Ang Boyfriend kong Hindi - Co...

By sillycee

66.4K 594 24

released under PHR Ang Boyfriend Kong Hindi (5475) by Tamara Cee COPYRIGHT © 2014 by Precious Pages Cor... More

Catch Line/Teaser (released under PHR)
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 4
Chapter 5

Chapter 3

4.1K 79 4
By sillycee

"OKAY ka lang?" tanong ni Nick kay Meg.

Alas onse na ng gabi noon, tapos na ang hapunan, tulog na ang karamihan. Naroon na sila balkonahe ng kuwartong inilaan sa kanila at handa na ring matulog.

Tumango si Meg. Nakatanaw lang ito sa madilim na langit. Naupo siya sa tabi nito doon sa upuang kahoy at tiningnan lang ito. Hawak nito ang isang bote ng beer, at nasa tabi nito ang tatlo pa. Sa totoo lang, hindi niya inaasahan na ganoon pala kalakas uminom ng beer ang dalaga.

"Tama na iyan, nakakarami ka na yata," sabi niya. Pero sa halip na sumagot ay iniabot nito ang isang bote sa kanya, pati ang pambukas nito. Kinuha naman niya iyon nang walang alinlangan.

"Bakit wala masyado'ng naikukuwento si Neil tungkol sa 'yo? Isang beses ka lang niya nabanggit, pagkatapos, wala na. Kung hindi lang kayo magkamukha, hindi ko maiisip na magkapatid kayo, and twins at that," sabi ni Meg matapos maubos ang bote ng beer. Agad itong kumuha ng isa pa at binuksan iyon. "You're entirely two different people. Sa pananamit, sa ugali...sa lahat."

Hindi na niya iyon pinagtakhan dahil kahit kailan naman ay hindi sila naging malapit ng kakambal.

"So, where were you all along ?"

"Nagtatrabaho. Kung saan-saaan." Siya naman ang uminom, at pagkatapos ay sumandal sa upuan. Kumuha siya ng isang stick ng sigarilyo sa bulsa pero hindi itinuloy ang pagsindi noon. Nakatingin lang si Meg sa kanya at hindi niya alam kung gusto ba niya o hindi kapag ganoong tinitingnan siya ng dalaga. Nilaru-laro niya ang sigarilyo sa kanyang mga daliri.

"May girlfriend ka ba?"

Napatingin siya kay Meg dahil sa biglang pagbabago nito ng paksa at dahil sa hindi niya inaasahan ang tanong na iyon.

"G-gerlpren? Depende siguro sa depenisyon ng gerlpren."

"Bakit, may iba't-ibang definition ba ng girlfriend?" natatawa nitong tanong.

"Oo. May gerlpren na palagi mo lang kasama kumain sa labas, manood ng sine, maglakad-lakad...may gerlpren na nakakausap mo ng tungkol sa mga iniisip mo, mga plano, mga bagay-bagay...tapos, may gerlpren na kasama mo lang sa kama."

Sumama ang mukha ni Meg at alam niyang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.

"E 'yung girlfriend na mahal mo?"

Ilang sandali pa bago siya muling nakapagsalita. Inubos muna niya ang laman ng bote at muling nagbukas ng isa pa.

"Wala akong maalala. Kapag kasi ako, nagmahal, panghabang-buhay. Kaya pinipili ko kung sino talaga ang mamahalin ko. E kasalanan ko ba kung hanggang ngayon, hindi ko pa nakikilala 'yung babae'ng 'yon?" sabi niya, na muling nakakuha ng masamang tingin at maraming iling mula kay Meg. Pero nagsasabi lang naman siya ng totoo.

"Kaya okay lang na makipagrelasyon sa kahit na sinong babae? Hindi mo man lang ba inisip 'yung feelings ng mga babae'ng iniiwan mo?" tanong nito. Nakasandal na ito sa upuan at malapit nang pumikit ang mga mata.

