Ang Lihim ng Lunangayin

By FilipinoFiction

74.9K 3.3K 719

Ito ay nobela tungkol sa sinaunang paniniwala na patuloy na ginagawa sa isang liblib na barrio sa Norte. Mist... More

Ang Lihim ng Lunangayin
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Epilogo 1.1
Epilogo 1.2

Chapter 1

3.8K 119 8
By FilipinoFiction

Dapit hapon.
Sa loob ng bakuran ng Unibersidad, habang nakaupo sa sementong bangko sa ilalim ng puno, pinagmasdan ni Luna ang lupa sa kaniyang gilid na nagkulay pula dahil sa natapong inumin ng kaibigang si Tina.

"Ay!" maikling tili ni Tina. "Ano ba 'yan. Sayang naman 'tong red-pool juice ko," panghihinayang n'ya habang dinadampot sa lupa ang plastic na basong lalagyan ng inumin. "Kung bakit naman kasi ang laki ng nakausling ugat ng punong ito, natisod tuloy ako! Sayang, masarap pa naman 'tong bagong juice d'yan sa canteen," inis na wika ni Tina. Nilapitan niya ang basurahan at itinapon ang malagkit na baso.

Hindi maiwasang maisip ni Luna ang madalas niyang makita sa kanilang barrio sa panahon ng tag-init. Ang bukiring nagkukulay pula sa ilalim ng maliwanag na bilog na buwan. Malapit na matapos ang anihan, at muli na naman niyang matutunghayan ang pagpapalit ng kulay nito, katulad ng matingkad na kulay sa lupang kaniyang tinitignan.

"Hoy," mahinang pang-gugulat ni Tina sa kaibigan. "Aba'y kanina ka pa walang kibo ah. Ano ba ang iniisip mo?" tanong niya habang nauupo sa tabi ni Luna at nagpupunas ng tissue sa malagkit niyang mga daliri. "Alam ko na, iniisip mo na naman ang tungkol sa paglipat mo ng school ano? Hay," bumuntong hininga ang dalaga. "Alam mo, nakakalungkot na pagkatapos nitong maiksing bakasyong pinlano natin, mahihiwalay ka na sa grupo. Pero hindi bale, makikita ka pa rin naman namin sa facebook. Makakapagchat pa rin naman tayo basta dadalas-dalasan mo lang ang pag-oonline ha?"

Malungkot na tumingin si Luna sa kaibigan. Hinawakan nito ang payat na braso ni Tina at sinabing, "'Wag n'yo nang ituloy ang plano n'yong pumunta sa lugar namin. Mas maiging –"

"Hoy, kayo d'yan!" sigaw ng isang papalapit na binatang may kalakihan ang katawan. "Bakit ba nag-eemote na naman kayong dalawa? Alam kong ma-mimiss n'yo ang isa't-isa, pero may FB naman. Magkikita pa rin kayo ano!"

"Oo nga, tama ang Sweet ko," maarteng sabi ni Sabel na akbay-akbay ni Randy. "At saka, pupunta pa kami sa inyo ano! Mas maganda kung i-eenjoy na lang natin ang pamamasyal ngayong bakasyon."

"Tama!" wika ni Randy. "Oh, eto na pala si Marvin," sabay tapik sa balikat ng kaibigang kararating lang.

"Ano, tara na?" tanong ni Marvin sa mga kaibigan.

Dinampot nina Luna at Tina ang kanilang bag sa upuan at saka tumayo. Habang nagsimulang lumakad papalayo sina Randy at Sabel, gumitna naman sa pagitan ni Luna at Tina si Marvin, at saka inakbayan ang dalawa.

"Mamimiss ka namin, Luna. Mamimiss ka naming lahat," sambit ni Marvin sabay halik sa pisngi ng dalaga.

May kuryenteng dagling dumaloy sa katawan ni Luna. Ramdam niya ang mabilis na halik ni Marvin na tila ba tumagos sa kaniyang balat. Ang bakas ng malambot na labi ng binata ay naiwang nakadikit sa kaniyang pisngi.

Inalis ni Marvin ang kamay sa balikat ni Luna at ito'y bumaling kay Tina, sabay hinalikan ng mabilis ang mga labi ng dalaga. Pilyong ngumiti ito at saka muling humarap kay Luna.

"Sige, Luna, maiwan ko na muna kayo. Alam kong gusto ka munang masolo nitong nobya ko." Mabilis na lumakad papalayo ang binata at hinabol ang dalawang kaibigang nauuna. Samantalang ang damdamin naman ni Luna ay tila ba mabilis na lumalakad ng walang direksyon sa kawalan.

"Naayos mo na ba ang mga gamit mo?" tanong ni Tina habang sila'y naglalakad. "Kung gusto mo, tulungan ka na namin sa pag-iimpake mamaya paghatid namin sa'yo sa boarding house."

"''Wag na kayong mag-abala, kaunti lang naman ang mga gamit ko, at nakaayos na ang lahat para sa pag-alis bukas."

