Sa gabing ito, tangan-tangan ko ang iyong kamay at sabay nating pinagmamasdan ang kalangitan. Pansin kong napakalalim ng gabing ito, walang anumang ingay ang naririnig. Marahil nasasapawan ng ingay na ‘di naririnig, ingay na nagmumula sa kaibuturan ng pareho nating puso. Walang mga salitang binibitawan. Naiintindihan kasi natin ang sitwasyong ating kinalalagyan, walang mga salitang makapagbibigay-hustisya sa hirap na ating pinagdadaanan. Alam nating pareho kung anong klaseng pagsasama ang mayroon tayo – isang pagsasamang hindi tumatalima sa kung anong katanggap-tanggap sa lipunang ating ginagalawan. Kaya hindi rin ako nagtatakang hindi nakikiayon ang kapaligiran sa tunay nating nararamdaman.
Alinman sa mga ito, sinusubukan kong hindi indahin. Ang mahalaga, sa mga sandaling ito, ikaw ang aking kasama. Ngayon, ikaw at ikaw lang ang mahalaga. Sana nga habambuhay tayong mamamalagi sa sandaling ito kung sa’n tayong dalawa lang ang importante’t wala nang iba. Sana nga ganun na lang palagi. Gaya ng gabing ito, sana’y bawat araw, linggo, buwan at taon ay sa 'tin din.
Napakarami nang nangyari mula ng gabing ito. Naalala ko kung paano kita nakilala, bago pa magsimula ang ikalawang semestere ng ating unang taon sa kolehiyo. Noo’y hinahanap ko pa kung saan ang aking lugar sa pamantansang ito. Huli na nga masyado kung ikukumpara sa iba. Sabi ko, lumipas na ang higit sa limang buwan, dapat gamay ko na ang kultura rito at kung paano makitungo sa ibang tao pero hindi. Sa katunayan, ang mga kaibigan ko nga noong haiskul ay may kanya-kanya nang mga grupo. Animo’y ako pa ang napag-iwanan, walang permanenteng kasama.
Sambit ko sa 'king sarili, malalaman kong tunay na mahalaga ang isang tao kung siya’y nagtagal sa kabila ng paglisan ng iba. Dali-dali kong sinuri ang aking buhay at nalungkot nang wala akong ‘ni isang mahanap na nagtagal. Napakasakit na makarating sa realisasyong ito. Sumagi sa aking isipan na totoo – kung paano ako pahalagahan ng ibang tao’y hindi kapareha ng pagpapahalaga ko sa kanila.
Habang naghahalo-halo ang mga emosyong ito sa aking kalooban – lahat ng damdamin ng pangamba sa kung anong mangyayari sa hinaharap, pagkabagot bunga ng paulit-ulit na siklo ng paglimot at paghahanap ng bagong makakasama – nakilala kita. Nakilala kita sa ‘di ko inaasahang pagkakataon. Nakilala kita kung kailan kita pinakakailangan. May outing noon ang ating organisasyon at isa ka sa mga pinakamaingay, hindi kamukha kong napakatahimik at nasa isang sulok lang. Isa ka sa mga iilang taong lumapit sa’kin at laking tuwa ko sapagkat sumama ako sa outing nang wala akong kakilala. Nagbakasakali lang akong may mahahanap akong mga bagong kaibigan at nagkatotoo nga.
Nakapag-usap tayo na para bang tayo’y malapit na magkaibigan kaagad. Pagkatapos ng ilang araw mula nang magkita tayo, nagulat ako nang iyong maikuwento kung paano ka rin iniwan ng mga taong mahalaga sa’yo nang walang pasubali. Naikuwento mo rin kung paano ka nahihirapan sa iyong pag-aaral sa pamantasang ito at kung gaano kalaki ang inaasahan ng iyong pamilya mula sa’yo.
Sino ba naman ako, sambit ko sa aking sarili, isang taong kakakakilala mo pa lang, upang pagsabihan ng mga problema mong napakalalim? Napakagaan sa pakiramdam na pagkatapos ng lahat ng aking pinagdaanan, biglang may taong papasok sa buhay ko na nag-ukol ng napakataas na lebel ng pagtitiwala sa’kin sa loob ng napakaikling panahon.
