Paraisla iii: Kalayaan

By yukiirisu

8.2K 309 354

๐“’๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #3.5 of Paraisla Trilogy. "Tanggal na ang mga gapos, bukas na ang mga mata. Handa n... More

- notice -
- 0 -
- 1 : K -
- 2 : A -
- 3 : L -
- 4 : A -
- 5 : Y -
- 6 : A -
- 7 : A -
- 8 : N -
- author's note -
- 2 : #Christmas Special -
- 3 : #Christmas Special -
- epilogue : #Christmas Special -

- 1 : #Christmas Special -

179 10 2
By yukiirisu







• ────── ✾ ────── •

K A L A Y A A N

{ Christmas special Pt. 1 }

• ────── ✾ ────── •



• ────── ✾ ────── •

l i a

• ────── ✾ ────── •



"Magpalit ka."

Sinamaan ko ng tingin ang aking ama. "'Tay naman eh. Ayos na 'to."

"Ay, hindi! Hindi kita papayagang ipaglantaran ang mga hita mo ng ganyan." Nakapameywang pa siya habang nakatingin sa shorts ko. Si Eris naman ay nasa tabi ko, pilit tinatago ang ngiti. Palibhasa, naka-leggings siya kaya hindi napansin ni ama. Pero ako... "Tsaka malamok ngayong gabi sa labas. Pa'no pag nangati ka? Pa'no na 'yung sasalihan mong pagandahan sa susunod na linggo?"

Kinuha ni Eris ang hawak na plato ng karne mula kay ama. "Mabuti pang dalhin ko na 'to kay Eugh."

Pinandilatan ko siya. Iiwan mo talaga ako dito?! Kumindat lang siya. Aba't—Traydor ka talaga, Eris! Tumango si ama. "Tama, para maihaw na ang mga 'yan."

"Opo, 'Tay." mabait na sagot ni Eris saka ako binelatan nang nasa pinto na siya.

Sumimangot ako. "Ngayon, magpapalit ka na ba?"

Hindi ako sumagot.

"Oh baka ayaw mong magpalit kasi may pinopormahan ka?" Agad naman akong napatingin. "Sino 'yan, ha?"

"Wala po ah! Gusto ko lang—"

At tila dininig ng mga diyos ang panalangin ko nang dumating si Ina sa pintuan. Tumakbo agad si ama sa kanya upang alalayan siya dahil hindi na siya nakakakita. "Ingat lang, Lianne."

Minsan, naiinggit na lang ako sa pagmamahalan nila eh. Kahit na ganyan na ang kalagayan ni Ina, hindi pa rin nagsasawa si ama sa kanya. Bagkus, lalo lang silang tumatag. At kung magharutan ang dalawang iyan, daig pa si Eris at Eugh.

"Lia, ba't andito ka pa?" tanong ni ina. "Nasa labas na yung kambal, at sina tita Eufy mo. Batiin mo na sila."

"Teka, kinakausap ko pa ang dalaga natin—" awat ni ama ngunit tinakpan na ni Ina ang kanyang bibig. Salamat, Ina. Ikaw na lang ata ang kakampi ko dito. Ngumiti ako sa kanya at tumango siya sa'kin.

At lumabas na ako.

Ang langit ay sing-itim ng tinta, at tila napakalapit ng buwan sa lupa. Suksok ang mga kamay ko sa bulsa ng aking shorts ay umapak ako sa porch, pababa ng munting hagdan ng bahay. Dinig ko na ang malakas na tugtog sa bakuran, pati na ang samu't-saring pag-uusap at tawanan. Ang buong kalye sa tapat ng mga bahay namin ay puno ng mga mesa at mahahabang bangko; sa gilid, ay mga ihawan at mga palaro. Sa bawat sanga ng puno ay mga makukulay na parol at munting ilaw, iba-iba ang kulay.

Ramdam ko ang bawat kabog ng speakers, sabay sa pulso ng aking puso.

At kay saya ko.

Dahil isang gabi sa buong taon, dumating na ang Araw ng Pasasalamat. Na ibig sabihin ay salu-salo at selebrasyon at handaan at kasiyahan.

