QUINRA [Volume 2]

By NowhereGray

203K 13.2K 4.3K

Dahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; An... More

Trailer
Author's Note
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Recap!
Chapter 32

Chapter 6

6.8K 454 207
By NowhereGray

Naiinip na tiningnan ni Riviel ang mga nakahandang pagkain sa pabilog na lamesa. Biskwit, prutas at mga tinapay. Sa gilid naman nila ay nakaabang ang mga Dama na may dalang pitsel na puno ng katas ng prutas.

Pasimple niyang inilipat ang tingin sa pitong nindertal na nakaupo palibot sa kanya.

Ang punong Duke na si Radness Daji. Wala pa ring kasing kintab ang kalbong ulo nito. Katabi nito si Marquees Galjit Yara, Earl Paste Malenchi at Alde Menlin. Ayon kay Regenni, kasama ang tatlong ito sa mga lumitis kay Avanie sa Heirengrad.

Sa kabila naman nakaupo si Viscount Koen Balmair. Mas madalang pa sa patak ng ulan kung magpakita ang nindertal na 'to kaya naninibago siya sa itsura nito. Maroon na buhok, itim na damit na pinalamutian ng pin brooch na hugis pakpak ng ibon. Seryoso, hindi niya nakikitang ngumiti ang nindertal na 'to.

Nandito rin ang kinaiinisan niyang si Punong Ministro Terry Prachet at Baron Corel Heleste.

Halos magkasingtangkad sila ng Punong Ministro. Mahaba rin ang buhok nito na tila sinuklay patalikod tapos ay nilagyan ng santambak na pomada. Kung may tatalo sa kakintaban ng ulo ni Daji, 'yon ay ang malapad na noo ni Terry.

'Kung ilagay ko kaya si Daji at Terry sa unahan ng laban, masisilaw kaya ang mga kalaban?'

Tumikhim siya para itago ang tawa.

Ang mga nindertal na ito ang bumubuo sa konseho ng Ishguria. Ang grupong nagbibigay ng payo at patnubay sa nakaupo sa trono. Sila rin ang kadalasang gumagawa ng batas sa isang bansa at ang Hari naman ang nagbibigay ng huling pasya.

Matapos ang talumpati niya kanina ay bigla na lang nagpakita ang mga ito. Hindi na siya nagulat dahil may ideya na siya kung anong sadya nila.

"Nakakatawa 'di ba?" Kumuha siya ng biskwit sa harapan niya at inisang subo 'yon. "Ngayon ko lang nakitang kumpleto ang lahat ng miyembro ng konseho. Mukhang lahat kayo nagkaro'n ng libreng oras para bisitahin—mali—para kondenahin ang ginawa ko."

"Nagkakamali kayo kamahalan, naparito kami dahil nag-aalala kami sa inyo," turan ni Baron Corel. Matanda na ito pero kita pa rin ang kakisigan. "Nakita namin ang balita at talaga namang nagulat kami. Gusto lang namin tiyakin na nasa maayos kayong kalagayan."

"Hmp! May oras ang pag-aalala? Umaga kumalat ang balita. Palubog na ang araw nang magpakita kayo. H'wag niyong sabihing lahat kayo naipit sa matinding trapiko kaya ngayon lang kayo nakarating? Gusto niyo ba akong patawanin? Magaling dahil nagtatagumpay na kayo, gusto kong tumawa nang malakas 'yong tipong puputok ang ugat niyo sa matinding asar."

Nag-iwas ng tingin si Regenni. Ramdam niya ang galit ni Riviel. Sa mga ganitong pagkakataon, alam niyang natatakot magsalita ang kahit sino sa harapan ng Hari. Kaso, hindi nagpakita rito ang konseho para manahimik.

"Humihingi kami ng paumanhin kamahalan. Lubos naming ikinahihiya ang aming kilos—"

"Diretsohin mo na ako Terry, nasasayang ang oras ko." Putol ni Riviel sa sinasabi ng Punong Ministro. "Alam kong tungkol ito sa sinabi ko kanina. Tutol ka sa pagpapakasal ko, tama ba?"

Bahagyang yumukod ang Earl na si Paste bago nagsalita. "Kamahalan, alam niyo pong may sinusunod tayong patakaran sa pagpili ng mapapangasawa ng Hari."

