Anything Goes

By ssillagee

8K 285 201

This is basically my story dump. Series of JaThea/ RaStro one shots/ short stories. No theme, no plot, no for... More

All I Ask
I'm Not The Only One

Hilaga

1.8K 77 47
By ssillagee

Pitong taon.

Pitong taon, apat na buwan, at siyam na araw kung eksakto nating bibilangin.

Sa loob ng pitong taon na 'yan natin binuo, winasak, at binuo muli ang ating pagsasamahan.

Aaminin ko, hindi naging madali sa atin ang mga bagay, naging mapanghusga ang mga tao, itinakwil tayo ng pamilya mo, at kahit ikaw mismo ay hindi mo lubusang natanggap ang sarili mo.

Nanay mo, tatay mo, aso mo, pati mga kapitbahay mo nakisali narin sa pangungutya satin. Lahat halos ay pinilit tayong sirain, ngunit di tayo nagpatalo— sa halip ay mas pinaglaban natin ang ating pag-iibigan.

Nakakatawa man isipin pero sa tingin ko, ang relasyon natin ang tinutukoy nilang sa katagang "you and me against the world". May salitang "against" man, ang importante ay mayroong "you and me".

Ganon tayo katibay.

Ganon tayo katatag.

Naranasan natin lahat ng paghihirap sa buhay, nakitira tayo sa kung sino sinong mga kaibigan, umabot tayo sa puntong ultimo barya ay nagsilbing ginto satin. Bawat piso tinitipid natin upang magkaroon ng pamasahe sa paghahanap ng trabaho.

Ikaw na sanay sa lahat ng ginhawa sa buhay ay walang naging permanenteng trabaho, kesyo masungit ang boss mo, maliit, panot, masyadong gwapo, madumi ang kuko, at kung ano ano pa. Marami kang napakababaw na dahilan pero naiintindihan ko dahil alam kong sanay ka sa karangyaan.

Alam kong nahihirapan ka, kaya naman ako nalang ang nag desisyong mag hanap buhay, tinanggap ko ang trabaho sa isang maliit na call center kahit na wala iyon sa linya ng kursong tinapos ko. Ang sweldo ko sapat na kung pansarili ko lang, pero kulang kung para sa ating dalawa, lalo na't ultimo bigas mo gusto mo dinurado pa, shampoo mo yung mamahaling organic pa.

Napagpasyahan natin na sa bahay ka nalang mamamalagi, parang "housewife" ba, sisiguraduhin ko na may mapapakain ako sa'yo at sisiguraduhin mo naman na may mainit na pagkain na nakahain sakin pagdating ko galing sa trabaho— kahit na alam kong hindi ka marunong magluto, kahit na alam kong hotdog at itlog lang ang kaya mong lutuin.

Mahirap, nakakapagod, pero kailangan kong tiisin pagkat ako'y nangako sa'yo na bibigyan kita ng maayos na buhay, ngunit sa kabila ng lahat, tignan mo, nandito parin tayo at magkasamang hinaharap ang bawat problemang dumadating sa atin.

Sa tagal ng panahon na iyon ay hindi lamang puro paghihirap ang dumating satin. Ikaw, bilang likas na masiyahin at positibo ang pananaw sa buhay ay naniniwalang sa likod ng ulap ay may nagniningning na bahagi— isa sa mga katangian mo na minahal ko ng lubusan. Tumagal tayo ng ganito dahil sa kabila ng problema, nalilimutan natin ang lahat tuwing tayo ay magkasama. Tila wala na tayong pakialam kung isang kahig isang tuka tayo, ang importante ay magkasama tayo, nagmamahalan tayo.

Kabisadong kabisado ko na ang bawat kasuluksulukan ng pagkatao mo. Alam kong gutom ka kapag nakahalukipkip ka, alam kong pagod at antok ka na kapag naiirita ka sa tunog ng boses ko, alam kong nagpipigil ka ng galit kapag tinatanggal mo ang tuyong balat sa gilid ng kuko mo hanggang mag dugo— sinasaktan mo ang sarili mo kaysa masaktan ako ng matahas mong pananalita.

Kahit na nakapikit pa ako, alam na alam ko ang bawat kurba ng katawan mo, ang tinig ng boses mo, ang amoy ng buhok mo.

Isang tingin mo lang alam ko agad na ang ibig mong sabihin ay gusto mong halikan kita— o higit pa. Alam kong ang bawat tingin mo ay may kahulugan, bawat salitang lumalabas sa labi mo ay alam kong pawang katotohanan lamang.

Ganyan kita kakilala kaya naman laking gulat ko ng isang araw ay tawagin mo akong "babe."

Babe.

Seryoso ba 'yan? Sa loob ng pitong taon ni minsan hindi natin tinawag ang isa't isa ng babe. Sabi mo ang corny, ang baduy, sabi mo walang forever ang mga may tawagang babe.

Sabi ko sa'yo noon na "lab lab" nalang tawagan natin, humagalpak ka sa pagkakatawa na para bang di ka makapaniwala sa kabaduyan ko. Oo, baduy kung baduy, pero sabi nga nila nagiging baduy talaga pag nagmamahal.

Nang mapansin mong malapit na kong mainis sa'yo, hinawakan mo ang aking kamay at nginitian ako ng pagkatamis tamis.

"Wag ka na mainis," bigkas mo, hinimas mo ang nakakunot kong noo at nakangising idinagdag ang salitang, "lab lab."

Lab lab.

Alam kong naaasiwa ka.

Alam kong pinagbigyan mo lang ako pero hinayaan ko nalang.

Simula noon, lab lab na ang naging turingan natin sa isa't isa. Lablab, lab, love. Magkakaiba ngunit iisa lang ang ibig sabihin.

