BINHI (Munting Handog - Book...

By AngHulingBaylan

28.9K 1.4K 188

Matapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magb... More

Dedication
Prologo
1. Sa Fiesta ng Sto. Rosario (Part 1)
2. Sa Fiesta ng Sto. Rosario (Part 2)
3. Bagong Alaga
4. Bilanggo
5. Ang Dalagang Maggugulay
6. Ate at Bunso
8. Ang Batang Halaman sa Palengke
9. Ang Kuwento ni Mang Goryo
10. Ang Tinig sa Ilalim ng Tubig
11. Pinagtagpong Muli
12. Ang Puno at ang Singsing
13. Ang Manliligaw
14. Kasunduan
15. Maglako ng Gulay
16. Dayo sa Kaharian
17. Sa Kaingin ng mga Sitaw
18. Weird Guests
19. Pagtakas
20. Ang Oguima at Tahamaling at Talahiang
21. Sleeptalk
22. Ang Tibsukan
23. Pagbabati
24. Ang Doktor
25. Dalawang Dayo
26. Ang Supot ng Ginintuang Pulbos at ang Balahibo
27. Ang Lihim na Lagusan
28. Daruanak
29. Kapalit
30. Sirena, Serena
31. Ang Aghoy at Lewenri
32. Saminsadi

7. Mahiwagang Paru-paro

1.2K 55 6
By AngHulingBaylan

Nang gabing iyon, hindi magawang matulog agad ni DJ. Nanatili siyang nakahilata sa kanyang kama, mulat na mulat at binubulabog nang maraming isipin ang utak. Ang nalaman niya tungkol sa kanyang Ate Roselda ay parang humawi nang makapal na hamog na humaharang sa kanyang pag-iisip. Hindi pa rin niya maintindihan kung bakit iyon nagawa ng kanyang kapatid. Sinusubukan ba nitong kunin ang kanyang loob? O ginagawa lamang nito ang tungkulin bilang isang nakatatandang kapatid?

Tumagilid siya paharap sa bintana. Bukas iyon at malayang tumatagos sa manipis na tabing ang liwanag na nagmumula sa buwan, habang sinasayaw nang marahang hangin ang mga kurtina. Doon ay nakaupo ang kanyang alaga at tila nakatanaw sa buwan nang hindi gumagalaw.

Bumangon siya at lumapit na rin sa bintana. Napakatahimik nang gabi. Bukod sa huni ng mga kulisap at hampas ng mga alon sa dalampasigan sa di kalayuan ay wala na siyang ibang naririnig pa. Ultimo ang pag-ihip ng hangin para rin niyang naririnig.

Tumingala siya at natanaw ang hugis D na buwan na nagsisimula nang maglakbay sa madilim na kalangitan. Ang ganda nitong pagmasdan.  Ang manaka-nakang pagharang nang maninipis na mga ulap rito ay waring nagbibigay pa lalo nang kakaibang ganda rito. Noong nasa siyudad pa siya ay hindi niya ito gaanong napapansin. Marahil ay dahil abalang-abala siya sa mga bagay na bumubuo sa buhay ng mga taga-siyudad, kagaya na lamang nang pagkahumaling niya sa online games at mga social media. Subalit dahil sa disconnection at limitation sa Internet na dulot nang paglipat niya rito ay nabigyan siya ng pagkakataong mapansin ang isang bagay na noon ay wala siyang pakialam.

Mahinang ngumiyaw ang kanyang alaga at ikiniskis ang mabalahibo nitong ulo sa kanyang kamay na nakapatong sa bintana. Napangiti siya sa paglalambing nito kaya naman hinimas-himas rin niya ang ilalim ng leeg nito. Bigla niyang naalala na hindi pa rin niya alam kung anong uri ito ng hayop. Na-thrill pa siya sa isiping baka galing ito ng outer space at ito ay isang intergalactic animal.

Bago pa siya makatawa sa overactive niyang imagination ay nagulat na lang siyang nang biglang lumundag ang kanyang alaga at walang kahirap-hirap na lumapag sa mabuhanging lupa. Lumingon ito sa kanya at ilang beses na ngumiyaw. Para bang may gusto itong sabihin sa kanya at niyayakag siya na sumunod.  Nangunot ang kanyang noo. Sa huli ay hindi rin siya nakatiis at tahimik siyang tumakas sa kanyang kuwarto.

Nang makalabas na siya sa main door, hindi niya mahagilap ang kanyang alaga. Kung hindi pa ito ngumiyaw ay hindi pa niya ito matutunton na nakakubli sa lilim na isang dwarf coconut sa di kalayuan. Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan nito.

“Ba’t mo ko dinala rito?” pabulong niyang tanong sa hayop, na para bang inaasahan niyang sasagot ito sa kanya.

Ngumiyaw ito at nagpatuloy sa paglalakad palabas ng compound.