Umirap si Riviel tapos ay kumuha uli ng biskwit. "Wala akong pakialam sa patakaran. Pakakasalan ko si Avanie."

"Subalit kamahalan! Kailangan munang dumaan sa amin ng babaeng pinili niyo para makilatis ng mabuti upang malaman namin kung karapatdapat siyang maging Reyna ng Ishguria!" Giit naman ni Galjit.

"Kilatisin? Baka umiyak ka pag ginawa mo 'yon," naniningkit ang mga matang turan niya. "Isa pa, hindi ikaw ang magpapakasal sa kanya kaya bakit ikaw ang magdedesisyon kung karapatdapat siyang maging Reyna?"

"Iyon ay..."

Nagsisimula na siyang mairita. "Inakusahan niyo siya ng pagpaslang at ipinatapon sa Mizrathel kahit na naputanayan niyong wala siyang kasalanan. Pasalamat ka't hindi nagtatanim ng sama ng loob ang isang 'yon, dahil kung hindi siguradong luluhod ka sa harapan niya."

"....."

"Mawalang galang na kamahalan." Ipinatong ni Terry ang dalawang kamao sa lamesa at seryosong tumingin sa kanya. "Hindi kayo maaaring gumamit ng maji dahil sa kalagayan niyo, hindi ba dapat lang na pumili tayo ng isang babaeng malakas ang kapangyarihan bilang kapareha niyo?"

Napangiti si Riviel sa sinabi ng Punong Ministro. Sinasabi na nga ba niya at mapupunta rito ang usapan.

'Pagdating sa paggamit ng Maji, hindi sila papayag na isang mahinang nindertal ang uupo sa trono. Bukod do'n, pipili rin sila ng nindertal na siguradong mapapaikot nila sa kanilang palad. Ngayon pa lang nakikita ko na kung pa'no magwawala si Avanie. Excited na akong makita ang reaksiyon ng huwad na Prinsesa.'

"Ewan ko, pero maaari mong tanungin ang mga miyembro na nagpunta sa Idlanoa. Sa tingin ko may ideya na sila kung ga'no kalakas si Avanie."

Yumuko ang mga miyembro na lumitis kay Avanie. Hinding hindi nila makakalimutan ang araw na 'yon. Ang unang pagkakataon na naka-engkwentro sila ng gano'n kalakas na kapangyarihan.

"Totoong malakas ang kapangyarihan ng babaeng—"

"May pangalan siya Alde. Gusto kong tawagin mo siya sa pangalan niya."

Kumunot ang noo ni Alde. Kanina niya pa napapansin na kakaiba ang kilos ng kanilang Hari. Oo at nakakatakot ito kahit na hindi gumagamit ng maji pero madalas ay tahimik lang ito kapag nakikipagpulong sa konseho. Subalit iba ngayon, naging madaldal ito pero sa kabila no'n ay mas tumindi ang nakakatakot na aura nito.

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanila kung bakit ito nawala at bigla na lang nagbalik. Iniisip pa rin niyang may kinalaman dito si Avanie Larisla. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang hinala niya na si Avanie ang Quinra. Kung ito ang magiging Reyna siguradong malalagay sa alanganin ang buong konseho!

"Totoo kamahalan, malakas ang kapangyarihan ni Avanie Larisla subalit dapat pa rin natin isipin ang ginawa niya. Bilang isang nindertal na ipinatapon na sa Mizrathel, tumatak na sa isip ng lahat na isa siyang kriminal."

Binigyan ni Riviel ng isang mahabang tingin si Alde. Itong matandang 'to ang laging sumasalungat sa mga desisyon niya. Kahit maliit na bagay, basta't may pagkakataon nakikialam ito. Kung pwede niya lang sana itong balutin at iregalo sa mga Ginx kanina niya pa ginawa.

"Iyon ang inaalala mo?" taas ang kilay na tanong niya "Kesa pahalagahan ang reputasyon ng mga royal sa mata ng mga Ishgurian mas gugustuhin ko ang isang Reynang kayang gawin ng maayos ang kanyang tungkulin."

"Kung gano'n, dapat niyang patunayan sa'min ang kanyang sarili," singit ni Daji.