Mula pagkabata ko'y ganito na ang tradisyon sa buong magkakapitbahay. Ang magsama-sama sa isang handaan sa kalye. Ang mga kalaro namin nina Eris noon ay nagdalaga at nagbinata na rin tulad namin, at lahat kami dito'y magkakakilala na.

"Kinis!"

"Ang ganda natin ngayon, ah?"

Sina Alric at Irwin. Mga kaibigan nina Eugh, kung di ako nagkakamali. Kaklase pa nga ata. Ah basta, ang alam ko lang ay may gusto sa'kin ang mga 'to.

Hinawi ko ang buhok at ngumiti nang malapad. "Ngayon lang? Baka araw-araw?"

Ngumisi si Alric. "Gusto mo bang umupo dun sa mesa namin?"

Tumango si Irwin. "Nandun sina Ysha." Kaklase ko. "Tara, sama ka na sa'min."

Bumuka ang bibig ko kasabay ng isang brasong umakbay sa'kin. Sinundan ko ng tingin ang pinagmulan nito at nakita si Yuan. Nakasuot siya ng denim na jacket at itim na shirt sa loob. Saka tastas na pantalon. Nakangiti ito ng malapad sa kanila, ngunit may talim sa mga mata. "Pasensya na, pero sa mesa namin siya uupo."

Huh?! Anong sinasabi nito

Hinigpitan niya ang kapit sa aking balikat. "Kita niyo kasi, binilin siya sa'kin ni Tito Earl. Kaya nakatali siya sa'kin buong gabi." Nilapit niya ang mukha sa'kin. "Hindi ba, Lia?"

"Wala nam—Mmhh!" Aba't! Tinakpan pa ang bibig ko!

"Sige, una na kami!" masayang sabi ni Yuan sa kanila at saka ako kinaladkad palayo sa dalawang lalaki. Nang makalayo kami'y binitawan niya ako.

"Ano bang pinagsasabi mo kanina, ha?" tanong ko. "Hindi naman ako binilin sa'yo ni ama ah? Tsaka ako ang pipili ng mesa ko."

Siningkitan niya lang ako ng mata. Mukha pa nga siyang iritado sa'kin, sa totoo. Pero inalis niya lang ang jacket niyang denim at biglang tinapon sa tyan ko. Buti na lang nasalo ko. "Pinagtitinginan ka nilang lahat sa ikli ng suot mo. Takpan mo nga iyang sarili mo."

Binato ko sa kanya pabalik ang jacket niya. "Susuotin ko ang gusto ko!"

Nagpatiuna ako ngunit hinila niya pabalik ang braso ko.

"Ano ba!" sigaw ko.

"Hindi ka talaga makikinig no?" Lumapit siya sa'kin at napalunok ako. Ngayon ko lang kasi napansin—hapit sa katawan ang shirt niya, at kita ang hubog ng kanyang katawan dito. Kung may nangangailangan ng jacket, siya yun. "Pag hindi ka nagpalit ng pang-baba mo ngayon, ipapakita ko sa lahat yung nakakahiya mong litrato."

Nanlaki ang aking mga mata.

"H-Haha! Anong litrato? Wala naman ah?" kabado kong tawa.

Pero ginantihan niya lang ako ng mapaglarong ngisi. "Wag mo kong subukan."

"OO NA!" taas ko ng kamay sa pagsuko. Tumalikod ako upang bumalik sa bahay. "Nakakainis ka talaga!" sigaw ko sa kanya.

"Alam ko." ngisi niya lang.

At nayayamot akong umakyat sa porch at dinabog ang screen door.




• ────── ✾ ────── •

y u a n

• ────── ✾ ────── •


Hinintay ko siya sa hagdanan ng porch. Ang babaeng 'yun talaga—hindi alam kung gaano siya kaganda. Kapag may nangyaring masama sa kanya, baka ako pa ang magpagalit sa kanya eh. Buti nga at kinukuhaan ko siya ng litrato palagi. Bukod sa personal kong koleksyon, ginagamit ko din iyon bilang panakot pag masyadong matigas ang ulo niya.