Umabot na rin sa puntong ang ating pag-uusap ay tungkol na sa mga walang-kabuluhang mga bagay. Pati kung anong kinain mo noong nakaraang umaga, kung paano ka nahuli sa pagpasok sa una mong klase bilang nagpuyat ka sa kaka-internet. Naikuwento mo rin kung paano ka nakaidlip at nang magising, bumaba sa babaang ‘di mo dapat babaan – lahat ng ito, naikukwento mo sa’kin. Lahat, mula sa pinakawalang-kwenta hanggang sa mga seryosong usapin, naikukwento mo. Hanggang sa lagi na kitang makasama kumain, mag-aral, maglibot sa kung saan-saang lupalop ng campus ng school kung saan taayo nag-aaral, manood ng mga napaka-cheesy na pelikula at napakarami pang iba. Kaya nga kasama kita ngayong pagmasdan ang mga tala sa gabing ito.
Sa unang pagkakataon sa napakatagal na panahon, naramdaman kong ako’y muling pinapahalagahan. Sa unang pagkakataon sa aking buong buhay, may tumawag din sa’kin bilang bespren. Sa wakas, sabi ko sa’king sarili, nakahanap na rin ako ng matalik na kaibigan pagkatapos ng paghihintay nang napakatagal. Nakahanap na ako ng isang taong makakasama kong gawin ang kung anumang bagay na gusto kong gawin sa kahit na anong panahong aming piliin.
Binuo natin ang isa’t isa, bilang magkaibigan.
Hanggang sa isang gabing gaya ng gabing ito, napanaginipan kong sa aking pagtanda’y ikaw ang aking kasama. Napanaginipan kong ikaw yung taong una kong makikita sa aking paggising at huling taong aking makakasama sa aking pag-uwi. Napanaginipan kong ikaw ang kasama ko sa hirap at ginhawa, sa kabila ng mga problemang aking kakaharapin pagkatapos ng kolehiyo. Sa isang iglap, nagbago ang lahat. Para sa 'kin, hindi na ito basta-basta pagkakaibigan kundi isang pagsasamang maaaring maging higit pa rito. Ang masaklap ay hindi tumigil ang paghahangad na ito sa aking paggising. Ninais ko rin, sa kasamaang palad, na magkatotoo ang aking mga napanaginipan pagbalik ko sa realidad.
Anumang pilit kong iwaksi ang aking mga nararamdaman, hindi ko magawa. Alam kong hindi maaari ang ganitong klaseng pagsasama at masisira lang ang naipundar nating oras at pagod para sa pagkakaibigan nating dal’wa. Ani ko sa’king sarili, matalik na kaibigan na nga kita, bakit pa ako maghahangad ng higit pa? Alam ko namang hindi na maaaring humigit pa rito sapagkat kung sakali, alam ko rin namang hindi mo rin gugustuhin. Alam kong hindi rin gugustuhin ng ating mga kaibigan – pati ng lipunang ating kinabibilangan dahil anila, hindi maaaring magsama nang gayon ang dalawang magkauri.
Ano bang maaaring mangyari kung sabihin ko sa’yo lahat ng ito? Malamang sa malamang, kapag sinabi ko ang tunay kong nararamdaman ang magiging tugon mo’y hindi ito maaari, hindi ito tugma sa ‘yong paniniwala. Sa aking sapantaha’y iindahin mo kung anong iisipin ng iba tungkol sa’tin kung gayon man ang mangyari sapagkat alam kong lumaki ka sa isang konserbatibong pamilya at pinalaki kang relihiyoso. Mas madali siguro para sa’kin sapagkat ako nama’y pinalaking liberal at sa isang paaralan kung saan pawang mga lalaki ang aking mga kasama.
Anuman ang magiging dahilan ng negatibo mong pagtugon, wala na akong pakialam sapagkat siguradong ang tanging naramdaman ko lang sa mga sandaling iyon ay pawang sakit dala ng mga salitang iyong bibitawan na tatagos sa’king kaluluwa. Magiging masakit sapagkat habang ako’y handang-handa nang tanggapin ang mga panghuhusgang maaring ibato sa 'tin kung sakaling sasabihin mong hinahangad mo rin ang aking hinahangad, sadyang ikaw mismo, hindi kayang gawin iyon. Unti-unting maglalaho ang mga pinapangarap ko para sa 'ting dalawa. Gaya marahil ng pagkubli ng mga bituin sa pagsikat ng araw, dali-daling magkukubli rin ang damdamin ko para sa’yo subalit hindi ganap na mawawala. Higit na masakit iyon.
Sa gabing ito, naghahalo lahat ng mga sandaang pagpapalagay ko tungkol sa mga posibleng mangyari. Sa gabing ito, parehong mga bagay din kaya ang mga bumabagabag sa’yo?