May hangganan ang pasensiya at malapit nang maubos ang kay Riviel. Kanina niya pa pinipigilan ang sarili na itaob ang lamesa.

"Regenni, ipaalala mo nga sa mga walang utang na loob na 'to ang ginawa ni Avanie." Ang grupo na lumitis kay Avanie ang tinutukoy niya. "Mukhang madali nilang nakalimutan ang pabor na ginawa niya dahil isa lang siyang hindi kilalang nindertal."

"Masusunod kamahalan." Hinarap ni Regenni ang mga maharlika sa pabilog na lamesa. "Nalagay sa panganib ang buhay ng kamahalan dahil sa isang lason subalit iniligtas siya ni Avanie-hana. Pinainom ni Avanie-hana ng isang uri ng lason ang kamahalan na kokontra sa lason na nanggaling sa Polent na ginamit ni Prinsipe Moon Siklogi sa naging laban nila."

Naningkit ang mga mata ni Viscount Koen. "Bakit hindi nakarating sa'kin ang balitang 'to?"

"Koen-hono—"

"Madalang akong magpakita sa inyo subalit hindi ibig sabihin no'n na kailangan niyo ring itago sa'kin ang mga mahahalagang balita. Hmp! Kaya malaki ang disgusto ko sa mga miyembro ng konsehong ito." Binalingan ni Koen si Regenni. "Magpatuloy ka Knight."

"Matapos no'n ay inako ni Avanie-hana ang kasalanan ni Prinsipe Moon para maiwasan ang maaaring pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. Inilagay niya ang sariling buhay sa panganib para protektahan ang Ishguria. At napatunayan ko na ginamit lang ang Prinsipe ng Asteloma para sa isang plano."

"Anong plano?"

"Ang planong pag-awayin ang Ishguria, Asteloma at Heven Pirates. Ang nindertal sa likod nito ay isang Zu-in na nasa panig ni Bernon Zeis."

Humalukipkip si Koen at isa-isang tiningnan ang mga nindertal sa palibot niya. "Samakatuwid, kung hindi nalaman ni Regenni ang katotohanan, malamang na naparusahan ang walang kasalanan. Ngayon alam ko na kumbakit hindi nakarating sa'kin ang balitang 'to. Alde," Nanigas sa kinauupuan ang matandang babae. "Alam mong lilitisin ko ito ng mabuti at ipapaulit ko sa'yo ang kahit anong ginawa mo oras na malaman kong nagkamali ka. Aah... umiiwas ka sa dagdag na trabaho no?"

Yumuko si Alde. "Paumanhin Koen-hono."

"Kung gano'n wala tayong karapatang tutulan ang desisyon ng ating Hari. Hindi pa ba malinaw sa inyo na dapat lang kay Avanie Larisla ito? Dalawang bansa ang iniligtas niya, bagay na hindi basta magagawa ng kahit sino." Tumayo na si Koen at naglakad palayo pero pagdating sa may pintuan ay huminto ito at nilingon si Riviel. "Nga pala, hindi ako nagpunta rito para tutulan ang pagpapakasal mo kamahalan. Gusto ko lang siguruhin na totoong buhay ka at humihinga. Nagkataon namang napasabay ako sa mga iniiwasan kong nindertal. Sa susunod na maglihim kayo sa'kin ng mahahalagang balita, hindi ako basta tatahimik at babalikan ko kayo."

Nilingon ni Riviel ang pinsan. "Gano'n ba talaga ka astig ang isang 'yon?"

Tumango si Regenni. "Mukha mang walang pakialam sa mundo si Viscount Koen, tapat naman siya pagdating sa pagsisilbi sa mga royal."

"Kung gano'n ang lahat ng miyembro mapapanatag na ang mundo ko." Muling hinarap ni Riviel ang mga kausap. "May gusto pa ba kayong sabihin?"

"Wala na po." Sabay-sabay na turan ng mga ito.

"Marahil ay alam na ng iba sa inyo ang totoong pagkakakilanlan ni Avanie pero sasabihin ko pa rin. Si Avanie Larisla ay—" Marahas na bumukas ang pinto at mabilis na pumasok si Draul Vhan Rusgard. Mababakas sa mukha nito ang matinding galit. "...Pamangkin niya."

