Tatlong Gabi sa San Isidro

By migotorres

1.4M 21.8K 2.9K

This is NOT your typical lost and found story; happy endings are not for everyone. More

Tatlong Gabi Sa San Isidro
Ligaw
Tulay
Bulong
Kaibigan
San Isidro
Kubo
Dilim
Anino
Bangungot
Halik
Takot
Takip-Silim
Panganib
Linlang
Kutob
Sugal
Lihim
Babala
Himala
Sakripisyo
Hiram
Bingit
Unos
Pangako
Alay
Liwanag
Pag-asa
Panalangin
Bahid
Pagsubok
Alinlangan
Ikot
Patalim
Kasagutan
Libingan
Agos
Bihag
Paalam
Umaga
Salamat!
Author's Note
Pt. 2

Tapang

44.1K 661 132
By migotorres

Kasabay bumagsak ng pintuan ang kakarampot kong lakas ng loob.

Ito na ba ang katapusan namin?

"Manatili kayo sa inyong kinalalagyan. Kung nais niyo'y pumikit kayo't magtakip ng mga tenga. Hindi sila makakapasok, hindi sa bahay namin," matapang na wika ni Leandro habang akap ang kanyang asawa at nakahalik sa noo nito.

Maliwanag ang sinabi ng lalaki at wala ring bakas ng pag-aalinglangan. Napansin kong sumunod agad ang aking mga kasama, may pagnanais man akong lumingon sa likod ay hindi rin naman gumagalaw ayon sa kagustuhan ko ang aking katawan. Iba ang pakiramdam, hindi ko maihalintulad sa kahit na ano.

Hindi ko alam kung ano ang nasa labas, pero batid kong panganib ang dala nito. Napakalabo ng isip ko at nakakarindi ang pintig ng aking puso. Hindi ko man lamang nga mawari ang kalagayan ng bawat isa sa'king mga kasama.

Alam kong may paparating, ngunit 'di ko alam kung papaano ito haharapin. Kaya't sa huli'y pumikit na lamang ako, tulad ng bilin ni Leandro.

Samantala, batid kong patuloy na may bumabangga sa magkabilang dingding ng bahay. Mahina ma'y labis pa rin itong nakakabahala; kubo lang naman kasi ang aming tinutuluyan. Kung ibabangga ng bagay na iyon ang kanyang katawan nang paulit-ulit ay 'di malayong bibigay rin ang manipis na ding-ding na tanging namamagitan sa'min at sa kanila.

Hanggang kailan ba ito magtatagal? Tama nga ba na manatili kami sa loob ng barung-barong? Ganito lang ba namin haharapin ang aming katapusan? Paano ang mga bata? Kailangan kong makaisip ng paraan upang mapanatili silang ligtas.

Ito kaya ang dahilan kaya tila wala na sa katwiran si Joaqin?

Nagpatuloy ang nakakapanindig-balahibong tagpo... tatlo... limang minuto... higit pa.

Wala akong nagawa, hanggang sa kusang tumigil ang ingay mula sa'king likuran. Gayunman, kumbinisido akong may nakatayo pa ring kung ano mang nilalang sa dating kinalalagyan ng kawayang pinto. Hindi ko alam kung bakit parang siguradong-sigurado ako pero animo'y may nakatingin sa'min, parang maraming mata ang nakatingin sa'ming grupo.

May nagdarasal, may umiiyak, halu-halong emosyon ang naririnig ko mula sa'king mga kasamang hindi ko man lamang matulungan at mapangunahan. Maski sulyapan. Gusto ko mang may gawin, hindi ko naman alam kung ano ang makabubuti para sa'min.

Pinilit kong kumalma. Wala man akong naiintindihan sa mga pangyayari dito sa San Isidro, hindi pa rin ako papayag na ganito lamang ang kahahantungan ng aming grupo.

Sandali pa'y minulat ko ang aking mga mata, agad kong sinuyod ang bahay para maghanap ng ano mang bagay na maaari kong gamiting pananggalang o sandata. Sa isang sulok ng kusina, nakita ko ang isang luma pero mukhang matalas na bolo. Siguro'y pangsibak ng kahoy. Subalit, bago pa man ako makatayo, narinig ko si Leandro.