Bumaling ang aking pag-iisip sa kalangitang ating pinagmamasdan. Nababanaag ko ang malamlam na pagkislap ng mga talang ito. Napakalayo nila subalit nakararating pa rin ang kanilang liwanag sa mundong ito. Nagtaka ako kung paano sila nabuo. Wari ko, para mabuo ang isang bituin, kailangan ng perpektong paghahalo ng mga samut-saring kasangkapang matatagpuan sa kalawakan – tamang temperatura, tamang panahon, tamang pagkakaayos ng mga iba’t ibang kalseng elemento. Sa pagkaperpekto at pagkaeksakto nga ng mga pangyayaring kinakailangan upang makabuo ng isang bituin, napakahirap isipin kung paano mayroong daan-daan nito sa kalangitang ating pinagmamasdan. Napakaimposible, kung probabilidad ang pag-uusapan subalit sa kabila ng imposibilidad, nabuo pa rin sila. Gayon din siguro ang pag-asang aking pinanghahawakan ngayon, na sa kabila ng improbabilidad, sana’y ang mga pangarap ko para sa’ting dalawa’y magkatotoo. Kaya siguro masakit pa rin para sa ’kin, kahit na naiintindihan ko na ang ating sitwasyong ating kinalalagyan dahil hindi ko ganap na mabitawan ang posibilidad na iyon, bagaman napakaliit.
Kaya sana, sabi ko sa ’king sarili, kung sa hinaharap ay may magkaibigan ding gaya nating pagmamasdan ang parehong mga bituing ating pinagmamasdan at nahahanap din nila ang kanilang mga sarili sa parehong sitwasyon, nawa’y wala na silang iindahing mapangmatang lipunan. Sana malaya na silang mahalin ang isa’t isa nang walang pakundangan o pag-aatubili gaya ng ating dinaranas ngayon. Lumisan man tayo sa mundong ibabaw, alam kong magtatagal ang mga bituing ito at sana umabot sa puntong magiging saksi naman sila sa pagmamahalang walang pumipinid at nanghuhusga. Baka kung nabuhay tayo sa lipunang gaya ng aking hinihiling, hindi na natin ‘to kailangang pagdaanan.
Sa kabila ng lahat ng ‘to, ngayong gabi, ang tanging gusto kong mangyari’y malaman mo na isa ka sa mga taong minamahal ko nang tunay. Sana malaman mo na sa muling pagsikat ng araw, mawala man ang mga bituin sa iyong paningin, mawala man ako sa ‘yong paningin, makaasa kang narito lang ako, handang magpakita kung kailan mo kailangan. Dahil nung mga panahong ako’y nangailangan, pumasok ka sa buhay ko at iyo’y isa sa mga pinakapinagpapasalamat kong pangyayari sa ’king buhay.
Sana malaman mo ring kahit anong mangyari ngayo’y bukas sisikat pa rin ang araw, lilisan sa pagpasok ng gabi, muling magpapakita ang mga tala, iikot ang mundo, magbabago ang panahon at tayo’y patuloy na iiral. Kasabay ng lahat ng ‘to, sana malaman mo ring minamahal at mamahalin kita, isipin mo mang nagkita man tayo sa maling panahon, sa maling lugar, sa maling mundo – walang kahit anong lebel ng panghuhusga ang makapagbabago ng katotohanang iyon.
Lahat ng ‘to, sana’y malaman mo. Napakarami kong gustong sabihin sa ’yo subalit ano nga ba ang tamang sabihin sa mga pagkakataong gaya nito? Dali-dali ko na lang na hinawakan ang iyong mga kamay. Ngayon, ako’y nangangatal na. Napuno ng luha ang aking mga mata dala ng mga emosyong nagpupumilit umawas. Pansin kong gayon din ang ‘yong mga mata.
Malaking bahagi ng aking pagkatao ang naghahangad na malaman kung ano ang tunay mong nararamdaman – ginusto kong manggaling direkta mula sa’yo sapagkat sa puntong ito, pawang mga pagpapalagay lang ang aking mga nabanggit. Sana, sa aking pakiwari, masabi ko lahat ng ‘to sa’yo bago tayo umuwi – bago mahuli ang lahat.
Huminga ako nang malalim. Pinagmasdan kita nang maigi at saka nakahugot ng sapat na lakas upang maitanong sa’yo:
“Bespren, mahal mo ba ako?”
Sa paglisan ng mga salitang ito sa’king bibig, katahimikan ang iyong naging tugon. Sa hindi mo pag-imik – sa ‘yong pag-aalangan, nahanap ko na ang sagot sa lahat ng mga tanong na bumabagabag sa’kin
Walang nagbago, sabi ko sa’king sarili. Mahal pa rin kita.