Sirene (Published by ABS-CBN...

By UndeniablyGorgeous

5.6M 182K 197K

May isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas... More

Prologo
Sirene II
Sirene III
Sirene IV
Sirene V
Sirene VI
Sirene VII
Sirene VIII
Sirene IX
Sirene X
Sirene XI
Sirene XII
Sirene XIII
Sirene XIV
Sirene XV
Sirene XVI
Sirene XVII
Sirene XVIII
Epilogo
Author's Note
Sirene Book

Sirene I

797K 17K 26K
By UndeniablyGorgeous

[Kabanata 1]

Pilipinas, Nobyembre 1941

"Mga bata naniniwala ba kayo sa Sirena?" magiliw na tanong ng isang matandang lalaki sa mga maliliit na batang pasahero ng bangka habang dahan-dahan niyang sinasagwan ang bangkang sinasakyan nila.

Sabay-sabay namang nabuhayan ang mga bata at nagsitaasan pa ng mga kamay. "Ako! Ako! po"

"Sabi po ng aking inay, totoo raw po sila!" tugon ng isang batang babae na nakakagigil ang katabaan.

"Magaganda, mababait at matulungin sila sa kapwa" bida naman ng isang batang babae habang hinahawakan niya ang dulo ng kaniyang kulot na buhok.

"Ako po! pangarap kong maging sirena" ngiti pa ng isang batang babae na nakapusod ang buhok, sa kaniyang pagngiti tumambad sa lahat ang bungi sa harapan ng ngipin ng batang babaeng iyon.

"Gusto niyo ba ng kwento?" naaaliw na tugon ng matandang lalaki sabay ngiti sa mga bata. Sabay-sabay na napatango ang mga bata at napatitig ng mabuti sa taga-sagwan ng kanilang bangka. Habang ang mga magulang at ibang pasahero naman ng bangka ay abala sa pagmamasid sa nagagandahang mga isla ng Coron, Palawan.

Noong unang panahon ang mga sirena ay malapit sa mga tao. Mapagbigay at matulungin sila lalong-lalo na sa mga mababait na mangingisda. Kapag nagiliwan nila ang isang tao araw-araw nila itong hinahatiran ng mga sariwang isda sa dalampasigan. Malapit din sila sa mga bata at palagi nilang inaawitan ang mga batang umiiyak sa gabi.

Ang mga sirena ay nagtataglay din ng napakagandang anyo. Mahahaba ang kanilang buhok, mapupungay ang kanilang mga mata, matatangos ang kanilang mga ilong, mapuputi ang kanilang mga balat at matatamis ang kanilang mga ngiti.

Mapagmahal din ang mga sirena at kapag sila ay umibig ito ay panghabambuhay na. Ang puso ng isang sirena ay napakabusilak at sadyang punong-puno ng pagmamahal kung kaya't sa oras na magmahal sila ay handa nilang gawin ang lahat nang hindi naghahangad ng anumang kapalit.

Animo'y halos mapunit na ang mga ngiti ng mga batang paslit habang nakikinig sa napakagandang kwento ng matandang lalaking iyon na siyang nagsasagwan ng kanilang bangka.

"Isa pa! kwentuhan niyo pa po kami ng tungkol sa mga sirena" pagpupumilit ng mga bata at nagtatatalon pa dahilan upang maalog ng kaunti ang bangkang sinasakyan nila.

Natawa na lang ang matandang lalaki saka tumingin sa mga magulang ng mga bata, inilahad nito ang kaniyang palad senyales na humihingi ito ng salapi bilang bayad sa pang-aaliw na ginagawa niya sa mga bata.

Isa sa mga magulang ng bata ay nabibilang sa mayamang pamilya. Ang asawa nito ay isang sundalong Amerikano na isa sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ni Heneral Douglas MacArthur.

Binuksan na lang ng mayamang babae ang kaniyang bag at inabot ang bayad sa matandang lalaki upang aliwin pa ang mga bata. Napangiti naman ng todo ang matandang lalaki at ibinulsa agad ang natanggap na salapi.

"Sige sige, maupo na kayo mga bata. Ang ikwekwento ko naman ay tungkol sa apat na sirena na tagapag-bantay ng Hilaga, Timog, Silangan at Kanlurang bahagi ng Pilipinas" panimula ng matandang lalaki. Nanlaki naman ang mga mata ng mga batang paslit at halos walang kurap silang nakatitig sa kaniya.

"Ang apat na sirenang iyon ay mga anak ng dyosa ng karagatan at kamatayan na si Maguayan. Ang panganay ay si Amatheia ang pangalawa naman ay si Maira, ang pangatlo naman ay si Doreen at ang pang-apat naman ay si Sirene. Si Sirene ang siyang tagapagbantay ng perlas sa kanlurang (West) bahagi ng Pilipinas, dito sa ating bayan" panimula ng matandang lalaki. Halos abot tenga naman ang mga ngiti ng mga batang babae na aliw na aliw sa kwento ng matanda.

(Maguayan - dyosa ng karagatan at kamatayan)

"Ibig pong sabihin... ang sirenang tagapabantay po ng karagatan dito sa'tin sa Palawan ay si... Sirene?" manghang-manghang tanong ng batang babaeng bungi. Napatango-tango naman ang matandang lalaki habang nakangiti. Halos magtatatalon ulit ang mga bata sa tuwa at paulit-ulit nilang binabanggit ang pangalan ni Sirene, na siyang nagbabantay ng perlas sa Kanlurang bahagi ng Pilipinas.

"Ano pong itsura ng apat na magkakapatid na sirena?" tanong muli ng batang bungi. Inalis naman ng matandang lalaki ang suot na sumbrero na gawa sa banig dahil nais niyang damhin ang magandang sikat ng araw. Inilahad niya ulit ang kaniyang palad sa tapat ng mga magulang ng mga batang babae upang manghingi ng bayad.