"Marco, magtiwala ka, ligtas kayo rito. Hindi sila makakapasok."

Matalim ang tinig ng lalaki. Parang ilang beses na niyang pinagdaanan ang mga gabing tulad nito, kahit pa sa asawa niya'y bakas pa rin ang pangamba.

Ang dami kong gustong itanong kay Leandro, pero 'di ko alam kung darating pa ba ang pagkakataon para rito. Gayunman, sa pagkakataong ito ay mas pinili kong magpaubaya.

Sa isang pambihirang pagkakataon, nanawagan ako sa Diyos.

"Tumigil na," bulong ni Sarah.

Sa totoo lang, 'di ko alam kung gaano kami katagal na nasa nakapangingilabot na tagpong iyon. Nang magsalita ang kasama kong babae ay dun ko lamang napansin ang katahimikan na muling pumapaloob sa kubo. Kaya pala agad ko ring narinig ang malumanay niyang tinig.

"Wala na sila," dagdag ni Luke.

Noong marinig ko sila'y doon lang ako nagkaroon ng tibay ng loob na imulat muli ang aking mga mata.

"Nandyan lang sila, nagmamasid. Pero, hindi sila makakapasok. Ang mahalaga ay walang lalabas sapagkat mahaba pa ang gabi. Babalik ang mga anino," paalala ni Leandro.

"Ayoko na, please," ani Kate na umiiyak gaya ni Alice.

Samantala, saglit kaming nagkatinginan ni Lemuel. Umiling siya, ngunit hindi ko alam kung para saan. Tila nangingilid na ang luha ng kapatid kong lalaki. Mula noong siya'y magbinata, ngayon ko lang muli siya nakitang pinanghinaan ng loob.

Strikto ang pagpapalaki sa amin ni itay. Bata pa lang kami ay pinilit na niyang maging buo ang loob namin, lalo na kaming mga lalaki.

Hinubog niya kami upang maging sandigan ng aming pamilya sa gitna ng anumang pagsubok sa buhay. Subalit hindi sa ganito, hindi sa ganitong pangyayari.

Nang umiwas ako ng tingin kay Lemuel, nabaling ang atensyon ko kay Luke na nagkataong nakatingin din pala sa'kin. Sa wari ko, para bang may nais siyang iparating.

"Hindi 'to puwede, imposible. Bakit naman ako malalagay sa ganitong sitwasyon? Ano bang nagawa ko? Ano bang ginawa niyo? Bakit tayo nandito?" mapanghamon ang tanong ni Eloisa.

Kahit pa malakas ang kanyang pananampalataya, mukhang nasagad na rin ang dalaga. Sino nga namang hindi, matapos ang ganitong karanasan?

At mahaba pa ang gabi.

"Umalis na tayo, hindi tatagal itong kubo! Tignan niyo yung pinto, halos pareho lang ang materyal niyan sa dingding. Kung babalik pa sila, hindi malabong mapapasok na nila tayo," mungkahi ng nangangatog na si Gio.

Napatingin din siya kay Kate na kasalukuyang nakayakap kay Lemuel; sumimangot subalit wala rin namang ginawa. Ayokong madagdagan pa ang gulo, pero 'di ko naman maaaring utusan si Kate sa pagkakataong ito.

"Yung mga sinabit mong palamuti, yan ba yung tinatawag nilang agimat? Paano mo nalaman na maililigtas tayo niyan?" pag-uusisa ni Sarah.

"Bahala ka na kung ano ang gusto mong itawag sa mga yan. Basta, ang alam ko, ligtas dito sa loob kaysa sa labas," matapos pakalmahin ang asawa ay tumayo si Leandro at sumilip sa bintana.

"Walang saysay kung itatanong ko sa'yo kung bakit kami nandito. Pero, kayo ng asawa mo, bakit? Anong alam mo tungkol sa San Isidro?" hindi natinag si Sarah, nananatiling makabuluhan at mapangahas ang mga katanungan niya.

