Chapter 8
Gaya nga ng sinabi ni Faust- siyang pagtawag ko ngayon kay Faustina, katabi niya ako ngayong nakaupo sa dulo ng classroom kung saa'y nasa pinakagilid kami rito sa likuran. Siya sa tabi ng bintana at ako naman ay siyang katabi niya rito.
Mula rito ay kita ko tuloy ang mga kaklase namin dito na ngayo'y naglalaro ng iba't ibang klaseng laro ng board games. Mapa-babae man o lalaki ay naglalaro. Nagsisigawan pa nga ang mga ito lalong-lalo na kung may nananalo.
"Tila ba'y isang pasugalan..." pabulong na sabi ko sa hangin habang nakatingin sa lahat. "Ganto ba talaga to dito lagi, Faust?" pagtanong ko kay Faust habang nakatingin ako ngayon sa lalaking kaninang lumapit sa kaniya. Blonde na wari'y kulay gold ang buhok nito na may matikas na pangangatawan at ngayo'y naglalaro ito ng dart. At sa pagtira nito sa dart board, shoot! At the center point!
Nilingon ko si Faust nung hindi manlang ito sumagot sa tanong ko ngunit nagulat nalang ako nung makita itong nakatulala habang nakatingin sa labas ng bintana.
"Faust..." muling pagtawag ko rito pero mukhang hindi parin ata ako nito narinig kung kaya nama'y hinawakan ko ang kamay niya dahilan para mabalik siya sa wisyo at mapatingin sa akin.
"A-ate, may sinasabi ka po?" tanong nito sakin na tila'y kakabalik nga lang sa wisyo.
Napangiti ako rito. Tila ba'y may kung ano itong iniisip. Ano kaya ang bumabagabag sa isip niya?
"Ate?"
"Wala. Natanong ko lang sana kung ganto ba talaga dito lagi, Faust?"
"Na ano, ate?" nakangiting tanong nito na wari ba'y alam narin ang nasa isip ko.
"Para kasi tayong nasa sugalan. Ganto ba talaga lagi rito? Pati narin sa ibang section?"
Napailing naman ito sa naging tanong ko habang nakangiti. "Sa totoo lang ate, ang section lang natin ang may gantong klase ng mga palaro sa loob ng klase. Walang ganto sa iba, maliban sa STEM. Kung iisipin pa nga'y bawal itong mga to rito." sabi nito sabay tango pa habang nakatingin sa mga palarong nasa unahan namin. Sige parin kasi sa paglalaro ang lahat na animo'y iyon lang ang gawain nila sa buhay.
"Kung gayong bawal, bakit sige parin kayo?"
"Dahil masaya po." nangunot ang noo ko sa sinabi nito. Kahit pa sabihin mong masaya kung bawal ito, hindi ba't dapat huwag parin itong gawin? Ang bawal ay bawal at wala na dapat iba pang pagpapaliwanag ukol diyan na maaaring magpatama.
"At dahil wala ring nagrereklamo at nagsusumbong. Everyone are keeping this as a hidden secret. Ang rason kung bakit bawal ang ibang section na pumnta sa classroom natin ng walang permiso ko, ate."
Naalala ko tuloy ang nangyari samin ni Faust nung una kaming nagkita. Ninais ko mang pumasok sa classroom namin ngunit dahil wala akong ID ay hindi niya ako pinapasok. Ito pala ang rason.
"Maalala ko lang pala, Faust. May nabanggit kang tungkol sa mga Supremes non?"
"Ah, yon po ba? Minsan kasi'y nagkakaroon ng mga hamon at pustahan para sa mga Supremes o di kaya'y sa mga Legionnaires. Dito yon ginaganap kung kaya nama'y madalas din silang nandito. Bakit? Gusto mo po silang makilala, ate?" pakindat na sabi nito na ikinakaba ng dibdib ko nung maalalang isang Supremo si Basilio.
"H-hindi na."
Natawa naman si Faust sa naging reaksyon ko.
"Sabihin mo, ate. Bukod sakin, may iba ka na bang nakilalang Supremo?"
"Si Basilio Huntres? Hehe."
"Oh. Bigatin yon, ate. Isa siya sa napipisil na magiging miyembro ng Royals sa taong to." pataas-baba ang kilay na sabi ni Faust. Gusto kong matawa sa inaakto nito subalit nung nabanggit nito na napipisil na maging miyembro ng Royals si Basilio ay bigla akong nag-alala.
