Ang Lihim ng Lunangayin

By FilipinoFiction

74.9K 3.3K 719

Ito ay nobela tungkol sa sinaunang paniniwala na patuloy na ginagawa sa isang liblib na barrio sa Norte. Mist... More

Ang Lihim ng Lunangayin
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Epilogo 1.1
Epilogo 1.2

Chapter 25

1.3K 67 10
By FilipinoFiction

Madamdaming hinalikan ni Isko ang ulo ni Luna bago nito binitiwan ang dalaga. Matapos non ay mabilis niyang inihatid ito patungo sa pintuan ng sasakyan.

"Sige na, Luna, umalis na kayo," sabi ni Isko pagkabukas niya sa pinto ng driver's seat. Balisa siyang tumingin sa paligid.

"Teka, paano ako makakakuha ng balita mula sa'yo?"

"Hintayin mo ang tawag ko sa susunod na araw," muling humarap si Isko kay Luna. "Nasa akin ang numero ng telepono mo. Kaya sige na, sakay na."

Agad na sumunod si Luna at pumasok sa pick-up. Bagamat bahagyang nanginginig at pawisan ang mga kamay sa sobrang kaba, nagawa niyang buhayin ang makina ng sasakyan sa isang pihit lamang.

"Maraming salamat, Isko. Mag-iingat ka..." Ito ang mga salitang huli niyang binitawan bago sinara ni Isko ang pintuan ng sasakyan.

Sa pag-andar ng pick-up palabas ng kanilang bakuran, nasulyapan niya ang pagtakbo ni Isko pabalik sa kanilang bahay. Alam ni Luna'ng walang dapat aksayahing oras ang binata, sapagkat dahil sa pagtulong na ginawa ni Isko, alam niyang inilagay n'ya rin sa malaking panganib ang binata. Ngunit hindi niya maisip kung anong plano ang gagawin ni Isko gayong wala na ang Lunaying dapat niyang ihatid sa bukid.

Awa sa binata ang naramdaman ni Luna habang mabilis niyang tinatahak ang daan palabas ng kanilang barrio.

Magulo ang isip ni Luna. Bukod sa pag-iisip tungkol kay Isko, lubos din siyang nag-aalala sa kaniyang ina.

Nasaan si inay? tanong niya sa sarili. Saan siya nagpunta? Posible bang nasa labas siya sa mga oras na ito? Pero... pero sa tuwing sasapit ang tinakdang araw, nagkukulong lamang siya sa bahay upang magdasal.

Naging ganoon na si Barbara simula ng ialay si Melba. Iyon ang paraan niya ng pagsisisi sa nagawa.

Sumulyap si Luna kay Marvin na walang malay na nakaupo't nakayuko sa kaniyang tabi. Kung hindi dahil sa nakakabit na seat-belt sa katawan ng binata, marahil ito'y sumubsob na't pumaling na sa kambyo.

Sa kuwarto! biglang sigaw ni Luna sa kaniyang isip. Ang inay ay maaaring nasa kaniyang silid lamang! Hininto ni Luna ang sasakyan sa gilid ng daan. Hindi pa sila masyadong nakakalayo kaya naman inisip niya ang bumalik. Pero kung nasa kuwarto lamang si inay, bakit hindi siya lumabas at nagpakita noong nagtatalo kami ni Isko? Sa lakas ng boses ko, imposibleng hindi niya iyon marinig. At imposible ring balewalain niya ang ingay ng pagtakbo ko pababa't paakyat ng hagdan. Ang mga ingay namin ni Isko ay imposibleng hindi niya marinig.

Saglit na nag-isip si Luna, at sa mga sandaling iyon, muling pumatak ang kaniyang mga luha.

Inay! ang tangi na lamang niyang nasambit kasabay ng galit at mahigpit na paghawak niya sa manibela ng sasakyan. Maaaring wala nga ang kaniyang ina sa kanilang bahay, ngunit lubos ang kaniyang pagsisisi nang hindi niya manlang nagawang silipin ang silid nito upang makatiyak.

Ngayon, ang pagnanais niyang bumalik ay nahahadlangan ng kaniyang pag-aalala sa buhay ng kaniyang mga kaibigan. Nakasalalay sa kaniyang mga kamay ang kaligtasan ng bawat isa. Ang tangi na lamang niyang pag-asa ay ang pangako ni Isko'ng hanapin ang kaniyang ina upang ito'y mailigtas.

Pagkapahid ni Luna ng kaniyang basang mukha, kinabig niyang muli ang manibela ng sasakyan pabalik sa daan – sa daan na palayo sa kanilang barrio.

Sinundan ni Luna ang diretsong daan nang walang pagpaplano kung saan pupunta. Hindi na mahalaga sa kaniya kung saan sila mapapadpad. Ang importante lamang sa kaniya sa mga sandaling iyon ay ang makalayo – mailayo ang mga kaibigan sa payak na kapahamakan.

