyang ngumiti. "Mabuti naman at magaling ka na."

"Kahapon lang ako nakabalik sa school."

"Nakita mo pala ako?" Sa cheering squad ang ibig niyang sabihin.

Tumango ito. "Magaling kang sumayaw."

"Salamat."

Tahimik na ipinagpatuloy nito ang pagkain. Napatingin na naman siya sa pagnguya nito. This time, medyo matagal siyang nakatitig dito. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Dati, si Third ang gustong titigan ng mga mata niya pero bakit ngayon ay nag-iba na mula nang makita niya ang binatilyong kaharap niya?

At inaamin niya, ito ang dahilan kung bakit tinanghali siya ng gising kanina. Hindi kasi siya nakatulog sa kaiisip dito. Kung bakit hindi na niya nakikita ito sa school. Iyon pala ay nagkatrangkaso ito.

Hindi lang siya kagabi hindi nakatulog nang maayos kundi mula noong gabi ng pinakaunang araw na nakita at nakausap niya ito. Hindi lang niya alam kung bakit siya nagkakaganoon.

"O, hindi mo na ginagalaw ang pagkain mo."

Napakurap siya. Nawiwili na yata siyang panoorin ang pagnguya nito. Itinuloy niya ang pagkain. Nahiya na tuloy siyang tumingin dito. Pero hindi niya kayang huwag itong tingnan.

"B-bakit nga pala tumugtog ka ng piano kanina?" panimula niya ng bagong usapan. Ngayon lang niya na-realize na nagkaroon kanina ng live na minus-one. "Wala bang minus-one 'yong contestant natin?" tanong niya. Hindi niya binanggit ang pangalan ng contestant dahil baka hindi nito kilala iyon.

"Hindi ko alam ang buong kuwento pero sabi sa akin ng PEHM teacher na trainer niya, nakita na lang daw niya kaninang umaga na putul-putol na 'yong ribbon ng cassette tape. Wala nang oras para maghanap ng record kaya piano na lang ang naisip na solusyon. Nabali naman 'yong kamay ng magaling mag-piano sa music club dahil naaksidente raw sa motor kaya... May marunong namang maggitara kaso mas maganda raw 'pag piano sabi ng teacher. 'Yong kaklase kong may alam na tumutugtog ako ng piano ang nagsabi sa teacher na marunong ako."

"Kaya pala."

"Ayoko sana kasi nahihiya ako pero naawa naman ako sa contestant. Kinabahan ako kanina. Kaunting-kaunti lang ang oras ng practice ko. Dala ko pa iyong piyesa kanina kasi hindi ko pa kabisado."

"Pero nagawa mo pa rin. Congrats!"

Ngumiti lang ito at tahimik na nagpatuloy sa pagkain. Napanguso siya. Parang hindi ito proud sa sarili nito. Baka hindi lang nagpapahalata. Napangiti na lang din siya at nagpatuloy na rin sa pagkain.

Napatingin siya sa mukha nito nang narinig niya itong dumighay pagkatapos nitong ilapag ang eight onze bottle ng soft drinks.

"Thanks God," pagpapasalamat nito. "Excuse me," anito sa kanya na alam niyang para sa pagkarinig niya ng pagdighay nito.

Lihim na lang siyang napangiti at dinala sa bibig niya ang huling subo niya ng pagkain. "Let's go?" yaya niya rito pagkatapos niyang uminom ng soft drinks-in-can.

Tumayo ito. "James," anito. Pangalan iyon kaya alam niyang nagpapakilala ito.

Tumayo siya. "Inunahan mo ako, ah." Itatanong na rin sana niya rito ang pangalan nito. "And I'm—"

"I know you're Celine," nakangiting pamamatlang nito.

Napakunot-noo siya.

"Baka hindi mo alam na sikat ka sa school?"

Ngumiti siya. "'Nice meeting you, James." Iniabot niya ang kamay niya rito.

Inabot nito iyon. "'Nice meeting you, too, Celine."

Nakahiga na si Celine sa kama niya upang matulog na nang gabing iyon nang bigla na namang sumagi ang eksenang iyon sa kanyang alaala.

Napangiti siya.

Ilang beses na ba niyang binalikan sa kanyang gunita ang araw na nalaman niya ang pangalan ng lalaking dahilan ng kanyang pagbabalik?

Niyakap niya ang unan niya. Nang ipinikit niya ang kanyang mga mata ay nakita niya ang pinakamagandang pares ng mga matang nakita niya sa buong buhay niya. And those brown eyes belong to James.