"Hindi ba't parang may sumpa raw ang pagiging Royals na nawawala ang bawat miyembro nito?" pagtanong ko kay Faust na naging dahilan para matigilan ito.
"May narinig ka narin pala tungkol don."
Napatango ako rito.
"Alam mo po, ate hindi ko rin alam kung ano nga ba ang paniniwalaan ko sa mga kwento eh. Pero naniniwala po akong may rason ang lahat at maaring inosente si Sketch."
"Huh?" Inosente si Sketch? "Anong ibig mong sabihin?"
Napatingin naman ito sakin habang naka-kunot ang noo pagkatapos ay gulat na napatingin sakin. "A-akala ko po alam mo na?"
"Na may sumpa ang pagiging Royals? Oo. Pero ano ang koneksyon ni Sketch don?"
Natigilan ito't napailing-iling. "Kulang ang impormasyon na sinabi sayo, ate. O baka mali ang sinabi sayo."
Napaatras ako rito't matagal na napatitig sa kaniya. Kulang o mali? Naalala ko ang araw na kinuwento sakin ni Maya ang tungkol sa Royals. Hindi naman siguro si Maya ang tipo ng taong magki-kwento ng mali sakin, hindi ba? Marahil ay sinadya niya lang talagang putulin ang kwento. Pero bakit?
"Pwede mo bang i-kwento sakin ang tungkol sa Royals, Faust?"
Sandali akong tinitigan ni Faust at hindi ko alam kung bakit pero umangat ang gilid ng labi nito sandali. Tila ba'y inaaral ang mukha ko na animo'y inaalam kung may mali ba sa mukha ko o wala. Pagkatapos ay matamis itong ngumiti.
"Oo naman po."
Then it started...
"Ang alam mo po'y tila ba'y may sumpa ang pagiging Royals, hindi ba?" tumango ako sa sinabi nito. "Pero hindi lang yon ang kwento.
"Tatlong taon na po nung unang magsimula ang mga nangyayaring insendenteng yon pero tinuring na kaagad na sumpa ang pagiging Royal member, ate. Grade 8 palang ako non nung biglang mag-umpisang magkandawalaan ang mga Royals.
"Hindi po namin alam kung ano bang nangyayari pero sa tuwing sumasapit ang bakasyon natin na isang linggo pagkatapos ng tatlong buwang pananatili dito sa paaralan, ang mga Royals ay unti-unting nababawasan. Hindi na sila nakakabalik pagkatapos ng isang linggo na yon. Hindi namin alam kung tumakas na ba sila sa paaralan o may nangyari na sa kanilang kung anuman.
"Pero sa huling naging biktima, may nakakita at nakakaalam sa huling naging kasama ng Royal member na yon bago ito nawala. At ang nakapagtataka ay iyong taong kasama ng nawalang Royal member nalang ang nakabalik dito sa Gehenna.
"At alam mo ba kung sino ng taong nakabalik na yon?"
"S-sino?"
"Si Sketch Gloria."
At sa sinabing iyon ni Faust, mukhang alam ko na ang dahilan ng reaksyon ni Sketch nung unang araw na nagkabungguan kami.
"Anong pangalan mo?"
"Sketch."
"Pad?"
"Huh?"
Napakamot ulo siya. Biro sana ang naisip niya sa sasabihin niya rito subalit hindi ata nito agad nakuha.
"Wala. Sketch ano? I mean, buong pangalan mo?"
"Sketch Gloria." ngumiti pa ito ng tipid.
"Hi, Sketch. Ako nga pala si Symphony Gallery. Can you be my friend?" tanong niya rito habang nakangiti na ikinaawang naman ng bibig nito na animo'y hindi makapaniwala.
"Seryoso ka?"
"Bakit naman hindi?" Napakunot naman ang noo niya rito.
Napayuko ito at napailing-iling.
"Oo nga pala. Transferee..." dinig niyang bulong nito.
"Eh? Anong meron?"
"Wala. Heto nalang, kapag natapos ang isang linggong pananatili mo rito at gusto mo parin akong maging kaibigan, ikinagagalik ko ang maging kaibigan mo, Symphony."
"Talaga? Pero bakit may isang linggo pa?"
"Basta. Pero alis na muna ako. Bye."
Kaya pala...