Napataas na lang ang kilay ng mayamang babae saka naglabas muli ng salapi. Hindi kasi nito ugali ang kausapin at aliwin ang anak kung kaya't mas gugustuhin niyang magbayad na lang sa ibang tao. Napangiti na naman ang matandang lalaki, kumislap pa ang mga mata nito sa isang butil ng totoong ginto.

Naupo na ng maayos ang matandang lalaki saka muling hinarap ang mga batang paslit, ganadong-ganado na ulit itong magkwento muli dahil nakatanggap na naman siya ng malaking salapi.

(Amatheia)

"Ayon sa kwento-kwento ng aking mga lolo't-lola noon. Si Amatheia raw ay kulay ginto ang buhok at siyang pinaka-ginagalang ng lahat ng magkakapatid dahil siya ang panganay. Si Amatheia ang tagapagbantay ng mahiwagang perlas sa Hilaga (North) sa mga isla ng Batanes siya naninirahan"

(Maira)

"Habang si Maira naman ay kulay berde ang buhok at kilala bilang tagapamagitan sa kanilang magkakapatid. Matalino siya at magaling sa pakikipagtalastasan. Si Maira ang tagapagbantay ng mahiwagang perlas sa Timog (South), siya ay nakatira sa mga isla ng Jolo"

(Doreen)

"Samantala, kulay asul naman ang buhok ni Doreen, kilala siya bilang pinaka-mahinahon at pinakamagaling sa panggagamot. Si Doreen ang tagapagbantay ng mahiwagang perlas sa Silangan (East), sinasabing nakatira raw siya sa mababatong isla ng Catanduanes"

(Sirene)

"At ang huli, si Sirene naman ay nagtataglay ng kulay pilak (silver) na buhok at siya rin ang sinasabing pinakamaganda sa kanilang lahat. Si Sirene ang tagapagbantay ng mahiwagang perlas dito sa kanluran (West), ilang mga mangingisda na rin ang nagsasabing nagpakita sa kanila ang mahiwagang sirena" wika pa ng matandang lalaki at napatanaw ito sa napakalawak na karagatan.

"Gusto ko maging si Sirene!"

"Ako naman si Amatheia!"

"Mas gusto ko si Doreen!"

"Pinakamagaling si Maira!"

Sunod-sunod na tugon ng mga batang babae na animo'y nag-dedebate sa korte. Natatawa na lang ang ilan sa mga pasahero ng bangka habang tinitingnan sila. "Gusto pa po namin ng isa pang kwento!" hirit pa ng mga bata. Muli na namang napangisi ang matandang lalaki sabay lahad ng palad niya upang magsibayad ang mga magulang ng mga batang iyon.

Napataas na naman ang kilay ng mayamang babae, magrereklamo na sana ito kaya lang mukhang nasasabik na rin ang ibang bata sa nakakaaliw na kwento ng matandang lalaking taga-sagwan. Kaya wala na lang siyang nagawa kundi magbayad na naman sa serbisyo nito.

Isang malaking ngiti na naman ang agad sumilay sa labi ng matandang lalaki "Nais niyo bang malaman ang alamat ng mga Sirena-----" hindi na nito natapos ang kaniyang sasabihin dahil biglang may binatang naghagis ng balat ng saging sa karagatan.

"Hijo! Bawal magtapon ng basura dito sa dagat!" suway ng matandang lalaki doon sa binatang nakasuot ng sumbrerong buri (gawa sa banig) habang kampanteng nakahiga sa pahabang silya ng bangka sa dulo at kinukumpay-kumpay pa nito ang kaniyang paa.

Natahimik ang lahat at napatingin sa binatang iyon na ngingisi-ngisi lang habang pinagpagalitan ng matandang lalaking taga-sagwan ng kanilang bangka. "Wala kang galang sa kalikasan!" buwelta pa ng matandang lalaki habang patuloy pa rin sa pagkain ng saging ang binatang iyon.

Nang maubos nito ang saging na kinakain, muli niyang tinapon ang balat ng saging sa dagat. "Sinabihan na kitang bata ka!" sigaw ng matandang lalaki at akmang hahampasin ng pang-sagwan ang pilyong binatang iyon pero agad siyang inawat ng ibang mga pasahero.

Napatayo naman ang pilyong binata at pinagpagan niya ang kaniyang kamay saka inayos ang suot na barong. "Mawalang-galang na ho tanda, ngunit hindi ko nagustuhan na ako'y tinawag niyong... bata" panimula nito saka ngumiti, yung tipo ng ngiti na animo'y nang-aasar.

"A-anong... tanda?! Sesenta anyos pa lang ako!" (60) giit nito at akmang susugurin ulit ang pilyong binatang iyon pero tinawanan lang siya nito.

"Pangalawa, balat lang naman ng prutas ang tinapon ko sa dagat. Siguradong matutuwa pa nga niyan ang mga isda at pasasalamat ako dahil makakatikim sila ng bagong putahe" patuloy pa nito at napatingala sa kalangitan na animo'y isa siyang bathala.

"A-ANONG? May sayad ka ba sa utak?!" buwelta pa ng matandang lalaki. Palihim naman na natawa ang ilan sa mga pasahero lalo na ang mga kababaihan dahil sa pambihirang asal ng binatang iyon.

Ang mga dalagang pasahero ay agad namangha sa taglay na kagwapuhan ng binata. Maganda ang mga mata nito, matangos ang ilong, makapal ang kilay at maganda rin ang pangangatawan tulad ng mga prinsipe sa Europa.

Bukod doon, hindi rin mapigilang mamangha ng mga kababaihan sa binatang iyon dahil sa galing nito sa pagsasalita, animo'y walang inuurungan. At higit sa lahat, sa tuwing ngingiti ang binata para silang mga yelong natutunaw sa init ng araw.

"Hep! Hep! Baka nakakalimutan mo lolo, sa ating dalawa ako ang mas bata at sariwa pa itong memorya ko. Ikaw nga itong nagkwekwento ng mali sa mga bata kanina pa at patuloy ka pa sa pangingitil ng pera" tugon ng binata sabay ngiti sa mga batang babae na masayang nakikinig kanina sa kwento ng mga sirena. Napatango-tango naman ang mga magulang nito lalo na ang mayamang babae.

