Cesia's POV
"Ria." Nanlaki ang aking mga mata nang makita siyang nahulog mula sa bubong ng van. Agad akong tumakbo patungo sa kanya. "Ria!"
Sumagitsit ang mga gulong ng van nang padulas itong huminto, at mula rito, lumabas ang isang batang babae na nagmamadaling pinuntahan si Ria.
Bumagal ang aking mga hakbang nang lumabas din mula sa van ang dalawang armadong lalaki. Isa sa kanila'y may hawak na batang babae, umiiyak. At tuluyan na nga akong napatigil nang itutok ng lalaki ang baril nito sa templo ng bata.
"Bumalik ka rito kung gusto mo pang mabuhay 'yong kapatid mo!" sigaw ng lalaki.
"Caisy!" iyak ng batang nasa dulo ng baril niya.
Sinulyapan ko ang kapatid niyang pilit ginigising si Ria. Unti-unting naglalaho ang liwanag sa mga mata nito, na para bang nawawalan na siya ng pag-asa.
"G-Gising..."
"Sabing bumalik ka na rito!"
Galit siyang nilapitan ng pangalawang lalaki at pilit inilayo mula kay Ria, na nagsimulang magkamalay at umuubo-ubo ng dugo.
"Bitawan mo siya," bulong ko, sa sandaling napasigaw sa sakit ang batang hinaltak niya.
Hindi narinig ng lalaki 'yong utos ko, kaya hininaan ko pa ang boses ko at diniinan ito, nanghihigpit ang panga.
"Bitawan mo siya...."
"Bitawan mo siya!" sigaw ng hangin na tumama sa kanya, dahilan para tumilapon siya pabalik sa van. Kasunod kong tinignan ang kasama niya, at kagaya ng nangyari sa una, tinulak siya ng boses ko, pahiwalay sa batang hawak niya.
"Daisy!"
Mabilis na sinalubong ng dalawang bata ang isa't isa sa gitna at magkayakap silang humagulgol.
Naglakad ako patungo sa kanila, malalim ang mga hinga, nagpipigil.
"Ria." Yumuko ako sa tabi niya. "Okay ka lang?"
Napalitan ng alala ang galit ko nang muling pumikit ang kanyang mga mata.
"A-Ate," sambit ng isa sa mga bata. Ngumuso siya sa may tiyan ni Ria kaya't napatingin ako rito at saka lang napansin ang isang malaking kaliskis na nakabaon sa tiyan niya.
Hinawakan ko ito para sana'y tanggalin pero agad akong napahatak ng kamay nang sumabog ang init sa palad ko at napaso ako. Mahigpit na nakahawak sa umuusok kong palad, yumuko ako upang itago mula sa mga bata ang pamimilipit ng aking mukha.
"Cesia!"
Bago ko pa man malingon si Art, biglang lumiwanag ang magkapatid. Pumuti ang kanilang mga katawan, at kuminis ang ilang bahagi ng balat nila, hanggang sa magbago ito at naging kaliskis. Nagbago rin ang hugis ng kanilang mga mata—umunat ang mga ito, tumalim ang mga sulok, at numipis ang itim sa gitna, parang mga mata ng ahas.
"S-Sorry po..." sabi ng isa sa kanila. "Hindi kasalanan ng kapatid ko. Ginamit lang siya para..." Nanginig ang kanyang labi. "Para saktan 'yong kasama mo..."
Malumanay ko silang nginitian. "Kaya niyo bang tanggalin 'to?"
Nagmamadali silang lumapit at maingat na tinanggal ang malaking kaliskis mula kay Ria.
"Caisy, talikod ka nga," tugon ng batang babae sa kapatid niyang tumalikod, upang itumbad ang bahagi ng likuran nitong namumula-mula matapos tanggalan ng balat.
Agad akong umiwas ng tingin nang isiksik niya ang malaking kaliskis sa katawan nito.
"Thank you, Daisy."
Muli akong bumaling sa dalawa, at napag-alaman ang mga pangalan at kaibahan nila. Magkamukha sila, maliban sa kulay ng kanilang mga buhok at kinang ng kanilang mga kaliskis. 'Yong kay Caisy, kulay green, habang 'yong kay Daisy naman, blue.
"Hello!" Nakangiti si Art nang tabihan ako. "Cesia, may sugat ka?"
Umiling ako.
"Okie," aniya sabay hawak sa duguang tagiliran ni Ria.