Makalipas ang dalawang oras na byahe, nang matanaw ni Luna mula sa malayo ang pamilyar na karatula ng terminal ng bus (na nakailaw) na karaniwan niyang sinasakyan papuntang Maynila, inihinto niya ang sasakyan sa may gilid ng daan. Siya ay pumwesto sa bahaging mapuno at hindi direktang natatamaan ng ilaw ng poste. Malayo-layo sa mga mangilan-ngilan pang bukas na tindahan sa tabi ng terminal.

Sa pagsulyap niya isa-isa sa mga kaibigang walang kamalay-malay sa mga nangyayari, isang plano ang unti-unting nabuo sa kaniyang isipan.

Isasakay ko sila sa bus na patungo ng Maynila, nang sa gayon, maaari ko nang balikan ang inay. Magpapatulong ako sa kundoktor upang maisakay sila. Magpapasobra ako ng bayad sa driver at sasabihin kong bantayan nilang maigi ang mga kaibigan ko at ibaba sila sa terminal sa Maynila. Tapos...

Laking gulat ni Luna sa malakas at biglang katok ng isang tao sa labas ng kaniyang bintana. Halos malaglag sa kaba ang kaniyang puso sa pag-iisip na nasundan sila ng mga taga-barrio. Nakuha na lamang niyang kumalma nang dumaan ang isang sasakyan at nailawan nito ang mukha ng babae sa kaniyang bintana.

"Ate!" nakahinga ng maluwag si Luna nang makitang maigi ang mukha ng kaniyang kapatid. Agad niyang binuksan ang pintuan ng sasakyan at dali-daling bumaba mula rito. Napayakap na lamang ng mahigpit sa kapatid ang lumuluhang si Luna.

Sinuklian ni Nina ang kapatid ng isang ring mahigpit na yakap.

"Mabuti at ligtas kayo," bulong ni Nina sa kapatid. "Natakot ako sa pag-aakalang hindi n'yo nagawang tumakas."

Bumitiw si Luna sa pagkakayakap sa kapatid. Lumayo siya ng bahagya at tinignan si Nina ng buong pagtataka.

"Anong sinabi mo?" tanong ni Luna sabay kunot ng noo.

"Ang sabi ko, maigi at ligtas kayo," tugon ni Nina. Ang hitsura niya'y tila ba nagtataka sa reaksyon ni Luna. "Teka," sumilip si Nina sa loob ng sasakyan. "Nasaan ang inay?"

"Ang inay?" nalilitong tanong ni Luna. "Hindi kita maintindihan, ate. Anong ibig mong sabihin?"

"Wala bang sinabi sa'yo si inay, bago kayo tumakas, tungkol sa plano namin?"

Kunot noong umiling-iling si Luna.

"Sa una't huling pag-uusap namin nang tawagan niya ako nung nakaraang taon, katapusan ng Oktubre - ilang buwan makalipas ang anihan noong Marso - kinumbinsi ko siyang tumakas kayo. Kayo ng inay kasama ang mga kaibigan mo."

"Anong..." hindi maituloy ni Luna ang nais sabihin.

"Oo, Luna. Alam ko ang plano ni itay. Ang plano niyang gawin sa mga kaibigan mo bago siya nagmungkahi sayo na imbitahan ang mga kaibigan mo sa barrio. Napaamin ko si inay tungkol doon. Lumakas ang kutob kong may masamang balak si itay nang sabihin sa'kin ni inay na ililipat ka na nila ng eskwelahan sa susunod na pasukan. Ganyan din ang nangyari sa akin noon bago ako inilipat sa Baguio."

Naguluhan si Luna, at biglang na lang nanlambot ang mga tuhod niya sa narinig. Dahil dito, napaatras siya't napasandal na lamang siya sa sasakyan. Matagal na pala ang planong iyon ng kaniyang itay, ni hindi man lamang niya ito nakutuban.

"Pasensya ka na kung hindi kita nasabihan ukol dito. Bilin na rin iyon ni inay upang hindi raw makahalata ang itay sa plano kong ilayo kayo ng inay. Inilihim namin ito sa'yo sa takot na hindi ka na umuwi, o umuwi kang walang kasamang kaibigan. Magiging dahilan lang iyon ng bigong plano. Halika, maupo ka muna sa loob." Inalalayan ni Nina ang kapatid papasok ng sasakyan at iniupo ito. "Ang usapan namin ni inay, pagsapit ng dapit-hapon, sa pagpunta ni itay sa bukid upang paghandaan ang ritwal, patutulugin n'ya si Lino –"

"Si Lino!" gulat na naisigaw ni Luna ang pangalan ng bunsong kapatid nang maalala niya ito. Ni hindi man lamang niya ito nagawang kunin kina Isko bago man lamang siya lumisan ng barrio, o ni hindi man lamang niya ito naibilin kay Isko na isama rin sa pagtakas kasama ng kaniyang ina bago man lamang siya umalis.

"Ate," nag-aalalang wika ni Luna. "Hindi ko naisama sa pagtakas namin si Lino. Kasalanan ko –"

"Luna," pagpuputol ni Nina. "Wala sa plano ang isama sa pagtakas si Lino."

"Ha? Anong ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ni Luna.