"Oo nga! sumusobra ka na sa panghihingi ng bayad!" reklamo ng mayamang babae at akmang ihahampas ang kaniyang bag sa matandang lalaki ngunit agad siyang pinigilan ng mga ka-kumare niya.

Agad tinaas ng matandang lalaki ang kaniyang kamay, senyales na tinatanggi niya ang pinagsasabi ng binata "Walang mali sa istoryang ibinahagi ko sa kanila! at... at... abuloy lamang ang salaping hinihingi ko" palaban na tugon ng matandang lalaki pero napailing-iling lang ang mga tao sa kaniya. Napahinga na lang ng malalim ang binata, napailing-iling din ito at nagsimulang maglakad papalibot sa bangka.

"Matagal ko nang narinig ang alamat ng apat na sirenang tagapagbantay ng perlas. At ibang-iba ang kinuwento mo sa totoong kwento ng mga sirena. Nagsinunggaling ka na nga, nagpapabayad ka pa" giit pa ng binata saka tinapik-tapik ang balikat ng matandang lalaki.

"Ano na lang kaya ang sasabihin ng mga sirena niyan? Siguradong lulunurin ka nila ngayon dito sa karagatan" tawa pa ng binata, nanlaki naman ang mga mata ng matandang lalaki. Para sa isang konserbatibo at tradisyunal na tulad niya ay sineryoso niya ang biro nito.

"Busilak ang kalooban ng mga sirena! Hindi nila magagawang pumatay ng tao" giit na naman ng matandang lalaki, pinagpagan pa nito ang kaniyang balikat na tinapik kanina ng binata.

"Tsk. Tsk. Iyan ang inaakala mo... kada buwan tuwing kabilugan ng buwan sa pagpatak ng hatinggabi may taong namamatay sa dagat bilang alay ng apat na sirena sa kanilang ina na si Maguayan" panimula ng binata, nagkatinginan ang mga pasahero dahil sa kinuwento nito. Bigla silang siniklaban ng takot, may iilan din namang hindi naniniwala pero napaisip din naman sila ng malalim.

Agad lumapit ang binata sa mga bata at pinagpatuloy niya ang kaniyang kwento "Totoo ang sinasabi ko, ang aking tiyo ay nalunod sa dagat ilang taon na ang nakararaan. Isa siyang mangingisda at magaling siyang lumangoy ngunit isang hatinggabi habang naglalayag siya sa dagat nakarinig siya ng isang kakaibang himig. Parang isang tinig ng isang babae na umaawit, matapos nito bigla na lang nagkaroon ng malakas na alon kahit pa payapa naman ang dagat noong gabing iyon" patuloy ng binata, damang-dama nito ang pagkwekwento dahilan upang sundan siya ng tingin ng mga tao habang tutok na tutok ang mga ito sa bawat salitang bibitawan niya.

Napatigil ang binata sa gitna ng bangka saka itinaas niya ang kaniyang kamay na animo'y gumagawa ng malakas na alon "Nang sumalpok ang malaking alon sa bangka ng aking tiyo agad tumaob ang bangka at tumilapon siya sa dagat. Sinubukan niyang lumangoy paitaas ngunit parang may malakas na pwersang humihila sa kaniya pababa" habol pa ng binata habang paikot-ikot sa bangka at panay ang pagsenyas niya ng kung ano-anong bagay. Animo'y sinassabuhay niya ang kwento.

"Laking gulat ng aking tiyo nang makita niya ang isang babae na kulay pilak (silver) ang buhok. Maging ang buntot nito na parang buntot ng isda ay kulay ginto. Pula ang mga mata nito, matatalim ang kuko at pangil ng sirenang iyon. Haay! Napaka-pangit talaga!" dagdag pa ng binata, nilarawan niya pa kung gaano katalim at kahaba ang pangil at kuko ng sirenang tinutukoy niya.

"S-si Sirene po ba ang tinutukoy ng ginoo?" naiiyak na tanong ng batang babaeng bungi sa kaniyang ina. Agad naman siyang niyakap ng kaniyang ina at tinakpan nito ang tenga ng bata dahil sa nakakakilabot na kwento ng pilyong binatang iyon.

Napalingon naman sa kanila ang binata at napailing-iling ito. "Mahalagang malaman mo na agad ang katotohanan" tugon ng binata sa batang babae at tinapik nito ang kaniyang ulo. Napaiyak na rin ang ibang bata dahil sa nakakatakot na kwento ng binatang iyon.

"Ayan! pinaiyak mo pa ang mga inosenteng bata" reklamo ng matandang lalaking taga-sagwan. Lumapit naman sa kaniya ang binata at bigla siya nitong inakbayan, animo'y magka-kumpare lang sila.

"Anong mapapala natin sa mga kwentong may halong kasinunggalingan kung taliwas naman ito sa katotohanan? Mas mabuting malaman agad nila habang bata pa sila ang lahat ng kasamaan at kapangitan ng mga sirenang iyan upang hindi na nila ito hangaan pa tsk tsk" buwelta pa ng binata, dahilan upang mas lalong umiyak ang mga bata lalo na nang sabihin nito ang saluting 'kasamaan at kapangitan'

"Haay... makinig kayong mabuti mga bata para rin ito sa inyong kapakanan. Mga aswang talaga ang mga sirena, nangangain sila ng tao at ang pinakapaborito nila ay ang mga batang iyakin. Sige kayo, dadalawin nila kayo mamayang gabi, makikita niyo kung gaano kapangit ang kanilang mga pagmumukha. Malalaki ang kanilang mga matang nanlilisik sa pula, kasing talas ng ngipin ng mga pating ang kanilang mga ngipin. Uunahin nilang ubusin ang inyong mga lamang loob at gagawing panghimagas ang inyong utak at puso bago sipsipin ang inyong mga dugo----" hindi na natapos pa ng pilyong binatang iyon ang kaniyang sasabihin dahil isang malakas na hampas sa mukha ang inabot niya sa mga magulang ng mga batang iyon.

