Narrator
"SINASABI mo bang nagpunta rito ang aming anak at ni hindi niyo man lang kami tinawag?" Bakas ang galit sa tono ni Cecille habang hindi makapaniwalang nakatingin sa dalawang lalaking nasa kaniyang harapan.
"Patawad, Ate."
"Pasensiya na."
Pinakalma ng ginang ang sarili habang ang kaniyang asawa, si Ferdinand, ay tila may iniisip. "Hindi niyo man lang nasabi sa kaniya kung sino kayo at kung sino siya?" Kunot-noong tanong nito sa dalawa.
"H-Hindi."
"Anong naisip niyo at hindi niyo sinabi?" Naguguluhang tanong niya na nakakuyom pa rin ang kamao para pigilan ang galit na namumuo mula sa pagkadismaya.
Napayuko si Albert at pinagsaklob ang dalawang kamay. " Bigla-bigla na lang siyang sumulpot sa pintuan ng aking opisina kaya masyado akong nabigla. Hindi ko nagawang mag-isip ng maayos lalo pa at naupo siya sa'king harapan. Hindi ko rin nagawang karkulahin sa oras na 'yon kung makabubuti bang sabihin sa kaniya ang lahat o hindi."
Bumaling naman ang mag-asawa kay Dustin.
Umiwas ng tingin ang binata. "Wala akong lakas ng loob magpakilala. Kung maalala niya ang lahat sa simpleng pagbanggit ko lamang ng aking pangalan ay hindi ko alam kung anong dapat kong gawin."
Napangisi ang ginang na Reverie at humalukipkip. "Takot ka na maalala niya ang nangyari noong gabing 'yon, ano? 'Yong gabing may ginawa kang kalokohan?" Napayuko lamang ito at hindi magawang kontrahin ang kaniyang sinabi. "Sabagay. Sino ba namang hindi mahihiya kung ang nadatnan ng dalagang kinukuha mo ang loob ay nakikipaghalikan ka sa ibang babae?" Tumawa siya ng sarkastiko. "Ang malala pa kamo ay sa kaniyang kaarawan pa. Hindi lang 'yon, ha? Sa kaibigan niya pa." Malamig niyang tiningnan ito. "Ang ginawa mong nagpakawala ng kaniyang kontrol ang dahilan kung ba't wala siya sa'min ngayon."
Tahimik na sinalo ni Dustin ang mga matatalas na salitang natatanggap, ni isang katuwiran ay hindi magawang ibukambibig dahil alam nito sa sariling hindi mali ang mga naririnig.
"Tama na. Mas lalo lang sasama ang pakiramdam mo." Awat ni Ferdinand sa kaniya, matapos ay bumaling sa nakababatang kapatid. "Albert, anong napag-usapan niyong dalawa? Bakit ka niya pinuntahan dito? Anong pakay niya?"
"Tinanong niya kung alam ko raw ba ang lunas sa lorem venenum."
Kumunot ang noo ng panganay na Reverie. "May alam na siya?"
"Mukhang ganoon na nga, Kuya. Idinahilan niyang kaibigan niya ang nakainom at tinanong ako kung anong alam ko tungkol sa lunas ng lason." Tumunghay ito nang may maalala. "May nagsabi rin sa kaniya na sa'kin magtanong tungkol dito."
Napataas ang kilay ni Cecille. "Sino naman daw? Sinong posibleng magbigay sa kaniya ng impormasyon tungkol sa'yo sa puder ng mga Nemesis?"
"Hindi ko naitanong, Ate, ngunit mayroon na 'kong nautusan na mag-imbestiga." Huminga ito ng malalim. "Lalo pa at hindi ko rin magawang isantabi ang kuryosidad sa kung sino mang estrangherong 'yon."
Nag-isip naman si Ferdinand kung sino ang maaring magtulak sa kaniyang anak na humingi ng tulong sa kapatid. Base sa mga nakita nila sa mahika bago pa mawala nang tuluyan ang kakayahan nilang mapanood ang bawat galaw ni Royana, ang nakasasalamuha lang naman nito ay ang magkapatid na Cabanes. Siguradong ang dalawang 'yon ay hinding hindi magbabanggit ng kahit isang pangalan mula sa akademyang ito sa takot na makaalala ang dalaga. Kaya sino?
Umayos ng upo si Albert. "Sinabi ko rin pala sa kaniya na ang isa pang lunas ng lasong ay ang mahika mula sa Silver Heir."
"Sinabi mo na siya ang Silver Heir?"
