Ang Lihim ng Lunangayin

By FilipinoFiction

74.9K 3.3K 719

Ito ay nobela tungkol sa sinaunang paniniwala na patuloy na ginagawa sa isang liblib na barrio sa Norte. Mist... More

Ang Lihim ng Lunangayin
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Epilogo 1.1
Epilogo 1.2

Chapter 17

1.6K 66 18
By FilipinoFiction

Makalipas ang ilang araw, nang tumungo sina Krisanto at Igme sa isang siyudad na may kalayuan sa Lunangayin upang bumili ng mga binhi, may napag-alaman silang balitang lubos nilang ikinagulat.

Ayon sa balitang kumakalat sa siyudad, napatay ang isang mayamang lalaking taga-roon na sumubok takasan ang mga awtoridad nang mahuli ito sa ibang bayan. Ang lalaking iyon na nakagawa ng mabigat na krimen ay palihim na umalis sa kanilang siyudad kasama ang nagdadalang-tao na asawa. Nang natugis ang lalaki, nagpilit ito at nakiusap sa mga pulis na samahan siya sa kamalig sa isang bukiring pinag-iwanan niya sa kaniyang asawa. Nang hindi pumayag ang mga alagad ng batas, sa kadahilanang baka iyon ay isang paraan lamang ng lalaki upang sila'y matakasan, nagwala ang lalaki. Naging dahilan iyon sa marahas na aksyon ng awtoridad, na siya namang ikinasawi ng lalaki.

Ang labi ng lalaki ay ibinalik sa kanilang siyudad, ngunit hindi na natagpuan ang buntis nitong asawa. Ang sabi-sabi, hindi na raw nag-abala ang awtoridad na hanapin pa ang asawa dahil wala naman itong kasalanan sa batas. Hahayaan na lang daw na ito'y makatakas sapagkat hindi naman siya sangkot sa krimen.

Nang makabalik sina Krisanto sa barrio, agad silang tumawag ng pagpupulong at ibinalita ito sa mga tao. Napagkasunduang, mananahimik na lamang ang lahat sa mga nangyari upang makaiwas na masangkot sa kaguluhan.

Makalipas ang ilang araw, nagsimula na ang pagtatanim sa Lunangayin. Ang bakas ng namulang lupa ay tuluyang naglaho sa pag-agos ng irigasyon. Ang dugo na tinangay ng tubig ay humalo na sa basang lupa. Bagamat hindi kaaya-aya ang pangyayaring ito sa nakararami, ikinatuwa naman ito ng mga matatanda sa barrio, kabilang ang mga ina nina Krisanto, Isagani at Igme. Ayon sa paniniwala ng matatanda, panahon na upang madiligan ng dugo ang lupa ng Lunangayin na dumaan sa mga krisis sa nagdaang panahon. Anila, ang mga pinsalang dinulot ng kalamidad, tagtuyo, baha, peste, ay hindi sana naranasan kung noon pa lamang ay pumayag na ang mga taga-barrio sa paulit-ulit nilang suhestiyon na ipatupad na ang pag-aalay. Alinsunod sa sinaunang kasabihan, dugo sa lupa at buhay ng isang babae ang tanging makakapag-alis ng kamalasan sa isang lugar. At nararapat na ang isang sakripisyo sa Lunangayin upang maisalba ang kanilang kabuhayang unti-unti nang lumulubog.

Marami ang hindi sang-ayon sa tinuran ng mga matatanda. Isa raw itong krimen at karumaldumal na desperasyon. Hindi raw ito ang solusyon sa naghihirap na nilang lugar. Bagkus ay dagdag pang kasipagan ang kanilang kailangan, at dasal – na hindi nila kinaugalian.

Ngunit sa paglipas ng ilang buwan, dahan-dahang nag-iba ang pananaw ng mga tao sa barrio. Noong una, pangilan-ngilan lamang ang pumapanig sa paniniwala ng matatanda, ngunit nang nagtagal-tagal dumarami na ang mga umaayon sa kanila. Nakita nila ang malaking pagbabago sa bukirin mula nang taniman nila ang lupang nabahiran ng dugo. Gumanda ang sibol ng mga halaman kasabay ng pagkawala ng mga peste sa paligid. Ang mga kalamidad na madalas sumira ng mga pananim ay tila ba napagod nang dumaan sa Lunangayin, tila ba may mahiwagang pwersang naglilihis sa mga ito.

Hindi makapaniwala ang lahat sa naging masaganang resulta ng bawat ani nang matapos ang taon. Hindi ito ang karaniwan nilang nararanasan sa bawat taon, sapagkat kung hindi lugi ay bawi lamang ang puhunan nila sa pananim, at makaminsan lamang kung sila'y kumita. Madalas ay ipinagpapasalamat na lang nila na nakararaos sila sa bawat araw.