"Tumigil ka na nga natatakot na kami!" sigaw ng mga ale na puputak-putak na parang mga manok.

Agad natumba ang binata sa gitna ng bangka at napatulala siya sa kawalan dahil sa hilo. Nagsimula namang magsibalikan ang mga pasahero sa kani-kanilang mga upuan at iniwan nila ang binatang iyon na nagpapakitang gilas kanina.

"Kung kailan naman nagsasabi ako ng totoo... Hay buhay nga naman" bulong nito sa sarili sabay hawak sa ulo at balakang niya na kumikirot na ngayon.

Ilang sandali pa, nagulat ang binata nang biglang may lalaking lumapit sa kaniya at tiningnan siyang mabuti. "Teka! parang nakikilala kita... sinasabi ko na nga ba kaya pala pamilyar ka sa'kin!" sigaw ng isang lalaki na nasa edad trenta, may yakap-yakap itong tatlong buko.

Dali-daling binitawan ng lalaking iyon ang tatlong buko na hawak niya sabay sunggab sa kwelyo ng binatang pilyo. "HOY! NIKOLAS, IBALIK MO ANG SALAPING INUTANG MO SA'KIN!" sigaw ng lalaking iyon habang hawak-hawak ang binata sa kwelyo nito. Dali-dali namang tinulak ni Nikolas ang lalaki papalayo sa kaniya.

"A-anong utang? Nagbayad na ako noong isang buwan!" giit ni Nikolas sabay ayos sa kwelyo niya, pinagpagan niya pa ang kaniyng sumbrerong buri saka isinuot ito, animo'y parang hindi siya apektado sa pinagsasabi ng lalaking iyon.

"Anong nagbayad? Teka nga! Paano ka makakabayad noong isang buwan eh noong isang linggo ka pa lang naman nangutang sa'kin!" sigaw nito dahilan para biglang lumaki ang mga mata ng pilyong binata na si Nikolas, dahil sa dinami-rami ng taong pinagkakautangan niya hindi na tuloy niya malaman kung sino-sino at kung kailan siya nangutang. Maging si Mang Berting na nagtatrabaho sa niyogan at bukohan ay nauto niyang utangan.

"SINASABI KO NA NGA BA! WALA KA TALAGANG PAMBAYAD ULUPONG KA!" galit na sigaw ni Mang Berting sabay dukot ng matalim niyang itak na nakasabit sa kaniyang tagiliran. Ang itak na iyon ang siyang pang-biyak niya sa mga niyog at buko.

Gulat na nagtatakbo at nagtatago si Nikolas sa likod ng mga pasahero. Nagsisigaw naman ang mga ito at pilit na tinutulak si Nicolas papunta sa direksyon ni Mang Berting na galit na galit habang winawasiwas ang matalim niyang itak.

Napakapit ng mahigpit ang mga pasahero dahil umaalog-alog na ngayon ang bangkang sinasakyan nila dulot ng paghahabulan ni Nikolas at Mang Berting.

"Sandali! Mang Berting magbabayad na ko!" pagmamakaawa ni Nikolas sabay luhod sa harapan ni Mang Berting, animo'y isa siyang batang takot mapalo ng tingting.

"Magbabayad ka rin pala eh, pinagod mo pa ako!" reklamo ni Mang Berting saka tinutok ang itak na hawak niya sa leeg ni Nikolas. Nasindak naman ang mga tao at natameme dahil sa mga pangyayari. "Akin na! Nasaan na ang pambayad mo?!" sigaw pa nito sabay lahad ng palad niya sa tapat ni Nikolas na nagmamakaawa na ngayon.

Napayuko na lang si Nikolas saka dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang ulo sabay ngiti kay Mang Berting. "Anong nginingiti-ngiti mo----" hindi na natapos pa ni Mang Berting ang sasabihin niya dahil biglang hinagis ni Nikolas ang malaking buko diretso sa pagmumukha ni Mang Berting dahilan upang mapaatras ito at matumba.

"Sinong nagsabi na magbabayad ako? Ako ata si Nikolas... hari ng pagtakas!" pang-asar na tugon ni Nikolas sabay kuha ng kaniyang tampipi sa gilid ng bangka at diretso siyang lumundag sa dagat. Nagsisisigaw sa galit si Mang Berting. Ganoon din ang matandang lalaking taga-sagwan.

"HOY! KOLAS BUMALIK KA RITO! LINTIK LANG ANG WALANG GANTI" sigaw ni Mang Berting at napahawak pa ito sa batok dahil sa pagtaas ng dugo. Hindi naman matigil sa pagtawa si Nikolas habang patuloy na lumalangoy papalayo sa bangkang sinasakyan nila. Malapit naman na sila sa daungan kaya nilangoy na lang niya iyon.

Lumingon pa ito sa bangka saka kumawaykaway "Iyon ay kung mahahabol mo ako..." pang-asar na sigaw pa ni Nikolas. Tinaas niya rin sa ere ang tatlong purong ginto na binayad ng mayamang babae sa matandang lalaking taga-sagwan kanina.

Hindi namalayan ng matandang lalaki na nakuha iyon ni Nikolas sa kaniya noong inakbayan siya nito habang nagkwekwento ng katatakutan tungkol sa mga sirena. "Heto! Señora, sa susunod huwag kang papalinlang sa gawain ng gahaman na 'yan" sigaw pa ni Nikolas sabay hagis ng tatlong gintong iyon sa mayamang babae.

Napasigaw naman sa galit ang matandang lalaking taga-sagwan at hinagis niya sa dagat ang pang-sagwan na hawak niya. Pero napakamot na lang siya sa ulo nang mapagtanto niya na kailangan pala nila ang sagwan na iyon para mapaandar ang bangkang sinasakyan nila.

