Ang Lihim ng Lunangayin

By FilipinoFiction

74.9K 3.3K 719

Ito ay nobela tungkol sa sinaunang paniniwala na patuloy na ginagawa sa isang liblib na barrio sa Norte. Mist... More

Ang Lihim ng Lunangayin
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Epilogo 1.1
Epilogo 1.2

Chapter 3

1.9K 91 21
By FilipinoFiction

Malalim na ang gabi ng marating nina Luna ang Lunangayin. Ginising niya ang mga kaibigang nakatulog na sa mahabang biyahe.

"Narito na ba tayo?" inaantok na tanong ni Randy.

"Ito na ba ang inyo?" hikab na tanong ni Sabel.

"Oo, eto na ang lugar namin," sagot ni Luna. "Halina kayo. Bumaba na tayo at pumunta na sa bahay. Itay, mauna na po kami," paalam niya sa ama.

Bumaba ng sasakyan ang magkakaibigan, dala-dala ang kanilang mga gamit. Nang aktong kukunin ni Marvin ang isang maleta ni Luna, pinigilan siya ng ama nito.

"Ako na d'yan, iho," sigaw ng matanda sa harapan ng jeep. "Pumasok na lang kayo sa bahay nang makapahinga na."

"Pero mabigat po ang mga ito," tugon ni Marvin. "Tulungan na po namin kayo."

"'Wag kang mag-alala't kayang-kaya ko na ang mga 'yan," sagot ng lalaki.

Hindi na nagpumilit pa si Marvin, nang yayain siya ni Luna, sumunod na rin ito.

Pinangunahan ni Luna ang daan patungo sa kanilang tahanan na hindi masyadong kalayuan sa hinintuan ng jeep. Tanging ang maliit na flashlight niyang dala ang nagbibigay liwanag sa madilim nilang paligid.

"Bakit walang mga ilaw sa paligid?" bulong na tanong ni Sabel. "Brown-out ba?"

"Walang kuryente rito," mahinang sagot ni Tina. "Hindi ba nabanggit na sa'tin 'yon ni Luna?"

"Ha? Akala ko nagbibiro lang siya," napakamot sa ulo si Sabel, at ang clip sa maiksi niyang buhok ay nalaglag. "Hala, yung clip ko."

Tinanglawan ni Luna ng ilaw ang paanan ni Sabel. Saglit na huminto ang magkakaibigan upang hayaan si Sabel na damputin ang nahulog na gamit. Sa kaniyang pagyuko, nagulat na lang ang magkakaibigan nang biglang napatili ito.

"Bakit?" nag-aalalang tanong ng kasintahang si Randy, sabay hawak sa braso ni Sabel. "Ano 'yon? Bakit ka biglang sumigaw?"

"Kasi... kasi..." nanginginig na sagot ni Sabel. "May nakita akong... buto... buto ng daliri sa lupa," sabi niya, sabay yakap kay Randy.

"Ha? Saan?" tanong ni Randy. Ang boses niya ay para bang may halong pagdududa.

Nagmamadaling nilapitan  ni Luna si Sabel.

"Naku, Sabel, 'wag kang matakot. Siguradong maliit na sanga lang ang nakita mo," wika niya. "Minsan kasi, yung mga maliliit na sanga ng puno na nalalaglag ay para bang mga buto ng daliri." Inilawan ni Luna ang mga punong nakapaligid sa kanilang bakuran.

"Pero –" putol na sagot ni Sabel.

"Oh ayan, 'wag ka na matakot. Sanga lang pala nakita mo," sabi ni Randy sabay turo sa mga malalapit na punong iniilawan ni Luna. "Antok ka na siguro masyado kaya kung anu-ano na ang nakikita mo. Halika na nga."

Naglakad muli ang magkakaibigan. Saglit lang at narating din nila ang beranda ng bahay. Hinila ni Luna ang screen ng pintuan, at nang buksan niya ang pintuang kahoy, ang langitngit nito'y umalingawngaw sa paligid.

"Pasensiya na ha. May kalumaan na itong bahay namin kaya maingay na ang pinto," sabi ni Luna. "Halina, pasok kayo. Iwan n'yo na lang dito sa beranda ang mga sapatos n'yo."

Sumalubong sa magkakaibigan ang mga nakasinding kandila sa parihabang lamesa sa gilid ng pintuan. Bukod sa iniilawan nito ang malaki at makalumang salamin na nakakabit sa pader, nagbibigay liwanag din ito sa maikling pasilyong patungo sa sala.