Bagama't mayroon pa ring bahid ng pag-aalinlangan ang iba sa sinaunang kasabihan, hindi ito naging hadlang sa pagsasakatuparan na gawin na ang pag-aalay sa pagsapit ng kabilugan ng buwan sa tag-init. Dahil dito, isang malaking pagbabago ang naganap sa buhay ng mga taga-barrio, lalo na sa buhay ng mga nagmamay-ari ng mga lupain sa Lunangayin.

Ang mungkahing pag-aalay kada taon ng bawat pamilya, na paninimulan ng mga may-ari ng malalaking lupain, ay nagmula sa kasunduan ng mga matatanda. Pikit-matang nakinig at tinanggap ng karamihan ang suhestiyon sa paniniwalang ito ang totoong makakatulong sa kanilang pag-unlad.

Nang kausapin ni Krisanto ang ina, hindi niya napigilan ang galit sa pagtutol sa isang napaka-mapangahas na mungkahi ng matanda. Ang mungkahing pag-aalay na ginawang kumplikado. Dahil nais ng kaniyang ina na ang unang isakripisyo ay ang mismong asawa ni Krisanto.

"Hindi ako papayag!" mariing sabi ni Krisanto. "Hindi maaari ang sinasabi ninyo!"

"Anak," panimula ng ina, sabay hawak ng mahigpit sa mga kamay ni Krisanto. "Unawain mo, ang tanging makakapagsalba lamang sa ating kabuhayan ay ang pag-aalay."

"Ngunit bakit ang asawa ko pa?" galit na hinila ni Krisanto ang mga kamay sa ina.

"Sapagkat bilang may-ari ng pinakamalaking lupain, nararapat mong ipakita sa lahat ang tapat mong intensyon. Ang pagsasakripisyo sa iyong mahal na asawa ay pagpapakita lamang ng maliwanag mong dedikasyon na solusyunan ang problema sa ating lugar. Magpapatibay ito ng kaugnayan sa mga tao. Isa ito sa magiging basehan ng mga tao upang makita nilang totoo ang iyong hangarin. Ito ang epektibong paraan upang sila'y mapasunod sa sisimulang tradisyon."

"Isang kabaliwan yan!" sigaw ni Krisanto.

"Hindi, anak. 'Wag mong sabihin yan. Makinig ka muna sa akin," hinagilap ng ina ang mga mailap na mata ni Krisanto.

"Ano pa ba ang dapat kong pakinggan? Maliwanag na – na ang gusto n'yo pang mangyari ngayon ay ang mga asawa lamang ng mga may-ari ng lupain ang maaaring isakripisyo, at ang mga maybahay ng mga magsasaka ay ligtas. Sa tingin n'yo ba tama 'yon? At sa tingin n'yo ba patas 'yon?"

"Oo! Sapagkat sila'y mahihirap!" pasigaw na paliwanag ng ina. "Wala silang ibang kayamanan kun'di ang isat-isa. Makokonsensya mo bang agawin pa ang isang bagay na tanging kumukumpleto sa kanilang pamilya?"

"At bakit ikaw? Hindi ka ba nakokonsensya sa suhestiyon mo na kunin ang buhay ng aking asawa?" pasigaw na tanong ni Krisanto.

Bumuntong hininga ang ina at umupo. Tila ba siya'y napagod sa ginawang pagsagot sa anak. "Sa mga panahong nagdaan, napakarami na ang ginawa upang masolusyunan ang problema sa bukid. Ngunit sakabila ng lahat, wala pa ring pagbabago. Bagkus, lalong lumalala ang sitwasyon sa pataniman. Kung ikaw ang tatanungin, mayroon ka pa bang naiisip na ibang paraan para isalba ang bukirin?" Hindi kumibo si Krisanto, aminado siya sa sariling nabigo siya sa mga paraang ginawa nila at wala na siyang iba pang maisip na solusyon. "Hindi mo maitatanggi na simula nang madiligan ng dugo ang bukid, maraming magagandang pagbabago ang nangyari," unti-unting huminahon ang boses nito. "Nakausap ko ang iyong asawa. Bagama't mabigat sa aking loob na panimulan ang tungkol rito, ito'y kaniyang pinakinggan at agad namang tinanggap. Sa kaniya na mismo nagmula na handa niyang isakripisyo ang sarili alang-alang sa kinabukasan ng pamilya, alang-alang sa masaganang kapalit na maibibigay ng kaniyang buhay. Galing na mismo sa kaniyang bibig na nararapat na raw itong gawin. Ipinangangamba ng iyong asawa na kapag nagpatuloy pa ang kamalasan sa bukid, hindi magtatagal at maghihirap ang buong barrio. Magdadaingan ang mga magsasaka na maaaring mauwi sa hindi magandang kaganapan. Ang pag-aalsang naging bulung-bulungan noong nakaraang taon lamang, laban sa mga may-ari ng malalaking lupain, ay maaaring masakatuparan kung magkakaroon muli ng krisis."