Nang dahil sa ginawa niya sabay-sabay na nagreklamo ang mga pasahero at pinababalik nito ang mga perang binayad nila sa kaniya. Napasigaw na lang sa inis ang matandang lalaki saka lumundag na rin sa dagat para makaiwas sa sampal ng mga pasahero niya.

"Tsk! Ako ata si Nikolas... ang gwapong tagapagligtas" sigaw pa ni Nikolas habang aliw na aliw sa paglangoy papalayo sa kanila.





Nang makasampa siya sa daungan. Agad niyang winasiwas ang sumbrero niyang gawa sa banig at piniga niya rin ang lalaylayan ng kaniyang puting kamiso de tsino na suot na ngayon ay basang-basa na ngayon. Napahinga na lang siya ng malalim at dismayadong napatingin sa kaniyang tampipi na ngayon ay basang-basa na rin. Siguradong basa na rin ang lahat ng damit at gamit niya sa loob niyon.

Napakamot na lang siya sa ulo saka tumayo na at binitbit ang kaniyang mga gamit. Sa bungad ng daungan naroon ang ilan sa mga nagtitinda ng mga isda, prutas, gulay, kakanin at marami pang iba. Napapatingin kay Nikolas ang ilan sa mga taong nakakasalubong niya. Nagtataka ang mga ito dahil para siyang basang sisiw habang tumutulo pa ang damit nito.

Napadaan siya sa isang manong na nagtitinda ng mga prutas. Abala ito sa pag-aasikaso sa mga bumibili kung kaya't hindi nito napansin na nakakupit ng tatlong mangga si Nikolas. Kukuha pa sana si Nikolas ng dalawa pang mangga kaya lang bigla nilang narinig ang maingay na tunog ng sasakyan ng mga sundalong Amerikano na napadaan sa daungan.

Kumakaway ang mga ito sa mga binibini na napapatabi sa gilid. Ang ilan naman sa kanila ay naghahagis ng mga tsokolate na pinag-aagawan ng mga batang paslit.

Napatingin si Nikolas sa tsokolateng pinag-aagawan ng halos sampung bata. Napailing-iling na lang siya saka tiningnan ng masama ang mga sundalong dayuhan. "Bakit mga bata lang ang binibigyan nila? hindi talaga patas ang buhay haay nako!" bulong ni Nikolas sa sarili sabay kagat na lang sa mangga na nakupit niya.

Maaga pa lang ay buhay na buhay na ang palengke. Samo't-saring mga paninda ang nadaanan ni Nikolas. Masaya niyang inobserbahan ang buong paligid, halos sampung taon na rin siyang hindi nakakauwi dito sa Palawan kung kaya't maraming mga pagbabago ang kaniyang nasaksikhan.

Ilang sandali pa, bigla siyang nagulat nang may isang binatang biglang umakbay sa kaniya "Kolas! Nagbalik ka! hindi ako makapiwalang hindi ka na uhuging bata tulad noon!" tawa ng isang binata na medyo may katabaan habang nakaakbay kay Nikolas na ngayon ay napasigaw dahil sa bigat ng braso nito.

"Tumigil ka nga diyan Batchoy! Sinong uhugin satin? Ikaw kaya 'yon! May kulangot pa ngang kasama ang uhog mo!" banat ni Nikolas habang kumakawala sa akbay ng pinsan. Halos magkababata at sabay silang lumaki noon ni Batchoy, bukod sa sila'y magkadugo matibay rin ang kanilang pagsasamahan at pagkakaibigan.

"Heto naman hindi ka naman mabiro unggoy ka! halika na nga siguradong sabik na sabik na si inang na bunutin ang buhok mo sa kili-kili" tawa pa ni Batchoy hila kay Nikolas na ngayon ay napapasigaw na lang sa tindi ng kapit sa kaniya ng pinsan.





Halos kalahating minuto rin ang tinahak nila sa paglalakad par marating ang tahanan nila Batchoy at ang lola nito na si inang Diday. Si inang Diday ang halos tumayong ina noon ni Batchoy at Nikolas bago umalis si Nikolas sa Palawan at magtungo sa Ilocos Norte upang manirahan doon kasama ang kaniyang tiyo.

Ulilang lubos na si Nikolas at Batchoy ang kanilang tatay ay magkapatid ngunit namatay din ang mga ito nang tumaob ang kanilang bangka nang minsang magkaroon ng bagyo sa gitna ng laot. Habang naglalakad sila sa palayan hindi maawat si Nikolas sa pagkwekwento ng lahat ng kaniyang karanasan sa Norte, lalong-lalo na sa Maynila.

Halos kuminang naman ang mga mata ni Batchoy nang ibida sa kaniya ni Nikolas kung gaano kaganda at kaunlad ang Maynila. "Sa totoo lang, nakakasawa rin ang buhay sa Maynila lalo na ang mga binibini na habol ng habol sa akin. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit hindi nila ako nilulubayan, mula umaga hanggang gabi habang nagtatrabaho ako sa imprintahan ng dyaryo ay palaging nakasilip sa bintana ang halos isang dosenang mga binibini at pinagmamasdan ang kakisigan ko" pagyayabang pa ni Nikolas, bigla namang nabilaukan si Batchoy sa kinakain nitong mais. Hindi siya makapaniwala na hanggang ngayon puro hangin at kayabangan pa rin ang laman ng utak ng kaniyang pilyong pinsan.

"Tama na 'yan, mukhang hindi ako matutunawan dahil diyan sa mga kasinunggalingan mo" buwelta pa ni Batchoy sabay lakad paliko sa isang barrio. "Teka! Sandali! totoo ang sinasabi ko siguro nasumpa noong bata pa ako at ang parusa ay maging habambuhay akong gwapo------" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil nilayasan siya ni Batchoy at dire-diretso itong naglakad papunta sa pinakadulong bahay na gawa sa kawayan at pawid.

