Sirene (Published by ABS-CBN...

By UndeniablyGorgeous

5.6M 182K 197K

May isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas... More

Prologo
Sirene I
Sirene II
Sirene III
Sirene IV
Sirene VI
Sirene VII
Sirene VIII
Sirene IX
Sirene X
Sirene XI
Sirene XII
Sirene XIII
Sirene XIV
Sirene XV
Sirene XVI
Sirene XVII
Sirene XVIII
Epilogo
Author's Note
Sirene Book

Sirene V

215K 8.4K 4.7K
By UndeniablyGorgeous

[Kabanata 5]


"K-kung sakaling hindi nabantayan ng isang sirena ang mahiwagang perlas at hindi na ito maibalik sa kaniya, anong mangyayari?" tanong ni Nikolas sa tindera.


"Sa oras na mawala ang mahiwagang perlas at kapag hindi na ito naibalik pa sa karagatan ... mamamatay ang sirenang tagapag-alaga ng nawawalang perlas na iyon" diretsong sagot ng ale, sa kauna-unahang pagkatataon ay nakaramdam si Nikolas ng pag-aalala para kay Sirene na ngayon ay tulad ng tao, maaari na rin itong mamatay.


Sandaling hindi nakapagsalita si Nikolas, natauhan na lang siya nang lumingon sa kaniya ang tindera "M-may palugit po ba kung hanggang kailan ang itatagal para maibalik ang perlas sa karagatan?" tanong pa muli ni Nikolas. Napaisip naman ng malalim ang tindera.


"Hindi ko alam hijo, basta ang alam ko lang ay habang tumatagal ang sirena dito sa lupa at habang tumatagal ang pagkawala ng mahiwagang perlas sa karagatan ay unti-unting manghihina ang sirenang iyon" tugon pa ng tindera, muli namang napatitig si Nikolas sa obrang nakasabit sa dingding ng tindahan. Sa huling pagkakataon ay muling nagsalita ang tindera at ang mga salitang sinambit nito ay siyang nagpadagdag lalo sa pangamba ni Nikolas "Unti-unting manghihina ang sirena hanggang sa siya ay mamatay"



"Bakit parang ang lalim ng iniisip mo Kolas? Himala" kantyaw ni Batchoy habang nilalantakan ang dalawang mais. Napasandal naman si Nikolas sa gilid ng pintuan ng tren habang tulala sa labas ng bintana nito. Kasalukuyan silang nasa loob ng tren at ilang oras pa lamang ang lumilipas nang makaalis ito sa Batangas.

Mabagal ang takbo ng tren at umaalingawngaw sa paligid ang maingay na tunog nito. Pahabang helera sa gilid ng tren ang upuan kung kaya't ang mga kalalakihan ay naupo na lang sa lapag o nakatayo sa mga sulok.

Nagkalat din ang malalaking bagahe ng mga pasahero na siyang nasa tabi nila. Ang ibang malalaking baul ay inuupuan ng mga batang naglalaro at nagtatawanan. Alas-dos na ng hapon at karamihan sa mga pasahero ng tren ay tulog habang ang iba naman ay nagbabasa ng dyaryo.

"Napapaisip lang ako, ano kayang mangyayari kung sakaling hindi natin mabalik kay Sirene ang perlas?" tanong ni Nikolas habang tulalang nakatingin sa bintana ng tren. Matirik ang sikat ng araw sa labas kung kaya't kitang-kita ang ganda at lawak ng mga palayan na kanilang nadadaanan.

"Edi papatayin niya tayo" sagot ni Batchoy sabay punas sa bibig niyang punong-puno na ng mais. "Haay Kolas wag mo sabihing balak mo siyang takasan, siguradong hindi siya magdadalawang isip na patayin ka kapag niloko mo siya tungkol sa perlas" saad pa ni Batchoy at napailing-iling pa ito, inalok niya pa si Nikolas ng mais na kinakain niya pero ubos naman na ito.

Napahawak naman si Nikolas sa baba niya at hinimas-himas niya ito habang nag-iisip ng malalim. "Posible bang maging tao ang isang sirena?" tanong pa muli nito, napakunot naman ang noo ni Batchoy sabay kuha naman ng nilagang kamote na nasa bulsa niya.

"Imposible 'yon" sagot ni Batchoy, napalingon naman sa kaniya si Nikolas. "Hindi ba imortal ang mga sirena? Ibig sabihin kapag dumating sa punto na maaari na silang mamatay magiging tao sila?" saad naman ni Nikolas, napatigil naman sa pagkain si Batchoy at napaisip na rin ito ng malalim.

"Ayon sa pagkakatanda ko sa alamat hindi sila maaaring mamatay dahil imortal sila, dumadaloy din sa dugo ng apat na sirena ang kapangyarihan ng kamatayan dahil sila ay mga anak ni Maguayan na dyosa ng karagatan at kamatayan. Ayon din sa alamat mayroong babaeng anak noon si Maguayan na nangngangalang Lidagat ngunit namatay ito kung kaya't ang mga kaluluwa ng mga patay ay dinadala niya sa kailaliman" tugon pa ni Batchoy. Biglang naalala ni Nikolas noong gabing nakita niya kung paano lunurin ni Sirene ang batang babae, naramdaman din niya ang malakas na pwersa na humihila sa kanila paibaba sa karagatan.

"Kaya isa sa pinaniniwalaan ko sa alamat ng apat na sirena na pumapatay talaga sila ng tao kada kabilugan ng buwan upang ialay sa kanilang ina" patuloy pa ni Batchoy. Ngayon ay sigurado na talaga sila na totoo ang alamat dahil kay Sirene.

Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit bigla siyang napatigil nang makita si Sirene na tuwid na nakaupo sa pinakadulong upuan habang nakapikit ang mga mata nito na animo'y nag-iisip ng napakalalim. "Pasalamat na nga lang tayo dahil mukhang hindi sumbungera si Sirene dahil paniguradong papatayin tayo ng nanay niya kapag nalaman nito na ninakaw mo ang mahiwagang perlas" wika pa ni Batchoy, inoobserbahan naman ni Nikolas ng mabuti si Sirene na walang imik na nakaupo lang doon at nakapikit pa ang mga mata habang napapalibutan ng mga babaeng pasahero na karamihan ay may mga anak na dala-dala.

"Posible bang hindi nalalaman ni Maguayan na nawawala ang mahiwagang perlas?" nagtatakang tanong ni Nikolas unti-unti na siyang nagiging interesado sa mahiwagang mundo na kinabibilangan ni Sirene.

"Iyon nga ang ipinagtataka ko, malakas ang kutob ko na lihim lang ang pagpunta ni Sirene dito sa lupa at hindi pa alam ng kaniyang ina ang pagkawala ng mahiwagang perlas" tugon naman ni Batchoy, sa pagkakataong iyon nagiging malinaw na kay Nikolas na hindi biro ang pagkawala ng perlas sa kanluran.


Ilang sandali pa biglang iminulat ni Sirene ang kaniyang mga mata at kunot noong nilingon ang babaeng katabi niya na nasa edad tatlumpung taon na habang may karga-karga itong sanggol na umiiyak.

"Hija, maaari mo bang kargahin saglit ang aking anak? kailangan ko lang samahan sa palikuran ang isa ko pang anak" pakiusap ng ale, hindi naman umimik si Sirene at nakatitig lang ito sa kaniya habang ang mukha nito ay walang emosyon.

"Nay, naiihi na po ako" tugon pa ng batang lalaki na nasa limang taong gulang pa lamang. May walong anak ang ale at karamihan sa mga ito ay mga batang paslit pa kung kaya't hirap na hirap ito sa pagaasikaso sa mga anak niya.

Dali-dali namang lumapit sa kanila si Nikolas at kinuha ang sanggol sa kamay ng ale na iaabot sana kay Sirene. "Ako na po ang magbabantay sa anak niyo" tugon ni Nikolas at nakangiti ito sabay karga sa sanggol. "Maraming Salamat hijo" tugon ng ale saka binuhat ang isa nya pang anak at dahan-dahan silang humakbang sa mga taong nakaupo sa lapag ng tren.

Naupo na si Nikolas sa tabi ni Sirene habang inaaliw niya ang sanggol na tumigil na sa pag-iyak mula nang kargahin niya ito. "Pigilan mo ang sarili mo kamahalan, siguro natatakam ka na ngayon sa batang ito" pang-asar pa ni Nikolas, isa sa dahilan kaya nagmamadali siya kanina na kargahin ang sanggol ay dahil baka kung anong gawin ni Sirene sa batang iyon.

Napakunot naman ang noo ni Sirene pero tinawanan lang siya ni Nikolas "Hep! Hep! Baka matakot ang bata kamahalan sa itsura mong iyan" pang-asar pa nito, akmang tatadyakan niya si Nikolas ngunit agad itong nakaiwas at inasar-asar pa siya na mukha siyang aswang.

"Napakatabil ng iyong dila" inis na tugon ni Sirene habang nakatingin ng masama kay Nikolas. Samantala, tatawa-tawa lang naman ang binata. Habang tumatagal ay mas nasasanay na siya na biro-biruin si Sirene lalo na't alam niyang di naman siya mapapatay nito dahil kailangan nilang mahanap ang perlas.

"Napakagwapo ko naman" hirit pa ni Nikolas sabay ngisi habang pinapatulog ang sanggol na karga niya. Hindi na lang siya pinansin ni Sirene at muli nitong pinikit ang kaniyang mga mata.

"Kamahalan, talaga bang kumakain kayo ng tao? at paborito niyo ang sanggol?" bulong ni Nikolas pero agad din siyang napaatras nang lumingon sa kaniya si Sirene.

"Mas paborito kong kainin at patayin ang mga walang kwentang tao tulad mo" mataray na sagot ni Sirene, medyo may kalakasan ang boses nito kung kaya't napalingon ang ibang mga pasaherong katabi nila. Agad namang tumawa-tawa si Nikolas dahil mukhang nawindang ang mga tao sa narinig nilang sinabi ng dalaga.

"Nagbibiro lang po ang aking asawa, haay kakaiba talaga ang pagtitimpi ng mga buntis" ngisi pa ni Nikolas sabay kindat kay Sirene, hindi naman siya magawang batukan, sipain, o sagihin ni Sirene dahil nasa bisig ni Nikolas ang sanggol na mahimbing na natutulog.

"Sige na, matulog ko na sa balikat ko mahal, wag ka ng mahiya" ngisi pa ni Nikolas dahilan upang mas lalong mapakunot ang noo ni Sirene sa inis lalo kapag tinatawag siya nitong 'Mahal'. "Damhin mo ang init ng bisig ko" habol pa ni Nikolas sabay hawak sa ulo ni Sirene at pinasandal niya ito sa balikat niya habang nasa akap-akap din niya ang sanggol.

Medyo napalakas ang paghawak ni Nikolas sa ulo ni Sirene kung kaya't tumama ang ulo ng dalaga sa matigas na buto sa balikat ni Nikolas. Inis namang lumayo si Sirene saka tiningnan ng mas matalim si Nikolas na ngayon ay naniningkit na ang mga mata sa kakatawa.