Ngumiti ako sa sarili. Kung masho-short man siya, gusto ko ako lang ang makakakita. Bumukas ang screendoor. Napatayo ako sa pagkakaupo sa hadgdan at bumungad sa'kin ang simangot ni Lia.

"Tara na," kalmado kong sabi.

Pero inunahan niya lang ako pagkatapos akong irapan. Napailing na lang ako na natatawa at sinundan siya.

Minsan, napapaisip ako. Magkaiba sila ng kambal niyang si Eris. Si Eris kasi ang mahinhin at masunurin, kahit na minsan pilya din. Pero si Lia? Nasa ibang lebel na siya. Nagpapasalamat na lang nga sa'kin si Tito Earl dahil ako lang ang nakakapagpasunod sa pasaway nilang anak.

Mantakin mong sa paglaki namin, hindi siya natututong isara ang kurtina kada pagkatapos maligo. Lagi ko tuloy siyang nakikitang naka-twalya. Inaasahan siguro niyang tulad ako ni Eugh na kapag nakita siyang ganun ay lilingon agad palayo.

Hindi.

Hindi ako lumilingon palayo.

Tinititigan ko siya hanggang mamula ang buong mukha niya at sumigaw at saka hawiin pasara ang kurtina. Babatukan na lang ako ng kwaderno ni Eugh. "Yuan naman, bakit ganun ka kay Lia?"

"Para alam niya ang kahihiyan at magtanda siya na wag nang ulitin ang pagkakamaling iyon."

Pero hindi talaga natututo ang babaeng iyon.

Kaya bilang ang tanging binata na nakakita na ng karamihan sa katawan niya ng lantaran, tila ayokong may makakitang iba. Madalas akong makaranas ng ganitong pakiramdam—iyon bang tila gusto kong akin lang siya.

Sa'kin lang.

Ang buo niyang atensyon.

Ang ngiti niya.

Ang tingin at simangot niya.

Kahit ang masasakit na salita'y masarap sa aking tenga.

Habang naglalakad kami'y pinalibot ko sa kanya ang jacket ko upang hindi siya malamigan. Tiningnan niya lang ako ngunit hindi na nagreklamo.

"Kanina ko pa kayo hinihintay!" pagod na reklamo ni Eugh, hawak ang pamaypay.

Natawa ako sa kambal ko. Napag-utusan kasi siya ni ama sa ihawan. Kasama niya si Eris na nagtutusok ng mga kamatis at sibuyas sa patpat kasama ng karne. "Saan ba kayo nanggaling ah? Dapat kaya tumutulong kayo dito."

"May paslit lang akong sinaway," sagot ko.

Tinampal naman ni Lia ang tyan ko sa inis. "Anong paslit ka dyan?"

"Oy, Yuan! Ikaw naman mag-ihaw diyan. Pagod na yung kapatid mo." sabi ni Ama na paparating sa gawi namin, dala ang mga plato. Dala naman ni Ina ang mga kubyertos.

"Tita, tito." Nagmano at nagbeso ang kambal na babae sa mga magulang namin.

Pinasa ni Eugh sa'kin ang pamaypay. "Oh 'yan, ikaw na."

"Tss." Sinundan ko siya ng tingin. Parehong pareho sila ni Eris eh, masunurin. Tinutulungan niya na sina ama na mag-ayos ng mesa. Marami din kasing ulam na hinanda bukod sa inihaw. At himala, si Lia ay tumulong na din doon.

Kaya naiwan kami ni Eris na magkasama.

"Hoy, Yuan."

Tiningnan ko siya habang nagpapaypay. "Bakit?"

"Kailan ka ba aamin sa kambal ko ah?"

Natawa ako. "Anong aaminin ko dun?"

"Sus. Akala mo ba hindi ko alam, ha? Halata ka naman eh."

Umiling ako. "Wala akong gusto sa babaeng iyon. Sakit siya sa ulo kaya lagi ko siyang binabantayan."

"Iyon nga lang ba," bulong ni Eris, nakangiti sa sarili. Nilapag niya ang karne sa ihawan at nilakasan ko ang pagpaypay.