Marahang tinungo ng lima ang sala. Ramdam ni Luna ang pag-aalinlangan ng apat nang makapasok ito sa kanilang tahanan.

"'Wag kayong matakot. Luma lang itong bahay namin pero hindi ito haunted house," nangingiting wika ni Luna matapos ilapag ang nakasinding flashlight sa lamesita at sindihan ang dalawang nakapatong na kandila rito.

"Pasensiya na, Luna, ha," paumanhin ni Tina. "First time kasi namin sa lugar na walang kuryente. Bukod doon, antigo na kasi itong bahay n'yo kaya may kakaibang pakiramdam."

"Iyan din ang sabi ng kaibigan ni ate noong bumisita rito," sagot ni Luna sabay patay ng flashlight.

"Nasaan nga pala ang mga kapatid at nanay mo?" tanong ni Marvin, sabay sulyap sa madilim na hagdanan patungo sa itaas na bahagi ng bahay.

"Malamang tulog na sila," sagot ni Luna. "Maaga kasing natutulog ang mga tao rito dahil walang kuryente."

"Bakit nga ba wala kayong kuryente?" tanong ni Randy.

"Masyado daw kasi kaming malayo sa bayan kaya ayaw nila kaming kabitan. Wala namang magawa ang pinaka-pinuno ng lugar namin. Basta ang sabi eh ayaw daw ng Mayor."

"Pambihira naman yung Mayor n'yo," tugon ni Randy. "Hindi niya ba alam kung gano kahirap mabuhay sa dilim? Kung gusto mo, samahan ka naming magreklamo dun sa municipyo. Tatawagan ko yung uncle kong konsehal para ipakausap sa Mayor n'yo."

"Salamat na lang, Randy. Pero sanay na rin kasi ang mga tao rito sa barrio sa ganitong sitwasyon. Hindi na rin pag-aaksayahan ng panahon ng mga taga rito ang pagrereklamo, dahil una sa lahat, hindi sakop ng municipyo ng Pagudpud ang lugar namin. Malayo na kami doon."

"Ha? Eh saang municipyo kayo nasasakop?" tanong ni Randy.

Hindi handa si Luna sa tanong ni Randy. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang binata, dahil kung pagbabatayan ang mapa, walang lugar na may pangalang Lunangayin ang makikita. "Ah... wala eh. Bale, kase... mahirap ipaliwanag, pero –"

"Luna?" Isang tinig ng babae mula sa hagdanan ang narinig ng lima. Lumingon sila rito at nakita ang isang babaeng may bitbit na candelabra.

"Inay?" sabi ni Luna sabay lapag ng kaniyang bag sa sofa. Sabik na tinungo niya ito at niyakap.

"Pasensiya na kung hindi ako nakauwi nung pasko –""

"Naiintindihan namin, anak. S'ya ngapala, sila ba ang mga kaibigan mo?" biglang tanong ng ina.

Bumitiw si Luna sa ina at hinarap ang mga kaibigan nito. "Sila ang mga kaibigan ko, inay. Si Tina, Marvin, Sabel at Randy," isa-isa silang itinuro ni Luna.

"Magandang gabi po," sabay-sabay na wika ng apat.

"Magandang gabi rin naman," sagot ng ina. "Siguradong pagod na kayo sa biyahe. Luna, samahan mo na sila sa kanilang kuwarto. Ang mga babae ay doon mo na patuluyin sa silid ng iyong ate, at mga lalaki naman ay sa silid ni Lino."

"Wala pa ba si ate?" tanong ni Luna.

"Hindi siya makakauwi ngayong bakasyon," tugon ng ina. May lungkot na naramdaman si Luna mula sa sagot ng ina. "Sige, ihatid mo na sila at ng makapagpahinga na. Dalhin mo na itong mga kandila."

Umakyat ang lima sa itaas ng bahay at tinahak ang mahabang pasilyo sa may kanan. Sa unang kuwartong kanilang hinintuan, ang mga papel na may magulong drawing na nakadikit sa pintuan ang bumungad sa kanila.

"Ito siguro ang kuwarto ng bunso n'yo," wika ni Tina.

"Ito nga," sagot ni Luna. "Mas gusto ni Lino na matulog sa silid nina inay, kaya madalas bakante itong kuwarto n'ya. Pasok kayo."

Binuksan ni Luna ang silid at sila'y pumasok.

"Ang laki pala ng kuwarto ng bunso n'yo," sabi ni Marvin.