"Lapastangan ka talag----" akmang sasampalin ni Sirene si Nikolas sa mukha ngunit napatigil siya nang magsalita ang isang ale na nakaupo sa tapat nila.

"Kay saya niyo namang pagmasdan, para kayong isang masayang pamilya na nagmamahalan, nawa'y hindi natin sapitin ang kaguluhang nangyayari sa ibang bansa" wika nito at may karga rin itong sanggol.

"Sa totoo lang ako'y nangangamba na baka sapitin din natin ang nangyari sa bansang Tsina" tugon naman ng isang matandang babae na nakaupo sa tabi ng ale.

"Ano pong ibig niyong sabihin?" nagtatakang tanong ni Nikolas, hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam din siya ng kaba nang marinig ang mga sinabi ng mga matandang iyon.

"Hindi niyo ba nabalitaan ang kalunos-lunos na sinapit ng mga mamayan ng Nanking sa Tsina noong nakaraang apat na taon?" tugon ng matandang babae, napaupo naman ng diretso si Sirene at wala pa ring emosyon ang mukha nito habang si Nikolas naman ay napalunok sa kaba.

Ang tinutukoy ng matandang babae ay ang brutal na pagkamatay ng mga mamamayan ng Nanking (Nanjing) sa bansa ng Tsina sa kamay ng mga Hapones nang sakupin sila nito noong 1937, apat na taon na ang nakararaan. Ayon sa usap-usapan, ni isang tao na tubong Nanking ay walang nakaligtas kung kaya't ang pagkamatay ng mga orihinal na mamamayan ng Nanking ay sinasabing madalim na pangyayari na kung saan ang kanilang bayan ay tila nabura na sa mapa.

"Kasalukuyan din nagkakagulo sa Europa at naglalaban-laban ang mga bansa roon. Ako'y nangangamba sa digmaang nangyayari ngayon" tugon pa ng matandang babae, tila nabalot ng takot ang mga pasaherong nakarinig ng mga impormasyong nalalaman ng matandang babae. Napahinga naman ng malalim si Nikolas at napalingon siya kay Sirene na walang imik lang na nakaupo sa tabi niya.

"Kamahalan, hindi ba may kakayahan kang makita ang hinaharap? Anong mangyayari sa bayan natin?" bulong ni Nikolas kay Sirene, hindi naman umimik ang dalaga. "Kapag sumiklab ang kaguluhan siguradong mahihirapan tayo makuha ang perlas lalo na't ang asawa ni madam Sandra ay isang amerikanong sundalo na may katungkulan" patuloy pa ni Nikolas, nagulat naman siya nang biglang tumayo si Sirene at naglakad ito papunta sa dulo ng tren.

Agad ipinasa ni Nikolas kay Batchoy ang sanggol na karga niya at dali-daling sinundan si Sirene na walang kahirap-hirap na humakbang sa mga taong nakaupo at nakahiga sa sahig ng tren. Habang si Nikolas naman ay panay ang hingi ng pasensiya dahil natatapakan niya ang ibang mga pasahero.





Nang makarating si Sirene sa pinakadulong bagon, walang kahirap-hirap niyang nabuksan ang pinto sa pinakadulo nito. At bago niya maisara ang pinto ay agad itong kinabig ni Nikolas sabay ngisi "Ang bilis mo pero mabilis at gwapo naman ako" saad pa nito, sinamaan naman siya ng tingin ni Sirene at tinalikuran na. Kasalukuyan silang nasa dulo ng tren kung saan may maliit na balkonahe ang nagsilbing harang sa pinakadulo ng tren.

Maaliwalas ang kalangitan habang umiihip ang hangin. Kasalukuyan nilang tinatahak ang malalaking palayan at pastulan ng mga hayop. May iilang bahay kubo rin silang nadadaanan kung saan nakalatag sa labas ang mga palay na pinaiinitan sa arawan.

Nakatingin lang ng diretso si Sirene sa tanawin sa labas habang nililipad ng hangin ang kaniyang mahabang buhok na kulay brown na ngayon. "Wala ka bang pang-ipit sa buhok?" panimula ni Nikolas saka humakbang sa maliit na balkonahe, sa tabi ni Sirene.

Hindi naman siya inimik ni Sirene at nanatili itong nakatingin sa malalawak na palayan. "Uhmm... may tanong ako, paano kayo ipinanganak? Ang ibig kong sabihin naging sanggol at bata rin ba ang mga sirena?" tanong pa ni Nikolas at napakamot pa ito ng ulo. Malaking palaisipan talaga sa kaniya ang buhay ng mga sirena.

"Hindi" diretsong sagot ni Sirene. Napatango-tango naman si Nikolas, "Kung gayon, paano kayo sumulpot sa mundong ito? Kung si malakas at maganda ay nanggaling sa kawayan... saan naman kayo nanggaling?" patuloy pa ni Nikolas, malakas ang ingay ng tren kung kaya't medyo malakas ang boses niya sa pagtatanong.

"Sa mahiwagang perlas" walang emosyong sagot ni Sirene. Hindi naman agad nakapagsalita si Nikolas sa gulat. Ibig sabihin ang buhay nga ng apat na sirena ay nakasalalay sa mahiwagang perlas na binabantayan nito.

"K-kung gayon, paano kung sakaling hindi maibalik sa karagatan ang mahiwagang perlas? A-anong mangyayari say------" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil bigla lumingon sa kaniya si Sirene at seryoso na ang itsura nito kung kaya't bigla siyang tumawa at winagayway pa sa ere ang kamay niya dahil mukhang sasapakin siya ng sirena.