Pitong taon na 'yan ang naging tawagan natin kaya't di ako makapaniwala ng marinig ko ang pag bigkas mo ng "babe."

Dinahilan mo ang madalas mong panonood ng mga pabebeng teleserye kaya nahahawa ka na.

Doon ako nagsimula magkaroon ng masamang kutob.

Alam kong may mali.

Alam kong may hindi ka sinasabi sa akin.

Ayokong isipin. Ayokong mag duda. Hindi maatim ng puso ko na pagisipan ka ng masama, dahil alam ko, base sa pagkakakilala ko sa'yo, na hinding hindi mo ako kayang saktan.

Isang araw niyaya kitang lumabas. Saktong wala akong pasok sa opisina noon at sa wakas magagamit ko narin ang perang inilaan ko upang mailabas kita. Alam ko kasing marami rami na akong pagkukulang, ang sabi mo nga wala na akong oras sa'yo, kaya naman heto ako gumagawa ng paraan para makabawi kahit papano.

Ang sabi ko pupunta tayo sa mall, dinahilan ko pa na bibili lang tayo ng regalo para sa nalalapit na kaarawan ng anak ni Batchi na si Marinelle. Hindi ka kasi papayag kung sasabihin kong magde-date lang tayo. Sasabihin mo na gastos lang yun. Alam kong ayaw mo kasing nagaaksaya ako ng pera sa mga bagay na hindi naman mahalaga, syempre pwera nalang kung shampoo mo, diba?

Nabigo ako nang ang unang katagang sinabi mo sa akin ng yayain kita ay "bakit wala ka sa trabaho ngayon?"

Nagulat ka pa at nayamot ng sabihin kong day off ko, mukhang nalimutan mo ata. Yung mukha mo hindi ko maipinta, parang ang presensya ko ay naging sagabal sa araw mo.

"Ikaw nalang umalis, maglalaba pa ako at saka masakit ulo ko. Gusto ko mag pahinga mag hapon," ang sabi mo sakin na tila ba tinataboy ako.

Napansin kong medyo hindi nga maganda ang timpla at kulay mo, kaya naman hinayaan kita na mag pahinga. Lumabas ako ng bahay at nagpaalam sa'yo na maglalagi muna ako sa mall, tinanong pa kita kung may gusto ka bang ipabili, ang sabi mo wala, sabay talikod sakin.

Sanay ako tuwing sinusungitan mo ko, hindi ko dinidibdib pag wala ka sa wisyo makausap o makasama ako. Wala ako magagawa dahil alam kong ganoon ka, simula't sapul alam ko na package deal kayo ng toyo mo.

Pero bakit parang may bumabagabag sa isip ko? Kung dati ay hinahayaan lang kita magpalamig ng ulo pagkat iyon ang sabi mo, at pagkatapos ay kusa ka ng lalapit sa akin. Ngayon ay para bang mas lalo kang napapalayo sa akin sa tuwing sinusunod ko ang gusto mo.

Hindi ako mapakali ng araw na iyon, kaya't imbis na sumakay ako ng tricycle patungo sa sakayan ng jeep, tumuloy tuloy ako sa tindahan sa tapat ng tinutuluyan natin— sa tindahan nila Abby.

Bumili ako ng Coke sakto at pinalagay sa plastic na may straw, dinagdagan ko na rin ng tatlong pirasong hopiang baboy dahil hindi pa nga pala ako nanananghalian.

"Wala dito si Batchi, pinasyal si Marinelle," bungad sa akin ni Abby dahil alam niyang tumatambay lang naman ako sa tindahan nila kapag nandoon si Batchi at ang inaanak ko.

"Patambay lang Abby, may sumpong si kumander eh, baka ako mapagbalingan ng galit," pabiro kong sabi sakanya habang tinuturo ang bintana ng kwarto namin.

Iniwan ako ni Abby habang kinakain ko ang hopia ko, nagmamasid sa paligid. Mga magdadalawang oras na siguro akong nakatambay sa gilid ng tindahan, hindi mo matatanaw kung hindi ka lalapit, pero ako, kitang kita ko ang bawat kilos mo.

Tirik na tirik ang araw ng lumabas ka sa gate. Nakapayong ka pa, yung libreng payong na pinamimigay sa opisina namin. Pormadong pormado ka, suot mo pa ang bigay ko sa'yo nung nakaraang pasko, yung buhok mo parang pang commercial— nag blower ka pa ata. O baka resulta lang 'yan ng high maintenance mong pagaalaga sa buhok mo? Ewan ko.

Ang ganda mo, ang ganda ganda mo. Parang noong unang beses kitang nakita. Ang tagal na kasi simula nung huli kang nag ayos pag magkasama tayo. Madalas wala ka ng paki kung ano itsura mo, minsan nga hindi ka pa nagsusuklay, swerte na ko kung mag conditioner ka.

Pero ngayon, ibang iba ang awra mo, tila may kinang sa mga mata mo. Sabik na sabik ka kung saan ka man patungo.

Tinignan ko ang cellphone ko kung mayroon bang text galing sa'yo. Naisip ko na baka bigla mong naisipan na sundan ako sa mall, pero ni isang mensahe wala akong natanggap mula sa'yo. Kahit isang text man lang na nagsasabing lumabas ka— wala.

Kumabog na ang dibdib ko.

Parang may mali.

Hindi pala parang, may mali talaga.

Nakita kong pumara ka ng tricycle at ako naman ay hindi na nagdalawang isip na sundan ka.

Alam kong mali ang gagawin ko, pero mas hindi ata ako matatahimik kung hindi kita susundan.