"Nakuha mo na ba lahat ng classcards at record mo sa school? Nakausap mo ba si Sir Santi kanina? Hinahanap ka niya sa'kin nung nasalubong ko siya sa canteen. Ang sabi niya may sasabihin daw siya sa iyo. Alam mo, malaki ang panghihinayang niya na lilipat ka na ng ibang school. Nagchampion ang class natin this year sa Math quizbee ng dahil sa'yo. Sabi pa niya, kung sumali ka daw siguro last year, baka nakuha din daw natin ang First Place. Sayang daw at aalis ka na dito sa University."

Huminga ng malalim si Luna. "Gusto ko nga rin sana magstay, kaya lang kailangan ko na talaga lumipat. Naayos na nila itay ang paglipat ko, yung mga records sa school na lang ang kulang. Galing ako sa office ni Dean kanina, pero hindi ko nakita si Sir Santi."

"Gusto mo bang dumaan muna bukas dito sa school bago tayo umalis? Siguradong narito bukas si Sir dahil next week pa ang bakasyon ng faculty."

"Hindi na siguro. Wala naman sigurong importanteng sasabihin pa si Sir dahil nairelease na ng school ang records ko. Wala na akong kailangang kunin pa."

Tumahimik ang dalawa na para bang wala ng mapag-uusapan. Malapit nang magdilim ngunit mainit pa rin sa balat ang hangin. Hinawi ni Tina patungo sa kabilang balikat ang mahaba niyang buhok, at saka ito itinali. Sumilip ang maputing leeg ng dalaga habang nag-aayos ng kaniyang buhok.

"Malayo ang lugar namin, Tina. May oras pa para magbago ang isip n'yo," mahinang sabi ni Luna.

"At bakit naman magbabago ang isip namin? Pagkatapos naming mag-ipon, mag-budget at mag-abala sa pagkuha ng masasakyan, ngayon pa kami aatras?" sagot ni Tina. "Teka, bakit ba parang biglang ayaw mo na kaming sumama sa'yo? Ikaw itong excited nung una, tapos ngayon parang nagbabago ang isip mo. Ayaw mo na siguro talaga kaming kasama!" may bahid ng inis ang tinig ni Tina.

"Hindi naman sa ganun. Kaya lang naisip ko, bakit hindi muna kayo umuwi sa inyo bago mamasyal? Baka kasi mag-alala ang mga magulang n'yo sa hindi n'yo pag-uwi agad gayong simula na ng bakasyon."

"Ano ka ba! Nagsabi na kami sa mga parents namin na kailangan pa namin magstay dito sa Maynila ng mga isang linggo pa dahil may aasikasuhin pa sa school. Nagawa naming magsinungaling para naman di sila mag-alala. At saka alam mo kasi, kung uuwi muna kami, hindi na kami makakasama sa iyo ano! Hindi naman kami papayagan ng mga parents namin na basta na lang magbyahe ng napakalayo. Ang layo kaya ng lugar n'yo!" tugon ni Tina. "Ito na nga lang din ang pagkakataon na makakasama ka pa namin kahit papano, palalampasin pa ba namin 'yon? At saka gusto din naman naming makapasyal sa lugar na hindi pa namin napupuntahan bago man lang kami maghiwahiwalay itong bakasyon."

"Pero –"

"Wala ng pero pero," pagpuputol ni Tina. "Basta, gusto naming maging memorable ang bakasyong ito kasama ka," sabay pisil ni Tina sa pawisang kamay ng kaibigan. "Oh, heto tissue para sa kamay mo."

Kinuha ni Luna ang malambot na papel na iniabot ni Tina. "Salamat," wika niya. Bago niya tuluyang pinunasan ang mga basang kamay ay idinampi muna niya ang tissue sa noo niyang bahagyang namamawis.

Umihip ang mainit na hangin sa kanilang mga mukha at nilanghap ni Luna ang amoy ng siyudad na kaniyang pinamalagian sa loob ng dalawang taon. Ang siyudad na una niyang kinatakutan at inayawan dahil sa ingay, gulo at polusyon. Malayung-malayo sa kinalakihan niyang matahimik, simple at malinis na barrio. Bukas ay aalis na siya, lilisanin ang lugar na napamahal na sa kaniya. Ang tanging matitira na lamang ay ang mga masasayang alaala.

Tumigil ang magkakaibigan sa harapan ng isang kainan sa labas ng campus. Pumasok sila rito at saka nilapitan ang mga kalderong nakapatong sa mahabang lamesa.

"Ano sa inyo?" tanong ni Aling Bising sa paos na boses, habang abala sa pagliligpit ng mga pinagkainan sa kabilang lamesa.

"Budget meal ulit, manang," sagot ni Randy.