"Kung may magkakatuluyan sa ating magkakambal," sabi ko. "Kayo ni Eugh iyon."

Umiling siya. "Magkaibigan lang talaga kami 'no."

"Kapatid lang ang turing ko kay Lia," blanko kong sabi. Nakatitig na lang ako sa mga baga na lumiliwanag. Pula-kahel. Tila wala ako sa sarili. "Malabo kaming dalawa."

Ngumisi na lang si Eris at hindi na nagsalita.




• ────── ✾ ────── •

e u g h

• ────── ✾ ────── •


Nagsimula na ang kainan.

"Maligayang araw ng Pasasalamat!" bati ng lahat sa isa't-isa at nagtaas ng mga baso.

Katabi ko si Eris at pinaghalik namin ang aming inumin. "Maligayang araw ng Pasasalamat."

"Sa'yo din," ngiti niya at uminom.

Sa ilang segundo, pinagmasdan ko lang siya. Nakapusod ang buhok niya at suot niya'y simpleng puting shirt at maong. Ang kwintas na suot niya sa leeg ay galing sa kanyang ina, at kahit araw-araw ko itong nakikita—hindi ko pa rin maalis na lalo siyang gumaganda kapag suot ito.

"Oh eto," sabi niya sabay lagay ng patatas sa plato ko. "Diba gusto mo 'to? Tsaka ito pa pala." Naglagay siya ng maraming sawsawan ng manok sa plato ko. Saka ngumiti ng matamis na tila nasisiyahang kabisado niya ang mga gusto ko.

Tinitigan ko lang talaga siya.

Habang ginagawa niya ang mga maliliit na bagay bilang tipikal na Eris.

Hindi ko kasi maintindihan, kung bakit tila ako lang ang nakakakita ng ganda niya. Simple lang siya, at madalas na nagsasalamin. Hindi kasi sila magkamukha ni Lia, di tulad namin ni Yuan, kaya agad mong makikilala si Eris. Kung lumaki si Yuan at Lia na aso't pusa, kami ni Eris ay lumaki na malapit.

Hindi nga daw kami mapaglayo noon.

Lalo na pag nag-aaral kami ng magkasama sa bahay nila. Makakatulugan namin ang mga aralin sa mesa at nagtutulungan sa mga proyekto. Sabi pa nga ni ama, baka balang araw, ang uwian ko ng bahay ay kina Eris dahil sa dalas na naroon ako.

Nang matapos akong kumain ay dinala ko ang mga platong tapos na sa kusina.

Sinimulan kong hugasan ang isa nang marinig ko ang pinto sa aking gilid. "Tapos ka na rin?" tanong ko kay Eris. Dala niya rin ang ilang platong pinulot niya.

"Ako na dito," sabi niya. "Diba tutugtog pa kayo ni Yuan? Maghanda ka na sa labas. Nakay-tita Eufy na 'yung gitara mo."

Saglit akong tumahimik nang agawin niya ang sponge. Kasama ng ngiti, hinugasan niya ang mga plato.

"...Gusto ko, nandun ka."

Napatingin siya sa'kin at natigilan. Saka, mahinang natawa. "Maririnig ko pa rin naman ang boses mo kahit narito ak—"

"Ayoko," mabilis kong bulong. "Hindi ako tutugtog dun pag wala ka."

Tumtitig siya sa'kin na tila isa akong misteryosong nilalang. Saka nagbuntong-hininga. At tulad ng napakaraming beses na akala niya'y wala siyang epekto sa'kin, nilagay niya ang kamay niya sa tuktok ng aking ulo. Hinaplos-haplos niya ang buhok ko habang nakatayo sa mga daliri ng kanyang paa. Napayuko ako upang maabot niya ako sa aking katangkaran. At sa dibdib ko, ang puso ko'y mabilis.

"Ano ka ba," ngiti ni Eris. "Kinakabahan ka no?"

Oo, gusto kong sabihin. Kinakabahan ako ngayon.

"Ikaw talaga, Eugh. Kaya mo 'yan! Makikinig lang ako dito habang naghuhugas ng plato. Tsaka bibilisan ko na lang para makaabot ako at mapanood kita." Nilipat niya ang kamay sa tenga ko at pumisil. "Wag ka nang sumimangot dyan."