Pinara ko ang sumunod na tricycle at sinundan ka hanggang sakayan ng MRT sa North Ave. Dali dali akong nagbayad, saktong barya pa ang ibinigay ko para hindi na magtagal sa pagsusukli, at pagkatapos ay pasimpleng sinundan ka. Mahirap na at baka mawala pa kita.

Habang nakapila ka sa pagbili ng ticket, ako naman ay nagtatago sa likod ng tindahan ng siomai, sinusulyapan ang bawat galaw mo.

Binayaran mo na ang ticket mo, malas ko lang dahil hindi ko narining kung saan ka bababa. Buti na lang at araw araw akong sumasakay dito kaya naman handa na ako, kung SM Advantage card lang siguro ang Beep card baka prestige card holder na ko ngayon sa sobrang dalas kong sumakay dito.

Mabilis kang naglakad pababa ng hagdan, hindi ka magkamayaw sa pagtingin at pagiwas sa mga taong nakakasalubong mo, para bang hindi ka mapakali sa gulo at init ng paligid. Alam kong hindi ka kasi sanay sa ganito. Kaya rin laking gulat ko nalang ng dito ka bumaba dahil alam kong wala kang alam sa pagko-commute.

Ilang segundong nawala ka sa paningin ko ng mag simula ng dumating ang tren. Nagkagulo na ang tao. Nagtutulakan, nagsisiksikan, halo halong amoy na nasasagap ko. Nataranta ako pagkat nagaalala ako para sa'yo, kahit na nangangamba ako sa kung ano man ang tinatago mo sa akin, di parin lubos maalis sa isip ko ang pagaalala.

Nakita kita sa gilid ng pinto, nakasiksik sa pader habang may isang matandang lalaki na halos ikiskis na ang katawan niya sa iyo. Nakita ko ang pagsimangot mo at ang bahagya mong pagtulak sa kanya, na siya namang ginantihan niya ng lalong pagdiin ng kanyang katawan. Nanggigigil ako, nagiinit ang ulo ko sa matandang iyon ngunit wala naman akong magawa dahil ayokong magpakita sa iyo.

Nakasandal ako sa kabilang pinto, pumwesto ako dalawang posteng layo sa'yo. Hindi mo ako matatanaw pagkat ikaw ay nakatalikod sakin at masyado kang abala sa pag pindot sa cellphone mo.

Tinignan ko nanaman ang cellphone ko, nagbabakasakali na baka maisipan mo na akong itext o tawagan, ngunit wala parin. Pinatay at binuksan ko ulit ang telepono ko para makasigurado na pumapasok ang mensahe mo, pero wala talaga.

Hindi na maitanggi ang pagkabog ng dibdib ko pagkat alam kong walang magandang patutunguhan ang pagsunod ko sa'yo.

Pinagmasdan kitang mabuti at pinagdasal na sana'y hindi mo ako matanaw, at sa awa ng Diyos, ni hindi mo man lang naisipang lumingon.

Atat na atat na akong malaman kung saan ka bababa. Lumagpas na tayo ng Cubao pero hindi ka parin bumababa, umupo ka pa sa nabakanteng upuan.

Saan ka kaya pupunta?

Hindi kaya't naliligaw ka na?

Ang alam ko kasi ay TriNoMa at Gateway lang ang alam mong puntahan. Sagad na 'yun, kung minsan naliligaw ka pa, kaya't laking gulat ko lang nang makita kitang kampanteng nakaupo sa upuan mo na para bang sanay na sanay ka na sa biyahe mo.

Lumagpas na tayo ng Shaw at Guadalupe, pero prenteng prente ka parin sa upuan mo na para bang walang pakialam sa paligid. Kung lumingon ka lang siguradong matatanaw mo ako.

Nagsimula ka ng magayos ng makarating ang tren sa Ayala station. Nag suklay ka ng kaunti at naglagay ng pabango sa likod ng iyong tenga, tinignan mo pa sa salamin kung pantay ang iyong kilay.

Tumayo ka ng nagsimula ng huminto ang tren sa Magallanes station.

Magallanes? Anong meron sa Magallanes?

Lumabas ka ng Magallanes station at nagpatuloy sa paglalakad. Nawala ka nanaman sa paningin ko at ng masilayan kitang muli ay humigit kumulang dalawampung metro na ang layo mo sa akin. Sigurado akong ikaw yun, ang sabi ko nga kahit nakapikit pa ako alam ko kung ikaw yun o hindi.

Bawat kurba ng likod mo kabisadong kabisado ko, hindi rin mapagkakaila ang dilaw na payong na gamit gamit mo.

Sinundan kita sa paglalakad sa foot bridge sa ilalim ng flyover hanggang marating mo ang Magallanes Park. Tumigil ka at lumingon ng bahagya, at sa pagkabigla ko sa'yo, ang tanging nagawa ko lamang ay ang tumalikod sa halip na magtago.

Nanlamig ako sa takot na baka makilala mo ako at mahuli ang pagsunod ko sa'yo. Nakahinga ako ng maluwag ng ikaw ay tumingin lamang sa iyong telepono, tila may hinihintay na tawag. Umasa ako, aaminin ko.  Umasa ako na makikilala mo ang likod ko gaya ng pag kabisa ko ng sa iyo.

Limang dipa na lamang ang layo ko sa'yo ngunit hindi mo man lang ako nakita. Masyadong nakatuon ang iyong atensyon sa telepono mo, kasabay naman nito ang muli kong pagasa na ang numero ko ang iyong tinatawagan.

Pero ano pa nga ba, ni hindi man lang tumunog ang telepono ko. Ni ha ni ho wala kang pasabi sa akin na umalis ka. Hopia nanaman kagaya ng tanghalian ko.