Kahit pa nakikita kong nanginginig ang mga kamay niyang nakalapat sa kanyang kanlungan, nanatiling nakatuon ang atensyon ni Sarah sa bawat pagkilos ng lalaking nagmamay-ari nitong kubo.

Imbis na sumagot, mas inuna ni Leandro na sindihan muli ang mga gasera. Kasunod nito, siya'y naupo sa papag kaharap ang aming grupo.

"Nagdududa ka ba, binibini?"

"Leandro, gusto naming magtiwala. Kaso, sa mga nangyari sa'min ngayon, mahirap kung basta na lamang namin tatanggapin ang lahat ng sinasabi at iniaalok mo. Walang masamang intensyon ang kasama ko, labis nga ang pasasalamat namin sa pagpapatuloy mo sa'min sa iyong tahanan," hindi ko na naiwasang saluhin si Sarah. Lalo na't makatwiran naman ang kanyang mga katanungan.

"Kung 'di mo mamasamain, ang katanungan ni Sarah ay siya ring nais kong itanong sa'yo kanina pa. At gusto ko ring malaman ang sitwasyon para makatulong ako sa kahit na anumang paraan."

"Sarah? Yun pala ang pangalan niya. Iba kayong dalawa sa mga kasama niyo, Marco," hindi ko batid kung ano ang nais niyang ipahiwatig. Bahagya rin siyang napangiti sa direksyon namin ni Sarah.

Hindi ko talaga mabasa ang takbo ng pag-iisip ni Leandro. Yun siguro ang dahilan kaya may bahid ng takot na hatid ang kanyang presensya.

"Anong ibig mong sabihin?" malumanay na wika ni Sarah.

"Matapang... o siguro'y nagtatapang-tapangan," muling tumayo ang lalaki at sa pagkakataong ito'y sumenyas sa'kin.

Nagtungo siya sa pinto na bumagsak sa kalagitnaan ng kaguluhan kanina. Samantala, minabuti kong tumayo at sumunod sa kanya.

"Si Joaquin, ilang beses kasi itong binalabag ng lalaking iyon," bulong sa'kin ni Leandro. Kasunod nito'y kumuha siya ng mga kagamitan. Ginawa ko ang tungkulin ko bilang taga-alalay hanggang sa maya-maya pa'y lumapit sa'min si Luke upang tumulong.

Samantala, habang nag-aayos kami ay ipinagpatuloy naman ni Carla ang kanyang naudlot na pagluluto. Hindi ko alam kung ano ang kanyang inihahanda, pero, 'di ko na rin maitatanggi ang gutom na aking nararamdaman. Hindi na mahalaga sa'kin ang ulam basta't mayroong kanin, lalantakan ko ang kahit anong ihahain nitong mag-asawa.

"Yung pagkain natin, puwede ba natin itong kunin, kuya?" mungkahi ni Alice na ngayon ay mukhang mas kalmado na.

Napatingin ako kay Leandro na siya namang tumango. Gayunman, minabuti naming ayusin muna ang nasirang pinto. Hindi naman naging mahirap ito dahil pareho kaming may alam sa pagka-karpentero. Kasunod nang pagkukumpuni, lumabas kami para kunin ang ilan sa'ming mga nalalabing pagkain.

Mabuti at naisipan naming igarahe ng mas malapit sa bahay ang van. Maigi rin na hindi ito pinakialaman ng mga nilalang na kumakalampag sa kubo kanina. May kaunting gasgas, ngunit walang anumang dapat na ikabahala.

Napakakritikal ng sasakyan na ito para kami ay makaalis.

Naging mabilis at maingat ang aming pagkilos. Tanging ang mahahalagang kagamitan at pagkain lamang ang aming kinuha. Sinamahan kami ni Leandro at nagsilbing taga-pagmasid.

Tangan niya ang isang gasera habang kami ni Andrew at Luke ang kumuha ng mga gamit sa van. Bitbit namin ang isang flashlight na nasa dulong bahagi ng lighter ko, mumurahin man ay mapapakinabangan din naman pala ito.

Nagawa namin nang maayos ang lahat ng dapat gawin, walang ano mang pahiwatig na ang mga nilalang kanina'y naroon pa rin sa labas. Ngunit aaminin ko, nangingibabaw pa rin ang takot sa'kin hanggang ngayon.