Napakamot naman siya ng ulo. Tama ba itong kanyang ginagawa? Nilingon niya ang kanyang bintana, inaasahang anumang sandali ay bubungad ang hitsura ni Marietta. Ugali kasi nitong i-check siya sa kuwarto kung talaga bang siya ay tulog na.

Sinulyapan niya ang suot na wrist watch. Pasado alas nuwebe na subalit dead silent na ang paligid. Pansin niyang maagang natutulog ang mga tao rito. Humugot siya nang malalim na hininga at walang lingon-lingon na tinahak ang madilim na daan.

Mabuti na lamang at maliwag ang gabi, salamat na rin sa buwan, kaagad niyang nakita ang maitim na tuldok na paminsan-minsan ay hihinto at ngingiyaw sa kanyang direksiyon. Hindi niya alam kung saan ba siya nito balak dalhin. Pinipigilan niya ang sariling alalahanin ang mga kuwentong katatakutan na ibinahagi sa kanya ni Mamang noon.

Ilang saglit pa at lumuko ito nang daan. Pamilyar sa kanya ang daang iyon, na madalas ay iniiwasan ng mga tagaroon dahil sa mga kuwentong-matatanda. Subalit naaalala niya na minsan ay dinala siya ni Marietta roon upang maligo, kasama ang kanyang Ate Roselda na sa huli ay nakatatandang kapatid pala niya. Iilan lang rin ang may lakas nang loob na pumunta roon. Gapos pa rin kasi nang takot sa lumang paniniwala ang isip nang nakararami.

Tahimik siyang sumunod. Minsan ay lilingon, makatiyak lamang na walang sumusunod o nakakita sa kanya. Nakahinga siya nang maluwag nang tahakin ang landas patungong dalampasigan. Makakapal ang tumutubong mga ligaw na halaman sa gilid ng daan, na pinagpapasalamatan niya dahil sa dagdag na tulong upang siya  ay maitago.

Malayo pa lang ay ramdam na kaagad niya ang malamig na gapyo ng hanging gabi. At habang papalapit siya sa tabing-dagat ay naririnig na niya ang marahang hampas ng mga alon. Ilang metro mula sa kanya ay natanaw niya ang isang lalaking nag-aayos ng lambat sa kanyang bangkang gigiwang-giwang sa alon. Sa kabilang dulo ng bangka ay naroon ang kanyang pailaw na de-gaas. Nakasisilaw ang liwanag na dulot nito. Ilang saglit pa sumakay na ito ng bangka at mabilis na sumagwan palaot.

Napahinto siya sa paglalakad, tila natulala nang masumpungan ang tanawing tinataglay ng gabi. Tanaw niya sa laot ang hilira ng mga liwanag na nagmumula sa pailaw ng mga mangingisda. Mistula silang mga bituing nahulog mula sa langit at palutang-lutang lamang sa ibabaw ng karagatan, niyayakag ang nag-iisang liwanag na papalayo sa kanya.

Sa madilim na langit, nagkalat ang mga talang kukuti-kutitap. Kahit na malayo ay pansin niya ang kakaibang tingkad ng kanilang liwanag. Hindi tulad sa lungsod, na sa tuwing magkakaroon siya ng pagkakataong pagmasdan ang mga ito sa gabi, ay tila kupas ang kanilang mga ningning; malabo. Nabasa niya sa kung saan na dulot iyon ng polusyon.

Isang hagod nang mabalahibong katawan ang gumulat sa kanya. Saglit niyang nakalimutan ang alaga at kaagad siya nitong pinaalalahanan. Ngumiyaw ito at nagpatuloy sa paglalakad.  Nang hindi siya kumilos ay lumingon ito sa kanya at ngumiyaw ulit. Marahil ay kung nakapagsasalita lamang ito ay nasinghalan na siya nito. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod.

Weird kind of animal, paalala ng isip niya. Saan ba talaga sila patungo?

Ilang hakbang pa lamang ay natigilan na siya nang mapansin ang direksiyon na tinatahak. Gusto siyang dalhin ng alaga sa batuhan, ang lugar na mahigpit na ipinagbabawal ng mga matatanda sa nayon na puntahan. Nagdalawang-isip siya; nagduda kung dapat pa ba siyang sumunod. Kaninang umaga lang ay inakusahan niyang aswang ang hayop. Hindi kaya tama ang kanyang hinala?

Sa kabila nang kanyang pag-aalangan ay sumunod pa rin siya rito. Ano ba ang mawawala sa kanya kung titingnan niya kung saan siya dadalhin ng alaga, hindi ba?