"Ow!" Napaangat si Ria pero agad din siyang bumagsak sa kalsada. "A-Art!" Mahigpit siyang napahawak sa braso ko, at hinayaan ko lang siyang ikuyom ang palad niya sa sakit.
"Ano ka ba, Ria, dapat wala lang 'to sa'yo," sabi ni Art.
"Are you saying I'm not allowed to express pain?!" galit na sagot ni Ria.
"Pwede naman, pero huwag mo nga akong pagalitan! Nalulungkot ako, eh!" Ngumuso si Art. "Ako na nga 'tong tumutulong sa'yo, sige, sige, i-cau-cauterize ko 'to ng todo. Dadagdagan ko 'yong init—"
"Art," sambit ko.
"Joke!" bawi niya at patagong binelatan si Ria.
Binitawan na ako ni Ria at ipinatong ang kanyang braso sa mga mata niya. Bahagyang pumilig ang aking ulo nang mapansin ang isang luhang kumawala mula rito.
"I'm going to stab all your toys," saad ni Ria.
"Ria," sambit ko na naman.
"Kakalbuhin ko ang bawat isa sa kanila—agh!"
"Huh?" Kinisap-kisapan siya ni Art. "May sinabi ka?"
Namamagod ang aking mga mata nang tignan si Art. "Art."
"Hmp!"
Sa sandaling nakarinig kami ng sunod-sunod na putok, nakaangat na ang palad ko sa gawi ng dalawang lalaking nakatutok ang mga baril sa'min. Binalibag ko ang mga balang patungo sa'min, pati na rin ang hawak nilang mga armas, bago tumayo, namimigat ang buong katawan.
"Cesia," tawag ni Art nang lapitan ko ang dalawang lalaki.
Binalewala ko ang boses niya, at ang bawat sakit sa katawan ko—ang pangangalay ng mga binti ko, ang nasunog kong palad, at ang matinding pagpintig ng aking ulo, hanggang sa wala na akong marinig at madama.
"May asawa kang naghihintay sa'yo," mahina kong sabi sa isa sa kanila.
"A-Ano ngayon?" sagot niya.
Sumayad ang aking tingin sa preskong sugat sa harapan ng kanyang balikat. Muli ko siyang sinulyapan, at pagkatapos ay napatingin na naman dito.
Sa sandaling gumalaw siya, bumagsak ang aking tingin sa kaliwa niyang binti kung saan biglang lumitaw ang dugo. Napaiyak siya sa sakit at bumagsak hawak-hawak ito.
Kasunod kong tinignan ang kasama niyang napaatras.
Umikot siya at kakaripas na sana ng takbo nang sulyapan ko ang kanyang braso, at kusa itong nabali—dahil alam kong nangyari na ito sa kanya. Naranasan na niyang mabalian ng braso, at naranasan na rin niyang mabaril sa likuran. Kaya't nang tumingin ako rito, agad siyang natumba, dumudugo ang likod.
Inaantok na ako, nanghihina, dahil sa matinding pagod. Pero nagawa ko pa ring tignan 'yong lalaking binalewala ang paalala ko sa kanya na may asawa siya, at tinunton ang bawat sugat sa katawan niya—mga sugat na natamo niya simula pagkabata, at isa-isa ko itong inahon, mula sa ilalim ng kanyang katawan.
Pumikit ako upang burahin ang kanyang ingay mula sa pandinig ko, at sa muli kong pagdilat, tinignan ko ang kanyang kasama na gumapang paatras, palayo sa'kin.
Matagal-tagal ko siyang minasdan at ilang sandali pa'y, "Patayin mo siya."
Tinipid ko ang kapangyarihan ko sa pag-utos nito kaya't nagawa pa niyang sumagot.
"Maawa ka, m-may mga anak ako—"
Nilipad ko sa kanyang mukha ang baril niya.
"Patayin mo siya kung gusto mong makabalik sa mga anak mo," tugon ko.
Nanghihina siyang tumayo, nanginginig habang pinupulot ang baril. Itinuon niya ito sa kasama niyang malapit nang maubusan ng dugo dahil sa dami ng sugat sa katawan.
"Cesia!"
Naiinip kong tinitigan ang daliri niyang nakakabit lang sa gatilyo.
"Cesia!"
Ang tagal niyang gumalaw.
"Cesia!"
Bigla akong nanakawan ng hangin nang sumalpok ako sa isang puno.
"What are you doing?!"
Nanghahapdi ang mga baga, umubo-ubo ako bago salubungin ang hindi mapakaling mga mata ni Dio. Nakaipit ang aking lalamunan sa kanyang braso at diniinan niya ito, pinipigilan akong huminga.