"Ah---eh tutal may kakayahan ka naman na makita ang hinaharap, siguradong alam kong alam mo na makukuha mo ulit ang perlas" ngiti pa ni Nikolas, hindi naman siya inimik ni Sirene at muli nitong ibinaling ang kaniyang paningin sa magandang tanawin sa labas.

Hindi sumagot si Sirene kung kaya't unti-unting nagiging malinaw kay Nikolas na totoo nga na sa pagtapak ng isang sirena sa lupa ay maglalaho ang ibang kapangyarihan at kakayahan nito. Napagtanto niya na sa pagkakataong ito wala nang kakayahan si Sirene na makita ang hinaharap (foresight) dahil kung alam naman ni Sirene ang mangyayari sa susunod na mga araw ay hindi na nito kailangan pa ng tulong mula kay Nikolas at Batchoy.

Mga ilang minuto rin ang lumipas na walang umimik sa kanilang dalawa. Tahimik lang si Sirene na nakatanaw sa kapaligiran habang nakahawak sa balkonahe ng tren, habang si Nikolas naman ay nilalamon na ng konsensiya at hindi na siya mapakali dahil sa mga bagay na gumugulo sa isipan niya lalo na ngayon na mas nakakailang dahil walang nagsasalita sa kanilang dalawa.

"Ah! kamahalan, may isa pa pala akong katanungan, paano ka nagka-paa?" pagbasag niya sa katahimikan. Napatingin naman si Sirene sa paa niya saka nilingon si Nikolas na nakatayo rin sa tabi niya.

"Wala kang pakialam" masungit nitong sagot, napakunot naman ang noo ni Nikolas saka taas-noong hinarap ang dalaga.

"NAPAKASUNG-----Ah! alam ko na isa nga palang malaking sikreto para sa mga isdang tulad niyo ang bagay na iyon kamahalan" sarkastikong tugon ni Nikolas at napahalakhak pa ito para mas lalong maasar sa kaniya si Sirene.

"Huwag mong maliitin ang mga isda!" giit ni Sirene at taas noo niyang hinarap ang binata. Hindi naman nagpatalo si Nikolas at tumindig din ito ng diretso upang ipakita kay Sirene na mas matangakad siya at mas malaki ang katawan niya.

"Huwag mo ring maliitin ang mga tao! lalo na ang mga gwapong tulad ko!" giit naman ni Nikolas, napapikit na lang sa inis si Sirene kahit gustong-gusto na niya pitikin si Nikolas papalabas ng tren.

"Inutil!" inis na tugon ni Sirene.

"Masungit!" banat naman ni Nikolas.

"Lapastangan! Bastos! Manyakis!"

"Sakim! Aswang! Bruha!" banat ni Nikolas dahilan upang biglang lumaki ang mga mata ni Sirene dahil sa sagad sa buto na ang pang-iinis na ginagawa ni Nikolas sa kaniya.

Akmang sasampalin niya si Nikolas ngunit mabilis na nahawakan ni Nikolas ang kaniyang kamay kung kaya't napatigil siya at gulat na napatingin ng diretso sa mga mata ng binata. Sa mga oras na iyon, tila bumagal ang takbo ng paligid habang nakatingin sila sa mata ng isa't-isa.

Hindi man ito ang unang beses na mahawakan ni Nikolas ang kamay niya ngunit hindi siya sanay na mahawakan siya ng sinuman lalong-lalo na ang isang binatang tulad ni Nikolas na sa paglipas ng mga araw ay unti-unti nang napapalapit sa kaniya.

Natauhan na lang si Sirene nang biglang magsalita si Nikolas "Ano ito? Butones?" nagtatakang tanong nito habang tinititigang mabuti ang isang butones na kulay itim na nakuha niya sa kamay ni Sirene. Gulat namang napatingin si Sirene sa butones at akmang aagawin ito sa kamay ni Nikolas ngunit itinaas ni Nikolas ang kaniyang kamay para hindi makuha ni Sirene.

"Akin na 'yan!" giit ni Sirene habang inaabot ang itim na butones sa kamay ni Nikolas na mukhang ayaw nitong ibigay.

"Anong mayroon sa butones na ito? Bakit parang butones ito ng uniporme ng mga sundalo?" nagtatakang tanong ni Nikolas habang pilit na iniiwas kay Sirene ang hawak niyang butones.

"Ibalik mo sa'kin iyan!" sigaw ni Sirene ngunit biglang sumilay ang nakakainis na ngiti sa labi ni Nikolas. "Sandali! huwag mo sabihing may kinahihibangan kang sundalo kamahalan? Nako! malalagot ka sa iyong ina!" tawa pa ni Nikolas, hindi naman magkamayaw si Sirene na makuha ang butones sa kay Nikolas ngunit hindi niya maabot ang kamay nito na nakataas sa ere.

"Gusto mo talagang masaktan, ha?! Akin na 'yan!" buwelta pa ni Sirene ngunit hindi umuubra kay Nikolas ang pagsusungit at pananakot niya dahil tinatawanan at inaasar na siya nito ngayon.

"Mukhang umiibig ang bruhang sirena ng kanluran! Nako! sino kaya ang malas na lalaking iyon?" pang-asar pa ni Nikolas, mas lalo siyang natutuwa dahil namumula na ngayon sa inis at hiya si Sirene. Nagtataka namang napapasilip ang ilang pasahero na nasa loob ng bagon dahil sa ingay at pag-aagawan ni Nikolas at Sirene sa isang maliit na butones.