Napakamot na lang sa ulo si Nikolas saka sumunod sa kaniyang pinsan. Nang makarating sila sa pinakadulong bahay, kakatok na sana si Batchoy ngunit biglang bumukas ang pinto dahilan para bigla silang mapaatras na dalawa. "Oh? Inang saan ka pupunta?" gulat na tanong ni batchoy sa kanilang lola na si inang Diday na may dalang isang malaking palayok. Matanda na ito at halos kuba na rin sa paglakad. Kulubot na ang mga balat nito at tanging isang mata na lang ang nakakakita dahil ang kaliwang mata niya ay nagkaroon ng Catarata.

"Mag-iigib ako ng tubig sa balon. Saan ka ba nanggaling bata ka? kanina pa kita----" hindi na natapos ni inang Diday ang kaniyang pagpapagalit at paghampas sa tiyan ni Batchoy dahil bigla siyang napatigil nang mabaling ang kaniyang paningin kay Nikolas.

"Kolas? Ang uhugin kong apo? Ikaw ba 'yan?" gulat at nakangiting tanong ni inang Diday, agad namang napangiti si Nikolas at yumakap sa kaniyang lola. "Inang! Opo ako ng apo ito! Ngunit maaari bang huwag niyo nang ipagsigawan na uhugin ako noon" tugon ni Nikolas habang nakayakap sa kaniyang lola.

Napangiti naman si inang Diday at halos mangiyak-ngiyak na dahil sa wakas sa loob ng halos sampung taon ay nakita niya muli ang kaniyang mahal na apo na bagama't pasaway at maloko ay malambing naman ito sa kaniya.

"Oo apo hindi ko na uungakitin ang pagiging uhugin at kutuhin mong bata ka" tawa pa ni inang Diday at akmang magrereklamo sana si Nikolas ngunit hinigpitan niya ang yakap dito. Sa totoo lang ay natutuwa siya sa tuwing niloloko niya ang dalawa niyang apo na ubod ng loko.





"Ano nang balak mo ngayon? bakit naman kasi umalis ka sa pagawaan ng dyaryo?" tanong ni Batchoy. Alas-siyete na ng gabi at kasalukuyan silang kumakain ng hapunan. Nakaupo silang dalawa sa maliit na mesa na pabilog habang nakataas ang kanilang isang paa sa silya na kanilang inuupuan.

May isang gasera na nakapatong sa gitna ng mesa habang nakahain din ang mainit na kanin at sariwang isda na inihaw sa hapag. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang kanilang lola habang dala-dala ang mangkok ng sabaw ng sinigang na bigay ng kanilang kapitbahay.

"Heto na ang mainit na sabaw para sa aking mga dugyuting apo" tawa pa ni inang Diday sabay lapag ng mangkok sa hapag. Napangiti naman si Nikolas at Batchoy at agad nag-agawan sa ulam ngunit bigla silang sinuway ng matanda.

"Sandali nga, bakit kumakain na kayo? Hindi pa tayo nagdadasal" suway ni inang Diday saka naupo na at hinawakan ang kamay ng dalawang apo. Pinapikit niya ang mga mata nito at pinasunod sa kaniyang dasal bago sila kumain.

Nang matapos sila magdasal napangiti muli si inang Diday saka pinagmasdan ang kaniyang dalawang apo "Nagagalak ako na makakasabay ko kayong dalawa muli sa hapag" ngiti nito, at kahit pa wala na siyang ngipin ay nakakahawa pa rin ang kaniyang magigiliw na ngiti.

"Haay nako inang, pagalitan niyo nga po itong si Kolas, natanggal siya sa trabaho dahil sa isang babae na anak ng may-ari ng pagawaan ng dyaryo" sumbong ni Batchoy habang nilalantakan ang inihaw na isdang bangus.

Napatigil naman si Nikolas sa pagkain saka tiningan ng masama ang pinsan. "Inang, alam niyo naman nagsisikap ako para mabuhay ng matiwasay at masagana. Hindi ko ugaling samantalahin ang kahinaan ng iba para sa ikabubuti ko. Mayaman si Graciela at alam kong patay na patay siya sa'kin ngunit ayokong lokohin ang kaniyang puso lalo na ang tatay niyang maton" panimula ni Nikolas, napalo pa siya ng kaniyang lola sa bibig dahil tumalsik pa ang kanin sa kaniyang bunganga habang nagpapaliwanang siya.

"Umayos ka ngang bata ka" suway ni inang Diday saka hinampas ng marahan ang bibig ni Nikolas. "Inang! Makinig kayo sa akin, nasa panganib ngayon ang buhay ko, pinapahanap na ako ng buong angkan ni Graciela at ng tatay niya nais nilang panagutan ko raw si Graciela kahit pa wala naman talagang nangyari sa amin!" natatarantang tugon ni Nikolas at napahawak pa siya sa kamay ng kaniyang lola. Napailing-iling naman si indang Diday saka hinampas sa balikat ang apo.

"Kayo talagang mga kabataan ay napaka-pusok! Panagutan mo ang binibining iyon!" reklamo nito, nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas at napaluhod pa sa harapan ng kaniyang lola.

"Inang wag niyo naman po ako ipamigay ng ganoon na lang. Hindi po si Graciela ang tipo kong babae at bukod doon siguradong gagawin niya akong manika at tatratuhin na sanggol" saad pa ni Nikolas. Sa tuwing maaalala niya si Graciela ay nais na lang niya mahimatay. Malaking tao si Graciela, mas malaki pa kay Batchoy. Mahal na mahal si Graciela ng kaniyang itay at kahit anong gusto nito ay binibigay niya. Mahilig si Graciela kumain, matulog at maglaro ng manika kahit pa dalaga na ito.

"Hindi ko po kasalanan na nag-uumapaw po ako sa kagwapuhan. Ang hirap na ng sitwasyon ko, hindi ko na alam kung saang sulok ng Pilipinas ako magtatago kung saan walang binibini na naninirahan upang hindi na ako habulin ng ganito" patuloy pa ni Nikolas, bigla namang nabilaukan si Batchoy at muntikan pang masuka dahil sa kahambugan na pinagsasabi ng kaniyang pinsan.