Nagpatuloy ka sa paglalakad kasabay ng mga empleyadong mabilis na hinahabol ang kanilang oras sa opisina. Tila kabisado mo na ang bawat stop light at pedestrian lane na dadaanan mo, parang kagaya ka rin ng mga kasabay mo na araw araw tinatahak ang daan na ito.

Umabot tayo sa Paseo de Magallanes. Dumiretso ka sa isang kainan na mukhang isang tasang kape lang ang kaya kong bilhin. Binati ka ng waitress na para bang matagal na kayong magkakilala, ipupusta ko pa ang tatlong daan pisong nasa bulsa ko ngayon na meron ka ng "the usual".

Hindi na kita sinundan sa loob. Una, dahil baka makita mo ako. Pangalawa, naka tsinelas lang ako. Hindi ako nababagay sa pang mayaman na kainan na pinasukan mo. Naghintay nalang ako sa sulok ng katapat na restawran at nag masid sa susunod mong hakbang. Nagpasalamat ako sa Diyos ng umupo ka sa tabi ng malaking salamin kung saan tanaw na tanaw kita. Nakaupo ka sa pang dalawahang lamesa, likod mo ang nakaharap sakin, walang kamalay malay na namimili ng pagkain.

Ilang minuto ang lumipas nang may lalaking naka-terno at kurbata ang lumapit sa'yo. Tumayo ka at sinalubong siya ng matamis na halik sa pisngi.

Nanlamig ang mga kamay ko, tumigil ang mundo ko.

Anong nangyayari?

Bakit may kasama kang lalaki?

Ayokong mag-isip ng masama dahil baka isa lang siya sa mga kaibigan mo, pero di ko maiwasang hindi mag-isip ng iba pa.

Nakaharap sa direksyon ko ang lalaki, nagulat pa ako at baka nakilala niya ko, natakot na baka sabihin niya sayo. Ngunit nakita ko sa mga mata niya na wala siyang ideya kung sino ako at hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa iyon o ikabahala.

Pero ako kilala ko siya.

Kilalang kilala.

Siya yung huli mong boss.

Yung sabi mong gwapo sana kaya lang masungit. Mabango ngunit madumi ang kuko.

Higit sa lahat, kilala ko siya dahil siya yung sinumbong mo sa akin na pinopormahan ka— si David Limjoco, may ari ng kompanyang pinasukan mo.

Kaya nga umalis ka sa trabaho, diba?

Pero bakit magkasama kayo? Nag-apply ka ba ulit ng hindi nagsasabi sa akin?

Kinuha niya ang kamay mo sa ibabaw ng lamesa, hinawakan ito at pagkatapos ay hinalikan ng pagka tamis tamis.

Akala ko iiwas ka, akala ko tatanggalin mo.

Ngunit hindi.

Niyapos mo pa ang kamay niya at hinilig sa pisngi mo.

Nagpatuloy kayong magtitigan at mag ngitian na parang mga asong ulol.

Nakakainis.

Nakakasulasok.

Gusto kong isuka ang tatlong hopia na laman ng tiyan ko, kaya lang mukhang natunaw na sa tagal ba naman ng byinahe ko.

Dumating ang pagkain na inorder mo— salad.

Tangina, kailan ka pa natutong mag gulay? Bumiyahe ka ng humigit kumulang dalawampung kilometro para kumain ng gulay? Samantalang ako, niyaya kita, ipagtataxi pa kita para di ka mahirapan, papakainin pa kita ng paborito mong fried chicken, 2pcs. pa kung gusto mo, pero mas pinili mong bumiyahe para kumain ng GULAY?

Anong kagaguhan 'to, diba?

Tinalo ng gulay niya ang fried chicken ko. Kung sabagay, mas masustansya nga naman ito kesa sa ma-cholesterol na manok ko.

Wala kayong tigil sa pagtititigan at paghihimasan. Para kayong may sariling mundo, walang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Walang pakialam kung mawalan ng gana sa ubod ng kalandian niyo ang mga kumakain sa tabi niyo.

Walang kaduda duda, sa paningin ng iba malamang mapagkakamalan na kayo.

Bagay kayo sa totoo lang, ang ganda mo kasi at ang gwapo naman niya. Yung hitsura mo mukhang hindi nakipagdigmaan sa tren sa North Ave hanggang Magallanes, walang bakas ng pagod at pawis. Yung damit na binigay ko sa'yo bumagay pa sa suot niyang kurbata. Pinagusapan niyo rin ba na terno kayo?

Kung pelikula lang 'to panigurado talbog niyo pa ang JaDine o AlDub. Oo, ganon kayo kabagay. Ganon rin kayo ka-pabebe. Kikiligin ang masa sa inyo, sigurado ako.

Pero ako, hindi ko makuhang kiligin sa inyo. Paano ba naman,  ako ang girlfriend mo diba? Pitong taon mo na akong girlfriend kung nakakalimutan mo!

Inis na inis ako sa'yo— sa inyo.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.

Gusto kong magwala.

Gusto ko kayong sugurin para masira ang date niyo.

Gusto ko siya hamunin ng suntukan.

Gusto kita kaladkarin pauwi sa bahay.

Gusto kong bawiin kung ano ang sa akin.

Pero hindi ko ginawa— hindi ko magawa.

Wala akong nagawa kundi matulala. Nanlamig ang palad ko, nanigas ang buong katawan ko, nanuyo lalamunan ko, yung puso ko hindi magkamayaw sa pagdagundong dahil sainyo.