Nang marating nito ang pagitan ng dalawang malalaki at matutulis na bato ay lumingon ito sa kanya; para bang tinitiyak nito na hindi siya natakot at umuwi na lamang nang walang paalam. Ang totoo niyan ay kinakabahan siya. Sino ba ang hindi kung alam mong dumadayo ka sa isang lugar na alam mong hindi ka pamilyar? Ngunit isinantabi niya ang pag-aalinlangan. Sakali mang may pakiramdam siyang hindi maganda ay maaari rin namang siyang tumakbo anumang sandali.

Maingat niyang binaybay ang pagitan ng mga bato, sadyang bigatan ang mga hakbang upang mag-iwan ng malalalim na mga yapak sa buhangin, mga bakas na maaaring makapagsasabi kung saan siya napadpad sakaling may mangyaring masama sa kanya.

Bigla niyang naalala na wala pala siyang dalang flashlight nang maaninag niyang naglaho sa kanto ng isang matayog na bato ang kanyang alaga. Hindi naman kasi niya alam na dito pala sila pupunta. Mabuti na lang at naisipan niyang dalhin ang kanyang phone bago bumaba ng kuwarto kanina. Dinukot niya ang phone mula sa bulsa nang suot na cotton shorts at pinailawan ang daan. Nahaharangan nang nagtataasang mga bato ang kanyang daraanan at natatakpan nila ang kakarampot na liwanag na nagmumula sa buwan. Pakiramdam tuloy niya ay napadpad siya sa isang stone maze sa tabi ng dagat.

Ito pala ang batuhang kinatatakutan ng mga tao sa nayon, na ayon sa mga kuwento ni Mamang noong siya ay maliit pa, ay pinamumugaran raw ng mga engkanto. Napaisip siya kung totoo ba ang mga nilalang na iyon. O sila ba ay mga kathang-isip lamang. Biglang nagbalik sa kanyang alaala ang isang pagkakataong nakakita siya ng isang sirena dito mismo sa dalampasigang ito. Hindi kaya mga sirena ang namamahay sa loob ng batuhan? Napatingin siya sa gawi ng dagat, inaasahang may luluksong sirena roon, subalit wala.

Humugot siya nang malalim na hininga bago nagpatuloy. Naghihintay sa tabi ang kanyang alaga. Sa mahinang liwanag nang kayang cellphone ay mukhang yamot na ito. Tumingala ito sa madilim na kalangitan at ngumiyaw.

Magaspang ang nagtataasang mga bato at bagaman may kadiliman ay napansin niyang hindi lamang siya ang nangahas na pumasok sa loob. May iba pang nauna na sa kanya, na nag-iwan ng mga bakas. Marahil ay curious rin ang mga ito tungkol sa mga kuwento-kuwento, o sadyang malakas lang talaga ang kanilang  loob.

Dahil sa pasikot-sikot na daan ay mabilis siyang naiwanan ng alaga, tila kabisado na kasi nito ang landas kumpara sa kanya. Napapahid siya ng pawis na namuo sa kanyang noo. Kahit na malamig ang gabi ay pinagpapawisan siya. Tanda iyon na kahit na hindi siya gaanong takot ay nangangamba pa rin siya.

May kung anong kumaluskos sa kanyang kanan at bigla niyang naitutok ang liwanag roon, dahilan at mahagip ang payat na mga paa ng isang alimasag na mabilis na tumatakas sa kanyang pangangambala.

Nakahinga siya nang maluwag. Akala talaga niya ay kung ano na ito. Nagpatuloy siya sa paglalakad, iniinda ang katahimikang binabasag lamang ng mahinang hampas ng mga alon sa bato. Tila nilalamon ng katahimikan maging ang tunog ng kanyang paghinga, habang palalim nang palalim naman ang kanyang pag-uusad. Medyo nagdadalawang isip na nga siya at gusto na niyang bumalik sa bungad dahil pakiramdam niya ay ilang oras na siyang naglalakad nang walang direksiyon.

Tatalikod na sana siya nang matanaw ang mumunting mga liwanag na naglipana sa paligid. Nangunot ang kanyang noo. Mga alitaptap?

Binilisan niya ang paglalakad at manghang napahinto. Tigagal siyang napatitig. Hindi niya akalaing may matatagpuan siyang ganito.

Nakarating siya sa isang tago at maliit na paradiso, na nababakuran nang matatayog na pader na bato. Sa gitna ay naroon ang isang maliit na lawa, isang madilim na hukay sa magaspang na bato. Tila kumikintab ang tubig nito dahil sa pagtama nang malamlam na liwanag ng buwan. Idagdag pa ang kumukuti-kutitap na mga alitaptap na waring sumasayaw sa ibabaw ng tubig.

Bigla niyang naramdaman ang mabalahibong ulo ng alaga sa kanyang binti. Parang tinutulak siya nito na lumapit sa lawa.