"Sandali nga! Bakit inubos mo lahat ng sabaw?!" reklamo ni Nikolas sabay tingin sa mangkok na ngayon ay simot na simot na. Napangiti na lang si Batchoy at animong aalis na dahil sinadya niya talagang ubusin ang masarap na sabaw na iyon habang abala si Nikolas sa pagpapaliwanag at pagmamakaawa sa kanilang lola.

"Halika nga dito! Isuka mo lahat ng 'yan!" reklamo pa ni Nikolas, dali-dali namang tumakbo papalabas si Batchoy at hinabol niya ito. Napailing-iling na lang si inang Diday habang natatawa sa itsura ng kaniyang dalawang apo.

Pinagmamasdan niya ito sa labas ng bintana at kasalukuyang pinipilit ni Nikolas na isuka ni Batchoy ang sabaw habang pagulong-gulong sila sa labas ng baukaran. Abot tenga naman ang ngiti ni inang Diday habang pinapanood sila, nagagalak siyang muling makita ang saya at kulitan sa kanilang pamamahay.





"Batid ko na bukod doon sa babaeng si Graciela ay may iba ka pang pinagtataguan, Kolas" wika ni Batchoy sabay lapag ng bote ng lambanog sa tapat ni Nikolas. Kasalukuyang nakatanaw si Nikolas sa labas ng bintana habang pinagmamasdan ang madilim na kagubatan sa labas. Alas-diyes na nang gabi at mahimbing na natutulog na ang kanilang lola.

"Marami kang pinagkakauntangan noh? Haay Kolas siguradong malilintikan ka kay inang kapag nalaman niya iyan" patuloy pa ni Batchoy sabay abot ng baso kay Nikolas. Agad namang tinakpan ni Nikolas ang bibig ng pinsan saka hinila ito papalabas ng bahay bitbit ang bote ng lambanog.

"Huwag ka nga maingay! Itikom mo muna 'yang madaldal mong bibig" suway ni Nikolas sa pinsan na ngayon ay ngingisi-ngisi. Napahinga na lang ng malalim si Nikolas saka inagaw kay Batchoy ang baso at naupo siya sa maliit na bangkito sa labas ng bahay kubo nila.

"Magsabi ka nga ng totoo, magkano ba ang utang mo?" preskong tanong ni Batchoy sabay upo sa tabi ni Nikolas. Nilalantakan na nila ngayon ang isang malaking bote ng lambanog.

"Basta malaki, kulang pa pambayad ang bilbil at taba mo" banat ni Nikolas dahilan para sagihin siya ng pinsan kung kaya't tumalsik siya sa kaniyang upuan. "Oh! Pasensiya na mahal kong pinsan" bawi ni Batchoy sabay yakap kay Nikolas. Natawa na lang ang binata dahil sa asaran nilang dalawa.

"Kung ako sayo, tutuklasin ko na ang mahiwagang perlas na sinasabi nila tatay noon" tugon pa ni Batchoy sabay inom ng alak. Napalingon naman sa kaniya si Nikolas.

"Ang alamat ng apat na sirena? Nahihibang ka ba? baliw lang ang maniniwala sa kwentong iyon" saad pa ni Nikolas sabay inom ng alak. Bigla naman siyang hinawakan ni Batchoy sa balikat. Medyo lango na ito sa alak sapagkat halos marami na rin ang nainom niya.

"Wala namang mawawala sayo kung sisisirin mo ang mahiwagang perlas. Naalala ko ang sabi ni itay, nasa gitnang bahagi raw ng dagat ang mahiwagang perlas at nagiging malinaw lang ito sa mata ng mortal na tao sa tuwing kabilugan ng buwan" patuloy pa ni Batchoy sabay turo ng buwan sa kalangitan.

Sabay naman silang napatingala ni Nikolas sa langit. Hindi malaman ni Nikolas kung bakit bigla siyang natulala sa liwanag ng kabilugan ng buwan ngayong gabi. "Kapag nakuha mo ang mahiwagang perlas siguradong mababayaran mo na ang lahat ng pinagkakautangan mo, magiging masagana ang buhay natin. Mawawala na rin sa landas mo ang babaeng yon na si Graciela at bukod doon mapapatayo pa natin ng bahay na bato si inang" tugon pa ni Batchoy na papikit-pikit na ang mata. Agad namang kinuha ni Nikolas ang alak at nilantakan ito.

"Makinig ka sa'king mabuti. Naniniwala ako na makukuha mo ang mahiwagang perlas sapagkat magaling ka kaya lumangoy. Naalala mo noong mga bata pa tayo ikaw ang pinakamatagal sumisid sa atin, palagi ka pa nga nanalo eh. Kaya huwag mo nang palagpasin ang pagtataong ito. Ngayon na ang gabi para kunin mo ang mahiwagang perlas at maging mayaman" wika pa ni Batchoy, napa-akbay naman sa kaniya pabalik si Nikolas, medyo tinatamaan na rin ito ng alak.

"Mahiwagang perlas? Hindi ako bata para madali mong maloko batchoy ka" tugon pa ni Nikolas sabay laklak sa alak ng lambanog. Inihagis niya sa lupa ang bote nang maubos na niya ito.

"Ngayon ang kabilugan ng buwan mahal kong pinsan. Mamayang hatinggabi sa oras na tumama ang liwanang ng buwan sa karagatan makikita mong magliliwanag ang mahiwagang perlas sa ilalim ng dagat" daggdag pa ni Batchoy, bigla itong natumba sa bangkito sabay napahandusay sa lupa at nakatulog na doon.

"T-teka! gumising ka, bakit ang hina mo naman?" tugon pa ni Nikolas, sinubukan niyang tumayo ngunit nakaramdaman na rin siya ng hilo kaya sinipa-sipa na lang niya ang pinsan upang gisingin ito. Muli siyang napatingala sa kalangitan, animo'y tinatawag siya ng buwan.

