~~~
ANG MUNDO NG KAPANGYARIHAN
ANG SIMULA NG PAGLALAKBAY (Book 1)
~~~
Chapter 7: Ang Diwata sa Gubat Lilibu
Masayang-masaya kaming lahat dahil nakita namin si Jack at mas lalo namang masaya si Lily dahil nakita na niya muli ang kanyang minamahal. Oo nga pala, pupunta na kami sa gubat Lilibu oara hanapin ang matandang babae.
~
“Gumising na kayong lahat. Kailangan maaga tayong pumunta sa gubat ng Lilibu.” Tinawag kami ni Jack.
Maaga pa nga at hindi pa sumisikat ang araw.
“Handa na ba kayong lahat? May kasabihan na pagsikat ng araw doon sa gubat ay makikita daw natin ang diwata.” Ang dagdag na sinabi ni Jack.
Nagsimula na kaming maglakbay papunta sa gubat. Malayo-layo na rin ang aming nalalakad nang umangal na sina Jiky at Potty.
“Malayo pa ba? Pagod na pagod na ako. Magpahinga muna tayo kahit sandali. Ikaw talaga Jack, hindi mo man lamang sinabi na bundok pala ang lalakarin natin.” Ang sabi ni Jiky.
“Eh kailan ka ba nakakita ng isang gubat na wala sa bundok?” Ang sabi ni Jack.
“Malay ko ba. Hindi pa kasi ako nakakapunta sa ganito ‘ka-sobrang’ gubat kaya sige na, magpahinga muna tayo.” Ang hiling ni Jiky.
“Sige na nga, pwede na tayong magpahinga. Ang totoo niyan ay nandito na tayong lahat. Tingnan niyo ang paligid.” Ang sabi sa amin ni Jack.
“Wow! Marina ang ganda! Ang sarap mamasyal!” Ang biglang sinabi ni Jiky.
“Akala ko ba ay pagod ka na?” Ang tanong ni Lucky.
“Jiky! Ang ganda nga rito! Tara doon tayo magpahinga sa tabi ng ilog!” Ang tuwang-tuwang sinabi ni Potty kay Jiky.
“Lily, halika, ipapasyal kita.” Ang sabi ni Jack kay Lily.
“Sige. Marina, papasyal muna kami.” Ang sabi sa amin ni Lily habang pumapalayo sila ni Jack.
“Yuki, tara punta tayo doon sa may ilog.” Ang sabi naman ni Lucky kay Yuki.
“Marina, halika na.” Ang tawag sa akin ni Jiky.
“Sige, salamat pero dito na lang muna ako. Mas madaling makita ang pagsikat ng araw dito.” Ang sabi ko.
“Sige, ikaw bahala. Jiky, tayo na.” Ang sabi ni Potty.
Nakakainggit naman ang mga tao dito. Lahat sila ay may mga kasama. Pero masarap ngayon ang mag-isang tumingin sa pagsikat ng araw. Oo nga pala, nasaan na nga pala si Arthur?
“Marina, halika! Pumunta tayo doon. Mas maganda tingnan ang pagsikat ng araw sa may kwebang iyon.” Ang sabi sa akin ni Arthur.
Di ko maintindihan ang sarili ko bakit pumayag ako agad eh kakasabi ko palamang sa sarili ko na mas magandang mag-isang tumingin sa pagsikat ng araw. Hay naku.
Pumunta kami sa may kweba at umupo kami sa isang malaking puno doonn. Natatanaw namin ang mga kasamahan namin. Mas malapit sina Jack sa aming pwesto kaya madali namin silang napansin.
“Arthur, tingnan mo! Sumisikat na ang araw. Ang ganda!” Ang sabi ko kay Arthur. Sa sobrang tuwa ko ay napatayo ako. Nakita ko ang sinag ng araw na tumapat sa amin ni Arthur at sa lugar na iyon.
“Sabi sayo, mas maganda dito.” Ang sabi sa akin ni Arthur.
Ang ganda talaga ng pagsikat ng araw doon. Umupo ulit ako at nakipagkwentuhan kay Arthur. Sa gitna ng aming pagkwe-kwentuhan ay may narinig kaming sumigaw. Si Lily!