Nag mistulang pipi ako, ni pangalan mo hindi ko mabigkas upang matanaw mo ko, makita mo man lang sana na nasasaktan ako.

Pero wala eh, hindi ko kaya.

Pipi kung pipi talaga.

Ni-isang patak ng luha hindi ko kayang mabigay para sa'yo. Hindi ko alam kung galit ba ang nararamdaman ko o tuwa dahil sa wakas makakawala na ako sa'yo— sa wakas sarili ko nalang ang iintindihin ko.

Minarapat ko nalang na umuwi. Hinayaan kitang ipagpatuloy ang kalandian mo at binigyan ko ng oras ang sarili ko para makapag-isip.

Bus ang sinakyan ko dahil mas gugustuhin kong makipagsapalaran sa gitgitan ng mga sasakyan sa EDSA kaysa harapin ang mga kasinungalingan mo sa bahay.

Ang dapat na isang oras kumulang na biyahe lang ay umabot ng tatlo dahil inabot ako ng trapiko. Mabuti yun, mas mahaba haba ang oras ko para mapagisipan kung ano ang dapat kong gawin sa'yo.

Paparating na ko sa Muñoz ng biglang tumunog ang cellphone ko. Sa panahon na ito hindi na ako umaasa na makatanggap ng kahit anong mensahe mula sa'yo kaya't laking gulat ko nang pangalan mo ang tumambad sa akin.

"Lab, nasan ka na? Kakagising ko lang, napasarap tulog ko," ang sabi mo.

Matindi ka.

Nakauwi ka na sigurong hayup ka.

Napaka sinungaling mo.

Di ko alam kung saan ka pa kumukuha ng kapal ng mukha. Di ko alam kung paano mo 'to nasisikmura.

Halang nga siguro ang iyong kaluluwa.

Sa sinabi mong yan ako unang nakaramdam ng matinding galit. Kumulo dugo ko, nag init ang ulo ko.

Ang lakas ng loob mong lokohin ako.

Ang tigas ng mukha mong tawagin pa akong "lab" pagkatapos mong makipagtagpo sa "babe" mo.

Anong akala mo, hindi ko malalaman?

Napapamura ako habang sinasagot ang text mo, yung katabi kong bumabagsak ang ulo sa balikat ko habang natutulog ay biglang nagising sa paghihimutok ko.

Narinig kong pumalatak pa siya sa inis.

Wala na kong pake, mas may karapatan akong mainis kaysa sakanya, ni hindi ko man lang siya nilingon para humingi ng paumanhin sa pag gambala sakanya.

Mainit ulo ko.

Nabibwisit ako sa'yo.

Bwisit na bwisit ako sa'yo.

BWISIT KA.

"Bwisit ka, bwisit ka, bwisit ka" ang tanging paulit ulit kong nasambit.

"AYOKO NA," ang tanging sinabi ko sa'yo. Dalawang salita lang dahil 'yan lang ang nararapat sa manlolokong kagaya mo.

Pinatay ko ang telepono ko at bumaba sa bus. Malayo layo pa sa bahay pero pinili ko nalang lakarin.

Hindi ako tumuloy sa bahay. Namalagi muna ako sa mga kamag-anak ko na hindi mo kilala.

Hindi mo kilala dahil ayaw mong ipakilala kita. Ganyan ka kasi diba? Yung gusto mo lang ang masusunod, walang halaga sa'yo ang mga bagay na importante sa akin.

Buti nalang rin at hindi kita pinakilala sakanila dahil nagkaroon ako ng matutuluyan kung saan hindi mo ako mahahanap. Ilang linggo din ako namalagi doon. Si Batchi at Abby ang tumulong sa akin upang makuha ko ang mga gamit ko sa'yo na ayaw mong ibigay hangga't hindi nila sinasabi kung nasaan ako. Napilitan pa tuloy ako bumili ng ilang pirasong damit pamasok sa opisina.

Lumipas ang mga araw at  linggo na wala kang kamalay malay kung bakit ako nakipaghiwalay sa'yo,  balita ko pa bumalik ka na sa pamilya mo, balita ko hinahanap mo parin ako.

Pero gaya ng sabi ko, ayoko na.

Hindi ako katulad mo na hindi marunong tumupad sa mga pangako.

Naaalala mo nung tinanong mo ako dati? Ang sabi mo "paano kung lokohin kita, ano gagawin mo?"

"Iiwan kita," walang kaabog abog na sagot ko.

Nainis ka pa sa akin, pinagbintangan akong hindi kita mahal dahil hindi man lang kita hahabulin.

Pero naging matigas ako sa sinabi ko, kaya naman pinairal mo nanaman ang paglalambing mo na alam mong kahinaan ko. Ang sabi mo, "promise, never kitang lolokohin."

Naniwala naman ako.

Ang tanga tanga ko.

Akala ko kilalang kilala na kita, eh.

Buong akala ko hindi mo ko kayang lokohin.

Buong akala ko hindi ka sinungaling.

Buong akala ko ako ang mahal mo.

Pitong taon ba naman. Sinong magaakala diba?

Pero hindi ako gagaya sa'yo, tandaan mo 'yan.

Kaya heto ako ngayon, tutuparin ang mga salitang binitawan, mahirap oo, pero hindi ako tutulad sa'yo na puro mga pangakong napako lamang.

Bahala ka diyan. Isipin mo kung ano gusto mong isipin. Habulin mo ako kung gusto mo akong habulin. Hindi ako magaaksaya ng oras para pakinggan pa ang mga gusto mong sabihin.

Kuntento na ako sa dalawang salitang palaisipan na iniwan ko sa'yo. Kuntento na ako na kahit papaano ay nakaganti man lang ako.