"Kahit kailan magnanakaw ka talaga! Akin nga 'yan!" giit pa ni Sirene habang namumula na ang buong mukha nito sa inis na siyang ikinatutuwa lalo ni Nikolas.

"Ninakaw mo rin naman 'to sa sundalong may-ari neto ah! siguradong namomoblema siya ngayon kung nasaan ang isang butones ng uniporme niya Ha Ha Ha!" tawa pa ni Nikolas at agad na niyang ipinasok sa pantalon niya ang itim na butones dahilan upang mapatigil si Sirene at gulat na napatingin sa kaniya.

"Kunin mo kamahalan kung kaya mo bleh!" pang-asar pa ni Nikolas at sumayaw-sayaw pa ito habang inaasar-asar si Sirene na kunin nito ang butones na ipinasok niya sa loob ng pantalon niya.

"Napaka-bastos mo talaga!" sigaw ni Sirene at akmang sasabunutan si Nikolas ngunit biglang tumigil ang tren at dali-daling lumudag si Nikolas pababa sa tren. "Akin na ito! Siguradong mabebenta ko ito!" tawa pa ni Nikolas at agad siyang kumaripas ng takbo papunta sa nagkukumpulang mga tao sa palengke na nasa tabi ng riles ng tren.

Nakatigil na ngayon ang tren sa istasyon nito sa Calamba, Laguna. Hindi naman magkamayaw ang mga pasahero sa pagbaba at pagsakay sa tren. Habang ang iba naman ay bumaba saglit upang bumili ng makakain sa palengke na nasa tabi lang ng istasyon.

Napagtanto ni Sirene na mukhang ibebenta nga ni Nikolas sa palengke ng Calamba ang pinaka-iniingatan niyang butones kung kaya't hindi na siya nagdalawang-isip na lumundag pababa sa tren at hinabol niya si Nikolas na ngayon ay tumatakbo sa gitna ng napakaraming tao.

Napanganga naman si Batchoy sa gulat nang makita ang nanggigil sa inis na mukha ni Sirene habang hinahabol si Nikolas na tumatawa-tawa sa gitna ng maraming tao. Agad niyang ibinalik ang sanggol na karga sa nanay nito at pinakiusapan niya na bantayan saglit ang kanilang mga bagahe dahil susundan niya lang ang dalawa niya pang kasamahan.

"TUMABI KAYO!" sigaw ni Sirene sa mga tao at gulat itong napapatabi sa gilid dahil mukhang papatay ng tao ang itsura ngayon ni Sirene, napalingon naman sa kaniya si Nikolas at gulat itong napanganga dahil hindi niya akalain na seseryosohin ni Sirene ang biro niya. Wala naman siyang balak ibenta ang butones lalo na't wala naman tanga na bibili ng isang pirasong butones. Gusto lang niya asarin at loko-lokohin si Sirene na ngayon ay mukhang babalatan na siya ng buhay.

"S-sandali! nagbibiro lang ako kamahalan!" kinakabahang tugon ni Nikolas habang winawagayway niya sa ere ang kamay niya para awatin si Sirene na ngayon ay mabilis na tumatakbo papalapit sa kaniya. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas saka nagmamadaling sumingit-singit sa mga taong nakakasalubong pero napapatabi ang mga ito dahil isang tingin lang ni Sirene sa kanila ay napapatras na sila sa takot.

"Kamahalan? Napaka-galang naman ng ginoong iyon upang tawagin niyang kamahalan ang kaniyang asawa" kinikilig na tugon pa ng mga chismosang tindera na nasa gilid. Wala silang ideya na seryosong papatayin nga ni Sirene si Nikolas dahil sa matinding inis.

"H-heto na ang iyong butones... w-wala naman talaga akong---" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang pagpapaliwanag dahil bigla siyang napatigil nang mabangga niya ang isang maton na lalaki. Napanganga sa gulat si Nikolas nang makilala niya kung sino ang maton na iyon na nabangga niya, si Don Miguel.

"K-kayo pala Don Miguel, kamusta na? hindi ko akalain na nandito na pala kayo sa Laguna" tawa pa ni Nikolas na ngayon ay pinagpapawisan na sa kaba. Bukod kasi sa tumatakas siya ngayon kay Sirene ay mukhang hindi naman siya makakatakas ngayon kay Don Miguel at sa mga tauhan nito na pinapalibutan na siya ngayon.

"G-gusto niyo ba mag-inuman? Sige! Ako ang taya!" tugon pa ni Nikolas, bigla namang humalakhak ng napakalakas si Don Miguel na sinabayan din ng kaniyang mga tauhan kung kaya't napatigil ang mga tao at napalingon sa kanila. Napagtanto ng lahat na mukhang may mangyayaring gulo at bugbugan sa mga oras na ito sa gitna ng palengke.

"Ikaw naman talaga ang taya Kolas... at ang taya sa larong ito ay hindi na makakatakas" ngisi pa ni Don Miguel, kitang-kita ang ipin nito na pinakabitan niya ng ginto. Gulat na napalingon si Nikolas sa halos dalawang dosenang kalalakihan na nakapalibot na ngayon sa kaniya at mas lalong dumarami pa nang makita niyang magsibabaan sa tren ang iba pang mga kalalakihan na kasama ni Don Miguel.

Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makilala ang iba pang mga kalalakihan, ito ay ang mga sugarol sa sabungan na niloko nila ni Batchoy ay kinuhaan nila ng mga salapi. "Ibalik mo sa kanila ang mga salaping nalikom niyo! At ikaw naman ay magtatrabaho sa'kin bilang kabayaran sa lahat ng utang mo at sa pananamantala mo sa kahinaan ng unica hija kong si Graciela!" galit na tugon ni Don Miguel, nagsimula namang magbulung-bulungan ang mga tao lalo na ang mga chismosa nang marinig nila ang akusa ni Don Miguel na mapagsamantala sa kababaihan si Nikolas.

"W-walang namamagitan sa amin ni Graciela! Wala akong ginawa sa kan-----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil agad hinawakan ni Don Miguel ang kaniyang kwelyo at unti-unti siyang inangat sa lupa.

Naaninag ni Nikolas na naglalakad na si Sirene papalapit sa kanila habang seryosong nakatingin ito sa kaniya. Biglang naalala ni Nikolas na ang habol ni Sirene sa kaniya ngayon ay ang itim na butones na pinasok niya sa patalon niya kung kaya't agad niya itong kinapa at kinuha habang hawak-hawak ni Don Miguel ang kwelyo niya.

"S-sandali, magbabayad na ako" wika ni Nikolas, bigla namang umaliwalas ang mukha ni Don Miguel pati ang mga tauhan nito. Dahan-dahang dinukot ni Nikolas ang itim na butones na isinuksok niya sa loob ng pantalon niya saka inabot kay Don Miguel.

Napakunot naman ang noo ni Don Miguel "Niloloko mo ba ako?!" sigaw nito saka kinuha sa kamay ni Nikolas ang butones, inihagis niya ito sa lupa saka tinapak-tapakan. "Anong tinatawa-tawa mo riyan?" galit na tanong ni Don Miguel kay Nikolas na ngayon ay nakangisi na ng todo.

"Nang dahil sa ginawa mong iyan, siguradong mababalian ka ng buto Don Miguel" tawa pa ni Nikolas dahilan upang mas lalong mapakunot ang noo ni Don Miguel at mapayuko siya sa lupa kung saan tinatapakan niya ngayon ang itim na butones.

"Sinasabi mo bang ikakapahamak ko ang lintik na butones------" hindi na natapos pa ni Don Miguel ang kaniyang sasabihin dahil biglang may sumipa sa pagmumukha niya dahilan upang mabitawan niya si Nikolas at tumilapon siya sa ere.

Napagbagsak si Don Miguel at sumubsob pa ang nguso niya sa lupa "S-sino ka----Anong maipaglilingkod namin sa iyo binibini?" biglang ngiti ni Don Miguel kay Sirene na ngayon ay seryosong nakatingin sa kaniya. Nagdudugo na ang ilong ni Don Miguel dahil sa lakas ng sipa ni Sirene ngunit nakangiti pa rin siya at hindi niya iyon alintana dahil nabighani siya sa ganda ng dalaga.

Maging ang mga tauhan ni Don Miguel ay napatulala at napangiti kay Sirene. Habang ang mga tao naman sa paligid ay gulat na gulat at halos hindi makapaniwala sa nangyari lalo nan ang sipain ng dalaga ang maton na si Don Miguel.

Nanlilisik ang mga mata ni Sirene lalo nan ang masaksihan niya kanina kung paano tinapak-tapakan ni Don Miguel ang itim na butones na iniingatan niya. walang kahirap-hirap na hinila ni Sirene sa kwelyo si Don Miguel, bagay na ikinawindang ng mga tauhan niya at ng mga tao sa paligid.

"Nasaan na ang butones?!" sigaw ni Sirene, nanlaki naman ang mga mata ni Don Miguel at napatingin siya sa lupa ngunit wala na roon ang butones. "B-bibilhan na lang kita ng maraming butones binibini" tugon pa ni Don Miguel ngunit isang malakas na suntok sa mukha ang inabot niya kay Sirene.

Agad namang napasugod ang mga tauhan niya ngunit nang lumingon sa kanila si Sirene ay bigla silang napatigil at napahakbang paatras habang hawak-hawak nila ang mga baton at patalim nila. Samantala, sa kabilang banda naman ay agad inalalayan ni Batchoy si Nikolas na ngayon ay tumatawa-tawa dahil sa basag na mukha ni Don Miguel na ngayon ay mangiyak-ngiyak na habang nakadapa sa lupa.

"P-patayin niyo ang babaeng iyan! P*nyeta mapapatay niya ako dahil lang sa lintik na butones!" umiiyak na utos ni Don Miguel sa mga tauhan niya, hindi na siya makagalaw ngayon dahil mukhang nabali ang kaniyang balakang sa lakas ng suntok at hampas sa kaniya ni Sirene na dahilan upang tumilapon siya kanina sa ere.

Nagkatinginan naman ang mga tauhan ni Don Miguel na ngayon ay nanginginig na sa takot at nag-aalangan na sugurin si Sirene dahil mukhang hindi rin sila uurungan ng mga ito. Agad namang kinuha ni Nikolas ang itim na butones na nasa gilid lang niya at binato ito sa isang tauhan ni Don Miguel.

"Kamahalan! Kinuha niya ang butones!" sigaw ni Nikolas sabay turo sa lalaking payatot na tauhan ni Don Miguel. Nanlaki ang mga mata ni Sirene nang makitang nasa paa ng lalaking iyon ang itim na butones kung kaya't agad niya itong sinipa sa pagmumukha.

Nadaganan ng lalaki ang butones at nang hilahin siya ng isa sa kasamahan nito nasama ang butones na nahigaan ng lalaking iyon kung kaya't nagkagulo ang mga tauhan ni Don Miguel dahil pinagsisipa, pinagsusuntok at pinaguuntog na sila ni Sirene.