"Malalaki ang mga kuwarto namin dito," tugon ni Luna habang sinisindihan ang tatlong kandilang nakapatong sa ibabaw ng bilog na lamesa. "Sige maiwan ko muna kayo rito ni Randy, ihahatid ko lang sina Tina sa kabilang kuwarto."

"Teka, pwede bang dito na lang kaming lahat?" biglang tanong ni Sabel. "Kasyang-kasya naman kaming apat dito. Maglalatag na lang yung mga boys sa sahig, at sa bed kami ni Tina."

"Siguro, mas maganda kung sa bed tayong dalawa, tapos sa sahig na lang sina Marvin at Tina," pilyong sabi ni Randy. Tumingin siya sa kasintahan sabay kindat.

"Ikaw talaga, Randy!" sabi ni Marvin sabay tapik sa likod ni Randy. "'Wag ka ngang ganyan! Hindi ka na nahiya kina Luna. Pero, Luna, baka nga pwedeng tabi-tabi na lang kami rito?"

Tumawa si Randy. "Sabi ko na eh, gusto mo rin yung ideya ko eh 'no?"

"Shhh," saway ni Tina na halatang pinipigilan ang pagtawa. "Tigilan n'yo na nga yang kalokohan n'yo. Tara na, Luna, paki hatid na kami sa kuwarto namin."

Lumabas ang tatlo sa silid nina Randy at dumiretso sa isang kuwarto sa dulo ng pasilyo.

"Ito ang kuwarto ni ate. Halina, pasok kayo."

Malaki at malinis ang silid. Sa may gilid, isang istanteng puno ng libro ang makikita, katabi nito ang isang malaking aparador na may salamin.

"Maluwag ang higaan. Komportable 'yan sa dalawang tao," banggit ni Luna. "Teka, bubuksan ko lang ang mga bintana para makapasok ang hangin. May screen naman ang mga 'yan tulad dun sa kabilang kuwarto kaya hindi makakapasok ang mga lamok."

"'Wag na!" pagpigil ni Sabel. "Mas okay na yang nakasara ang bintana."

"Ganun ba. Oh eh di paano, maiwan ko na muna kayo. Kung sakaling may kailangan kayo, puntahan n'yo lang ako sa kuwartong kasunod ng silid nina Marvin."

"Sige salamat, Luna," sabi ni Tina, habang si Sabel naman ay nagmamasid sa paligid ng silid.

"Teka nga pala. Saan ang cr n'yo rito?" biglang tanong ni Tina.

"Ay, nasa ibaba. Bale nasa gilid yung banyo paglabas ng kusina. Kung gusto n'yo samahan ko na kayo," sabi ni Luna.

"Okay lang, Luna. Kami na lang ni Sabel. Kaya na namin," sagot ni Tina.

"Ha!" gulat na wika ni Sabel. "Ikaw na lang. Ayaw ko ng bumaba."

"'Wag kang matakot, Sabel," sambit ni Luna sa kaibigang may pag-aalinlangan sa kaniyang kapaligiran. "Walang multo rito sa bahay," nakangiting wika ni Luna.

"Ikaw naman, Sabel. Pagod ka lang kaya kung anu-ano na ang nakikita mo," biro ni Tina. "Sige, Luna. Kami na ang bahala rito. Magpahinga ka na."

"Osige, iiwan ko na itong candelabra kung gusto n'yo para mas maliwanag. Kukunin ko na lang yung isang kandila sa may lamesa."

Isinara ni Luna ang pinto ng silid nina Tina at dumiretso na sa kaniyang silid. Sa pagod ng dalaga, nahiga siya sa malambot niyang kama na hindi na nagpalit ng pantulog.

"Ilang araw na lang at matatapos na ang anihan. Hindi pwedeng magtagal ang mga kaibigan ko rito sa'min. Sapat na ang tatlong araw nilang pagtigil dito. Sa ika-apat, kailangan na silang makaalis," bulong ni Luna sa sarili.

Tumitig si Luna sa mataas na kisame, at maya-maya'y unti-unti ng pumipikit ang kaniyang pagod na mga mata.

Continue Reading

You'll Also Like

29.7M 988K 68
Erityian Tribes Series, Book #2 || A story of forbidden love and friendship, betrayals and sacrifices.
220K 9.5K 27
Ano ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipa...
692K 47.2K 44
Crime and murder podcaster Wren Lozarte is desperate to earn money for her ailing uncle so she accepts a strange but high-paying offer from a mysteri...
43.6K 860 22
"Love? Kalokohan lang yan!" - Steven "You fall in LOVE with the most unexpected person at the most unexpected time." READ! VOTE! COMMENT...