Seryoso akong nakikinig ng kanta sa cellphone ko ng magulat akong bigla kitang nakasalubong muli sa pila ng MRT.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig.

Para kang kapeng barako na gumising sa lumilipad kong diwa.

Para akong naholdap sa takot at kabang naramdaman ko.

Isang buwan na halos ang nakalipas mula ng huli kitang makita, kaya naman hindi mo na pinalampas ang pagkakataon at hinila mo ako papalayo sa mga tao. Sobrang bilis ng pangyayari na hindi man lang ako nakakibot.

Nagmakaawa ka, mangiyak ngiyak ka pang humihingi sakin ng kakarimpot na oras upang magpaliwanag sa'yo.

Ayaw ko sana.

Ayaw ko sana dahil hindi ka naman karapat dapat sa paliwanag ko. Pero ano ba nga bang magagawa ko?

Wala kang delikadesang hinila hila ako.

Nakakahiya.

Pinagtitinginan na tayo ng mga tao.

Alam kong hindi mo ako titigilan hangga't di ako pumapayag sa gusto mo.

Wala na akong nagawa kundi magpahila sa'yo, hindi dahil naaawa ako sa'yo o dahil mahal pa kita, kundi para nalang rin sa ikatatahimik ko.

Kaya't sa huling pagkakataon, pinagbigyan kita.

Closure kumbaga.

Umupo tayo sa isang fastfood malapit sa sakayan ng tren. Hindi na kita pina-order dahil ayokong magtagal kasama ka.

Hiningan mo ako ng paliwanag. Ang kapal mo lang. Ako pa talaga ang magpapaliwanag matapos ang lahat?

Paiyak-iyak ka pa. Daig mo pa si Judy Ann nung gumanap siyang Mara, at ako naman si Gladys na nagmamatigas bilang Clara.

Nakakatawa tayo tignan sa totoo lang.

Hindi na ako nag atubili pa. Ayoko ng sayangin ang oras ko na panoorin kang mag drama at mag sinungaling sa harap ko.

Kinuwento ko simula nung bumili ako ng soft drinks sa tindahan nila Abby hanggang sa bumaba akong nagpuputok ang butsi  sa Muñoz.

Natameme ka. Unti unting pumatak ang luha mo at yumuko. Napipi ka kagaya ng pagka-pipi ko nung nakita ko kayong magkasama.

Humingi ka ng isa pang pagkakataon.

Ang sabi mo wag natin sayangin ang pitong taon na pinagsamahan natin.

Pitong taon— kung bata lang 'to grade 1 na dapat siya, pwede na tayo magpa-7th birthday party kumbaga. Ganon katagal.

Pitong taon tayo, naging kampante ako, naging bulag ako. Akala ko sa dami ng pinagdaanan natin hindi na matitibag ng kahit na sino man ang relasyon natin. Malay ko ba na ikaw pala mismo ang sisira nito.

Pitong taon ng buhay ko ang sinayang mo, at hindi ko alam kung ilang taon ba dun ang para talaga sakin.

Naging sakin ka ba talaga ng buong buo sa loob ng pitong taon na yun?

Kahit sabihin mong oo, kahit sabihin mo pang pagkakamali lang ang ginawa mo, hindi ko na kayang maniwala pa sa'yo.

Iniwan kitang mag-isa, sa unang pagkakataon hindi ko binigay ang gusto mo. Sumakay ako ng bus at di na sumubok pang sumakay ulit ng tren. Ayoko na. Baka makasalubong ulit kita.

Simula noon hindi na ako nag balak pang sumakay ng tren. Ayoko na maalala lahat ng sakit at hirap na binigay mo sakin. Bawat pagsakay ko naaalala ko lang ang araw araw na pakikidigmaan ko papunta sa trabaho para lang may pang sustento sa'yo, naaalala ko yung araw na sinundan kita mula North Ave. hanggang Magallanes, naaalala ko lang yung araw na nagmakaawa ka sa akin na bigyan ka pa ng isang pagkakataon.

Ayoko na. Ayoko na maalala ang lahat.

Mas gugustuhin ko pang makipagsapalaran sa EDSA kaysa naman makita ulit kita.

Baka ngayon nagtataka ka kung bakit sinasabi ko pa 'to sa'yo gayong alam mo naman ang kwento natin.

Wala ng point, diba?

Hindi ko ito sinasabi dahil galit ako, o dahil gusto kitang saktan. Hindi ako naglalabas ng sama ng loob. Peksman, mamatay man.

Nakalimot na ako, okay na ako.

Gusto ko lang magpasalamat sa'yo.

Salamat dahil kung hindi dahil sa pag-iwas ko sa'yo hindi ko mararating ang buhay na mayroon ako.

Naaalala mo noong iniwan kitang umiiyak sa isang fast food?

Gustong gusto ko ng ilabas lahat ng luha ko kaya't lumiko ako sa unang gusali katabi ng sakayan ng bus.

Dumiretso ako sa comfort room, dali dali kong binuksan ang pinto dahil pakiramdam ko ay papatak na ang luha ko, ngunit imbis na maluha ay nagulat ako ng may makita akong isang babaeng naka-dilaw na bestida. Nakaluhod sa sahig na tila ba may inaabot.

Umurong ang luha ko at natawa ako sa eksena.

Hindi naman ako palabati, at sa sitwasyon ko ng araw na 'yun ay malabong pansinin ko pa siya. Suplada ako kung suplada. Pero hindi ko alam kung anong sumanib sa akin at naglakas loob akong kausapin siya.

"Hi, anong ginagawa mo diyan?" ang sabi ko sakanya. Natuwa lang siguro ako sa hitsura niya kaya kinausap ko siya.