Nagulat kami at dali-dali kaming nagpunta sa pwesto nila. Hindi kami makapaniwala sa aming nakita. Isang napakalaking hayop at hindi ito pangkaraniwang hayop. Mas malaki pa ito sa isang oso. Parang iyon ang sinasabi ni Jack na halimaw na may dyamante sa noo nito.
“Lily! Jack! Mga kasama!” Tinawag ko ang aking mga kasamahan.
“Ang halimaw! Siya ang tinutukoy kong halimaw na may dyamente sa noo! Manda ka halimaw! Hindi ko hahayaang saktan mo si Lily!” Ang sabi ni Jack. “Etong para sayo!”
Binato ni Jack ang halimaw. Lalong nagalit ang halimaw. Gumamit ng espada si Arthur para kalabanin ang halimaw. Tinulungan naman ni Jack si Lily dahil nahimatay ito.
“Marina, lumayo ka na!” Ang sigaw ni Arthur.
Lalong nagalit ang halimaw at nagwala ito. Matatamaan niya si Jack.
“Jack, ilag!” Tinulak ni Jiky si Jack pero nahagip pa rin sila nito.
“Jiky! Jack! Hindi ko mapapalampas ang ginawa mo sa mga kaibigan ko!” Kinuha ko ang aking espada at tinusok ang halimaw sa braso.
Samantalang si Potty naman ay kinagat ang paa ng halimaw. Iwinagayway siya ng halimaw at naihagis si Potty sa may puno. Natamaan naman ako ng buntot ng halimaw.
“Marina!!!!” Narinig kong sumigaw si Arthur at bago ako tumama sa isang puno ay naharang ako ni Arthur at dalawa kaming naihagis sa may batuhan.
“Arthur!” Sinubukan kong tumayo upang puntahan si Arthur ngunit tila nabalian ako. “Aray ang sakit!”
Si Lucky na lang ang nakikipaglaban sa halimaw. Si Yuki ay pinuntahan si Potty sa may puno. Ginigising ko naman si Arthur nang biglang may liwanag na lumabas sa kweba. Hindi ko maaninag mabuti kung ano iyon, ngunit may naririnig ako.
“Hahayaan mo na lang bang maging ganito ang mga kaibigan mo. Tingnan mo sila, Lucky.” Ang sabi ng mahiwang tinig. “Ipikit mo ang iyong mga mata at sundin mo ang nasa loob mo.”
Tumingin ako kay Lucky at bigla itong sumigaw.
“Apoy at Kidlat!!”
Lumiwanag ang paligid. Tila nagkaroon ng kapangyarihan si Lucky. Tumingin ako sa kinatatayuan ng halimaw ngunit wala na ito. Natalo ni Lucky ang halimaw ngunit biglang bumagsak ito sa lupa. Hindi nakayanan ng katawan niya ang kapangyarihan. Bigla na lang ay may isang matandang babaeng lumapit sa kanya. Si Lola Mariana! Pinilit kong tumayo ngunit bigla akong nakaramdam ng hilo at hindi ko na alam ang nangyari. Teka, ano na ba ang nangyayari!
Nagising na lamang ako sa tabi ng mga kasamahan ko. Tulog silang lahat at si Lola Mariana ay tila pinapagaling si Lily.
Bumangon ako at pinuntahan ko si Lola Mariana.
“Marina, gising ka na pala.” Ang sabi ni Lola Mariana.
“Kumusta na po si Lily.” Ang tanong ko sa matanda.
“Nasa mabuti na siyang kalagayan. Nahimatay lang naman siya.” Ang sabi nito. “Lily, gumising ka na.”
“Lola Mariana, Marina. Nasaan na si Jack. Anong nangyari?” Ang sabi ni Lily.
“Lily, kailangan mong gamitin ang mahika ng kagalingan para gumaling sila.” Ang sabi ko.
“Sige, Marina.” Ang walang pag-aalinlangang sinabi ni Lily.
Unang pinuntahan ni Lily ang kasintahang si Jack.
“Tinatawagan ko ang kapangyarihang sa saluobin ko’y pagalingin mo itong sugat na gawa ng kapahamakan.”