Hindi makapaniwala si Krisanto sa sinabi ng ina. Bagama't ang tungkol sa kamalasang kanilang dinanas sa mga nagdaang taon, ang tungkol sa magandang naidulot ng dugo sa bukid, at ang tungkol pag-aalsa ng mga magsasaka, ay pilit sumisiksik sa kaniyang isipan, ito naman ay dinaig ng kaniyang matinding pagnanais na makaharap ang kabiyak.

Sa mga sandaling iyon, tanging ang kaniya lamang asawa ang importante. Kaya naman siya ay nagmadaling tumungo sa kanilang silid, at iniwan ang kaniyang inang malungkot na nakaupo sa may sala.

Pagpasok niya sa kanilang kuwarto, natagpuan niyang nakaupo sa may tabi ng bukas na bintana ang asawa. Nakita niya ang lungkot sa mukha nito nang siya'y lingunin. Tila ba nakikisama ang makulimlim na hapong iyon sa kapanglawan na nadarama nilang dalawa.

Dahan-dahang nilapitan ni Krisanto ang kabiyak, at dahan-dahan namang pumatak ang mga luha sa mata ng babae.

Ang pagyakap nito ng mahigpit ay nagdulot ng labis na lumbay sa puso ni Krisanto. Pinatunayan lamang non ang sinabi ng ina ukol sa desisyon ng kaniyang asawa.

"Hindi mo kailangang maging alay," mariing sabi ni Krisanto sa kabila ng kaniyang pagbulong. Inalis niya ang mga kamay ng asawang nakakapit sa kaniyang baywang at siya'y lumuhod sa harapan nito. "Hindi ko papayagang maging kasangkapan ka para lang sa ikabubuti ng lahat. Hindi ako naniniwalang ang pag-aalay ang sagot sa problema ng ating lugar. Isa lamang yang malaking kahangalan!"

"Huwag mong sabihin 'yan," malumanay na tugon ng asawa sa kabila ng patuloy na pagtulo ng kaniyang luha. "Ang mga bagay na hindi natin lubusang maintindihan ay bahagi ng buhay. At mayroong mga bagay na hindi natin kayang ipaliwanag. Isa na rito ang mga kaganapan simula ng madiligan ng dugo ang bukirin..." panandalian siyang tumigil sa pagsasalita at ibinaling ang mga tingin sa labas ng bintana. "Alam kong iniisip mong, maaaring nagkataon lamang na nagkaroon tayo ng masaganang ani nitong taon. Ngunit para sa akin, pinaniniwalaan ko ang sinaunang kasabihan," huminga ng malalim ang asawa ni Krisanto. "Magkaiba man tayo ng pananaw ukol dito. Totoo man ang kasabihan o hindi. Ang importante ay nararapat natin itong subukan."

"Paano kung nagkamali ang mga matatanda at walang naging kapalit na mabuti ang iyong sakripisyo? E di nasayang lang ang iyong buhay!"

"Hindi masasayang ang buhay ko," humarap ang babae sa asawang si Krisanto. "Hindi pa ba maliwanag sa'yo na sa paraang ito mapapatunayan natin sa mga tao na handa ang ating pamilya na gawin ang lahat upang maisalba lang ang kabuhayan ng nakararami? Kung makikita ng mga magsasaka ang ating sakripisyo, hindi na nila iisipin pa ang magplano ng masama laban sa ating pamilya," umiling si Krisanto habang nagsisimulang mangilid ang luha sa kaniyang mga mata. "Lahat tayo ay papanaw. Ikaw, ako... hindi nga lang natin alam kung kailan, saan at kung paano. Pero kung ako ang papipiliin, nais kong mamatay sa paraang alam kong magkakaroon ng halaga ang aking buhay. At ito na 'yon," muling huminga ng malalim ang asawa ni Krisanto. "At sa paraang ito, maaari ko rin kayong mailigtas," dagdag niya, at tuluyan ng pumatak ang mga luha ni Krisanto.

Continue Reading

You'll Also Like

58.6K 1.9K 43
𝓬𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #1 of Paraisla Trilogy ❧ - Magandang dilag, mag-ingat sa mga halimaw. - Si Iris ay isa sa 100 na dalagang Napili para s...
55.9M 987K 32
Join Lorelei and Loki as they unravel the threads of mystery, unveil the masks of evil intentions and put together the pieces of the puzzle in their...
220K 9.5K 27
Ano ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipa...
20.1K 690 49
Ngayong magkasama na ulit ang magkababatang si Kyouko Yukito at Ren Austort. Anong mangyayari? Manatili kaya ang galit nila sa isa't isa o magkapataw...