"Bahala ka nga diyan, kapag nakuha ko ang mahiwagang perlas hindi kita bibigyan ng parte" tawa pa ni Nikolas saka humawak sa mga kawayan sa gilid at sinikap niyang makatayo. Lango man sa alak, buo na ang desisyon niya na kunin ang mahiwagang perlas sa ilalim ng karagatan.





Halos labing-limang minuto rin ang kaniyang nilakad marating lang ang dagat. Pasuray-suray at pagewang-gewang siya sa paglalakad habang hawak-hawak ang isang piraso ng kawayan upang maging suporta niya sa paglalakad.

Habang naglalakad siya ay kumakanta siya ng kung ano-ano. Ilang sandali pa, nagulantang siya nang maramdaman ang malamig na tubig ng dagat na tumama sa kaniyang paa. Hindi niya namalayan na nasa dalampasigan na pala siya.

"Ang napakagwapong si Nikolas Ooooohh, ang prinsipe na gwapong si Kolas Oooooh"

Pagewang-gewang siyang napasubsob sa tubig dagat at napangiti sa langit habang nakatanaw sa maliwanag na buwan. Ilang sandali pa, bigla siyang napabangon nang marinig niya ang isang kakaiba at nakakaakit na tinig mula sa gitna ng dagat.

Nagpalingon-lingon siya sa paligid ngunit wala siyang masyadong makita dahil nanlalabo na ang kaniyang mga mata dahil sa matinding kalasingan. "Sinong umaawit? Magpatulog nga kayo gabi na! Ako lang ang dapat na umaawit dito!" siga niya pa sabay halakhak ng malakas na animo'y kontrabida sa isang pelikula.

Nababalot na ng buhangin ang kaniyang likuran at sinubukan niyang tumayo muli ngunit laking gulat niya nang makita ang isang maliit na bangka na may gasera. Natanaw niya ang isang lalaki at isang batang babae na sakay ng bangkang iyon.

"HOY! BALAK MO PA AKONG AGAWAN NG PERLAS!" sigaw ni Nikolas at dali-dali siyang tumakbo papalusong sa dagat. Sumigaw pa siya upang pigilan ang bangka na papunta na ngayon sa gita ng karagatan ngunit hindi siya naririnig nito.

Napahampas na lang sa tubig si Nikolas at agad na sumisid sa ilalim. Payapa lang ang dagat at halos walang alon kung kaya't mabilis na nakakausad ang bangka. Ganoon rin ang paglangoy ni Nikolas, mabilis din siyang nakakalangoy upang sundan ang bangkang iyon.

Napahawak na lang si Nikolas sa kaniyang tenga nang maramdaman niya ang paghapdi ng kaniyang tenga habang palakas ng palakas ang himig ng umaawit sa ilalim ng dagat. Napahawak din siya sa kaniyang balat dahil biglang uminit ang temperatura ng dagat.

Ilang sandali pa, tila tumigil ang pagtakbo ng paligid, halos dalawang beses siyang napakurap nang matanaw niya mula sa di-kalayuan ang isang perlas na nakapaloob sa isang malaking kabibe. Napatingala siya sa taas at nakita niya ang repleksyon ng liwanag ng buwan na tumatama sa perlas na iyon.

Nagliliwanag ang mahiwagang perlas habang napapalibutan ng iba pang mga perlas at mga makukulay na halaman na nakapalibot dito. Dahan-dahan lumangoy si Nikolas papalapit sa perlas at nang aabutin na niya ito biglang may napakalaki at napakalakas na alon ang naghari sa buong karagatan dahilan upang biglang tumaob ang bangkang sinasakyan ng isang lalaki at batang babae.

Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang isang batang babae na nalulunod at tinatangay na ngayon papailam sa karagatan. Habang ang ama naman nito ay lumangoy pabalik sa bangka. Dali-daling lumangoy si Nikolas papunta sa batang babae upang sagipin ito, nang mahawakan niya ang balikat ng batang babae nagulat siya nang biglang may isang kamay na pumatong sa kaniyang kamay.

Kulay porselana ang balat nito at kumikinang sa dagat ang kaliskis ng balat nito. Nagulat si Nikolas nang biglang bumaon sa kaniyang kamay ang matatalim na kuko ng mahiwagang kamay na iyon. Agad niyang hinila papalapit sa kaniya ang batang babae ngunit biglang may pwersang humila papalayo sa batang babae at halos walang kurap siyang napatingin nang pumulupot sa leeg ng batang babae ang isang napakahabang buhok na kulay pilak (silver).

Tila biglang tumigil ang pagtakbo ng oras, nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang isang kakaibang nilalang na sa buong buhay niya ay inakala niyang nabubuhay lamang sa mga kwentong bayan na ilang siglo nang pinagpasa-pasahan.



Ang kwento ng mga Sirena.



***********************

P.S mga anak pakinggan niyo ang link na inattach ko dito sa baba ng chapter na ito. Ito ang awit ng mga sirena na nakakahalina. Maraming Salamat and this is it! Abangan ang susunod na kabanata 😊

This story was dedicated to @KarenJoyBarrida This is it na gurlie ang ating dream mermaid story. Maraming Salamat sa pag-uusig mo sa akin na isulat ito <3

'Mermaid's lure song"

Continue Reading

You'll Also Like

25.3M 848K 53
Crimes. Mystery. Clues. Detectives. Deductions. Love story. Detective Files. File 1 Written by: ShinichiLaaaabs (FILE 1 of 3)
17.4M 655K 66
So she tasted the deep pain that is reserved only for the strong. Crimes. Clues. Mysteries. Deductions. Detective Files (File 3) Written by Shinichi...
6.7M 343K 53
The adventures of the QED Club continue as the Moriarty mystery thickens. Looking for VOLUME 1? Read it here: https://www.wattpad.com/story/55259614...
55.9M 986K 32
Join Lorelei and Loki as they unravel the threads of mystery, unveil the masks of evil intentions and put together the pieces of the puzzle in their...