Ngunit sumimangot pa rin ako.

"Sige ganito na lang. Ulitin mo na lang ang pagtatanghal mo sa'kin mamaya na tayo lang dalawa."

Lumiwanag ang mga mata ko. "Tayong dalawa?"

"Oo, kasi hindi ko mapapanood ng personal kaya ulitin mo na lang sa'kin mamaya." Hindi na mapigil ang ngiti ko. "Ano, ayos na ba 'yon?"

Tumango-tango ako ng mabilis at masaya, kaya natawa si Eris. Tinulak niya ang braso ko. "Sige na! Alis na. Hinihintay ka na sa labas."




• ────── ✾ ────── •

l i a

• ────── ✾ ────── •


Tumingin kaming lahat sa mga relos, binibilang ang mga nalalabing minuto bago ang hatinggabi. Sa loob ko'y sobrang pagkasabik, tila kumukulong tubig na sisingaw na. Katabi ko sa hardin si Eris at katabi niya ang kambal na lalaki.

"Sampu! Siyam!"

Nakatingin na kami sa langit.

"Walo! Pito!"

Hinawakan ni Eris ang aking kamay at pumisil.

"Anim!"

Kinagat ko ang aking labi.

"Lima!"

"Ayan na, ayan na." bulong ni Eugh.

"Apat!"

Sinindihan na ang mga posporo.

"Tatlo."

"Dalawa."

"Isa."

At nagpalakpakan ang lahat kasabay ng paglitaw ng mga makukulay na paputok sa itim na langit. Lumiwanag ang aming buong paligid—ginto, pula, berde. Sa buong hardin, nagbatian muli ang mga tao, nagyakapan at ang iba'y tumatalon sa saya.

"Maligayang Araw ng Pasasalamat!" yakap ko sa aking kakambal, haplos ang kanyang buhok. "Nagpapasalamat akong nagkaroon ako ng kambal na tulad mo, Eris."

"Ako din, Lia! Mahal kita, kambal." Saka kami nagtawanan.

Nang kumalas kami ay sinalubong ako ng mga regalo ni Eugh. Dalawang malaking kahon na magaganda ang balot, kasama ng gwapong ngiti. "Pasensya na, 'yan lang nakayanan ko."

Pinalo ko si Eugh. "Anong 'iyan lang'? Nag-abala ka pa!" Pero walang hiya-hiya kong pinunit ang balot saka nanlaki ang mga mata. "EUGH!!!!" Niyakap ko siya sa sobrang saya. "Salamat! Salamat! Hindi mo alam kung gaano ako kasaya!"

"Aray ko, Lia. Mahigpit—"

Kumalas ako at hinalikan ang bagong palette ko ng kolorete sa mukha. Si Lia naman ay ingat na ingat ang pagtanggal ng balot, saka ko nakita ang regalo ni Eugh sa kanya. Tatlong libro na makinis ang mga pahina. Mukhang bago.

"Ito ang..." bulong ni Eris, at napatingin kay Eugh.

Ngumiti ito. "Nahanap ko sa Hana. Sana... nagustuhan mo."

"Teka," awat ko. "Hindi ba 'yan yung kine-kwento mo sa'kin, Eris? Iyan ba yung magandang nobela na sinasabi mo?" Ang kwento pa nga niya sa'kin ay wala nang kopyang natira nito sa Vena dahil sa sobrang ganda kaya iniyakan niya nung hindi siya nakakuha.

"Oo ito nga." Sa tingin ko'y pinipigil lang ni Eris ang luha. "Salamat, Eugh!" At ayon, niyakap ng kakambal ko ang anghel na binata. Namula naman ang mukha ng lalaki at tinaasan ko siya ng kilay. Isa talagang torpe 'to!

"Sandali lang, kukunin ko lang 'yung mga regalo namin sa inyo!" Tumakbo si Eris sa bahay at nang makabalik siya, may apat nang paper bag sa kanyang kamay. Inabot niya ang dalawa kay Eugh, at dalawa din kay Yuan.