"Hoy, Mara!" sigaw ni Aling Bising sa patpating dalagitang kasama - na nakatanghod sa harapan ng TV hindi kalayuan sa kaniya. "Asikasuhin mo nga muna ang mga bumibili, mamaya na 'yang drama drama na 'yan!"

"Opo," pakamot na ulong sagot ng dalagita.

Naupo ang magkakaibigan sa isang lamesang malapit sa kinaroroonan ni Aling Bising.

"Aling Bising," tawag ni Randy. "Anong pasalubong ang gusto n'yo? Babalik uli kasi ako dito next week."

Nilingon ni Aling Bising si Randy. "Aba'y gusto ko sana ng daing tulad nung binigay mo sa'kin noon."

"Iba na lang. Ayaw ko na magdala non dahil maamoy."

"Hay nako, 'wag na lang kaya!" sabay ismid ni Aling Bising kay Randy. Sumayaw ang maikli't maputi niyang buhok nang ito'y mahanginan ng electric fan.

"'Wag ka na magtampo, Aling Bising. Sige, dadalhan na lang kita ng minatamis. Di ba paborito mo ang matatamis?"

"Minatamis?" Muling humarap si Aling Bising kay Randy. "Eh mas masarap ang daing sa inyo kesa sa minatamis."

Natawa si Randy sa sinabi ng matanda. "Hindi pa ako uuwi sa'min, kaya iba na lang ang ipapasalubong ko sa inyo. 'Wag kang mag-alala, maraming masasarap na minatamis sa pupuntahan naming lugar. Dadalhan kita ng marami, basta ba pagpunta uli dito ni inay sa enrollment eh ibibida n'yo ako sa kaniya ha? Sabihin n'yo good boy ako ha?" sabay kindat ng binata.

"Ikaw talagang bata ka oh! Aba'y saan ba ang tungo n'yo?" usisa ni Aling Bising.

"Sa lugar ng kaibigan namin. Sa Lunangayin," sagot ni Randy.

Halata ang pagkagulat ng matanda sa sinabi ng kausap. "Sinong... sinong taga – Lunangayin?" nag-aalangang tanong niya.

"Si Luna po," sagot ni Randy sabay turo sa kaibigang kaharap niya.

Napansin ni Luna ang matalim na tingin ng matanda sa kaniya. May kakaibang pakiramdam ang dalaga sa matandang kailan lamang naipakilala sa kaniya ng kaibigang si Randy. Kaarawan niya noon, at biniro ni Randy ang matanda na magbigay man lang ng special treat sa dalaga. Kahit na matagal nang nakikita ni Luna ang matanda, noon pa lamang siya naipakilala rito. At kahit na madalas nakasimangot ang matanda, mabuti naman ang pakikisama niya sa kanilang magkakaibigan. Marahil siguro'y matagal na niyang kakilala sina Randy, Marvin at Sabel na madalas kumakain sa kaniyang kantina.

"Bakit ho, Aling Bising? Alam n'yo po ba ang lugar na iyon?" tanong ni Sabel habang inaayos ang makintab niyang ipit sa kanang bahagi ng maikli niyang buhok. "Nakapunta na ba kayo doon?"

"Ah, eh... hindi naman. Naririnig ko lang... narinig ko lang yung lugar na Lunangayin," sagot niya. "Eh kailan ba ang tungo n'yo roon?"

"Bukas na," sagot ni Randy. "Gusto n'yo bang sumama? Tara, ililibre kita," tumawa si Randy na ikinagulat naman ni Mara. Muntik tuloy mabitawan ng dalagita ang hawak na dalawang platong kanin sa harapan ng binata.

"Hay nakung bata ka!" inis na sabi ni Aling Bising kay Randy sabay talikod dito. Kinuha niya ang mga hugasing pinggan at tumungo sa bukas na kusina.

"Tigilan mo na nga si Aling Bising at baka naman mapikon na 'yon," babala ni Marvin sa tumatawang si Randy.

Nang magsimulang kumain ang magkakaibigan, pasimpleng sumulyap si Luna sa pintuan ng kusina. Doon ay namasdan niyang muli ang mga matatalim na tingin ni Aling Bising sa kaniya.

Continue Reading

You'll Also Like

GRETA [COMPLETED] By SOULID

Mystery / Thriller

108K 2.5K 14
Si Greta ay isang asawa na gagawin ang lahat para lang maging mapayapa at buo ang kanilang pamilya. Ngunit paano kung malaman niyang pinagtataksilan...
20.1K 690 49
Ngayong magkasama na ulit ang magkababatang si Kyouko Yukito at Ren Austort. Anong mangyayari? Manatili kaya ang galit nila sa isa't isa o magkapataw...
623K 32.1K 77
Anim na taon mula nang magbago ang nakalakhang buhay ni Stella Daprisia, inisip niyang isang malaking pagkakamali na ang lahat ng nangyayari sa kanya...
7.3M 372K 89
Ten missing teenagers. One house. One hundred cameras. A strange live broadcast suddenly went viral in all social media websites. What makes it stran...