Ang ilang hakbang ko nga lang palabas ng kubo ay parang napakalaking pagsubok na. Wala pa rin kasing nabibigyang linaw sa mga mahalagang katanungan namin ukol sa San Isidro.

Iminungkahi ni Leandro na mas makabubuti kung bukas na niya sasagutin ang lahat ng aming mga katanungan. Iginiit niya rin na maaaring bumalik ang mga tinatawag niyang 'anino' kaya't dapat daw kaming manatiling alisto, kahit pa iginiit niyang ligtas kami sa kanyang tahanan.

Lumipas ang ilang oras at sa kabutihang palad, wala namang anino o kung ano man na gumambala sa barung-narong. Nagawa pa ngang makapagpahinga ng karamihan sa'min. Sa katunayan, bukod sa'kin, Andrew, at Leandro, lahat sila'y mahimbing na ang tulog sa mga oras na ito. Ala-una na rin kasi ng madaling araw.

Si Leandro ay nakahiga sa papag katabi ang kanyang asawa, pero, mayat-maya'y tumatayo ito at sumisilip bintana. Kami naman ni Andrew ay nakaupo malapit sa pintuan, nagkakape at kumakain ng biskwit.

Kailangan kasi na may magbantay. Isa pa, hindi rin naman talaga ako makakatulog sa ganitong sitwasyon.

"Kuya, gagawin ko ang lahat makaalis lang si Alice rito. Kaya mamaya pagkatapos natin makakuha ng impormasyon, sana'y lumakad na agad tayo. Tiwala akong may paraan upang makalabas ng bayan. Baka nga nakita na nung mag-ama yung daan palabas, 'di ba?"

Kahit pa optimistiko ang pahayag ng binata, batid kong unti-unti na siyang nilalamon ng desperasyon. Malamang ay masakit para sa kanya na makita si Alice na halos walang tigil sa paghagulgol.

"Basta, 'wag tayong magpapadalus-dalos. Naaalala mo ba ang sinabi ni Leandro?" mahinahon kong tugon. "May dahilan kaya tayo napadpad dito at malamang yun din ang magsisilbi nating gabay para makaalis. At Andrew, hindi lang si Alice, sabay-sabay tayong lalabas ng bayan na ito."

"Kuya, alam kong parang kinokontra ko ang nauna kong sinabi, pero yung mag-asawa, kung may paraan nga para makaalis, bakit nandito pa rin sila?" naguguluhang wika ng aking kausap. "Ang daming hindi nagtutugma, 'di ko na alam kung anong paniniwalaan."

"Hindi ko rin alam. Basta, 'wag tayong mawawalan ng pag-asa. At marami man yung mga katanungan natin sa ngayon, 'di naman natin kailangan sagutin lahat yan, ang mahalaga'y makahanap tayo ng paraan upang makaalis sa San Isidro," sinubukan kong pakalmahin muli ang aking kasama.

Medyo naging tahimik na kami matapos noon. Hanggang sa nagkuwentuhan na lang kaming dal'wa tungkol sa ilang mga bagay na walang kinalaman sa San Isidro. Para lang hindi kami mabaliw kaiisip tungkol sa kasalukuyan naming sitwasyon.

Maya-maya pa, napansin naming bumangon din si Luke, 'di nagtagal ay lumapit pa ito sa'ming kinalalagyan. Agad siyang inalok ng nobyo ni Alice ng kape.

"O, ba't ka nagising?" bungad ni Andrew.

"Hindi naman ako natulog. Kayo, magpahinga kayo, magmamaneho pa si kuya mamaya," mungkahi ni Luke.

Medyo 'di ko talaga inasahan ang pagiging mahinahon niya. Akala ko kasi'y mahina ang loob ng binata.

"Salamat, maya-maya'y siguro'y iidlip ako't iiwan na muna ang pagbabantay sa inyong dal'wa. Ayos lang ba?"

Magkasabay tumango ang mga binata.

"Nakita niyo ba ang mga nilalang sa labas?" naalala kong magkatapat nga pala kami kanina; habang ako'y nakatalikod sa pintuan, siya nama'y direktang kaharap ito.