HINDI lumabas si James ng condo unit niya nang araw na iyon. Inabala niya ang sarili sa pagtugtog ng piano at pakikinig ng piano instrumentals. It was Chopin's "Romanza" that was now playing.

Madilim na nang tumingin siya sa labas ng bintana.

Tumingin siya sa wall clock. It was already nine in the evening. Hindi pa pala siya naghahapunan. Nakapag-agahan at nakapananghalian din naman siya. Pero kumakalam ang kanyang sikmura at tinatamad siyang magluto.

Bumangon siya sa kama at nagpalit ng T-shirt. Hindi na niya pinalitan ang pantalon niya. Nagsuot na lamang siya ng sneakers. Inayos niya ng kamay ang buhok niya. Madali namang ayusin iyon dahil may wax iyon. Nang makontento ay dinampot niya ang remote control ng component at pinatay ang music.

Kinuha niya ang susi ng unit at ng kotse niya bago lumabas na upang maghapunan.

Inihinto niya ang sasakyan niya sa parking area ng isang pizza parlor. Pizza na lang ang kakainin niya para sa dinner niya. Family size ang binili niya. It was Hawaiian, his favorite.

Habang kinakain ang Hawaiian pizza ay naalala na naman niya si Celine. Hindi man iyon ang paborito nitong flavor ng pizza, mahilig itong kumain ng pizza. Naalala niya ang mga eksenang sabay silang kumakain niyon sa canteen ng school.

Pero nang minsang sabay silang kumain ng pizza ay malungkot ito.

"B-bakit parang wala ka yatang ganang kumain?" tanong ni James kay Celine. Halos maubos na niya ang kinakain niyang pizza samantalang ginagalaw-galaw lang nito ang nilibre niyang dalawang slice ng pizza dito. Nakapagtataka dahil napakahilig din nito sa pizza tulad niya pero ngayon ay tila wala itong ganang kumain niyon. Katunayan ay kanina pa ito tila walang ganang kumilos, ni ang ngumiti.

"Hindi mo ba alam ang balita?" ganting-tanong nito.

"A-anong balita?" Hindi naman siya mahilig makiusyoso. Ang mga nalalaman niya ay puro naririnig lamang niyang usap-usapan. At wala pa siyang naririnig na bagong balita.

"Alam na ng buong school. Ikaw na lang yata ang hindi nakakaalam na girlfriend na ni Third si Lizzy."

Kilala niya si Lizzy. Ito ang sikat na singer ng school na contestant sa vocal solo nang katatapos lang na school meet. Nasira ang cassette tape na naglalaman ng minus-one ng kakantahin nito at siya ang inatasang mag-piano para sa instrumental niyon.

"Talaga?" nakangiting sabi niya sa inimporma ni Celine.

"Masaya ka pa. Samantalang ako nasasaktan." Lalong naging malungkot ito.

Sumeryoso siya. "S-sorry," hinging-paumanhin niya. She told him she had a big crush on Third. Kaya alam niyang nasasaktan ito.

Tumulo ang mga luha nito. "Wala akong magagawa. Hindi ako ang gusto niya."

Hindi niya alam ang sasabihin. Ang gusto niyang gawin ay yakapin ito pero hindi niya magawa. Kahit na bilang isang kaibigan lang na nagmamalasakit.

Ano ba ang nangyayari sa kanya? Bakit naaalala na naman niya si Celine? Akala niya ay nakalimutan na niya ito.

Sa tuwing naiisip niya si Celine ay naalala niya ang sabi ng ate niya na kapag iniisip mo raw ang isang tao ay iniisip ka rin ng taong iyon.

Totoo kaya? Iniisip din kaya siya ni Celine?

Continue Reading

You'll Also Like

110K 1.8K 12
THIS IS MY SECOND WORK PUBLISHED UNDER PHR January 2015 "You are the one who gave me life. I rose from the cold deep depths of loneliness and misery...
31.5K 781 12
Falling in love was Faith least priorities. Masyado kasing istrikto ang mga magulang niya. Kaya nang Manalo siya ng trip to Palawan, sinamantala niya...
48K 925 10
"Lagi kong hinihiling na pansinin mo rin ako para masabi ko sa 'yo na pangarap kita noon pa." Yumi wanted to hate her parents dahil sa kagustuhan nit...
75.4K 1K 10
Pangalawa ang WTYH sa story ko. Itinuturing ko itong 'fruit' ng workshop ko sa PHR. Hihi. I was really inspired at that time. Marami akong natutunan...