"Alam ng mga babae na allergic ako sa commitment. Kung okay sa kanila, e di okay, kung hindi, hindi ko naman sila pinipilit. Nasa usapan 'yon. Wala pa naman akong nasasaktan sa mga naging karelasyon ko."

"'Yun siguro ang alam mo. Women tend to hide what they feel. They may be hurting but they won't let you see it. Kung may ego kayo, may ego rin kami. Minsan, ayaw naming nakikitang nasasaktan at kinaaawaan."

"Gano'n ka ba?"

"M-minsan," simple nitong sagot. "So, wala kang balak magkapamilya?"

Tiningnan niya si Meg. Unang-una, ayaw dapat siya nitong kausap dahil galit na galit ito sa kanya, pangalawa, wala ito dapat pakialam sa buhay niya. Pero ngayon, tinatanong siya nito ng mga personal na tanong.

"Pamilya? Malabo 'yon. Sarili ko nga, di ko maalagaan, pamilya pa? Kawawa lang 'yon sa 'kin."

"Ayaw mo ng responsibilidad, gano'n ba?"

"Ikaw, gusto mo? Kung gusto mo, sige, pipilitin kong gustuhin ang responsibilidad," biro niya na nakapagpakunot ng noo ni Meg. "Joke lang, ito naman. Allergic ako sa responsibilidad. Kung gusto ko 'yon, matagal na siguro 'kong nag-asawa. Baka isang dosena nang anak ko ngayon. Pamilya? Hassle 'yon. 'Di pa 'ko sawa sa buhay ko."

Tiningnan niya si Meg, seryoso ang mukha nito. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip nito nang mga oras na 'yon na magkasama sila pero sigurado siyang kung may iniisip man ito, si Neil iyon at hindi siya. Na hindi naman talaga nakapagtataka. Si Neil ang boyfriend nito, at hindi siya. Si Neil ang dapat na narito ngayon at kasama nito, hindi siya. At si Neil ang mahal nito at hindi siya.

Hindi niya mabilang kung ilang beses tumawag si Neil kay Meg nang araw na iyon. Sa umaga, sa tanghali, sa gabi. Gusto nga sana niyang tanungin kay Meg kung anu-ano ba ang pinag-uusapan nila at hindi ba ito nagsasawa sa pakikipag-usap sa kapatid niya. Kanina lang, nang nasa biyahe sila ay kausap na naman nito sa telepono si Neil. At muli, naisip niya kung gaano ka-suwerte si Neil sa buhay.

Siguro nga, mahal na mahal ni Neil si Meg kaya ganoon na lang ito kung mag-alala sa dalaga. Kaya rin siya nito pinakiusapan na alagaan si Meg hangga't naroon, at huwag itong pababayaan. May nabanggit pa ito na bantayan ang dalaga at huwag hahayaan na lumabas mag-isa. Para sa kanya, masyadong paghihigpit na iyon kay Meg, pero kung ganoon nga siguro ka-ganda ang syota niya, malamang ganoon ding paghihigpit ang gagawin niya.

At muli, napailing siya at muling naitanong sa sarili kung bakit siya napunta sa ganoong sitwasyon. Aminin man niya o hindi, ngayon na lang uli siya nahumaling sa isang babae sa tinagal-tagal ng panahon. Oo, nahumaling – hindi simple'ng atraksiyon iyon, hindi simple'ng pagkagusto lang, at sigurado siya doon. At marahil, kung hindi lang talaga iyon girlfriend ng kapatid, malamang ay katabi na niya iyon sa pagtulog nung unang gabi pa lang ng pagtapak niya sa bahay nito.

Natawa siya sa sarili. Ano ba itong naiisip niya? Maganda si Meg, walang duda. Kahit noong una niya itong nakita ay hinangaan na niya ang maamo nitong mukha at magandang hubog ng katawan. At kung iba ang sitwasyon nila, yakap na siguro na niya ito bawat minuto. Pero masyado itong suplada at madaling uminit ang ulo at hindi siya sanay sa ganoon at ayaw na ayaw niya sa lahat na siya ang sumusuyo sa babae.