Lumingon siya at nahihiyang sabi na, "umm, yung cap ng lipstick ko, gumulong doon", turo niya sa ilalim ng pinto habang bahagyang natatawa.

Ang ganda ng mukha niya. Napaka-inosente. Parang anghel. Nakakahawa ang ngiti at tawa niya. Kabaligtaran ng mukha mong pang kontrabida.

Mata palang niya nangungusap na— ulam na. Yung buhok niya natural ang bagsak, hindi mukhang nadala lang ng mamahaling shampoo. Yung balat niya napaka kinis— laking aircon, walang pores. Mukhang hindi pa nababahiran ng alikabok at polusyon ng Maynila. Walang bakas ng stress kumbaga.

Yung luha kong nagbabadya ng pumatak ay biglang umurong at napalitan ng pagka mangha sa ganda niya.

Para kaming mga batang naghahagikgikan. Hindi naman masyado nakakatawa kung tutuusin pero di ko alam kung bakit para akong kiliting kiliti sa pagkatawa nun, ganun din naman siya.

"Umm, excuse me po," katok ko sa pinto, "pasensya na po pero pwede po bang pakisipa nalang yung lipstick cap sa paanan ninyo."

Patuloy parin kami sa pag tawa habang hinihintay ang lipstick cap, gumulong ito at pareho kaming nagpasalamat sa babaeng sumipa nito sa likod ng pinto.

Iniabot ko sakanya, at bahagyang naglapat ang mga daliri namin. Nagulat ako sa mala-kuryenteng dumaloy sa balat ko ng mag tama ang mga kamay namin.

Napatingin ako sakanya, pinakiramdaman ko kung naramdaman din ba niya.

Nag tama ang mga mata namin.

Isa...

Dalawa...

Tatlo...

Tatlong segundo kaming nagtinginan.

Di ko alam kung posible ba o baka guni guni ko lang lahat, pero pakiramdam ko ng mga panahon na yun ay nakita ko ang sarili ko sa mga mata niya.

Pakiramdam ko matagal ko na siyang kilala.

Pakiramdam ko gusto ko pang kilalanin siya.

Hindi ko alam, pero tila ba nabuo ulit ako.

Ganun.

Ganun ang naramdaman ko sa ilang segundong pag tama ng mata namin. Isang kakaibang sensasyon na hindi ko naramdaman sa loob ng pitong taong pagsasama natin.

Tatlong segundo na binura ang pitong taon natin.

"Thank you din, miss?" pagputol niya na siya namang nagbalik sa diwa ko.

"Althea," pagsambit ko habang ginagantihan ang matatamis niyang ngiti.

"Althea," inulit niya, at sa unang pagkakataon para bang ang pangalan ko ang pinakamagandang salita sa balat ng lupa.

"I'm Jade," dagdag niya habang iniaaalok sakin ang kamay niya.

At sa pangalawang pagkakataon, napipi nanaman ako, ngunit hindi kagaya ng pagkapipi ko noong dinurog mo ang puso ko.

Napipi ako dahil nabuo muli ito.

Hindi na ako umasang makita siya muli pagkatapos ng araw na 'to. Paano ko ba naman siya mahahanap kung pangalan lang niya ang alam ko?

Pero parang tadhana na ang kusang naglapit sa amin.

Sa sumunod na araw,  umiwas nanaman ako mag tren at labag sa loob na sumakay ng bus sa takot na baka makasalubong ulit kita. Laking gulat ko ng may tumabi sa akin.

Hindi ko na kailangan lumingon para malaman kung sino siya.

Hindi ko kailangan makita, hindi ko kailangan maamoy, hindi ko kailangan marinig.

Tumaas ang balahibo ko.

Tumalon ang puso ko.

Nabuhay ang dugo ko.

Hindi ko na kailangan pang kabisaduhin ang kasuluksulukang parte ng katawan niya gaya ng pag kabisa ko sa'yo, wala pa man din at kabisado na siya ng puso ko.

Posible ba yun? Hindi ko alam pero ganoon talaga ang naramdaman ko.

Siya.

Si Jade.

Si Jade na nagtatrabaho sa unang gusaling makita ko nang iwanan kita.

Si Jade na araw araw palang sumasakay ng bus at tinitiis ang trapiko sa EDSA.

Si Jade na nagising ng galit na galit kong sinabi sa'yo na "AYOKO NA."

Hindi na alintana sakin ang pagod sa biyahe, hindi na labag sa loob ko na gumising ng mas maaga upang makipagsapalaran sa EDSA, nalimutan ko na ngang ang pag iwas ko sa'yo ang nagdala sa akin dito.

Hanggang sa dumating ang araw na pinili kong mag bus, hindi dahil para iwasan ka, kundi para makasama siya.

Wala na, burado ka na sa sistema ko. Ganon kabilis. Ganon kadali.

Sa loob ng ilang buwan nakilala ko siya ng higit pa sa pagkakakilala ko sa'yo sa loob ng pitong taon.

Nalaman ko na mas makulit pa pala siya pag gutom na siya, nanlalambing siya pag pagod at inaantok na, at sinasabi niya ang nararamdaman niya pag nagagalit siya.

Masiyahin din siya, ngunit hindi kagaya mo na masaya kapag may pinagtatawanan ka.

Hindi rin siya marunong mag luto, pero hindi kagaya mo na hotdog lang ang alam—siya, may maling pa.

Hindi siya mapili sa bigas at buhok niya. Sinandomeng at Sunsilk lang okay na okay na sakanya.

Hindi siya nagagalit pag ipinapakilala ko siya, hindi niya ako kinakahiya, ipinagmamalaki pa nga niya ako sa pamilya niya.