Humigpit ang kanyang hawak sa bitbit na cellphone. In-unlock niya ito upang buksan ang camera at kinuhanan ng litrato ang kakaibang tanawin. Ngunit nang mag-flash ang kanyang camera ay nabulabog nito ang mumunting mga insekto at nagsiliparan sila palayo. Agad siyang nagsisi sa ginawa. Kung hinayaan na lang sana niya ang mga ito.

Muli, ay naramdaman niya ang pagtulak ng kanyang alaga sa kanyang binti. Paulit-ulit itong ngumiyaw sa kanya bago ito lumapit sa pampang ng lawa at tila kinaluskos ang tubig. Lumapit na rin siya rito.

“Ano ba kasi ang gusto mong ipakita sa akin at dinala mo ako rito?”

Subalit nagpatuloy lamang ito sa pagkaluskos sa tubig na wari bang ito ay lupa. Sa kanyang pagtataka, pati siya ay napahawak na rin sa tubig at sa pagkakataong dumampi ang kanyang daliri ay nakaramdam siya ng kuryenteng dumaloy mula sa kanyang kaliwang balikat patungo sa tubig.

Napaatras siya nang biglang gumalaw ang kanina ay payapang tubig. Para itong inalog nang dambuhalang mga kamay. Sa halip na palabas ang mumunting mga alon na dulot nito ay paloob ang direksiyong tinatahak nila. Nang magsalubong sila sa gitna ay tumalbog paitaas ang tubig na animo’y tubig sa bukal.

Natigagal siya sa nasumpungan. Isang berdeng liwanag ang natanaw niyang sumulpot mula sa kaibuturan ng lawa. Dahan-dahan itong umangat at nang marating ang ibabaw ay aangat-baba itong tumigil sa ere.

Isang engkanto? Iyon kaagad ang una niyang naisip. Totoo pala ang sabi-sabi ng mga matatanda sa nayon. Pero anong uri ng engkanto naman kaya ito? Maaari kayang isa itong santelmo? Mga bola ng apoy na nanghahabol di-umano ng tao? Subalit hindi naman ito naglalagablab kagaya ng isang apoy, ni hindi rin ito umaalis sa kinalalagyan nito kung ito man ay isa ngang santelmo.

Dumapa siya at gumapang sa pampang, iniiwasang dumampi ang kamay sa tubig. May natatanaw siyang  maliit na gumagalaw sa gitna ng liwanag. Kumikislot-kislot ito na tila ba bulateng binudburan ng asin. Pinasingkit niya ang mga mata upang lalong makita kung ano iyon. Maliit ito, isang pulgada lamang ang haba sa tingin niya. Noon niya nahinuhang isa itong berdeng higad, na gumagawa ng cocoon sa gitna ng hangin. Ilang saglit pa at tuluyan na nitong nabalot ang sarili.

Napaupo siya sa pagtataka. Mali siya nang inakala. Hindi pala ito engkanto kundi isang mahiwagang higad. Dismayado siyang tumayo at nagpagpag ng mga kamay. Tumakas siya sa resort kahit na alam niyang mapagagalitan siya kapag nadiskubreng wala siya sa kanyang kuwarto para lamang sa isang higad?

Tumalikod na siya, hindi siya interesaso sa natagpuan sa paradiso, subalit hindi pa siya nakahahakbang ay kamuntikan na siyang matumba nang biglaang yumanig. Napalingon siya sa mahiwagang higad at nasaksihang sumisikdo-sikdo ang liwanag nito. Unti-unting nalulusaw ang berdeng cocoon at nagiging pulbos na tatangayin naman nang marahang ihip ng hangin paibabaw. Naglaho na ang higad at iyon ay naging isang puting paru-paro.

Lumipad iyon sa kanyang dako, nagpaikot-ikot sa kanya. Ang landas nito sa hangin ay nag-iiwan nang makintab at pinong alikabok, na noong tinangka niyang saluhin ay natunaw rin sa kanyang palad. Matapos itong magpaikot-ikot ay dumapo ito sa kanyang nakabukang palad, nagpagaspas ito nang mumunting mga pakpak at nagkalat ang mga alikaboksa paligid bago sila nilamon ng kadiliman.

Continue Reading

You'll Also Like

1.6M 76.2K 21
Ang Ikalawang Serye. A girl dying from Leukemia was given a chance to make a wish, and there she met a mysterious guy who would lead her as she enter...
1.5M 101K 33
When an unlikely group comprising of a photographer, writer, musician, artist, and poet band together for a documentary film project, anything can ha...
13.8K 2.3K 55
Isang retiradong sundalo na nais mag bago, Gamit ang larong babago sa buhay na kanyang nakasanayan. (Chapter 1-4 Training) (Chapter 5-28 Member Story...
138K 9.4K 48
COMPLETED [Volume 1] Mythical Hero: Age of Wonder | Ang Paglalakbay sa Hilaga Sa mundo kung saan ang mga malalakas lamang ang tanging nabibigyan ng p...