Muli niyang tiningnan si Meg dahil wala na siyang narinig mula rito. Iyon pala ay nakapikit na ito, hindi niya alam kung gising pa ito o tulog na, pero hawak pa rin nito ang bote na nakapatong sa mga hita nito.

"Meg?"

Dahan-dahan niyang inalis ang bote sa kamay nito. Nakapikit pa rin ito, at unti-unti nang bumagsak ang ulo nito sa balikat niya. Kapag sinuwuwerte nga naman, hindi na niya kailangang lasingin ang dalaga at kusa na itong naglasing. Atubili niyang iniunan ang kanyang kanang braso sa ulo nito at pinagmasdan lang niya ito nang matagal.

"Pasalamat ka, syota ka ng utol ko," sabi niyang nailing.

***

MULA nang umalis sila sa resthouse nina Lalaine nang umagang iyon ay wala na silang anumang napag-usapan ni Nick. Wala sa kanila ang nangahas na nagsalita sa kabuuan ng biyahe. Tumuloy na agad siya sa kuwarto niya pagkatapos makuha ang mga gamit sa kotse. Padabog niyang inilapag ang kanyang bag sa ibabaw ng kama at dumungaw sa bintana. Gusto niyang sumigaw sa galit nang matanaw mula roon si Nick na tinitingnan ang makina ng kanyang kotse na ilang beses na nasira sa gitna ng daan.

Ano nga ba ang nangyari nang nakaraang gabi na ayaw na niyang pag-usapan pa? Wala naman talaga, except the fact that she slept with Nick on the same bed. She slept with Nick, who happens to be her boyfriend's twin brother. She slept with another man on the same bed, and strangely, she liked it. Well, that is something she doesn't like.

Sumama siya sa kanyang ina sa flowershop kaya buong maghapong silang hindi nagkita Nick Ang dahilan - ayaw muna niyang makita ang binata kaya iniwan niya ito doon sa bahay mag-isa.

Hindi niya gusto kapag tinitingnan siya nito, hindi niya gusto kapag ngumingiti ito nang walang dahilan. Hindi niya gusto kapag nagtatanong ito ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya dahil hindi niya gusto na magkakilala sila ng higit sa pagkakakilala nila ngayon. Basta, hindi niya gusto ng mga nangyayari. Pero wala naman siyang magagawa. Hangga't naroon sila, magpapatuloy ang mga pangyayari at hangga't naroon sila, mahirap iwasan na palagi itong tingnan.

At iyong nangyari kagabi, hiningi iyon ng pagkakataon. It's not as if she asked for it. And it won't happen again, never again.

"May sinabi ba kung sa'n siya nagpunta?" tanong niya kay Joan pagdating niya sa bahay nang gabing iyon nang wala pa rin si Nick. Nakahanda na ang hapunan, alas otso na ng gabi, tulog na ang nanay niya pero wala si Nick. At hindi niya alam kung saang lupalop ito nagpunta.

"Naku, ate, wala e. Basta umalis na lang, wala pong nasabi e," sagot ni Joan. Handa na itong umuwi. "S-sige po."

Nakapaligo na siya't lahat, nakapagbihis na't lahat, hindi pa rin dumarating si Nick. Naisip niyang baka umalis na ito at nakonsensiya na sa kasalanan kaya pinuntahan niya ang kuwarto nito, pero naroon pa rin ang gamit nito, naroon pa rin ang knapsack nito sa gilid ng kama. Wala siyang maisip na maaari nitong puntahan, wala naman itong kilala sa lugar nila.