"Hindi, Kuya. Ang sabi ko lang ay kilala niya." Humigpit ang kapit nito sa hawakan ng upuan. "Matapos kong mapag-isipan ang nangyari, napagtanto kong tama ang aking desisyon na hindi sinabi sa kaniya ang lahat nang biglaan. Narinig ko sa isang propesor na may mga estudyanteng nakakita sa kaniyang muntik na matumba kanina, ang suspetsa ko ay maaaring sumakit ang kaniyang ulo at baka may biglang naalala."
Nanatiling tahimik si Dustin at nakikinig lamang.
Marahang tumango ang ginang sa narinig at mas umayos na ang pakiramdam. "Tama lang nga ang ginawa mo. Pasensiya na kung mas naunahan ako ng dismaya kanina." Malumanay nitong saad.
"Ayos lang, Ate." Nakangiting-tipid na sambit ng nakababatang Reverie. "Natutuwa rin akong isipin na mukhang mayroon nang pag-usad sa nalalaman ni Royana. Ibig sabihin ay magagawa nating iwasang sumugod sa akademya ng mga Cabanes." Nagpakawala ito ng buntong-hininga. "Kaunting kaunti na lang sana ay sasabihan ko na ang mga estudyanteng maghanda sa posibleng digmaan."
Napailing naman si Ferdinand sa narinig. "Hangga't kaya ay huwag nating palakihin ito. Hindi magandang makakuha ng atensyon ng iba mula sa labas. Kung kayang ayusin ito nang walang ingay ay 'yon ang ating gagawin." Huminga siya ng malalim at humalukipkip. "Hanggang nakikita nating kaya ni Royana lutasin itong mag-isa ay hayaan na natin siya. Ako mismo ang unang susugod doon kung malalaman kong may mangyaring hindi maganda."
❁ ❁ ❁
Antoinette Cabanes
"ITO na ang mga kailangan mo, hija." Inilapag niya ang mga libro sa lamesang nasa aking harapan.
"Maraming salamat ho talaga sa tulong niyo, manang." Nakangiti kong sambit at sinuri ang makakapal na pahinang mukhang kakailanganin ko ng maraming oras para matapos.
Narito ako sa bahay ni manang na nagbabantay ng silid-aklatan. Nagpresinta siyang pahiramin ako ng ilang mga aklat na tingin niya'y makatutulong sa'kin. Malaki raw ang posibilidad na may matagpuan akong impormasyon sa pagbabasa dahil kabilang ang mga ito sa hindi niya inilagay sa silid-aklatan sa kadahilanang masyadong importante.
"Walang anuman. Sabi ko naman sa'yo ay kung maitutulong ako, huwag kang mahihiyang magsabi." Bahagya niyang inayos ang suot na nagusot dahil sa pagbubuhat ng mga libro. "Magbasa ka lang diyan, ha? Ipaghahanda muna kita ng meryenda."
Iwinasiwas ko ang aking kamay at sunod-sunod na umiling. "Huwag na ho! Masyado na ho akong nakaaabala!"
Natawa siya ng mahina at sinuklian din ako nang marahang pag-iling. "Hindi, ano. Ipaghahanda kita. Maghintay ka lamang diyan."Hindi na siya nagpapigil at tuluyang pumunta sa kaniyang kusina.
Sa pang-ilang pagkakataon ay inilibot ko muli ang mga mata ko. Ang laki talaga ng bahay! Sa laki nito ay hindi ko naiwasang itanong sa kaniya kung mayroon ba siyang kinakasama, dahil ang tumira mag-isa sa ganito kalaking espasyo ay nakalulungkot isipin. Nakahinga ako ng maluwag nang sinabi niyang mayroon siyang asawa. Sadyang wala lang dito dahil may inaasikasong importante ngunit malapit na rin daw bumalik.
Nabanggit niya ring mayroon silang anak. Mayro'n na nga rin daw silang apo, pati na rin apo sa tuhod dahil may anak na rin ang apo nila. Ibig sabihi'y matanda na talaga si manang kahit pa hindi halata sa kaniyang itsura, kung hindi lang dahil sa ilang kulubot sa kaniyang noo ay hindi manang ang naitawag ko sa kaniya simula umpisa. Nakumpirma ang aking naisip nang sinabi niyang matagal na nga silang namamalagi sa mundong ito. Kung hindi lang daw dahil sa mga bagay na nagpapakunot sa kaniyang noo tuwing siya'y namomroblema ay baka nga mas bata siyang tingnan.