"Riviel Qurugenn! Mamamatay ka na rito ngayon din!" Malakas na anunsiyo ni Draul.

Naalerto ang mga kawal sa pintuan at agad na tinutukan ng sibat ang bagong dating.

Ngunit bago pa man makakilos ang mga ito ay nauna nang kumilos si Hu-an na nasa likuran lang ni Draul. Ubod nang lakas na hinampas ng doktor ng dala niyang payong ang baliw na Duke. Sa sobrang lakas ay nangudngod si Draul sa semento.

"Hindi tayo nagpunta rito para makipag-away."

"Bakit ka pa sumama kung ganito lang ang gagawin mo sa'kin!?" reklamo ni Draul.

"Sumama ako dahil alam kong mababaliw ka na naman. Kailangan mo ng isang nindertal na babatok sa'yo para bumalik ka sa normal," tugon ni Hu-an. "Ano? Bumalik na ba sa normal ang takbo ng utak mo?"

"Mamamatay ang lahat ng selula ko sa utak dahil sa ginawa mo!"

"Napalakas lang ng kaunti, paumanhin."

Tumayo si Draul at pinagpagan ang damit tapos ay galit at seryosong tiningnan si Riviel. "Haring Riviel Qurugenn, gusto ka naming makausap ng masinsinan."

Tumaas ang isang sulok ng labi ni Riviel."Pagdating talaga kay Avanie wala kang pinapalampas." Nilingon niya si Regenni. "Gusto mong malaman ang katotohanan sa likod ng ginawa ko kanina di ba? Sumama ka, ikaw ang kanang kamay ko kaya wala akong itatago sa'yo."

✴✴✴

Mordiven

Kung kanina ay pula ang kalangitan, ngayon ay nag-uumpisa na itong umitim. Ibig sabihin ay papalapit na sila sa Araf. Bahagya ring numipis ang makapal na miasma sa hangin gayunpaman ay hindi ibinababa ng grupo ang kanilang depensa.

Saglit na huminto si Zaf at Feer sa paglalakad para suriin ang paligid.

Tila umiilaw na asul ang lumulutang na hamog sa buong lugar. Nagbibitakbitak ang lupa na tila ba matagal na itong hindi nakakatikim ng tubig. Nagkalat din ang mga matutulis na itim na bato na labing dalawang talampakan ang taas.

"Hindi maganda ang pakiramdam ko rito," magkasabay na turan ni Feer at Zafalon. Nagkatinginan pa ang dalawa bago sabay ding tumingala sa taas.

"Anong problema?" nagtatakang tanong ni Fahnee. Kahit siya ay kinakabahan din. Sino ba namang hindi kung nasa gitna ka ng malawak na lupain na tila inabando na sa loob nang mahabang panahon.

"Hindi na nasundan 'yong dalawang ungas kanina. Akala ko marami tayong makakalaban pero hanggang ngayon wala pa ring nagpapakita," sagot ni Feer.

"Patay ang hangin. Parang walang humihinga sa paligid." Dagdag naman ni Zaf.

"Natural! Nasa daigdig tayo ng mga patay kaya wala talagang humihinga."

"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin Fahnee."

"E, ano?"

"Walang kahit anong halimaw... ... ah... nalintikan na." napakamot si Zaf sa ulo saka madaling kinuha ang mga bola niya. "Ambush."

Pagkasabi no'n ni Zaf ay napansin ng lima ang paglitaw ng mga anino sa may kalayuan. Sa una iilan lang subalit parami nang parami habang lumalapit. Halo-halo at bawat hakbang ng mga ito ay para bang dumudoble ang bilang hanggang sa hindi na malaman ng mga Kaivan kung ilan ang kabuoang dami ng mga ito.

Mga kalansay.

Mga naaagnas na bangkay na may dalang palakol

Iba't-ibang klase ng mga halimaw.

Sa pangunguna ng limang itim na kabalyerong nakasakay sa kanya-kanyang itim at naaagnas na kabayo. Armado ang mga ito at balot ng baluti ang buong katawan. Gayunpaman halatang wala na ring buhay ang mga kabalyero, mga kaluluwa na lang ang mga ito.