Ang importante sakin ay importante din sakanya. Wala sakanya kung sa mamahalin kami kumain o sa turo turo lang, wala sakanya kung pagod na pagod pa siya sa trabaho. Yung mag kasama lang kami— yun ang mahalaga sakanya.

Pero higit sa lahat, hindi siya humagalpak ng tawa ng "MK" ang itawag ko sakanya.

MK— mahal ko.

Oo, mahal ko siya. Mahal na mahal.

Sa loob ng maikling panahon na 'yun ay minahal ko siya ng higit pa sa aking makakaya.

Nakakatuwa lang dahil ganoon din siya.

Sabi pa niya sa akin ako ang "great love" at "soul mate" niya.

JaThea daw kami, ang love team ng taon.

Ang jologs diba?

Pareho ata kaming baduy. Pareho kaming corny. Pareho kaming pabebe.

Nakakasuka kami sa totoo lang.

Mawawalan ng gana mag himagas ang mga tao sa labis na katamisan namin.

At sigurado akong unang una kang hahagalpak ng tawa pag nakita mo kami.

Pero bakit ba? Mahal ko siya, eh.

At inuulit ko, hindi ko ito sinasabi sa'yo upang ipamukha sa'yo na higit siya.

Sinasabi ko ito sa'yo upang malaman mo kung gaano ako kasaya na sinaktan mo ako.

Magpapasalamat lang  ako, kung mamarapatin mo.

Salamat dahil tinawag mo akong "babe" dahil ito ang naging ugat ng pagdududa ko.

Salamat dahil pinili mo ang gulay kesa sa fried chicken ko, kung nagkataon ay hanggang ngayon ay wala parin akong kamuwang muwang na pinaiikot mo.

Salamat dahil tren ang napili mo. Ang pagsakay mo sa tren sa North Ave. ang naging tulay upang mahanap ko siya. Kung hindi dahil sa pag iwan at pag iwas ko sa'yo, baka hindi nagtama ang aming landas.

Salamat dahil pitong taon lang ang sinayang mo. Salamat at hindi mo pa pinatagal lalo ito.

Salamat dahil binigyan mo ko ng dahilan upang tapusin ang matagal ng dapat tinapos. Nanghihinayang kasi ako sa tagal at dami ng ating pinagsamahan, hindi pala ako dapat manghinayang kung ang pagtapos nito ay mayroong naghihintay mas magandang kapalit.

Salamat sa panloloko mo, salamat sa pag wasak ng puso ko, dahil kundi dahil sa'yo, hindi ko mahahanap ang bubuo muli nito.

Salamat dahil isa kang malaking bahagi ng aming pag-iibigan. Ikaw ang naging daan, ikaw ang nagtulak sa akin patungo sakanya.

Wala akong pinagsisisihan. Wala akong nais baguhin.

Uulit ulitin ko pa kung pwede lang kung ang dulo naman nito ay siya.

Hindi ko inaasahan na ang mapait na karanasan ko sa'yo ang magdadala sa akin sa mas magandang love story na ito.

Sa pagtapos mo sa pitong taong relasyon natin, binigyan mo ng simula ang pang habambuhay namin.

Kaya't salamat. Maraming, maraming salamat.

Tatanawin kong utang na loob ang panloloko mo. Walang halong biro, walang halong galit.

Maraming salamat, Wila, dahil walang JaThea kung walang WilThea.









Author's note: SURPRISE! I'M BAAAAACK! This one shot is in commemoration of our Buwan ng Wika. Charot. Pa-try lang ng Tagalog for a change, awkward ba? Hahahaha.

I know this isn't much of a story, please forgive me kasi ang hirap mag express in straight Tagalog. I just wanted to try if I could pull it off. Hehe.

Again, I'm sorry for another JaThea fic. I'm a sucker for JaThea, please forgive me. But I swear I'll throw in a few RaStro one shots some other time.

I just came up with this story since it's been a year since the TRMD finale, I wanted to take you guys back from the start. Pak ganern. Gift ko na rin sa inyo 'cos I miss the fandom. Plus it's my birthday month, eto na blowout ko. Charrr

Yun lang, happy TRMD finale anniversary, guys!

P.S. Sa may mga request, kapit lang, I'll get there. Mabagal lang talaga ko. Haha.

P.P.S. Huge thanks sa aking adviser at editor na si rastroheart 😂

Continue Reading

You'll Also Like

716K 43.9K 108
Kira Kokoa was a completely normal girl... At least that's what she wants you to believe. A brilliant mind-reader that's been masquerading as quirkle...
354K 17.2K 78
Kang y/n was always been the black sheep of the family. Overshadow by her extremely talented, gorgeous sister Roseanne . Who has the world revolve a...
494K 17.7K 96
The story is about the little girl who has 7 older brothers, honestly, 7 overprotective brothers!! It's a series by the way!!! 😂💜 my first fanfic...
983K 37.1K 88
𝗟𝗼𝘃𝗶𝗻𝗴 𝗵𝗲𝗿 𝘄𝗮𝘀 𝗹𝗶𝗸𝗲 𝗽𝗹𝗮𝘆𝗶𝗻𝗴 𝘄𝗶𝘁𝗵 𝗳𝗶𝗿𝗲, 𝗹𝘂𝗰𝗸𝗶𝗹𝘆 𝗳𝗼𝗿 𝗵𝗲𝗿, 𝗔𝗻𝘁𝗮𝗿𝗲𝘀 𝗹𝗼𝘃𝗲 𝗽𝗹𝗮𝘆𝗶𝗻𝗴 𝘄𝗶𝘁𝗵 �...