Hindi ko naman ikinagulat dahil normal lang naman sa aming may mga kapangyarihan ang magkaroon ng mas mahabang buhay kumpara sa mga mortal. May posibilidad na umabot ng daan-daan ang aming edad. Base sa mga nabasa ko ay halos lahat ng mga namatay na uri namin ay dahil sa aksidente, lason, sakit na dulot ng kakaibang klima ng mundong ito na nakaaapekto sa sistema naming hindi sanay, o pakikipaglaban.
"Nababagalan na 'ko sa mga kilos mo, Royana."
Natigil ako sa pagbuklat ng unang librong balak kong basahin at mabilis na lumingon-lingon sa paligid! Ano 'yon? Ilang segundo ang nakalipas ay wala akong nakita na nagpakunot ng aking noo, ngunit ibinalik ko na rin ang atensyon sa pagbabasa.
"Mahabang panahon na ang nasasayang mo."
Nabitawan ko ang libro nang may marinig na naman ngunit ibang boses na. Sigurado na akong hindi ko lang guni-guni ito. Sino 'yon? Pagkakurap ko'y nagulat ako dahil wala na 'ko sa bahay ni manang at halos matumba sa lugar na hindi pamilyar saakin! Natataranta kong nilibot ang tingin at nakitang nasa harapan na 'ko ng isang malaking tarangkahan. Saan 'to?
"Pumasok ka." Iba na naman ang may-ari ng boses na 'yon!
Nilakasan ko ang aking loob at nagsimulang maglakad papasok.
Sumalubong sa'kin ang isang malaking rumaragasang tubig pataas na nasa gitna. Naningkit ang mga mata ko nang makitang may nakaupong isang babae na pinalilibutan mismo ng tubig na iyon. Muntik ko na siyang hindi mapansin dahil sa kulay asul niyang suot na halos kakulay ng tubig. Dumilat siya at diretsong tumingin sa mga mata ko.
Napalingon ako sa may gilid nito at may nakitang malaking matandang puno. Napansin kong may nakaupo ring babae sa sanga nito at ang suot niya naman ay kulay puti. Kinukumpas niya ang kamay at napansin kong may hangin sa kaniyang paligid na maliliit na ipo-ipo. Napatigil siya sa pagkumpas nang napadpad ang tingin niya sa'kin.
Sa ilalim naman ng punong 'yon ay may nakaupong isa ring babae at may mga lupang nakapalibot sa kaniya. Kulay berde naman ang kaniyang suot-suot. Tiningnan ko kung anong pinagkakaabalahan niya at nakitang may pinatutubo siyang halaman. Nilingon niya ako ngunit hindi niya tinigil ang pagkontrol doon.
Napadpad ang mga mata ko sa kabilang gilid at may nakitang babaeng pinaglalaruan ang apoy sa kamay niya habang walang emosyong nakatingin saakin. Matingkad na pula naman ang kaniyang suot. Tumayo siya at ikinuyom ang kamao, dahilan para mawala ang apoy sa kaniyang palad.
Napailing ako nang kumirot ang akig ulo. Parang pamilyar ang senaryong ito.
"S-Sino kayo?" Nagtatakang tanong ko.
"Pati ba naman kami'y nakalimutan mo?" Naiiling na sabi ng babaeng hangin at lumipad mula sa punong kinauupuan papunta saaking harapan.
"Malapit na akong magtampo, Royana." Parang batang sabi ng babaeng kalalabas lang mula sa loob ng rumaragasang tubig.
Napansin kong hindi bumubuka ang kanilang bibig at direkta nila akong kinakausap sa aking isip.
"Anong silbi ng iyong pagtatampo kung hindi ka nga kilala?" Mataray na wika ng babaeng apoy habang patuloy pa rin sa paglalaro ng nasa kaniyang palad, na kaagad ding nawala dahil sa tubig na nanggaling sa isang babae. Matapos noon ay binigyan nila ng masamang tingin ang isa't isa.
"Sino kayo?" Muli kong tanong gamit ang mahinang boses.
Nginitian ako ng babaeng hangin na nasa tapat ko. "Kami ang mga diyosa ng iyong mga kapangyarihan, at ang iyo ring mga tagabantay."
Kumunot ang aking noo. "Maaari mo bang ipaliwanag ang sinasabi mo sa paraang hindi nakalilito?" Huminga ako ng malalim. "Hindi kita maintindihan."
Mas lalo akong napapikit nang nadagdagan ang sakit ng aking ulo. Napaka-pamilyar ng senaryong ito. Maaaring nangyari na 'to dati bago ako mawalan ng alaala. Ibig sabihi'y kilala ko nga ang mga babaeng nasa aking harapan.