"At dito na po mga kaibigan magwawakas ang ekspedisyon ng mga Kaivan para kuhanin ang walang kwentang kaluluwa ni Chance!" Nanginginig at naiiyak na si Fahnee. "Ni minsan hindi pumasok sa isip ko na lalaban ako sa ganito karaming kalaban."

"Ayaw mo no'n? Experience," sabi ni Zaf.

"Experience mo mukha mo!" Humigpit ang hawak ni Fahnee sa staff niya. "Hah! Matira matibay! Kala niyo susuko ako? Nakakatakot lang itsura niyo pero mas malakas pa rin ako!"

"Ganyan nga Fahnee, h'wag kang panghinaan ng loob." Inihandan na rin ni Rhilia ang espada niya at saka tinawag ang dalawa niyang alaga. "Sa totoo lang, masyado silang marami."

Tumango ang lahat.

Lima laban sa hindi mabilang na kalaban. Hindi patas. Pagpapatiwakal ito kung titingnang mabuti.

Binalingan ni Feer si Lou. "Kahit anong mangyari h'wag kang makikipaglaban sa mga kalansay."

Ikiniling ni Lou ang ulo. "???"

"Baka magkapalit ang mga buto niyo."

PAK!

Lumayo si Rhilia, Fahnee at Zaf sa dalawa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggap si Feer ng isang malutong na sampal mula kay Lou.

"Nainsulto si Lou," sabi ni Rhilia.

"Tama, nainsulto siya," walang emosyong sang-ayon ni Zaf.

"Mag-iingat na ko sa susunod. Hindi ko iinsultuhin si Lou."

Huminto ang mga kalaban sa pagkilos. Wala silang ideya kung anong ginagawa ng lima. Nasa kalagitnaan ang mga ito ng gera subalit parang balewala lang sa kanila.

Tumingin ang kabalyerong nasa gitna sa katabi nito. Nagkibit balikat naman ang tiningnan. Tumingin din ang isa pa sa katabi, iling naman ang isinagot nito.

Iisa lang ang tanong ng limang kabalyero.

'Hindi pa ba uumpisahan ang laban?'

✴✴✴

Kung nakakapaso lang ang tingin, malamang na natunaw na ang dalawang nindertal na kanina pa mainit ang titigan. Lumamig na ang tsaa sa harapan ng dalawa ay wala pa rin ni isa sa mga ito ang balak magsalita.

Sa mga ganitong pagkakataon, iniisip ni Draul na sana may kapangyarihan siyang pumatay gamit lang ang tingin. Sa gano'ng paraan makakaligtas siya sa kahit anong paglilitis dahil walang magiging ebidensiya na siya ang pumatay.

Naiinip na si Hu-an kaya nagpasya siyang basagin ang katahimikan. "Nakatulog ba kayong dalawa na mulat ang mata? Draul, nagpunta tayo rito para makipag-usap. Magsalita ka na."

"Ako na ang mauuna," magkasabay na sabi ni Riviel at Draul.

Muli na namang uminit ang titigan. Sa puntong ito kulang na lang ay magkaro'n ng kuryente sa pagitan ng tagisan ng tingin ng mga ito.

"Haaay..." Napailing na lang si Hu-an.

Ngumiti si Draul subalit hindi pa rin nagbago ang talim ng tingin nito. "Puno na ang mga kamay ko sa pag-aalala pa lang kay Avanie-hana, bakit ngayon mo pa naisipang dumagdag?"

"Ah... kung gano'n naman pala bakit hindi mo na lang palampasin ang isang 'to at hayaan akong magpakasal sa kanya?"

"Sa tingin mo papayagan ko 'yon ng basta-basta? Hindi ko inilagay ang sarili ko sa mataas na katungkulan para lang matumbasan ni Avanie-hana ang estado mo Hari."

"Wala akong pakialam sa estado Duke. Kahit isa pa siyang pulubi sa daan pakakasalan ko pa rin siya."

"Oya, e di sana kumuha ka na lang ng isang pulubi sa daan para mapangasawa at nang maiwasan natin ang problemang ito?"

"Kung hindi lang rin si Avanie, di bale na lang."

"At anong tingin mo sa'kin? Isang madaling kalaban?"