"Hindi, ano nga palang nakita mo?"

"Naaninag lang, kuya. Halos wala rin kasi akong makita, walang gasera kanina at ang liwanag lamang ng buwan ang tanging ilaw sa gitna ng kaguluhan. Saglit ko lang nakita ang mga anino," kinakabahan man ay binuyo ko pa rin si Luke na ibahagi ang kanyang mga nasaksihan, kung meron man.

"Hindi ko gaanong nakita ang mukha nila, dahil bukod sa madilim ay bahagya silang nakayuko at natatakpan ng buhaghag at mahaba nilang buhok ang kanilang mukha. Pero, batid kong wala silang bibig, o parang may tahi ang kanilang mga labi. Nakita ko iyon dahil bahagyang umangat ang ulo ng isa sa kanila at animo'y nakatinigin sa direksyon natin. Doon na 'ko umiwas ng tingin. Mapalad nga siguro ko at 'di ko na sila nakita pa ng buo."

"Kaya siguro walang ingay kanina bukod sa walang direksyon nilang pagkalampag," karagdagan kong komento.

"Hindi tayo puwedeng magtagal dito kung may mga ganung nilalang 'pag gabi. Hindi natin alam kung anong panganib ang hatid nila at ayokong makita ni Alice ang nakita ni Luke," mariing punto ng isang binata.

Sa maiksing panahon na nakilala ko si Andrew ay masasabi kong mahal niya nga talaga ang aking kapatid. Batid kong handa siyang protektahan si Alice kahit ano man ang mangyari.

Higit sa lahat, masaya ang dalaga namin tuwing sila'y magkasama.

"Kuya, may gusto pa sana akong ibahagi."

"May parating," biglang bulalas ni Lenadro.

Ang mga 'anino,' mukhang nandito muli sila.

Agad bumalik sa piling ng kanyang kasintahan si Andrew. Labis ang pag-iingat niya upang hindi ito mabulabog sa pagkakahimbing. Inihiga niya ang ulo ni Alice sa kanyang kanlungan at marahang tinakpan ang tenga ng aking kapatid.

Samantala, si Luke naman ay inilipat ang gaserang nasa estante patungo sa gilid ng papag kung saan marami sa'ming grupo ang nakahiga. Mga ilang minuto pa, nagsimula na namang mambulabog ang mga anino. Hindi pa pala talaga tapos ang aming bangungot.

Hindi ko alam kung dahil ba talaga ito sa mga isinabit ni Leandro, ngunit ang mahalaga, mukhang ligtas nga kami dito sa loob ng kanilang tahanan.

Nagising ang ilan sa amin, gaya ni Sarah at kapatid kong lalaki. Nanatili silang tahimik at pinilit palipasin na lamang ang mga kaganapan sa labas.

Ayoko mang maging masyadong kampante, pero sa ngayo'y walang dahilan upang pagdudahan ko si Leandro. Hulog siya ng langit, kung tutuusin.

Katulad kanina, nagtagal ng ilang minuto ang mga nilalang sa labas. Para silang mga mga walang isip na patuloy lamang na binubundol ang bawat parte ng barung-barong. Sa katunayan, animo'y naulit lang ang mga pangyayari kanina. Ang pagkakaiba na lang siguro ay mas may lakas na kami ng loob bilang isang grupo.

Kasunod nitong ikalawang bugso, hindi na muling nagparamdam ang mga anino sa kubo ni Leandro. Sa kabutihang palad, nairaos namin ang unang gabi namin sa San Isidro.

Continue Reading

You'll Also Like

30.8K 2.5K 29
Matapos ma-aksidente ng simpleng mangingisda na si Manuel, nakumbinse siya sa sarili na siya ang second coming ni Jesus Christ. At siya'y naghanap ng...
142K 2.5K 25
|★|NO SOFTCOPY|★| |★|COMPLETED|★| Paano mo makakasama ang taong mahal mo kung magkaiba kayo ng mundong ginagalawan? Kiligin at kilabutan sa kakaiban...
1.8M 103K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...
473K 29.4K 104
100 short horror stories. Best time to read? Bedtime...