Napabuntong-hininga ang babaeng apoy at halatang naiinis. "Nahirapan kaming ika'y kausapin simula nang napunta ka sa puder ng mga Cabanes dahil sa likidong iniinom mo. Ngayong nagtagumpay na kami'y ganito ang iyong salubong?"
"Kumalma ka nga, Fire." Saway sakaniya ng babaeng lupa. "Nagsisimula ka na naman."
"Ikaw ang Silver Heir, Royana." Malumanay na paliwanag ng babaeng hangin. "Hindi na tayo maaaring magpaligoy-ligoy pa. Kailangan mo nang maghanda dahil maraming darating saiyong buhay at ang pananatili mo rito ay aksaya ng oras."
"Kapag hindi ka nakapaghanda'y maraming mapapahamak." Dagdag pa ng babaeng tubig.
Napailing ako. "Sandali lang. Kahit pa anong sabihin niyo'y masyado niyo akong binibigla."
"Hayaan mong pabilisin ko ang daloy ng memorya mo." Lumapit sa'kin ang babaeng tinatawag nilang Fire at inilagay ang kaniyang hintuturo sa aking noo. Napasigaw ako nang nagdulot ng sobrang kirot ang kaniyang ginawa! Parang pilit binibiyak ng kung ano mang pwersang ipinasa niya sa'kin sa pagdikit ng aming mga balat!
Napaluhod ako at pinigilang mapasigaw sa kabila ng iba't ibang senaryo at boses ng iba't ibang indibidwal ang lumalabas sa isip ko! Halos tatlong minuto ang itinagal ng paghihirap, muntik pa 'kong mapahiga ng tuluyan nang matapos, ngunit kaagad akong inalalayan ni Water.
"Ano, ayos na?" Mataray na tanong ni Fire.
Sinapo ko ang aking noo. Unti-unting nawala ang sakit noon pero nakararamdam pa rin ako ng hilo.
"Anong nangyari sa'yo?" Nag-aalalang tanong ni Earth nang hindi ako nagsasalita.
Kahit kelan talaga ay hindi uso ang padalos-dalos sa'yo, Fire. Nanghihina kong saad, gamit na ngayon ang aking isip. "Sandali lang at nahihilo ako." Mahina kong bukambibig.
Napabuntong-hininga si Water. "Pabasta-basta kasi 'tong si Fire, sinong 'di sasakit ang ulo?" Sabay irap niya bago ako binigyan ng tubig. Ininom ko naman ito at umiling ng tatlong beses.
"Kasalanan ko pa? Hindi ba't siya 'tong mabagal? Nakaiinip kayang maghintay." Hindi makapaniwalang wika ng apoy.
Kagaya ng nakasanayan, si Air lamang ang tahimik na naglakad palapit saakin. "Ano, Roy? Naaalala mo na ba?" Malumanay na tanong niya.
Tumango ako. "O-Oo, Air. Salamat."
Kagaya rin ng madalas mangyari, pumitik na naman ang dila ni Fire. "Ano nang balak mong gawin ngayon-?"
"Hija! Anong nangyari? Hija!"
Unti-unti akong dumilat at nakita si manang na bakas ang pag-aalala sa mukha. "M-Manang..."
Kaagad niya akong inalalayan. "Buti na lamang at nagising ka na. Ayos ka lang ba? Anong masakit sa'yo?" Sunod-sunod niyang tanong habang sinusuri ako.
Napangiti naman ako sa kilos niya. "Ayos lang ho ako. 'Wag ho kayong mag-alala at kulang lang ho talaga ako sa tulog. Pasensiya na."
"Akala ko'y kung napa'no ka na. Pagkabalik ko'y nakahilata ka na riyan sa sahig." Nakahinga nang maluwag niyang wika.
Napagtanto ko namang nakaupo na kami ngayon sa sopa. "Paano po ko napunta rito? Nabuhat po ninyo ako?" Natatawang tanong ko.
"Anong silbi ng kapangyarihan ko, 'di ba?" Nakangiti rin niyang sagot. "Narito na ang meryenda. Magbasa ka lamang ng ilang libro, tapos ay umuwi ka na at magpahinga." Nagpasalamat ako at nagkunwaring nagbasa ng aklat para hindi masayang ang mga hinanda niya.
Ngayong alam ko na lahat ay mas magaan na ang aking pakiramdam. Marahil ay dahil wala na 'kong maraming tanong sa aking isip, ngunit alam kong hindi pa rito natatapos ang mga kailangan kong asikasuhin. Ang susunod na hakbang ang dapat kong alalahanin.