Bumangon si Jack at nagulat siya dahil unti-unting nawawala ang mga galos niya sa katawan.
“Lily, natutunan mo na pala ang mahika ng kagalingan.” Ang sabi ni Jack.
“OO, Jack.” Ang tanging naisagot ni Lily.
Pinainom ni Lola Mariana ng mainit na tsaa si Jack at isinunod naman ni Lily ang iba pa naming mga kasamahan. Nang magising na ang lahat ay ikinuwento namin kay Jack kung paano kami nagsanay upang magkaroon ng kapangyarihan.
“Lucky? Ayos na ba ang pakiramdam mo?” Ang tanong ko kay Lucky.
“Hindi ko nga rin alam kung ano ang nangyari. Basta may narinig na lamang akong boses.” Ang sabi ni Lucky.
“Nahimatay ka at tinulungan ka ni Lola Mariana.” Ang sabi ko.
“Sandali, sino ba si Lola Mariana.” Ang tanong ni Jack.
“Tinatawag ata tayo ni Lola Mariana.” Ang sabi ni Lucky.
Papunta si Lola Mariana sa kweba at ito’y aming sinundan. Napakadilim ng kweba ngunit may naaaninag kaming kaunting liwanag sa loob nito. Nilapitan namin si Lola Mariana nang bigla siyang lumiwanag ng sobra at nagulat kami sa aming nakita –isang napakagandang diwata. Si Lola Mariana ang diwata ng gubat Lilibu.
“Lola Mariana, ikaw ang diwata ng gubat na ito?” Ang sabi ni Jiky.
“Ano ka ba Jiky, hindi mo ba nakikita, hindi na siya si Lola Mariana kaya huwag mo na siyang tawaging lola.” Ang sabi ni Arthur.
“Pasensiya na po kayo.” Ang sabi ni Jiky.
“Makinig kayong lahat. Ako si Mariana, ang diwata sa gubat na ito. Ako rin ang tagapagbantay sa lugar na ito, ngunit dahil sa kasamaan ni Philiz ay unti-unti nang nagkakaroon ng mga halimaw ang gubat na ito. Ipinatawag ko kayo dahil nais kong humingi ng tulong sa inyo.” Ang sabi ng diwata.
“Ngunit, bakit po kami?” Ang tanong ko.
“Napakatagal ko na sa lugar na ito at marami na rin akong nakilalang manlalakbay tulad niyo, ngunit tila nakatadhana sa inyo ang misyong ito. Sa bayan ng Polla kung saan ikaw, Jiky, ang makakakuha ng kapangyarihan ng Sibat ng Helmetya.”
“Bakit po ako at paano po namin makukuha ang kapangyarihang iyon?” Ang tanong ni Jiky.
“Jiky, ipinanganak ka sa Polla at ang tanging makakakuha noon ay isang taong nanggaling sa lugar na iyon. Sa pamamagitan ng mga kaibigan mo, kayo’y magtutulungan at makukuha ninyo ang Sibat ng Helmetya. Kapag nakuha niyo na ang kapangyarihang iyon ay magiging sagrado na muli ang lugar na ito at mawawala na rin ang mga halimaw dito. Sa inyong paglalakbay, marami kayong makakalaban na kampon ng kadiliman at magkakaroon kayo ng mga kapangyarihan. Marami pa kayong makikilalang kasama at tatanghalin kayong tagapagligtas ng mundong ito –ang tagapagtanggol ng sangkatauhan laban sa mga alagad ni Philiz.”
Unti-unting nawawala ang liwanag kasabay ng pagkawala ng diwata.
“Sandali lamang Mariana!” Tinawag ko ang diwata dahil marami akong nais sabihin.
“Paalam. Sumainyo ang kapayapaan sa paglalakbay.” Iyon ang huling mga katagang narinig namin sa diwata.
Nagdilim na muli ang kweba at wala sinuman sa amin ang nakapagsalita. Naiwan sa amin ang napakalaking responsibilidad.
“Tagapagtanggol ng sangkatauhan... paano mangyayari yon?” Ang mahinang tanong ni Jiky.
Paano nga ba...