Napapasigaw ang mga tao lalo na sa tuwing tumitilapon ang mga tauhan ni Don Miguel sa kanilang mga paninda. Pa-simple namang dinampot ni Nikolas ang itim na butones na nadadaganan ng isang tauhan na umiiyak na ngayon dahil mukhang nabasag ang buto sa kaniyang ilong.

Pa-simpleng tumakas si Nikolas at Batchoy sa kaguluhang iyon at nakayuko silang naglakad pabalik sa tren. Ilang sandali pa, napatigil si Sirene nang marinig niya ang ingay ng tren at nang mapalingon siya dito ay nakita niyang nagsisimula na itong umandar.

"Kamahalan! Nasa amin na ang butones!" tawag ni Batchoy habang nakasilip sila ni Nikolas sa bintana ng tren at winawagayway sa ere ang itim na butones. Agad namang binitawan ni Sirene ang isang tauhan ni Don Miguel na babalian niya sana ng balakang.

Dali-daling kumaripas ng takbo si Sirene upang habulin ang tren na ngayon ay unti-unti nang bumibilis. Agad naman siyang sinalubong ni Nikolas sa pintuan ng tren sabay lahad ng palad nito sa kaniya. "Bilis kamahalan, takbo! Takbo! Takbo!" tugon pa ni Nikolas habang nalakahad ang palad nito.

Ilang sandali pa ay naabot na ni Sirene ang kamay niya kay Nikolas at agad siyang hinila ng binata papasakay sa tren dahilan upang matumba silang dalawa at mapabagsak sa sahig sa loob ng tren. Nanlaki ang mga mata ni Sirene nang mapagtanto niya na nakaibabaw siya kay Nikolas habang si Nikolas naman ay tila naistatwa sa gulat dahil sa posisyon nila.

Agad tumayo si Sirene na ngayon ay hindi na makatingin kay Nikolas at sa mga pasaherong nakakita as nakakahiya nilang posisyon. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa kabilang bagon dahil sa kahihiyan habang si Nikolas naman ay napatulala lang sa kawalan na parang sinaniban sa gulat.





Alas-siyete na ng gabi, napahinga ng malalim si Nikolas bago niya buksan ang pinto sa pinakadulong bagon ng tren kung saan kanina niya pa alam na naroon si Sirene.

Nagulat si Sirene nang bumukas ang pinto at napalingon sa likod ngunit nahimasmasan din siya nang malaman na si Nikolas lang pala iyon. Kasalukuyang nakaupo ngayon si Sirene sa sahig ng tren habang nakahawak sa balkonahe sa dulo nito. Madilim na ang buong paligid lalo na sa labas at may nag-iisang gasera lang na nakasabit sa gilid ng pinto ng tren na siyang nagbibigay liwanag sa kanila.

Malamig ang hangin sa labas ngunit hindi iyon alintana ni Sirene dahil hindi naman siya tinatablan ng init at lamig. Hindi rin siya nagkakasakit at nasusugatan kung kaya't kahit kailan ay hindi niya naranasan na masaktan ng pisikal.

Napayakap naman si Nikolas sa kaniyang sarili dahil sa lamig ng hamog sa labas ng tren. Maalog at maingay ang byahe nila sakay ng tren ngunit kahit papaano ay nagpapasalamat na rin sila dahil may nasakyan sila papunta ng Maynila.

Naupo na si Nikolas sa tabi ni Sirene, hindi naman umimik ang dalaga habang nakatingin lang ito sa madilim na tanawin sa labas. "N-nagugutom ka na ba?" panimula ni Nikolas, hindi naman nagsalita si Sirene kung kaya't alam niyang hindi naman ito nagugutom pero kahit ganoon ay inabutan niya pa rin ito ng nilagang kamote.

Napatingin naman si Sirene sa nilagang kamote na hawak ni Nikolas "Hindi ako kumakain niyan" tugon nito, napatango-tango naman si Nikolas sabay ngiti upang mawala ang tensyon sa pagitan nilang dalawa.

"Ah! Oo nga pala mahilig ka sa karne" ngiti pa ni Nikolas, sabay kagat sa nilagang kamote. Ilang sandali pa ay bigla siyang nabahing dahil nilalamig na siya ngayon sa labas ng tren.

"Pumasok ka na sa loob" wika ni Sirene, sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig niya ang malumanay na boses nito. Taliwas sa palaging tono nito sa pananalita na masungit, pasigaw, pautos at palaging nananakot.

Biglang napatigil si Nikolas at napatitig kay Sirene na ngayon ay nakatingin ng diretso sa labas. Taimtim niyang pinagmasdan ang dalaga, kahit pa palaging seryoso ang itsura nito, madalas nakasimangot at nanlilisik ang mga mata. Nararamdaman niya na sa kabila ng matapang nitong emosyon ay naroon ang puso nitong busilak.

Napahinga ng malalim si Nikolas saka napatingala sa kalangitan "Walang buwan ngayon, anong ginagawa mo kapag hindi naman kabilugan ng buwan?" tanong ni Nikolas sabay tingin ulit kay Sirene na ngayon ay mukhang napaisip ng malalim.

"Noong bata pa ako tuwing kabilugan ng buwan naglalaro kami nila Batchoy sa labas ng bahay dahil maliwanag ang paligid. Naglalaro kami ng tumbang preso at tagu-taguan" wika pa ni Nikolas habang nakangiti at nakatingala sa kalangitan. Napasulyap naman sa kaniya si Sirene at hindi niya maunawaan kung bakit nagkwekwento sa kaniya si Nikolas.