At bigla niyang naalalala ang nasabi sa kanya noon ni Lalaine. Pinaalalahanan siya nito na bantayan ang binata, na hangga't maari ay huwag niyang hayaang mawala ito sa paningin niya, at kung puwede ay lagyan niya ito ng kadena at huwag nang palabasin. Marami raw babae ang nahuhumaling rito, na tinawanan lamang niya.

Ilang oras niyang sinubukang maghintay. Alas onse, alas dose, hanggang ala-una ay pabalik-balik siya sa teresa para tingnan kung dumating na ito. Naupo muna siya doon at doon nagbasa. Halos matatapos na niya ang librong binabasa nang makarinig siya ng tricyle na huminto sa tapat ng bahay nila at nakita niyang bumaba mula roon si Nick.

"O, bakit gising ka pa? Madaling-araw na, a...hinihintay mo ba 'ko?" nakangiting tanong ni Nick sa kanya. Inalis nito ang baseball cap at napansin niyang namumula ang mukha nito. Tumingin ito sa relo sa dingding ng bahay at tumingin sa kanya.

"Bakit ngayon ka lang? Bakit ka umalis nang walang paalam?" inis niyang tanong.

"E, nasaan ka ba? Nagbilin naman ako kay Joan bago ako umalis," simple nitong sagot.

"Bakit ka umalis?"

"Meg naman, ano naman ang gusto mong gawin ko dito sa bahay ninyo, tumunganga buong maghapon at magdamag?" nakangiti nitong tanong. "Tsaka p'wede ba, hindi ako si Neil, hindi ako ang boyfriend mo na puwede mong imbestigahan, okay? Binata ako, karapatan ko naman siguro'ng mag-good time."

"Saan ka nga galing?" muli niyang tanong na hindi pinansin ang sinabi ng binata.

"D'yan lang sa kakilala ko sa kabilang baranggay. Nagkayayaang mag-inuman."

"Inuman, hanggang ganitong oras?"

"Kailangan ko ba talagang sabihin sa'yo lahat ng ginawa ko? Meg, lalaki ako, may mga pangangailangan ako na wala rito at sa tingin ko naman ay hindi mo maibibigay. Ngayon, kung sasabihin mo sa akin na puwede mong ibigay ang gusto ko, aba, kahit buong maghapon at magdamag akong magmukhang tanga dito sa bahay ninyo, walang problema, wala kang maririnig mula sa akin. Kahit anong sabihin mo, susundin ko."

Bahagya siyang lumayo sa kausap. Alam niya ang ibig nitong sabihin at lalo lang siyang nainis.

"A-ang sinasabi ko lang, kung gagawa ka ng kalokohan, huwag dito sa amin. Kung maggu-good time ka, doon sa malayo dahil hangga't narito ka, hindi ikaw si Nick at kung ano man ang ginagawa mo, pangalan ni Neil ang nakataya."

"Kung magsalita ka, parang ako na lang ang palaging mali." Tumalikod si Nick at nagsindi ng sigarilyo.

"Bakit, hindi ba? Kung hindi ka nagpanggap na ikaw si Neil, wala tayong magiging problema. Magagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin at hindi kita pakikialaman. Kahit saan ka magpunta, kahit sinong babae, kahit ilang babae ang kalantariin mo, wala kang maririnig sa'kin. Pero please, bago ang mukha mo rito sa 'min, maraming tao ang makakakilala at makakakita sa'yo, makakaalam ng lahat ng mga kalokohan mo. At sa tingin mo, sinong masisira? Hindi ba si Neil? Hindi ba ako?"

"Pasensiya na, loko-loko ako e," sabi nito sabay harap sa kanya. Itinapon sa bintana ang halos buo pang sigarilyo. "Pasensiya na kung hindi ako katulad ng perpekto mong boypren."

At muli siya nitong tinalikuran at nagpunta na sa kuwarto.

~~

Continue Reading

You'll Also Like

4M 88.1K 58
Evangeline Yu went back to the Philippines only to find out that her house was sold, her sister had ran away with her money and her mother was in com...