"Ang sinabi ko kay inay ay iwanan si Lino. Hindi dahil sa hindi natin s'ya tunay na kapatid, kun'di dahil naisip kong mas mabuting may maiwan kay itay. Kung wala na tayo sa barrio, siguradong maglulungkot ang itay. Kung naroon si Lino, maaaring kahit papaano ay maibsan ang kalungkutan n'ya. At dahil si Lino ay isang lalaki, walang kapahamakan ang naghihintay sa kaniya sa Lunangayin."

"Paano ka nakakasigurong walang mangyayari kay Lino?" dudang tanong ni Luna. "Maaaring si itay ay makaligtas sa kaparusahan ng pagtataksil sa ating tradisyon, dahil hindi maitatangging gumawa s'ya ng paraan upang makahanap ng Lunayin. Pinilit niyang gampanan ang kaniyang tungkulin kahit na ngayon siya ay bigo."

"Luna, hindi pinaparusahan ang mga bata nang dahil sa pagkakasala ng mga magulang. Sigurado ako doon dahil minsan ng nangyaring yon. Pero saka ko na ipapaliwanag ang tungkol don," winasiwas ni Nina ang kaniyang kamay, indikasyon na nais niya munang iwanan ang paksang iyon.

"Tulad ng sabi ko kanina, tatakas kayo kasama ang mga kaibigan mong walang malay. Sabi ko kay inay, maaga akong pupunta rito at pupwesto sa lugar na hindi gaanong kalayuan sa terminal para abangan ang pagdating n'yo. Anuman ang mangyari, hindi man kami magkausap muli bago ang itinakdang araw, darating at darating ako rito upang maghintay. At sa tagal ng pinaghintay ko rito, inakala ko ngang hindi n'yo na nagawang tumakas. Akala ko pa'y nagbago ang isip ng inay," muling sinilip ni Nina ang loob ng sasakyan. "Pero nasaan ang inay? Bakit hindi n'yo s'ya kasama?"

Ang lumulutang na isip ni Luna habang nakikinig sa kapatid ay biglang namulat sa malaking katanungan ni Nina.

"Ang inay," bulong ni Luna sabay tingin sa madilim na kalsada. "Nawawala ang inay."

"Anong ibig mong sabihin?" hinawakan ni Nina ang kapatid sa magkabilang balikat. "Anong nangyari? Paano n'yo nagawang tumakas ng wala si inay?"

"Pasensya na, ate. Pero walang nabanggit sa akin si inay tungkol sa plano n'yo," natatarantang sagot ni Luna nang muling humarap kay Nina. "Si Isko... si Isko ang tumulong sa'kin upang maitakas ko ang mga kaibigan ko. Nang pumunta si Isko sa bahay upang kunin ang kaibigan kong si Sabel para dalhin sa bukid – sa utos ni itay – sinabi niyang wala siyang naabutang tao sa bahay kun'di si Lino. Tinanong ko siya tungkol kay inay ngunit wala siyang alam."

"Ha? Nasaan ang inay?" binitiwan ni Nina ang kapatid at tumingin sa malayo na tila ba nag-iisip. "Nanganganib ang buhay n'ya, alam mo ba yon?"

"Alam ko, ate. Kaya nga kahit nangako si Isko na tutulong sa paghahanap kay inay upang siya'y itakas. Iniisip kong bumalik ngayon doon para hanapin siya."

"Anong ibig mong sabihin? Anong plano mo?" humarap muli si Nina sa kapatid. "At paano mo nagawang kumbinsihin si Isko'ng tulungan ka? Hindi ba't ang mga utos lamang ni itay ang sinusunod n'ya?"

"Alam kong hindi tama ang pagsamantalahan ko ang nararamdaman ni Isko sa'kin, pero yun lang ang nakita kong paraan upang maitakas ko ang mga kaibigan ko. At sa paglisan ko sa barrio, muli kong sinamantala ang pagtingin niyang iyon para matulungan n'ya akong hanapin si inay at iligtas ito."

Tumango-tango si Nina, indikasyon ng pag-unawa niya sa paliwanag ng kapatid.

"Pero tulad mo, labis din akong nag-aalala kay inay. Kung kaya't naisip kong..." sabi ni Luna sabay baling ng tingin sa kalsadang pabalik sa kaniyang pinanggalingan, at pinabatid sa kapatid ang balak niyang gawin.

Continue Reading

You'll Also Like

7.3M 372K 89
Ten missing teenagers. One house. One hundred cameras. A strange live broadcast suddenly went viral in all social media websites. What makes it stran...
55.5K 1.2K 15
BABALA: "Mag-ingat Ka Sa Lugar Na Iyon!" Author: Mart25 My Original Paranormal,Mystery/Thriller Story.
58.6K 1.9K 43
๐“ฌ๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #1 of Paraisla Trilogy โง - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para s...
GRETA [COMPLETED] By SOULID

Mystery / Thriller

108K 2.5K 14
Si Greta ay isang asawa na gagawin ang lahat para lang maging mapayapa at buo ang kanilang pamilya. Ngunit paano kung malaman niyang pinagtataksilan...