Ngumisi si Riviel. "Hindi ka madaling kalaban." Sinulyapan niya si Hu-an. "Gano'n din ang doktor na kasama mo. Aaminin ko Duke, sinadya kong gumamit ng screen para makarating sa'yo ang gusto ko. Sabihin na lang nating isang hindi direktang imbitasyon ang ginawa kong pagpapakita sa screen."

"Sinasabi mo bang sinadya mo ang lahat para pumunta kami rito?"

"Gano'n na nga."

"Pormal mong hihingiin sa'kin ang kamay ni Avanie, gano'n ba?"

Sumeryoso ang mukha ni Riviel at mataman niyang tiningnan ang kaharap. "Iyon at iba pang mga bagay."

"Gaya ng?"

"Gaya ng katotohanan na si Avanie Larisla ang tunay na Quinra."

Sandaling natahimik si Draul ngunit bigla na lang itong tumawa nang malakas. "Si Avanie ang Quinra? Nagpapatawa ka ba Haring Riviel? Isang normal na nindertal lang siya kaya imposibleng siya ang Quinra. Hindi ba't ipinakilala na ni Bernon Zeis ang nawawalang Quinra?"

"Ayaw mong maniwala?"

Dumilim ang mukha ni Draul. Pinanlisikan niya ng tingin ang kaharap na Hari. "Subukan mo 'kong kumbinsihin Hari."

"Kung gano'n makinig ka Duke." Umayos ng upo si Riviel. Alam niyang marami siyang dapat ipaliwanag subalit kailangan niya munang sabihin sa mga ito kung sino talaga siya. "Gusto kong ipaalam sa inyo na may kinalaman ako sa pagkawala ng Quinra isang daang libong taon na ang nakararaan."

Kumunot ang noo ni Regenni, nanlaki naman ang mga mata ni Hu-an sa narinig.

"Ginagalit mo ba ako Hari? Kung isang itong masamang biro iminumungkahi kong itigil mo na ngayon pa lang," tiim bagang na turan ni Draul. Ipinatong niya ang isang hita sa isa pa at saka dahan-dahang sumandal sa kinauupuan. "Sabihin na nating alam mong si Avanie Larisla ang totoong Quinra, alam ng lahat na nawala ang Quinra may isang daang libong taon na ang nakararaan. Bilang isang royal ng Ishguria at nag-iisang tagapagmana ng trono, halos lahat ng mga mata ng maharlika saan man sa Iriantal ay nakatutok sa'yo. Nasubaybayan namin ang paglaki mo Hari. Imposibleng nabuhay ka may isang daang taon na ang nakararaan."

"Tama siya Riviel," sang-ayon ni Regenni. "Magkasama tayong lumaki kaya imposible ang sinasabi mo."

"Mahirap man paniwalaan pero totoo ang sinasabi ko." Kinuha ni Riviel ang isang bagay na nasa bulsa ng pantalon niya. "Inaasahan ko nang hindi niyo agad ako paniniwalaan kaya heto ang isang patunay."

Inilapag niya sa lamesa ang bagay na kinuha niya sa isang maliit na kahon kanina. Nag-atubili pa si Draul ngunit makaraan ang ilang sandali ay kinuha nito 'yon.

Kitang-kita nila ang paninigas ng katawan ni Draul, nanlaki ang mga mata at napanganga na para bang ngayon lang nito natutunan ang salitang 'Pagkagulat'.

"B-Bakit nasa 'yo ang bagay na 'to!?"

Lumapit na rin si Hu-an at kinuha kay Draul ang maliit na seal. Kahit ito ay natulala pero hindi gaya ni Draul ay mabilis itong nakabawi.

"Haring Riviel Qurugenn, sino ka ba talaga?" Halata sa mukha ng doktor ang pagkalito. "Bakit hawak mo ang seal... na pagmamay-ari ng diyos ng oras at panahon?"

"Simple lang ang sagot Lumineux Hu-an." Lumapit si Riviel sa lamesa tapos ay ipinatong ang dalawang siko at pinagsalikop ang kamay sa ibabaw nito. "Dahil ang ang nagmamay-ari ng seal na 'yan ay walang iba kundi ako."