"B-Bitawan mo'ko," nanghihina kong utos.
Umiling siya. "What the hell is happening to you?"
Pinihit ko ang aking kamay at tinanggal ang isang dagger mula sa pantalon ng isa sa mga kalaban. Naiinis ko itong inilipad sa direksyon namin.
Dumaan ang dagger sa harap ni Chase dahilan para mapalingon siya. "Dio!"
Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ang ginawa ko.
"Dio—" buga ko at malakas siyang tinulak.
Muling tumama ang aking likod sa puno nang ipako ako ng dagger dito. Suminghap ako at agad nabulunan sa dugong umangat sa aking lalamunan.
"Cesia!" Pinigilan akong matumba ni Kara. "Cesia!"
Napaluhod ako.
"Cesia!" tawag ni Art, tumatakbo.
Nilunok ko ang bumabarang dugo sa aking lalamunan at tinignan ang talim na nakabaon sa ibaba ng aking dibdib. Nahihilo't nasusuka, hinawakan ko ito at napabulwak ng dugo nang malakas ko itong hinatak mula sa katawan ko.
Lumuhod si Art sa harap ko. "Cesia—"
Tinapon ko ang dagger at sinubukang pigilan ang pag-agos ng sarili kong dugo, dahil nadudumihan nito ang mga kamay ni Art na ginagamot ang sugat ko.
Nasilawan ako sa biglaang pagliwanag ng kanyang mga palad, at saka ako napaiyak sa matinding sakit. "Agh—" Hiniga nila ako sa lupa.
"Huwag ka munang galaw," nag-aalalang tugon ni Art.
"Mmmp—" Pinigilan kong magpakawala ng isang nagdurusang sigaw sabay kapit sa braso niya, naiiyak, dahil pakiramdam ko kinakalmot ng matutuling kuko ang ilalim ng sugat ko, na parang may humuhukay nito.
"Can she sustain the whole night?" Narinig kong tanong ni Trev.
"Hindi ko alam," mahinang sagot ni Art.
Umawang ang aking bibig, sumisinghap sa sakit, at habang tumatagal, nagsimulang manginig ang aking hininga, dahil sa unti-unting paglamig ng aking katawan.
"The snakes say she will last a night," ani Kara.
Gumapang ang init palipot sa mga braso ko, na parang may mga katawang yumakap nito at mula rito, kumalat ang kaginhawaan sa aking buong katawan.
"That's all I need," sagot ni Trev.
Kusang pumiling ang aking ulo sa kanyang tinig.
"Cesia," mahina niyang sambit. "Don't fall asleep."
Naramdaman kong may umangat sa likod ko, kasunod ang aking mga binti. Nagtangka ring kumunot ang aking noo nang tumapat ang aking tenga sa malalakas na tibok ng puso.
"Hold tight, snakes." Dumagundong ang kanyang dibdib nang sabihin ito.
Humigpit ang pagkakapulupot ng mga ahas sa aking mga braso.
"And keep her awake."
"Pero inaantok ako..." pakiusap ko. "Trev, gusto kong matulog—"
"Shut up."
Nanghihina kong iminulat ang aking mga mata at namalayang nasa himpapawid na pala kami, dahil sa mga ulap na mas malapit, at parang abot-kamay ko na.
Kumirot ang aking lalamunan nang tuyuin ko ito. "S-Sorry—" malungkot kong sabi. "Hindi ko alam kung anong nangyari..."
Nagsimulang manggilid ang aking mga luha habang nakatingala ako sa kanya. Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi, pilit pinipigilan ang paghikbi, bago muling pumikit. Lalong bumigat ang pagod na bumabalot sa akin—pero katulad ng sinabi niya, hindi ako pwedeng matulog.
"Cesia."
"Mmm?" Ipinaalam ko sa kanya na gising pa rin ako.
"Lie to me if you have to... just tell me you're okay."
Hindi natuloy ang aking mahinang tawa dahil agad akong napangiwi sa matinding sakit, na parang piniga ang puso't mga baga ko.
At kahit hindi totoo, kahit alam kong kasinungalingan, binitiwan ko ang mga salitang alam kong gusto niyang marinig.
"Okay lang ako..." mahina kong sabi, halos pabulong, pero sapat lang para marinig niya.
Sapat lang para kahit saglit, mapanatag siya, at tumahan ang kabang naglalagablabsa dibdib niya.