"Wah! Seryoso ka, Lia?" tuwang sabi ni Eugh nang makita ang regalo kong sneakers.

Nagkrus lang ako ng mga braso sa dibdib. "Ang panget na kasi ng sapatos mo kaya ayan. Binilhan na kita ng bago. Tsaka para tumaas naman ang tiwala mo sa sarili at makapanligaw ka na."

Pinandilatan lang ako ni Eugh ng mga mata at natawa ako. At nang makita ni Eugh ang regalo ni Eris sa kanya, namula nanaman ang mukha. At pareho kami ni Yuan na tumawa ng malakas.

"B-Bakit ito?" tanong ni Eugh.

Nagkamot ng batok si Eris. "Eh kasi sabi ni Lia sa'kin, may balak ka raw ligawan kaso hindi mo magawa. Kaya 'yan yung binili ko."

Paano ba naman? Dalawang libro kung paano manligaw at tungkol sa pag-ibig ang niregalo ni Eris. Hawak na ni Yuan ang tyan niya at ako naman ay nagpupunas ng luha. "Magagamit talaga 'yan ng kambal ko. Salamat, Eris." sabi ni Yuan.

"Oh, ikaw?" masungit kong sabi kay Yuan na kanina pa walang nilalabas. "Wala ka bang regalo?"

Ngumisi lang si Yuan sa'kin saka naglabas ng isang maliit na kahon sa likod ng pantalon niya. Pinagmamalaki niya itong binigay kay Eris. "Dahil isa kang mabait na kaibigan, ayan ang regalo ko."

Hinintay kong maglabas pa siya ng isa. Pero wala.

"Eh ako?" mataray kong sigaw. "Asan 'yung akin?"

Tiningnan lang niya ako na parang langaw. "Suplada ka kaya, ba't kita bibigyan?"

"Hindi ako naniniwala!" sabi ko saka kinapa ang pwetan ng kanyang pantalon.

"HOY!" awat ni Yuan.

Pero kinapa ko na ang pantalon at bulsa niya, at wala akong naramdamang kahit ano. Wala talagang laman. Hinawakan ni Yuan ang pala-pulsuan ko at mahina akong inilayo sa kanya. "Ikaw talaga, pati ako hinihipuan mo na?"

"A-Anong—" utal ko. Pero masyado akong nalungkot na wala siyang regalo sa'kin. "Wala ka ba talagang regalo sa'kin?" Namumuo ang tampo sa dibdib ko.

"Wala nga." diin niya. "Kinulang ako ng pambili kaya namili ako sa inyo ni Eris kung sino ang bibigyan ko. Kaya siya ang pinili ko."

Tiningnan ko ang regalo ko sa kanya na hawak hawak niya at di pa binubuksan. Saka nakaramdam ng matinding kirot. Pagkatapos kong...

Pagkatapos kong magpakahirap na pumili ng regalo para sa kanya...

Ang gaganda pa naman ng mga briefs na pinili ko!!!

"Ayos lang," nagtaas ako ng noo. "Hindi ko kailangan ng regalo mo!"

"Mabuti," usal niya saka tumalikod at umalis.

"Sa'n pupunta 'yun?" tanong ni Eris.

"Hayaan mo siya!" inis kong sabi.




• ────── ✾ ────── •

y u a n

• ────── ✾ ────── •


Pumunta ako sa likod ng bahay at sumandal sa pader. Nilabas ko ang hiningang kanina ko pa pinipigilan. At sa loob ng denim kong jacket, kinuha ko ang isang kwintas. Tinaas ko ito sa ere at kuminang ang maliit na bilog na brilyante.

"Matagal mong pinag-ipunan at hindi mo maibigay." Napahawak ako sa aking noo. "Ibang klase ka talaga, Yuan."

Ngunit paano ko naman mabibigay 'to sa kanya?

Ano nang mangyayari kapag ginawa ko iyon?

Ano nang mangyayari sa mga linyang tatawirin ko? Makakabalik pa ba ako?

Dahil pag umamin na ako, alam kong wala nang balikan 'to.