"Pagkatapos namin maglaro lulutuan kami ni inang ng tinunaw na tsokolate ng tablea. At bago kami matulog bubuksan niya ang bintana sa aming bahay at sabay-sabay naming pagmamasdan ang kabilugan ng buwan na lumiliwanag sa madilim na kalangitan. Habang pinagmamasdan namin ang buwan kwekwentuhan kami ni inang ng mga kwentong katatakutan lalo na ang mga aswang na nangangain ng batang pasaway" tawa pa ni Nikolas, sa pagkakataong iyon palihim na napangiti si Sirene lalo na sa kwento ni Nikolas tungkol sa aswang at sa tawa nitong nakakahawa talaga.

"Kung sino ang unang makatulog sa amin bibigyan ni inang ng dalawang nilagang kamote kinabukasan sa miryenda kaya nag-uunahan kami ni Batchoy na matulog para sa pabuya ni inang kinabukasan" patuloy pa ni Nikolas at nang tumingin siya kay Sirene ay bigla itong napaiwas ng tingin at sumeryoso muli ang mukha.

"Lahat ng iyon ay alaala ko kapag kabilugan ng buwan, ngunit ngayon sa tingin ko ay iba na ang maaalala ko sa tuwing kabilugan ng buwan. Maalala ko ang isang sirena na may tungkulin na dapat gawin tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan. Maaalala ko ang isang sirenang nagbabantay sa mahiwagang perlas na nagiging malinaw sa mata ng mortal na tao pagpatak ng hatinggabi ng kabilugan ng buwan" saad pa ni Nikolas, hindi naman umimik si Sirene. Kahit pa wala siyang sabihin alam niyang maraming nalalaman si Nikolas tungkol sa kaniya.

Ilang sandali pa, biglang nagulat si Sirene nang itapat sa kaniya ni Nikolas ang isang kuwintas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang itim na butones na nakasabit sa kuwintas na iyon. "Naisip kong lagyan ng tali at gawing kuwintas ang butones na ito para hindi na ito mawala sayo" tugon pa ni Nikolas habang nakangiti ito. Totoong ngiti na bihira lang din ipamalas ni Nikolas kaninuman.

Dahan-dahan namang kinuha ni Sirene sa kamay ni Nikolas ang itim na butones na may tali na ngayon. "Kaninang umaga ko lang nalaman at naintindihan ang lahat kung bakit narito ka ngayon sa lupa at determinadong mabawi ang mahiwagang perlas" patuloy pa nito, napatulala naman sa kaniya si Sirene, ang pag-uusap nilang ito ay kakaiba sa lahat ng naging pag-uusap nila noong mga nakaraang araw simula nang magkakilala silang dalawa.


"Totoong gahaman at mukhang pera ako. Marami akong pinagkakautangan at pinagtataguan. Sa paghingi naman ng tawad kay inang at Batchoy lang ako humihingi ng tawad. Bukod doon ni isa rin sa mga pinagkakautangan ko ay wala pa akong binayaran ng matino at kailanman ay hindi ako tumutupad sa pangako dahil naniniwala ako na lahat ng pangako ay hanggang salita lang. Walang taong kayang tumupad sa pangako lalo na kung ang pangakong iyon ay maglalagay sa buhay niya sa kapahamakan. Hindi ko ugaling magbitaw ng pangako dahil alam kong hindi ko naman matutupad iyon ngunit..." wika ni Nikolas sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Sirene.


"Ngunit sa pagkakataong ito bukod kay inang at Batchoy nais kong humingi ng tawad sa iyo dahil ninakaw ko ang mahiwagang perlas" tugon ni Nikolas, halos wala namang kurap na nakatingin si Sirene ng diretso sa kaniyang mga mata. Hindi niya rin maunawaan kung bakit tila lumalakas ang pintig ng puso niya.


"At sa unang pagkakataon nais kong magbitiw ng pangako. Pangako na totoo at kahit anong mangyari ay tutuparin ko... asahan mo na hindi ako titigil at tutulungan kita na maibalik sayo ang mahiwagang perlas" patuloy ni Nikolas, hindi man niya sabihin ng diretso kay Sirene na alam na niya na mamamatay ito kapag hindi nabalik ang mahiwagang perlas sa karagatan. Alam niyang naiintindihan ng dalaga ang nais niyang ipabatid na nagsisisi siya na ninakaw niya ang perlas sa simula pa lang at nangangako siya na hindi siya susuko na mahanap ang perlas sa abot ng kaniyang makakaya at sa lalong madaling panahon.


Kasabay ng malamig na simoy ng hangin sa paligid, habang magkatabi silang nakaupo sa pinakadulong bahagi ng tren sa gitna ng gabi at sa madilim na kalangitan. Naroon ang isang tao na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbitiw ng pangako sa isang sirena.



**********************

Source of Nanking History: https://www.britannica.com/event/Nanjing-Massacre

Source of Maguayan: http://vizayanmyths.blogspot.com/2013/05/magwayen-maguayan.html


'Derek Fietcher - Celtic music mermaid princess'

Continue Reading

You'll Also Like

9.5M 525K 39
Ang Unang Serye. "Isang araw, nagising na lang ako sa loob ng kuwentong isinulat ko." Natuklasan ni Faye na nagagawa niyang makapasok sa kuwento na k...
24.6M 1.1M 123
The third and final volume of Project LOKI. Join Lorelei, Loki, Jamie, and Alistair as they bring down Moriarty's organization. Looking for VOLUME1...
76.3K 2.1K 13
Kung sino man si Sign Sender. I'm gonna thank him :)