Kasunod ng rebelasyon ni Riviel ay ang pagbukas ng malaking pintuan. Pumasok ang isang Heneral dala ang isang malaking balita.

"Kamahalan, ipagpaumanhin niyo po kung nagambala ko kayo sa isang mahalagang pulong subalit may kararating lang na balita mula sa Asturia."

"Magsalita ka."

"Sa mga oras na ito ay nagsisimula nang kumilos ang hukbo na susugod sa Mizrathel. Kasama nila ang mga sundalong may bilang na dalawang daang libo. Bukod do'n ay may dala rin silang malalaking container na naglalaman ng mga kahinahinalang bagay."

"At ano sa palagay mo ang kahinahinalang bagay na ito?"

"Mga Cartacos." Diretsong sabi ng Heneral. 

Nagulantang ang lahat ng nasa silid. Napatayo si Draul at Riviel sa kinauupuan, mabilis namang nilapitan ng Hari ang Heneral.

"Nababaliw na si Bernon Zeis!" nanggigigil na sabi ni Draul. Inihampas niya ang kamao sa kawawang lamesa, nawarak 'yon at nabasag sa sahig ang mga tasa at platito.

"Alam kong galit ka pero h'wag kang manira ng gamit na hindi iyo." Napailing na lang ang Hari. Maganda pa naman ang lamesang 'yon. "Kung nagsama ng mga Cartacos ang hukbo ni Bernon, isa lang ang ibig sabihin nito."

"Walang silang ititirang buhay sa mga nindertal na nasa Mizrathel." Seryosong sabi ni Regenni.

Ang mga Cartacos. Ipinagbabawal ng kahit anong bansa ang paggawa nito dahil ang pangunahing materyal para gawin ito ay katawan ng mga patay na nilalang. Mapahalimaw man o nindertal. Nabubuhay ang mga ito sa pamamagitan ng batong naglalaman ng Shi at matataas na uri ng spell na tanging mga Zu-in lang ang kayang gumawa.

Mga baliw na nilalang na walang ibang hangad kundi ang tapusin ang buhay ng kahit sinong mahawakan ng mga ito.

"Anong binabalak niya? Siguradong makakarating ito sa pandaigdigang konseho at tiyak na hindi niya ito basta-basta malulusutan," sabi ni Hu-an. 

Subalit hindi pa doon natatapos ang balita ng Heneral. "Isang ulat din ang dumating mula sa mensaherong si Yhayuk Darjeeling." Lumapit ito kay Riviel at iniabot dito ang isang nakarolyong papel.

Agad na binuksan 'yon ng Hari, nanlaki ang mata niya sa nabasa. "Lyrad Gurin Feverentis! Sinabi kong bantayan mo siyang mabuti!"

"Anong problema Hari?" 

Naiiritang hinarap ni Riviel si Draul at Hu-an. "Gumawa si Avanie ng dalawampung sundalong Heneral mula sa yelo at..." Huminga siya nang malalim, kinakalma ang sarili. "Binabalak niya pang magdagdag ng tatlong daang libong sundalo na gawa rin sa yelo."

"......."

"K-Kung gano'n... ang digmaang ito ay hindi na laban ng mga exile." Nanginig ang kamay ni Regenni kaya wala sa loob na napahawak siya sa espada sa tagiliran niya. 

"Tama." Tumayo ng tuwid si Draul at tinalikuran na sila. "Ang digmaang ito ay sa pagitan na ni Avanie Larisla at ng hukbo ng Asturia."

Mukhang paparating na ang bagay na kinatatakutan nilang lahat. 


Continue Reading

You'll Also Like

10.4M 477K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #03 ◢ Alpha Omega - refers to the twelve demigods destined for the upcoming rebellion. The world has changed. Time has stopped an...
68.2K 2.6K 53
New fantasy story! And I hope you'll spare time to read this! This story is about the girl who escaped from her own reality. But later on, she disco...
2.4M 185K 109
In Olympus Academy, the first and only school to house Filipino demigods and mythological creatures, students are divided into four classes: Alpha, B...
21.4M 790K 78
She's not a gangster nor a mafia. Neither a lost princess nor a goddess. She's not a wizard or a guardian or other magical beings that exist in fanta...