• ────── ✾ ────── •

e r i s

• ────── ✾ ────── •


Tumungo kami ni Eugh sa baybayin; bitbit niya ang gitara at bitbit ko ang isang panlatag sa damo. Pinili namin ang paborito naming pwesto—iyong slope na damuhang nakatanaw sa mga tulay na kumikinang sa gabi. Rinig namin ang mga tren sa kalayuan na mabilis ang pagdaan.

Lagpas hatinggabi na ngunit masyado pang maraming liligpitin sina Ina kaya pinabayaan na nila kaming gawin ang aming gusto. Isa pa'y tiwala naman sila sa kambal nina Tito Yohan. Umupo na kami ni Eugh. "Alam mo, hindi ko talaga maintindihan 'yung dalawa. Diba sabi mo, may regalo si Yuan sa kapatid ko?"

"Oo, meron. Di ko lang alam bakit bigla niyang hindi binigay."

Ngumiti ako. "Pero, ngayon, sige na. Tugtog ka na ulit para makita ko ng personal ang kanta mo." Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagmamalaki—sinulat kasi naming dalawa ang kanta. Siya sa linya, ako sa melodiya.

Ngumiti siya na tila kinakabahan, saka ipinwesto ang gitara. Tumugtog siya.


"Naritong muli, hinahanap ang iyong ngiti

sa gitna ng maraming tao

Minsan, hindi ko mawari kung bakit nawawala ako

pag wala ka rito."


Ngumiti ako nang sumulyap siya sa'kin. Kayganda ng boses niya.

Minsan, iniisip kong mas maganda pa ang boses niya kay Yuan.


"Dahil ba sa lamig?"


Humangin at niyakap ko ang sarili.


"O dahil ba hawak mo ang kamay ko

kaya may kaba sa loob ko?"


Umiling siya at ngumiti nang nahihiya.


"Matagal na nang makita kita

ngunit tila ba iba na."


Lumunok ako, dahil tila nag-iba ang hangin sa pagitan namin. May kakaibang emosyon sa mga mata ni Eugh na ngayon ko lang natitigang mabuti. Pumintig sa kaba ang aking puso. Hindi ko maintindihan.


"Hindi ko masabi

Hindi ko masabi

Hindi ko masabi sa'yo.

Tinatago

Tinatago ko

Ang totoo."


Napilitan akong ilayo ang aking tingin sa tindi ng kanyang pagtitig.


"Tingnan mo ako.

Tingnan mo ako.

At malalaman mo."


Hindi. Hindi ako makatingin.


"Malalaman mo"


At ang alam ko'y may kasunod iyon. Alam ko ang kasunod na linya nun. Pero...

Tumigil si Eugh sa pagtugtog at...


Na ikaw ang lahat ko.




Nanlaki ang mga mata ko.

Hawak ni Eugh ang pisngi ko, at nakapikit siya–

At—Siya ay—

Agad ko siyang tinulak. Naghiwalay ang mga labi namin. Mukha siyang nagulat at natakot sa ginawa niya. "Eris—"

Sinubukan niya akong abutin ngunit nagmamadali na akong tumayo, nagmamadali na akong tumakbo, para lang makalayo sa kanya. Malayo, malayo, upang matakasan ko ang nangyari.

Hangal, bakit ba ngayon ko lang napagtanto? Matagal na niya akong gusto.

Umiyak ako.

At tumakbo. Dahil iyon lang ang alam kong gawin sa ngayon.


• ────── ✾ ────── •




Continue Reading

You'll Also Like

21.6K 1.2K 44
๐“’๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #3 of Paraisla Trilogy - Ako'y gintong paruparo, naging itim. Humalik kay Kamatayan, hinagkan ang dilim. - Nang maging opi...
9.8K 192 6
Narration ng mga naganap na Meet-Up/Booksigning ni AkoSiIbarra(author ng Project Loki. Moriartea. QED U and more.) Isusulat ko to dito sa Wattpad dah...
401K 1K 16
Fullfil your sexual imagination with these different stories that'll make your feel good.
34.9K 1.8K 22
Mighty Jocks Series Book # 01